Kabanata 74
Pinagpapala ang mga nakabasa na ng Aking mga salita at naniniwala na matutupad ang mga ito. Hindi Kita pagmamalupitan; tutuparin Ko sa iyo ang pinaniniwalaan mo. Ito ang pagpapala Kong dumarating sa iyo. Tumatama ang mga salita Ko sa natatagong mga lihim sa bawat tao; lahat ay may malulubhang sugat, at Ako ang mabuting manggagamot na nagpapagaling sa kanila: Lumapit ka lamang sa Aking presensiya. Bakit Ko sinabing sa hinaharap ay hindi na magkakaroon ng kalungkutan at wala nang mga luha? Dahil ito rito. Sa Akin, lahat ay isinasakatuparan, nguni’t sa mga tao, lahat ng bagay ay tiwali, hungkag, at mapanlinlang sa mga tao. Sa Aking presensiya, tiyak na makakamit ninyo ang lahat ng bagay, at tiyak na kapwa ninyo makikita at matatamasa ang lahat ng pagpapalang hindi mo man lang maguni-guni. Ang mga hindi lumalapit sa Akin ay talagang mapanghimagsik, at talagang yaong mga lumalaban sa Akin. Talagang hindi Ko sila palalampasin nang basta-basta; kakastiguhin Ko nang matindi ang ganitong uri ng mga tao. Tandaan mo ito! Habang mas lumalapit sa Akin ang mga tao, mas marami silang makakamit—nguni’t ito ay biyaya lamang. Kalaunan, tatanggap sila ng mas marami pang pagpapala.
Simula nang likhain ang mundo, nasimulan Ko nang paunang itadhana at piliin ang grupong ito ng mga tao, na ngayon nga ay kayo. Ang inyong pag-uugali, kakayahan, anyo, tayog, pamilya kung saan kayo isinilang, ang iyong trabaho at pag-aasawa—ang kabuuan mo, maging ang kulay ng iyong buhok at balat, at ang oras ng iyong kapanganakan—ay isinaayos lahat ng Aking mga kamay. Maging ang mga bagay na ginagawa mo at ang mga taong nasasalubong mo bawat araw ay isinaayos ng Aking mga kamay, pati na rin ang katunayang ang pagdadala sa iyo sa Aking presensiya ngayon sa totoo lang ay Aking pagsasaayos. Huwag mong guluhin ang iyong sarili; dapat magpatuloy ka nang mahinahon. Ang hinahayaan Kong matamasa mo ngayon ay isang bahagi ng nararapat sa iyo, at ito’y paunang itinadhana Ko sa paglikha ng mundo. Lahat ng tao’y napakalubha: kung hindi napakatigas ng ulo nila ay ganap silang walanghiya. Hindi nila kayang gampanan ang mga bagay-bagay ayon sa Aking plano at pagsasaayos. Huwag mo nang gawin pa ito. Sa Akin, lahat ay pinalalaya; huwag mong igapos ang sarili mo, yamang magkakaroon ng kawalan na may kinalaman sa buhay mo. Tandaan mo ito!
Maniwala ka na ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Ang ipinagpalagay ninyong mga hiwaga noong nakaraan ay lahat hayagang ibinubunyag ngayon; hindi na natatago ang mga ito (dahil nasabi Ko nang sa hinaharap ay walang mananatiling nakatago). Madalas mainipin ang mga tao; masyado silang balisang tapusin ang mga bagay at hindi isinasaalang-alang kung ano ang nasa puso Ko. Sinasanay Ko kayo upang maaari kayong makibahagi sa Aking pasanin at pamahalaan ang Aking sambahayan. Nais Kong mabilis kayong lumago upang makaya ninyong pangunahan ang inyong mga kapatid na mas bata kaysa sa inyo, at upang tayo, ang Ama at mga anak, ay hindi magtatagal at magkakasamang muli at hindi na kailanman magkakalayo. Matutugunan nito ang nais ng puso Ko. Naibunyag na ang mga hiwaga sa lahat ng tao, at walang anuman ang nananatiling nakatago: Ako—ang ganap na Diyos Mismo, na may kapwa normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos—ay naibunyag na sa harap ng inyong mga mata ngayon. Ang Aking kabuuan (kasuotan, pisikal na anyo, at hubog ng katawan) ay ang perpektong pagpapamalas ng Diyos Mismo; ito ang pagsasakatawan ng persona ng Diyos na naguni-guni na ng mga tao mula nang likhain ang mundo nguni’t wala pang nakakakita. Ang dahilan na ang Aking mga pagkilos ay katumbas ng Aking mga salita ay na umaakma sa isa’t isa ang Aking normal na pagkatao at ganap na pagka-Diyos; bukod pa rito, tinutulutan nito ang lahat ng tao na makita na ang gayong napakalakas na kapangyarihan ay nasa isang normal na tao. Yaong sa inyo ay totoong naniniwala sa Akin ay ginagawa iyon dahil binigyan Ko ang bawat isa sa inyo ng isang totoong puso upang makaya mong ibigin Ako. Kapag pinakikitunguhan Kita, binibigyang-liwanag Kita at nililiwanagan Kita, at tinutulutan Kitang makilala Ako sa pamamagitan nito. Bilang resulta, paanuman ang pakikitungo Ko sa iyo, hindi ka lalayas; sa halip, lalo’t lalo kang magiging sigurado tungkol sa Akin. Kapag ikaw ay mahina, ito rin ay pagsasaayos Ko, at tinutulutan ka nitong makita na sa sandaling iwan mo Ako ay mamamatay ka at matutuyo. Mula riyan matututuhan mo na Ako ang buhay mo. Habang nagiging malakas ka matapos maging mahina, tutulutan kang makita na ang pagiging mahina o malakas ay hindi nakasalalay sa iyo, kundi ganap na nasa sa Akin.
Lahat ng hiwaga ay ganap na nabubunyag. Sa mga gawain ninyo sa hinaharap, bibigyan Ko kayo ng Aking mga tagubilin nang paisa-isang gawain. Hindi Ako magiging malabo; Ako’y magiging lubusang malinaw at magsasalita pa nga sa inyo nang tuwiran kaya hindi na ninyo kailangang magmuni-muni sa mga bagay-bagay nang kayo lang, baka magulo pa ninyo ang Aking pamamahala. Dahil dito kaya nga paulit-ulit Kong ipinagdidiinan na wala nang anumang itatago pa magmula ngayon.