Kabanata 7
Ang pag-angat ng mga kapaligirang nakapalibot sa atin ay nagpapabilis sa ating pagbalik sa espiritu. Huwag kumilos nang may matigas na puso, na binabalewala kung ang Banal na Espiritu ay nag-aalala o hindi, at huwag magdunung-dunungan. Huwag maging kampante at masiyahan sa sarili o masyadong isipin na malaki ang iyong sariling mga paghihirap. Ang dapat lamang gawin ay sambahin ang Diyos sa espiritu at sa katotohanan. Hindi mo maaaring talikuran ang mga salita ng Diyos o magbingi-bingihan sa mga ito; kailangan mong pag-aralan nang husto ang mga ito, ulitin ang iyong mga pagbabasa nang padalangin, at unawain ang buhay sa loob ng mga salita. Huwag magsayang ng panahon sa mabilis na paglamon sa mga iyon nang hindi binibigyan ng panahon ang iyong sarili na unawain ang mga iyon. Umaasa ka ba sa mga salita ng Diyos sa lahat ng iyong ginagawa? Huwag magyabang na parang bata at pagkatapos ay malito tuwing may dumarating na problema. Kailangan mong sanayin ang iyong espiritu bawat oras ng bawat araw; huwag magpahinga ni isang sandali. Kailangang maging masigasig ang iyong espiritu. Sinumang tao o anumang pangyayari o bagay ang makakasalamuha mo, kung haharap ka sa Diyos, magkakaroon ka ng isang landas na susundan. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos araw-araw, unawain ang kahulugan ng mga ito nang hindi nagpapabaya, dagdagan pa ang pagsisikap, unawain nang tumpak ang mga bagay-bagay hanggang sa pinakahuling detalye, at sangkapan ang iyong sarili ng buong katotohanan upang maiwasan ang maling pagkaunawa sa kalooban ng Diyos. Kailangan mong lawakan ang saklaw ng iyong karanasan at tumuon sa pagdanas ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasan, higit kang makatitiyak tungkol sa Diyos; kung walang karanasan, ang pagsasabi na nakatitiyak ka tungkol sa Kanya ay puro salita lamang na walang katuturan. Kailangang maging malinaw ang ating pag-iisip! Gising! Huwag nang maging makupad; kung hinaharap mo ang mga bagay-bagay nang hindi nag-iisip, nang hindi nagpupunyaging umunlad, talagang napakabulag mo. Kailangan mong tumuon sa gawain ng Banal na Espiritu, makinig na mabuti sa tinig ng Banal na Espiritu, buksan ang iyong mga tainga sa mga salita ng Diyos, pahalagahan ang panahong natitira sa iyo, at bayaran ang halaga, anuman ito. Kapag may bakal ka, gamitin iyon kung saan makakatulong—para makagawa ng matibay na talim; unawaing mabuti kung ano ang mahalaga, at tumuon sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Kung naisantabi mo ang mga salita ng Diyos, gaano man kabuti ang ipinapakita mo, mawawalan ng katuturan ang lahat ng iyon. Ang pagsasagawa sa pamamagitan lamang ng pagsasalita ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos; ang pagbabago ay kailangang makita sa iyong ugali, disposisyon, pananampalataya, tapang at kabatiran.
Malapit na ang panahon! Kahit ang pinakamabubuting bagay sa mundong ito ay kailangang isantabi. Walang anumang mga paghihirap o panganib ang maaaring tumakot sa atin, ni hindi tayo madaraig, kahit bumagsak pa ang langit. Kung wala ang ganitong uri ng pagpapasya, mahihirapan ka talaga nang husto na magkaroon ng kabuluhan. Yaong mahihina ang loob at lubhang sabik na kumakapit sa buhay ay hindi karapat-dapat na tumayo sa harap ng Diyos.
Ang Makapangyarihang Diyos ay isang praktikal na Diyos. Gaano man tayo kamangmang, maaawa pa rin Siya sa atin, tiyak na ililigtas tayo ng Kanyang mga kamay, at gagawin pa rin Niya tayong ganap. Hangga’t may puso tayong tunay na nagnanais sa Diyos, hangga’t sumusunod tayo nang mahigpit at hindi nasisiraan ng loob, at hangga’t nagmamadali tayong maghanap, talagang hindi Niya tatratuhin ang sinuman sa atin nang hindi patas, tiyak na pupunan Niya ang pagkukulang natin, at bibigyang-kasiyahan Niya tayo. Lahat ng ito ay kabaitan ng Makapangyarihang Diyos.
Kung may isang matakaw at tamad, nabubuhay na palaging busog, at walang pakialam sa lahat ng bagay, mahihirapan silang umiwas na makaranas ng kawalan. Nangingibabaw ang Makapangyarihang Diyos sa lahat ng bagay at pangyayari! Hangga’t taos-puso natin Siyang sinasamba sa lahat ng oras at nakikipagniig tayo at nagbabahagi sa Kanya, ipapakita Niya sa atin ang lahat ng bagay na ating hinahanap, at tiyak na mabubunyag sa atin ang Kanyang kalooban. Sa gayon ay magagalak at mapapayapa ang ating puso, matatag at may perpektong kalinawan. Mahalagang makayang kumilos alinsunod sa Kanyang mga salita. Ang makaya lamang na unawain ang Kanyang kalooban at mabuhay nang nakaasa sa Kanyang mga salita ang itinuturing na tunay na karanasan.
Kung nauunawaan natin ang mga salita ng Diyos, saka lamang makakapasok ang katotohanan ng mga salita ng Diyos sa ating kalooban at magiging ating buhay. Kung walang anumang praktikal na karanasan, paano ka makakapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos? Kung hindi mo matanggap ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay, hindi magbabago ang iyong disposisyon.
Napakabilis ng pag-unlad ng gawain ng Banal na Espiritu! Kung hindi ka susunod nang husto at tatanggap ng pagsasanay, mahihirapan kang sumabay sa bilis na pagsulong ng Banal na Espiritu. Magmadali at gumawa ng radikal na pagbabago, kung hindi ay matatapakan ka ni Satanas at papasok ka sa lawa ng apoy at asupre na hindi mo matatakasan. Humayo ka na, at maghanap sa abot ng iyong makakaya, nang sa gayon ay hindi ka maiwaksi.