Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita
Sa panahong ito, maraming taong hindi pumapansin sa mga aral na dapat matutunan habang nakikipag-ugnayan sa iba. Natuklasan Ko na marami sa inyo ang hindi man lamang matuto ng mga aral habang nakikipag-ugnayan sa iba; karamihan sa inyo ay nakapagkit sa sarili ninyong mga pananaw. Kapag gumagawa sa iglesia, sinasabi mo ang gusto mong sabihin at sinasabi ng iba pa ang gusto nila, at walang kaugnayan ang isa sa isa pa; ni hindi ka aktwal na tumutulong. Kayong lahat ay masyadong nakatuon sa pagpapaabot lamang ng sarili ninyong mga kabatiran o sa pagpapalaya ng mga “bigat” na dala ninyo sa inyong kalooban, nang hindi naghahangad ng buhay kahit sa pinakamaliit na paraan. Mukhang ginagawa mo lamang ang gawain nang walang gana, laging naniniwala na dapat kang tumahak sa sarili mong landas anuman ang sabihin o gawin ng iba; iniisip mong dapat kang magbahagi ayon sa paggabay sa iyo ng Banal na Espiritu, anuman ang sitwasyon ng iba. Hindi ninyo nagagawang tuklasin ang mga kalakasan ng iba, at ni hindi rin ninyo kayang suriin ang inyong sarili. Ang pagtanggap ninyo sa mga bagay-bagay ay talagang lihis at mali. Masasabi na kahit ngayon ay madalas pa rin kayong magmagaling, na para bang nagbalik kayo sa dating sakit na iyon. Hindi kayo nakikipag-usap sa isa’t isa sa isang paraang lubos na hayagan, halimbawa, tungkol sa uri ng kinalabasang natamo ninyo sa paggawa sa ilang iglesia, o tungkol sa kundisyon ng iyong kalooban kamakailan, at iba pa; sadyang hindi kayo nag-uusap kailanman tungkol sa gayong mga bagay. Talagang hindi kayo lumalahok sa mga pagsasagawa tulad ng pagbitaw sa sarili ninyong mga haka-haka o pagtalikod sa inyong sarili. Iniisip lamang ng mga lider at manggagawa kung paano mapapanatiling hindi negatibo ang kanilang mga kapatid at kung paano nila magagawang sumunod nang masigla. Gayunman, iniisip ninyong lahat na sapat nang sumunod lamang nang masigla, at higit sa lahat, hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng kilalanin ang inyong sarili at talikdan ang inyong sarili, lalong hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng maglingkod sa pakikipag-ugnayan sa iba. Iniisip lamang ninyo na loobin ninyo mismong suklian ang Diyos sa Kanyang pagmamahal, na loobin ninyo mismong isabuhay ang estilo ni Pedro. Maliban sa mga bagay na ito, wala na kayong iba pang iniisip. Sinasabi pa ninyo na, anuman ang gawin ng ibang mga tao, hindi ka pikit-matang magpapasakop, at na anumang klase ang mga tao, hahanapin mo mismo ang pagpeperpekto ng Diyos, at magiging sapat na iyon. Gayunman, ang totoo ay hindi matibay na naipahayag ang iyong kagustuhan sa anumang paraan sa realidad. Hindi ba lahat ng ito ang uri ng pag-uugaling ipinapakita ninyo sa panahong ito? Mahigpit na kumakapit ang bawat isa sa inyo sa sarili ninyong kabatiran, at hangad ninyong lahat na magawang perpekto. Nakikita Ko na nakapaglingkod kayo sa loob ng napakatagal na panahon nang walang gaanong nagawang pag-unlad; lalo na, sa aral na ito ng pagtutulungan nang may pagkakaisa, wala talaga kayong nakamit na anuman! Kapag nagpupunta sa mga iglesia nangungusap ka sa sarili mong paraan, at nangungusap ang iba sa kanilang paraan. Bihirang magkaroon ng pagtutulungang may pagkakaisa, at mas totoo pa nga ito sa mga alagad na nakakababa sa iyo. Ibig sabihin, bihirang maunawaan ng sinuman sa inyo kung ano ang paglilingkod sa Diyos, o kung paano dapat maglingkod ang isang tao sa Diyos. Naguguluhan kayo at itinuturing ninyong maliliit na bagay ang ganitong uri ng aral. Maraming tao pa ngang hindi lamang bigong isagawa ang aspetong ito ng katotohanan, kundi sadya ring gumagawa ng mali. Kahit ang mga naglingkod na nang maraming taon ay nag-aaway-away at nagpaplano laban sa isa’t isa at naiinggit at nakikipagkumpitensya; kanya-kanya sila, at ni hindi sila nagtutulungan. Hindi ba kumakatawan ang lahat ng bagay na ito sa inyong aktwal na tayog? Kayong mga tao na sama-samang naglilingkod araw-araw ay parang mga Israelita, na direktang naglingkod sa Diyos Mismo araw-araw sa templo. Paano nangyari na kayong mga tao, na naglilingkod sa Diyos, ay walang ideya kung paano mag-ugnayan o paano maglingkod?
Noon, direktang naglingkod kay Jehova ang mga Israelita sa templo, at mayroon silang pagkakakilanlan ng mga saserdote. (Siyempre, hindi lahat ng tao ay isang saserdote; ilan lamang na mga naglingkod kay Jehova sa templo ang may ganoong pagkakakilanlan.) Magsusuot sila ng mga koronang ipinagkaloob sa kanila ni Jehova (nangangahulugang ginawa nila ang mga koronang ito ayon sa mga hinihingi ni Jehova; hindi sa ibinigay ni Jehova nang direkta sa kanila ang mga korona). Magsusuot din sila ng mga balabal na pang-saserdote na ipinagkaloob sa kanila ni Jehova at direkta Siyang paglilingkuran sa templo, nang nakayapak, mula umaga hanggang gabi. Ang paglilingkod nila kay Jehova ay hindi padaskul-daskol ni anuman, at hindi ito kinapalooban ng pikit-matang pagmamadali parito’t paroon; sa halip, ginawa ang lahat ng ito ayon sa mga tuntunin na hindi malalabag ng sinumang direktang naglilingkod sa Kanya. Kinailangan nilang lahat na sumunod sa mga alituntuning ito; kung hindi, pagbabawalan silang pumasok sa templo. Kung mayroong isa sa kanilang lumabag sa mga tuntunin ng templo—iyon ay, kung may sinumang sumuway sa mga utos ni Jehova—ang taong iyon ay kinailangang tratuhin ayon sa mga batas na inilabas Niya, at walang sinuman ang pinayagang tumutol dito o protektahan ang lumabag. Gaano man karaming taon na silang nakapaglingkod sa Diyos, kinailangang sumunod ang lahat sa mga tuntunin. Dahil dito, napakaraming saserdote ang nagsuot ng mga balabal na pang-saserdote at tuluy-tuloy na naglingkod kay Jehova sa ganitong paraan, buong taon, kahit na hindi Niya sila nabigyan ng anumang natatanging pagtrato. Igugugol pa nga nila ang buong buhay nila sa harap ng altar at sa templo. Ito ay isang pagpapakita ng kanilang katapatan at pagpapasakop. Hindi na nakapagtatakang ipinagkaloob ni Jehova ang maraming pagpapala sa kanila; dahil sa kanilang katapatan kung kaya’t tumanggap sila ng pagtatangi at nakita ang lahat ng gawa ni Jehova. Noon, nang gumawa si Jehova sa Israel kasama ng Kanyang mga hinirang na tao, mabibigat ang mga hiningi Niya sa kanila. Lahat sila ay napakamasunurin at napigilan ng mga batas; nagsilbi ang mga batas na ito upang pangalagaan ang kakayahan nilang matakot kay Jehova. Ang lahat ng ito ay mga atas administratibo ni Jehova. Kung mayroong sinuman sa mga saserdoteng iyon na hindi ipinangilin ang Sabbath o na lumabag sa mga utos ni Jehova, at kung natuklasan ang mga ito ng mga karaniwang tao, agad na dadalhin ang taong iyon sa harap ng altar at babatuhin hanggang mamatay. Hindi pinayagan ang mga bangkay na iyon na mailagay sa loob o sa paligid ng templo; hindi iyon pinayagan ni Jehova. Ang sinumang gumawa noon ay ituturing na isang taong naghahandog ng “mga sekular na alay,” at itatapon sa isang malaking hukay at papatayin. Siyempre, ang lahat ng ganoong tao ay mawawalan ng buhay; walang matitira. Mayroon pa nga yaong mga naghandog ng “sekular na apoy”; sa ibang salita, ang mga taong hindi nag-alay sa mga araw na inilaan ni Jehova ay susunugin ng Kanyang apoy kasama ng kanilang mga alay, na hindi pinayagang manatili sa altar. Ang mga hinihingi sa mga saserdote ay ang mga sumusunod: Hindi sila pinayagang pumasok sa templo, o kahit sa panlabas na bakuran nito, nang hindi muna naghuhugas ng mga paa nila; hindi sila maaaring pumasok sa templo maliban kung suot ang kanilang mga balabal na pang-saserdote; hindi sila maaaring pumasok sa templo maliban kung suot nila ang kanilang mga koronang pang-saserdote; hindi sila maaaring pumasok sa templo kung narumihan ng isang bangkay; hindi sila maaaring pumasok sa templo pagkatapos hawakan ang kamay ng isang di-matuwid na tao, maliban kung hinugasan muna nila ang sarili nilang mga kamay; at hindi sila maaaring pumasok sa templo pagkatapos dungisan ang kanilang mga sarili sa piling ng mga babae (sa loob ng tatlong buwan, hindi magpakailanman), ni pinayagan silang makita ang mukha ni Jehova. Kapag tapos na—nangangahulugang pagkatapos lamang ng tatlong buwan saka sila papayagang magsuot ng malilinis na balabal na pang-saserdote—kailangan muna silang maglingkod sa panlabas na bakuran nang pitong araw bago sila maaaring pumasok sa templo upang makita ang mukha ni Jehova. Pinahintulutan silang magsuot ng alinman sa mga damit pang-saserdote na ito sa loob lamang ng templo, at hindi kailanman sa labas, upang iwasang madungisan ang templo ni Jehova. Kailangang dalhin ng lahat ng saserdoteng yaon ang mga kriminal na lumabag sa mga batas ni Jehova sa harap ng altar Niya, kung saan sila papatayin ng mga karaniwang tao; kung hindi, magliliyab ang saserdoteng nakasaksi sa krimen. Kaya, walang-maliw silang naging tapat kay Jehova, dahil ang mga batas Niya ay napakahigpit sa kanila, at talagang hindi sila mangangahas kailanman na basta-bastang labagin ang mga atas administratibo Niya. Naging tapat ang mga Israelita kay Jehova sapagkat nakita na nila ang Kanyang ningas, at nakita ang kamay na ginamit Niya upang kastiguhin ang mga tao, at dahil dati na rin silang nagkimkim ng isang pusong may takot sa Kanya. Kaya, ang natamo nila ay hindi lamang ang ningas ni Jehova, kundi ang Kanyang pangangalaga, ang Kanyang pag-iingat, at ang Kanyang mga pagpapala. Ang katapatan nila ay na sinunod nila ang mga salita ni Jehova sa lahat ng kanilang mga pagkilos, at walang sumuway. Kung may anumang pagsuway na magaganap, isasakatuparan pa rin ng iba ang mga salita ni Jehova, papatayin ang sinumang sumuway kay Jehova, at hindi itatago sa Kanya ang taong iyon sa anumang paraan. Yaong mga lumabag sa Sabbath, yaong mga nagkasala ng pakikipagtalik sa marami, at yaong mga nagnakaw ng mga handog kay Jehova ay parurusahan nang may partikular na kabagsikan. Ang mga lumabag sa Sabbath ay binato nila (ng mga karaniwang tao) hanggang mamatay, o sila ay nilatigo hanggang mamatay, nang walang pagtatangi. Yaong mga nakiapid—maging yaong mga nagnasa sa magagandang babae o nagkaroon ng mahahalay na kaisipan nang makakita ng masasamang babae, o na nagkaroon ng pagnanasa nang makakita ng mga dalaga—ay lahat papatayin. Kung may sinumang dalagang hindi nagsuot ng takip o belo ang tumukso sa isang lalaki tungo sa ipinagbabawal na asal, papatayin ang babaeng iyon. Kung ang lalaki ay isang saserdote (isang naglingkod sa templo) na lumabag sa ganitong uri ng mga batas, ipapako siya sa krus o bibitayin. Walang ganoong tao ang papayagang mabuhay, at wala ni isa ang makakakuha ng pagtatangi sa harap ni Jehova. Ang mga kaanak ng ganitong uri ng lalaki ay hindi papayagang maghandog ng mga alay kay Jehova sa harap ng altar sa loob ng tatlong taon pagkatapos niyang mamatay, ni papayagan silang makibahagi sa mga alay na iginawad ni Jehova sa mga karaniwang tao. Pagkatapos lamang ng panahong iyon saka sila maaaring maglagay ng magandang klase ng baka o tupa sa altar ni Jehova. Kung may iba pang mga paglabag na nagawa, kailangan silang mag-ayuno sa harap ni Jehova nang tatlong araw, nang nagsusumamo para sa Kanyang biyaya. Sinamba nila si Jehova hindi lamang dahil napakabagsik at napakahigpit ng mga batas Niya; ginawa nila ito bilang resulta ng Kanyang biyaya at ng kanilang katapatan sa Kanya. Dahil dito, hanggang ngayon, nananatili silang ganoon pa rin katapat sa kanilang paglilingkod, at hindi sila kailanman umurong sa kanilang pagsusumamo kay Jehova. Sa mga araw na ito, tumatanggap pa rin ang mga tao ng Israel ng Kanyang pangangalaga at pag-iingat, at Siya pa rin ang biyayang kasama nila, patuloy na laging kasama nila. Alam nilang lahat kung paano nila dapat katakutan si Jehova, at paano nila Siya dapat paglingkuran, at alam nilang lahat kung paano sila dapat kumilos upang matanggap ang Kanyang pangangalaga at pag-iingat; ito ay dahil Siya’y kinatatakutan nilang lahat sa kanilang puso. Ang lihim sa tagumpay ng lahat ng kanilang paglilingkod ay walang iba kundi pagkatakot. Kaya, ano ang katulad ninyong lahat ngayong mga araw na ito? Mayroon ba kayong anumang pagkakatulad sa mga tao ng Israel? Iniisip mo bang ang paglilingkod sa mga araw na ito ay gaya ng pagsunod sa pamumuno ng isang dakilang espirituwal na tao? Sadyang wala kayong anumang katapatan o pagkatakot. Tumatanggap kayo ng maraming biyaya, at katumbas ng mga saserdoteng Israelita dahil lahat kayo ay direktang naglilingkod sa Diyos. Bagama’t hindi kayo pumapasok sa templo, ang natatanggap ninyo at ang nakikita ninyo ay higit na mas marami kaysa mga natanggap ng mga saserdoteng naglingkod kay Jehova sa templo. Subalit, naghihimagsik kayo at lumalaban nang mas maraming ulit kaysa ginawa nila. Napakaliit ng inyong pusong may takot, at bilang resulta, tumatanggap kayo ng kakarampot na biyaya. Bagama’t napakaliit ng inilalaan ninyo, nakatanggap na kayo ng higit na mas marami kaysa mga Israelitang iyon. Sa lahat ng ito, hindi ba kayo pinakikitunguhan nang may kabaitan? Habang ginagawa ang gawain sa Israel, hindi nangahas ang mga taong hatulan si Jehova kung paano nila gusto. Ngunit, paano kayo? Kung hindi lamang alang-alang sa gawaing kasalukuyan Kong ginagawa upang lupigin kayo, paano Ko matitiis ang napakapangahas na pagdadala ninyo ng kahihiyan sa Aking pangalan? Kung ang kapanahunan kung kailan kayo nabubuhay ay ang Kapanahunan ng Kautusan, dahil sa inyong mga salita at kilos, wala ni isa sa inyo ang mananatiling buhay. Napakaliit ng taglay ninyong pusong may takot! Palagi ninyong isinisisi sa Akin kung bakit hindi kayo napagkalooban ng malaking pagtatangi, at sinasabi pa ninyo na hindi Ko kayo binibigyan ng sapat na mga salita ng pagpapala, at na mga sumpa lamang ang mayroon Ako para sa inyo. Hindi ba ninyo alam na kapag napakaliit ng taglay ninyong pusong may takot sa Akin, imposibleng tumanggap kayo ng Aking mga pagpapala? Hindi ba ninyo alam na palagi Kong isinusumpa at hinahatulan kayo dahil sa kaawa-awang kalagayan ng inyong paglilingkod? Nararamdaman ba ninyong lahat na nagawan kayo ng hindi mabuti? Paano Ko maigagawad ang mga pagpapala Ko sa isang pangkat ng mga taong mapanghimagsik at hindi nagpapasakop? Paano Ko basta maigagawad ang biyaya Ko sa mga taong sumisira sa dangal ng Aking pangalan? Napakitunguhan na kayo nang may napakalaking kabaitan. Kung naging kasingmapanghimagsik ninyo ngayon ang mga Israelita, nilipol Ko na sana sila noon pa. Subalit, pinakikitunguhan Ko kayo nang may walang anuman kundi kaluwagan. Hindi ba ito kabaitan? Nagnanais ba kayo ng higit na mga pagpapala kaysa rito? Pinagpapala lamang ni Jehova yaong mga may takot sa Kanya. Kinakastigo Niya ang mga taong naghihimagsik laban sa Kanya, hindi kailanman pinapatawad ni isa sa kanila. Kayo bang mga tao ngayon, na hindi alam kung paano maglingkod, ay hindi mas nangangailangan ng pagkastigo at paghatol, upang ganap na mabago ang mga puso ninyo? Hindi ba’t ang ganoong pagkastigo at paghatol ang pinakamagagandang uri ng mga pagpapala na ipagkaloob sa inyo? Hindi ba’t ang mga ito ang pinakamainam ninyong proteksyon? Kung wala ang mga ito, mayroon ba sa inyo na makakayang tiisin ang sumusunog na apoy ni Jehova? Kung kaya ninyo talagang maglingkod nang kasingtapat ng mga Israelita, hindi ba ninyo palaging magiging kasama ang biyaya? Hindi rin ba kayo palaging magkakaroon ng kaligayahan at sapat na pagtatangi? Alam ba ninyong lahat kung paano kayo dapat maglingkod?
Ang hinihingi sa inyo ngayon—magtulungan nang may pagkakaisa—ay katulad ng paglilingkod na hiningi ni Jehova sa mga Israelita: Kung hindi, tumigil na lang kayo sa paglilingkod. Dahil kayo ay mga taong tuwirang naglilingkod sa Diyos, kailangan ay mayroon man lang kayong kakayahang maging tapat at magpasakop sa inyong paglilingkod, at kailangan din kayong matuto ng mga aral sa praktikal na paraan. Lalo na para sa inyo na gumagawa sa iglesia, mangangahas ba ang sinuman sa mga kapatid na nakakababa sa inyo na iwasto kayo? Mangangahas ba ang sinuman na sabihin sa inyo nang harapan ang mga pagkakamali ninyo? Nakatataas kayo sa lahat ng iba pa; namumuno nga kayo bilang mga hari! Ni hindi nga kayo nag-aaral o pumapasok sa ganitong mga uri ng praktikal na mga aral, subalit nagsasalita pa rin kayo tungkol sa paglilingkod sa Diyos! Sa kasalukuyan, hinihilingan kang mamuno sa ilang iglesia, ngunit hindi mo lamang hindi isinusuko ang iyong sarili, kundi kumakapit ka pa sa sarili mong mga haka-haka at opinyon, na nagsasabi ng mga bagay na gaya ng, “Sa tingin ko dapat gawin ang bagay na ito sa ganitong paraan, dahil sinabi na ng Diyos na hindi tayo dapat pigilan ng iba at na sa mga panahong ito ay hindi tayo dapat magpasakop nang pikit-mata.” Samakatuwid, bawat isa sa inyo ay kumakapit sa sarili ninyong opinyon, at walang sinumang sumusunod sa isa’t isa. Bagama’t malinaw ninyong alam na hindi sumusulong ang inyong paglilingkod, sinasabi pa rin ninyo, “Sa nakikita ko, hindi nalalayo ang paraan ko sa nararapat. Ano’t anuman, may panig ang bawat isa sa atin: Magsalita ka tungkol sa panig mo, at magsasalita ako tungkol sa akin; magbahagi ka tungkol sa mga pangitain mo, at magsasalita ako tungkol sa aking pagpasok.” Hindi ninyo kailanman inaako ang responsibilidad para sa maraming bagay na dapat iwasto, o sadyang hinahayaan lamang ninyo, ibinubulalas lamang ng bawat isa sa inyo ang sarili ninyong mga opinyon at maingat na pinoprotektahan ang sarili ninyong katayuan, reputasyon, at kahihiyan. Walang sinuman sa inyo ang handang magpakumbaba, at alinmang panig ay hindi magkukusang isuko ang sarili at magpuno sa mga pagkukulang ng isa’t isa upang mas mabilis na umunlad ang buhay. Kapag sama-sama kayong nag-uugnayan, dapat kayong matutong maghangad ng katotohanan. Maaari ninyong sabihing, “Hindi malinaw ang pagkaunawa ko sa aspetong ito ng katotohanan. Ano ang karanasan mo rito?” O, maaari mong sabihing, “Mas marami kang karanasan kaysa sa akin sa aspetong ito; maaari mo ba akong gabayan nang kaunti?” Hindi ba iyon magandang paraan ng pagtrato roon? Nakinig na kayo sa maraming sermon, at may kaunting karanasan sa paglilingkod. Kung hindi kayo natututo sa isa’t isa, nagtutulungan, at nagpupuno sa mga pagkukulang ng isa’t isa kapag gumagawa kayo ng gawain sa mga iglesia, paano kayo matututo ng mga aral? Tuwing may nakakaharap kayong anuman, dapat kayong magbahaginan sa isa’t isa upang makinabang ang buhay ninyo. Bukod pa roon, dapat kayong magbahaginang mabuti tungkol sa lahat ng uri ng bagay bago gumawa ng anumang mga desisyon. Sa paggawa lamang nito kayo umaako ng responsibilidad para sa iglesia sa halip na kumilos lang nang walang interes. Matapos ninyong bisitahin ang lahat ng iglesia, dapat kayong magtipun-tipon at magbahaginan tungkol sa lahat ng isyung natutuklasan ninyo at anumang mga problemang naranasan ninyo sa inyong gawain, at pagkatapos ay dapat kayong mag-usap-usap tungkol sa kaliwanagan at pagtanglaw na inyong natanggap—kailangang-kailangan ang pagsasagawang ito ng paglilingkod. Kailangan kayong magtulungan nang maayos para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa kapakinabangan ng iglesia, at upang hikayating sumulong ang inyong mga kapatid. Dapat kayong makipag-ugnayan sa isa’t isa, na bawat isa’y sinususugan ang iba at humahantong sa mas magandang resulta ng gawain, upang maalagaan ang kalooban ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at ang mga gumagawa lamang nito ang magtatamo ng tunay na pagpasok. Habang nagtutulungan, maaaring hindi naaangkop ang ilan sa mga salitang sinasabi mo, ngunit hindi iyon mahalaga. Magbahaginan kayo tungkol doon kalaunan, at magtamo ng malinaw na pagkaunawa rito; huwag itong kaligtaan. Pagkatapos ng ganitong uri ng pagbabahaginan, mapupunan ninyo ang mga pagkukulang ng inyong mga kapatid. Kapag mas nilaliman ninyo nang ganito ang pagkilos sa inyong gawain, at saka kayo magtatamo ng mas magagandang resulta. Bawat isa sa inyo, bilang mga taong naglilingkod sa Diyos, ay kailangang maipagtanggol ang mga interes ng iglesia sa lahat ng inyong ginagawa, sa halip na isipin lamang ang sarili ninyong mga interes. Hindi katanggap-tanggap na kumilos nang mag-isa, na sinisiraan ang bawat isa. Ang mga taong gayon ang ugali ay hindi angkop na maglingkod sa Diyos! Ang gayong mga tao ay may napakasamang disposisyon; wala sila ni katiting na pagkamakatao. Siyento por siyentong Satanas ang mga iyon! Mga hayop sila! Kahit ngayon, nangyayari pa rin sa inyo ang gayong mga bagay; inaatake pa ninyo ang isa’t isa kapag nagbabahaginan kayo, at sadyang naghahanap ng mga dahilan at namumula ang buong mukha habang pinagtatalunan ninyo ang isang maliit na bagay, ayaw kalimutan ng sinuman sa inyo ang inyong sarili, ikinukubli sa isa’t isa ang mga iniisip nila, masusing pinanonood ang kabilang panig at laging nakahanda. Angkop bang maglingkod sa Diyos ang ganitong uri ng disposisyon? Kaya ba ng gawaing tulad ng sa iyo na tustusan ng anuman ang iyong mga kapatid? Hindi mo lamang hindi nagagabayan ang mga tao patungo sa tamang landas ng buhay, kundi ikinikintal mo pa ang sarili mong mga tiwaling disposisyon sa iyong mga kapatid. Hindi mo ba sinasaktan ang iba? Ang sama-sama at bulok na bulok ng konsiyensya mo! Hindi ka pumapasok sa realidad, ni hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Dagdag pa riyan, hindi ka na nahiyang ipakita sa iba ang iyong likas na kademonyohan. Hindi ka talaga marunong mahiya! Ipinagkatiwala na sa iyo ang mga kapatid na ito, subalit dinadala mo sila sa impiyerno. Hindi ka ba isang taong bulok na ang konsiyensya? Wala ka talagang hiya!