Pagsasagawa 8

Hindi pa rin ninyo nauunawaan ang iba’t ibang aspeto ng katotohanan, at mayroon pa ring ilang pagkakamali at mga paglihis sa inyong pagsasagawa; sa maraming larangan, namumuhay kayo sa inyong mga kuru-kuro at guni-guni, hindi kailanman nagagawang maunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung kaya’t kailangan pa ring gabayan ang mga tao sa pagpasok sa tamang landas; sa ibang pananalita, upang magawa nilang ayusin ang kanilang pantao at espirituwal na mga buhay, isagawa ang dalawang aspeto, at nang hindi kailanganing suportahan o gabayan sila nang madalas. Sa gayon lamang nila tataglayin ang tunay na tayog. At kahit na walang sinumang gumabay sa iyo sa hinaharap, magagawa mo pa ring makaranas nang mag-isa. Sa kasalukuyan, kung makarating ka sa pagkaunawa sa kung aling mga aspeto ng katotohanan ang mahalaga at kung alin ang hindi, sa hinaharap, magagawa mong makapasok sa realidad. Sa kasalukuyan, kayo ay inaakay patungo sa tamang landas, tinutulutan kayong maunawaan ang maraming katotohanan, at sa hinaharap ay magagawa ninyong mas magpakalalim pa. Maaaring sabihing ang ipinauunawa sa mga tao ngayon ay ang pinakadalisay na paraan. Sa kasalukuyan, ikaw ay dinadala sa tamang landas—at kung, isang araw, walang sinuman ang gagabay sa iyo, magsasagawa ka at susulong nang mas malalim ayon sa landas na ito na pinakadalisay sa lahat. Ngayon, ipinauunawa sa mga tao kung aling mga uri ng pagsasagawa ang tama at alin ang mga lihis. Pagkatapos maunawaan ang mga bagay na ito, sa hinaharap, ang kanilang mga karanasan ay lalalim. Sa kasalukuyan, ang mga kuru-kuro, mga guni-guni at mga paglihis sa inyong pagsasagawa ay binabaligtad, at ang landas ng pagsasagawa at pagpasok ay ibinubunyag sa inyo, pagkatapos nito ay magwawakas ang yugto ng gawaing ito, at sisimulan ninyong tahakin ang landas na nararapat sa inyong mga tao. Pagkatapos ay magwawakas ang Aking gawain, at mula sa puntong iyon ay hindi na kayo makikipagkita sa Akin. Sa kasalukuyan, ang inyong tayog ay kulang na kulang pa rin. Maraming paghihirap ang lumilitaw mula sa kalikasang diwa ng tao, at kaya mayroon ding ilang bagay na nakaugat nang malalim na hindi pa nahuhukay. Hindi ninyo nauunawaan ang mas maliliit na detalye ng kalikasang diwa ng mga tao, at kailangan pa rin Ako para tukuyin ang mga ito; kung hindi, hindi ninyo ito makikilala. Kapag ito ay nakaabot sa isang partikular na punto kung saan ang mga bagay sa loob ng inyong mga buto at dugo ay nailantad, ito ang kinikilala bilang pagkastigo at paghatol. Wawakasan ko ang Aking gawain kapag ito ay ganap at lubos nang naisagawa. Kapag nalantad nang mas matindi ang kakanyahan ng inyong katiwalian, mas maraming kaalaman ang inyong tataglayin, at ito ay magiging napakahalaga sa inyong pagpapatotoo at pagkaperpekto sa hinaharap. Matatapos lamang ang Aking gawain kapag ang gawain ng pagkastigo at paghatol ay lubos nang naisagawa, at makikilala ninyo Ako mula sa Aking pagkastigo at paghatol. Hindi lamang ang Aking disposisyon at pagkamatuwid ang inyong makikilala, ngunit, ang mas mahalaga, makikilala ninyo ang Aking pagkastigo at paghatol. Marami sa inyo ang mayroong malawak na kuru-kuro tungkol sa pagiging bago at pagiging detalyado na naitatampok sa Aking gawain. Ano’t anuman, kailangan ninyong makita na ang Aking gawain ay bago at detalyado, at tinuturuan Ko kayong magsagawa nang harap-harapan, nang inaakay kayo. Tanging ito ang kapaki-pakinabang sa inyong pagsasagawa at sa inyong kakayahang manindigan sa hinaharap; kung hindi, kayo ay magiging kagaya ng mga dahon sa taglagas, lanta, naninilaw at tuyo, at wala ni kaunting halaga. Dapat ninyong malaman na nalalaman Ko ang lahat ng nasa inyong mga puso at mga espiritu; at dapat ninyong malaman na ang gawain na Aking ginagawa at ang mga salita na Aking sinasabi ay lubos na napakabanayad. Batay sa inyong disposisyon at kakayahan, sa ganitong paraan kayo dapat pangasiwaan. Tanging sa ganitong paraan magiging mas malinaw ang inyong kaalaman ukol sa Aking pagkastigo at paghatol, at kahit na hindi mo nalalaman ngayon, malalaman mo ito bukas. Ang sinumang nilikha ay dapat mabuwal sa gitna ng Aking mga salita ng pagkastigo at paghatol, sapagkat hindi Ko pinahihintulutan ang paglaban ng sinumang tao sa Akin.

Kailangan ninyong lahat na makatwirang ayusin ang inyong sariling mga buhay. Ang bawat araw ay maaari ninyong ayusin kung paano man ninyo naisin; malaya kayong gawin anuman ang inyong ibigin; maaari kayong magbasa ng mga salita ng Diyos, makinig ng mga himno o mga sermon, o magsulat ng talang pangdebosyon; at kung gugustuhin ninyo, maaari kayong magsulat ng mga himno. Ang lahat ba ng ito ay hindi bumubuo ng isang angkop na buhay? Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat nakapaloob sa buhay ng tao. Ang mga tao ay dapat mabuhay nang natural; maituturing lamang sila na pumasok sa normal na buhay kapag inani na nila ang bunga ng kanilang normal na pagkatao at espirituwal na mga buhay. Sa kasalukuyan, hindi lamang pagdating sa pagkatao ka nagkukulang sa kabatiran at katwiran. Marami ring pangitain na dapat malaman na dapat taglayin ng mga tao, at anumang aral ang iyong masalubong, iyon ang aral na dapat mong matutunan; kailangan mong makayanang makibagay sa kapaligiran. Ang pagpapaunlad sa antas ng iyong edukasyon ay kailangang gawin nang pangmatagalan upang ito ay maging mabunga. Mayroong ilang bagay na dapat mong taglayin sa iyong sarili para sa isang normal na buhay ng tao, at kailangan mo ring maunawaan ang iyong buhay pagpasok. Ngayon, marami ka nang naunawaan sa mga salita ng Diyos—binabasang muli ang mga ito ngayon—na hindi mo naunawaan noon, at lalong naging matatag ang iyong puso. Ang mga ito rin ay mga bungang iyong nakamit. Sa anumang araw na kumain at uminom ka ng mga salita ng Diyos at mayroong kaunting pag-unawa sa loob mo, maaari kang makipagniig sa iyong mga kapatid nang malaya. Hindi ba ito ang buhay na dapat ay mayroon ka? Minsan, may ilang katanungang ibinibigay, o nagninilay ka tungkol sa isang paksa, at pinapahusay ka nito sa pagkilala, at nagbibigay sa iyo ng mas maraming kabatiran at karunungan, nagtutulot sa iyo na maunawaan ang ilang mga katotohanan—at hindi ba ito ang nilalaman ng espirituwal na buhay na tinatalakay ngayon? Hindi katanggap-tanggap na magsagawa lamang ng isang aspeto ng espirituwal na buhay; ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang pananalangin, at pag-awit ng mga himno ang mga bumubuong lahat sa espirituwal na buhay, at kapag mayroon kang espirituwal na buhay, kailangan ka ring magkaroon ng buhay ng normal na pagkatao. Sa kasalukuyan, karamihan sa mga sinasabi ay para bigyan ang mga tao ng katwiran at kabatiran, para tulutan sila na taglayin ang isang buhay ng normal na pagkatao. Ang kahulugan ng pagkakaroon ng kabatiran; ang kahulugan ng pagkakaroon ng normal na personal na pakikipag-ugnayan sa ibang tao; kung paano ka dapat makisalamuha sa mga tao—dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at ang kinakailangan mula sa iyo ay matatamo sa pamamagitan ng normal na pagkatao. Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga bagay na kailangan mong isangkap, at huwag kang lalabis sa kung ano ang nararapat; ginagamit ng ilang tao ang lahat ng uri ng salita at bokabularyo, at sa ganitong paraan sila ay nagmamayabang ng kanilang mga pang-akit. At ang iba ay nagbabasa ng lahat ng uri ng aklat, kung saan nagpapakasaya sila sa mga pagnanasa ng laman. Pinag-aaralan pa nila at tinutularan ang mga talambuhay at mga panipi ng mga tinaguriang dakilang tao ng mundo, at nagbabasa ng mga aklat na may pornograpiya—ito ay lalong nakakatawa! Ang mga taong kagaya nito ay hindi lamang sa hindi nalalaman ang landas sa buhay pagpasok, higit pa rito, hindi nila nalalaman ang gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ni hindi nila nalalaman kung paano gugulin ang bawat araw. Ganyan ang buhay nilang hungkag! Sila ay ganap na mangmang ukol sa kung ano ang mga dapat nilang pasukin. Ang tanging ginagawa nila ay magsalita at makipag-usap sa iba, na para bang ang pagsasalita ay kahalili ng kanilang sariling pagpasok. Wala ba silang kahihiyan? Ito ang mga taong hindi nalalaman kung paano mabuhay, at hindi nauunawaan ang buhay ng tao; ginugugol nila ang buong maghapon sa pagpapaganda ng kanilang mga mukha, at paggawa ng walang katuturang mga bagay—anong halaga ng pamumuhay sa ganitong paraan? Nakita Ko na para sa maraming tao, bukod sa pagtatrabaho, pagkain, at pagsusuot ng damit, ang kanilang mahalagang oras ay pinupunan sa kabilang banda ng walang halagang mga bagay, maging ito man ay pakikipagkatuwaan o pakikipaglokohan, pakikipagtsismisan, o pagtulog maghapon. Ito ba ang buhay ng isang banal? Ito ba ang buhay ng isang normal na tao? Gagawin ka bang perpekto ng buhay na tulad nito kung ito ay aba, paurong, at mapagwalang-bahala? Nakahanda ka ba talagang isuko ang iyong sarili kay Satanas para sa wala? Kapag ang buhay ng mga tao ay madali, at walang pagdurusa sa kanilang kapaligiran, wala silang kakayahang dumanas. Sa maginhawang mga kapaligiran, madali para sa mga tao na maging ubod ng sama—ngunit magagawa ng masasamang kapaligiran na padasalin ka nang may mas matinding determinasyon, at ginagawa ito upang huwag mong tangkaing lisanin ang Diyos. Kapag mas madali at mas nakababagot ang buhay ng mga tao, lalong nadarama ng mga tao na walang halaga ang mabuhay, at nararamdaman pa nilang mas mabuti pang sila ay mamatay. Ganito katiwali ang laman ng mga tao; nakikinabang lamang sila kung nakararanas sila ng mga pagsubok.

Ang yugto ng gawain ni Jesus ay ginawa sa Judea at Galilea, at hindi alam ng mga Hentil ang ukol rito. Ang gawain na Kanyang ginawa ay lubos na inilihim, at walang mga bansa maliban sa Israel ang may alam ukol rito. Nalaman ng mga tao ang ukol dito nang matapos lamang ni Jesus ang Kanyang gawain at nagdulot ito ng kaguluhan, at sa panahong iyon Siya ay nakaalis na. Dumating si Jesus upang isagawa ang isang yugto ng gawain, kamtin ang ilang tao, at tapusin ang isang yugto ng gawain. Sa anumang yugto ng gawain na ginagawa ng Diyos, marami ang sumusunod sa Kanya. Kung ito ay isinagawa lamang mismo ng Diyos, ito’y magiging walang kabuluhan; kailangang mayroong mga tao na susunod sa Diyos hanggang maisakatuparan Niya ang yugtong iyon ng gawain hanggang sa pinakawakas. Kapag ang gawain mismo ng Diyos ay natapos na, doon pa lamang magsisimula ang mga tao na isagawa ang gawaing iniatas ng Diyos, at doon lamang magsisimulang lumaganap ang gawain ng Diyos. Ginagawa lamang ng Diyos ang gawain ng paghahatid sa isang bagong panahon; ang gawain ng mga tao ay ang ipagpatuloy ito. Kaya, ang gawain sa kasalukuyan ay hindi magtatagal; ang Aking buhay kasama ng tao ay hindi magpapatuloy nang napakatagal. Tinatapos Ko lamang ang Aking gawain, at ipatutupad sa inyo ang tungkuling dapat ninyong tuparin, upang ang gawaing ito at ang ebanghelyong ito ay mapapalaganap sa lalong madaling panahon sa mga Hentil at sa ibang mga bansa—saka lamang ninyo maaaring tuparin ang inyong tungkulin bilang mga tao. Ang kasalukuyang panahon ang pinakamahalaga sa lahat. Kung babalewalain mo ito, ikaw ay isang hangal; kung, sa kapaligirang ito, kinakain at iniinom mo ang mga salitang ito at dinaranas ang gawaing ito, at gayunma’y wala kang anumang kapasyahan na maghangad ng katotohanan, at walang taglay ni katiting na diwa ng pasanin—ano ang iyong hinaharap kung gayon? Hindi ba’t ang taong tulad mo ay hinog na para alisin?

Sinundan: Pagsasagawa 7

Sumunod: Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito