165 Ang Walang Hanggang Marka
1 Matapos magising mula sa isang bangungot, nahirapan akong bumalik sa pagtulog, minumulto ng masakit kong nakaraan: Nadakip at pinahirapan ako dahil sa paniniwala ko sa Diyos—at, dahil sakim sa buhay at takot sa kamatayan, nahulog ako sa tukso. Sa harap ni Satanas, itinatwa ko ang Diyos, na nagmarka sa akin ng isang bahid na hindi kailanman makukuskos para luminis. Mas matindi pa kaysa kamatayan ang kaguluhan sa aking puso. Labis akong nahihiya para harapin ang Diyos, at bawat araw, dumadaloy ang mga luha sa aking mukha. Minsan akong gumawa ng taimtim na panata na tatalikdan ang lahat at susundin ang Diyos magpakailanman, at napagpasyahan ko na gaano man katindi ang paghihirap, hindi magbabago kailanman ang pagmamahal ko para sa Diyos. Ngayon, naging kasinungalingan ang aking sumpa: tinalikuran ko ang aking pananampalataya at iniwan ang pagiging matuwid, na pinighati ang puso ng Diyos. Nawala sa akin ang presensiya ng Diyos, at ang natira lamang ay walang hanggang hilakbot at kadiliman.
2 Sa maraming taon ng paniniwala ko sa Diyos, hindi ko kailanman hinanap ang katotohanan at hindi kailanman tunay na nagpatotoo. Kontento lamang ako sa paggawa ng serbisyo sa Diyos bilang kapalit para sa katapusang walang kamatayan sa mga huling araw. Wala akong paggalang sa Diyos, at mas kaunti pa ang pagpapahalaga ko na ang buhay at kamatayan ay pinamamahalaan ng Diyos. Sa harap ng paghihirap, itinangi ko ang aking sariling buhay, at naiwala ang aking patotoo nang sinubok. Upang pangalagaan ang sarili kong buhay, tinalikuran ko ang Diyos at nilabag ang disposisyon ng Diyos—isang nakakahiyang paglabag, isang walang hanggang marka sa kaibuturan ng aking puso. Kung maibabalik ko ang panahon, kahit na maging kapalit nito ang aking buhay, hindi ko patatagalin ang gayong walang-dangal na buhay; kumikirot ang aking puso sa pagsisisi, na para bang sinaksak, at inaasam kong matanggap muli ang habag ng Diyos.
3 Tumagos sa kaibuturan ng aking puso ang paghatol ng mga salita ng Diyos: nakita ko na ang aking kalikasan ay kalikasan ng isang taksil. Pagkatapos ng pagkabigo, pagkatapos ng pagkatumba, nagising ako sa wakas, at naunawaan na walang mas mahalaga kaysa sa pagkamit sa katotohanan. Kinamumuhian ko ang aking sarili sa pagsasayang ng napakaraming oras. Hindi ako makakabawi sa pagbigo ko sa Diyos: Isa itong hindi mabuburang marka, isang naging ugat ng walang hanggang dalamhati sa aking puso. Hinahangad ko lamang na hanapin ang katotohanan upang makabawi sa aking paglabag, upang isabuhay ang kaunting dangal at dignidad, upang maging tunay na nilikha ng Diyos. Maligaya akong gagawa ng serbisyo, kahit na walang hantungang naghihintay sa akin; nais man ako o hindi ng Diyos, buong buhay kong susundin ang Diyos, hanggang sa pinakawakas. Diyos lamang ang makapagliligtas sa akin.