41. Pagpapalit sa Pagkainggit ng Pagpaparaya
Ilang taon na ang nakakalipas, inilipat sa iglesia namin si Sister Xiaojie para tulungan ako sa mga tungkulin sa pamumuno. Sa paglipas ng panahon nalaman ko na sa kabila ng pagiging bata, maganda na ang kakayahan niya at talagang mahusay siya. Isinagawa niya ang katotohanan nang lumitaw ang mga problema at nagtuon siya sa paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan. Hindi kami magkapantay sa kakayahan o abilidad sa paggawa. Talagang hinangaan ko siya at naramdaman kong may talento siya. Minsan, sa isang pagpupulong ng mga kapwa-manggagawa, tinanong ako ng isang lider kung may mga tao ba sa iglesia na naghanap sa katotohanan at may mataas na kakayahan. Walang atubili kong sinabi sa kanya ang tungkol sa mga kalakasan ni Sister Xiaojie. Kalaunan, inimbita siya ng lider sa isang pagpupulong ng mga kapwa-manggagawa at hiniling sa kanya na pumunta rin sa susunod na maraming pagpupulong. Unti-unti akong nagsimulang maging hindi komportable, iniisip na, “Ako lagi ang dumadalo sa mga pagtitipon at sa akin tinatalakay ng lider ang gawain ng iglesia. Ngayon si Xiaojie ang pinapapunta niya. Mukhang gusto niyang ituon ang mga pagsisikap niya sa pagsasanay sa kanya. Kung alam ko lang, hindi ko na sana binanggit ang malalakas niyang puntos.” Pakiramdam ko nakalimutan na ako at napag-iwanan dahil sa kanya. Mas lalo pang sumama ang loob ko, at isang ideya ang tahimik na nabubuo, na magiging maganda sana kung ililipat siya ng lider. Hangga’t hindi kami magkasama, hindi ako magmumukhang mas mahina sa kanya at baka sakaling sa akin talakayin ng lider ang mga bagay-bagay. Pero alam kong hindi na uli ililipat agad si Xiaojie. Pakiramdam ko parang may mabigat na dumidiin sa puso ko. Hindi lang iyon, kundi hindi ko rin gusto na magparaya. Palihim kong itinuon ang sarili ko sa mga salita ng Diyos, binabasa, isinasaulo, at mas pinagbubulay-bulayan ang mga iyon para malampasan ko siya sa pagbabahagi ng katotohanan para mapatunayan ang sarili ko. Pero mali ang mga motibo ko. Nakikipagpaligsahan lang ako sa kanya para sa katayuan kaya hindi ko taglay ang gawain ng Banal na Espiritu sa aking tungkulin. Hindi ko maunawaan o malutas ang anumang mga problema.
Minsan, dalawang sister ang napili bilang mga diakono ng iglesia. Nag-alala silang hindi sapat ang naunawaan nilang katotohanan para lutasin ang mga praktikal na problema ng iba sa pagpasok sa buhay. Ayaw nilang tanggapin ang posisyon. Pagkarinig nito, naisip ko, “Anong mga salita ng Diyos ang maibabahagi ko para malutas ang kanilang kalagayan para makita ng lahat na hindi mas magaling kaysa sa akin si Sister Xiaojie?” Nang matapos magsalita ang mga sister na iyon, nagmadali akong basahin ang ilan sa mga sipi ng mga salita ng Diyos at pagkatapos ay nagbahagi ako. Pero gusto ko lang magpasikat at tingalain, hindi upang payapain ang sarili ko sa harap ng Diyos at hanapin ang katotohanan para makita ang ugat ng problema. Nabigo ang pagbabahagi ko. Talagang nakakailang na makita silang nakaupo roon na hindi sumasagot. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Tapos ay nagsimulang magbahagi si Sister Xiaojie tungkol sa kahulugan ng paggawa sa aming tungkulin at sinabi ang tungkol sa sarili niyang karanasan at pag-unawa, at tungkol sa kalooban ng Diyos. Naiyak sa pagkaantig ang mga sister at nagpasya na tanggapin ang tungkuling iyon. Nainis ako nang makitang tinitingnan nila nang may paghanga si Xiaojie. Talagang inayunan ako ng lahat bago siya dumating, pero nakontrol niya na agad ang lahat matapos niyang sumali sa iglesia. Pinahalagahan siya ng lider at tiningala siya ng mga kapatid, at hindi ko siya mapantayan kahit mas matagal akong naging isang lider. Inalala ko kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa akin. Sasabihin kaya nila na wala akong realidad ng katotohanan, na pinagmukha ko lang siyang mahusay kung ikukumpara? Kinain nito ang isipan ko noong mga panahon na iyon. Pakiramdam ko hinahadlangan ni Sister Xiaojie na mapansin ako ng iba at nainggit ako sa kanya. Minsan ninanais ko na mapaalis ko siya sa iglesia namin sa ilang paraan. Pinag-isipan ko ito nang husto, pero wala akong mabuong anuman. Naramdaman ko rin na mas lalo akong nagiging malayo sa Diyos at nahuhulog na sa kadiliman ang aking espiritu. Walang liwanag ang mga pagbabahagi ko tungkol sa mga salita ng Diyos at hindi ko matulungan ang iba sa kanilang mga problema. Araw-araw ko pa ring ginawa ang tungkulin ko, pero nahirapan ako at nasasaktan. Inilapit ko sa Diyos ang kalagayan ko sa panalangin, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako na maunawaan ang kalooban Niya at malaman ang sarili kong katiwalian.
Nabasa ko kalaunan ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Bilang mga pinuno ng iglesia, dapat ninyong matutuhan kung paano tumuklas at luminang ng talento, at hindi mainggit sa mga taong may talento. Sa ganitong paraan, kasiya-siyang magagampanan ang inyong tungkulin, at matutupad ninyo ang inyong pananagutan; magagawa rin ninyo ang inyong buong makakaya upang maging matapat. Takot palagi ang ilang tao na maging mas sikat sa kanila ang iba at mahigitan sila, na nagtatamo ng pagkilala habang sila naman ay kinaliligtaan. Dahil dito, inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong mas may kakayahan kaysa sa kanila? Hindi ba makasarili at nakasusuklam ang ganitong pag-uugali? Anong klaseng disposisyon ito? Masama ito! Sarili lang ang iniisip, sariling mga hangarin lamang ang binibigyang-kasiyahan, walang konsiderasyon sa mga tungkulin ng iba, at iniisip lamang ang sariling mga interes at hindi ang mga interes ng bahay ng Diyos—ang ganitong klaseng mga tao ay may masamang disposisyon, at hindi sila mahal ng Diyos” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Talagang nasaktan ako ng mga salita ng Diyos. Inilantad nito ang eksakto kong kalagayan. Nang makita ang mataas na kakayahan at praktikal na pagbabahagi ng sister ko, na pinahahalagahan siya ng lider at tinitingala siya ng iba, nainggit ako at nilayuan ko siya. Hindi na ako makapaghintay na iwan niya ang iglesia namin. Hindi ko isinaalang-alang kung paano iyon makakaapekto sa gawain ng iglesia o sa mga interes ng bahay ng Diyos. Wala akong ipinakita kundi kalupitan at partikular na naging makasarili at kasuklam-suklam. Lubos akong walang normal na pagkatao! Paanong hindi masusuklam ang Diyos sa paggawa ko ng tungkulin ko sa ganoong paraan? Naiwala ko ang patnubay ng Banal na Espiritu sa aking tungkulin at nahulog ako sa kadiliman. Iyon ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako na pakawalan ang aking katayuan, magsabuhay ng normal na katauhan, at gumawa nang mabuti kasama ang aking sister.
Pagkatapos nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Kung talagang kaya mong bigyan ng konsiderasyon ang kalooban ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung binibigyan mo ng rekomendasyon ang isang tao, at nagkaroon ng talento ang taong iyon, at sa gayo’y nagdadala ka ng isa pang taong may talento sa bahay ng Diyos, hindi ba nagawa mo nang maayos ang iyong gawain? Hindi ba naging tapat ka sa pagganap sa iyong tungkulin? Magandang gawa ito sa harap ng Diyos, at ganitong klaseng konsiyensya at katwiran ang dapat taglayin ng mga tao” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Mas lalo akong nakaramdam ng pagsisisi at pagkakonsiyensiya. Gusto ng Diyos na mas maraming mga taong naghahanap ng katotohanan ang bumangon at makipagtulungan sa Diyos. Isa akong lider ng iglesia pero wala sa puso ko ang ninanais ng Diyos. Nang makita ko ang ganoong uri ng tao na gumagawa sa iglesia, hindi lang ako hindi natuwa tungkol doon, kundi nainggit lang ako at nag-alala tungkol sa katayuan ko. Wala ako ng pinakabatayang konsiyensiya at katwiran ng isang tao. Nakita kong lubos akong hindi akma na maging isang lider at kinamuhian ko kung gaano ako kamakasarili. Ang pagkakaroon ni Sister Xiaojie ng magandang kakayahan at paglutas niya ng mga problema sa pamamagitan ng pagbabahagi ay mabuti para sa gawain ng iglesia at sa buhay ng mga kapatid. Dapat ay sinusuportahan ko siya at natututo mula sa mga kalakasan niya. Ang paggawa nang mabuti sa aming tungkulin kasama niya ang tanging paraan para maging maalalahanin sa kalooban ng Diyos. Nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, nakaramdam pa rin ako ng kaunting inggit nang mahalata kong sinasang-ayunan ng iba si Sister Xiaojie, pero nanalangin ako sa Diyos at tinalikdan ang aking sarili. Nagtuon ako sa pamumuhay sa harap ng Diyos para gawin nang mabuti ang tungkulin ko at itinigil ang labis na pag-iisip tungkol sa kung sino ang tinitingala at nabawasan ang inggit ko. Nagawa kong maghanap at magtalakay ng mga bagay kasama niya sa harap ng isang problema at humugot sa kanyang mga kalakasan para kontrahin ang mga kahinaan ko, at magkasama naming hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan. Naging mas malaya at mas magaan ang pakiramdam ko. Matapos dumanas ng ilang pagbabago, inakala kong bumuti ang likas kong pagiging mainggitin ngunit nagulat ako nang maharap ako sa isa pang sitwasyon na nagpakita kung gaano kalalim ang pagkakaugat ng aking satanikong kalikasan. Kailangan kong dumanas ng mas maraming paghatol at pagkastigo ng Diyos para malinis.
Minsan, pumunta kami ni Xiaojie sa isang pagpupulong ng mga kapwa-manggagawa kung saan daglian akong binati ng lider at pagkatapos ay sinimulang talakayin kay Xiaojie ang gawain ng iglesia. Naupo lang ako sa tabi, pakiramdam ko nabalewala ako at talagang mabilis na sumama ang pakiramdam ko. Hindi nasisiyahang tiningnan ko si Xiaojie at hindi ko napigil na makaramdam ng paghihinala, iniisip na, “Kung ganoon mas pinahahalagahan ka ng lider kaysa sa akin. Ikaw ang paborito sa iglesia at sa mga mata ng lider at pinagmumukha lang kitang mahusay kung ikukumpara sa akin.” Narinig ko kalaunan na isinaayos ng lider na dumalo si Xiaojie ng mga sermon sa ibang lugar at kumuha ng ilang pagsasanay. Talagang hindi ako natuwa nang marinig ito. “Bakit gusto niyang si Xiaojie ang pumunta, at hindi ako?” naisip ko. “Talaga bang ganoon ako kasama? Hindi ba ako karapat-dapat kahit sa kaunting pagsasanay?” Napahiya ako at para akong binuhusan ng malamig na tubig. Hindi ko iyon lubos na matanggap, iniisip na pinagsisikapan ko rin ang tungkulin ko kagaya niya, pero napag-iiwanan ako habang nakikinig siya ng mga sermon. Pakiramdam ko hindi ako napapansin at ano man ang gawin ko, hindi ko siya mapapantayan kailanman. Mas sumama ang pakiramdam ko nang lalo kong ikumpara ang sarili ko sa ganoong paraan at nagsimula akong mamuhay muli sa kalagayan ng pagkainggit at sama ng loob. Gustong-gusto ko nang paghiwalayin kami ng lider sa gawain para magkaroon na ako ng pagkakataong mapansin.
Pagkatapos niyon, nagkasakit nang malala ang asawa ni Xiaojie. Talagang naging mahirap iyon para sa kanya. Inaliw ko siya at hinimok siya na magdasal at hanapin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsubok na ito pero hindi ko mapigilang isipin, “Talagang nasa pinakarurok na siya. Ngayon ay pinipino siya at nasa isang masamang kalagayan, kaya ito na ang pagkakataon ko na ipakita ang aking sarili. Kung mapabuti niya ang kanyang kalagayan, hindi ko na makukuha ang pagkakataong iyon. Sana magtagal para sa kanya ang pagpipinong ito. Sa gayon ay makikita ng lahat na nagbabahagi siya nang mabuti kapag normal ang mga bagay, pero hindi niya maisabuhay ang realidad ng mga salita ng Diyos. Tapos ay hindi na nila siya gaanong hahangaan. Baka makita ng lider na wala siyang realidad ng katotohanan at hindi na siya sasanayin at pagkatapos, natural lang na tataas ang tingin sa akin ng iba.” Hindi ko talaga gaanong inisip ang estado ng pag-iisip ko kundi hinayaan lang na lumipas ang mga saloobing iyon. Isang araw, ilang sister ang nagtanong tungkol kay Xiaojie dahil sa pag-aalala at sinabi kong nasa isa siyang napakahirap na kalagayan, at kahit maganda ang pagbabahagi niya kadalasan, naging negatibo siya sa pagsubok na iyon at kulang sa tunay na tayog. Hindi ako mapalagay matapos kong sabihin iyon. Pinalalaki ko ang mga bagay para hatulan at hamakin siya. Pero nang makita kong pinaniwalaan ng mga sister na iyon ang sinabi ko, lihim akong natuwa. Naisip kong hindi na nila gaanong hahangaan si Xiaojie. Pero nang makita ko siya kalaunan, bagaman talagang naghihirap siya at umiiyak sa tuwing nagdarasal siya, hindi niya iyon hinayaang makahadlang sa kanyang tungkulin. Hindi ko maiwasang bahagyang makonsiyensiya. Habang nahaharap sa ganoong pagsubok, magiging mahirap na hindi magdusa at makaramdam ng kaunting kahinaan. Ipagdarasal ko siya kung mayroon talaga akong pagkatao, at gagawin ang lahat ng magagawa ko para tulungan at suportahan siya. Pero ano ang ginawa ko? Nakonsiyensiya ako tungkol doon. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, sinasabing, “O Diyos ko! Masyado akong naiinggit. Hinatulan at hinamak ko si Sister Xiaojie para malampasan ko siya. Nagsaya pa ako sa kalungkutan niya, at hindi ako makapaghintay na maging negatibo siya at madapa. Lubos akong walang pagkatao. Diyos ko, patnubayan at bigyang-liwanag Mo po ako para malaman ang aking katiwalian at makalaya mula sa aking satanikong disposisyon.”
Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos matapos ang aking panalangin: “Kung ang ilang mga tao ay may nakikitang isang tao na mas magaling kaysa sa kanila, sinasawata nila ang mga ito, nagpapasimula sila ng tsismis tungkol sa mga ito, o gumagamit sila ng ilang nakakahiyang paraan para hindi hangaan ng ibang tao ang mga ito, at na walang taong mas mahusay kaysa iba, sa gayo’y ito ang tiwaling disposisyon ng kayabangan at pagmamagaling, gayundin ng kabuktutan, panloloko at katusuhan, at walang makakapigil sa mga taong ito na makamtan ang kanilang mga layon. Ganito ang buhay nila subalit iniisip pa rin nila na malalaking tao at mabubuting tao sila. Gayunman, may takot ba sila sa Diyos? Una sa lahat, para magsalita mula sa pananaw ng likas na mga katangian ng mga bagay na ito, hindi ba ginagawa lamang ng mga taong ganitong kumilos ang gusto nila? Isinasaalang-alang ba nila ang mga interes ng pamilya ng Diyos? Iniisip lamang nila ang sarili nilang damdamin at nais lamang nilang makamtan ang sarili nilang mga layon, anuman ang mawala sa gawain ng pamilya ng Diyos. Hindi lamang mayabang at mapagmagaling ang ganitong mga tao, makasarili rin sila at nakakamuhi; wala talaga silang pakialam sa intensyon ng Diyos, at ang ganitong mga tao, walang duda, ay walang takot sa Diyos. Kaya nga ginagawa nila ang anumang gusto nila at kumikilos sila nang walang-ingat, nang walang nadaramang anumang pagsisisi, walang anumang pangamba, walang anumang pagkabalisa o pag-aalala, at hindi iniisip ang mga ibubunga nito. Ito ang madalas nilang ginagawa, at kung paano sila palaging kumikilos. Ano ang mga kahihinatnan na hinaharap ng ganitong mga tao? Magkakaproblema sila, hindi ba? Sa mas magaang salita, ang mga gayong tao ay napakamainggitin at may napakalakas na paghahangad para sa pansariling kasikatan at katayuan; sila ay napakamapanlinlang at taksil. Sa mas masakit na pananalita, ang mahalagang problema ay ang mga puso ng gayong mga tao ay wala ni katiting na takot sa Diyos. Hindi sila takot sa Diyos, naniniwala sila na sila ang pinakamahalaga, at itinuturing nila na bawat aspeto ng kanilang sarili ay mas mataas kaysa sa Diyos at mas mataas kaysa sa katotohanan. Sa kanilang puso, ang Diyos ang pinaka-hindi nararapat banggitin at pinaka-walang halaga, at wala man lang anumang mataas na katayuan ang Diyos sa kanilang puso. … Masasabi ba ninyo o hindi na masama ang ganitong uri ng tao? Anong uri ng tao ang masasabi ninyong hindi nagpipitagan sa Diyos? Mayabang ba siya? Ang ganitong tao ba ay si Satanas? Anong uri ng mga bagay ang hindi nagpipitagan sa Diyos? Bukod sa mga hayop, kasama sa lahat ng hindi nagpipitagan sa Diyos ang mga demonyo, si Satanas, ang arkanghel, at yaong mga nakikipaglaban sa Diyos” (“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Talagang tumama sa puso ang pagbabasa ko nito. Ganoon mismo akong uri ng tao. Alam kong may magandang kakayahan si Sister Xiaojie, hinanap niya ang katotohanan, at karapat-dapat na sanayin, pero nang makita kong pinahalagahan siya ng lider at gusto siyang ipadala sa mga pagtitipon, bigla akong nalito. Pakiramdam ko naaagrabyado ako at hindi ko iyon matanggap. Nainggit ako at nagalit ako sa kanya at gustong-gusto ko na ilipat siya ng lider. Nang siya ay mahina at nasasaktan sa kanyang pagsubok, kumilos ako na parang tinutulungan ko siya, pero nagsaya ako sa paghihirap niya. Gusto kong maging negatibo siya para makuha ko ang atensiyon ng lahat. Hinatulan at hinamak ko pa siya sa harap ng iba para iangat ang sarili ko para lang mapansin ako. Maraming taon akong naniwala sa Diyos pero wala akong paggalang sa Kanya. Nainggit ako at gumawa ng mga hindi makatwirang bagay para lang protektahan ang sarili kong katayuan. Napakakasuklam-suklam ko at malisyoso. Makitid ang utak ko, banidoso, masama, at mababaw! Anong kaibahan ko kay Satanas? Si Satanas lang ang hindi makatagal na makitang maging maayos ang mga bagay at gustong maging negatibo ang mga tao, malayo sa Diyos, at ipagkanulo ang Diyos. Malinaw na kumikilos ako bilang tagasunod ni Satanas, ginagambala ang gawain ng iglesia. Pinahihina ko ang bahay ng Diyos at gumagawa ng masama, tumatayo kasama ni Satanas laban sa Diyos! Gayon pa man, maraming beses kong inisip ang sarili ko. Malinaw na wala akong realidad ng katotohanan at hindi pantay ang kakayahan ko sa kakayahan ni Sister Xiaojie. Palagi akong nakikipagpaligsahan para sa katayuan, ninanais na talunin siya. Napakamapagmataas ko at wala akong kamalayan sa sarili! Sa puntong iyon, talagang kinamuhian ko ang aking sarili at madaliang ninais na makalaya sa aking satanikong disposisyon.
Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos matapos iyon: “Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na tumatalima sa Diyos ang tao at sumusunod sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagkamasunurin at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at basta na lamang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ganoon din ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos). Tinulungan ako nitong maunawaan na palagi akong nagrerebelde at lumalaban sa Diyos, nabubuhay sa katiwalian dahil ginawa akong tiwali ni Satanas. Nalubog ako sa mga satanikong prinsipyo at lohika gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa,” “Isa lang ang lalaking maaaring manguna,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan kahit saan man siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at iba pa. Tinanggap ko ang mga kasabihang ito mula kay Satanas, at ang aking mga pananaw, panuntunan para sa kaligtasan ng buhay, at katwiran ay binaluktot, ginagawa akong mas mapagmataas at masama at walang pagkatao. Kontrolado ng mga lasong ito mula kay Satanas, ginusto ko lang na maghanap ng pangalan at katayuan at tingalain. Gusto kong mapansin ako ng lahat ng tao at ayokong malampasan ako ng sinuman, at sa tuwing may nakakagawa noon, hindi ko mapigilang makipagpaligsahan. Kung hindi ko malampasan ang iba, maiinggit ako at magagalit o gagawa ng mga palihim na bagay para maabot ang aking layunin. Wala akong ipinakita kundi ang mga satanikong disposisyon ng kayabangan, panlilinlang, at kasamaan. Ipinahayag kong gumagawa ako ng aking tungkulin, pero sa katunayan gumagawa ako para sa sarili ko, gumagawa ng kasamaan at lumalaban sa Diyos. Naisip ko ang mga anticristo na pinaalis. Nainggit sila at sumama ang loob sa sinumang naghahanap ng katotohanan o nagmamahal sa kalooban ng Diyos at trinato na parang isang tinik sa kanilang tagiliran ang sinumang nagsisilbing banta sa kanilang sariling katayuan. Mapaniil sila at mapanikis at gusto pang mapatalsik ang iba sa iglesia para maaari silang maghari. Sa huli ay napaalis silang lahat sa iglesia dahil sa paggawa ng napakaraming kasamaan. Hindi ako mapanikis o gumagawa ng malaking kasamaan gaya ng mga anticristo, pero mainggitin ako at kontrolado ng aking mapagmataas at masamang kalikasan. Ibinukod ko pa at hinatulan si Sister Xiaojie para mapanatili ang sarili kong katayuan. Nasa landas ako ng isang anticristo na laban sa Diyos. Walang kinukunsinting pagkakasala ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Alam kong kung hindi ako nagsisi, tatanggihan at aalisin ako ng Diyos. Nakakatakot iyon para sa akin. Alam ko na pinoprotektahan ako ng Diyos gamit ang Kanyang malupit na paghatol. Kung hindi, hindi ako magninilay sa aking sarili, pagkatapos ay huli nang darating ang mga pagsisisi kapag gumawa ako ng isang bagay na totoong masama. Talagang naantig ako habang pinagbubulayan ang kalooban ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at magbago.
Nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos sa aking mga debosyonal isang araw: “Para sa bawat isa sa inyo na tumutupad sa inyong tungkulin, gaano man kalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, kung nais mong pumasok sa katotohanang realidad, ang pinakasimpleng paraan para magsagawa ay isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng ginagawa mo, at bitiwan ang iyong mga makasariling hangarin, indibidwal na layon, mga motibo, reputasyon, at katayuan. Unahin mo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamaliit na dapat mong gawin. Kung hindi ito magawa ng isang taong gumaganap sa kanyang tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi ito pagganap ng isang tao sa tungkulin. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga interes ng bahay ng Diyos, isaalang-alang ang mga sariling interes ng Diyos, at isaalang-alang ang Kanyang gawain, at unahin ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. … Bukod pa riyan, kung kaya mong tuparin ang iyong mga responsibilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at tungkulin, isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, isantabi ang sarili mong mga layon at motibo, mayroon kang konsiderasyon sa kalooban ng Diyos, at inuuna mo ang mga interes Niya at ng Kanyang sambahayan, kung gayon pagkaraang danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na maganda ang ganitong pamumuhay. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, nang hindi nagiging isang hamak at walang-silbing tao, at pamumuhay na makatarungan at marangal kaysa pagiging makitid ang utak o salbahe. Madarama mo na ganyan dapat mamuhay at kumilos ang isang tao. Unti-unti, mababawasan ang hangarin sa puso mo na bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Hindi magkapareho ang mga tungkulin. May isang katawan. Bawat isa’y ginagawa ang kanyang tungkulin, bawat isa’y nasa kanyang lugar at ginagawa ang kanyang buong makakaya—para sa bawat siklab may isang kislap ng liwanag—at naghahangad na lumago sa buhay. Sa gayon Ako ay masisiyahan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 21). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na pinagpapasyahan nang mas maaga ng Diyos ang kakayahan ng lahat at kung anong papel ang mapupunan nila. Hindi tayo maaaring makipagtunggalian o makipaglaban para sa mga bagay na iyon. Kapag may mas magandang kakayahan ang ibang tao, kapag pinagpapasyahan ng Diyos na dapat akong maging damo, hindi ang puno, dapat akong maging piraso ng damong iyon at masayang isakatuparan ang papel na iyon. Ayoko nang makipagtunggalian sa iba para sa katayuan, kundi gusto kong pakawalan ang aking mga makasariling pagnanasa at hindi na mamuhay ayon sa aking satanikong disposisyon, unahin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at totoong gawin nang mabuti ang aking tungkulin sa isang balanseng paraan. Iyon lang ang tanging paraan para mabuhay sa liwanag. Nagtapat ako sa mga sister tungkol sa aking katiwalian at humingi ng tawad kay Sister Xiaojie. Nang malaman niya ang tungkol sa aking mga malisyosong intensiyon at gawain, hindi niya ako sinisi bagkus nagbahagi siya sa katotohanan para tulungan ako. Talagang naantig ako. Kinamuhian ko rin na wala akong pagkatao at sinaktan ko siya. Nanalangin ako sa Diyos kalaunan para itigil ko na ang pagbabalak para sa katayuan at gawin na lang nang mabuti ang aking tungkulin.
Bumalik si Xiaojie mula sa biyahe niya mahigit isang buwan kalaunan at ibinahagi ang natutunan niya sa mga pagtitipon. Talagang nakapagpapatibay at kapaki-pakinabang ang pagbabahagi niya, pero nang makita ko ang iba na masigasig na nakikinig ay nagkaroon na naman ako ng hindi komportableng pakiramdam na iyon. Napagtanto kong naiinggit at nakikipaglaban na naman ako para sa katayuan, kaya agad akong nanalangin sa Diyos para isantabi ang sarili ko. Naalala ko ang isang bagay na narinig ko sa isang sermon na ang isang makatwirang tao na naglilingkod sa Diyos ay hindi maiinggit bagkus ay hahangarin na maging mas mabuti ang iba kaysa sa sarili nila para mas maraming tao ang makatulong sa pagbabahagi ng pasanin ng Diyos. Ang isang taong ganoon ay magagalak kapag nakakamit ng Diyos ang isang tao. Napagtanto kong lumago siya at natuto ng mga bagay mula sa biyahe niya para makinig sa mga sermon at kaya niyang diligan at tulungan ang iba. Mabuti ito para sa pag-unawa ng lahat sa katotohanan at magdadala ng aliw sa Diyos. Kailangan kong matuto mula sa kanya at humugot sa kanyang kalakasan sa aking tungkulin. Mahalaga iyon. Nang nanalangin ako at tinalikdan ang sarili ko sa ganoong paraan, mas gumaan ang pakiramdam ko. Anuman ang inisip ng mga kapatid at anuman ang posisyon ko sa iglesia ay hindi na importante para sa akin. Huminahon lang ako at nakinig sa kanyang pagbabahagi at tinanggap ang kaliwanagan. Gumawa akong kasama niya para hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan sa aming gawain. Pagkatapos niyon, nang makita ko ang lider na may tinatalakay na bagay sa kanya, ayos lang iyon sa akin at hindi ako nakaramdam ng inggit. Isa itong malaking ginhawa para sa akin. Personal kong naranasan na mas magaan at kagalang-galang ang pakiramdam ko kapag binibitawan ko ang aking pagkainggit at sa paglipas ng panahon nagawa kong magsabuhay ng isang pagkakatulad sa tao. Nagbago ako nang kaunti, lahat ay dahil sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa aking kaligtasan!