Ang Isang Taong Nagkakamit ng Kaligtasan ay Yaong Nakahandang Isagawa ang Katotohanan
Madalas banggitin sa mga sermon ang pangangailangang magkaroon ng isang wastong buhay iglesia. Kaya bakit hindi pa umuunlad ang buhay ng iglesia, at kagaya pa rin ng dati? Bakit walang isang paraan ng pamumuhay na ganap na bago at naiiba? Normal kaya sa isang tao ng dekada nobenta na mamuhay na parang emperador ng nakaraang panahon? Bagama’t ang kinakain at iniinom ng mga tao ngayon ay masasarap na pagkain na bihirang matikman sa nakaraang mga panahon, walang malalaking pagbabago sa buhay iglesia. Kagaya lamang ito ng paglalagay ng lumang alak sa mga bagong bote. Ano kung gayon ang saysay ng napakaraming pagsasalita ng Diyos? Hindi nagbago ang mga iglesia sa karamihan ng mga lugar. Nakita Ko ito nang sarili Kong mga mata, at malinaw ito sa Aking puso; bagama’t hindi Ko naranasan ang buhay ng iglesia para sa Aking Sarili, lubos Kong alam ang mga kalagayan ng mga pagtitipon ng iglesia. Hindi pa sila gaanong umunlad. Bumabalik ito sa kasabihang—kagaya lamang ito ng paglalagay ng lumang alak sa mga bagong bote. Walang nagbago! Kapag mayroong nagpapastol sa kanila, nagliliyab sila na parang apoy, ngunit kapag walang sinumang sumusuporta sa kanila, para silang isang bloke ng yelo. Iilan lamang ang kayang makapagsalita tungkol sa praktikal na mga bagay, at napakadalang na may sinumang kayang mamuno. Bagama’t ang mga sermon ay matatayog, bibihirang may sinumang natamong makapasok. Kakaunting mga tao ang nagpapahalaga sa salita ng Diyos. Lumuluha sila kapag tinatanggap nila ang salita ng Diyos, masaya kapag isinasantabi nila ito, at walang kabuluhan at kulang sa ningning kapag lumalayo sila mula rito. Sa deretsahang pagsasalita, hindi ninyo talaga pinahahalagahan ang salita ng Diyos, at kailanma’y hindi ninyo nakikita ang mga salitang nagmumula sa Kanyang bibig ngayon bilang isang yaman. Nagiging balisa ka lamang kapag nagbabasa ng Kanyang salita, at nakararamdam ng pagod kapag isinasaulo ito, at pagdating sa pagsasagawa ng Kanyang salita, para bang sinusubukan mong pihitin ang hawakan ng isang poso sa pamamagitan ng paghatak dito gamit ang isang buhok mula sa buntot ng isang kabayo—kahit gaano mo man katinding sikapin, talagang hindi mo makakayang maglabas ng sapat na lakas. Lagi kang sumisigla kapag nagbabasa ng salita ng Diyos, ngunit malilimutin kapag isinasagawa ito. Sa katunayan, hindi na kailangang sambitin nang buong ingat at ulitin nang buong tiyaga ang mga salitang ito; ngunit naging balakid sa gawain Niya ang katotohanang nakikinig lamang ang mga tao nang hindi isinasagawa ang mga salita ng Diyos. Hindi Ko maaaring hindi banggitin ito, hindi Ako maaaring hindi magsalita tungkol dito. Napipilitan Akong gawin ito; hindi dahil sa natutuwa Akong ibunyag ang mga kahinaan ng iba. Akala ba ninyo na humigit-kumulang sapat na ang inyong pagsasagawa—na kapag nasa tugatog na ang mga paghahayag, nasa tugatog na rin ang pagpasok ninyo? Ganoon ba kasimple iyon? Hindi ninyo kailanman sinisiyasat ang saligan kung saan itinatag sa huli ang inyong mga karanasan! Sa sandaling ito, walang pasubaling hindi matatawag na angkop na buhay iglesia ang mga pagtitipon ninyo, ni hindi man lamang sila bumubuo ng isang angkop na buhay espirituwal. Pagtitipon lamang ito ng isang kumpol ng mga tao na natutuwang magkuwentuhan at mag-awitan. Sa tuwirang pananalita, walang gaanong realidad dito. Upang higit na linawin, kung hindi mo isinasagawa ang katotohanan, nasaan ang realidad? Hindi ba pagyayabang ang sabihing mayroon kang realidad? Yaong mga palaging ginagampanan ang gawain ay mayayabang at mga mapagmataas, habang nananahimik at nananatiling nakatungo ang ulo ng yaong mga palaging sumusunod, nang walang anumang pagkakataon para magsanay. Walang ginagawa kundi mangusap ang mga taong gumagawa ng gawain, nagpapatuloy sa kanilang matatayog na pananalita, at nakikinig lamang ang mga tagasunod. Walang pagbabagong masasabi; mga pamamaraan lamang ng nakaraan ang lahat ng mga ito! Ngayon, ang kakayahan mong magpasakop at hindi mangahas na manghimasok o kumilos kung paano mo gusto ay dulot ng pagdating ng mga atas administratibo ng Diyos; hindi ito pagbabagong pinagdaanan mo sa pamamagitan ng mga karanasan. Ang katotohanang hindi ka na nangangahas gawin ang ilang mga bagay na lumalabag sa mga atas administratibo ngayon ay dahil nagkaroon na ng malinaw na epekto ang gawain ng mga salita ng Diyos at nilupig na nito ang mga tao. Hayaan mo Akong tanungin ang kahit sino: Gaano karami sa mga napagtagumpayan mo ngayon ang nakamit mo sa iyong pagsusumikap? Gaano karami sa mga ito ang mismong sinabi sa iyo ng Diyos? Paano ka sasagot? Matutulala ka ba at hindi makapagsasalita? Bakit nagagawang magsalita ng iba tungkol sa marami nilang aktwal na mga karanasan upang pagkalooban ka ng pangangailangan mo sa buhay, habang tinatamasa mo lamang ang pagkaing niluto ng iba? Hindi ka ba nahihiya? Maaari kayong magpatupad ng isang pagsusuri sa paghahanap ng katunayan, na sinusuri yaong mga masasabing mabuti: Gaano karaming katotohanan ang nauunawaan mo? Gaano karami ang isinasagawa mo sa huli? Sino ang mas mahal mo, ang Diyos o ang sarili mo? Mas madalas ka bang magbigay, o mas madalas kang tumanggap? Sa ilang pagkakataong mali ang layunin mo na nagawa mong talikuran ang dati mong sarili at napalugod mo ang kalooban ng Diyos? Ang ilang mga katanungang ito lamang ay lilituhin na ang maraming tao. Para sa karamihan ng mga tao, kahit mapagtanto nilang mali ang kanilang layunin, sadya pa rin nilang ginagawa ang mali, at malayo pa sila sa pagtalikod sa sarili nilang laman. Hinahayaan ng karamihan ng mga tao na lumaganap ang kasalanan sa loob nila, hinahayaan ang kanilang kasalanan na diktahan ang bawat kilos nila. Hindi nila kayang supilin ang kanilang mga kasalanan, at patuloy silang nabubuhay sa kasalanan. Pagdating sa kasalukuyang yugtong ito, sino ang hindi nakaaalam kung ilang masasamang gawa na ang nagawa nila? Kung sasabihin mong hindi mo alam, kung gayon nagsisinungaling ka. Sa deretsahang pagsasalita, ang lahat ng ito ay pagtangging talikuran ang dati mong sarili. Anong silbi ng pagsasabi ng napakaraming pagsisising “salita mula sa puso” na walang halaga? Nakatutulong ba ito sa paglago mo sa buhay? Masasabing ganap mong gawain ang pagkilala mo sa sarili mo. Ginagawa Kong perpekto ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pagpapasakop at pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Kung isusuot mo lamang ang mga salita ng Diyos tulad ng pagsusuot mo ng damit, upang magmukha ka lamang matalino at kaakit-akit, hindi ba’t nililinlang mo ang sarili mo at ang iba? Kung puro salita ka lamang at hindi mo kailanman isinasagawa ito, ano ang mapapala mo?
Maraming taong nakapagsasalita nang kaunti tungkol sa pagsasagawa at nakapagsasalita sila tungkol sa kanilang mga pansariling palagay, ngunit pagpapaliwanag na nakamit mula sa mga salita ng iba ang karamihan ng ito. Hindi man lamang kabilang dito ang anumang nagmumula sa kanilang pansariling mga pagsasagawa, ni hindi kabilang dito ang nakikita nila mula sa kanilang mga karanasan. Hinimay Ko ang usaping ito noong una pa man; huwag mong isiping wala Akong alam. Isa ka lamang papel na tigre, subalit nagsasalita ka tungkol sa paglupig kay Satanas, sa pagkakaroon ng matatagumpay na patotoo, at sa pagsasabuhay sa larawan ng Diyos? Walang kabuluhan ang lahat ng ito! Iniisip mo bang ang lahat ng mga salitang sinabi ng Diyos ngayon ay para hangaan mo? Nagsasabi ang bibig mo tungkol sa pagtalikod sa dati mong sarili at pagsagawa ng katotohanan, subalit iba ang ginagawa ng mga kamay mo at nagbabalak ng ibang mga pakana ang puso mo—anong klaseng tao ka? Bakit hindi iisa’t pareho ang puso at mga kamay mo? Napakaraming pangaral ang naging hungkag na mga salita; hindi ba ito makadurog-puso? Kung hindi mo maisagawa ang salita ng Diyos, pinatutunayan nito na hindi ka pa nakapapasok sa paraan ng pagkilos ng Banal na Espiritu, na wala pa sa loob mo ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ka pa nagkakaroon ng paggabay Niya. Kung sinasabi mong nauunawaan mo lamang ang salita ng Diyos ngunit hindi mo naisasagawa ito, kung gayon isa kang taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Hindi darating ang Diyos upang iligtas ang ganitong klaseng tao. Nagdusa si Jesus ng napakatinding paghihirap noong ipako Siya sa krus upang iligtas ang mga makasalanan, iligtas ang mga maralita, at upang iligtas ang lahat yaong mga mapagkumbabang tao. Nagsilbing handog para sa kasalanan ang pagkakapako Niya sa krus. Kung hindi mo maisasagawa ang salita ng Diyos, kung gayon dapat kang umalis sa lalong madaling panahon; huwag kang magtagal sa tahanan ng Diyos bilang isang manghuhuthot. Nahihirapan pa ang maraming mga tao na pigilan ang kanilang mga sarili mula sa paggawa ng mga bagay na malinaw na lumalaban sa Diyos. Hindi ba sila humihingi ng kamatayan? Paano sila nakapagsasalita tungkol sa pagpasok sa kaharian ng Diyos? May tapang kaya silang makita ang mukha ng Diyos? Ang pagkain ng mga pagkaing ipinagkakaloob ng Diyos sa iyo, ang paggawa ng buktot na mga bagay na sumasalungat sa Diyos, ang pagiging mapaghangad ng masama, lihim na mapanira, at mapagpakana, kahit habang pinahihintulutan ng Diyos na matamasa mo ang mga biyayang ipinagkaloob Niya sa iyo—hindi mo ba nararamdamang sinusunog ng mga ito ang mga kamay mo kapag tinatanggap mo sila? Hindi mo ba nararamdaman ang pamumula ng mukha mo? Sa pagkakagawa ng isang bagay na sumasalungat sa Diyos, sa pagpapatupad ng mga pakana upang “maging tampalasan,” hindi ka ba natatakot? Kung wala kang nararamdaman, paano ka nakapagsasalita ng anuman tungkol sa kinabukasan? Wala nang kinabukasan para sa iyo noong una pa man, kaya ano pang mas higit na pag-asa ang mayroon ka? Kung magsasalita ka ng isang walang-kahihiyang bagay ngunit wala kang nararamdamang kahihiyan, at ang puso mo ay walang kamalayan, kung gayon hindi ba ito nangangahulugang pinabayaan ka na ng Diyos? Naging likas na sa iyo ang magsalita at kumilos nang walang pakundangan at walang pagpipigil; paano ka pang magagawang perpekto ng Diyos nang ganito? Magagawa mo bang lakarin ang buong daigdig? Sino ang makukumbinsi sa iyo? Lalayo yaong mga nakakikilala sa totoo mong kalikasan. Hindi ba ito kaparusahan ng Diyos? Sa kabuuan, kung puro salita lamang at walang pagsasagawa, walang paglago. Bagama’t maaaring gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu habang nagsasalita ka, kung hindi ka nagsasagawa, titigil ang Banal na Espiritu sa paggawa. Kung magpapatuloy kang ganito, paano magkakaroon ng anumang usapan tungkol sa kinabukasan o pagbibigay ng buong pagkatao mo sa gawain ng Diyos? Nasasabi mo lang ang pag-aalay ng buong katauhan mo, subalit hindi mo pa naibibigay ang tunay mong pusong mapagmahal sa Diyos sa Kanya. Debosyong salita lamang ang natatanggap Niya mula sa iyo; hindi ibinibigay sa Kanya ang layunin mong isagawa ang katotohanan. Ito nga ba ang aktwal mong katayuan? Kung magpapatuloy kang ganito, kailan ka magagawang perpekto ng Diyos? Hindi ka ba nababahala sa madilim at malungkot mong kinabukasan? Hindi mo ba nararamdaman na nawalan na ng pag-asa ang Diyos sa iyo? Hindi mo ba alam na ninanais ng Diyos na gawing perpekto ang mas marami at mas bagong mga tao? Kaya bang manatili ng mga lumang bagay? Hindi mo binibigyang pansin ang mga salita ng Diyos ngayon: Naghihintay ka ba ng bukas?