Sa Sandaling Maunawaan Ninyo ang Katotohanan, Dapat Ninyo Itong Isagawa

Ang gawain at salita ng Diyos ay naglalayong magsanhi ng pagbabago sa inyong disposisyon; ang Kanyang mithiin ay hindi lamang basta ipaunawa o ipaalam sa inyo ang Kanyang gawain at salita. Hindi iyon sapat. Ang isang taong may kakayahang umunawa ay hindi dapat mahirapan sa pag-unawa sa salita ng Diyos, dahil karamihan sa salita ng Diyos ay ipinahayag sa wika ng tao, at napakalinaw Niyang magsalita. Halimbawa, kayang-kaya nilang malaman ang nais ipaunawa at ipasagawa sa kanila ng Diyos; ito ay isang bagay na dapat kayang gawin ng isang taong may kakayahang umunawa. Sa partikular, ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa kasalukuyang yugto ay napakaliwanag at napakalinaw, at itinuturo ng Diyos ang maraming hindi pa naisaalang-alang ng mga tao, gayundin ang lahat ng uri ng kalagayan ng tao. Ang Kanyang mga salita ay para sa lahat, at kasingliwanag ng bilog na buwan. Kaya ngayon, nauunawaan ng mga tao ang maraming isyu, ngunit may kulang pa rin—ang pagsasagawa ng mga tao sa Kanyang salita. Kailangang maranasan ng mga tao ang lahat ng aspeto ng katotohanan nang detalyado, at tuklasin at hangarin ito nang mas detalyado, sa halip na basta maghintay na tanggapin kung ano ang ibigay sa kanila; kung hindi ay nagiging mga palaasa lang sila sa iba. Alam nila ang salita ng Diyos, subalit hindi nila ito isinasagawa. Ang ganitong uri ng tao ay walang pagmamahal sa katotohanan at sa huli ay aalisin. Para maging katulad ng isang Pedro sa dekada 90, nangangahulugan ito na bawat isa sa inyo ay dapat isagawa ang salita ng Diyos, magkaroon ng tunay na pagpasok sa inyong mga karanasan at magkamit ng higit pa at mas dakilang kaliwanagan sa inyong pakikipagtulungan sa Diyos, na magdadala ng higit at higit pang tulong sa sarili ninyong buhay. Kung marami na kayong nabasang salita ng Diyos ngunit nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salita at wala kayong personal na kaalaman sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong praktikal na mga karanasan, hindi mo malalaman ang salita ng Diyos. Para sa iyo, ang salita ng Diyos ay hindi buhay, kundi mga salita lamang na walang buhay. At kung ang ipamumuhay mo ay mga salita lamang na walang buhay, hindi mo mauunawaan ang diwa ng salita ng Diyos, ni mauunawaan ang Kanyang kalooban. Kapag naranasan mo na ang Kanyang salita sa iyong mga tunay na karanasan, saka lamang kusang mahahayag sa iyo ang espirituwal na kahulugan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng karanasan mo mauunawaan ang espirituwal na kahulugan ng maraming katotohanan at mabubuksan ang mga hiwaga ng salita ng Diyos. Kung hindi mo ito isasagawa, gaano man kalinaw ang Kanyang salita, ang tanging naunawaan mo ay mga hungkag na salita at doktrina, na naging mga tuntuning pangrelihiyon na sa iyo. Hindi ba ito ang ginawa ng mga Pariseo? Kung isinasagawa at nararanasan ninyo ang salita ng Diyos, nagiging praktikal ito sa inyo; kung hindi ninyo hinahangad isagawa ito, hihigit lang nang kaunti sa alamat ng ikatlong langit ang salita ng Diyos para sa iyo. Sa katunayan, ang proseso ng paniniwala sa Diyos ay ang proseso ng inyong pagdanas sa Kanyang salita gayundin ang pagiging nakamit Niya, o para mas maliwanag, ang maniwala sa Diyos ay ang magkaroon ng kaalaman at pagkaunawa sa Kanyang salita at ang maranasan at isabuhay ang Kanyang salita; ganyan ang realidad sa likod ng inyong paniniwala sa Diyos. Kung kayo ay naniniwala sa Diyos at umaasa sa buhay na walang hanggan nang hindi naghahangad na isagawa ang salita ng Diyos at pumasok sa katotohanang realidad, kayo ay hangal. Magiging para itong pagpunta sa isang piging at pagtingin lamang sa pagkain at pagsasaulo kung alin ang masarap nang hindi man lamang tinitikman ang alinman dito, magiging para itong hindi pagkain o pag-inom ng kahit ano roon. Hindi ba hangal ang gayong tao?

Ang katotohanan na kailangang taglayin ng tao ay matatagpuan sa salita ng Diyos, at isang katotohanan ito na lubhang kapaki-pakinabang at nakakatulong sa sangkatauhan. Ito ang pampalakas at panustos na kailangan ng inyong katawan, isang bagay na tumutulong sa panunumbalik ng normal na pagkatao ng tao. Ito ay isang katotohanan na dapat taglayin ng tao. Habang lalo ninyong isinasagawa ang salita ng Diyos, lalong bumibilis ang pamumukadkad ng inyong buhay, at lalong lumilinaw ang katotohanan. Habang lumalago ang inyong tayog, makikita ninyo nang mas malinaw ang mga bagay ng espirituwal na mundo, at lalo kayong lalakas upang magtagumpay laban kay Satanas. Karamihan sa katotohanang hindi ninyo nauunawaan ay lilinaw kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos. Karamihan sa mga tao ay nasisiyahan na maunawaan lamang ang teksto ng salita ng Diyos at magtuon sa pagsasangkap sa kanilang sarili ng mga doktrina sa halip na palalimin ang kanilang karanasan sa pagsasagawa, ngunit hindi ba iyon ang paraan ng mga Pariseo? Kaya paano magiging totoo ang pariralang “Ang salita ng Diyos ay buhay” para sa kanila? Hindi makalalago ang buhay ng isang tao sa pagbabasa lamang ng salita ng Diyos, kundi kapag isinasagawa lamang niya ang salita ng Diyos. Kung ang paniniwala mo ay na ang pag-unawa lamang sa salita ng Diyos ang kailangan upang magkaroon ng buhay at tayog, baliko ang pang-unawa mo. Nangyayari ang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos kapag isinasagawa mo ang katotohanan, at kailangan mong maunawaan na “sa pagsasagawa lamang ng katotohanan ito maaaring maunawaan.” Sa araw na ito, matapos basahin ang salita ng Diyos, masasabi mo lamang na alam mo ang salita ng Diyos, ngunit hindi mo masasabi na nauunawaan mo ito. Sinasabi ng ilan na ang tanging paraan para maisagawa ang katotohanan ay ang unawain muna ito, ngunit medyo tama lamang ito, at walang dudang hindi ganap na tumpak. Bago ka magkaroon ng kaalaman tungkol sa isang katotohanan, hindi mo pa nararanasan ang katotohanang iyon. Ang pakiramdam na nauunawaan mo ang isang bagay na naririnig mo sa isang sermon ay hindi tunay na pagkaunawa—pagtataglay lamang ito ng literal na mga salita ng katotohanan, at hindi kagaya ng pagkaunawa sa tunay na kahulugan niyon. Hindi dahil mayroon kang malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan ay talagang nauunawaan mo na iyon o may kaalaman ka na tungkol doon; ang tunay na kahulugan ng katotohanan ay nanggagaling mula sa pagdanas nito. Samakatuwid, kapag naranasan mo na ang katotohanan, saka mo lamang ito mauunawaan, at saka mo lamang mauunawaan ang mga natatagong bahagi nito. Ang pagpapalalim ng iyong karanasan ang tanging paraan upang maunawaan ang mga natatagong kahulugan at ang diwa ng katotohanan. Samakatuwid, makakapunta ka kahit saan na dala ang katotohanan, ngunit kung wala ang katotohanan sa iyo, huwag mong isiping kumbinsihin kahit ang iyong mga kapamilya, lalo na ang mga relihiyosong tao. Kung wala sa iyo ang katotohanan, para kang lilipad-lipad na niyebe, ngunit kapag nasa iyo ang katotohanan maaari kang maging masaya at malaya, at walang maaaring umatake sa iyo. Gaano man katibay ang isang teorya, hindi nito madaraig ang katotohanan. Kung mayroong katotohanan, ang mundo mismo ay maaaring yanigin at ang mga bundok at dagat ay maaaring ilipat, samantalang kung walang katotohanan ay maaaring durugin ng mga uod ang matitibay na pader ng lungsod. Ito ay isang malinaw na katotohanan.

Sa kasalukuyang yugto, napakahalagang malaman muna ang katotohanan, at pagkatapos ay isagawa ito at sangkapan pa ang iyong sarili ng tunay na kahulugan ng katotohanan. Dapat ninyong hangaring matamo ito. Sa halip na basta hangaring pasunurin ang iba sa iyong mga salita, dapat mo silang pasunurin sa iyong pagsasagawa. Sa ganitong paraan ka lamang makasusumpong ng isang bagay na makabuluhan. Anuman ang sumapit sa iyo, sinuman ang makasalamuha mo, basta’t taglay mo ang katotohanan, magagawa mong manindigan nang matatag. Ang salita ng Diyos ang siyang naghahatid ng buhay sa tao, hindi ng kamatayan. Kung, matapos mong basahin ang salita ng Diyos, hindi ka nabuhay, kundi patay ka pa rin, may mali sa iyo. Kung pagkaraan ng ilang panahon ay marami ka nang nabasa sa salita ng Diyos at nakarinig ka na ng maraming praktikal na sermon, ngunit patay ka pa rin, pinatutunayan nito na hindi mo pinahahalagahan ang katotohanan, ni hinahangad na matamo ang katotohanan. Kung talagang hinangad ninyong matamo ang Diyos, hindi kayo magtutuon sa pagsasangkap sa inyong sarili ng mga doktrina at paggamit ng matatayog na doktrina para turuan ang iba, kundi sa halip ay magtutuon kayo sa pagdanas ng salita ng Diyos at sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ba iyan ang dapat ninyong hangaring pasukin ngayon?

Limitado ang panahon para gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao, kaya ano ang kalalabasan niyan kung hindi ka makikipagtulungan sa Kanya? Bakit palaging gusto ng Diyos na isagawa ninyo ang Kanyang salita kapag naunawaan na ninyo ito? Ito ay dahil inihayag na ng Diyos ang Kanyang mga salita sa inyo, at ang inyong susunod na hakbang ay ang talagang isagawa ang mga ito. Habang isinasagawa ninyo ang mga salitang ito, isasakatuparan ng Diyos ang gawain ng pagliliwanag at pagpatnubay. Ganyan iyon nararapat na gawin. Ang salita ng Diyos ay tinutulutan ang tao na mamukadkad sa buhay at hindi ito nagtataglay ng mga elementong magiging dahilan para malihis o maging balintiyak ang tao. Sinasabi mo na nabasa mo na ang salita ng Diyos at naisagawa na ito, ngunit wala ka pa ring natatanggap na anumang gawain mula sa Banal na Espiritu. Batang paslit lamang ang kayang lokohin ng iyong mga salita. Maaaring hindi alam ng ibang mga tao kung tama ang iyong mga layunin, ngunit sa palagay mo ba posibleng hindi iyon malaman ng Diyos? Paano nangyari na isinasagawa ng iba ang salita ng Diyos at tumatanggap sila ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu, subalit isinasagawa mo ang Kanyang salita at hindi mo natatanggap ang pagliliwanag ng Banal na Espiritu? May damdamin ba ang Diyos? Kung talagang tama ang iyong mga layunin at nakikipagtulungan ka, sasaiyo ang Espiritu ng Diyos. Gusto palagi ng ilang tao na mag-angkin, ngunit bakit hindi sila hinahayaan ng Diyos na tumindig at mamuno sa iglesia? Ang ilang tao ay tinutupad at ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin, at bago pa nila malaman, natamo na nila ang pagsang-ayon ng Diyos. Paano nangyari iyon? Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao, at kailangan itong gawin ng mga taong naghahanap sa katotohanan nang may mga tamang layunin. Ang mga taong hindi tama ang mga layunin ay hindi kayang manindigan nang matatag. Sa kaibuturan nito, ang inyong mithiin ay ang hayaang magkabisa ang salita ng Diyos sa inyong kalooban. Sa madaling salita, ito ay ang magkaroon ng isang tunay na pagkaunawa sa salita ng Diyos sa inyong pagsasagawa nito. Marahil ay wala kayong gaanong kakayahang unawain ang salita ng Diyos, ngunit kapag isinasagawa ninyo ang salita ng Diyos, maaari Niyang punan ang kakulangang ito, kaya hindi lamang ninyo kailangang malaman ang maraming katotohanan, kundi kailangan din ninyong isagawa ang mga ito. Ito ang pinakadakilang pagtutuon na hindi maaaring balewalain. Tiniis ni Jesus ang maraming kahihiyan at pagdurusa sa Kanyang tatlumpu’t tatlong kalahating taon. Nagdusa Siya nang labis dahil lamang sa isinagawa Niya ang katotohanan, ginawa ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagmalasakit lamang sa kalooban ng Diyos. Ito ay pagdurusang hindi sana Niya dinanas kung nalaman Niya ang katotohanan nang hindi iyon isinasagawa. Kung sinunod ni Jesus ang mga turo ng mga Hudyo at sinunod ang mga Pariseo, hindi sana Siya nagdusa. Matututuhan mo mula sa mga gawa ni Jesus na ang bisa ng gawain ng Diyos sa tao ay nagmumula sa pakikipagtulungan ng tao, at ito ay isang bagay na kailangan ninyong kilalanin. Nagdusa kaya si Jesus na tulad ng dinanas Niya sa krus kung hindi Niya isinagawa ang katotohanan? Nanalangin kaya Siya ng napakalungkot na panalangin kung hindi Siya kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos? Samakatuwid, dapat kayong magdusa alang-alang sa pagsasagawa ng katotohanan; ito ang uri ng pagdurusang dapat danasin ng isang tao.

Sinundan: Tungkol sa Paggamit ng Diyos sa Tao

Sumunod: Ang Isang Taong Nagkakamit ng Kaligtasan ay Yaong Nakahandang Isagawa ang Katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito