Pagsasagawa 4
Ang kapayapaan at kagalakang sinasabi Ko ngayon ay hindi kagaya ng pinaniniwalaan at nauunawaan mo. Iniisip mo dati na ang kapayapaan at kagalakan ay nangangahulugan ng pagiging masaya buong araw, kawalan ng sakit o kasawian sa iyong pamilya, pagiging laging nasisiyahan ang puso mo nang wala ni katiting na kalungkutan, at pagkakaroon ng di-maipaliwanag na kagalakan gaano man umunlad ang iyong buhay. Bukod pa iyon sa nakuha mong umento sa sahod at sa pagpasok ng anak mong lalaki sa pamantasan. Nasasaisip ang mga bagay na ito, nanalangin ka sa Diyos at, nang makita mo na napakadakila ng biyaya ng Diyos, tuwang-tuwa ka, nakangisi hanggang tainga, at hindi mo mapigilan magpasalamat sa Diyos. Hindi ang gayong kapayapaan at kagalakan ang tunay na kapayapaan at kagalakang nagmumula sa pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu. Sa halip, ito ang kapayapaan at kagalakang bunga ng kasiyahan ng laman. Dapat mong maunawaan kung ano ang kapanahunan sa ngayon; hindi ito ang Kapanahunan ng Biyaya, at hindi na ito ang panahon na hinahangad mong punuin ng tinapay ang iyong tiyan. Maaaring tuwang-tuwa ka dahil maayos ang lahat sa iyong pamilya, ngunit naghahabol na ng huling hininga ang buhay mo—at sa gayon, gaano man katindi ang iyong kagalakan, hindi sumasaiyo ang Banal na Espiritu. Ang pagtatamo ng presensya ng Banal na Espiritu ay simple: gawin mo nang maayos ang nararapat mong gawin, gampanan mong mabuti ang tungkulin at gawain ng isang tao, at magawang sangkapan ang iyong sarili ng mga bagay na kailangan mo upang mapunan ang iyong mga pagkukulang. Kung lagi kang may pasanin sa sarili mong buhay at masaya ka dahil may nahiwatigan kang isang katotohanan o naunawaan mo ang kasalukuyang gawain ng Diyos, ito ang totoong pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu. O, kung nababalisa ka kung minsan dahil nagkaroon ka ng isang isyu na hindi mo alam kung paano danasin, o dahil hindi mo nauunawaan ang isang katotohanang ibinabahagi, pinatutunayan nito na sumasaiyo ang Banal na Espiritu. Karaniwang mga kalagayan ito ng karanasan sa buhay. Kailangan mong maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon at hindi pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu, at kailangan ay hindi masyadong mababaw ang iyong pagtingin dito.
Dati-rati, sinasabi na ang pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu at pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu ay magkaiba. Ang normal na kalagayan ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu ay namamalas sa pagkakaroon ng normal na mga kaisipan, normal na katwiran, at normal na pagkatao. Ang ugali ng isang tao ay mananatiling tulad ng dati, ngunit magkakaroon ng kapayapaan sa kanilang kalooban, at sa panlabas ay magkakaroon sila ng kagandahang-asal ng isang banal. Magiging ganito sila kapag sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag taglay ng isang tao ang presensya ng Banal na Espiritu, normal ang kanilang pag-iisip. Kapag nagugutom sila gusto nilang kumain, kapag nauuhaw sila gusto nilang uminom ng tubig. … Ang gayong mga pagpapamalas ng normal na pagkatao ay hindi kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay normal na pag-iisip ng mga tao at normal na kalagayan ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu. Mali ang paniniwala ng ilang tao na yaong mga may presensya ng Banal na Espiritu ay hindi nagugutom, na hindi sila nakakadama ng kapaguran, at tila hindi inaalala ang pamilya, na halos inihiwalay na nang lubusan ang kanilang sarili mula sa katawan. Sa katunayan, habang lalong sumasa mga tao ang Banal na Espiritu, lalo silang normal. Alam nila kung paano magdusa at isuko ang mga bagay para sa Diyos, gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at maging tapat sa Diyos; bukod pa rito, iniisip nilang kumain at magbihis. Sa madaling salita, walang nawalang anuman sa kanilang normal na pagkatao na dapat magkaroon ang tao at, sa halip, lalo silang nagtataglay ng katwiran. Kung minsan, nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at pinagninilayan ang gawain ng Diyos; may pananampalataya sa kanilang puso at handa silang hanapin ang katotohanan. Natural, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakabatay sa pundasyong ito. Kung ang mga tao ay walang normal na pag-iisip, wala silang katwiran—hindi ito isang normal na kalagayan. Kapag ang mga tao ay may normal na pag-iisip at sumasakanila ang Banal na Espiritu, siguradong taglay nila ang katwiran ng isang normal na tao at, sa gayon, mayroon silang isang normal na kalagayan. Sa pagdanas sa gawain ng Diyos, nangyayari paminsan-minsan ang pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang halos palaging mayroong presensya ng Banal na Espiritu. Hangga’t normal ang katwiran at pag-iisip ng mga tao, at hangga’t normal ang kanilang kalagayan, siguradong sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kapag hindi normal ang katwiran at pag-iisip ng mga tao, hindi normal ang kanilang pagkatao. Kung, sa sandaling ito, sumasaiyo ang gawain ng Banal na Espiritu, siguradong sumasaiyo rin ang Banal na Espiritu. Ngunit kung sumasaiyo ang Banal na Espiritu, hindi ibig sabihin ay talagang gumagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban, sapagkat gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga espesyal na pagkakataon. Mapapanatili lamang ng pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu ang normal na pag-iral ng mga tao, ngunit gumagawa lamang ang Banal na Espiritu paminsan-minsan. Halimbawa, kung isa kang lider o manggagawa, kapag nagdidilig at nagtutustos ka para sa iglesia, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu sa ilang salita na nagpapatatag sa iba at makakalutas sa ilan sa mga praktikal na problema ng iyong mga kapatid—sa ganitong mga pagkakataon, gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung minsan, kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng ilang salitang may partikular na kaugnayan sa sarili mong mga karanasan, na nagtutulot sa iyo na magtamo ng higit na kaalaman tungkol sa sarili mong mga kalagayan; gawain din ito ng Banal na Espiritu. Kung minsan, habang Ako ay nagsasalita, nakikinig kayo at nagagawa ninyong ihambing ang sarili ninyong mga kalagayan sa Aking mga salita, at kung minsan ay naaantig o nabibigyang-inspirasyon kayo; lahat ng ito ay gawain ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao na gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu sa lahat ng oras. Imposible ito. Kung sasabihin nila na palaging sumasakanila aang Banal na Espiritu, makatotohanan iyon. Kung sasabihin nila na ang kanilang pag-iisip at katinuan ay normal sa lahat ng oras, makatotohanan din iyon, at ipakikita na sumasakanila ang Banal na Espiritu. Kung sinasabi nila na palaging gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila, na nililiwanagan sila ng Diyos at inaantig ng Banal na Espiritu sa bawat sandali, at nagtatamo ng bagong kaalaman sa lahat ng oras, talagang hindi ito normal! Lubos itong higit sa karaniwan! Walang kaduda-duda, masasamang espiritu ang gayong mga tao! Kahit kapag pumapasok ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, may mga pagkakataon na kailangan Niyang kumain at kailangang magpahinga—bukod pa riyan ang mga tao. Yaong mga nasaniban ng masasamang espiritu ay parang walang kahinaan ng katawan. Nagagawa nilang talikdan at isuko ang lahat, wala silang damdamin, kaya nilang tiisin ang pagdurusa at hindi nakadarama ni katiting na pagod, na parang napangibabawan na nila ang katawan. Hindi ba ito lubos na higit sa karaniwan? Ang gawain ng masasamang espiritu ay hindi karaniwan—walang taong makakagawa ng gayong mga bagay! Yaong mga walang paghiwatig ay naiinggit kapag nakikita nila ang gayong mga tao: Sinasabi nila na napakalakas ng kanilang pananalig sa Diyos, may malaking pananampalataya, at hindi nagpapakita ni katiting na tanda ng kahinaan! Sa katunayan, lahat ng ito ay pagpapamalas ng gawain ng isang masamang espiritu. Sapagkat, ang mga normal na tao ay walang pagsalang may mga kahinaan ng tao; ito ang normal na kalagayan ng yaong mga may presensya ng Banal na Espiritu.
Ano ang ibig sabihin ng manindigan ang isang tao sa kanyang patotoo? Sinasabi ng ilang tao na sumusunod lamang sila na kagaya ng ginagawa nila ngayon at hindi sila nag-aalala kung kaya nilang magtamo ng buhay; hindi nila hinahangad ang buhay, ngunit hindi rin naman sila tumatalikod. Kinikilala lamang nila na ang yugtong ito ng gawain ay isinasagawa ng Diyos. Hindi ba ito kabiguan sa kanilang patotoo? Ni hindi nagpapatotoo ang gayong mga tao na nalupig na sila. Yaong mga nalupig na ay sumusunod sa kabila ng lahat at nagagawang hangarin ang buhay. Hindi lamang sila naniniwala sa praktikal na Diyos, kundi alam din nila kung paano sundin ang lahat ng plano ng Diyos. Gayon yaong mga nagpapatotoo. Yaong mga hindi nagpapatotoo ay hindi kailanman hinangad ang buhay at patuloy pa ring sumusunod nang magulo. Maaaring sumusunod ka, ngunit hindi ito nangangahulugan na nalupig ka na, sapagkat hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos ngayon. Kailangang matugunan ang ilang kundisyon para malupig. Hindi lahat ng sumusunod ay nalupig na, sapagkat sa puso mo ay hindi mo nauunawaan kung bakit kailangan mong sundin ang Diyos sa ngayon, hindi mo rin alam kung paano ka nakaraos hanggang ngayon, kung sino ang sumuporta sa iyo hanggang ngayon. Ang pagsampalataya ng ilang tao sa Diyos ay palaging magulo at lito; sa gayon, ang pagsunod ay hindi nangangahulugan na mayroon kang patotoo. Ano ba talaga ang tunay na patotoo? Ang patotoong binabanggit dito ay may dalawang bahagi: Ang isa ay patotoo ng pagkalupig, at ang isa pa ay patotoo na nagawa na siyang perpekto (na, natural, ay magiging patotoo kasunod ng malalaking pagsubok at kapighatian sa hinaharap). Sa madaling salita, kung kaya mong manindigan sa oras ng mga kapighatian at pagsubok, napagtiisan mo na ang pangalawang hakbang ng patotoo. Ang pinakamahalaga ngayon ay ang unang hakbang ng patotoo: magawang manindigan sa bawat pagkakataon ng mga pagsubok ng pagkastigo at paghatol. Ito ang patotoo na nalupig na ang isang tao. Iyon ay dahil ngayon ang panahon ng paglupig. (Dapat mong malaman na ngayon ang panahon ng gawain ng Diyos sa lupa; ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat ay lupigin ang grupo ng mga taong ito sa lupa na sumusunod sa Kanya kahit sa paghatol at pagkastigo.) Kung may kakayahan ka o wala na magpatotoo na nalupig ka na ay nakasalalay hindi lamang sa kung nakakasunod ka hanggang sa pinakahuli, kundi, ang mas mahalaga, kung kaya mo, habang dinaranas mo ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na tunay na maunawaan ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at kung tunay mong nahihiwatigan ang lahat ng gawaing ito. Hindi ka makakalusot sa pagsunod lamang hanggang sa huli. Kailangan ay handa kang sumuko sa panahon ng bawat pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, may kakayahan kang tunay na maunawaan ang bawat hakbang ng gawaing nararanasan mo, at kailangan mong magtamo ng kaalaman, at pagsunod sa disposisyon ng Diyos. Ito ang huling patotoo na nalupig ka na, na ipinababahagi sa iyo. Ang patotoo na nalupig ka na ay tumutukoy una sa lahat sa iyong kaalaman tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang mahalaga, ang hakbang na ito ng patotoo ay sa pagkakatawang-tao ng Diyos. Hindi mahalaga kung ano ang iyong ginagawa o sinasabi sa harap ng mga tao sa mundo o yaong mga may kapangyarihan; ang pinakamahalaga sa lahat ay kung nagagawa mong sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng Kanyang gawain. Kung gayon, ang hakbang na ito ng patotoo ay patungkol kay Satanas at sa lahat ng kaaway ng Diyos—ang mga demonyo at palaaway na hindi naniniwala na ang Diyos ay magkakatawang-tao sa ikalawang pagkakataon at darating upang gumawa ng mas dakilang gawain, at bukod pa roon, hindi naniniwala sa katotohanan ng pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Sa madaling salita, patungkol ito sa lahat ng anticristo—lahat ng kaaway na hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos.
Hindi pinatutunayan ng pag-iisip at pananabik sa Diyos na nilupig ka na ng Diyos; nakasalalay iyon sa kung naniniwala ka na Siya ang Salita na nagkatawang-tao, kung naniniwala ka na ang Salita ay nagkatawang-tao, at kung naniniwala ka na ang Espiritu ay naging Salita, at ang Salita ay nagpakita sa katawang-tao. Ito ang pinakamahalagang patotoo. Hindi mahalaga kung paano ka sumusunod, ni kung paano mo ginugugol ang iyong sarili; ang pinakamahalaga ay kung nagagawa mong matuklasan mula sa normal na pagkataong ito na ang Salita ay nagkatawang-tao at ang Espiritu ng katotohanan ay nagkatotoo sa katawang-tao—na lahat ng katotohanan, ng daan, at ng buhay, ay naparito na sa katawang-tao, at ang Espiritu ng Diyos ay talagang dumating na sa lupa at ang Espiritu ay naparito na sa katawang-tao. Bagama’t, sa tingin, mukhang naiiba ito mula sa paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, sa gawaing ito nagagawa mong makita nang malinaw na ang Espiritu ay naisakatuparan na sa katawang-tao, at, bukod pa rito, ang Salita ay nagkatawang-tao na at ang Salita ay nagpakita na sa katawang-tao. Nagagawa mong maunawaan ang tunay na kahulugan ng mga salitang: “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.” Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan na ang Salita sa ngayon ay ang Diyos, at masdan na ang Salita ay naging tao. Ito ang pinakamagandang patotoong maibabahagi mo. Pinatutunayan nito na taglay mo ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos na naging tao—hindi mo lamang nagagawang makilala Siya, kundi nababatid mo rin na ang landas na iyong tinatahak sa ngayon ay ang landas ng buhay, at ang landas ng katotohanan. Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Verbo ay sumasa Dios”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking katunayan na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa kahulugan sa loob ng “ang Salita ay naging tao,” nagbigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula siya ang Verbo.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, lalo pa Niyang nililinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang daan—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung ano ang pagkaunawa mo sa katawang-tao at sa Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibahagi, yaong kailangang malaman ng lahat. Dahil ito ang gawain ng ikalawang pagkakatawang-tao—at ang huling pagkakataon na magkakatawang-tao ang Diyos—lubos nitong kinukumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao, lubus-lubusang isinasakatuparan at inilalabas ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, at winawakasan ang panahon ng Diyos na nasa katawang-tao. Sa gayon, kailangan mong malaman ang kahulugan ng pagkakatawang-tao. Hindi mahalaga kung gaano ka naglilibot, o gaano kahusay mo isinasakatuparan ang iba pang mga bagay na walang kinalaman sa iyo; ang mahalaga ay kung nagagawa mong tunay na magpasakop sa harap ng Diyos na nagkatawang-tao at ilaan ang iyong buong pagkatao sa Diyos, at sundin ang lahat ng salitang nagmumula sa Kanyang bibig. Ito ang dapat mong gawin, at dapat mong sundin.
Ang huling hakbang ng patotoo ay ang patotoo kung nagawa kang perpekto o hindi—na ang ibig sabihin, dahil naunawaan mo na ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao, nag-aangkin ka ng kaalaman tungkol sa Diyos at nakatitiyak ka tungkol sa Kanya, isinasabuhay mo ang lahat ng salitang nagmumula sa bibig ng Diyos, at nagagawa ang mga kundisyong hinihiling sa iyo ng Diyos—ang estilo ni Pedro at pananampalataya ni Job—kaya nakakasunod ka hanggang kamatayan, naibibigay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Kanya, at sa huli ay nakakamtan ang larawan ng isang taong tumutugon sa pamantayan, na ibig sabihin ay ang larawan ng isang taong nalupig na at nagawang perpekto matapos danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ito ang pangwakas na patotoo—ito ang patotoong dapat ibahagi ng isang taong nagawang perpekto sa huli. Ito ang dalawang hakbang ng patotoo na dapat mong ibahagi, at magkaugnay ang mga ito, bawat isa ay kailangang-kailangan. Ngunit may isang bagay na kailangan mong malaman: Ang patotoong kinakailangan ko sa iyo ngayon ay hindi patungkol sa mga tao sa mundo, ni hindi sa sinumang indibiduwal, kundi tungkol sa hinihiling Ko sa iyo. Nasusukat ito sa kung napapalugod mo Ako, at kung nagagawa mong lubos na tugunan ang mga pamantayan ng Aking mga hinihiling sa bawat isa sa inyo. Ito ang dapat ninyong maunawaan.