Pagsasagawa 3

Kailangang magkaroon kayo ng kakayahang mabuhay nang mag-isa, makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, maranasan ang mga salita ng Diyos nang mag-isa, at mamuhay ng isang normal na espirituwal na buhay nang hindi pinamumunuan ng iba. Kailangang magawa ninyong umasa sa mga salitang ipinapahayag ng Diyos ngayon para mabuhay, makapasok sa tunay na karanasan, at magtamo ng tunay na mga kabatiran. Sa paggawa lamang nito kayo makapaninindigan. Ngayon, maraming taong hindi lubos na nauunawaan ang mga kapighatian at pagsubok sa hinaharap. Sa hinaharap, daranas ang ilang tao ng mga kapighatian, at daranas ang ilan ng kaparusahan. Ang kaparusahang ito ay magiging mas matindi; ito ang magiging pagdating ng mga katunayan. Ngayon, lahat ng iyong nararanasan, isinasagawa, at ipinapakita ay naglalatag ng pundasyon para sa mga pagsubok sa hinaharap, at kahit paano, kailangang magawa mong mabuhay nang mag-isa. Ngayon, ang karaniwang sitwasyon tungkol sa marami sa iglesia ay ang mga sumusunod: Kung may mga lider at manggagawang gagawa ng gawain, masaya sila, at kung wala, hindi sila masaya. Hindi nila pinapansin ang gawain ng iglesia, ni ang sarili nilang espirituwal na buhay, at wala sila ni katiting na pasanin—sumusulong sila nang walang layunin kagaya ng ibong Hanhao.[a] Sa totoo lang, ang gawaing Aking nagawa sa maraming tao ay gawain lamang ng paglupig, sapagkat marami sa panimula ang hindi karapat-dapat na gawing perpekto. Maliit na bahagi lamang ng mga tao ang maaaring gawing perpekto. Kung, matapos marinig ang mga salitang ito, iniisip mo na “dahil ang gawaing ginagawa ng Diyos ay para lamang lupigin ang mga tao, susunod lamang Ako nang walang interes,” paano magiging katanggap-tanggap ang gayong saloobin? Kung talagang mayroon kang konsiyensya, kailangan kang magkaroon ng pasanin, at makadama ng responsibilidad. Kailangan mong sabihing: “Lulupigin man ako o gagawing perpekto, kailangan kong pasanin nang maayos ang hakbang na ito ng patotoo.” Bilang isang nilikha ng Diyos, maaaring ganap na malupig ng Diyos ang isang tao, at sa huli, nagagawa niyang mapalugod ang Diyos, na tinutumbasan ang pagmamahal ng Diyos ng isang pusong nagmamahal sa Diyos at sa ganap na paglalaan ng sarili sa Diyos. Ito ang responsibilidad ng tao, ito ang tungkuling dapat gampanan ng tao, at ang pasaning dapat dalhin ng tao, at kailangang matapos ng tao ang atas na ito. Saka lamang siya tunay na naniniwala sa Diyos. Ngayon, katuparan ba ng iyong responsibilidad ang ginagawa mo sa iglesia? Depende ito sa kung ikaw ay may pasanin, at depende ito sa sarili mong kaalaman. Sa pagdanas sa gawaing ito, kung ang tao ay nalupig at may tunay na kaalaman, makakaya niyang sumunod anuman ang kanyang sariling mga inaasam o kapalaran. Sa ganitong paraan, ang dakilang gawain ng Diyos ay magkakatotoo sa kabuuan nito, sapagkat kayong mga tao ay walang kakayahang higit pa rito, at hindi ninyo kayang tumupad ng anumang mas malalaking kahilingan. Subalit sa hinaharap, ang ilang tao ay gagawing perpekto. Ang kanilang kakayahan ay huhusay, sa kanilang espiritu ay magkakaroon sila ng mas malalim na kaalaman, at ang kanilang buhay ay lalago…. Subalit ganap na walang kakayahan ang ilan na makamit ito, kaya nga hindi maliligtas. May dahilan kaya Ko sinasabi na hindi sila maliligtas. Sa hinaharap, ang ilan ay lulupigin, ang ilan ay aalisin, ang ilan ay gagawing perpekto, at ang ilan ay kakasangkapanin—kaya nga ang ilan ay daranas ng mga kapighatian, ang ilan ay daranas ng kaparusahan (kapwa mga kalamidad na dulot ng kalikasan at mga kasawiang gawa ng tao), ang ilan ay aalisin, at ang ilan ay makaliligtas. Dito, bawat isa ay ibubukod ayon sa uri, na bawat grupo ay kumakatawan sa isang uri ng tao. Hindi lahat ng tao ay aalisin, ni hindi lahat ng tao ay gagawing perpekto. Ito ay dahil ang kakayahan ng mga Tsino ay napakahina, at iilan lamang sa kanila ang may uri ng kamalayan sa sarili na tinaglay ni Pablo. Sa inyo, iilan ang may determinasyong tulad ni Pedro na mahalin ang Diyos, o tulad ng uri ng pananampalataya ni Job. Halos walang sinuman sa inyo ang natatakot at naglilingkod kay Jehova na tulad ng ginawa ni David, na may parehong antas ng katapatan. Kaawa-awa kayo!

Ngayon, ang usapang magawang perpekto ay isang aspeto lamang. Anuman ang mangyari, kailangang pasanin ninyo nang maayos ang hakbang na ito ng patotoo. Kung hinilingan kayong maglingkod sa Diyos sa templo, paano ninyo ito gagawin? Kung hindi ka isang saserdote, at wala ka sa katayuan ng mga panganay na anak o ng mga anak ng Diyos, makakaya mo pa rin bang maging matapat? Makakaya mo pa rin bang gugulin ang lahat ng iyong pagsisikap sa gawain ng pagpapalawak ng kaharian? Makakaya mo pa rin bang gawin nang maayos ang gawain ng atas ng Diyos? Gaano man ang naiunlad ng iyong buhay, lubos na makukumbinsi ng gawain sa ngayon ang iyong kalooban, at magagawa kang isantabi ang lahat ng iyong haka-haka. Taglay mo man o hindi ang kinakailangan para magtagumpay sa buhay, lubos kang makukumbinsi ng gawain ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Naniniwala lang ako sa Diyos, at hindi ko nauunawaan ang ibig sabihin ng magtagumpay sa buhay.” At sinasabi ng ilan: “Litung-lito ako sa aking paniniwala sa Diyos. Alam ko na hindi ako maaaring gawing perpekto, kaya nga handa akong makastigo.” Kahit ang mga taong kagaya nito, na handang makastigo o lipulin, ay kailangan ding kilalanin na ang gawain sa ngayon ay isinasagawa ng Diyos. Sinasabi rin ng ilang tao: “Hindi ko hinihiling na magawang perpekto, ngunit, ngayon, handa akong tanggapin ang lahat ng pagsasanay ng Diyos, at handa akong isabuhay ang normal na pagkatao, paghusayin ang aking kakayahan, at sundin ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos….” Dito, nalupig din sila at nagpatotoo, na nagpapatunay na may kaunting kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos sa kalooban ng mga taong ito. Ang yugtong ito ng gawain ay naisagawa nang napakabilis, at sa hinaharap, isasagawa ito nang mas mabilis sa ibang bansa. Sa ngayon, halos hindi makapaghintay ang mga tao sa ibang bansa, nagmamadali silang lahat papuntang Tsina—kaya nga kung hindi kayo magagawang ganap, paghihintayin ninyo ang mga tao sa ibang bansa. Sa oras na iyon, gaano man kahusay kayo nakapasok o anuman ang inyong pagkatao, pagdating ng panahon ay magwawakas at makukumpleto ang Aking gawain. Hindi ninyo maaantala ang Aking gawain. Ginagawa Ko ang gawain ng buong sangkatauhan, at hindi Ko kailangang gumugol pa ng mas mahabang panahon sa inyo! Walang-wala kayong interes, walang-wala kayong kamalayan sa sarili! Hindi kayo karapat-dapat na gawing perpekto—halos wala kayong anumang potensyal! Sa hinaharap, kahit magpatuloy ang mga tao sa pagiging lubhang pabaya at walang-ingat, at manatiling walang kakayahan na paghusayin ang kanilang kakayahan, hindi nito mahahadlangan ang gawain ng buong sansinukob. Pagdating ng panahon na dapat matapos ang gawain ng Diyos, matatapos ito, at pagdating ng panahon na dapat alisin ang mga tao, aalisin sila. Mangyari pa, ang mga dapat gawing perpekto, at karapat-dapat na gawing perpekto, ay gagawin ding perpekto—ngunit kung wala talaga kayong pag-asa, hindi maghihintay sa inyo ang gawain ng Diyos! Sa huli, kung ikaw ay nalupig, maaari din itong ituring na pagpapatotoo. May mga limitasyon ang hinihingi ng Diyos sa inyo; ano man ang taas ng tayog na kayang makamit ng tao, gayon din ang taas ng patotoong hinihingi sa kanya. Hindi iyon katulad ng iniisip ng tao na mararating ng gayong patotoo ang pinakamataas na mga limitasyon at na aalingawngaw ito—walang paraan para sa mga Tsino na matamo ito. Nakipag-ugnayan Ako sa inyo sa buong panahong ito, at nakita ninyo mismo ito: sinabi Ko na sa inyo na huwag lumaban, huwag maging suwail, huwag gumawa ng mga bagay na nakakagulo o nakakagambala habang nakatalikod Ako. Tuwiran Ko nang pinuna nang maraming beses ang mga tao tungkol dito, ngunit kahit iyon ay hindi sapat—pagtalikod nila, nagbabago sila, habang ang ilan ay lihim na lumalaban, nang walang anumang pag-aalinlangan. Palagay mo ba wala Akong alam tungkol dito? Palagay mo ba makakapanggulo ka sa Akin at walang kahihinatnan iyon? Palagay mo ba hindi Ko alam kapag tinatangka mong sirain ang Aking gawain habang nakatalikod Ako? Palagay mo ba ang mga hamak na panlalansi mo ay maaaring humalili sa iyong pagkatao? Palagi kang parang masunurin ngunit palihim kang nanlilinlang, nagtatago ka ng masasamang saloobin sa puso mo, at maging ang kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan para sa mga taong kagaya mo! Palagay mo ba mapapalitan mo ng ilang maliit na gawain ng Banal na Espiritu sa iyo ang iyong pagkatakot sa Akin? Palagay mo ba nagtamo ka ng kaliwanagan sa pamamagitan ng pagtawag sa Langit? Wala kang kahihiyan! Napakawalang-halaga mo! Palagay mo ba nakararating sa Langit ang iyong “magagandang gawa,” at na, kapalit nito ay itinangi at pinagkalooban ka Niya ng kaunting talento, na ginagawa kang magaling magsalita, tinutulutan kang linlangin ang iba, at linlangin Ako? Walang-wala ka sa katwiran! Alam mo ba kung saan nanggagaling ang iyong kaliwanagan? Hindi mo ba alam kung kaninong pagkain ang iyong kinain habang lumalaki ka? Wala kang konsiyensya! Ni hindi pa nagbabago ang ilan sa inyo pagkaraan ng apat o limang taon ng pagwawasto, at malinaw sa inyo ang mga bagay na ito. Dapat maging malinaw sa inyo ang inyong likas na pagkatao, at huwag kayong tumutol kapag, isang araw, kayo ay talikdan. Ang ilan, na nanlilinlang kapwa sa mga nasa itaas at sa ibaba nila sa kanilang paglilingkod, ay iwinasto na nang maraming beses; ang ilan, dahil gahaman sila sa salapi, ay iwinasto na rin nang husto; ang ilan, dahil hindi sila nagpanatili ng malilinaw na hangganan sa pagitan ng mga lalaki at mga babae, ay iwinasto na rin nang madalas; ang ilan, dahil sila ay tamad, iniisip lamang ang tawag ng laman, at hindi kumikilos ayon sa mga prinsipyo kapag bumibisita sila sa mga iglesia, ay iwinasto na nang maraming beses; ang ilan, dahil bigo silang magpatotoo saanman sila magpunta, nananadya at walang habas kung kumilos, at sinasadya pang magkasala, ay maraming beses nang binalaan tungkol dito; ang ilan na nangungusap lamang ng mga salita at doktrina sa mga oras ng pagtitipon, kumikilos na parang nakahihigit sa lahat, wala ni katiting na katotohanang realidad, at nagbabalak laban sa at nakikipagpaligsahan sa kanilang mga kapatid—madalas na silang nalantad dahil dito. Naipahayag Ko na sa inyo ang mga salitang ito nang maraming beses, at ngayon, hindi na Ako magsasalita tungkol dito—gawin ninyo ang gusto ninyo! Gumawa kayo ng sarili ninyong mga desisyon! Maraming tao ang hindi lamang sumailalim sa ganitong pagwawasto sa loob ng isa o dalawang taon, para sa ilan ito ay tatlo o apat na taon, samantalang ang ilan ay naranasan ito nang mahigit sa isang dekada, na sumasailalim sa pagwawasto nang sila ay maging mga mananampalataya, ngunit hanggang sa ngayon ay kakaunti lamang ang ipinagbago nila. Ano ang masasabi mo, hindi ba katulad ka ng mga baboy? Maaari kayang hindi patas sa iyo ang Diyos? Huwag ninyong isipin na hindi matatapos ang gawain ng Diyos kung hindi ninyo kayang maabot ang isang partikular na antas. Maghihintay pa rin ba sa inyo ang Diyos kung hindi ninyo kayang tuparin ang Kanyang mga hinihingi? Malinaw Kong sinasabi sa iyo—hindi ito ganoon. Huwag kang magkaroon ng gayon kagandang pananaw sa mga bagay-bagay! May takdang panahon sa gawain sa ngayon, at hindi lamang nakikipaglaro sa iyo ang Diyos! Dati-rati, pagdating sa pagdanas ng pagsubok ng mga tagapagsilbi, inakala ng mga tao na kung sila ay maninindigan sa kanilang patotoo sa Diyos at malulupig Niya, kailangang umabot sila sa isang partikular na antas—kailangang maging tagapagsilbi sila nang kusa at masaya, at kailangang purihin nila ang Diyos araw-araw, at kahit katiting ay huwag mawalan ng pagpipigil o magpadalus-dalos. Inakala nila na sa gayon lamang sila magiging isang tunay na tagapagsilbi, ngunit ganoon nga ba? Noon, iba’t ibang uri ng mga tao ang ibinunyag; nagpakita sila ng lahat ng klase ng mga pag-uugali. Ang ilan ay nagreklamo, ang ilan ay nagpakalat ng mga haka-haka, ang ilan ay tumigil sa pagdalo sa mga pagtitipon, at ang ilan ay nagpamudmod pa ng pera ng iglesia. Nagbalak ang mga kapatid laban sa isa’t isa. Talagang malaking pagpapalaya iyon, ngunit may isang bagay na maganda tungkol doon: Walang umatras ni isa. Ito ang pinakamagandang katangian. Nagbigay sila ng isang hakbang ng patotoo sa harap ni Satanas dahil dito, at kalaunan ay natamo nila ang identidad ng mga tao ng Diyos at nakatagal hanggang sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay hindi isinasagawa na tulad ng iyong iniisip, sa halip, kapag tapos na ang oras, magwawakas ang gawain, anuman ang katangiang naabot mo. Maaaring sabihin ng ilang tao: “Sa pagkilos nang ganito hindi Mo inililigtas ang mga tao o minamahal sila—hindi Ikaw ang matuwid na Diyos.” Malinaw Kong sinasabi sa iyo: Ang pinakamahalagang aspeto ng Aking gawain ngayon ay lupigin ka at hikayatin kang magpatotoo. Pandagdag na lamang ang pagliligtas sa iyo; maliligtas ka man o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad, at walang kinalaman sa Akin. Subalit kailangang lupigin kita; huwag mong subukan palagi na utus-utusan Ako—ngayo’y Ako ang gumagawa at inililigtas kita, hindi ang kabaligtaran!

Ngayon, ang nagawa ninyong maunawaan ay mas mataas kaysa kaninumang tao sa buong kasaysayan na hindi ginawang perpekto. Ang kaalaman mo man sa mga pagsubok o ang paniniwala mo sa Diyos, lahat ng iyon ay mas mataas kaysa kaninumang nananampalataya sa Diyos. Ang mga bagay na inyong nauunawaan ang siyang nalalaman ninyo bago kayo sumailalim sa mga pagsubok ng mga sitwasyon, ngunit ang inyong tunay na tayog ay ganap na hindi kasundo ng mga iyon. Ang inyong nalalaman ay mas mataas kaysa inyong isinasagawa. Bagama’t sinasabi ninyo na ang mga taong naniniwala sa Diyos ay dapat mahalin ang Diyos, at dapat magsumikap hindi para sa mga pagpapala kundi para lamang matugunan ang kalooban ng Diyos, ang ipinapakita sa inyong buhay ay napakalayo rito, at narungisan na nang husto. Karamihan sa mga tao ay naniniwala sa Diyos alang-alang sa kapayapaan at iba pang mga pakinabang. Kung hindi ka makikinabang, hindi ka naniniwala sa Diyos, at kung hindi ka makatatanggap ng mga biyaya ng Diyos, nagmamaktol ka. Paano magiging iyong tunay na tayog ang nasabi mo? Pagdating sa di-maiiwasang mga pangyayari sa pamilya tulad ng pagkakasakit ng mga anak, pagkaospital ng mga mahal sa buhay, mahinang ani ng mga pananim, at pag-uusig ng mga kapamilya, kahit ang mga bagay na ito na nangyayari araw-araw ay mabigat para sa iyo. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, natataranta ka, hindi mo alam kung ano ang gagawin—at kadalasan, nagrereklamo ka tungkol sa Diyos. Inirereklamo mo na nilinlang ka ng mga salita ng Diyos, na kinutya ka ng gawain ng Diyos. Wala ba kayong gayong mga saloobin? Palagay mo ba bihira lamang mangyari sa inyo ang gayong mga bagay? Ginugugol ninyo ang bawat araw sa pamumuhay sa gitna ng gayong mga kaganapan. Hindi ninyo iniisip ni katiting ang tagumpay ng inyong pananampalataya sa Diyos, at kung paano ninyo matutugunan ang kalooban ng Diyos. Ang inyong tunay na tayog ay napakababa, mas mababa pa kaysa sa munting sisiw. Kapag nalugi ang negosyo ng inyong pamilya nagrereklamo kayo tungkol sa Diyos, kapag natatagpuan ninyo ang inyong sarili sa isang sitwasyon na walang proteksyon ng Diyos nagrereklamo pa rin kayo tungkol sa Diyos, at nagrereklamo kayo kahit kapag namatay ang isa sa inyong mga sisiw o nagkasakit ang isang matandang baka sa kulungan. Nagrereklamo kayo kapag panahon na para mag-asawa ang inyong anak na lalaki ngunit walang sapat na pera ang inyong pamilya; nais ninyong gampanan ang tungkulin ng punong-abala, ngunit hindi ninyo kayang gastusan iyon, at pagkatapos ay nagrereklamo ka rin. Punung-puno ka ng mga reklamo, at kung minsan ay hindi ka dumadalo sa mga pagtitipon o kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos dahil dito, kung minsan ay nagiging negatibo ka sa loob ng mahabang panahon. Walang nangyayari sa iyo ngayon na may kinalaman sa iyong mga inaasam o kapalaran; ang mga bagay na ito ay mangyayari din kahit hindi ka naniwala sa Diyos, ngunit ngayon ay ipinapasa mo sa Diyos ang responsibilidad para sa mga ito, at pilit mong sinasabi na inalis ka na ng Diyos. Paano na ang paniniwala mo sa Diyos? Naihandog mo ba talaga ang iyong buhay? Kung dinanas ninyo ang mga pagsubok na dinanas ni Job, walang isa man sa inyo na sumusunod sa Diyos ngayon ang makakayang manindigan, lahat kayo ay babagsak. At malaki ang pagkakaiba, sa simpleng pananalita, sa pagitan ninyo at ni Job. Ngayon, kung sinamsam ang kalahati ng inyong mga ari-arian, mangangahas kayong ikaila ang pag-iral ng Diyos; kung kinuha ang inyong anak na lalaki o babae mula sa inyo, magtatatakbo kayo sa kalye na sumisigaw ng ilegal iyan; kung ang tanging paraan mo para kumita ay wala nang patutunguhan, susubukan mong makipagtalo sa Diyos; itatanong mo kung bakit Ako nagpahayag ng napakaraming salita sa simula para takutin ka. Walang anumang bagay na hindi ninyo pangangahasang gawin sa gayong mga pagkakataon. Ipinakikita nito na hindi pa kayo nagtamo ng anumang tunay na mga kabatiran, at wala kayong tunay na tayog. Sa gayon, ang mga pagsubok sa inyo ay napakalaki, sapagkat napakarami ninyong alam, ngunit ang inyong tunay na nauunawaan ay ni wala pa sa isa sa isanlibo ng inyong nalalaman. Huwag tumigil sa pagkaunawa at kaalaman lamang; ang pinakamainam ay tingnan ninyo kung gaano karami ang tunay ninyong maisasagawa, gaanong kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ang nakamit mula sa pawis ng inyong pagsusumikap, at sa ilan sa inyong mga pagsasagawa ninyo napagtanto ang sarili ninyong matibay na pagpapasya. Dapat mong seryosohin ang iyong tayog at pagsasagawa. Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka dapat magtangkang gumawa nang wala sa loob para kaninuman—matatamo mo man ang katotohanan at buhay sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad.

Talababa:

a. Ang kuwento ng ibong Hanhao ay kaparehong-kapareho ng pabula ni Aesop tungkol sa langgam at tipaklong. Mas gustong matulog ng ibong Hanhao sa halip na gumawa ng isang pugad habang mainit ang panahon, sa kabila ng paulit-ulit na mga babala mula sa kanyang kapitbahay, na isang magpie. Nang sumapit ang taglamig, nanigas ang ibon hanggang sa mamatay.

Sinundan: Umiiral Ba ang Trinidad?

Sumunod: Pagsasagawa 4

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito