Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Ang maniwala sa Diyos at makilala ang Diyos ay ganap na likas at may katwiran, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang napakagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pagpapalugod sa Diyos ay isang bagay na nakakamit sa pamamagitan ng pagbubuo ng pundasyon ng pag-unawa sa kalooban ng Diyos, at upang maunawaan ang kalooban ng Diyos, kailangang magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos ang pangitain na kailangang taglayin ng isang naniniwala sa Diyos; ito ang batayan ng paniniwala ng tao sa Diyos. Kapag wala ang kaalamang ito, malabo ang pag-iral ng paniniwala ng tao sa Diyos, sa gitna ng hungkag na teorya. Kahit matibay ang pagpapasiya ng mga taong tulad nito na sundin ang Diyos, wala silang mapapala. Ang mga walang napapala sa daloy na ito ang mga aalisin—silang lahat ay mga mapagsamantala. Alinmang hakbang ng gawain ng Diyos ang iyong maranasan, dapat kang samahan ng isang makapangyarihang pangitain. Kung hindi, mahihirapan kang tanggapin ang bawat hakbang ng bagong gawain, dahil hindi kayang isipin ng tao ang bagong gawain ng Diyos, at lampas ito sa mga hangganan ng kanyang pagkaintindi. Kaya, kung walang pastol na mag-aalaga sa tao, kung walang pastol na magbabahagi tungkol sa mga pangitain, walang kakayahan ang tao na tanggapin ang bagong gawaing ito. Kung hindi makatanggap ng mga pangitain ang tao, hindi niya matatanggap ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi masunod ng tao ang bagong gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng tao ang kalooban ng Diyos, kaya nga ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay mawawalan ng halaga. Bago isakatuparan ng tao ang salita ng Diyos, kailangan niyang malaman ang salita ng Diyos; ibig sabihin, kailangan niyang maunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang salita ng Diyos nang tumpak at alinsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang bagay na kailangang taglayin ng lahat ng naghahanap sa katotohanan, at ito rin ang prosesong kailangang pagdaanan ng lahat ng nagsisikap na makilala ang Diyos. Ang proseso ng pag-alam sa salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos at pag-alam sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pag-alam sa mga pangitain ay hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi kabilang din ang pag-alam sa salita at gawain ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos nauunawaan ng mga tao ang kalooban ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos nalalaman nila ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Paniniwala sa Diyos ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang paniniwalang ito sa Diyos tungo sa pinakamalalim na paniniwala sa Kanya ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, ang proseso ng pagdanas ng gawain ng Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos para maniwala sa Diyos, at hindi para makilala Siya, walang realidad sa iyong pananampalataya, at hindi maaaring maging dalisay ang iyong pananampalataya—walang duda ito. Kung, sa proseso kung saan nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, unti-unti niyang nakikilala ang Diyos, unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon, at lalong magiging totoo ang kanyang paniniwala. Sa ganitong paraan, kapag nagtatagumpay ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos, ganap na niyang nakamit ang Diyos. Kaya ginagawa ng Diyos ang lahat para maging tao sa ikalawang pagkakataon upang personal na gawin ang Kanyang gawain ay upang makilala at makita Siya ng tao. Pagkilala sa Diyos[a] ang huling epektong makakamtan sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito alang-alang sa Kanyang huling patotoo; ginagawa Niya ang gawaing ito upang sa wakas ay ganap na bumaling ang tao sa Kanya. Mamahalin lamang ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para mahalin ang Diyos kailangan niyang makilala ang Diyos. Paano man siya naghahangad, o ano man ang kanyang hangad na matamo, kailangan niyang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Sa paraang ito lamang mapapalugod ng tao ang puso ng Diyos. Sa pagkilala lamang sa Diyos magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at sa pagkilala lamang sa Diyos siya tunay na matatakot at makasusunod sa Diyos. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kailanman tunay na makakasunod at matatakot sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay kinabibilangan ng pag-alam sa Kanyang disposisyon, pag-unawa sa Kanyang kalooban, at pag-alam kung ano Siya. Subalit alinmang aspeto ang mapag-alaman ng isang tao, kinakailangan sa bawat isa na magsakripisyo at maging handang sumunod ang tao, kung hindi ay walang sinumang patuloy na makakasunod hanggang wakas. Ang gawain ng Diyos ay lubhang hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos ay napakahirap malaman ng tao, at lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay lubhang hindi maunawaan ng tao: Kung nais ng tao na sumunod sa Diyos subalit ayaw niyang sumunod sa Diyos, walang mapapala ang tao. Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, marami nang nagawang gawain ang Diyos na hindi kayang unawain ng tao at nahihirapan silang tanggapin ito, at marami nang nasabi ang Diyos na nagpapahirap sa tao na maalis ang kanilang mga kuru-kuro. Ngunit hindi Niya itinigil kailanman ang Kanyang gawain nang dahil sa napakaraming paghihirap ng tao; sa halip, patuloy Siyang gumawa at nagsalita, at kahit maraming “mandirigma” ang nahulog sa tabing-daan, ginagawa pa rin Niya ang Kanyang gawain, at nagpapatuloy nang walang pahinga sa pagpili ng sunud-sunod na grupo ng mga tao na handang magpasakop sa Kanyang bagong gawain. Wala Siyang awa para doon sa nahulog na “mga bayani,” at sa halip ay pinahahalagahan Niya ang mga tumatanggap sa Kanyang bagong gawain at mga salita. Ngunit ano ang layunin ng Kanyang paggawa sa ganitong paraan, na paisa-isang hakbang? Bakit palagi Niyang inaalis ang ilang tao at hinihirang ang iba? Bakit palagi Niyang ginagamit ang gayong pamamaraan? Ang layunin ng Kanyang gawain ay upang tulutan ang tao na makilala Siya, at nang sa gayon ay makamit Niya sila. Ang prinsipyo ng Kanyang gawain ay upang gumawa sa mga yaon na nakakayang magpasakop sa gawaing Kanyang ginagawa ngayon, at hindi upang gumawa sa mga nagpapasakop sa gawaing Kanyang nagawa noong araw habang kinokontra ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon. Ito ang dahilan kaya Niya inaalis ang napakaraming tao.

Hindi makakamit ang mga epekto ng aral ng pagkilala sa Diyos sa loob ng isa o dalawang araw: Kailangang mag-ipon ng mga karanasan, magdaan sa pagdurusa, at tunay na makapagpasakop ang tao. Una sa lahat, magsimula sa gawain at mga salita ng Diyos. Kailangan mong maunawaan kung ano ang kabilang sa kaalaman tungkol sa Diyos, paano makamit ang kaalamang ito, at paano makita ang Diyos sa iyong mga karanasan. Ito ang kailangang gawin ng lahat kapag kailangan pa nilang kilalanin ang Diyos. Walang sinumang maaaring makaunawa sa gawain at mga salita ng Diyos sa isang bagsakan, at walang sinumang maaaring magkamit ng kaalaman tungkol sa kabuuan ng Diyos sa loob ng maikling panahon. May kinakailangang proseso ng karanasan, na kung wala ay walang sinumang magagawang kilalanin ang Diyos o tapat Siyang sundin. Kapag mas maraming gawaing ginagawa ang Diyos, mas nakikilala Siya ng tao. Kapag mas salungat ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, mas napapanibago at lumalalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Kung mananatiling pirmihan at hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, walang gaanong malalaman ang tao tungkol sa Kanya. Sa pagitan ng panahon ng paglikha at ng kasalukuyan, ang ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, ang Kanyang ginawa noong Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian—kailangan ninyong malinawan nang husto ang mga pangitaing ito. Kailangan ninyong malaman ang gawain ng Diyos. Matapos sundan ni Pedro si Jesus, saka lamang niya unti-unting nalaman ang marami tungkol sa gawaing ginawa ng Espiritu kay Jesus. Sabi niya, “Hindi sapat ang umasa sa mga karanasan ng tao upang magkamit ng ganap na kaalaman; kailangan ay maraming bagong bagay mula sa gawain ng Diyos para matulungan tayong makilala Siya.” Sa simula, naniwala si Pedro na si Jesus ay isinugo ng Diyos, tulad ng isang apostol, at hindi niya inisip na si Jesus ang Cristo. Sa oras na ito, nang magsimula siyang sumunod kay Jesus, tinanong siya ni Jesus, “Simon Bar-Jonas, susunod ka ba sa Akin?” Sabi ni Pedro, “Kailangan kong sundan yaong isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na hinirang ng Banal na Espiritu. Susunod ako sa Iyo.” Mula sa kanyang mga salita, makikita na talagang walang alam si Pedro tungkol kay Jesus; naranasan na niya ang mga salita ng Diyos, napakitunguhan ang kanyang sarili, at nagdusa ng paghihirap para sa Diyos, ngunit wala siyang alam tungkol sa gawain ng Diyos. Matapos ang isang panahon ng karanasan, nakita ni Pedro kay Jesus ang marami sa mga gawa ng Diyos, nakita niya ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at nakita niya ang malaking bahagi ng kabuuan ng Diyos kay Jesus. Nakita rin niya na ang mga salitang sinambit ni Jesus ay hindi maaaring masambit ng tao, at na ang gawaing ginawa ni Jesus ay hindi maaaring magawa ng tao. Bukod pa riyan, sa mga salita at kilos ni Jesus, nakita ni Pedro ang marami sa karunungan ng Diyos, at maraming gawaing likas na banal. Sa kanyang mga karanasan, hindi lamang niya nakilala ang kanyang sarili, kundi minasdan din nang husto ang bawat kilos ni Jesus, kung saan maraming bagong bagay siyang natuklasan, at ang mga ito ay, na maraming pagpapahayag ng praktikal na Diyos sa gawaing ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus, at na naiiba si Jesus sa isang karaniwang tao sa mga salitang sinambit at sa mga ikinilos Niya, gayundin sa paraan kung saan inakay Niya ang mga iglesia at ang gawaing Kanyang isinakatuparan. Kaya, natuto si Pedro ng maraming aral kay Jesus na dapat niyang matutuhan, at nang ipapako na si Jesus sa krus, nagtamo siya ng kaunting kaalaman tungkol kay Jesus—kaalamang naging batayan ng kanyang habambuhay na katapatan kay Jesus at ng kanyang pagkapako nang patiwarik na pinagdusahan niya alang-alang sa Panginoon. Bagama’t mayroon siyang ilang kuru-kuro at walang malinaw na kaalaman tungkol kay Jesus sa simula, hindi maiiwasan na ang gayong mga bagay ay isang bahagi ng tiwaling tao. Nang malapit nang umalis si Jesus, sinabi Niya kay Pedro na ang pagpapako sa Kanya sa krus ang gawaing Kanyang gagawin kaya Siya pumarito: Kinakailangan Siyang talikdan sa kapanahunang iyon, at na ang marumi at lumang kapanahunang ito ay dapat Siyang ipako sa krus; naparito Siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, at, kapag nakumpleto Niya ang gawaing ito, magwawakas na ang Kanyang ministeryo. Nang marinig ito, nalungkot si Pedro, at mas napalapit kay Jesus. Nang ipako si Jesus sa krus, lihim na nanangis nang buong kapaitan si Pedro. Bago ito, naitanong niya kay Jesus, “Panginoon ko! Sabi Mo, ipapako Ka sa krus. Kapag nawala Ka na, kailan Ka namin muling makikita?” Wala bang kahalong masama sa mga salitang kanyang sinambit? Wala bang kahalong mga kuru-kuro sa mga ito? Sa kanyang puso, nabatid niya na naparito si Jesus upang tapusin ang isang bahagi ng gawain ng Diyos, at na matapos umalis si Jesus, makakasama niya ang Espiritu; bagama’t ipapako Siya sa krus at aakyat sa langit, sasamahan siya ng Espiritu ng Diyos. Sa panahong iyon, mayroon nang kaunting kaalaman si Pedro tungkol kay Jesus: Alam niyang isinugo si Jesus ng Espiritu ng Diyos, na ang Espiritu ng Diyos ay suma-Kanya, at na si Jesus ang Diyos Mismo, na Siya si Cristo. Subalit dahil sa kanyang pagmamahal kay Jesus, at dahil sa kanyang kahinaan bilang tao, sinambit ni Pedro ang mga salitang iyon. Kung kaya ng isang tao, sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, na magmasid at mahirapan sa pagdanas, unti-unti niyang matutuklasan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. At ano ang itinuring ni Pablo na kanyang pangitain? Nang magpakita sa kanya si Jesus, sinabi ni Pablo, “Sino Ka baga, Panginoon?” Sabi ni Jesus, “Ako’y si Jesus na iyong pinaguusig.” Ito ang pangitain ni Pablo. Ang itinuring ni Pedro na kanyang pangitain ay ang pagkabuhay na mag-uli ni Jesus, ang Kanyang pagpapakita sa loob ng 40 araw, at ang mga turo ni Jesus sa panahon ng Kanyang buhay, hanggang sa katapusan ng kanyang paglalakbay.

Nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, nakikilala ang kanyang sarili, inaalis ang kanyang tiwaling disposisyon, at hinahangad na lumago sa buhay, lahat alang-alang sa pagkilala sa Diyos. Kung hinahangad mo lamang na makilala ang iyong sarili at harapin ang iyong sariling tiwaling disposisyon, ngunit wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa tao, kung gaano kadakila ang Kanyang pagliligtas, o kung paano mo nararanasan ang gawain ng Diyos at nasasaksihan ang Kanyang mga gawa, kalokohan ang karanasan mong ito. Kung sa palagay mo ay lumago na ang buhay ng isang tao dahil lamang sa nakakaya niyang isagawa ang katotohanan at magtiis, ibig sabihin ay hindi mo pa rin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay o ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao. Balang araw, kapag ikaw ay nasa mga relihiyosong iglesia, kasama ng mga kasapi ng Iglesia ng Pagsisisi o ng Iglesia ng Buhay, marami kang matatagpuang relihiyosong mga tao, na ang mga panalangin ay naglalaman ng “mga pangitain” at naaantig, sa patuloy na pagsisikap nila sa buhay, at ginagabayan ng mga salita. Bukod pa rito, nagagawa nilang magtiis at talikuran ang kanilang sarili sa maraming bagay, at hindi patatangay sa laman. Sa oras na iyon, hindi mo masasabi ang pagkakaiba: Maniniwala ka na lahat ng kanilang ginagawa ay tama, na iyon ang likas na pagpapahayag ng buhay, at na kahabag-habag na ang pangalang kanilang pinaniniwalaan ay mali. Hindi ba kahangalan ang gayong mga pananaw? Bakit sinasabi na maraming tao ang walang buhay? Dahil hindi nila kilala ang Diyos, at sa gayon ay sinasabi na wala silang Diyos sa kanilang puso, at walang buhay. Kung umabot na ang iyong paniniwala sa Diyos sa punto kung saan kaya mong lubusang malaman ang mga gawa ng Diyos, ang realidad ng Diyos, at ang bawat yugto ng gawain ng Diyos, taglay mo ang katotohanan. Kung hindi mo alam ang gawain at disposisyon ng Diyos, may kulang pa rin sa iyong karanasan. Kung paano isinagawa ni Jesus ang yugtong iyon ng Kanyang gawain, paano isinasagawa ang yugtong ito, paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at anong gawain ang ginawa, anong gawain ang ginagawa sa yugtong ito—kung wala kang lubos na kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, hindi ka kailanman makatitiyak at palagi kang hindi mapapanatag. Kung, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, nagagawa mong malaman ang gawaing ginawa ng Diyos at ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, at kung nagtamo ka na ng lubos na kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos sa pagsambit ng Kanyang mga salita, at kung bakit napakarami Niyang nasambit na salita na hindi pa natutupad, maaari mong matapang at patuloy na sundan ang daan, malaya sa pag-aalala at pagpipino. Dapat ninyong makita kung paano nagtatagumpay ang Diyos sa napakarami sa Kanyang gawain. Ginagamit Niya ang mga salitang Kanyang sinasambit, pinipino ang tao at binabago ang kanyang mga kuru-kuro gamit ang maraming iba’t ibang klaseng salita. Lahat ng pagdurusang inyong natiis, lahat ng pagpipinong inyong napagdaanan, ang pakikitungong tinanggap na ninyo sa inyong kalooban, ang kaliwanagang inyong naranasan—nakamit na ang lahat ng ito gamit ang mga salitang nasambit ng Diyos. Bakit ba sumusunod ang tao sa Diyos? Sumusunod siya dahil sa mga salita ng Diyos! Masyadong mahiwaga ang mga salita ng Diyos, at bukod pa riyan ay maaari nitong antigin ang puso ng tao, ibunyag ang mga bagay na nakatago sa kaibuturan nito, ipabatid sa kanya ang mga bagay na nangyari noong araw, at tulutan siyang makita ang hinaharap. Kaya nagtitiis ng pagdurusa ang tao dahil sa mga salita ng Diyos, at ginagawa ring perpekto dahil sa mga salita ng Diyos: Saka lamang sumusunod ang tao sa Diyos. Ang dapat gawin ng tao sa yugtong ito ay tanggapin ang mga salita ng Diyos, at ginagawa man siyang perpekto o isinasailalim sa pagpipino, ang mga salita ng Diyos ang mahalaga. Ito ang gawain ng Diyos, at ito rin ang pangitaing dapat malaman ng tao ngayon.

Paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Ano ang disposisyon ng Diyos? At ano ang napapaloob sa Kanyang disposisyon? Para linawin ang lahat ng bagay na ito: tinatawag ito ng isa na pagpapalaganap ng pangalan ng Diyos, tinatawag ito ng isa na pagpapatotoo sa Diyos, at tinatawag ito ng isa na pagpuri sa Diyos. Ang tao, batay sa pundasyon ng pagkilala sa Diyos, sa huli ay nagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Kapag mas nagdaraan sa pakikitungo at pagpipino ang tao, mas sumisigla siya; kapag mas marami ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, mas nagagawang perpekto ang tao. Ngayon, sa karanasan ng tao, bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay ganti sa kanyang mga kuru-kuro, at lahat ay lampas sa pag-iisip ng tao at hindi niya inaasahan. Inilalaan ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng tao, at sa bawat aspeto ay hindi ito umaayon sa kanyang mga kuru-kuro. Binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita sa oras ng iyong kahinaan; sa ganitong paraan lamang Niya matutustusan ang iyong buhay. Sa pagganti sa iyong mga kuru-kuro, pinatatanggap Niya sa iyo ang pakikitungo ng Diyos; sa ganitong paraan mo lamang maaalis sa iyong sarili ang iyong katiwalian. Ngayon, gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao sa katayuan ng pagka-Diyos sa isang aspeto, ngunit sa isa pang aspeto ay gumagawa Siya sa katayuan ng normal na pagkatao. Kapag hindi mo na tinatanggihan ang anumang gawain ng Diyos, kapag nagagawa mong magpasakop anuman ang sinasabi o ginagawa ng Diyos sa katayuan ng normal na pagkatao, kapag nagagawa mong magpasakop at umunawa anumang klase ng normalidad ang Kanyang ipinapakita, at kapag nagtamo ka na ng aktwal na karanasan, saka ka lamang makatitiyak na Siya ang Diyos, saka ka lamang titigil sa pagbubuo ng mga kuru-kuro, at saka ka lamang makakasunod sa Kanya hanggang wakas. May karunungan sa gawain ng Diyos, at alam Niya kung paano maaaring manindigan ang tao sa pagpapatotoo sa Kanya. Alam Niya kung nasaan ang malaking kahinaan ng tao, at ang mga salitang Kanyang sinasambit ay maaari kang patamaan sa iyong malaking kahinaan, ngunit ginagamit din Niya ang Kanyang marilag at matalinong mga salita upang ikaw ay manindigan sa pagpapatotoo sa Kanya. Ganyan ang mahimalang mga gawa ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi maiisip ng katalinuhan ng tao. Kung anong klaseng katiwalian ang taglay ng tao, na may laman, at ano ang bumubuo sa diwa ng tao—lahat ng ito ay inihahayag sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos, na iniiwan ang tao na walang mapagtaguan dahil sa kanyang kahihiyan.

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”

Sinundan: Isang Maikling Pagtalakay Tungkol sa “Dumating Na ang Milenyong Kaharian”

Sumunod: Paano Nakilala ni Pedro si Jesus

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito