Kabanata 120
Sion! Magbunyi! Sion! Umawit nang malakas! Nakabalik na Akong nagwagi, nakabalik na Akong matagumpay! Lahat ng lahi! Magmadaling pumila nang maayos! Lahat ng nilikha! Magsitigil na kayo, sapagkat kaharap ng Aking persona ang buong sansinukob at nagpapakita sa Silangan ng mundo! Sino ang nangangahas na hindi lumuhod sa pagsamba? Sino ang nangangahas na hindi Ako tawaging totoong Diyos? Sino ang nangangahas na hindi tumingala nang nang may pusong takot? Sino ang nangangahas na hindi magbigay ng papuri? Sino ang nangangahas na hindi sumigaw ng pagbubunyi? Maririnig ng bayan Ko ang Aking tinig, at patuloy na mabubuhay ang Aking mga anak sa Aking kaharian! Ang mga bundok, ilog, at lahat ng bagay ay magbubunyi nang walang humpay, at magtatatalon nang walang tigil. Sa panahong ito, walang mangangahas na umurong, at walang mangangahas na tumindig sa paglaban. Ito ang Aking kamangha-manghang gawa, at higit pa rito, ito ang Aking dakilang kapangyarihan! Ang lahat ay gagawin Ko na magkaroon ng pusong may takot sa Akin at, higit pa nga rito, gagawin Kong purihin Ako ng lahat! Ito ang pinakalayunin ng Aking plano ng pamamahala sa loob ng anim na libong taon, at ito ang naitalaga Ko. Wala ni isang tao ni isang bagay ni isang pangyayari ang nangangahas na tumindig para labanan o tutulan Ako. Lahat ng Aking bayan ay magtutungo sa Aking bundok (sa ibang salita, ang mundong lilikhain Ko kalaunan) at magpapasakop sila sa Aking harapan, dahil nagtataglay Ako ng kamahalan at paghatol, at mayroon Akong awtoridad. (Tumutukoy ito sa kapag Ako ay nasa katawan. Mayroon din Akong awtoridad sa katawang-tao, ngunit dahil ang mga limitasyon ng panahon at kalawakan ay hindi malalagpasan sa katawang-tao, hindi masasabi na nakamtan Ko na ang ganap na kaluwalhatian. Bagama’t nakakamit Ko ang mga panganay na anak sa katawang-tao, hindi pa rin masasabi na nakamtan Ko na ang kaluwalhatian. Masasabi lamang na mayroon Akong awtoridad—na nagkamit na Ako ng kaluwalhatian—kapag nagbalik na Ako sa Sion at binago ang Aking anyo.) Walang magiging mahirap para sa Akin. Sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay mawawasak, at sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay iiral at magiging ganap. Gayon ang Aking dakilang kapangyarihan at gayon ang Aking awtoridad. Dahil puspos Ako ng kapangyarihan at puno ng awtoridad, walang sinumang tao ang makapangangahas na hadlangan Ako. Nagwagi na Ako sa lahat, at nagtagumpay na Ako sa lahat ng anak ng paghihimagsik. Dinadala Ko kasama Ko ang Aking mga panganay na anak para bumalik sa Sion. Hindi Ako nag-iisa sa pagbalik sa Sion. Kaya’t makikita ng lahat ang Aking mga panganay na anak at sa gayo’y magkakaroon sila ng pusong may takot sa Akin. Ito ang Aking layunin sa pagtatamo ng mga panganay na anak, at ito na ang plano Ko mula pa nang likhain ang mundo.
Kapag handa na ang lahat, iyan ang araw na babalik Ako sa Sion, at gugunitain ng lahat ng lahi ang araw na ito. Kapag bumalik na Ako sa Sion, matatahimik ang lahat ng bagay sa lupa, at mapapayapa ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa. Kapag nagbalik na Ako sa Sion, magsisimulang muli ang lahat sa orihinal nitong anyo. Pagkatapos, sisimulan Ko ang Aking gawain sa Sion. Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, at ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, at isasagawa Ko ang Aking paghatol. Gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipinaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo, at ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humatol, sapagkat sa Akin, lahat ng bagay ay isinasakatuparan; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong dangal, at matikman ang Aking buong tagumpay, sapagkat sa Akin lahat ng bagay ay namamalas. Mula rito, maaaring makita ang Aking dakilang kapangyarihan at Aking awtoridad. Walang mangangahas na magkasala sa Akin, at walang mangangahas na hadlangan Ako. Lahat ay nahahayag sa Akin. Sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko pakikitaan ng awa ang taong iyon! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga walang hiyang iyon, at kailangang mawala sa Aking paningin ang hamak na mga taong iyon. Pamumunuan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, na wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos na walang emosyon at maringal at walang maaaring magkasala sa Akin. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay pababagsakin at lilipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat pababagsakin ng Aking tungkod ang lahat ng nagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi tinatanggap ng Aking persona ang pagkakasala ng sinuman. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; pinababagsak Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may habag at kagandahang-loob. Sa diwa, hindi Ako isang cordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na magkasala sa Akin; sinumang magkasala sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad at nang walang awa! Sapat na ito upang ipakita ang Aking disposisyon. Kaya’t sa huling kapanahunan ay isang malaking grupo ng mga tao ang uurong, at mahihirapan ang mga tao na tiisin ito, ngunit para sa Akin, maginhawa Ako at masaya, at ni hindi Ko man lang ito itinuturing na isang mahirap na gawain. Ganyan ang Aking disposisyon.
Umaasa Ako na lahat ng tao ay magkakaroon ng mapagpasakop na puso para sundin ang lahat ng nagmumula sa Akin; kung magkagayon, tiyak na labis Kong pagpapalain ang sangkatauhan, sapagkat, tulad ng sinabi Ko na, yaong mga kaayon Ko ay pananatilihin, samantalang yaong mga kumakalaban sa Akin ay susumpain. Naitalaga Ko na ito, at walang makakapagpabago nito. Ang mga bagay na napagpasyahan Ko na ay naisakatuparan Ko na, at sinumang sumalungat sa mga ito ay kakastiguhin kaagad. Nasa Akin ang lahat ng kailangan Ko sa Sion at lahat ng nais Ko. Walang pahiwatig ng mundo sa Sion, at kumpara sa mundo, ito ay isang palasyo, mayaman at marangya; ngunit wala pang nakapasok dito, kaya nga, sa imahinasyon ng tao, ni hindi man lang ito umiiral. Hindi tulad ng buhay sa daigdig ang buhay sa Sion; sa lupa, ang buhay ay pagkain, pagdadamit, paglalaro, at paghahanap ng kasiyahan, samantalang ibang-iba sa Sion. Buhay ito ng Ama at ng mga anak na puno ng kagalakan, na laging pumupuspos sa buong kalawakan ng sansinukob, ngunit palagi ring nagsasama-sama nang sabay. Ngayong umabot na ang mga bagay sa ganito, sasabihin Ko sa inyo kung saan naroon ang Sion. Ang Sion ay kung saan Ako naninirahan; naroon ang Aking persona. Kung gayon, kailangang maging isang banal na dako ang Sion, at kailangang malayo ito sa daigdig. Kaya nga sinasabi Ko na kinamumuhian Ko ang mga tao, bagay, at usapin sa daigdig, at kinasusuklaman Ko ang pagkain, pag-inom, paglalaro at paghahanap ng kasiyahan ng laman, dahil gaano man nakalulugod ang mga makamundong kasiyahan, hindi maikukumpara ang mga ito sa buhay sa Sion; ito ang pagkakaiba sa pagitan ng langit at lupa, at walang paraan para paghambingin ang dalawa. Maraming palaisipan sa lupa na hindi malutas ng tao dahil hindi pa narinig ng mga tao kailanman ang tungkol sa Sion. Nasaan ba talaga ang Sion? Nasa ibang planeta ba iyon, tulad ng iniisip ng mga tao? Hindi! Guni-guni lang iyan ng isip ng tao. Ang ikatlong langit, na Aking nabanggit, ay itinuturing ng tao na isang indikasyon lamang, ngunit ang nauunawaan ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro ay kabaligtaran mismo ng Aking kahulugan. Hindi huwad ni katiting ang ikatlong langit na sinasabi Ko rito. Kaya nga sinasabi Ko na hindi Ko sisirain ang araw, ang buwan, ang mga bituin, at ang mga bagay sa kalangitan, at hindi Ko aalisin ang langit at lupa. Mawawasak Ko ba ang Aking dakong tinatahanan? Maaalis Ko ba ang Bundok ng Sion? Hindi ba katawa-tawa ito? Ang ikatlong langit ang lugar na Aking tinitirhan; ito ang Bundok ng Sion, at tiyak na tiyak ito. (Bakit Ko sinasabi na tiyak na tiyak ito? Dahil ang sinasabi Ko ngayon ay ni hindi maaaring maunawaan paanuman ng tao; mapapakinggan lang niya ito. Hindi ito masasakop ng saklaw ng pag-iisip ng tao, kaya’t wala na Akong sasabihin pa tungkol sa Sion, upang maiwasan na ituring ng mga tao ito bilang isang kathang-isip lamang.)
Kapag nakabalik na Ako sa Sion, yaong mga nasa lupa ay patuloy Akong pupurihin tulad noon. Maghihintay tulad ng dati ang mga tagapagsilbi na maglingkod sa Akin, ngunit natapos na ang kanilang tungkulin. Ang pinakamainam na magagawa nila ay ang magmuni-muni tungkol sa kalagayan ng Aking presensya sa lupa. Sa panahong iyon, sisimulan Kong magpababa ng malaking kapahamakan sa mga magdurusa ng kalamidad; subalit naniniwala ang lahat na Ako ay isang matuwid na Diyos. Tiyak na hindi Ko parurusahan yaong matatapat na tagapagsilbi, kundi hahayaan lang silang tumanggap ng Aking biyaya. Sapagkat nasabi Ko nang parurusahan Ko ang lahat ng masasamang tao, at yaong mga gumagawa ng mabuti ay tatanggap ng materyal na kasiyahang ipinagkakaloob Ko, na nagpapamalas na Ako Mismo ang Diyos ng katuwiran at katapatan. Sa Aking pagbalik sa Sion, sisimulan Kong bumaling sa bawat bansa sa mundo; ililigtas Ko ang mga Israelita at kakastiguhin ang mga Egipcio. Ito ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Maiiba ang Aking gawain sa panahong iyon kaysa ngayon: Hindi iyon magiging gawain sa katawang-tao, kundi ganap nitong hihigitan ang katawang-tao—at kung ano ang nasabi Ko, iyon ang mangyayari; at kung ano ang naiutos Ko, iyon ang magaganap. Anuman ang sinabi, basta’t nagmula ito sa Aking bibig, talagang matutupad iyon kaagad; ito ang tunay na kahulugan ng salitang Aking sinasabi at ang katuparan nito ay kasabay na nagaganap, sapagkat ang Aking salita mismo ay awtoridad. Sinasabi Ko ngayon ang ilang pangkalahatang bagay, para bigyan ang mga tao sa lupa ng ilang pahiwatig, upang hindi sila mangapa sa dilim. Pagdating ng panahong iyon, isasaayos Ko ang lahat, at walang dapat na maging matigas ang ulo, upang maiwasang pabagsakin sila ng Aking kamay. Sa imahinasyon ng mga tao, malabo ang lahat ng sinasabi Ko, dahil, matapos ang lahat, limitado ang paraan ng pag-iisip ng tao, at ang kaisipan ng tao ay malayo sa Aking nasabi na, kasinglayo ng langit sa lupa. Kaya’t walang nakakaunawa rito. Ang tanging magagawa ay ang umayon sa Aking sinasabi; ito ang hindi maiiwasang takbo ng mga pangyayari. Nasabi Ko na: “Sa mga huling araw, lalabas ang halimaw para usigin ang Aking bayan at yaong mga takot mamatay ay mamarkahan ng tatak para tangayin ng halimaw. Yaong mga nakakita na sa Akin ay papatayin ng halimaw.” Walang dudang ang “halimaw” sa mga salitang ito ay tumutukoy kay Satanas, ang manlilinlang ng sangkatauhan. Ibig sabihin niyan, pagbalik Ko sa Sion, aatras ang isang malaking grupo ng mga tagapagsilbi; ibig sabihin, tatangayin sila ng halimaw. Mapupunta ang lahat ng nilalang na ito sa walang-hanggang kalaliman para tanggapin ang Aking walang-hanggang pagkastigo. “Yaong mga nakakita na sa Akin” ay tumutukoy sa matatapat na tagapagsilbi na nalupig Ko na. Ang “nakakita na sa Akin” ay tumutukoy sa pagkalupig Ko sa kanila. Ang “papatayin ng halimaw” ay tumutukoy kay Satanas, na Aking nalupig na, na hindi nangangahas na tumindig para labanan Ako. Sa ibang salita, hindi mangangahas si Satanas na magsagawa ng anumang gawain sa mga tagapagsilbing ito, kaya’t naligtas na ang mga kaluluwa ng mga taong ito; sinasabi ito dahil sa kanilang kakayahang maging matapat sa Akin, at nangangahulugan ito na matatanggap ng matatapat na tagapagsilbing iyon ang Aking biyaya at Aking pagpapala. Kaya’t sinasabi Ko na ang kanilang mga kaluluwa ay naligtas na. (Hindi ito tumutukoy sa pag-akyat sa ikatlong langit, na kuru-kuro lamang ng tao.) Ngunit yaong masasamang alipin ay muling igagapos ni Satanas at pagkatapos ay itatapon sa walang-hanggang kalaliman. Ito ang Aking parusa sa kanila; ito ang ganti sa kanila, at ito ang sukli sa kanilang mga kasalanan.
Habang bumibilis ang Aking gawain, unti-unting nababawasan ang panahon Ko sa lupa. Papalapit na ang araw ng Aking pagbalik sa Sion. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, panahon na para bumalik Ako sa Sion. Hindi Ko nais ni bahagya na mabuhay sa daigdig ngunit para sa kapakanan ng Aking pamamahala, para sa kapakanan ng Aking plano, natiis Ko ang lahat ng pagdurusa. Ngayon, dumating na ang panahon. Bibilisan Ko ang Aking kilos, at walang sinumang makakaagapay sa Akin. Nauunawaan man ito ng tao o hindi, sasabihin Ko sa inyo nang detalyado ang lahat ng hindi nauunawaan ng tao, subalit kailangan ninyong malaman sa lupa. Kaya nga, sinasabi Ko na Ako ang Diyos Mismo, na napangingibabawan ang panahon at kalawakan. Kung hindi dahil sa layunin Kong matamo ang mga panganay na anak at sa gayo’y magapi si Satanas, nakabalik na sana Ako sa Sion; kung hindi, hindi Ko na sana nilikha ang sangkatauhan. Kinamumuhian Ko ang mundo ng tao, at kinasusuklaman Ko ang mga taong malayo sa Akin, at iniisip Ko pa ngang lipulin ang buong sangkatauhan nang minsanan. Gayunpaman, may kaayusan at kayarian ang Aking gawain, may balanse at pagiging katamtaman, at hindi ito padalus-dalos. Lahat ng ginagawa Ko ay para talunin si Satanas, at bukod pa riyan ay para makasama Ko ang Aking mga panganay na anak sa lalong madaling panahon. Ito ang Aking layunin.