Kabanata 119
Dapat maintindihan ninyong lahat ang Aking mga layunin, at dapat maunawaan ninyong lahat ang lagay ng Aking loob. Ngayon na ang panahon para maghanda sa pagbalik sa Sion. Wala Akong ibang iniisip na gawin kundi ito. Umaasa lamang Ako na magsasama tayong muli balang araw, at gugugulin ang bawat minuto at bawat segundong kasama kayo sa Sion. Kinasusuklaman Ko ang mundo, kinasusuklaman Ko ang laman, at lalo Kong kinasusuklaman ang bawat tao sa daigdig; hindi Ako handang makita sila, dahil lahat sila ay gaya ng demonyo, na wala kahit katiting na bahid ng kalikasan ng tao. Hindi Ako handang mabuhay sa daigdig; nasusuklam Ako sa lahat ng nilikha, nasusuklam Ako sa lahat na may laman at dugo. Ang buong lupain ay nangangamoy bangkay; nais Kong bumalik kaagad sa Sion, upang alisin ang lahat ng amoy ng mga bangkay mula sa daigdig at punuin ang buong daigdig ng tunog ng papuri para sa Akin. Babalik Ako sa Sion, kakawala Ako sa laman at sa mundo, at walang maaaring humadlang sa Akin; ang Aking kamay na pumapatay sa tao ay walang damdamin! Mula ngayon, walang maaaring magsalita tungkol sa pagtatayo ng iglesia. Kung mayroon man, hindi Ko sila patatawarin. (Ito ay dahil ngayon ang panahon para magpatotoo para sa Aking mga panganay na anak, at ang panahon para itatag ang kaharian; sinumang nagsasalita tungkol sa pagtatayo ng iglesia ay ginigiba ang pagtatayo ng kaharian at ginagambala ang Aking pamamahala.) Handa na ang lahat, nakahanda na ang lahat; ang tanging natitira ay ang maitaas at mapatotohanan ang mga panganay na anak. Kapag nangyari iyan, Ako, nang wala ni sandaling pagkaantala at hindi isinasaalang-alang ang anyo, ay kaagad babalik sa Sion—ang lugar na laman ng inyong isipan araw at gabi. Huwag lang tingnan kung paanong nagpapatuloy nang maayos at matatag ang kasalukuyang mundo. Ang lahat ng gawaing ito ay ang gawain ng pagbabalik sa Sion, kaya huwag intindihin ang mga bagay na ito ngayon; kapag dumating ang araw ng pagbalik sa Sion, magiging ganap ang lahat. Sino ang hindi nangangarap na bumalik agad sa Sion? Sino ang hindi nangangarap na muling magkasama ang Ama at ang mga anak sa lalong madaling panahon? Gaano man kasiya-siya ang mga makamundong kasiyahan, hindi mapanghahawakan ng mga ito ang ating laman; hihigitan natin ang ating laman at magkasamang babalik sa Sion. Sino ang nangangahas na hadlangan ito? Sino ang nangangahas na maglagay ng mga balakid? Tiyak na hindi Ko sila patatawarin! Papalisin Ko lahat ng batong katitisuran. (Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na hindi Ako agad-agad makababalik sa Sion. Isinasagawa Ko itong gawaing paglilinis at kasabay na nagpapatotoo Ako para sa Aking mga panganay na anak; sabay na sumusulong ang dalawang gawaing ito. Kapag naging ganap ang gawaing paglilinis, magiging panahon na para sa Akin na ibunyag ang mga panganay na anak. Ang mga “batong katitisuran” ay tumutukoy sa malaking bilang ng mga taga-serbisyo, kaya sinasabi Ko na sabay na nangyayari ang dalawang gawaing ito.) Palalakarin Ko ang Aking mga panganay na anak kasama Ko sa buong sansinukob at sa kadulu-duluhan ng mundo, sa mga kabundukan at mga ilog at lahat ng bagay; sino ang nangangahas na pigilan ito? Sino ang nangangahas na hadlangan ito? Hindi madaling pinakakawalan ng Aking kamay ang sinumang tao; maliban sa Aking mga panganay na anak, nagagalit Ako sa lahat at at sinusumpa Ko ang lahat. Sa buong kalupaan wala ni isang mortal na tumatanggap ng Aking mga pagpapala; lahat ay nakatatagpo ang Aking sumpa. Buhat pa noong paglikha sa mundo, wala Akong pinagpala; kahit na nang nagbigay Ako ng mga pagpapala, pawang mga salita lang ang mga ito, hindi naging realidad kailanman, dahil lubos Kong kinamumuhian si Satanas; Hindi Ko ito kailanman pagpapalain, kundi parurusahan lamang. Sa wakas lamang, matapos Kong lubusang malupig si Satanas, at matapos maging Akin ang ganap na tagumpay, ibibigay Ko sa lahat ng tapat na taga-serbisyo ang mga pagpapalang materyal, at hahayaang masiyahan sila sa pagpupuri sa Akin, dahil naisakatuparan na noon ang lahat ng Aking gawain.
Tunay ngang hindi na nalalayo ang Aking panahon. Nalalapit na ang pagtatapos ng anim na libong taong plano ng pamamahala sa mismong harap mo. (Tunay ngang nasa mismong harap mo ito. Hindi ito isang patiunang pagsasalarawan; makikita mo ito mula sa lagay ng Aking kalooban.) Agad-agad Kong iuuwi ang Aking mga panganay na anak sa Sion. Sasabihin ng ilang tao, “Yamang para lang ito sa mga panganay na anak, bakit umabot ito ng anim na libong taon? At bakit napakaraming tao ang nilikha?” Nasabi Ko na noon na lahat ng Akin ay mahalaga. Paanong hindi magiging higit pa ang Aking mga panganay ng anak? Pakikilusin Ko ang lahat para paglingkuran Ako, at higit pa, ibubunyag Ko ang Aking kapangyarihan, nang makita ng bawat tao na sa buong mundo ng sansinukob, wala ni isang bagay ang wala sa ating mga kamay, wala ni isang tao ang hindi naglilingkod sa atin, at wala ni isang bagay ang hindi para sa ating pagsasatupad. Maisasakatuparan Ko ang lahat. Walang konsepto ng panahon para sa Akin; bagaman hinahangad Ko na maging ganap ang plano at ang Aking gawain sa loob ng anim na libong taon, lahat ay pinakawalan at malaya sa Akin. Kahit na wala pa itong anim na libong taon, basta’t sa pananaw Ko ay dumating na ang panahon, sino ang mangangahas na bumigkas ng salita ng pagsalungat? Sino ang mangangahas na tumindig at humatol kung kailan niya gusto? Ang Aking gawain, ginagawa Ko Mismo; ang Aking panahon, isinasaayos Ko Mismo. Walang tao, walang usapin, at walang bagay ang nangangahas na kumilos nang may pagmamatigas; pasusunurin Ko ang lahat sa Akin. Walang tama o mali para sa Akin; kapag sinabi Kong tama ang isang bagay, tiyak na tama iyon; kapag sinabi Kong mali ang isang bagay, ganoon din. Hindi kayo dapat palaging gumagamit ng mga pantaong kuru-kuro para sukatin Ako! Sinasabi Kong pinagpala kami ng Aking mga panganay na anak—sino ang nangangahas na tumangging magpasakop? Agad kitang wawasakin! Tumatanggi kang magpasakop! Mapanghimagsik ka! Talagang wala Akong awa para sa buong sangkatauhan, at ang pagkamuhi Ko ay umabot na sa hangganan; hindi na talaga Ako makapagpaparaya pa. Kung Ako ang tatanungin, dapat kaagad nang gunawin ang buong mundo ng sansinukob—sa gayon lang matutupad ang Aking dakilang gawain, sa gayon lang magiging ganap ang Aking plano ng pamamahala, at sa gayon lang mapapawi ang pagkamuhi sa Aking puso. Ngayon ang nais Ko lamang ay ang mapatotohanan ang Aking mga panganay na anak. Isasantabi Ko lahat ng iba pang mga bagay. Uunahin Ko muna ang mga mahahalagang bagay, pagkatapos ay gagawin ko ang mga pumapangalawang bagay. Ito ang mga hakbang sa Aking gawain, na walang sinuman ang dapat lumabag; lahat ay dapat gawin kung ano ang sinasabi Ko, kung hindi ay patatamaan sila ng Aking sumpa.
Ngayong naisakatuparan na ang Aking gawain, makapagpapahinga na Ako. Mula ngayon, hindi na Ako gagawa, ngunit aatasan Ko ang Aking mga panganay na anak na gawin ang lahat ng nais Kong magawa, dahil Ako ang Aking mga panganay na anak, ang Aking mga panganay na anak ang Aking persona; hindi ito mali kahit katiting, huwag gumamit ng mga kuru-kuro sa paghatol. Ang makita ang mga panganay na anak ay ang makita Ako, kami ay iisa at pareho. Sinumang naghihiwalay sa amin kung gayon ay tinututulan Ako, at hindi Ko sila patatawarin. Sa Aking mga salita, mayroong mga hiwagang di-mauunawaan ng tao. Tanging iyong mga minamahal Ko ang makapagpapahayag sa Akin, at wala nang iba; pinagpasyahan Ko ito, at walang makababago nito. Mayaman, malawak, at di-maarok ang Aking mga salita. Dapat gumugol ang lahat ng matinding pagsisikap sa Aking mga salita, sikaping magnilay-nilay sa mga ito nang madalas, at huwag magtanggal ni isang salita o pangungusap, kung hindi, gagawa ang mga tao na nakabatay sa kamalian, at mali ang magiging pagkaunawa sa Aking mga salita. Nasabi Ko nang hindi pinalalagpas ng Aking disposisyon ang pagkakasala, nangangahulugang hindi maaaring salungatin ang Aking napatotohanang mga panganay na anak. Kinakatawan ng Aking mga panganay na anak ang bawat aspeto ng Aking disposisyon, kaya kapag pinatutunog ang banal na tambuli, iyon ay kapag nag-uumpisa Akong magpatotoo sa mga panganay na anak; kaya magmula ngayon, ang banal na tambuli ang magiging banayad na paghahayag ng Aking disposisyon sa mga tao. Sa madaling salita, kapag naibubunyag ang mga panganay na anak, iyon ang panahon kung kailan nabubunyag din ang Aking disposisyon. Sino ang makaaarok nito? Sinasabi Ko na kahit sa mga hiwagang naibunyag Ko na, mayroon pa ring mga hiwaga na hindi malulutas ng mga tao. Sino sa inyo ang talagang nagsikap na maunawaan ang totoong kahulugan ng mga salitang ito? Ang Akin bang disposisyon ay ang personalidad ng isang tao, gaya ng inyong inakala? Ang isipin ito ay isang napakalaking pagkakamali! Ngayon sinumang nakakikita sa Aking mga panganay na anak ay ang layon ng pagpapala at nakikita nila ang Aking disposisyon, lubos na totoo ito. Kinakatawan ng Aking mga panganay na anak ang kabuuan Ko; walang kaduda-dudang sila ang Aking persona. Walang sinumang maaaring magkaroon ng pagdududa tungkol dito! Ang mga masunurin ay pinagpapala ng biyaya, at sinusumpa ang mga mapanghimagsik. Ito ang Aking iniuutos, at walang tao na makapagbabago nito!