Kabanata 103

Isang dumadagundong na tinig ang lumalabas, niyayanig ang buong sansinukob. Labis itong nakabibingi na hindi agad makaiwas ang mga tao. Ang ilan ay napatay, ang ilan ay winasak, at ang ilan ay hinatulan. Ito’y tanawing tunay na hindi pa nakita ng kahit sino man. Makinig na mabuti: Ang mga dagundong ng kulog ay may kasamang tunog ng pagtangis, at ang tunog na ito ay nagmumula sa Hades; mula ito sa impiyerno. Ito ang mapait na daing ng mga anak ng paghihimagsik na nahatulan Ko na. Yaong mga hindi nakinig sa Aking sinasabi at hindi isinagawa ang Aking mga salita ay malubha nang hinatulan at tumanggap ng sumpa ng Aking poot. Ang Aking tinig ay paghatol at poot; hindi Ko niluluwagan at pinapakitaan ng habag ang sinuman, sapagkat Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at Ako ay napopoot; Ako ay nanununog, naglilinis, at nangwawasak. Sa Akin ay walang natatago o madamdamin, bagkus lahat ay bukas, matuwid, at walang kinikilingan. Dahil ang Aking mga panganay na anak ay kasama Ko na sa trono, namumuno sa lahat ng bansa at lahat ng bayan, yaong di-makatarungan at di-matuwid na mga bagay at mga tao ay sinisimulan nang mahatulan ngayon. Sisiyasatin Ko sila nang isa-isa, walang nilalagpasan at ibinubunyag sila nang ganap. Sapagkat ang Aking paghatol ay lubusan nang nabunyag at lubusan nang bukas, at wala Akong itinira ni anuman; itatapon Ko ang anumang hindi nakaayon sa Aking kalooban at hahayaan itong mapahamak nang walang-hanggan sa walang-hanggang kalaliman. Hahayaan Ko itong masunog doon nang walang-hanggan. Ito ang Aking katuwiran, at ito ang Aking pagkamatuwid. Walang sinumang makapagbabago nito, at lahat ay dapat na nasa ilalim ng Aking pamumuno.

Binabalewala ng karamihan ng mga tao ang Aking mga pahayag, iniisip na ang mga salita ay mga salita lamang at ang mga katunayan ay mga katunayan. Sila ay bulag! Hindi ba nila alam na Ako ang tapat na Diyos Mismo? Ang Aking mga salita at mga katunayan ay nagaganap nang sabay. Hindi ba ito talaga ang totoo? Hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, at yaon lamang mga naliwanagan na ang tunay na makauunawa. Katotohanan ito. Sa sandaling nakikita ng mga tao ang Aking mga salita, takot na takot sila at nagtatatakbo kung saan-saan upang magtago. Lalo pang mangyayari ito kapag dumating na ang Aking paghatol. Noong Aking nilikha ang lahat ng bagay, kapag Aking winasak ang mundo, at kapag ginawa Kong ganap ang mga panganay na anak—lahat ng bagay na ito ay natutupad sa pamamagitan ng isang salita mula sa Aking bibig. Ito’y dahil ang Aking salita mismo ang awtoridad; ito ang paghatol. Masasabi na ang Aking persona ay ang paghatol at ang kamahalan; ito ay isang di-mababagong katunayan. Ito ay isang aspeto ng Aking mga atas administratibo; ito’y isang paraan lamang para Aking hatulan ang mga tao. Sa Aking mga mata, lahat—kasama ang lahat ng tao, lahat ng pangyayari, at lahat ng bagay—ay nasa Aking mga kamay at nasa ilalim ng Aking paghatol. Walang sinuman at walang anuman ang nangangahas na umasal nang magaspang o walang pagpapasakop, at lahat ay dapat na matupad nang naaayon sa mga salita na Aking binibigkas. Mula sa loob ng mga kuru-kuro ng mga tao, ang bawat isa ay naniniwala sa mga salita ng Aking persona. Kapag ang Aking Espiritu ay nagbibigay-tinig, ang lahat ng tao ay nagdududa. Ang mga tao’y wala ni katiting na kaalaman ng Aking pagka-makapangyarihan sa lahat, at gumagawa pa sila ng mga pagbibintang laban sa Akin. Sinasabi Ko sa iyo ngayon, sinuman na nag-aalinlangan sa Aking mga salita, at sinumang humahamak sa Aking mga salita, ang mga ito ang siyang wawasakin; sila ang mga walang-hanggang anak ng kapahamakan. Mula rito ay makikitang napakakaunti lamang yaong mga panganay na anak dahil ito ang Aking paraan ng paggawa. Gaya ng sinabi Ko noon, nagagawa Ko ang lahat nang hindi man lamang ginagalaw ang isa mang daliri, bagkus ginagamit Ko lamang ang Aking mga salita. Dito, kung gayon, namamalagi ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat. Sa Aking mga salita, walang sinuman ang makakakita sa pinagmumulan at sa layunin ng Aking sinasabi. Hindi ito makakamit ng mga tao, at maaari lamang silang kumilos habang sumusunod sa Aking pangunguna, at gawin ang lahat ng bagay nang tugma sa Aking kalooban ayon sa Aking katuwiran, na nagdudulot sa Aking pamilya na magkaroon ng katuwiran at kapayapaan, mabuhay magpakailanman, at maging matibay at di-natitinag magpakailanman.

Ang paghatol Ko’y dumarating sa lahat, ang Aking mga atas administratibo ay umaabot sa bawat isa, at ang Aking mga salita at Aking persona ay ibinubunyag sa bawat isa. Ito ang panahon para sa dakilang gawain ng Aking Espiritu (sa panahong ito, yaong mga pagpapalain at yaong mga magdurusa ng kasamaang-palad ay ibinubukod sa bawat isa). Sa sandaling ang Aking mga salita ay lumabas, napag-iba Ko na yaong mga pagpapalain, gayundin yaong mga magdurusa ng kasamaang-palad. Malinaw na malinaw ang lahat ng ito, at nakikita Kong lahat sa isang sulyap. (Sinasabi Ko ito hinggil sa Aking pagkatao; kaya hindi sinasalungat ng mga salitang ito ang Aking katalagahan at pagpili.) Gumagala Ako sa mga kabundukan at mga ilog at sa lahat ng bagay, sa kalawakan ng sansinukob, pinagmamasdan at nililinis ang bawat lugar nang sa gayon yaong maruruming lugar at yaong malalaswang lupain ay hindi na iiral lahat at masusunog tungo sa kawalan dahil sa Aking mga salita. Para sa Akin, madali ang lahat ng bagay. Kung ngayon ang oras na Aking paunang itinalaga na wasakin ang mundo, maaari Ko itong lulunin sa pagbigkas ng isang salita. Gayunpaman, hindi ngayon ang oras. Lahat ay dapat maging handa bago Ko gawin ang gawaing ito, upang hindi magambala ang Aking plano at hindi magagambala ang Aking pamamahala. Alam Ko kung paano ito gawin nang makatwiran; mayroon Ako ng Aking karunungan at mayroon Ako ng sarili Kong pagsasaayos. Hindi dapat gumalaw ang mga tao kahit isang daliri; maging maingat na hindi mapatay sa Aking kamay. Umabot na ito sa Aking mga atas administratibo. Mula rito ay makikita ang kabagsikan ng Aking mga atas administratibo, gayundin ang mga prinsipyo sa likod ng mga ito, na mayroong dalawang panig sa mga ito: Sa isang banda, pinapatay Ko ang lahat ng hindi nakaayon sa Aking kalooban at lumalabag sa Aking mga atas administratibo; sa kabilang banda, sa Aking poot ay isinusumpa Ko ang lahat ng lumalabag sa Aking mga atas administratibo. Hindi maaaring mawala ang dalawang aspeto na ito, at siyang mga prinsipyo sa pamamalakad sa likod ng Aking mga atas administratibo. Bawat tao ay pinamamahalaan ayon sa dalawang prinsipyong ito, nang walang damdamin, kahit na gaano pa katapat ang isang tao. Ito ay sapat na upang ipakita ang Aking katuwiran, ang Aking kamahalan, at ang Aking poot, na susunog sa lahat ng makalupang bagay, lahat ng makamundong bagay, at lahat ng bagay na hindi nakaayon sa Aking kalooban. Mayroong mga hiwagang nananatiling nakatago sa Aking mga salita, at mayroon ding mga hiwagang nabunyag na sa Aking mga salita. Kaya, sang-ayon sa pantaong kuru-kuro, at sa isipan ng tao, ang Aking mga salita ay magpakailanmang di-mauunawaan at ang Aking puso ay magpakailanmang di-maaarok. Sa madaling salita, dapat Kong alisin sa mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang bagay sa Aking plano ng pamamahala. Kailangang gawin Ko ito sa ganitong paraan upang makamit ang Aking mga panganay na anak at upang matupad ang mga bagay na gusto Kong gawin.

Ang mga sakuna sa mundo ay tumitindi sa bawat araw, at sa Aking tahanan, ang mga malalang sakuna ay patindi nang patindi. Ang mga tao ay tunay na walang mapagtataguan, wala nang lugar na maikukubli nila ang kanilang mga sarili. Dahil ang pagpapalit ay nagaganap na ngayon, hindi alam ng mga tao kung saan sila susunod na hahakbang. Magiging hayag lamang ito pagkatapos ng Aking paghatol. Tandaan! Ito ang mga hakbang sa Aking gawain, at ito ang paraan ng Aking paggawa. Para sa lahat ng Aking mga panganay na anak, aaliwin Ko silang isa-isa, itataas Ko sila nang paisa-isang hakbang; para naman sa mga tagapagsilbi, aalisin at tatalikuran Ko silang isa-isa. Ito ay isang bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Pagkatapos na ang lahat ng tagapagsilbi ay naibunyag na, ang Aking mga panganay na anak ay ibubunyag din. (Para sa Akin, ito ay napakadali. Pagkatapos nilang marinig ang Aking mga salita, ang lahat ng tagapagsilbi ay unti-unting uurong sa harap ng paghatol at banta ng Aking mga salita, at tanging ang Aking mga panganay na anak ang matitira. Ito ay hindi isang bagay na kusang-loob at hindi rin ito mababago ng kalooban ng tao; bagkus, ito ay ang Aking Espiritu na personal na gumagawa.) Ito ay hindi isang malayong pangyayari, at kahit papaano ay dapat ninyong mahiwatigan ito mula sa loob ng yugtong ito ng Aking gawain at ng Aking mga salita. Kung bakit Ako magsasalita nang ganoon karami at ang pagiging di-mahuhulaan ng Aking mga pagpapahayag ay hindi mawari ng mga tao. Nagsasalita Ako sa Aking mga panganay na anak sa tono ng pang-aaliw, pagkahabag, at pag-ibig (dahil palagi Kong nililiwanagan ang mga taong ito at hindi Ko sila iiwan, dahil itinalaga Ko sila), habang isinasailalim Ko ang mga tao bukod sa Aking mga panganay na anak sa matinding paghatol, sa mga banta, at sa pananakot, na ginagawa silang laging takot hanggang sa puntong lagi silang kinakabahan. Kapag umabot na ang sitwasyon sa isang punto, tatakas sila mula sa kalagayang ito (kapag Aking winasak ang mundo, ang mga taong ito ay mapupunta sa walang-hanggang kalaliman), ngunit hindi nila kailanman matatakasan ang Aking kamay ng paghatol, at hindi sila kailanman makalalaya sa sitwasyong ito. Ito, kung gayon, ang paghatol sa kanila; ito ang pagkastigo sa kanila. Sa araw na dumating ang mga banyaga, ibubunyag Ko ang mga taong ito nang isa-isa. Ito ang mga hakbang sa Aking gawain. Ngayon, nauunawaan na ba ninyo ang layunin sa likod ng nakaraang mga pagbigkas Ko ng mga salitang iyon? Sa Aking palagay, ang isang bagay na hindi natupad ay isa ring bagay na natupad na, ngunit ang isang bagay na natupad na ay hindi nangangahulugang isang bagay na nakamit na. Ito’y dahil mayroon Ako ng Aking karunungan, at mayroon Ako ng Aking paraan ng paggawa, na talagang di-malilirip ng mga tao. Kapag nagkamit na Ako ng mga resulta sa hakbang na ito (kapag Akin nang naibunyag silang lahat na masasamang lumalaban sa Akin), sisimulan Ko naman ang susunod na hakbang, dahil ang Aking kalooban ay hindi napipigilan at walang sinumang nangangahas na hadlangan ang Aking plano ng pamamahala at walang bagay na nangangahas na maglagay ng mga balakid—dapat silang umalis sa daan! Mga anak ng malaking pulang dragon, pakinggan ninyo Ako! Nagmula Ako sa Sion at nagkatawang-tao sa mundo upang makamit ang Aking mga panganay na anak, para hiyain ang inyong ama (ang mga salitang ito ay nakatuon sa mga inapo ng malaking pulang dragon), para tulungan ang Aking mga panganay na anak, at itama ang mga maling nagawa sa Aking mga panganay na anak. Kaya huwag na kayong maging mabagsik na muli; hahayaan Ko ang Aking mga panganay na anak na iayos kayo. Sa nakalipas, ang Aking mga anak ay tinakot at inapi, at yamang ang Ama ay humahawak ng kapangyarihan para sa mga anak, ang Aking mga anak ay magbabalik sa Aking mapagmahal na yakap, para hindi na muling matakot at maapi. Hindi Ako di-matuwid; ipinakikita nito ang Aking katuwiran, at ito ay tunay na “pagmamahal sa Aking minamahal at pagkamuhi sa Aking kinamumuhian.” Kung sinasabi ninyo na Ako ay di-matuwid, dapat kayong magmadaling umalis. Huwag kayong maging walang-kahihiyan at manghuthot sa Aking tahanan. Dapat kang magmadaling umuwi sa iyong tahanan para hindi Ko na kailangang makita ka. Ang walang-hanggang kalaliman ang inyong hantungan at doon kayo mananatili. Kung kayo ay nasa Aking tahanan, walang magiging lugar para sa inyo, dahil kayo ay mga hayop na pantrabaho; kayo ang mga kasangkapang Aking ginagamit. Kapag hindi Ko na kayo magagamit, itatapon Ko kayo sa apoy upang sunugin kayo. Ito ang Aking mga atas administratibo; kailangang gawin Ko ito sa paraang ito, at ito lamang ang nagpapakita kung paano Ako gumagawa at naghahayag ng Aking katuwiran at Aking kamahalan. Higit na mahalaga, ito lamang ang paraan na magpapahintulot sa Aking mga panganay na anak na magharing kasama Ko sa kapangyarihan.

Sinundan: Kabanata 102

Sumunod: Kabanata 104

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito