Kabanata 102

Nakapagsalita na Ako hanggang sa isang antas at umabot na sa isang punto ang Aking gawain; dapat na maunawaan ng bawat isa sa inyo ang Aking kalooban at sa magkakaibang antas ay magawang isaalang-alang ang Aking pasanin. Ngayon ang punto ng pagbabago kung kailan lumilipat ang laman patungo sa espirituwal na mundo—kayo ang mga nauunang tumatawid sa mga kapanahunan, ang mga tao ng sansinukob na bumabagtas sa sansinukob at sa mga dulo ng mundo. Kayo ang Aking pinakamamahal; kayo ang Aking mga minamahal. Masasabi na wala Akong ibang minamahal kundi kayo, dahil lahat ng Aking matinding pagsisikap ay para sa inyo. Maaari kayang hindi ninyo alam iyan? Bakit Ko lilikhain ang lahat ng bagay? Bakit Ko imamaniobra ang lahat ng bagay para paglingkuran kayo? Lahat ng pagkilos na ito ay mga pagpapahayag ng Aking pag-ibig para sa inyo. Ang mga bundok at ang lahat ng bagay sa mga bundok, ang lupa at ang lahat ng bagay sa lupa ay nagpupuri sa Akin at lumuluwalhati sa Akin dahil nakamit Ko na kayo. Tunay nga, nagawa na ang lahat; higit pa roon, ganap nang nagawa ang lahat. Matunog na kayong nakapagpatotoo sa Akin, at hiniya na ninyo ang mga diyablo at si Satanas para sa Akin. Lahat ng tao, pangyayari, at bagay-bagay sa labas Ko ay nagpapasakop sa Aking awtoridad, at lahat ay sumusunod sa sarili nilang uri dahil sa kaganapan ng Aking plano ng pamamahala (Ang Aking bayan ay nabibilang sa Akin, at ang kauri ni Satanas ay nabibilang lahat sa lawa ng apoy—nahuhulog sila sa walang-hanggang kalaliman, kung saan tatangis sila nang walang hanggan at mapapahamak magpakailanman). Kapag sinasabi Kong “kapahamakan” at “magmula noon, kinukuha ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan,” tinutukoy Ko ang pagpasa sa kanila kay Satanas at pagpapahintulot na mayurakan sila. Sa madaling salita, lahat ng hindi sa Aking sambahayan ay magiging mga layon ng pagkawasak at hindi na iiral ang mga ito. Hindi ito nangangahulugan, gaya ng naguguni-guni ng mga tao, na maglalaho ang mga ito. Masasabi ring ang lahat ng nasa labas Ko, sa Aking opinyon, ay hindi umiiral, at ito ang tunay na kahulugan ng kapahamakan. Sa mata ng tao, mukha pa ring umiiral ang mga bagay na ito, nguni’t sa Aking pananaw, wala na ang mga ito at magpasawalang-hanggan nang mapapahamak. (Binibigyang-diin Ko na ang mga hindi Ko na ginagawaan ay nasa labas Ko.) Sa mga tao, paano man sila mag-isip, hindi nila ito maintindihan, at gaano man kalinaw ang paningin nila, hindi nila ito maarok. Hindi malinaw na makauunawa ang mga tao maliban na lang kung bibigyang-liwanag Ko sila, tatanglawan Ko sila, at tuwiran Ko itong ituturo sa kanila. Bukod pa roon, lahat sila ay nalalabuan nang nalalabuan tungkol dito, lalo’t lalong nakararamdam ng kahungkagan, at lalo’t lalong nakararamdam na walang landas na susundan—halos parang mga patay na tao na sila. Sa ngayon, karamihan sa mga tao (ibig sabihin, lahat maliban sa mga panganay na anak) ay nasa kalagayang ito. Napakalinaw Ko nang itinuro ang mga bagay na ito ngunit walang kibo ang mga taong ito at pinahahalagahan pa rin nila ang mga makalaman nilang kasiyahan. Kumakain sila at natutulog pagkatapos; natutulog sila at kumakain pagkatapos. Hindi nila pinagninilayan ang Aking mga salita. Mapasigla man sila, ito ay panandalian lamang; pagkatapos, gaya pa rin sila ng dati, ganap na hindi nabago, na para bang ni hindi sila nakinig sa Akin. Ang mga ito ang karaniwang walang-silbing mga tao na walang mga pasanin; sila ang pinakahalatang manghuhuthot. Kalaunan, tatalikdan Ko sila isa-isa; huwag mag-alala! Isa-isa Ko silang pababalikin sa walang-hanggang kalaliman. Hindi kailanman gumawa ang Banal na Espiritu sa ganitong uri ng mga tao, at lahat ng ginagawa nila ay mula sa mga kaloob na natanggap nila. Kapag sinasabi Kong mga kaloob, ang ibig Kong sabihin ay na ang mga ito ay mga taong walang buhay, na Aking mga tagapagsilbi; hindi Ko gusto ang sinuman sa kanila at aalisin Ko sila (ngunit sa ngayon, medyo may gamit pa rin sila). Kayong mga tagapagsilbi, makinig kayo! Huwag mong isipin na ang paggamit Ko sa iyo ay nangangahulugan na pinapaboran kita; hindi ito ganoon kasimple. Kung gusto mong paboran kita, dapat kang maging isang taong sinasang-ayunan Ko at dapat kang maging isa na personal Kong pineperpekto. Ito ang uri ng tao na Aking minamahal. Kahit na sabihin pa ng mga taong nagkamali Ako, hindi Ako kailanman uurong. Alam ba ninyo ito? Yaong mga naglilingkod ay mga baka at mga kabayo lamang; paano sila magiging Aking mga panganay na anak? Hindi ba iyan magiging kalokohan? Hindi ba iyan magiging paglabag sa mga batas ng kalikasan? Sinumang nagtataglay ng Aking buhay at ng Aking katangian, sila ang Aking mga panganay na anak. Ito ay isang makatwirang bagay; walang makapagpapasubali rito. Dapat maging ganoon; kung hindi, walang sinumang makagaganap ng papel na ito, at walang sinumang makahahalili rito. Hindi ito isang bagay na ginagawa mula sa emosyon, dahil Ako ang matuwid na Diyos Mismo; Ako ang banal na Diyos Mismo. Ako ang maringal at di-naaagrabyadong Diyos Mismo!

Lahat ng imposible para sa mga tao ay maayos at malayang tumatakbo para sa Akin. Walang sinumang makapipigil nito, at walang sinumang makapagbabago nito. Ang mundong ito, sa buo nitong kalakhan, ay ganap na nasa Aking mga kamay, pati na ang maliit na diyablong si Satanas. Kung hindi dahil sa Aking plano ng pamamahala, at kung hindi dahil sa Aking mga panganay na anak, matagal Ko na sanang winasak itong matandang kasamaan na ito pati na rin ang malaswang kapanahunang ito na lipos ng masangsang na amoy ng kamatayan. Ngunit kumikilos Ako nang maayos at hindi Ako basta-basta nagsasalita. Sa sandaling sabihin Ko ang isang bagay, ito ay matutupad; at kahit pa hindi ganoon, palaging mayroong aspeto ng Aking karunungan, na siyang tutupad ng lahat para sa Akin at magbubukas ng daan para sa Aking mga pagkilos. Ito ay dahil ang Aking mga salita ay Aking karunungan; ang Aking mga salita ang lahat-lahat. Ang mga tao ay pangunahing nabibigong maunawaan ang mga iyon, at hindi malaman ang mga iyon. Malimit Kong tinutukoy ang “lawa ng apoy.” Ano ang ibig sabihin niyan? Ano ang pagkakaiba nito sa lawa ng apoy at asupre? Ang lawa ng apoy at asupre ay tumutukoy sa impluwensya ni Satanas, samantalang ang lawa ng apoy ay tumutukoy sa buong mundong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Bawat tao sa mundo ay sakop ng pag-aalay sa lawa ng apoy (ibig sabihin, lalo’t lalo silang nagiging tiwali at kapag umabot na ang kanilang katiwalian sa isang antas, isa-isa Ko silang wawasakin, na madali Kong magagawa sa pagbigkas lamang ng isang salita). Mas matindi ang Aking poot, mas matindi ang paglagablab ng apoy sa buong lawa ng apoy. Tumutukoy ito sa kung paanong ang mga tao ay pasama nang pasama. Ang panahon na sumabog ang Aking poot ay magiging ang panahon din kung kailan sasabog ang lawa ng apoy; ibig sabihin, iyon ang magiging panahon kung kailan mapapahamak ang buong mundo ng sansinukob. Sa araw na iyon, ang Aking kaharian ay lubusang maisasakatuparan sa lupa at magsisimula ang isang bagong buhay. Ito ay isang bagay na malapit nang matupad. Sa oras na sabihin Ko iyon, ang lahat ay ganap na makikita. Ito ang pananaw ng tao sa bagay na ito, ngunit sa Aking pananaw, pauna nang natapos ang mga bagay-bagay, sapagkat madali ang lahat para sa Akin. Magsalita lamang Ako at ito ay nagagawa; magsalita lamang Ako at ito ay naitatatag.

Bawat araw, kinakain ninyo ang Aking mga salita, tinatamasa ang katabaan sa Aking templo, iniinom ang tubig mula sa Aking ilog ng buhay, at pinipitas ang bunga ng Aking punong kahoy ng buhay. Ano, kung gayon, ang katabaan sa Aking templo? Ano ang tubig ng Aking ilog ng buhay? Ano ang punong kahoy ng buhay? Ano ang bunga ng punong kahoy ng buhay? Bagamat maaaring karaniwan ang mga pariralang ito, hindi pa rin kayang maintindihan ang mga ito ng lahat ng tao, na nalilitong lahat. Iresponsable nilang sinasalita ang mga iyon, ginagamit ang mga iyon nang walang ingat, at inilalapat ang mga iyon nang sapalaran. Ang katabaan sa templo ay hindi tumutukoy sa mga salitang Akin nang binigkas ni sa biyayang Akin nang ibinigay sa inyo. Ano, kung gayon, ang totoong ibig sabihin nito? Simula pa noong sinaunang panahon, wala pang sinumang naging sapat na mapalad na matamasa ang katabaan sa Aking templo. Tanging sa mga huling araw, sa Aking mga panganay na anak, makikita ng mga tao kung ano itong katabaan sa Aking templo. Ang “templo” sa pariralang ito ay tumutukoy sa Aking persona; tumutukoy ito sa Bundok ng Sion, ang Aking tahanan. Kung wala ang Aking pahintulot, walang sinumang makapapasok o makalalabas dito. Ano ang tinutukoy ng “katabaan”? Tumutukoy ito sa pagpapala na magawang maghari kasama Ko sa katawan. Sa pangkalahatang pananalita, tumutukoy ito sa pagpapala ng mga panganay na anak na magawang maghari kasama Ko sa katawan, at hindi ito mahirap unawain. Ang tubig ng ilog ng buhay ay may dalawang kahulugan: Sa isang banda, tumutukoy ito sa tubig na buhay na dumadaloy mula sa loob Ko—ang ibig sabihin, sa bawat salitang lumalabas mula sa Aking bibig. Sa kabilang banda, tumutukoy ito sa karunungan at istratehiya na nasa likod ng Aking mga pagkilos, gayundin sa kung ano Ako at anong mayroon Ako. Nagtataglay ang Aking mga salita ng walang-katapusan at nakatagong mga hiwaga (at na ang mga hiwaga ay hindi na natatago ay binabanggit nang may pagkakaiba sa nakaraan, nguni’t kumpara sa hayagang pagbubunyag na magaganap sa hinaharap, ang mga iyon ay natatago pa rin. Dito, ang “pagiging natatago” ay hindi ganap; ito ay depende). Sa ibang salita, ang tubig ng ilog ng buhay ay laging umaagos. Sa Akin ay may walang-hanggang karunungan, at lubusang hindi matatarok ng mga tao kung ano Ako at kung ano ang mayroon Ako; ibig sabihin, ang tubig ng ilog ng buhay ay laging umaagos. Sa pananaw ng tao, maraming uri ng pisikal na punong kahoy, ngunit walang sinuman ang nakakita na kahit kailan sa punong kahoy ng buhay. Gayunpaman, bagaman nakikita ito ngayon ng mga tao, hindi pa rin nila ito nakikilala—ngunit sila ay nagsasalita tungkol sa pagkain mula sa punong kahoy ng buhay. Talagang nakakatawa! Kakain sila mula rito nang walang-patumangga! Bakit Ko sinasabi na nakikita ito ngayon ng mga tao ngunit hindi ito nakikilala? Bakit Ko sinasabi iyan? Nauunawaan mo ba ang kahulugan ng Aking mga salita? Ang praktikal na Diyos Mismo ng ngayon ay ang persona na Ako, at Siya ang punong kahoy ng buhay. Huwag kayong gumamit ng mga kuru-kuro ng tao para sukatin Ako. Sa panlabas, hindi Ako mukhang punong kahoy, ngunit alam ba ninyo na Ako talaga ang punong kahoy ng buhay? Ang Aking bawat galaw, ang Aking pananalita, at ang Aking ugali ang bunga ng punong kahoy ng buhay, at ang mga iyon ang Aking persona—ang mga iyon ang dapat kainin ng Aking mga panganay na anak, nang kalaunan, tanging ang Aking mga panganay na anak at Ako ang magiging eksaktong magkapareho. Magagawa nilang isabuhay Ako at magpatotoo sa Akin. (Ang mga ito ay mga bagay na mangyayari pagkatapos naming pumasok sa espirituwal na mundo. Sa katawan lamang kami maaaring maging eksaktong pareho; sa katawang tao, maaari lamang kaming maging medyo magkapareho, ngunit mayroon pa rin kaming mga sarili naming gusto.)

Hindi Ko lamang ibubunyag ang Aking kapangyarihan sa Aking mga panganay na anak, kundi Akin din itong ibubunyag sa kanilang pangangasiwa sa lahat ng bansa at lahat ng bayan. Ito ay isang hakbang ng Aking gawain. Ngayon ang susi, at bukod pa roon, ngayon ang punto ng pagbabago. Kapag ang lahat ay natupad na, makikita ninyo kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay, at makikita ninyo kung paano Ako magplano at mamahala—ngunit hindi ito isang malabong bagay. Ayon sa mga kalakaran ng bawat bansa sa mundo, hindi ito gaanong malayo; ito ay isang bagay na hindi maguni-guni ng mga tao, at higit pa roon, isa itong bagay na hindi nila makini-kinita. Kayo ay lubusang hindi dapat maging walang ingat o pabaya, nang sa gayon ay hindi ninyo mapalampas ang pagkakataong mapagpala at magantimpalaan. Ang inaasahang kaharian ay natatanaw na, at ang buong mundo ay unti-unti nang namamatay. Mula sa walang-hanggang kalaliman at mula sa lawa ng apoy at asupre ay lumalabas ang mga bugso ng tunog ng pagtangis, na nanghihilakbot sa mga tao at nagpaparamdam sa kanila ng takot at na wala na silang mapagtataguan. Sinumang pinili sa Aking pangalan at pagkatapos ay inalis ay mapupunta sa walang hanggang hukay. Kaya gaya ng nasabi Ko na nang maraming ulit, itatapon Ko ang mga palalayasin Ko sa walang hanggang hukay. Kapag nawasak na ang buong mundo, ang lahat nang nawasak ay babagsak sa lawa ng apoy at asupre. Sa madaling salita, malilipat ang mga ito mula sa lawa ng apoy papunta sa lawa ng apoy at asupre. Sa panahong iyon, ang lahat ng tao ay natukoy na kung para ba sa walang-hanggang pagkawasak (ibig sabihin, lahat ng nasa labas Ko) o para sa walang-hanggang buhay (ibig sabihin, lahat ng nasa loob Ko). Sa panahong iyon, Ako at ang Aking mga panganay na anak ay lalabas mula sa kaharian at papasok sa kawalang-hanggan. Ito ay isang bagay na matutupad kalaunan; kahit na sabihin Ko pa sa inyo ngayon, hindi ninyo mauunawaan. Maaari lamang ninyong sundan ang Aking pangunguna, lumakad sa Aking liwanag, samahan Ako sa Aking pag-ibig, maranasan ang kasiyahan kasama Ko sa Aking sambahayan, magharing kasama Ko sa Aking kaharian, at mamunong kasama Ko sa ibabaw ng lahat ng bansa at lahat ng bayan sa Aking awtoridad. Ang lahat ng nailarawan Ko na sa itaas ang bumubuo ng walang-katapusang mga pagpapala na ibinibigay Ko sa inyo.

Sinundan: Kabanata 101

Sumunod: Kabanata 103

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito