Kabanata 108
Sa loob Ko, makatatagpo ang lahat ng kapahingahan, at makatatamo ng kalayaan ang lahat. Yaong mga nasa labas Ko ay hindi maaaring makakuha ng kalayaan ni kaligayahan, dahil wala sa kanila ang Aking Espiritu. Tinatawag na walang kaluluwang bangkay ang yaong mga tao, samantalang tinatawag Ko yaong mga nasa loob Ko na “mga buhay na nilalang na may taglay na espiritu.” Sila ay sa Akin, at tiyak na babalik sila sa Aking trono. Yaong mga naglilingkod at yaong mga kabilang sa diyablo ang mga walang kaluluwang bangkay, at kailangan silang puksaing lahat hanggang tuluyang mawala. Isa itong hiwaga ng Aking plano ng pamamahala, at isang bahagi ng Aking plano ng pamamahala na hindi kayang arukin ng sangkatauhan; gayunman, kasabay niyon, nailantad Ko na ito sa lahat. Yaong mga hindi kabilang sa Akin ay laban sa Akin; yaong mga kabilang sa Akin ang mga kaayon Ko. Lubos itong walang alinlangan, at ito ang prinsipyo sa likod ng Aking paghatol kay Satanas. Dapat na malaman ng lahat ang prinsipyong ito upang makita nila ang Aking pagkamakatuwiran at pagiging makatarungan. Hahatulan, susunugin, at gagawing abo ang lahat ng nagmumula kay Satanas. Ito rin ang Aking poot, at mula rito ay lalo pang magiging maliwanag ang Aking disposisyon. Mula ngayon, hayagang ipahahayag ang Aking disposisyon; unti-unti itong ibubunyag sa lahat ng sambayanan at lahat ng bansa, sa lahat ng relihiyon, lahat ng denominasyon, at sa mga tao sa lahat ng antas ng lipunan. Walang itatago; ibubunyag ang lahat. Ito ay dahil ang Aking disposisyon at ang prinsipyo sa likod ng Aking mga pagkilos ang pinakanatatagong mga hiwaga para sa sangkatauhan kaya kailangan Ko itong gawin (nang sa gayon ay hindi lalabagin ng mga panganay na anak ang Aking mga atas administratibo, at para din magamit ang Aking nabunyag na disposisyon upang hatulan ang lahat ng sambayanan at lahat ng bansa). Ito ang Aking plano ng pamamahala, at ang mga ito ang mga hakbang ng Aking gawain. Walang sinuman ang basta-basta magbabago niyan. Naisabuhay Ko na ang kumpletong disposisyon ng Aking pagka-Diyos sa loob ng Aking pagkatao, kaya hindi Ko hinahayaan ang sinuman na magkasala sa Aking pagkatao. (Lahat ng Aking isinasabuhay ay ang banal na disposisyon; ito ang dahilan kung bakit nasabi Ko noong una na Ako ang Diyos Mismo na nangibabaw na sa normal na pagkatao.) Talagang hindi Ko patatawarin ang sinumang nagkakasala sa Akin, at hahayaan Ko siyang mapahamak magpakailanman! Tandaan! Ito ang Aking napagpasyahan; sa madaling salita, isa itong kailangang-kailangang bahagi ng Aking mga atas administratibo. Dapat itong makita ng lahat: Ang persona na Ako ay Diyos, at higit pa, ang Diyos Mismo. Dapat na malinaw na ito ngayon! Hindi Ako nagsasabi ng anuman nang di-maingat. Malinaw Kong sinasabi at itinuturo ang lahat, hanggang makamit mo ang ganap na pag-unawa.
Napakaigting ng sitwasyon; hindi lamang sa Aking tahanan, kundi lalong higit pa sa labas ng Aking bahay, hinihingi Ko na saksihan ninyo ang Aking pangalan, isabuhay Ako, at saksihan Ako sa lahat ng aspeto. Dahil ang mga ito ang mga huling panahon, lahat ay handa na ngayon at lahat ay pinananatili ang orihinal nitong kaanyuan, at wala rito ang magbabago kailanman. Yaong mga dapat itapon ay itatapon; at yaong dapat panatilihin ay pananatilihin. Huwag subukang sapilitang kumapit o tumulak palayo; huwag tangkaing gambalain ang Aking pamamahala o sirain ang Aking plano. Mula sa pananaw ng tao, palagi Akong mapagmahal at mahabagin sa sangkatauhan, nguni’t mula sa Aking pananaw, naipagkakaiba ang Aking disposisyon ayon sa mga yugto ng Aking gawain, dahil Ako ang praktikal na Diyos Mismo; Ako ang nag-iisang Diyos Mismo! Ako ay parehong di-nababago at laging nagbabago. Isa itong bagay na walang sinumang makaaarok. Kapag sinabi Ko sa inyo ang tungkol dito at ipinaliwanag ito sa inyo saka lamang kayo magkakaroon ng malinaw na pag-unawa rito at magagawang makaintindi. Sa Aking mga anak, Ako ay mapagmahal, mahabagin, matuwid, at madisiplina, nguni’t hindi mapanghatol (ang ibig Kong sabihin diyan ay hindi Ko winawasak ang mga panganay na anak). Sa mga tao maliban sa Aking mga anak, nagbabago Ako anumang sandali depende sa pagbabago ng mga kapanahunan: maaari Akong maging mapagmahal, mahabagin, matuwid, maringal, mapanghatol, mabagsik, mapanumpa, nanununog, at sa huli, mapangwasak ng kanilang laman. Yaong mga winasak ay mapapahamak kasama ng kanilang mga espiritu at mga kaluluwa. Gayunpaman, para sa yaong mga naglilingkod, ang kanilang mga espiritu at mga kaluluwa lamang ang mapapanatili (at patungkol sa mga detalye kung paano Ko ito isinasagawa, sasabihin Ko sa inyo sa hinaharap, para inyong maunawaan). Gayunpaman, hindi sila kailanman magkakaroon ng kalayaan at hindi kailanman pakakawalan, dahil sila ay nasa ilalim ng Aking bayan, at nasa ilalim ng pagkontrol ng Aking bayan. Ang dahilan kaya masyado Kong kinamumuhian ang mga tagapagsilbi ay dahil sila ay mga inapong lahat ng malaking pulang dragon, at yaong hindi mga tagapagsilbi ay mga inapo rin ng malaking pulang dragon. Sa madaling salita, lahat ng hindi panganay na anak ay mga inapo ng malaking pulang dragon. Kapag sinasabi Ko na yaong nasa ganap na pagkapahamak ay nag-aalay sa Akin ng walang-hanggang papuri, ibig Kong sabihin na sila ay maglilingkod sa Akin magpakailanman. Nakataga ito sa bato. Ang mga taong iyon ay palaging magiging mga alipin, mga baka, at mga kabayo. Maaari Ko silang katayin ano mang oras, at maaari Ko silang pangibabawan ayon sa Aking nais, dahil mga inapo sila ng malaking pulang dragon at hindi taglay ang Aking disposisyon. Dahil din mga inapo sila ng malaking pulang dragon, mayroon sila ng disposisyon nito; iyan ay, taglay nila ang disposisyon ng mga hayop. Ito ay walang-pasubaling totoo, at walang-hanggang di-nagbabago! Ito ay dahil naitalaga Ko na ang lahat ng ito. Walang sinuman ang makakapagbago nito (ibig Kong sabihin, hindi Ko hahayaan ang sinuman na kumilos laban sa alituntuning ito); kung susubukan mo, pababagsakin kita!
Dapat ninyong tingnan ang mga hiwaga na Aking naibunyag upang makita kung anong hakbang na ang naabot ng Aking plano ng pamamahala at Aking gawain. Tingnan kung ano ang ginagawa Ko sa Aking mga kamay, at tingnan kung kaninong mga tao bumabagsak ang Aking mga paghatol at Aking poot. Ito ang Aking pagkamakatuwiran. Alinsunod sa mga hiwagang naibunyag Ko na, inilalatag Ko ang Aking gawain at pinamamahalaan Ko ang Aking plano. Walang sinumang makakapagbago nito; kailangan itong magawa nang paisa-isang hakbang ayon sa Aking ninanais. Ang mga hiwaga ang landas kung saan tumatakbo ang Aking gawain, at mga tanda ang mga iyon na ipinapahiwatig ang mga hakbang sa Aking plano ng pamamahala. Walang sinuman ang dapat magdagdag o magbawas ng anuman mula sa Aking mga hiwaga dahil kung ang hiwaga ay mali, ang landas ay mali. Bakit Ko ibinubunyag ang Aking mga hiwaga sa inyo? Ano ang dahilan? Sino sa inyo ang malinaw na makapagsasabi? Bilang karagdagan, nasabi Ko nang ang mga hiwaga ang landas, kaya’t ano ang tinutukoy ng landas na ito? Ito ang proseso na inyong pinagdaraanan mula sa laman tungo sa katawan, at ito ay isang mahalagang yugto. Pagkatapos Kong ibunyag ang Aking mga hiwaga, unti-unting naaalis ang mga kuru-kuro ng mga tao at ang kanilang mga iniisip ay unti-unting humihina. Ito ang proseso ng pagpasok sa espirituwal na dako. Sa gayon, sinasabi Ko na ang Aking gawain ay nagaganap nang isa-isang hakbang, at hindi ito malabo; ito ang realidad, at ito ang Aking paraan ng paggawa. Walang makapagbabago nito, ni walang sinuman ang makakakamit nito, dahil Ako ang nag-iisang Diyos Mismo! Personal Kong tinatapos ang Aking gawain. Ako lamang ang kumokontrol ng buong mundo ng sansinukob, at Ako lamang ang nag-aayos. Sinong nangangahas na hindi makinig sa Akin? (Sa “Ako lamang,” ang ibig Kong sabihin ay Diyos Mismo, dahil ang personang Ako ay ang Diyos Mismo—kaya huwag kumapit nang mahigpit sa iyong sariling mga kuru-kuro.) Sinong nangangahas na lumaban sa Akin? Matindi silang parurusahan! Nakita na ninyo ang kinalabasan ng malaking pulang dragon! Iyon ang katapusan nito, nguni’t hindi rin ito maiiwasan. Dapat na magawa Ko Mismo ang gawain nang sa gayon ay mapapahiya ang malaking pulang dragon. Hindi na ito muli pang makababangon, at mawawasak ito sa buong kawalang-hanggan! Nagsisimula na Ako ngayong magbunyag ng mga hiwaga. (Tandaan! Karamihan sa mga hiwagang ibinubunyag ay mga bagay-bagay na malimit ninyong isinasatinig nguni’t walang sinumang nakakaunawa.) Nasabi Ko nang ang lahat ng bagay na nakikita ng mga tao na di-tapos ay natapos na sa Aking paningin, at ang mga bagay na Aking nakikita na nag-uumpisa pa lamang ay tila tapos na sa mga tao. Ito ba ay kabalintunaan? Hindi. Ganoon mag-isip ang mga tao dahil mayroon silang sarili nilang mga kuru-kuro at mga saloobin. Ang mga bagay na Aking pinaplano ay natatapos sa pamamagitan ng Aking mga salita (naitatatag ang mga iyon kapag Aking sinabi at natatapos ang mga iyon kapag Aking sinabi). Gayunman, para sa Akin tila ba hindi pa natapos ang mga bagay na nasabi Ko na. Ito ay dahil mayroong taning sa mga bagay na Aking ginagawa. Kaya nakikita Ko ang mga bagay na ito na hindi pa tapos, nguni’t sa panlamang mga mata ng mga tao (dahil sa mga pagkakaiba sa kanilang konsepto ng oras), natapos na ang mga iyon. Sa kasalukuyan karamihan sa mga tao ay naghihinala sa Akin dahil sa mga ibinunyag Kong mga hiwaga. Dahil sa pagpasok ng realidad, at dahil hindi tumutugma ang Aking mga hangarin sa mga kuru-kuro ng mga tao, lumalaban sila sa Akin at itinatatwa Ako. Ito ay si Satanas na binibitag ang sarili sa sarili nitong mga pakana. (Gusto nilang tumanggap ng mga pagpapala, nguni’t hindi nila inasahan na ang Diyos ay hindi tutugma sa kanilang sariling mga kuru-kuro nang ganoon kalayo, kaya umuurong sila.) Epekto rin ito ng Aking gawain. Lahat ng tao ay dapat magpuri sa Akin, magbunyi para sa Akin, at magbigay-luwalhati sa Akin. Ang lahat-lahat ay nasa Aking mga kamay, at ang lahat-lahat ay nasa loob ng Aking paghatol. Kapag ang lahat ng sambayanan ay dumako sa Aking kabundukan, at kapag bumalik na matagumpay ang mga panganay na anak, iyon ang magiging katapusan ng Aking plano ng pamamahala. Iyon ang magiging sandali ng pagtatapos para sa Aking anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ang lahat ay isinasaayos Ko nang personal; nasabi Ko na ito nang maraming beses. Yamang namumuhay pa rin kayo sa loob ng inyong mga kuru-kuro, kailangan Kong bigyang-diin ito nang paulit-ulit para hindi kayo makagawa ng kahit anong mga pagkakamali rito na makagagambala sa Aking plano. Hindi Ako matutulungan ng mga tao, ni hindi sila makakasali sa Aking pamamahala, dahil kasalukuyan pa rin kayong laman at dugo (kahit na kayo ay sa Akin, namumuhay pa rin kayo sa laman). Kung kaya, Aking sinasabi na yaong mga may laman at dugo ay hindi makatatanggap ng Aking pamana. Ito rin ang pangunahing dahilan para papasukin kayo sa espirituwal na dako.
Sa mundo, ang mga lindol ang pasimula ng sakuna. Una, Aking binabago ang mundo—ibig sabihin, ang lupa—at pagkatapos darating ang mga salot at mga taggutom. Ito ang Aking plano, at ang mga ito ang Aking mga hakbang, at pagagalawin Ko ang lahat upang maglingkod sa Akin upang tapusin ang Aking plano ng pamamahala. Sa gayon, ang buong mundo ng sansinukob ay mawawasak, kahit wala ang Aking tuwirang pakikialam. Nang una Akong naging katawang-tao at ipinako sa krus, yumanig nang napakalakas ang lupa, at magiging ganoon din pagdating ng katapusan. Magsisimula ang mga lindol sa mismong sandali na pumasok Ako sa espirituwal na dako mula sa katawang-tao. Sa gayon, ang mga panganay na anak ay walang-pasubaling hindi magdurusa mula sa sakuna, samantalang ang mga taong hindi mga panganay na anak ay maiiwan upang magdusa sa gitna ng mga sakuna. Kaya, mula sa pananaw ng tao, handang maging isang panganay na anak ang lahat. Sa mga pangitain ng mga tao, hindi ito para sa pagtatamasa ng mga pagpapala, kundi para takasan ang pagdurusa ng sakuna. Ito ang pakana ng malaking pulang dragon. Nguni’t hindi Ko ito kailanman hahayaang makatakas; pagdurusahin Ko ito ng Aking mabigat na kaparusahan at pagkatapos ay tatayo at maglilingkod sa Akin (tumutukoy ito sa paggawang ganap sa Aking mga anak at Aking bayan), na magdudulot dito na magpakailanmang malinlang ng sarili nitong mga patibong, magpakailanmang tanggapin ang Aking paghatol, at Aking sunugin magpakailanman. Ito ang totoong kahulugan ng gawin ang mga tagapagsilbi na magpuri sa Akin (iyon ay, gamitin sila upang ibunyag ang Aking dakilang kapangyarihan). Hindi Ko hahayaan ang malaking pulang dragon na pumuslit sa Aking kaharian, ni pagkakalooban Ko ito ng karapatang purihin Ako! (Dahil hindi ito karapat-dapat; hindi ito kailanman magiging karapat-dapat!) Papaglingkurin Ko lamang ang malaking pulang dragon sa Akin hanggang sa kawalang-hanggan! Hahayaan Ko lamang itong magpatirapa sa harap Ko. (Yaong mga nawasak ay mas napapabuti pa kaysa yaong mga nasa kapahamakan; pansamantalang mabigat na kaparusahan lamang ang pagkawasak, samantalang yaong mga nasa kapahamakan ay magdurusa ng matitinding kaparusahan magpakailanman. Sa kadahilanang ito, ginagamit Ko ang salitang “magpatirapa.” Dahil pumupuslit ang mga taong ito sa Aking tahanan at tinatamasa nang malaki ang Aking biyaya, at nagtataglay ng kaunting kaalaman tungkol sa Akin, gumagamit Ako ng mabibigat na kaparusahan. Tungkol naman sa mga nasa labas ng Aking bahay, maaari mong sabihin na hindi magdurusa ang mga mangmang.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, inaakala nila na ang mga taong nawasak ay mas malala kaysa yaong nasa kapahamakan, nguni’t sa kabaligtaran, ang huli ay kailangang mabigat na parusahan magpakailanman, at yaong mga nawasak ay babalik sa kawalan magpakailanman.