Kabanata 109
Ako ay araw-araw na gumagawa ng mga pagbigkas, nagsasalita, at nagbubunyag ng Aking mga dakilang tanda at kababalaghan. Ang lahat ng bagay na ito ang bumubuo sa gawain ng Aking Espiritu. Sa mga mata ng mga tao, Ako ay isang tao lamang, ngunit mismong sa taong ito Ko nagagawang ibunyag ang Aking lahat-lahat at ang Aking dakilang kapangyarihan.
Dahil hindi Ako pinapansin ng mga tao bilang tao at binabalewala ang Aking mga pagkilos, iniisip nila na ang mga bagay na ito ay ginagawa ng isang tao. Gayunman, bakit hindi ka humihinto para isipin kung kayang magawa ng isang tao ang ginagawa Ko? Hindi Ako kilala ng mga tao nang ganito kalalim; hindi nila nauunawaan ang Aking mga salita, at hindi nila naiintindihan ang Aking mga gawa. Masasama at tiwaling mga tao! Kailan kita lululunin? Kailan kita ibabaon sa lawa ng apoy at asupre? Napakaraming beses na Akong itinaboy mula sa inyong grupo, napakaraming beses na Akong ininsulto, tinuya at hinamak ng mga tao, at napakaraming beses na Akong lantarang hinatulan at nilabanan ng mga tao. Bulag na mga tao! Hindi ba ninyo alam na kayo ay isang dakot na putik lamang sa Aking mga kamay? Hindi ba ninyo alam na kayo ay layon lamang ng Aking paglikha? Ang Aking poot ay pinakakawalan ngayon, at walang sinumang makakapagtanggol laban dito. Maaari lamang na paulit-ulit na magmakaawa ang mga tao. Gayunman, dahil ang Aking gawain ay nakasulong hanggang sa antas na ito, walang sinumang makakapagbago nito. Ang mga nilikha ay dapat bumalik sa putik. Hindi ito dahil Ako ay di-matuwid, kundi kayo ay masyadong tiwali at walang pakundangan, at ito ay dahil sa kayo ay naagaw na ni Satanas at naging mga kasangkapan nito. Ako ang banal na Diyos Mismo; hindi Ako maaaring marumihan, at hindi Ako maaaring mag-angkin ng maruming templo. Mula ngayon, ang Aking nagngangalit na pagkapoot (mas matindi kaysa galit) ay magsisimulang bumuhos sa lahat ng bansa at tao, at kakastiguhin ang lahat ng pasaway na nagmumula sa Akin ngunit hindi nakakakilala sa Akin. Kinamumuhian Ko ang mga tao hanggang sa kasukdulan, at hindi na Ako maaawa; sa halip, ay magpapaulan ng lahat ng Aking mga sumpa. Walang-pasubaling hindi na magkakaroon ng kahabagan at pag-ibig, lahat ay susunugin tungo sa kawalan, at ang kaharian Ko lamang ang matitira, nang sa gayon ay pupurihin Ako ng Aking mga tao sa Aking sambahayan, bibigyan Ako ng luwalhati, at pasasayahin Ako magpakailanman (ito ang tungkulin ng Aking mga tao). Magsisimula ang Aking kamay na opisyal na kastiguhin ang mga kapwa nasa loob at nasa labas ng Aking sambahayan. Walang mga gumagawa ng masama ang makakatakas sa Aking pagsunggab at paghatol; ang lahat ay dapat sumailalim sa pagsubok na ito at sambahin Ako. Ito ang Aking pagiging maharlika, at higit pa rito, ito ay isang atas administratibo na Aking ipinahahayag sa mga gumagawa ng masama. Walang sinumang makakapagligtas sa iba. Maaari lamang nilang lingapin ang mga sarili nila mismo, ngunit anuman ang gawin nila, hindi nila kayang takasan ang Aking kamay ng pagkastigo. Ang dahilan kaya nasabing ang Aking mga atas administratibo ay marahas ay ibinubunyag dito; ito ay isang katotohanan na makikita ng sinuman gamit ang kanilang sariling mga mata.
Kapag nagsimula Akong magalit, lahat ng demonyo, malalaki at maliliit, ay lalayas na natataranta, takot na takot na mamamatay sila sa hampas ng Aking kamay—ngunit walang sinumang makakatakas mula sa Aking mga kamay. Hawak Ko sa Aking kamay ang lahat ng gamit sa pagpapahirap; kinokontrol ng kamay Ko ang lahat ng bagay, lahat ay abot-kamay Ko, at walang makakawala. Ito ang Aking karunungan. Nang dumating Ako sa lugar ng mga tao, natapos Ko na ang lahat ng uri ng gawain sa paghahanda, inilalatag ang saligan para sa pagsisimula ng Aking gawain sa gitna ng mga tao (ito ay dahil Ako ang marunong na Diyos, at hinaharap Ko nang wasto kung ano ang dapat na gawin at ano ang hindi dapat na gawin). Pagkatapos na ang lahat ay naayos nang wasto, Ako ay naging katawang-tao at nagtungo sa lugar ng mga tao. Gayunman, walang nakakilala sa Akin. Bukod sa mga niliwanagan Ko, lahat ng anak ng paghihimagsik ay kumakalaban sa Akin, hinihiya Ako, at malamig ang pakikitungo sa Akin. Ngunit sa katapusan, gagawin Ko silang may-mabuting-asal at mapagpasakop. Bagaman para sa mga tao ay parang wala Akong gaanong ginagawa, ang Aking malaking gawain ay natapos na. (Ganap na sinusunod ang taong Ako ng mga tao kapwa sa salita at sa puso; ito ay isang palatandaan.) Ngayon, bumabangon Ako at kinakastigo ang lahat ng uri ng masasamang espiritu na lumalaban sa Akin. Gaano man katagal nila Akong sinundan, kailangan nilang umalis sa Aking tabi. Hindi Ko gusto ang sinuman na laban sa Akin (sila ay ang mga kulang sa espirituwal na pang-unawa, ang mga pansamantalang sinapian ng masasamang espiritu, at ang mga hindi nakakakilala sa Akin). Hindi Ko gusto ang isa man sa kanila! Lahat ay aalisin, at magiging mga anak ng kapahamakan! Pagkatapos gumawa ng serbisyo para sa Akin ngayon, silang lahat ay dapat na umalis! Huwag manatili sa Aking sambahayan; itigil mo na ang patuloy mong pagpapalibre nang walang kahihiyan! Ang lahat ng nabibilang kay Satanas ay mga anak ng diyablo, at malilipol magpakailanman. Lahat ng kumakalaban sa Akin ay tahimik na lilisanin ang Aking tabi upang ang tulin ng Aking gawain ay magiging lalong di-nahahadlangan at wala nang panggugulo. Lahat ng bagay ay gagawin sa Aking utos, nang walang anumang mga balakid at paghadlang. Lahat ay babagsak sa harap ng Aking pagtitig at mawawasak sa Aking pagsunog. Ipinakikita nito ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ang Aking perpektong karunungan (kung ano ang ginawa Ko sa Aking mga panganay na anak). Ito’y magdaragdag ng higit pang luwalhati sa Aking pangalan, at magdaragdag ng higit pang luwalhati sa Akin. Mula sa Aking ginagawa at mula sa tono ng Aking tinig, makikita ninyong lahat na lubusan Ko nang natapos ang Aking gawain sa Aking bahay, at nagsimula na Akong bumaling sa mga Hentil na bansa. Sinisimulan Ko na ang Aking gawain doon, at ipinatutupad ang susunod na hakbang ng Aking gawain.
Karamihan sa Aking mga salita ay hindi tumutugma sa inyong mga kuru-kuro—ngunit Aking mga anak, huwag umalis. Hindi nangangahulugan na ito ay hindi ang Aking mga pagbigkas kung hindi ito tumutugma sa mga kuru-kuro ng mga tao. Tiyak na ito ang magpapatunay na talagang binigkas Ko ang mga ito. Kung ang Aking mga salita ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, kung gayon iyan ay magiging ang gawain ng masasamang espiritu. Kaya, dapat mong higit pang pagsikapan ang Aking mga salita, gawin ang Aking ginagawa, at mahalin ang Aking minamahal. Ang huling kapanahunang ito ay ang kapanahunan din kung kailan ang mga sakuna ay darating muli, at higit pa rito, ito ang kapanahunan kung kailan Aking ibinubunyag ang lahat ng Aking mga disposisyon. Kapag ang lahat ng Aking mga banal na trumpeta ay nagsimulang tumunog, ang mga tao ay tunay na matatakot; sa panahong iyon, walang sinumang mangangahas na gumawa ng masama, kundi sila sa halip ay magpapatirapa sa Aking harapan, nagpapahalaga sa Aking karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Ako nga, pagkatapos ng lahat, ang marunong na Diyos Mismo! Sino ang makakapagpabulaanan sa Akin? At sino ang nangangahas na tumayo laban sa Akin? Sino ang nangangahas na hindi tanggapin ang Aking karunungan? Sino ang nangangahas na hindi alamin ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat? Kapag ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain sa lahat ng dako, nalalaman ng lahat ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, ngunit ang Aking nilalayon ay hindi pa rin naabot. Dahil sa Aking poot, nais Kong makita ng mga tao ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, ang Aking karunungan, at ang luwalhati ng Aking persona. (Itong lahat ay naipapamalas sa mga panganay na anak; ito ay lubos na totoo. Bukod sa kanila, walang sinuman ang maaaring maging bahagi ng Aking persona; ito ay Akin nang itinalaga.) Sa Aking bahay, mayroong walang-katapusang mga hiwaga na hindi maaarok ng mga tao. Kapag Ako ay nagsasalita, sinasabi ng mga tao na Ako ay masyadong walang-awa. Sinasabi nila na napakaraming tao ang nagmamahal na sa Akin hanggang sa isang antas. Kung gayon, bakit Ko sinasabi na sila ay ang mga inapo ng malaking pulang dragon? Higit pa rito, bakit Ko sila isa-isang tatalikuran? Hindi ba mas mabuti na magkaroon ng mas maraming tao sa Aking sambahayan? Gayunman, patuloy Akong kumikilos sa ganitong paraan. Hindi maaaring humigit ng isa ni magkulang ng isa ang bilang na Aking paunang itinalaga. (Ito ang Aking atas administratibo. Hindi lamang ito hindi maaaring mabago ng sinumang tao, ngunit kahit Ako Mismo ay hindi makakapagbago nito, dahil hindi Ako maaaring yumukod sa harap ni Satanas. Ito ay sapat na upang patunayan ang Aking karunungan at pagiging maharlika. Ako nga ang iisang Diyos Mismo. Ang mga tao ay yumuyukod sa harap Ko; hindi Ako yumuyukod sa harap ng mga tao.) Ito ang mismong punto na pinakananghihiya kay Satanas. Ang lahat ng mga taong Akin nang pinili ay mapagkumbaba, mapagpasakop, masunurin, at tapat, at makapaglilingkod sila sa Akin nang may kababaang-loob at nang tahimik. (Inasam ni Satanas na gamitin ito para hiyain Ako, ngunit bilang ganti ay tinalo Ko si Satanas.) Ang Aking disposisyon ay makikita mula sa mga taong ito. Kapag Ako ay nakabalik na pagkatapos ng tagumpay sa labanan, Aking papahiran ang Aking mga panganay na anak upang maging mga hari sa Aking kaharian, at saka lamang Ako magsisimulang magpahinga, dahil sila ay mamumuno bilang mga hari kasama Ko. Ang Aking mga panganay na anak ay kumakatawan sa Akin, at ipinahahayag nila Ako. Sa kanilang mapagkumbaba at tahimik na paglilingkod ay nagpapasakop sila sa Akin; sa kanilang katapatan ay ipinatutupad nila ang Aking mga salita; sa kanilang katapatan ay sinasabi nila ang Aking sinasabi; at sa kanilang pagpapakumbaba ay nagdadala sila ng luwalhati sa Aking pangalan (nang walang kabastusan o kabagsikan, kundi nang may pagiging maharlika at poot). Aking mga panganay na anak! Panahon na upang hatulan ang mundo ng sansinukob! Ipinagkakaloob Ko ang mga pagpapala sa inyo, binibigyan Ko kayo ng awtoridad, at ginagantimpalaan Ko kayo ng isang bahagi ng mga pagpapala! Lahat ay natupad na, at ang lahat ng ito ay kinokontrol at isinasaayos ninyo, dahil Ako ang inyong Ama; Ako ang inyong matibay na tore, Ako ang inyong kanlungan, at Ako ang inyong sandigan. Higit pa rito, Ako ang inyong Siyang Makapangyarihan sa lahat; Ako ang inyong lahat-lahat! Lahat ng bagay ay nasa Aking mga kamay, at lahat ay nasa inyo ring mga kamay. Kabilang dito hindi lamang ang ngayon, kundi pati ang kahapon, at maging ang bukas! Hindi ba ito karapat-dapat na ipagdiwang? Hindi ba ito karapat-dapat sa inyong pagbubunyi? Kayong lahat, tanggapin ninyo mula sa Akin ang bahaging karapat-dapat sa inyo! Ibinibigay Ko sa inyo ang Aking lahat-lahat, nang hindi nagtatabi ng kahit katiting sa Aking sarili, dahil lahat ng Aking pag-aari ay sa inyo, at ang Aking mga kayamanan ay nasa inyo. Ito ang dahilan kung bakit Ko sinabing “napakabuti” pagkatapos likhain kayo.
Alam ba ninyo kung sino ang namamahala sa inyong ginagawa, iniisip, at sinasabi ngayon? Ano ang layon ng lahat ng inyong ginagawa? Tinatanong Ko kayo, paano kayo dumadalo sa kasalang piging ng Cordero? Ito ba ay ngayon? O ito ba ay sa hinaharap? Ano ba ang kasalang piging ng Cordero? Hindi ninyo alam, hindi ba? Kung gayon ay ipaliliwanag Ko ito para sa inyo: Nang dumating Ako sa lugar ng mga tao, inayos Ko ang lahat ng uri ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay para paglingkuran ang taong Ako ngayon. Ngayon na ang lahat ay tapos na, Aking ihinahagis ang mga tagapagsilbi sa tabi. Ano ang kinalaman nito sa kasalang piging? Kapag ang mga taong ito ay nag-uukol ng serbisyo sa Akin—ibig sabihin, nang Ako ay ginawang Cordero—nadarama Ko ang lasa ng kasalang piging. Sa ibang salita, lahat ng sakit na pinagdusahan Ko na, lahat ng bagay na ginawa Ko na, lahat ng sinabi Ko na, lahat ng nakatagpo Ko na, at lahat ng nagawa Ko na sa buong buhay Ko ay ang bumubuo sa kasalang piging. Pagkatapos na ang taong Ako ay pinahiran, nagsimula na Kayong sumunod sa Akin (sa panahong ito, Ako ay naging ang Cordero); kaya sa ilalim ng Aking pangunguna, naranasan ninyo na ang lahat ng uri ng sakit at sakuna, tinalikuran at siniraan kayo ng mundo, tinalikuran ng pamilya, at nabubuhay kayo sa Aking pagpapala. Lahat ng ito ay mga bahagi ng kasalang piging ng Cordero. Ginagamit Ko “ang kasalang piging” dahil ang lahat ng inakay Ko kayong gawin ay para makamit kayo. Gayunman, ang lahat ng ito ay bahagi ng piging. Sa hinaharap—o, masasabi na ngayon—lahat ng inyong tinatamasa, lahat ng inyong tinatamo, at ang lahat ng makaharing kapangyarihan na pinagbabahagian natin ay bahagi ng piging. Ang Aking pag-ibig ay dumarating sa lahat ng umiibig sa Akin. Ang Aking mga iniibig ay mananatili magpakailanman, hindi kailanman maaalis, magpakailanmang mananatili sa loob ng Aking pag-ibig. Ito ay magpakailanman!