Kabanata 110
Kapag nabunyag na ang lahat, iyon ay kung kailan Ako mamamahinga at, higit pa rito, iyon ay kung kailan ang lahat ay nasa ayos na. Personal Kong ginagawa ang Aking sariling gawain; pinangangasiwaan at isinasaayos Ko Mismo ang lahat. Kapag lumabas Ako sa Sion at kapag bumalik Ako, at kapag ang Aking mga panganay na anak ay nagawa Ko nang ganap, matatapos Ko na ang Aking dakilang gawain. Sa mga kuru-kuro ng mga tao, ang isang bagay na ginagawa ay dapat na nakikita at nasasalat, ngunit sa tingin Ko rito, tapos na ang lahat sa sandaling pinaplano Ko ito. Ang Sion ang Aking tirahan, at ito rin ang Aking hantungan; doon Ko ibinubunyag ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, at doon namin pagsasaluhan ng Aking mga panganay na anak ang aming kaligayahan bilang isang pamilya. Doon Ako ay maninirahang kasama nila magpasawalang hanggan. Ang Sion, ang magandang lugar na iyon, na kinasasabikan ng mga tao. Di-mabilang na mga tao na ang naghangad sa Sion sa buong mga kapanahunan, ngunit mula sa pasimula, wala pa ni isang nakapasok rito. (Wala kahit sinuman sa mga banal at mga propeta mula sa nakalipas na mga kapanahunan ang nakapasok na sa Sion; ito ay dahil pinipili Ko ang Aking mga panganay na anak sa mga huling araw, at silang lahat ay ipinanganganak sa loob ng panahong ito; sa pamamagitan nito, ang Aking awa at ang Aking biyaya, na Aking nabanggit na, ay mas naging malinaw.) Bawat isang tao na isang panganay na anak ngayon ay papasok sa Sion kasama Ko at tatamasahin ang pagpapalang iyon. Itinataas Ko ang Aking mga panganay na anak hanggang sa isang partikular na antas dahil taglay nila Aking kakayahan at ang Aking maluwalhating larawan, at dahil kaya nilang magpatotoo sa Akin, luwalhatiin Ako, at isabuhay Ako. Higit pa rito, kaya nilang talunin si Satanas at hiyain ang malaking pulang dragon. Ito ay dahil ang Aking mga panganay na anak ay dalisay na mga birhen; sila ang mga iniibig Ko, at sila ang mga napili Ko na at pinaboran. Ang dahilan kung bakit itinataas Ko sila ay dahil makatatayo sila sa kanilang sariling mga posisyon at kayang mapagpakumbaba at tahimik na maglingkod sa Akin, at magbigay ng makapangyarihang patotoo para sa Akin. Ginugol Ko nang lahat ang Aking lakas sa Aking mga panganay na anak, at maingat Ko nang isinaayos ang lahat ng uri ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay para sa kanilang paglilingkod. Sa katapusan, sasanhiin Kong makita ng lahat ang Aking buong kaluwalhatian sa pamamagitan ng Aking mga panganay na anak, at lubos na makukumbinsi Ko ang lahat tungkol sa Akin dahil sa kanila. Hindi Ko pupuwersahin ang anumang demonyo, at hindi Ako natatakot sa kanilang pagiging laganap o sa kanilang kawalang-taros, sapagkat mayroon Akong mga saksi at may awtoridad Ako sa Aking mga kamay. Makinig sa Akin ngayon, mga taong kauri ni Satanas! Ang layon sa likod ng bawat salitang binibigkas Ko at ng lahat ng ginagawa Ko ay para perpektuhin ang Aking mga panganay na anak. Samakatuwid ay dapat mong bigyang-pansin ang Aking mga utos at sumunod sa Aking mga panganay na anak; kung hindi ay iwawasto kita sa pagpaparanas sa iyo ng agad ng kapahamakan! Ang Aking mga panganay na anak ay nagsimula nang isakatuparan ang Aking mga atas administratibo dahil sila lang ang mga karapat-dapat na magtaas ng Aking trono; at pinahiran Ko na sila. Sinumang hindi nagpapasakop sa Aking mga panganay na anak ay tiyak na hindi mabuti, at na, walang alinlangang ipinadala ng malaking pulang dragon para guluhin ang Aking plano ng pamamahala. Ang gayong masasama ay agad na itutulak palabas ng Aking sambahayan. Hindi Ko nais na gumawa ng serbisyo sa Akin ang ganyang uri ng bagay; haharapin nito ang walang hanggang pagkawasak—at haharapin nila ito sa lalong madaling panahon, nang walang pagkaantala! Ang mga nasa paglilingkod sa Akin ay dapat nakatanggap na ng Aking pagsang-ayon; dapat silang maging masunurin nang hindi nag-aalala tungkol sa halagang maaaring bayaran nila. Kung sila ay mapaghimagsik, hindi sila karapat-dapat na gumawa ng serbisyo sa Akin; hindi Ko kailangan ang gayong mga nilalang. Dapat silang magmadali at lumayo mula rito; walang pasubaling hindi Ko sila nais! Dapat maging malinaw ito sa iyo ngayon! Ang mga gumagawa ng serbisyo sa Akin ay dapat na gawin itong mahusay at huwag magsanhi ng anumang mga problema. Kung nararamdaman mong wala ka nang pag-asa, at nagsisimulang magdulot ng mga problema, tatapusin kita nang walang pag-aatubili! Malinaw ba sa inyo na mga naglilingkod sa Akin ang tungkol doon? Ito ang Aking atas administratibo.
Ang pagpapatotoo para sa Akin ay ang tungkulin ng Aking mga panganay na anak, kaya hindi Ko kinakailangan na gumawa kayo ng anuman para sa Akin; masisiyahan Ako hanggat ginagampanan ninyo nang maayos ang inyong mga tungkulin at tinatamasa ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa inyo. Nang Ako ay naglakbay sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo, pinili Ko ang Aking mga panganay na anak at ginawa silang ganap. Ito ay isang bagay na tinapos Ko bago Ko nilikha ang mundo; walang sinuman sa sangkatauhan ang nakaaalam nito, gayunman ang Aking gawain ay naisakatuparan sa katahimikan. Ang katotohanang ito ay hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao! Gayunpaman, ang mga katotohanan ay mga katotohanan, at walang sinuman ang makapagbabago sa mga ito. Kapwa malalaki at maliliit na demonyo, sa pamamagitan ng kanilang mga pagpapanggap, ay ibinunyag ang tunay nilang mga anyo, at napasailalim sa Aking pagkastigo sa magkakaibang antas. May mga hakbang sa Aking gawain, at may karunungan sa Aking mga salita. Mula sa Aking mga kilos at mga salita, may nakita na ba kayong anuman? Gumagawa at nagsasalita lang ba Ako ng mga bagay-bagay? Ang Akin bang mga salita ay basta lang malupit, mapanghusga, o nakaaaliw? Masyado iyong simple, ngunit para sa sangkatauhan, hindi simple ang pagtingin dito. Hindi lang mayroong karunungan, paghatol, pagiging matuwid, pagiging maharlika, at kaaliwan sa Aking mga salita, subalit higit pa roon, tinataglay nito kung anong mayroon at kung ano Ako. Bawat isa sa Aking mga salita ay isang hiwaga na hindi maibubunyag ng sangkatauhan; ang Aking mga salita ay lubusang di-malirip, at bagaman ang mga hiwaga ay ibinunyag na, nasa labas pa rin ang mga ito ng saklaw ng imahinasyon at pag-unawa ng sangkatauhan, batay sa mga kakayahan ng sangkatauhan. Ang pinakamadaling salita para sa Akin na maunawaan ay ang pinakamahirap na bagay para sa mga tao na maunawaan, kaya ang pagkakaiba sa pagitan Ko at nila ay gaya ng pagkakaiba sa pagitan ng langit at lupa. Ito ang dahilan kung bakit gusto Kong ganap na baguhin ang mga anyo ng Aking mga panganay na anak at buo silang papasukin sa katawan. Sa hinaharap, hindi lang sila papasok sa katawan mula sa laman, kundi babaguhin nila ang kanilang mga anyo sa magkakaibang antas habang nasa loob nito. Ito ang Aking plano. Ito ay isang bagay na hindi magagawa ng mga tao; ganap na walang paraan para magawa nila ito. Kaya, kahit pa ipaliwanag Ko ito sa inyo nang detalyado, hindi pa rin ninyo mauunawaan; maaari lang pumasok sa isang pakiramdam ng higit sa natural. Ito ay dahil sa Ako ang marunong na Diyos Mismo.
Kapag nakakikita kayo ng mga hiwaga, tumutugon kayo sa paanuman. Kahit na, sa kaibuturan, hindi ninyo tinatanggap o kinikilala ang mga hiwagang ito, kinikilala ninyo ang mga ito sa salita. Ang ganitong uri ng tao ang pinakamapanlilang, at kapag ibinubunyag Ko ang mga hiwaga, aalisin at tatalikdan Ko sila isa-isa. Gayunpaman, lahat ng ginagawa Ko ay ginagawa nang may mga hakbang. Hindi Ko ginagawa ang mga bagay-bagay nang padalus-dalos, o pikit-matang bumubuo ng konklusyon; ito ay dahil taglay Ko ang pang-Diyos na disposisyon. Ganap na hindi kaya ng mga taong magkamit ng malinaw na pagkaunawa sa kung ano ang ginagawa Ko sa kasalukuyan, o sa kung ano ang gagawin Ko sa Aking susunod na hakbang. Tanging kapag binibigkas Ko ang mga salita ng isang hakbang, ang paraan Ko ng paggawa ay sumusulong nang isang hakbang kasama Ko. Lahat ay nangyayari sa loob ng Aking mga salita, at ang lahat ay ibinubunyag sa loob ng Aking mga salita, kaya walang sinuman ang dapat na mainip; sapat na ang maayos na paggawa ng serbisyo sa Akin. Bago ang mga kapanahunan, gumawa Ako ng propesiya tungkol sa isang puno ng igos, subalit sa lumipas na mga kapanahunan, walang sinumang nakakita ng isang puno ng igos at walang sinumang makapagpaliwanag dito, at kahit nabanggit na ang mga salitang ito sa naunang mga papuri, walang sinumang may alam ng tunay na kahulugan ng mga ito. Nakalito sa mga tao ang mga salitang ito, gaya ng pariralang, “ang matinding sakuna,” at nagdulot ito ng isang hiwaga na hindi Ko kailanman binuksan sa sangkatauhan. Inisip ng mga tao na marahil ang puno ng igos ay isang magandang uri ng namumungang puno, o kaya marahil, higit pa rito, tumutukoy ito sa mga banal—gayunpaman, napakalayo pa rin nila sa tunay na kahulugan ng mga salitang ito. Sasabihin Ko ito sa inyo kapag binuksan Ko na ang Aking balumbon sa mga huling araw. (“Ang balumbon” ay tumutukoy sa lahat ng salita na nasabi Ko na—ang Aking mga salita sa mga huling araw; napapaloob dito ang lahat ng mga ito.) Tumutukoy “ang puno ng igos” sa Aking mga atas administratibo—bawat isa sa mga ito. Subalit ito ay isang bahagi lang ng ibig sabihin nito. Tumutukoy ang pagsibol ng puno ng igos sa Aking pagsisimulang gumawa at magsalita sa katawang-tao, ngunit ang Aking mga atas administratibo ay hindi pa rin naipapaalam (at ito ay dahil, sa panahong iyon, wala pang ipinanganganak na saksi sa Aking pangalan at walang sinumang may alam sa Aking mga atas administratibo). Kapag sinasaksihan at pinalalaganap ang Aking pangalan, kapag pinupuri ito ng lahat ng tao, at kapag namumunga na ang Aking mga atas administratibo, iyon ang panahon ng pamumunga ng puno ng igos. Ito ang buong paliwanag, na walang anumang tinanggal; ibinubunyag ang lahat dito. (Sinasabi Ko ito dahil sa Aking naunang mga salita, may isang bahagi na hindi Ko pa ibinunyag nang buo; samakatuwid ay kinailangan ninyong matiyagang maghintay at maghanap.)
Kapag ginawa Kong ganap ang mga panganay na anak, ibubunyag Ko ang Aking buong kaluwalhatian at ang Aking buong anyo sa mundo ng sansinukob. Isasagawa ito sa katawan, at ito ay magiging nasa ibabaw ng lahat ng tao, sa Aking sariling persona; ito ay mangyayari sa Aking Bundok Sion at sa Aking kaluwalhatian, at sa partikular, isasagawa ito sa gitna ng sigawan ng mga papuri. Higit pa rito, ang Aking mga kaaway ay aatras sa paligid Ko, bumababa tungo sa walang hanggang hukay at sa lawa ng apoy at asupre. Ang kayang maguni-guni ng mga tao ngayon ay limitado, at hindi kaayon ng orihinal Kong intensyon; ito ang dahilan kung bakit Ko tinatarget ang mga kuru-kuro at mga iniisip ng mga tao araw-araw kapag nagsasalita Ako. Darating ang araw (ang araw ng pagpasok sa katawan) kung kailan ang sinasabi Ko ay magiging lubos na naaangkop sa inyo, at hindi kayo magkakaroon ng paglaban o anupaman. Sa sandaling iyon, mawawala na ang mga kaisipan ninyo, at pagkatapos ay titigil na Akong gumawa ng mga pahayag. Yamang mawawala na sa inyo ang sarili ninyong mga kaisipan, tuwiran Ko na lang kayong bibigyang-liwanag—ito ang pagpapalang tatamasahin ng mga panganay na anak, at mangyayari ito kapag maghari na silang kasama Ko bilang mga hari. Hindi naniniwala ang mga tao sa mga bagay-bagay na hindi nila maguni-guni, at kahit na may ilang naniniwala, ginagawa lang nila iyon dahil sa Aking natatanging pagbibigay-liwanag sa kanila. Kung hindi, walang sinumang maniniwala, at ito ay isang bagay na dapat maranasan. (Kung hindi dadaan sa hakbang na ito, hindi maibubunyag ang Aking dakilang kapangyarihan, at nangangahulugan ito na sa pamamagitan ng pagbikas lang ng Aking mga salita, inaalis Ko sa mga tao ang kanilang mga kuru-kuro. Walang iba pang makagagawa ng gawaing ito, at walang sinumang makapapalit sa Akin. Ako ang tanging Isa na makatatapos nito; gayunpaman, hindi ito tiyak. Dapat Kong gawin ang gawaing ito sa pamamagitan ng sangkatauhan.) Sumisigla ang mga tao matapos marinig ang Aking mga salita, ngunit sa huli, umaatras silang lahat. Hindi nila ito maiwasang gawin. Samantala, may mga hiwaga na hindi maintindihan ng mga tao. Walang sinumang makaguni-guni kung ano ang mangyayari, at tutulutan Ko kayong makita ito sa Aking ibinubunyag. Sa pamamagitan noon, ang tunay na kahulugan ng mga salita Kong ito ay magiging maliwanag: “Bubunutin Kong lahat ang mga hindi angkop para sa Aking paggamit.” Ang Aking mga panganay na anak ay may sari-saring mga pagpapamalas, gayundin ang Aking mga kaaway. Lahat ng mga ito ay ibubunyag sa inyo, nang isa-isa. Tandaan! Sinuman bukod sa mga panganay na anak ay may gawain ng masasamang espiritu; silang lahat ay mga utusan ni Satanas. (Malapit na silang malantad, isa-isa, ngunit may ilan na kailangang gumawa ng serbisyo hanggang sa katapusan, at may ilan na kailangan lang gumawa ng serbisyo sa loob ng ilang panahon.) Sa ilalim ng gawain ng Aking mga salita, ipakikita ng lahat ang kanilang totoong mga anyo.
Bawat bansa, bawat lugar, at bawat denominasyon ay nagtatamasa ng kayamanan ng Aking pangalan. Sapagkat ang sakuna ay kasalukuyang nagbabanta, at abot-kamay Ko, naghahanda Ako na unti-unti sanhiin itong bumuhos, ang lahat ay nagmamadaling hanapin ang tunay na daan, na dapat mahanap kahit na ang kabayaran nito ay ang pagsuko sa lahat. Sa lahat ng bagay, mayroong Akong sarili Kong pagsasaoras. Tuwing sinasabi Ko na matatapos ito, matatapos ito sa sandaling iyon mismo, sa takdang minuto, at maging sa takdang segundo. Walang sinumang makahahadlang dito o makapagpapatigil dito. Matapos ang lahat, ang malaking pulang dragon ay ang Aking natalong kaaway; ito ay isang tagapagsilbi sa Akin, at ginagawa nito anuman ang sinasabi Ko rito nang walang anumang paglaban. Ito ay totoong Aking hayop na pantrabaho. Kapag ang Aking gawain ay natapos na, itatapon Ko ito sa walang hanggang hukay at sa lawa ng apoy at asupre (tinutukoy Ko ang mga winasak). Ang nawasak ay hindi lang makakatikim ng kamatayan, kundi sila rin ay matinding parurusahan dahil sa kanilang pang-uusig sa Akin. Ito ay gawaing patuloy Kong gagawin sa pamamagitan ng mga tagapagsilbi. Ipakakatay at ipawawasak Ko kay Satanas ang sarili nito, ganap na nililipol ang mga inapo ng malaking pulang dragon. Ito ay isang bahagi ng Aking gawain; pagkatapos noon, babaling Ako patungo sa mga bansang Hentil. Ito ang mga hakbang ng Aking gawain.