Kabanata 96

Kakastiguhin Ko ang lahat ng isinilang sa Akin na hindi pa Ako kilala para ipamalas ang lahat ng Aking poot, ang Aking dakilang kapangyarihan, at ang Aking buong karunungan. Sa Akin, lahat ay matuwid, at wala talagang kawalang-katarungan, walang panlilinlang, at walang kabuktutan; sinumang buktot at mapanlinlang ay tiyak na anak ng impiyerno, isinilang sa Hades. Sa Akin lahat ay lantad; anumang sabihin Ko ay matutupad, talagang matutupad; anumang sabihin Ko ay maitatatag, talagang maitatatag, at walang sinumang makakapagpabago o makakagaya sa mga bagay na ito dahil Ako ang nag-iisa at tanging Diyos Mismo. Sa malapit nang mangyari, lahat ng nasa grupo ng Aking paunang itinalaga at hinirang na mga panganay na anak ay isa-isang ibubunyag, at lahat ng wala sa grupo ng mga panganay na anak ay Aking aalisin sa pamamagitan nito. Ganito Ko ginagawa at tinutupad ang Aking gawain. Ngayon mismo, ibinubunyag Ko lamang ang ilang tao upang makita ng Aking mga panganay na anak ang Aking kamangha-manghang mga gawa, ngunit kalaunan ay hindi na Ako gagawa sa ganitong paraan. Bagkus, magpapatuloy Ako mula sa pangkalahatang sitwasyon sa halip na hayaan sila na isa-isang magpakita ng kanilang totoong kalikasan (dahil lahat ng demonyo ay karaniwang magkakapareho, sapat nang pumili ng ilan lamang para magsilbing halimbawa). Lahat ng Aking panganay na anak ay malinaw sa kanilang puso, at hindi Ko na kailangang magpaliwanag (dahil sa takdang panahon, tiyak na sunud-sunod silang mabubunyag).

Aking disposisyon na tuparin ang Aking mga pangako, at sa Akin ay walang naitatago at naililihim. Sasabihin Ko sa inyo ang lahat ng tungkol sa bawat isang bagay na dapat ninyong maunawaan, at talagang hindi Ko sasabihin sa inyo ang anumang hindi ninyo dapat malaman, kung hindi ay baka hindi ninyo makayang tumayo nang matatag. Huwag kayong kumapit sa maliliit na bagay para lamang mawalan ng mahahalagang bagay—iyan ay talagang hindi sulit. Maniwalang Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, at pagkatapos ay matutupad ang lahat at magiging madali at kasiya-siya ang lahat. Ganito kung paano Ko ginagawa ang mga bagay-bagay. Sinuman ang naniniwala, hinahayaan Ko siyang makakita, at sinumang hindi naniniwala, hindi Ko siya hinahayaang makaalam, at hindi Ko siya kailanman pahihintulutang makaunawa. Sa Akin ay walang damdamin o habag, at sinumang lumalabag sa Aking pagkastigo ay tiyak na papatayin Ko siya nang walang pagtitimpi, at tatratuhin Ko silang lahat nang pare-pareho. Ako ay patas sa lahat—wala Akong personal na mga damdamin at hindi kumikilos nang emosyonal sa anumang paraan. Paanong hindi nakikita ng mga tao ang Aking pagiging matuwid at pagiging maharlika sa pamamagitan nito? Ito ang Aking karunungan at ang Aking disposisyon, na walang sinumang makapagbabago at walang sinumang makakaalam nang lubusan. Ang Aking mga kamay ay laging namamahala ng lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at palagi Kong iniaayos ang lahat ng bagay upang gumawa ng serbisyo sa Akin kung kailan Ko ibig. Maraming tao ang nagseserbisyo alang-alang sa Akin upang tuparin ang Aking plano ng pamamahala, ngunit sa katapusan ay nakikita nila ang mga pagpapala ngunit hindi natatamasa ang mga iyon—napakakaawa-awa! Ngunit walang sinumang makapagbabago ng Aking puso. Ito ang Aking atas administratibo (sa tuwing binabanggit ang atas administratibo, tumutukoy ito sa bagay na walang sinuman ang makakapagbago, kaya kapag nagsalita Ako sa hinaharap, kung inilagay Ko na ang isipan Ko sa isang bagay, kung gayon ay tiyak na iyan ay Aking atas administratibo. Tandaan! Huwag itong labagin, kung hindi ay magdurusa ka ng kawalan), at bahagi rin ito ng Aking plano ng pamamahala. Ito ay sarili Kong gawain, hindi isang bagay na maaaring gawin ng kahit sino lang na tao. Dapat Kong gawin ito—dapat Kong iayos ito, na sapat na upang ipakita ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ipamalas ang Aking poot.

Karamihan ng mga tao ay hindi pa rin nakakaalam at hindi pa rin nalilinawan tungkol sa Aking pagkatao. Nasabi Ko na ito nang ilang beses, ngunit kayo ay nalalabuan pa rin at hindi masyadong nakakaunawa. Ngunit ito ay Aking gawain, at ngayon, sa sandaling ito, sinumang nakakaalam ay nakakaalam, at sinumang hindi nakakaalam ay hindi Ko pinipilit. Sa ganitong paraan lamang ito. Nakapagsalita na Ako nang malinaw tungkol dito at hindi na Ako magsasalita tungkol dito kalaunan (dahil napakarami Ko nang nasabi, at nagsalita na Ako nang napakalinaw. Siyang nakakakilala sa Akin ay tiyak na mayroong gawain ng Banal na Espiritu at walang dudang isa sa Aking mga panganay na anak. Siyang hindi nakakakilala sa Akin ay tiyak na hindi, at nagpapatunay na nabawi Ko na ang Aking Espiritu mula sa kanya). Ngunit sa katapusan, gagawin Kong makilala Ako ng bawat isa—ganap na makilala Ako, kapwa ang Aking pagkatao at ang Aking pagka-Diyos. Ang mga ito ang mga hakbang ng Aking gawain, at dapat Akong gumawa sa ganitong paraan. Ito rin ay ang Aking atas administratibo. Dapat Akong tawagin ng lahat bilang ang tanging tunay na Diyos, at purihin at ipagbunyi Ako nang walang humpay.

Ang Aking plano ng pamamahala ay lubusan nang natapos, at ang lahat ay matagal nang natupad. Sa mga mata ng tao, mukhang marami pa sa Aking gawain ang nagpapatuloy pa rin, ngunit naiayos Ko na ito nang wasto, at ang hinihintay na lamang ay ang kaganapan nito ayon sa Aking paisa-isang hakbang (ito ay dahil bago ang paglikha ng mundo, Akin nang paunang itinalaga kung sino ang kayang makatagal sa pagsubok, kung sino ang hindi Ko maaaring hirangin at italaga, at kung sino ang hindi maaaring makibahagi sa Aking pagdurusa. Ang mga maaaring makibahagi sa Aking pagdurusa—ibig sabihin, ang Aking mga paunang itinalaga at hinirang ay tiyak na Aking pananatilihin at bibigyang-kakayahan na pangibabawan ang lahat ng bagay). Malinaw sa Aking puso kung sino ang gumaganap sa bawat papel. Alam na alam Ko kung sino ang nagseserbisyo sa Akin, kung sino ang panganay na anak, at kung sino ang kabilang sa Aking mga anak at Aking mga tao. Alam Ko ito na gaya ng likod ng Aking kamay. Sinumang sinabi Ko noon na isang panganay na anak ay isa pa ring panganay na anak ngayon, at sinumang sinabi Ko noon na hindi isang panganay na anak ay hindi pa rin isang panganay na anak ngayon. Anuman ang Aking ginagawa, hindi Ko ito pinanghihinayangan, at hindi Ko ito madaling binabago. Ginagawa Ko ang Aking sinasabi (sa Akin ay walang hindi seryoso), at hindi ito nagbabago kailanman! Ang mga nagseserbisyo sa Akin ay palaging magseserbisyo sa Akin: Sila ang Aking mga baka; sila ang Aking mga kabayo (ngunit ang mga taong ito ay hindi kailanman nagkaroon ng espirituwal na pang-unawa; kapag ginagamit Ko sila ay may pakinabang sila, ngunit kapag hindi Ko sila ginagamit ay pinapatay Ko sila. Kapag nagsasalita Ako tungkol sa mga baka at mga kabayo, ang tinutukoy ko ay iyong mga walang espirituwal na pang-unawa, na hindi nakakakilala sa Akin, at sumusuway sa Akin, at kahit na sila ay masunurin at nagpapasakop at simple at tapat, sila pa rin ay tunay na mga baka at mga kabayo). Ngayon, karamihan sa mga tao ay pabaya at hindi-napipigilan sa harap Ko, nagsasalita at tumatawa nang napakagulo, nag-aasal na walang pagpipitagan—nakikita lamang nila ang Aking pagkatao, at hindi ang Aking pagka-Diyos. Sa Aking pagkatao, ang mga asal na ito ay maaaring palampasin at nakakaya Kong patawarin ang mga iyon, ngunit sa Aking pagka-Diyos hindi ito napakadali. Sa hinaharap ay magpapasya Ako na nagkasala ka ng kalapastanganan sa Akin. Sa ibang salita, ang Aking pagkatao ay maaaring labagin, ngunit ang Aking pagka-Diyos ay hindi, at sinumang lumalaban nang kahit bahagya sa Akin ay Aking hahatulan kaagad nang walang anumang pagkaantala. Huwag isipin na dahil nakasama mo Ako sa personang ito sa loob ng maraming taon at naging pamilyar ka sa Akin ay maaari ka nang magsalita at kumilos nang walang pakundangan. Wala talaga Akong pakialam! Kung sino man ito, tatratuhin Ko siya nang may katuwiran. Ito ang Aking pagiging matuwid.

Ang Aking mga hiwaga ay ibinubunyag sa mga tao araw-araw, at ang mga iyon ay nagiging mas malinaw araw-araw, sinusundan ang mga yugto ng paghahayag, na sapat na upang ipakita ang takbo ng Aking gawain. Ito ang Aking karunungan (hindi Ko ito sinasabi nang tuwiran. Nililiwanagan Ko ang Aking mga panganay na anak at binubulag ang anak ng malaking pulang dragon). Higit pa rito, ngayon ay Aking ibubunyag ang Aking hiwaga sa inyo sa pamamagitan ng Aking Anak. Ang mga bagay-bagay na hindi kayang mailarawan sa isip ng mga tao ay Aking ibubunyag sa inyo ngayon, upang ipaalam sa inyo nang lubos at magkaroon ng malinaw na pagkaunawa. Higit pa rito, ang hiwagang ito ay umiiral sa bawat isa bukod sa Aking mga panganay na anak, ngunit walang sinumang makakaunawa rito. Bagaman ito ay nasa loob ng bawat tao, walang sinumang makakakilala rito. Ano ang sinasabi Ko? Sa Aking gawain at sa Aking mga pagbigkas sa loob ng panahong ito, malimit Kong binabanggit ang malaking pulang dragon, si Satanas, ang diyablo, at ang arkanghel. Ano ba ang mga ito? Ano ang kanilang mga kaugnayan? Ano ang ipinamamalas sa mga bagay na ito? Ang mga pagpapamalas ng malaking pulang dragon ay paglaban sa Akin, kawalan ng pagkaunawa at pagkaintindi sa mga kahulugan ng Aking mga salita, madalas na pang-uusig sa Akin, at paghahangad na gumamit ng mga pakana para gambalain ang Aking pamamahala. Si Satanas ay ipinamamalas sa mga sumusunod: pakikipagtunggali sa Akin para sa kapangyarihan, pagnanais na angkinin ang Aking hinirang na mga tao, at paglalabas ng mga negatibong salita para linlangin ang Aking mga tao. Ang mga sumusunod ay ang mga pagpapamalas ng diyablo (ang mga hindi tumatanggap sa Aking pangalan at hindi naniniwala, ay diyablong lahat): pag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, pagpapasasa sa masasamang pagnanasa, pamumuhay sa ilalim ng pagkagapos kay Satanas, ang ilan ay lumalaban sa Akin at ang ilan ay sumusuporta sa Akin (ngunit hindi pinapatunayan na sila ay Aking mga minamahal na anak). Ang mga pagpapamalas ng arkanghel ay ang sumusunod: pagsasalita nang walang-galang, pagiging di-makadiyos, malimit na paggaya ng Aking tono para turuan ang mga tao, pagtutuon lamang sa panlabas na paggaya sa Akin, pagkain ng Aking kinakain at paggamit ng Aking ginagamit; sa madaling salita, pagnanais na makapantay Ko, pagiging ambisyoso ngunit wala ng Aking kakayahan at hindi nagtataglay ng Aking buhay, at pagiging isang patapon. Si Satanas, ang diyablo, at ang arkanghel ay tipikal na paglalarawang lahat ng malaking pulang dragon, kaya ang mga hindi Ko paunang itinalaga at hinirang ay mga anak lahat ng malaking pulang dragon: Ito ay lubusang ganito! Ang mga ito ay mga kaaway Kong lahat. (Gayunpaman, ang mga panggugulo ni Satanas ay hindi kasama. Kung ang iyong kalikasan ay ang Aking katangian, walang sinumang makapagbabago nito. Dahil ngayon ay namumuhay ka pa rin sa laman, paminsan-minsan ay mapapaharap ka sa mga panunukso ni Satanas—ito ay di-maiiwasan—ngunit dapat kang mag-ingat palagi.) Samakatuwid, tatalikuran Ko ang lahat ng anak ng malaking pulang dragon sa labas ng Aking mga panganay na anak. Ang kanilang kalikasan ay hindi kailanman magbabago—ito ang katangian ni Satanas. Ang diyablo ang kanilang ipinamamalas, at ang arkanghel ang kanilang isinasabuhay. Ito ay lubusang totoo. Ang malaking pulang dragon na Aking binabanggit ay hindi isang malaking pulang dragon; bagkus ito ay ang masasamang espiritu na lumalaban sa Akin, kung saan ang “malaking pulang dragon” ay isang kasing-kahulugang salita. Kaya lahat ng espiritu bukod sa Banal na Espiritu ay masasamang espiritu, at masasabi ring supling ng malaking pulang dragon. Dapat itong maging napakalinaw sa lahat.

Sinundan: Kabanata 95

Sumunod: Kabanata 97

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito