Kabanata 95
Iniisip ng mga tao na napakasimple ng lahat, samantalang ang totoo ay hindi ganito ang sitwasyon. May mga tagong hiwagang nakapaloob sa lahat, gayundin ang Aking karunungan at Aking mga pagsasaayos. Walang pinalalampas na detalye, at lahat ay Ako Mismo ang nagpaplano. Sumasapit ang paghatol ng dakilang araw sa lahat ng hindi nagmamahal sa Akin nang tapat (tandaan, ang paghatol ng dakilang araw ay nakatutok sa bawat taong tumatanggap ng pangalang ito) at nagiging dahilan para sila ay tumangis at magngalit ang kanilang mga ngipin. Ang tunog na ito ng panaghoy ay nagmumula sa Hades at sa impiyerno; hindi ito mga taong umiiyak, kundi mga demonyo. Ang Aking paghatol ang naghahatid ng pag-iyak na ito, ang naghahatid ng huling pagliligtas ng Aking plano ng pamamahala para sa mga tao. Dati ay may kaunting pag-asa pa Ako para sa ilang tao. Ngunit habang nakatingin ngayon, kailangan Kong talikuran ang mga taong ito nang isa-isa, sapagkat ito ang yugtong narating ng Aking gawain, at ito ay isang bagay na hindi mababago ninuman. Lahat ng hindi Ko panganay na anak o hindi Aking mga tao ay kailangang talikuran at kailangang lumayo sa Akin! Kailangan ninyong maunawaan na, sa Tsina, bukod sa Aking mga panganay na anak at sa Aking mga tao, lahat ng iba pa ay supling ng malaking pulang dragon at itatapon. Kailangang maunawaan ninyong lahat, tutal naman ay isang bansa ang Tsina na isinumpa Ko, at ang ilan sa Aking mga tao roon ay walang iba kundi yaong mga nagseserbisyo para sa Aking gawain sa hinaharap. Sa ibang pananalita, bukod pa sa Aking mga panganay na anak, wala nang iba pa—mapapahamak silang lahat. Huwag ninyong isipin na nagmamalabis Ako sa Aking mga gawa—ito ang Aking atas administratibo. Yaong mga dumaranas ng Aking mga sumpa ay mga pakay ng Aking pagkamuhi, at nakataga ito sa bato. Hindi Ako nagkakamali; kung makakita Ako ng isang taong hindi nakakalugod sa Akin, patatalsikin Ko sila; sapat nang patunay iyan na isinusumpa kita at isa kang inapo ng malaking pulang dragon. Hayaan mong ikintal Kong muli sa iyo—mga panganay na anak Ko lamang ang naroon sa Tsina (bukod pa sa Aking mga tao na nagseserbisyo) at ito ang Aking atas administratibo. Ngunit lubhang kakaunti ang Aking mga panganay na anak at lahat sila ay paunang naitalaga Ko na—alam Ko ang Aking ginagawa. Hindi Ako natatakot sa iyong pagkanegatibo at hindi Ako natatakot na pipihit ka at kakagatin Ako, sapagkat mayroon Akong mga atas administratibo at mayroon Akong poot. Ibig sabihin, hawak Ko ang matitinding sakuna sa Aking kamay at wala Akong kinatatakutan, dahil itinuturing Ko na nagawa na ang lahat ng bagay, at kapag dumating ang araw na iyon ay haharapin kita nang lubusan. Hindi magagawang perpekto o matuturuan ng tao ang isang tao na maging isang panganay Kong anak—lubos na nakasalalay ang bagay na ito sa Aking paunang pagtatalaga. Sinumang sabihin Kong isang panganay na anak ay isang panganay na anak; huwag mong tangkaing makipagpaligsahan para dito o agawin ito. Lahat ng bagay ay nakasalalay sa Akin, ang Diyos Mismo na makapangyarihan sa lahat.
Isang araw papayagan Ko kayong lahat na makita kung ano ang Aking mga atas dministratibo at kung ano ang Aking poot (lahat ay luluhod sa Akin, lahat ay sasambahin Ako, lahat ay magmamakaawa sa Akin para sa kapatawaran at lahat ay magiging masunurin; pinapayagan Ko lamang ngayon ang Aking mga panganay na anak na makita ang isang bahagi nito). Ipapakita Ko sa lahat ng supling ng malaking pulang dragon na marami Akong napiling isakripisyo (lahat maliban sa Aking mga panganay na anak) upang magawang perpekto ang Aking mga panganay na anak, kaya nagawa Ko na bitagin ang malaking pulang dragon sa sarili nitong tusong pakana. (Sa Aking plano ng pamamahala, ipinadadala ng malaking pulang dragon yaong mga magseserbisyo sa Akin—lahat maliban sa Aking mga panganay na anak—upang gambalain ang Aking plano ng pamamahala; subalit nabitag ito sa sarili nitong tusong pakana, at nagserbisyo silang lahat sa Aking gawain. Ito ay isang bahagi ng tunay na kahulugan ng Aking pagpapakilos sa lahat na magserbisyo para sa Akin.) Ngayon, kapag nagawa na ang lahat ng bagay, itatapon Ko silang lahat, dudurugin Ko sila sa ilalim ng Aking mga paa, at sa pamamagitan nito ay hihiyain Ko ang malaking pulang dragon at lubos itong mapapahiya (tatangkain nilang manloko para makalusot upang magtamo ng mga pagpapala, ngunit hindi nila inakala kailanman na magseserbisyo sila para sa Akin)—ito ang Aking karunungan. Nang marinig ito, iniisip ng mga tao na wala Akong damdamin o awa, at na wala Akong pagkatao. Talaga ngang wala Akong damdamin o awa kay Satanas, at bukod pa riyan ay Ako ang Diyos Mismo na nangingibabaw sa sangkatauhan. Paano mo masasabi na Ako ay isang Diyos na may pagkatao? Hindi mo ba alam na hindi Ako nabibilang sa mundo? Hindi mo ba alam na nangingibabaw Ako sa lahat ng bagay? Bukod pa sa Aking mga panganay na anak, walang ibang katulad Ko, walang sinumang mayroong disposisyon Ko (isang disposisyon na hindi sa tao, kundi banal), at walang sinumang nagtataglay ng Aking mga katangian.
Kapag binuksan ang pasukan sa espirituwal na mundo, makikita ninyo ang lahat ng hiwaga, kaya nagagawa ninyong pumasok nang lubusan sa isang malayang dako, pumasok sa Aking mapagmahal na yakap at sa Aking mga walang-hanggang pagpapala. Nasusuportahan na ng Aking mga kamay ang sangkatauhan noon pa man. Ngunit may isang bahagi ng sangkatauhan Akong ililigtas at isang bahaging hindi Ko ililigtas. (Sinasabi Kong “suporta” dahil kung hindi sa Aking pagsuporta, matagal na sanang nahulog ang buong mundo sa Hades.) Tantuhin ninyo ito! Ito ang Aking plano ng pamamahala. At ano ang plano ng Aking pamamahala? Nilikha Ko ang sangkatauhan, ngunit hindi Ko binalak kailanman na maangkin ang bawat isang tao, tatamuhin lamang ang isang maliit na bahagi ng sangkatauhan. Kaya bakit Ko nilikha ang napakaraming tao? Nasabi Ko na bago iyan, sa Akin, lahat ay kalayaan at pagpapalaya, at ginagawa Ko ang anumang nais Ko. Nang likhain Ko ang sangkatauhan, iyon ay para lamang makapamuhay sila ng isang normal na buhay at sa gayon ay makabangon ang isang maliit na bahagi ng sangkatauhan na magiging Aking mga panganay na anak, Aking mga anak at Aking mga tao. Masasabi na lahat ng tao, pangyayari, at bagay—bukod pa sa Aking mga panganay na anak, Aking mga tao at Aking mga anak—ay pawang mga tagasilbi at lahat ay kailangang mamatay. Sa ganitong paraan, matatapos ang Aking buong plano ng pamamahala. Ito ang Aking plano ng pamamahala, ito ang Aking gawain at ito ang mga hakbang ng Aking pagkilos. Kapag tapos na ang lahat ganap na Akong mamamahinga. Sa panahong iyon, lahat ay magiging maayos; lahat ay magiging payapa at ligtas.
Napakabilis ng pag-usad ng Aking gawain na hindi ito maiisip ng tao. Nagbabago ito araw-araw at sinumang hindi makasabay ay daranas ng kawalan; maaari lamang kumapit nang mahigpit ang isang tao sa bagong liwanag araw-araw (bagama’t walang anumang pagbabago sa Aking mga atas administratibo kailanman, gayundin sa mga pangitain at katotohanang Aking ibinabahagi). Bakit Ako nangungusap araw-araw? Bakit kita palaging nililiwanagan? Nauunawaan mo ba ang totoong kahulugang nakapaloob dito? Karamihan sa mga tao ay nagtatawanan at nagbibiruan pa rin ngayon at hindi kayang maging seryoso. Hindi talaga nila pinapansin ang anuman sa Aking mga salita, ngunit nadarama lamang ang isang lumilipas na pag-aalala kapag naririnig nila ang mga ito. Pagkatapos, nalilimutan na kaagad ang Aking mga salita at madali silang nawawalan ng kamalayan sa sarili nilang identidad at nagiging walang-ingat. Alam mo ba kung ano ang iyong katayuan? Nagseserbisyo man sa Akin ang isang tao o paunang itinatalaga at hinihirang Ko ay pinangangasiwaan lamang ng Aking mga kamay; walang sinumang maaaring magpabago rito—Ako Mismo ang kailangang gumawa nito, Ako Mismo ang kailangang humirang at magtalaga sa kanila. Sino ang nangangahas na magsabi na hindi Ako matalinong Diyos? Bawat salitang sinasabi Ko at lahat ng ginagawa Ko ay Aking karunungan. Sino ang nangangahas na minsan pang gambalain ang Aking pamamahala at sirain ang Aking mga plano? Siguradong hindi Ko sila patatawarin! Nakasalalay ang panahon sa Aking mga kamay at wala Akong kinatatakutang pagkaantala; hindi ba Ako ang Isa na nagpapasya sa panahon kung kailan magwawakas ang Aking plano ng pamamahala? Hindi ba nakasalalay ang lahat ng ito sa nag-iisang kaisipan Ko? Kapag sinabi Kong nagawa na iyon, nagawa na iyon, at kapag sinabi Kong tapos na iyon, tapos na iyon. Hindi Ako nagmamadali at gagawa Ako ng angkop na mga pagsasaayos. Hindi dapat makialam ang mga tao sa Aking gawain at hindi sila dapat gumawa ng mga bagay para sa Akin ayon sa gusto nila. Isinusumpa Ko ang sinumang nakikialam—ito ay isa sa Aking mga atas administratibo. Ako Mismo ang gumagawa ng Aking gawain at hindi Ko kailangan ang iba pa (pinapayagan Kong kumilos yaong mga tagasilbi, kung hindi ay hindi sila mangangahas na kumilos nang padalus-dalos o nabubulagan). Ako ang nagsasaayos ng lahat ng gawain, at Ako ang nagpapasya rito, sapagkat Ako ang nag-iisang Diyos Mismo.
Lahat ng bansa sa mundo ay nag-aagawan sa kapangyarihan at pakinabang, at pinag-aawayan ang lupain, ngunit huwag kayong mag-alala, sapagkat lahat ng bagay na ito ay gumagawa ng serbisyo sa Akin. At bakit Ko sinasabi na gumagawa ang mga ito ng serbisyo sa Akin? Ginagawa Ko ang mga bagay nang hindi nag-aangat ni isang daliri. Para hatulan ang mga Satanas, pinagtatalu-talo Ko muna sila at sa huli ay iginugupo Ko sila at nabibitag sila sa sarili nilang mga tusong pakana (nais nilang makipag-agawan sa Akin sa kapangyarihan, ngunit nauuwi sila sa pagseserbisyo para sa Akin). Sinasabi at ibinibigay Ko lamang ang Aking mga utos, at ginagawa ng lahat ang sinasabi Kong gawin ninyo, o kung hindi ay wawasakin kita kaagad. Ang mga bagay na ito ay bahaging lahat ng Aking paghatol, sapagkat inuutusan Ko ang lahat, at itinatalaga Ko ang lahat. Sinumang gumagawa ng kahit ano ay ginagawa ito nang hindi sinasadya, at ginagawa ito ayon sa sarili Kong pagsasaayos. Sana ay mapuspos kayo ng Aking karunungan sa mga pangyayaring hindi magtatagal ay sasapit. Huwag kayong magpadalus-dalos, kundi lalong lumapit sa Akin nang mas madalas kapag sumasapit sa inyo ang mga bagay-bagay; maging mas maingat at mag-ingat sa lahat ng aspeto para maiwasang magkasala sa Aking pagkastigo, at maiwasang mabitag sa mga tusong pakana ni Satanas. Dapat ay magtamo kayo ng mga kabatiran mula sa Aking mga salita, malaman ninyo kung ano Ako, at makita kung ano ang mayroon Ako. Dapat ninyong gawin ang mga bagay ayon sa Aking mga makahulugang tingin at huwag kayong kumilos nang padalus-dalos. Gawin ninyo ang ginagawa Ko, at sabihin ang sinasabi Ko. Sinasabi Ko sa inyo nang maaga ang mga bagay na ito upang maiwasan ninyong magkamali at matukso. Ano ang “Aking pagiging Diyos” at “Aking mga pag-aari”? Talaga bang alam ninyo? Ang sakit na Aking dinaranas ay bahagi ng Aking pagiging Diyos, dahil bahagi ito ng Aking normal na pagkatao, at ang Aking pagiging Diyos ay matatagpuan din sa Aking ganap na pagka-Diyos—alam ba ninyo ito? Ang Aking pagiging Diyos ay binubuo ng dalawang aspeto: Ang isang aspeto ay ang Aking pagkatao, samantalang ang isa pa ay ang Aking ganap na pagka-Diyos. Ang dalawang aspetong ito lamang na pinagsama ang bumubuo sa ganap na Diyos Mismo. Kasama rin sa Aking ganap na pagka-Diyos ang maraming mabubuting bagay: Hindi Ako napipigilan ng sinumang tao, usapin, o bagay; nangingibabaw Ako sa lahat ng kapaligiran; hindi Ako nalilimitihan ng anumang panahon o lugar o heograpiya; talagang kilala Ko ang lahat ng tao, usapin, at bagay na gaya ng likod ng Aking kamay; subalit katawan at buto pa rin Ako, at umiiral Ako sa isang anyo na nahahawakan; Ako pa rin ang personang ito sa paningin ng mga tao, ngunit nagbago na ang likas na katangian—hindi ito laman, kundi katawan. Ang mga bagay na ito ay maliit na bahagi lamang nito. Lahat ng Aking panganay na anak ay magiging kagaya rin nito sa hinaharap; ito ang landas na kailangang tahakin, at yaong mga tiyak na mamamatay ay hindi makakatakas. Habang ginagawa Ko ito, lahat ng hindi pa naitalaga ay patatalsikin (sapagkat ito ay si Satanas na sinusubok Ako para makita kung tumpak ang Aking mga salita). Hindi ito matatakasan ng mga paunang itinalaga saan man sila magpunta, at dahil doon ay makikita ninyo ang mga prinsipyo sa likod ng gawa Kong ito. Ang “Aking mga pag-aari” ay tumutukoy sa Aking karunungan, Aking kaalaman, Aking pagiging maparaan at bawat salitang Aking sinasabi. Taglay ito kapwa ng Aking pagkatao at ng Aking pagka-Diyos. Ibig sabihin, lahat ng ginagawa ng Aking pagkatao gayundin yaong ginagawa ng Aking pagka-Diyos ay Aking mga pag-aari; walang sinumang makakaagaw ng mga bagay na ito ni makakapag-alis sa mga ito; hawak Ko ang mga ito, at hindi mababago ng sinuman ang mga ito. Ito ang Aking pinakamatinding atas administratibo (sapagkat sa mga kuru-kuro ng tao, maraming bagay Akong ginagawa na hindi naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at hindi kayang unawain ng mga tao; sa utos na ito pinakamadaling magkasala ang bawat isang tao at ito rin ang pinakamatindi. Sa gayon ay nagdaranas ng kawalan ang kanilang buhay). Sasabihin Kong muli, kailangan kayong gumamit ng matapat na pamamaraan sa mga ipinapayo Kong gawin ninyo—kailangan kayong mag-ingat!