Kabanata 92
Makikita ng bawat tao ang Aking walang hanggang kapangyarihan at Aking karunungan sa Aking mga salita at Aking mga kilos. Saanman Ako pumupunta, naroon ang Aking gawain. Ang Aking mga yapak ay hindi lamang nasa Tsina; ang mas mahalaga ay nasa lahat ng bansa ng mundo ang mga ito. Gayunman, ang unang tumatanggap ng pangalang ito ay yaon lamang pitong bansang naunang tinalakay, dahil ito ang pagkakasunud-sunod ng Aking gawain; sa nalalapit na hinaharap, malilinawan kayo nang husto tungkol dito, at lubusan itong mauunawaan. Kung sasabihin Ko sa inyo ngayon, nangangamba Ako na babagsak ang karamihan dahil dito, sapagkat nasabi Ko na dati na nangungusap Ako sa inyo at bumibigkas ng Aking tinig sa inyo alinsunod sa inyong tayog, at sa loob ng lahat ng ginagawa Ko ay naroon ang Aking walang-katapusang karunungan, na walang sinumang makakaarok; ang tanging paraan ay sabihin Ko ito sa inyo nang paunti-unti. Alamin ito! Kayo ay mga bata sa Aking paningin magpakailanman; sa bawat hakbang ninyo, kailangan Ko kayong akayin at pagbilinan. Mga tao—sa ilalim lamang ng Aking patnubay kayo maaaring mamuhay habambuhay; kung wala ito, walang sinumang magagawang patuloy na mabuhay. Nasa Aking mga kamay ang buong sansinukob na mundo, subalit hindi mo Ako nakikitang abalang-abala. Bagkus, panatag Ako at masaya. Hindi alam ng mga tao ang Aking walang hanggang kapangyarihan, at mababahala para sa Akin—napakaliit ng pagkakilala ninyo sa inyong sarili! Ipinagpaparangalan pa rin ninyo ang inyong maliliit na bagay na walang halaga sa Aking harapan, hinahangaan ang inyong sarili! Matagal Ko nang nakita ito. At gumagawa kayo ng mga kalokohan sa Aking harapan, kayong mga kasuklam-suklam na ubod ng sama! Lumayas kayo sa Aking sambahayan ngayon din! Ayaw Ko sa mga ubod ng sama na kagaya ninyo. Mas gusto Ko pang walang sinuman sa Aking kaharian kaysa sa uri ninyo—mga kasuklam-suklam na ubod ng sama! Alam mo ba na tumigil na Ako sa paggawa sa iyo, sa kabila ng katotohanan na kumakain at nagdaramit ka pa rin na katulad ng dati? Ngunit nalaman mo ba na nabubuhay ka para kay Satanas at na nagbibigay serbisyo ka kay Satanas? Subalit may gana ka pa ring tumayo sa Aking harapan! Talagang napakawalanghiya mo!
Noong araw, sinabi Ko nang madalas, “Malapit nang dumating ang malalaking sakuna; sumapit na ang malalaking sakuna mula sa Aking mga kamay.” Ano ang tinutukoy ng “malalaking sakuna,” at paano dapat ipaliwanag ang “pagsapit” na ito? Iniisip ninyo na ang mga malalaking sakuna ay tumutukoy sa mga di-maiiwasang mga sakuna na nakakasakit sa espiritu, kaluluwa at katawan ng tao, at iniisip ninyo na ang “mga lindol, taggutom at salot” na binabanggit Ko ay ang malalaking sakuna na ito. Ngunit hindi ninyo alam na mali ang pagkaunawa ninyo sa Aking mga salita. At iniisip ninyo na ang “pagsapit” na ito ay nangangahulugan na nagsimula na ang malalaking sakuna—nakakatawa! Ganito nga ang pagkaunawa ninyo rito, at nang marinig Ko ang inyong mga paliwanag, talagang nagalit Ako. Ang hiwagang hindi naihayag ng mga tao (na siyang pinakalihim na hiwaga) ay yaon ding naging pinakamalubhang maling pagkaunawa sa lahat ng kapanahunan, at ito ay isang hiwagang hindi pa personal na naranasan ninuman (dahil nagkaroon lamang ito ng epekto sa mga huling araw, at sa huling kapanahunan lamang ito makikita ng tao, bagama’t hindi nila ito mapapansin), dahil isinasara Ko ito nang napakahigpit, kaya hindi ito mapapasok ng tao (ni hindi makikita ang pinakamaliit na bahagi nito). Ngayong naisagawa na ang Aking gawain sa yugtong ito, nililiwanagan Ko kayo alinsunod sa mga pangangailangan ng Aking gawain; kung hindi, walang paraan ang mga tao para makaunawa. Ngayon ay nagsisimula na Akong magbahagi; dapat makinig ang lahat, sapagkat sinuman ang hindi maingat, pati na ang Aking mga panganay na anak, ay daranas ng Aking paghatol, at sa pinakamatitinding sitwasyon, pababagsakin sila ng Aking kamay (na ibig sabihin ay kukunin ang kanilang espiritu, kaluluwa, at katawan). Binabanggit ang malalaking sakuna na kaugnay ng bawat isa sa mga atas administratibo ng Aking kaharian, at bawat isa ng Aking mga atas administratibo ay isang bahagi ng malalaking sakuna. (Ang Aking mga atas administratibo ay hindi pa lubusang naisiwalat sa inyo, ngunit huwag kayong mag-alala o mabalisa tungkol dito; mayroong ilang bagay na maghahatid sa inyo ng kaunting pakinabang kung sakaling malaman ninyo ang mga ito nang napakaaga. Tandaan ito! Ako ay isang matalinong Diyos.) Kaya, ano ang isa pang bahagi? Ang malalaking sakuna ay may dalawang bahagi: ang Aking mga atas administratibo, at ang Aking poot. Ang panahon na sumasapit ang malalaking sakuna ang panahon din na nagsisimula Akong magliyab sa galit at magpatupad ng Aking mga atas administratibo. Dito, sinasabi Ko sa Aking mga panganay na anak: Dapat ay hindi kayo magpakasama dahil dito. Nalimutan mo na ba na Ako ang paunang nagtatalaga ng lahat ng bagay at lahat ng usapin? Anak Ko, huwag kang matakot! Siguradong poprotektahan kita; magtatamasa ka ng mabubuting pagpapala kasama Ko magpakailanman, at makakasama Ko nang walang hanggan. Dahil ikaw ang mahal Ko, hindi kita pababayaan. Wala Akong ginagawang kahangalan, subalit kung giniba Ko ang isang bagay na pinaghirapang tapusin, hindi ba mawawala ang pagkakataon Kong magtagumpay? Alam Ko kung ano ang iniisip mo sa puso mo. Naaalala mo na ba ito? Ano pa ang gusto mong sabihin Ko? Marami pa Akong sasabihin tungkol sa malalaking sakuna. Pagdating ng malalaking sakuna, ito ang magiging pinakanakakatakot na sandali, at ihahayag ng mga ito ang kapangitan ng tao nang pinakamatindi. Lahat ng uri ng pagmumukha ng demonyo ay ilalantad sa liwanag ng Aking mukha, at walang pagtataguan ang mga ito, walang makukublihan; lubos silang malalantad. Ang epekto ng malalaking sakuna ay para lumuhod sa Aking harapan ang lahat ng hindi Ko hinirang o itinalaga noon pa man at humingi ng kapatawaran, nang may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Ito ang Aking paghatol kay Satanas, ang Aking mabagsik na paghatol. Kasalukuyan Akong abala sa gawaing ito, at may ilan, marahil, na nais magkunwaring karapat-dapat at mambola para makalusot; habang lalo nilang ginagawa ito, lalong makagagawa si Satanas sa kanila, hanggang sa dumating ang oras na mahayag na ang kanilang orihinal na anyo.
Hindi Ako nagmamadaling gawin ang Aking gawain, at Ako Mismo ang nagsasaayos sa bawat tao (panunuya ito sa kanila, na nagpapatunay na sila ay mga inapo ng malaking pulang dragon, at hindi Ko sila pinapansin, kaya hindi kalabisang gamitin ang salitang “nagsasaayos”), at ginagawa Ko Mismo ang bawat gawa. Lahat ay nagtatagumpay sa Akin, at ito ay isang ligtas at siguradong tagumpay; lahat ng ginagawa Ko ay planado na, sa paisa-isang hakbang. Sinasabi Ko sa inyo ang Aking kalooban at Aking pasanin nang paunti-unti. Mula sa puntong ito, nagsisimulang lumitaw ang Aking mga salita sa lahat ng bansa at lahat ng tao. Dahil nagawa nang ganap ang Aking panganay na mga anak (nakatuon ang Aking mga salita sa Aking mga anak at Aking mga tao), nagsimula nang magbagong muli ang paraan ng Aking paggawa. Malinaw ba ninyo itong nakikita? Nadama na ba ninyo ang tono ng Aking mga salita nitong nakalipas na ilang araw? Inaaliw Ko ang Aking panganay na mga anak sa bawat hakbang ng daan, ngunit simula ngayon (dahil nagawa nang ganap ang Aking panganay na mga anak), may dala Akong patalim sa Aking kamay (ang ibig sabihin ng “patalim” ay “pinakamababagsik na salita”). Sinumang sumandali Kong itinuturing na hindi kaaya-aya (tumutukoy ito sa mga hindi itinalaga noon pa man o hinirang, at samakatuwid ay walang kontradiksyon), wala Akong pakialam kung gumagawa sila ng serbisyo para sa Akin, o kung iba pa sila; agad Ko silang pipira-pirasuhin. Ako ang Diyos na makapangyarihan sa lahat, at kaya Kong pagserbisyuhin sa Akin ang lahat ng tao. Hindi Ako nag-aatubili man lamang na humiwalay sa gayong mga tao; kung sabihin Kong ayaw Ko sa kanila, ayaw Ko sa kanila. Ngayong dumating na ang panahong ito, kailangan Ko lamang makita ang isang taong hindi nakalulugod sa Akin at agad Ko silang itatapon, nang walang pagsisiyasat, sapagkat Ako ang Diyos na tumutupad sa Kanyang salita. Sa mga paunang naitalaga Kong magserbisyo sa Akin—gaano ka man kagaling, may nagawa ka mang anuman na labag sa Akin, kung hindi Ako nalulugod sa iyo, patatalsikin kita. Wala Akong kinatatakutang gulo sa hinaharap. Mayroon Akong mga atas administratibo, ginagawa Ko ang Aking sinasabi, at matutupad ang Aking salita. Hahayaan Ko bang manatili si Satanas? Pakinggan ninyo Ako, kayong mga tao! Hindi ninyo kailangang matakot; dapat lumabas ka tuwing pinalalabas kita. Huwag kang magdahilan sa Akin; wala Akong mga salitang sasabihin sa iyo! Sapagkat nagpasensya na Ako nang husto, at dumating na ang panahon para ipatupad ang Aking mga atas administratibo, at narito na rin ang inyong huling araw. Sa loob nang libu-libong taon, nagpakasama kayo at gumawa ng mga bagay-bagay sa paraang laging may kasutilan at pananadya, ngunit lagi Akong naging mapagparaya (dahil Ako ay mapagbigay at pinapayagan Ko ang iyong katiwalian kahit paano). Ngunit ngayon, tapos na ang Aking kaluwagan, at dumating na ang panahon para angkinin kayo at itapon sa lawa ng apoy at asupre. Magmadali at umalis kayo sa daanan. Pormal Kong sinisimulang ipatupad ang Aking paghatol, at sinisimulan Kong pakawalan ang Aking poot.
Sa lahat ng bansa at sa lahat ng lugar sa mundo, madalas magkaroon ng mga lindol, taggutom, salot, at lahat ng uri ng sakuna. Habang ginagawa Ko ang Aking dakilang gawain sa lahat ng bansa at sa lahat ng lugar, darating ang mga sakuna na ito nang mas matindi kaysa alinmang panahon mula nang likhain ang mundo. Ito ang simula ng Aking paghatol sa lahat ng tao, ngunit makakahinga nang maluwag ang Aking mga anak; walang sakuna na sasapit sa inyo, at poprotektahan Ko kayo. (Ang ibig sabihin nito ay na mabubuhay kayo sa katawan pagkatapos nito, ngunit hindi sa laman, kaya hindi kayo daranas ng pasakit ng anumang sakuna.) Kasama Ko, mamumuno lamang kayo bilang mga hari at hahatulan ang lahat ng bansa at lahat ng tao, na tinatamasa ang mabubuting pagpapala kasama Ko magpakailanman sa sansinukob at sa mga dulo ng daigdig. Ang mga salitang ito ay matutupad na lahat, at malapit nang makamtan ang mga ito sa harap ng mga mata ninyo mismo. Hindi Ako nagpapaliban ni isang oras o isang araw; ginagawa Ko ang mga bagay-bagay nang napakabilis. Huwag kang mag-alala o mabalisa; ang pagpapalang ibinibigay Ko sa iyo ay isang bagay na walang sinumang makakaagaw sa iyo—ito ang Aking atas administratibo. Lahat ng tao ay magiging masunurin sa Akin dahil sa Aking mga gawa; walang tigil silang magbubunyi, at bukod pa riyan ay walang tigil silang magtatatalon sa galak.