Kabanata 94

Babalik Ako sa Sion kasama ang Aking mga panganay na anak—talaga bang nauunawaan ninyo ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito? Tulad ng paulit-ulit Kong ipinapaalala sa inyo, gusto Kong mabilis kayong umunlad at mamunong kasama Ko. Naaalala ba ninyo? Ang mga bagay na ito ay direktang may kaugnayan sa Aking pagkakatawang-tao: Mula sa Sion ay pumarito Ako sa daigdig sa katawang-tao, upang magkamit sa pamamagitan ng katawang-tao ng isang grupo ng mga tao na kaisa sa isip Ko, at pagkatapos na gawin ito ay babalik Ako sa Sion. Ibig sabihin nito ay kailangan pa rin nating magbalik mula sa katawang-tao tungo sa orihinal na katawan. Ito ang totoong kahulugan ng “pagbalik sa Sion.” Ito rin ang totoong kahulugan at pinagtutuunan ng Aking buong plano ng pamamahala, at higit pa rito, ito ang pinakamahalagang bahagi ng Aking plano ng pamamahala, na hindi mahahadlangan ninuman, at kaagad na makakamit. Kapag nasa laman, hindi kailanman mawawala sa inyo ang mga kuru-kuro at kaisipan ng tao, at lalong hindi ninyo iwawaksi ang makalupang hangin o ipapagpag ang alikabok, at palagi na lamang kayong magiging luwad; kapag nasa katawan lamang kayo magiging marapat na magtamasa ng mga pagpapala. Ano ang mga pagpapala? Natatandaan ba ninyo? Hindi maaaring magkaroon ng konsiderasyon sa mga pagpapala sa laman, kaya dapat sundan ng bawat panganay na anak ang landas mula sa laman tungo sa katawan. Pinagmamalupitan at inuusig kayo sa laman ng malaking pulang dragon (ito ay dahil sa wala kayong kapangyarihan at wala kayong nakamit na kaluwalhatian), ngunit sa katawan ay magiging totoong ibang-iba, at makapagmamalaki kayo at magiging galak na galak. Ang mga araw ng pagpapahirap ay mawawala nang tuluyan at habang-panahon kayong pakakawalan at palalayain. Ito lamang ang paraan para maidagdag Ko kung ano Ako at kung anong mayroon Ako sa inyo. Kung hindi, ang tataglayin lamang ninyo ay ang mga katangian Ko. Kahit paano pa gayahin ng isang tao ang panlabas na anyo ng isa pang tao, hindi sila maaaring maging parehong-pareho. Tanging sa banal na espirituwal na katawan (ibig sabihin sa katawan) tayo maaaring maging parehong-pareho (na tumutukoy sa pagkakaroon ng parehong mga katangian, parehong pagkatao, parehong mga pag-aari, at makakayang maging isa sa isipan, nagkakaisa, hindi nahahati, at hindi nababaha-bahagi, sapagkat ang lahat ay ang banal na espirituwal na katawan.)

Bakit nagsisimula kayo ngayong mapoot sa daigdig, at masuklam sa pagkain, pananamit, at sa lahat ng uri ng bagay na nakakairita, at higit pa rito ay hindi makapaghintay na itakwil ang mga ito? Ito ang palatandaan na kayo ay papasok sa espirituwal na daigdig (ang katawan). Kayong lahat ay may mga premonisyon tungkol dito (bagamat hindi lahat ay sa parehong antas). Gagamitin Ko ang iba’t ibang uri ng tao, iba’t ibang kaganapan, at iba’t ibang bagay, ang lahat ng ito ay para maisagawa ang Aking pinakamahalagang hakbang, at ang lahat ng ito ay magbibigay ng serbisyo para sa Akin. Kailangan Kong gawin ito. (Siyempre, hindi Ko ito maisasakatuparan sa katawang-tao, at tanging ang Aking Espiritu Mismo ang makagagawa ng gawaing ito, sapagkat hindi pa dumarating ang tamang panahon.) Ito ang huling kapirasong tungkulin na ginagampanan ng buong mundo ng sansinukob. Pupurihin Ako ng lahat at ipagbubunyi Ako. Kumpleto na ang Aking dakilang gawain. Bumubuhos mula sa Aking kamay ang pitong mangkok ng mga salot, dumadagundong ang pitong kulog, tumutunog ang pitong trumpeta, at nabubuksan ang pitong tatak—sa mundo ng sansinukob, sa lahat ng bansa at sa lahat ng tao, at sa mga bundok, sa mga ilog, at sa lahat ng bagay. Ano ang pitong mangkok ng mga salot? Ano ang mismong inaasinta ng mga ito? Bakit Ko sinasabing ibubuhos ang mga ito mula sa Aking kamay? Lilipas ang mahabang panahon bago mahikayat nang lubusan ang lahat, at bago lubusang mauunawaan ng lahat. Kahit na sabihin Ko sa inyo ngayon, maliit na bahagi lamang ang inyong mauunawaan. Ayon sa imahinasyon ng tao, ang pitong mangkok ng mga salot ay nakatutok sa lahat ng bansa at tao ng daigdig, ngunit ang totoo ay hindi ganito ang sitwasyon. Tumutukoy ang “pitong mangkok ng mga salot” na ito sa impluwensya ng diyablong si Satanas, at sa pakikipagsabwatan ng malaking pulang dragon (ang bagay na ginagamit Ko na maglingkod sa Akin). Pakakawalan Ko sa panahong iyon si Satanas at ang malaking pulang dragon para kastiguhin ang mga anak at ang mga tao, na magbubunyag kung sino ang mga anak at sino ang mga tao. Ang mga nalinlang ay ang mga hindi pakay ng Aking paunang pagtatalaga, samantalang ang Aking panganay na mga anak ay maghaharing kasama Ko sa panahong iyon. Sa pamamagitan nito ay gagawin Kong ganap ang mga anak at ang mga tao. Ang pagbuhos ng pitong mangkok ng mga salot ay hindi makaaapekto sa lahat ng bansa at lahat ng tao, kundi sa Aking mga anak at sa Aking mga tao lamang. Hindi madali ang pagdating ng mga pagpapala; at kailangang mabayaran ang buong halaga. Kapag gumulang na ang mga anak at ang mga tao, lubusang maaalis ang pitong mangkok ng mga salot, at pagkatapos ay hindi na iiral pa. Ano ang “pitong kulog na dumadagundong”? Hindi ito mahirap maunawaan. Sa sandaling ang Aking mga panganay na anak at Ako ay naging ang katawan, dadagundong ang pitong kulog. Yayanigin nito ang buong sansinukob, na parang nabaligtad ang langit at lupa. Malalaman ito ng lahat; wala ni isang hindi makakaalam nito. Sa oras na iyon, ang Aking mga panganay na anak at Ako ay magkakasama sa kaluwalhatian at sisimulan ang susunod na hakbang ng gawain. Maraming tao ang luluhod para sa awa at kapatawaran dahil sa dagundong ng pitong kulog. Ngunit hindi na ito ang Kapanahunan ng Biyaya: Ito ay magiging panahon para sa poot. Tungkol naman sa lahat ng gumagawa ng masama (ang mga nakikipagtalik nang hindi kasal, o nangangasiwa ng maruming pera, o may malabong mga hangganan sa kasalungat na kasarian, o gumagambala o naninira sa Aking pamamahala, o walang espirituwal na pang-unawa, o sinasaniban ng masasamang espiritu, at marami pang iba—lahat maliban sa Aking hinirang), wala ni isa sa kanila ang palalampasin, ni patatawarin, kundi itatapon ang bawat isa sa kanila sa Hades at mapapahamak magpakailanman! “Ang pitong trumpetang tumutunog” ay hindi tumutukoy sa malawak at masamang kapaligiran, at hindi rin ito tumutukoy sa anumang deklarasyon sa mundo; ang mga ito ay lubos na mga kuru-kuro ng tao. Tinutukoy ng “pitong trumpeta” ang Aking nagngangalit na pagbigkas. Kapag ang Aking tinig (maharlikang paghatol at nagngangalit na paghatol) ay lumalabas, tumutunog ang pitong trumpeta. (Sa ngayon, sa Aking sambahayan, ito ang pinakamatindi, na hindi matatakasan ng sinuman.) At ang lahat ng demonyo sa Hades at impiyerno, malalaki at maliliit, ay magtatakip ng kanilang mga ulo at tatakbo sa lahat ng direksyon, tumatangis at nagngangalit ang kanilang mga ngipin, nahihiya at walang mapagtaguan. Sa sandaling ito, hindi ang pitong trumpeta ang magsisimulang tumunog, kundi ang Aking nagngingitngit na pagkapoot at ang Aking pinakamatinding paghatol, na hindi matatakasan ng sinuman, at dapat na danasin ng lahat. Sa panahong ito, ang naibunyag na ay hindi ang mga nilalaman ng pitong tatak. Ang pitong tatak ay ang mga pagpapalang matatamasa ninyo sa hinaharap. “Ang pagbubukas” ay tumutukoy lamang sa pagpapabatid sa inyo tungkol sa mga ito, ngunit hindi pa ninyo natamasa ang mga pagpapalang ito. Kapag tinatamasa na ninyo ang mga pagpapalang ito, doon ninyo malalaman ang mga nilalaman ng pitong tatak. Ang nararanasan ninyo ngayon ay ang bahagi na hindi pa kumpleto. Masasabi Ko lamang sa inyo ang bawat hakbang habang nagaganap ito sa gawain sa hinaharap, upang personal ninyo itong mararanasan at madama ang walang katulad na kaluwalhatian, at mabubuhay kayo sa kalagayan ng walang hanggang lubos na kaligayahan.

Ang matamasa ang mga pagpapala ng mga panganay na anak ay isang bagay na hindi madali, at hindi rin ito isang bagay na maaaring maisakatuparan ng karaniwang tao. Muli Kong bibigyang-diin at mas may puwersa Kong sasabihin na dapat Akong gumawa ng mahihigpit na hihingiin sa Aking mga panganay na anak. Kung hindi, hindi nila magagawang luwalhatiin ang Aking pangalan. Tahasan Kong tinatanggihan ang sinumang hindi kagalang-galang sa mundo, at lalo Kong tinatanggihan ang sinumang walang kalinisang-puri. (Wala silang bahagi sa mga tao ng Diyos—ito ay lalo Kong binibigyang-diin.) Huwag isipin na tapos na ang ginawa ninyo noon—paano magkakaroon ng ganoong mabuting bagay! Napakasimple bang makamit ang katayuan ng panganay na anak? Sa katulad na paraan ay tinatanggihan Ko ang sinumang laban sa Akin, ang sinumang hindi kumikilala sa Akin sa Aking katawang-tao, ang sinumang nakikialam sa Akin sa paggawa Ko ng Aking kalooban, at sinumang umuusig sa Akin—ganito Ako kalupit (dahil lubusan Ko nang nabawi ang Aking kapangyarihan)! Sa huli, sa katulad na paraan ay tinatanggihan Ko ang sinumang hindi nagkaroon ng anumang mga problema sa kanilang buhay. Gusto Ko ang mga tao na tulad Ko ay umahon mula sa kanilang mga kapighatian, kahit na mumunting kapighatian ang mga ito. Kung hindi, sila ang uri na palalayasin Ko. Huwag maging walang kahihiyan, na gustong maging Aking panganay na anak, ipinaparada ang inyong sarili sa Aking harapan. Layuan ninyo Ako, ngayon din! Nasabi na ninyo dati sa Akin ang maliliit na bagay, naghahangad na kalugdan Ko kayo! Ito ay pagkabulag! Hindi mo ba alam na napopoot Ako sa iyo, ikaw na walang kuwentang sawing-palad! Inaakala mo ba na hindi Ko nalalaman ang iyong mga lihim na mapanlinlang na mga gawain? Paulit-ulit kang nagtatago! Hindi mo ba alam na naisiwalat mo na ang iyong mukhang demonyo? Kahit hindi ito nakikita ng mga tao, iniisip mo ba na hindi Ko ito makikita? Ang mga nagbibigay ng serbisyo sa Akin ay hindi mabubuti; sila ay isang pangkat ng mga sawing-palad. Kailangan Ko silang harapin. Itatapon Ko sila sa walang hanggang hukay at susunugin sila!

Nagsasalita ka sa hindi makadiyos na paraan, kumikilos nang walang pananampalataya, at hindi nakikipagtulungan sa iba sa wastong paraan; ang gayong uri ng tao ay gusto pa ring maging hari—hindi ka ba nananaginip? Hindi ka ba nahihibang? Hindi mo ba nakikita kung ano ka? Ikaw ay isang walang kuwentang sawing-palad! May silbi ba ang gayong tao? Magmadaling umalis sa paningin Ko! Dapat na magkaroon ng malinaw na pang-unawa ang lahat tungkol sa sinasabi Ko, mahikayat ng Aking mga salita, makilala ang Aking walang hanggang kapangyarihan, at malaman ang Aking karunungan. Madalas nasasabi na nagpakita na ang banal na espirituwal na katawan. Sa huli, sasabihin ba ninyong nagpakita na ang banal na espirituwal na katawan o hindi? Ang sinasabi Ko ba ay walang katuturan? Ano ang banal na espirituwal na katawan? Sa anong mga kalagayan umiiral ang banal na espirituwal na katawan? Sa mga tao, ito ay mahirap ilarawan sa isip at hindi maaaring maunawaan. Sinasabi Ko sa inyo: Ako ay walang kapintasan, at bukas ang lahat sa Akin, at pinakakawalan ang lahat ng bagay (dahil ginagawa Ko kung ano ang matalino at malaya Akong nagsasalita). Sa mga bagay na ginagawa Ko, walang anumang nakakahiya, at ginagawa ang lahat sa liwanag, upang ang lahat ay lubusang mahikayat. Higit pa rito, walang magagamit na anuman ang sinuman laban sa Akin. Isang paliwanag iyan ng “banal” sa “banal na espirituwal na katawan.” Kaya paulit-ulit Kong binigyang-diin na hindi Ko gusto ang sinuman na gumagawa ng mga bagay na nakakahiya. Isang bagay ito sa Aking mga atas administratibo, at isang bahagi rin ito ng Aking disposisyon. Tinutukoy ng “espirituwal na katawan” ang Aking mga pagbigkas. Ang sinasabi Ko ay palaging mayroong layon, palaging may karunungan, ngunit hindi maaaring kontrolin. (Sinasabi Ko ang gusto Kong sabihin, at ang Aking Espiritu ang bumibigkas ng Kanyang tinig, at ang Aking persona ang nagsasalita.) Ang sinasabi Ko ay malayang pinakakawalan, at kapag hindi ito tumutugon sa mga kuru-kuro ng mga tao, kung gayon iyon ang oras para ibunyag ang mga tao. Ito ang Aking wastong pagsasaayos. Samakatuwid, sa tuwing nagsasalita o kumikilos ang Aking persona, ito ay palaging mabuting pagkakataon para ilantad ang diwa ni Satanas. Noong hinirang ang Aking persona, lumitaw ang banal na espirituwal na katawan. Sa hinaharap, “ang banal na espirituwal na katawan” ay tumutukoy sa katawan, at may dalawang aspeto sa kahulugang ito: May isang aspeto ng kahulugan sa kasalukuyan, at may isa pang aspeto ng kahulugan sa hinaharap. Ngunit sa hinaharap, ang banal na espirituwal na katawan ay magiging ibang-iba sa kasalukuyan—ang magiging pagkakaiba ay tulad ng sa pagitan ng langit at lupa. Walang sinumang makakaarok nito, at kakailanganin Kong personal na ibunyag ito sa inyo.

Sinundan: Kabanata 93

Sumunod: Kabanata 95

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito