Kabanata 90

Lahat ng mga bulag ay dapat lumayo sa Akin at hindi na dapat manatili pa kahit isang sandali, dahil ang mga nais Ko ay yaong kayang makilala Ako, kayang makita Ako at kayang makamit lahat ng bagay mula sa Akin. At sino nga ba ang tunay na makapagkakamit ng lahat ng bagay mula sa Akin? Tiyak na may napakakaunting ganitong uri ng tao at siguradong tatanggap sila ng mga pagpapala Ko. Iniibig Ko ang mga taong ito at isa-isa Ko silang pipiliin para maging kanang kamay Ko, maging pagpapamalas Ko. Gagawin Ko ang lahat ng bansa at lahat ng tao na purihin Ako nang walang-patid, patuloy na nagbubunyi alang-alang sa mga taong ito. O, Bundok Sion! Itaas ang bandila ng tagumpay at magbunyi para sa Akin! Sapagkat binabagtas Ko ang sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo, sinasaklaw ang bawat sulok ng mga kabundukan, mga ilog at lahat ng bagay, bago muling bumalik dito. Matagumpay Akong bumabalik nang may pagiging matuwid, paghatol, poot at pagniningas, at lalong higit pa ay kasama ang Aking mga panganay na anak. Lahat ng bagay na Aking kinamumuhian at lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na Aking kinasusuklaman, ay itinatapon Ko nang napakalayo. Ako ay matagumpay at natapos Ko na ang lahat ng nais Kong gawin. Sinong nangangahas na magsabi na hindi Ko pa natapos ang Aking gawain? Sinong nangangahas na magsabi na hindi Ko pa nakamit ang Aking mga panganay na anak? Sinong nangangahas na magsabi na hindi pa Ako nakabalik nang matagumpay? Tiyak na kauri ni Satanas ang gayong mga tao; sila ang mga nahihirapang makamit ang Aking kapatawaran. Mga bulag sila, maruruming demonyo sila at pinakakinamumuhian Ko sila. Sa mga bagay na ito ay sisimulan Kong ihayag ang Aking poot at ang kabuuan ng Aking paghatol, at, sa pamamagitan ng Aking nagniningas na apoy, pasisiklabin ang sansinukob at ang mundo mula sa magkabilang dulo, tinatanglawan ang bawat sulok—ito ang Aking atas administratibo.

Kapag naunawaan mo na ang Aking mga salita, dapat kang magtamo ng kaginhawahan mula sa mga ito; huwag mo dapat hayaang lumampas ang mga ito nang di-binibigyang-pansin. Sumasapit ang mga pagbigkas ng paghatol araw-araw, kaya bakit masyado kayong mapurol at manhid? Bakit hindi kayo nakikipagtulungan sa Akin? Talaga bang handang-handa kayong mapunta sa impiyerno? Sinasabi Ko na Ako ang Diyos ng awa sa Aking mga panganay na anak, sa Aking mga anak at mga tao, kaya paano ninyo inuunawa ito? Hindi ito isang simpleng pahayag, at dapat itong maintindihan mula sa isang positibong pananaw. O, bulag na sangkatauhan! Maraming beses Ko na kayong iniligtas, dinadala kayo palabas sa pagkahawak ni Satanas at palabas sa pagkastigo upang maaari ninyong makamtan ang Aking pangako, kaya bakit hindi kayo nagpapakita ng anumang pagsasaalang-alang para sa puso Ko? Maliligtas ba ang sinuman sa inyo sa ganitong paraan? Ang Aking pagiging matuwid, pagiging maharlika at paghatol ay hindi nagpapakita ng awa kay Satanas. Subalit kung kayo ang pag-uusapan, ang layon ng mga ito ay upang iligtas kayo, gayunman ay wala talaga kayong kakayahang maunawaan ang Aking disposisyon, at hindi rin ninyo alam ang mga prinsipyo sa likod ng Aking mga pagkilos. Inisip ninyo na walang pagkakaiba para sa Akin ang katindihan ng Aking iba’t ibang pagkilos, o na walang pagkakaiba para sa Akin ang mga pakay ng Aking mga pagkilos—napakamangmang! Kaya Kong makita nang malinaw ang lahat ng tao, mga pangyayari, at mga bagay. Nauunawaan Ko nang may ganap na kalinawan ang diwa ng bawat tao, ibig sabihin, lubos Kong naaaninag ang mga bagay na kinikimkim ng tao sa kanilang mga sarili. Nakikita Ko nang malinaw kung ang isang tao ay isang jezebel o isang patutot, at alam Ko kung sino ang gumagawa ng kung ano nang lihim. Huwag ipangalandakan ang inyong alindog sa harapan Ko, mga walang hiya! Lumayas kayo dito ngayon din! Para maiwasang magdala ng kahihiyan sa Aking pangalan, hindi Ko ginagamit ang ganoong uri ng tao! Hindi nila kayang patotohanan ang Aking pangalan, at sa halip ay kumikilos nang hindi nakabubuti at nagdadala ng kahihiyan sa Aking pamilya! Agad silang palalayasin sa Aking sambahayan. Hindi Ko sila gusto. Hindi Ko pahihintulutan ang pagkaantala ng kahit na isang segundo! Para sa mga taong iyon, paano man sila maghanap, wala itong saysay, dahil banal at walang anumang dungis ang lahat sa Aking kaharian. Kung sinasabi Ko na hindi Ko nais ang isang tao—at kabilang doon ang Aking sariling mga tao—seryoso Ako rito; huwag hintaying baguhin Ko ang Aking isip. Wala Akong pakialam kung gaano ka man kabuti sa Akin noon!

Naghahayag Ako ng mga hiwaga sa inyo araw-araw. Alam ba ninyo ang Aking pamamaraan ng pagsasalita? Ano ang batayan kung saan Ko inihahayag ang Aking mga hiwaga? Alam ba ninyo? Madalas ninyong sinasabi na Ako ang Diyos na nagtutustos sa inyo sa tamang panahon, kaya paano ninyo iniintindi ang mga aspetong ito? Inihahayag Ko sa inyo ang Aking mga hiwaga nang paisa-isa alinsunod sa mga hakbang ng Aking gawain, at nagtutustos Ako sa inyo alinsunod sa Aking plano, at lalong higit pa ay alinsunod sa inyong tunay na mga tayog (sa tuwing binabanggit ang Aking pagtustos, tinutukoy nito ang bawat isang tao sa kaharian). Samakatuwid ang Aking paraan ng pagsasalita ay: Nagbibigay Ako ng kaaliwan sa mga tao sa Aking sambahayan—tinutustusan Ko sila at hinahatulan Ko sila; wala Akong ipinakikitang awa kay Satanas, ni katiting, at lahat ay poot at pagniningas. Gagamitin Ko ang Aking mga atas administratibo para isa-isang palayasin sa Aking sambahayan ang mga hindi Ko patiunang itinalaga o hinirang. Hindi kailangang mabalisa. Pagkatapos Kong sanhiing ihayag nila ang kanilang orihinal na mga anyo (pagkatapos nilang magbigay ng serbisyo para sa Aking mga anak pagdating ng katapusan), babalik sila sa walang hanggang hukay, o kung hindi ay hindi Ko kailanman kalilimutan ang bagay na ito at hindi Ko kailanman pakakawalan. Madalas binabanggit ng mga tao ang impiyerno at Hades. Subalit ano ba ang tinutukoy ng dalawang salitang ito, at ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga ito? Tunay bang tumutukoy ang mga ito sa isang malamig, madilim na sulok? Palaging ginagambala ng mga isip ng tao ang Aking pamamahala, iniisip na ganap na mahusay ang kanilang sariling mga basta-bastang pagninilay-nilay. Subalit ang lahat ng ito ay walang iba kundi kanilang sariling mga guni-guni. Kapwa tumutukoy ang Hades at impiyerno sa isang templong marumi na dating pinanirahan na ni Satanas o ng masasamang espiritu. Ibig sabihin, sinumang pinanirahan na noon ni Satanas o ng masasamang espiritu—sila itong Hades at sila itong impiyerno—walang pagkakamali! Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit Ko nang binigyang-diin sa nakaraan na hindi Ako naninirahan sa templong marumi. Maaari bang manirahan Ako (Diyos Mismo) sa Hades, o sa impiyerno? Hindi ba iyon magiging katawa-tawang kalokohan? Sinabi Ko na ito nang maraming beses, pero hindi pa rin ninyo nauunawaan ang ibig Kong sabihin. Kumpara sa impiyerno, mas matinding ginagawang tiwali ni Satanas ang Hades. Yaong para sa Hades ay ang pinakamalalalang kalagayan, at talagang hindi Ko patiunang itinalaga ang mga taong ito; yaong para sa impiyerno ay yaong Aking patiunang itinalaga na, at pagkatapos ay inalis. Sa madaling sabi, hindi Ko hinirang ang kahit isa sa mga taong ito.

Madalas ipinakikita ng mga tao ang kanilang mga sarili bilang mga dalubhasa sa maling pagkaunawa sa Aking mga salita. Kung hindi Ko malinaw na binigyang-diin at nilinaw ang mga bagay-bagay nang paunti-unti, sino sa inyo ang makauunawa? Hindi ninyo lubusang pinaniniwalaan maging ang mga salitang sinasabi Ko, lalo pa kaya ang mga bagay na hindi pa nabanggit noon. Ngayon, nagsimula na ang mga alitang panloob sa lahat ng bansa: Mga manggagawang nakikipagtalo sa mga pinuno, mga mag-aaral sa mga guro, mga mamamayan sa mga opisyal ng gobyerno, at lahat ng ganitong aktibidad na nagdudulot ng kaguluhan ay unang lumilitaw sa loob ng bawat bansa, at lahat ng ito ay pawang bahagi lang ng serbisyong ibinibigay sa Akin. At bakit Ko sinasabing nagbibigay-serbisyo sa Akin sa pamamagitan ng mga bagay na ito? Nasisiyahan ba Ako sa kasawiang-palad ng mga tao? Nauupo ba Ako, hindi nagbibigay-pansin? Tiyak na hindi! Dahil ito ay si Satanas na nagwawala sa huling paghihingalo nito, at ang layon ng lahat ng bagay na ito ay upang gamitin ang kasalungat bilang isang hambingan para sa Aking kapangyarihan at para sa Aking nakamamanghang mga gawa. Lahat ng ito ay isang malakas na patotoo na nagpapatotoo sa Akin, at isang sandata na pansalakay kay Satanas. Kung kailan pinaglalabanan ng lahat ng bansa ng mundo ang lupa at impluwensiya, Ako at ang Aking mga panganay na anak ay magkakasamang maghahari at hinaharap sila, at lubos na lampas sa kanilang mga imahinasyon na sa ilalim ng ganitong kalunus-lunos na mga kalagayan ng kapaligiran, lubusang isinasakatuparan ang Aking kaharian sa gitna ng tao. Bukod pa rito, kapag nag-aagawan sila sa kapangyarihan at nangangarap na humatol sa iba, hinahatulan sila ng iba at sinusunog sila ng Aking poot—kaawa-awa! Kaawa-awa! Isinasakatuparan ang Aking kaharian sa gitna ng tao—anong maluwalhating kaganapan ito!

Bilang tao (maging mga tao man ng Aking kaharian o mga supling ni Satanas), dapat makita ninyong lahat ang Aking nakamamanghang mga gawa, kung hindi ay hindi Ko kailanman titigilan ang usaping ito. Kahit na handa kang tanggapin ang Aking paghatol, hindi pa rin ito sapat kung hindi mo pa nakita ang Aking nakamamanghang mga gawa. Dapat mapaniwala ang lahat ng tao sa puso, sa salita at sa paningin, at walang palalampasin nang basta-basta. Dapat magbigay-luwalhati sa Akin ang lahat ng tao. Sa katapusan, gagawin Ko maging ang malaking pulang dragon na bumangon at purihin Ako dahil sa Aking tagumpay. Ito ang Aking atas administratibo—matatandaan mo ba ito? Dapat walang katapusang magpuri sa Akin ang lahat ng tao at magbigay-luwalhati sa Akin!

Sinundan: Kabanata 89

Sumunod: Kabanata 91

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito