52. Pagtalikod sa Aking Dominanteng Pamamaraan
Noong nakaraang taon, inatasan akong magdilig sa mga baguhan. Noong una, mag-isa akong namamahala sa dalawang iglesia. Kalaunan, sa kung anong dahilan, isinaayos ng lider na magkasama kami ni Sister Lillian na mangangasiwa sa isa lang sa mga iglesia. Nang makita ko ang gayong pagsasaayos, medyo nainis ako. “Dati-rati’y mag-isa akong namamahala sa dalawang iglesia, ngayo’y isa lang ang pinamamahalaan ko, pero binibigyan nila ako ng partner. Kailangan ba talaga iyon? Anumang mga tagumpay ay tiyak na ituturing na nakamtan ng dalawang tao, at hindi ako magiging sikat at walang titingala sa akin. Kung ako mismo ang humawak dito, makikita ng mga kapatid na may kakayahan akong gumawa ng marami nang mag-isa. Tiyak na makikita nila na mahusay ako sa gawaing iyon, na ako ang kailangang-kailangang sandigan ng tungkuling iyon. Lubhang kahanga-hanga iyon. Bukod diyan, kapag may partner, hindi magiging akin ang huling salita, kaya hindi ba kalahati lang ang kapangyarihan ko kung ganoon? Kailangan kong hingin ang opinyon ng partner ko sa lahat ng bagay, at magmumukha akong walang kakayahan.” Ang pag-iisip nang ganoon ay talagang naging dahilan para labanan ko ang pagsasaayos na iyon at inisip ko kung nagkamali ba ang lider, o kung mababa ang tingin niya sa akin. Alam ko na lahat ng iba pang iglesia ay may dalawang taong namamahala, pero pakiramdam ko’y ako ang partikular na may kakayahan, kaya hindi ako dapat tratuhin na kapareho ng iba. Talagang hindi ko isinaalang-alang si Lillian, at ni hindi ko nga sinabi sa kanya ang maraming bagay na ginawa ko.
Minsan, kinailangang pagsamahin ang dalawang grupo dahil kulang ang mga miyembro sa alinmang grupo. Naisip ko na kaya kong gawin ang gayon kasimpleng bagay nang mag-isa. Nakahawak na ako dati ng lahat ng bagay na iyon nang mag-isa, kaya hindi na kailangang talakayin iyon kay Lillian, at sumige ako at pinagsama ko sila. Nang magtanong si Lillian, tiwala kong sinabi sa kanya na naayos ko na iyon. Sa isa pang pagkakataon, nais ng lider na tingnan namin kung sino sa mga baguhan ang maaaring linangin para magbahagi ng ebanghelyo, kaya direkta lang akong bumuo ng isang grupo ng magagaling na mapagpipilian. Noong pinag-aaralan nila ang mga prinsipyo para sa pagbabahagi ng ebanghelyo, napansin ko na ang isa sa kanila ay abala sa kanyang trabaho. Inilipat ko siya mula sa grupong iyon nang hindi ito tinatalakay kaninuman, at hindi siya hinayaang makilahok sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Nang malaman iyon ng brother na namamahala sa gawaing pang-ebanghelyo, iwinasto niya ako, na sinasabing diktador ako at wala sa katwiran, na nagdedesisyon ako nang hindi isinasali ang partner ko. Sa panahong iyon sinabi ko na lang na tama siya, pero sa kalooban ko ay hindi ako naniniwala na ganoon kalubha ang katiwalian ko.
Matapos mangyari nang maraming beses ang gayong mga bagay, isang araw ay hinarap ako ni Lillian at sinabing, “Magkapartner tayo. Kahit kaya mong gawing mag-isa ang mga bagay-bagay, dapat mo akong sabihan para alam ko rin kung paano umuusad ang ating gawain. Tuwing may nangyayari kay Reese, lagi niyang sinisikap na talakayin ang mga bagay-bagay sa partner niya. Magkasama nilang pinag-uusapan ang lahat ng bagay.” Naisip ko, “Kung sinabihan kita, susundin mo lang ang payo ko, kaya kailangan ba talaga nating pagdaanan ang pormalidad na iyon? Laging nagtatanong si Reese dahil hindi niya alam kung paano gawin ang isang bagay. Bakit pa ako mag-aabala kung kaya ko naman? Ang pagkakaroon ng partner ay malaking abala, dahil kailangan kitang kausapin tungkol sa lahat ng bagay. Magmimistula akong tauhan na nag-uulat sa nakatataas, at magmumukha akong walang kakayahan.” Kalaunan, ilang beses pa niyang binanggit ito sa akin, pero patuloy kong ginawa ang mga bagay na tulad ng dati. Kung minsa’y tinatanong niya ako tungkol sa partikular na mga bagay sa aming mga tungkulin, pero sinusupladahan ko siya, iniisip na nagtatanong siya tungkol sa mga bagay na katatalakay pa lang namin. Sa mga talakayan namin tungkol sa gawain, kung minsa’y naririnig ko si Lillian na paulit-ulit na bumubuntong-hininga, at naisip ko kung nahihigpitan siya sa akin. Medyo nakonsiyensya nga ako. Pero naisip ko na wala naman akong ginawa sa kanya, kaya hindi ko iyon sineryoso. Isang araw tinanong niya ako kung kaya kong pamahalaang mag-isa ang iglesia. Sa panahong iyon hindi ko natanto kung bakit niya itinanong sa akin iyon, at inisip ko kung malilipat ba siya. Naisip ko na ayos iyon, at hindi ko na kakailanganing iulat sa kanya ang mga bagay-bagay, at puwede nang ako ang mamamahala. Kaya, sinabi ko na lang na kaya ko. Nang marinig niya iyon, hindi umimik si Lillian. Kalaunan, nalaman ko na talagang pakiramdam niya ay hinihigpitan ko siya, na parang wala siyang magagawang anuman, at gusto pa nga niyang magbitiw. Noong panahong iyon, inamin ko lang na hindi naging maganda ang saloobin ko sa kanya, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko.
Inutusan ng lider si Lillian na ituon ang ilan sa kanyang mga pagsisikap sa ibang proyekto, kaya ako ang naging responsable sa mas maraming gawain ng iglesia. Lihim akong natuwa, iniisip na sa wakas ay puwede ko nang ipagpasikat ang aking mga kasanayan at ako na ang lubos na masusunod. Pero hindi talaga ganoon ang nangyari sa mga bagay-bagay. Malinaw na lalong humirap ang tungkulin ko, at kapag nagkakaproblema ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin, hindi ko makita ang diwa noon, kaya hindi ko malutas ang pinakaugat niyon. Hindi nagtagal, mas lalong dumami ang mga baguhang hindi nagular na nagtitipon, at sinabi sa akin ng lider na pinakamasahol ang pagganap ko sa gawain. Maraming beses ding tinukoy ni Lillian ang aking mga problema, na sinasabing mapagsarili ako at hindi kumokonsulta sa iba, at hindi ko hinahanap ang katotohanan sa mga bagay-bagay. Talagang matigas ang ulo ko sa panahong iyon, at hindi ko iyon tinanggap ni hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Mas lalong lumala ang kalagayan ko pagkatapos niyon, at laging magulo ang isipan ko. Isang araw, sinabi ng lider na gusto niya akong makausap, at nagtakda ng pulong kasama ang isa pang sister. Nabalitaan ko na hindi maganda ang pag-uugali ng sister na iyon, kaya ipinakahulugan ko iyan na naniwala ang lider na kapareho ko lang siya. Nang maisip ko ito, medyo natakot ako. Ganoon ba talaga kaseryoso ang problema ko? Matatanggal ba ako? Maayos ang lahat noong namamahala ako sa dalawang iglesia, at ngayong iisa na lang, na ginagawa ang gawaing pamilyar sa akin, na nagawa ko na dati, bakit hindi naging maayos ang paggawa ko? Tiyak na may mali sa akin. Lumapit ako sa Diyos sa panalangin, na hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagninilay at pag-unawa sa aking isyu.
Pagkatapos isang araw, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag may dalawang taong nananagot sa isang bagay, at ang isa sa kanila ay may diwa ng isang anticristo, ano ang naipapakita ng taong ito? Anuman ito, siya at siya lamang ang nagpapatakbo ng mga bagay-bagay, ang nagtatanong, ang nag-aayos ng mga bagay-bagay, at ang nakakaisip ng solusyon. At kadalasan, inililingid niya ang mga bagay-bagay sa kanyang kasama. Ano ang turing niya sa kanyang kasama? Hindi bilang kanyang katuwang, kundi palamuti lamang. Sa paningin ng anticristo, hindi talaga niya itinuturing na kapareha ang mga kapareha niya. Sa tuwing may problema, pinag-iisipan itong mabuti ng anticristo, at sa sandaling napagdesisyunan na niya kung ano ang gagawin, ipinapaalam niya sa lahat na ganito ito dapat gawin, at walang sinumang pinapayagang kuwestyunin ito. Ano ang diwa ng kanyang pakikipagtulungan sa iba? Ang pinakabatayan ay para mapasakanya ang huling salita, hindi kailanman tinatalakay ang mga problema sa sinumang iba pa, inaako ang lahat ng responsabilidad para sa gawain, at ginagawang palamuti lamang ang kanyang mga kapareha. Lagi siyang kumikilos nang mag-isa at hindi nakikipagtulungan kahit kanino. Hinding-hindi niya tinatalakay o binabanggit ang kanyang gawain sa sinumang iba pa, madalas siyang magdesisyon nang mag-isa at humarap sa mga isyu nang mag-isa, at sa maraming bagay, nalalaman lang ng ibang mga tao kung paano natapos o naasikaso ang mga bagay-bagay kapag tapos na iyong gawin. Sinasabi ng ibang mga tao sa kanya, ‘Kailangang talakayin ang lahat ng problema nang kasama kami. Kailan mo hinarap ang taong iyon? Paano mo siya inasikaso? Paanong hindi namin nalaman ang tungkol dito?’ Hindi siya nagbibigay ng paliwanag ni nagbibigay ng anumang pansin; para sa kanya, wala talagang silbi ang kanyang mga kapareha, at mga palamuti lamang o pampaganda. Kapag may nangyayari, pinag-iisipan niya ito, nagpapasya siya, at kumikilos batay sa kung ano ang tingin niya ay mabuti. Kahit gaano pa karaming tao ang nasa paligid niya, para bang wala roon ang mga taong iyon. Para sa anticristo, wala silang ipinagkaiba sa hangin. Sa ganitong kaso, may bagay bang totoo sa kanyang pakikipagtambal sa iba? Wala talaga, iniraraos lang niya ang gawain at nagkukunwari. Sinasabi sa kanya ng iba, ‘Bakit hindi ka nakikipagbahaginan sa iba kapag may nakakaharap kang problema?’ Sumasagot siya ng, ‘Ano ba ang alam nila? Ako ang lider ng grupo, ako ang siyang magdedesisyon.’ Sinasabi naman ng iba, ‘At bakit hindi ka nakipagbahaginan sa iyong kasama?’ Tugon niya, ‘Sinabi ko sa kanya pero wala siyang opinyon.’ Ginagamit niyang mga dahilan ang kawalan ng opinyon ng ibang tao o ang kawalan ng mga ito ng kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili upang pagtakpan ang katunayan na umaasta siya na siya mismo ang batas. At hindi ito nasusundan ng bahagya mang pagsisiyasat sa sarili. Magiging imposible para sa ganitong uri ng tao na matanggap ang katotohanan. Isa itong problema sa kalikasan ng anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Tumpak na inilarawan ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Bawat salita ay parang tuwiran akong inilalantad ng Diyos. Nakita ko rin sa wakas na ang laging pagnanais na mapasaakin ang huling salita sa lahat ng bagay, pagtrato kay Lillian na parang wala siya roon, at hindi pagkonsulta sa kanya na may palusot na kaya kong gawin iyon, ay pagiging diktador at pagtahak sa landas ng isang anticristo. Nang gunitain ko iyon, noon ko pa pala ginagawa nang ganoon ang tungkulin ko. Nang dumating ang panahon para pagsamahin ang dalawang grupo, ginawa ko iyon nang hindi tinatalakay ang mga bagay-bagay kay Lillian, ni hindi ko pa nga sinabi sa kanya na gagawin ko na iyon. Nang makita kong abala ang isang baguhan sa trabaho niya, hindi ko tinalakay ang pinakamainam na paraan ng pagkilos sa kanya, kundi basta pinatalsik ko lang siya sa grupo at inalisan siya ng tungkulin. Nang magtanong si Lillian tungkol sa pag-usad ng ilang proyekto at sa mga bagong mananampalataya, sa halip na matiyagang tumugon, nainis ako at lumaban, na iniisip na parang pag-uulat iyon sa isang nakatataas, na para bang nakakababa ako sa kanya, kaya binalewala ko siya. Gusto ko laging akin ang huling salita, gusto ko mayroon akong awtoridad. Naging diktador ako at wala sa katwiran sa tungkulin ko, at ayaw kong makipagtulungan kaninuman, at pinigilan ko si Lillian. Paano naging paggawa iyon ng aking tungkulin? Paggambala iyon sa gawain ng iglesia at pagkilos bilang isang kampon ni Satanas!
Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bagamat may mga katuwang ang mga lider at manggagawa, at may katuwang ang lahat ng gumaganap ng anumang tungkulin, naniniwala ang mga anticristo na mahusay ang kanilang kakayahan at mas magaling sila kaysa sa mga ordinaryong tao, kaya hindi karapat-dapat ang mga ordinaryong tao na maging mga katuwang nila, at mas mabababa lahat ang mga ito kumpara sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit gusto ng mga anticristo na sila ang nasusunod at ayaw nilang tinatalakay ang mga bagay-bagay sa iba. Iniisip nilang magmumukha silang hangal at walang kakayahan kapag ginawa nila iyon. Anong uri ng pananaw ito? Anong uri ng disposisyon ito? Isa ba itong mapagmataas na disposisyon? Iniisip nila na ang makipagtulungan at talakayin sa iba ang mga bagay-bagay, ang magtanong sa mga ito at maghanap ng mga kasagutan mula sa mga ito, ay nakakawala ng dignidad at nakakababa ng pagkatao, na ikasisira ng kanilang respeto sa sarili. Kaya, upang maprotektahan ang kanilang respeto sa sarili, hindi nila pinapayagang makita ng iba ang anumang bagay na ginagawa nila, ni hindi nila sinasabi sa iba ang tungkol dito, at lalong hindi nila ito tinatalakay sa mga ito. Iniisip nila na ang makipagtalakayan sa iba ay nagpapakita na wala silang kakayahan; na ang laging paghingi ng mga opinyon ng ibang tao ay nangangahulugang sila ay mangmang at walang kakayahang mag-isip para sa kanilang sarili; na ang magtrabahong kasama ng iba sa pagtapos ng gampanin o pag-aayos ng ilang problema ay pagmumukhain silang walang kuwenta. Hindi ba’t ito ang mayabang at kakatwa nilang pag-iisip? Hindi ba’t ito ang kanilang tiwaling disposisyon? Masyadong halata ang taglay nilang kayabangan at pagmamatuwid sa sarili; ganap na nawalan na sila ng normal na katwiran ng tao, at medyo hindi na matino ang kanilang pag-iisip. Lagi nilang iniisip na may mga abilidad sila, na kaya nilang tapusin ang mga bagay-bagay nang sila lang, at hindi nila kailangang makipag-ugnayan sa iba. Dahil may gayong mga tiwaling disposisyon sila, hindi nila makamit ang matiwasay na pakikipagtulungan. Naniniwala sila na ang magtrabahong kasama ang iba ay magpapahina at maghahati-hati ng kanilang kapangyarihan, na kapag may kahati silang iba sa gawain, nababawasan ang sarili nilang kapangyarihan at hindi nila napagpapasyahan ang lahat ng bagay nang sila lang, ibig sabihin ay wala silang totoong kapangyarihan, na para sa kanila ay isang matinding kawalan. Kaya, kahit ano pang mangyari sa kanila, kung naniniwala silang nauunawaan nila at alam nila kung paano ito pangasiwaan, hindi na nila ito tatalakayin pa sa iba, nanaisin nilang panatilihin ang kontrol nila rito. Mas gugustuhin nilang makagawa ng mga pagkakamali kaysa ipaalam sa ibang tao, mas gugustuhin nilang maging mali kaysa ibahagi ang kapangyarihan sa sinuman, at mas gugustuhin nilang matanggal sa puwesto kaysa hayaan ang ibang tao na makialam sa kanilang gawain. Ganito ang isang anticristo. Mas pipiliin pa nilang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, mas pipiliin pang isugal ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kaysa ibahagi ang kanilang kapangyarihan sa sinuman. Iniisip nila na kapag may ginagawa silang isang bahagi ng gawain o may inaasikasong ilang bagay, hindi ito ang pagganap ng isang tungkulin, bagkus ay isang pagkakataon na makapagpakitang-gilas at mamukod-tangi sa iba, at isang pagkakataon na makagamit ng kapangyarihan. Kaya naman, bagamat sinasabi nilang makikipagtulungan sila nang maayos sa iba at na tatalakayin nila ang mga lumilitaw na isyu nang kasama ang iba, ang totoo, sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi sila handang bitiwan ang kanilang kapangyarihan o katayuan. Iniisip nila na hangga’t nauunawaan nila ang ilang doktrina at may kakayahang gawin ito nang mag-isa, hindi nila kailangang makipagtulungan sa sinuman; iniisip nilang dapat itong isagawa at makumpleto nang mag-isa, at na ito lamang ang dahilan ng kanilang kahusayan. Tama ba ang ganitong pananaw? Hindi nila alam na kapag lumalabag sila sa mga prinsipyo, hindi nila natutupad ang kanilang mga tungkulin, kaya hindi nila naisasakatuparan ang atas ng Diyos, at sila ay nagseserbisyo lamang. Sa halip na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, gumagamit sila ng kapangyarihan ayon sa kanilang mga saloobin at layunin, nagpapakitang-gilas, at ipinaparada ang kanilang sarili. Kahit sino pa ang kanilang katuwang o kahit ano pa ang kanilang ginagawa, hindi nila kailanman gustong talakayin ang mga bagay-bagay, gusto nilang palaging kumikilos nang mag-isa, at gusto nilang sila lagi ang nasusunod. Malinaw na pinaglalaruan nila ang kapangyarihan at ginagamit ang kapangyarihan para gawin ang mga bagay-bagay. Lahat ng anticristo ay gustung-gusto ng kapangyarihan, at kapag may katayuan sila, gusto nila ng higit pang kapangyarihan. Kapag may taglay silang kapangyarihan, malamang na gamitin ng mga anticristo ang kanilang katayuan upang makagpakitang-gilas, at ibida ang kanilang sarili, upang tingalain sila ng iba at makamit nila ang kanilang mithiing mamukod-tangi mula sa karamihan. Kaya nahuhumaling ang mga anticristo sa kapangyarihan at katayuan, at hinding-hindi nila ito bibitiwan kailanman” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Nang mabasa ko ito, pinagnilayan ko na kaya ako masyadong dominante at ayaw kong makipagtulungan sa iba ay dahil nag-aalala ako na kung mas maraming taong sangkot sa gawain ng iglesia, baka mahati-hati ang kapangyarihan ko at hindi lang ako ang mamahala, masunod, o hangaan ng iba. Tinanggap ko na dati ang responsibilidad para sa gawain ng iglesia, at inakala kong may karanasan na ako, may talino para dito, at may kakayahan. Sinamantala ko ito at naging mayabang ako, na iniisip na espesyal akong tao at nakakataas sa iba. Gusto ni Lillian na talakayin ko sa kanya ang mga bagay-bagay bago gumawa ng anuman, pero pakiramdam ko magmumukha akong walang kakayahan kapag ginawa ko iyon, kaya ginagawa ko lang ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Paminsan-minsa’y iniisip ko kung dapat ko siyang konsultahin, pero para makapagpasikat at hangaan ako ng iba, nakaisip ako ng isang dahilan, na iniisip na wala siyang maibabahaging mga opinyon, at kahit tinalakay ko pa iyon sa kanya, sasang-ayon lang naman siya sa akin. Ginamit kong dahilan ito para hindi ako makipagtulungan kay Lillian. Naisaayos na ng iglesia na pagtulungan naming dalawa ang gawain ng iglesia. May karapatan siyang makibahagi sa bawat proyekto, na malaman ang mga detalye at pag-usad nito, pero binalewala ko siya para gawin ang mga bagay-bagay nang mag-isa, na inaalisan siya ng karapatang malaman ang mga bagay-bagay at magsalita, ginagawa lang siyang isang tau-tauhan. Inilagay ko sa sarili kong mga kamay ang lahat ng gawain nang hindi siya hinahayaang makilahok. Hindi ba’t ang diwa ng paggawa ko nito ay katulad ng sa isang anticristo na nagtatayo ng sarili niyang imperyo? Naisip ko ang diktadura ng malaking pulang dragon at ang sukdulang pagkontrol nito, kaya kailangang makinig dito ang mga tao nang walang tanung-tanong. Ako naman, gusto kong ako ang namamahala sa lahat ng ginawa ko, na nagdodomina at ayaw talakayin ang mga bagay-bagay sa iba. Naging diktador ako sa iglesia at ako ang may panghuling kontrol. Paano ako naiba sa malaking pulang dragon? Nang lalo kong isipin ito, lalo kong natanto kung gaano kalubha ang problema ko sa pagtangging makipagtulungan sa iba, at medyo natakot ako. Si Cristo at ang katotohanan ang may kapangyarihan sa iglesia. Anuman ang mangyari, dapat nating hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay ayon sa prinsipyo. Pero gusto kong akin palagi ang huling salita sa iglesiang pinamahalaan ko. Hindi ba gusto ko lang maghari-harian? Hindi ko isinaalang-alang kung paano isagawa ang katotohanan at protektahan ang mga interes ng iglesia, sa halip ay isinaalang-alang ko lang kung mabibigyang-kasiyahan ba ang aking mga personal na hangarin. Sa huli naging magulo nang lubusan ang gawain ng iglesia dahil sa akin, at nanggambala at naging balakid lang ako sa daan. Biyaya ng Diyos kaya nagagawa ko ang tungkuling iyon. Ang kalooban ng Diyos ay na hangarin ko talaga ang katotohanan, makipagtulungan akong mabuti sa mga kapatid at diligan ko ang mga bagong mananampalataya para mabilis silang maging matatag sa tunay na daan. Pero itinuring ko itong isang pagkakataon para magpasikat, gamitin ang aking kapangyarihan, at hikayatin ang iba na tingalain ako. Naghari-harian ako palagi, na ipinapasikat ang aking mga kasanayan. Hindi lang ito naging hadlang sa gawain ng iglesia, nakasakit pa ito sa mga kapatid at nakapinsala sa sarili kong buhay.
Nakita ko ang isang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos na nagpabago sa aking mga maling pananaw. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang maayos na pagtutulungan ay kinasasangkutan ng maraming bagay. Kahit paano, ang isa sa maraming bagay na ito ay ang tulutan ang iba na magsalita at magbigay ng ibang mga mungkahi. Kung tunay kang makatwiran, anumang uri ng gawain ang ginagawa mo, kailangan mo munang matutuhang hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at dapat ka ring magkusang hingin ang mga opinyon ng iba. Basta’t sineseryoso mo ang bawat mungkahi, at pagkatapos ay sama-sama ninyong nilulutas ang mga problema, talagang makapagtutulungan kayo nang maayos. Sa ganitong paraan, daranas ka ng mas kaunting paghihirap sa iyong tungkulin. Anumang mga problema ang lumitaw, magiging madaling lutasin at harapin ang mga iyon. Ito ang epekto ng maayos na pagtutulungan. Kung minsan ay may mga pagtatalo tungkol sa mga walang kuwentang bagay, ngunit basta’t hindi nito naaapektuhan ang gawain, hindi magiging problema ang mga iyon. Gayunman, sa mahahalaga at malalaking bagay na kinasasangkutan ng gawain ng iglesia, kailangan ninyong magkasundo at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon. Bilang isang lider o isang manggagawa, kung lagi mong iniisip na mataas ka kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin tulad ng ilang opisyal ng gobyerno, laging nagpapakasasa sa mga pakinabang ng iyong posisyon, laging gumagawa ng sarili mong mga plano, laging iniisip at tinatamasa ang sarili mong katanyagan at katayuan, laging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at laging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataong tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung lagi kang kikilos nang ganito, na ayaw mong makatrabaho ang iba, ayaw mong bawasan ang iyong kapangyarihan at ipamahagi iyon sa iba, ayaw mong magkaroon ng higit na kapangyarihan ang iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lamang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo. Ngunit kung madalas mong hinahanap ang katotohanan, isinasantabi ang laman, tinatalikdan ang sarili mong mga motibasyon at plano, at nagagawa mong kusang makipagtulungan sa iba, buksan ang puso mo para sumangguni at maghanap sa iba, makinig nang mabuti sa mga ideya at mungkahi ng iba, at tumanggap ng payo na tama at naaayon sa katotohanan, kanino man iyon manggaling, nagsasagawa ka sa isang matalino at tamang paraan, at nagagawa mong iwasang tumahak sa maling landas, na proteksyon para sa iyo. Dapat mong talikuran ang mga titulo ng pagiging lider, talikuran ang maruming hangin ng katayuan, tratuhin ang sarili mo bilang isang ordinaryong tao, tumayo na kapantay ng iba, at maging responsable sa iyong tungkulin. Kung lagi mong tatratuhin ang iyong tungkulin bilang isang opisyal na titulo at katayuan, o bilang isang uri ng pagkilala, at iisipin mo na naroon ang iba para pagsilbihan ka sa iyong posisyon, problema ito, at hahamakin at kasusuklaman ka ng Diyos. Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunti pang atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makakapagtrabaho ka nang maayos kasama ang iba. Ano ang epektong makakamtan ng maayos na pagtutulungang ito? Malaki ang epekto. Magkakamit ka ng mga bagay na hindi mo pa nakakamit dati, iyon ay ang liwanag ng katotohanan at mga realidad ng buhay; matutuklasan mo ang mabubuting katangian ng iba at matututo ka mula sa kanilang mga kalakasan. Mayroon pang iba: Ang tingin mo sa ibang mga tao ay walang alam, mahina ang utak, hangal, mas mababa sa iyo, ngunit kapag nakinig ka sa kanilang mga opinyon, o nagtapat sa iyo ang ibang mga tao, matutuklasan mo nang hindi sinasadya na walang sinumang kasing-ordinaryo na tulad ng iniisip mo, na lahat ay maaaring magbigay ng ibang mga kaisipan at ideya, at na lahat ay may mga bagay na maituturo sa iyo. Kung matututo kang makipagtulungan nang maayos, higit pa sa pagtulong lamang sa iyo na matuto mula sa mga kalakasan ng iba, maaaring ilantad nito ang iyong kayabangan at pagmamagaling, at pigilan kang isipin na matalino ka. Kapag hindi mo na itinuturing na mas matalino ka at mas magaling kaysa sa lahat ng iba pa, titigil ka na sa sobrang pagpapahalaga sa sarili at pagpuri sa iyong sarili. At mapoprotektahan ka niyan, hindi ba? Iyan ang aral na dapat mong matutuhan at mapakinabangan sa pakikipagtulungan sa iba” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Nang makita ko ito, natanto ko na kaya ayaw kong makipagtulungan kay Lillian—at kaya ako takot na hatiin ang aking kapangyarihan—ay dahil hindi ko itinuring ang tungkuling ibinigay sa akin ng Diyos bilang aking responsibilidad. Sa halip, itinuring ko ito na opisyal kong puwesto, na para bang ito ang aking posisyon at korona. Tumanggi akong makipagtulungan sa iba, at inisip ko na mas mahalaga ako kaysa sa iba, na nagnanais na mamukod-tangi nang mag-isa. Maling landas iyon. Ang totoo, ang inilantad ng panahong iyon ay na mababaw ang pagkaunawa ko sa katotohanan at ang diskarte ko sa mga problema. Hindi ko rin itinuring ang aming gawain sa kabuuan nito, at halos wala akong ginawang praktikal na gawain. Ang pagtulong sa mga kapatid sa kanilang mga problema sa pagpasok sa buhay ay isang pakikibaka, at maraming gawaing hindi ko kayang gawing mag-isa. Kinailangan ko roon ang ibang tao para makatulong sa trabaho, masabihan ng mga bagay-bagay, at mahingan ng feedback, upang matuto mula sa kanilang mga kalakasan para mapalakas ang sarili kong mga kahinaan. Naisip ko ang Diyos na nagkatawang-tao na nagpapahayag ng napakaraming katotohanan para sa kaligtasan ng sangkatauhan, pero hindi Siya nagpapakita ng kahit bahagyang kayabangan. Nakikinig Siya sa mga mungkahi ng mga tao sa maraming bagay at hindi nagpapasikat kailanman. Lagi Siyang tahimik na nagpapahayag ng mga katotohanan para diligan at tustusan ang sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay napakabait at kaibig-ibig. Pero nagawa na akong tiwali ni Satanas, puno ng mga satanikong disposisyon, at hindi nakaunawa sa katotohanan. Marami akong hindi maunawaan. Pero magkagayunman ay inisip ko pa rin na mas mahalaga ako kaysa sa iba, na iniisip na espesyal ako, na kaya kong gawin ang santambak na gawain nang mag-isa at walang partner, na wala man lang isinasaalang-alang na iba pa. Napakayabang ko at wala sa katwiran. Sa katunayan, ang pagtalakay sa mga bagay-bagay at higit na pagbabahaginan sa ating tungkulin ay makatwiran at matalino, hindi isang pagpapakita ng kawalang-kakayahan. Pagkakamit ito ng mga bagay mula sa iba na hindi natin nakikita o nauunawaan, at pag-iwas sa maling landas dahil sa ating kapalaluan. Ito lang ang paraan para magawa nang maayos ang isang tungkulin at matamo ang proteksyon ng Diyos. Ngayo’y naunawaan ko na ang kalooban ng Diyos. Ang pagtalakay sa mga bagay-bagay, pakikipagtulungan, at pagpapalakas ng kahinaan ng bawat isa ang tanging paraan para magawa nang maayos ang isang tungkulin at mapalugod ang Diyos.
Kalaunan, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, na naging dahilan para makahanap ako ng landas na susundan. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Kapag nakikipagtulungan kayo sa iba upang tuparin ang inyong mga tungkulin, nagagawa ba ninyong maging bukas sa magkakaibang opinyon? Nahahayaan ba ninyong magsalita ang ibang mga tao? (Oo, medyo. Dati-rati, sa maraming pagkakataon ay hindi ako nakikinig sa mga mungkahi ng mga kapatid at iginigiit kong gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Kalaunan, nang napatunayan ng mga totoong pangyayari na mali ako, saka ko lamang nakita na karamihan sa kanilang mga mungkahi ay tama, na ang resolusyong pinagtalakayan ng lahat ang talagang angkop, at na sa pag-asa sa sarili kong mga pananaw, hindi ko malinaw na nakita ang mga bagay-bagay at na may mga kakulangan ako. Matapos itong maranasan, natanto ko kung gaano kahalaga ang pagtutulungan nang maayos.) At ano ang maaari mong makita mula rito? Matapos itong maranasan, nakinabang ba kayo nang kaunti, at naunawaan ba ninyo ang katotohanan? Palagay niyo ba may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong tanggapin ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kanila. Kung naunawaan mo ang aspetong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspetong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Totoo iyan. Gaano ka man kagaling at kahusay, hindi ka perpektong tao. Lahat ng tao ay may mga kalakasan at kahinaan, at dapat silang diskartehan nang maayos. Dapat tayong matutong makinig sa mga mungkahi ng iba at magpalakas sa bawat isa. Sa pagkakaroon lamang ng gayong mabuting pang-unawa tayo maaaring makipagtulungan nang maayos sa iba. Dati-rati, binibigyan ko lang ng pansin ang pagdidilig sa mga bagong mananampalataya, habang si Lillian ang gumagawa ng gawaing pang-ebanghelyo. Kung pinamahalaan ko ang lahat ng gawaing iyon, walang paraan para mapamahalaan o magawa ko iyon nang maayos. At ang aking pananaw ay limitado sa maraming bagay sa aking tungkulin. Padalus-dalos ako. Tuwing tatanungin ako ng aming lider tungkol sa trabaho ko, marami siyang tinutukoy na pagkakamali at bagay na hindi nagawa nang tama. Natanto ko na hindi ko talaga magagampanan nang maayos ang aking tungkulin nang walang kapartner. Hindi ko kailanman naunawaan iyon noon, at hindi ko kilala ang sarili ko. Mayabang ako, gusto kong ako palagi ang namamahala, at hindi ko kayang makipagtulungan sa iba. Nakaantala ito sa gawain ng iglesia. Nang matanto ko ito, nakonsiyensya ako nang husto, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, na sinasabi na ayaw ko nang mamuhay sa katiwalian, at handa na akong makipagtulungan nang maayos kay Lillian sa aking tungkulin.
Sa pagsasama namin sa trabaho pagkatapos niyon, nakita ko na maraming kalakasan si Lillian. Mas may konsiderasyon siya kaysa sa akin at hinahanap niya ang mga katotohanang prinsipyo kapag may lumilitaw na mga isyu. Detalyado siya sa kanyang pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Hindi pa ako natatagalan sa pagiging lider, kaya malabo pa ang ideya ko kung paano pamahalaan ang gawain ng iglesia. Pagdating sa mga detalye kung paano gawin ang gawain at kung paano ibahagi ang katotohanan para malutas ang mga problema, medyo hindi iyon malinaw sa akin. Hindi ko siya napantayan sa ganoong mga paraan. At mas mapagmahal siya kaysa sa akin; sa pagtulong sa mga baguhan, paulit-ulit siyang nagbabahagi. Kapag inakala ko na nakagawa na siya ng mahusay na trabaho, sinasabi niya na kailangan pa niyang pagbutihin. Naisip ko kung paano ako hindi nakipagtulungan sa kanya, bagkus ay tinrato ko siya na isang kalabisan. Naging negatibo siya paminsan-minsan, pero mabilis siyang nakakabawi at patuloy na aktibong ginagawa ang kanyang tungkulin. Kahit binabalewala ko siya, paulit-ulit siyang nagtatanong. Siya ay mapagmahal at matiyaga, at tunay niyang inako ang pananagutan para sa kanyang tungkulin. Lahat ng ito ay mga katangiang wala sa akin. Ang pangit talaga ng pakiramdam ko nang matanto ko iyon. Nakita ko kung gaano nasaktan ng aking tiwaling disposisyon si Lillian at ang gawain ng iglesia. Kung naging masigasig lang akong makipagtulungan sa kanya sa simula pa lang, na tinatalakay ang lahat ng bagay sa kanya, hindi sananagkagayon ang mga bagay-bagay. Punung-puno ako ng panghihinayang, at lumapit ako sa Diyos at nanalangin, “Diyos ko, nakikita ko ang aking katiwalian at mga kapintasan, at nauunawaan ko na ngayon ang Iyong kalooban. Makikipagtulungan na ako kay Lillian simula ngayon at isasabuhay ang wangis ng tao.”
Sa pakikipagtulungan ko kay Lillian pagkatapos niyon, tiniyak kong tanungin siya ng mga bagay na gaya ng, “Okey ba ito sa tingin mo? May iba ka pa bang mga mungkahi?” Minsan habang tinatalakay namin ang aming gawain, kinumusta niya sa akin ang pagdidilig sa mga baguhan. Naisip ko sa sarili ko, “Katatapos lang nating pag-usapan iyon dalawang araw pa lang ang nakararaan, bakit uulitin na naman? Kung may problema, kaya kong lutasin iyon.” Gusto kong balewalain siyang muli. Pagkatapos ay natanto ko na muling lumilitaw ang dati kong problema, na gusto kong ako ang mamahala. Mabilis akong nanalangin, na hinihiling sa Diyos na gabayan ako para hindi ako kumilos dahil sa aking tiwaling disposisyon. Pagkatapos kong manalangin naisip ko ang lahat ng kabiguang pinagdaanan ko, kung paano ako naging diktador at dominante, na laging gustong gawin ang mga bagay sa sarili kong paraan at magpasikat. Pagpapahayag ni Satanas ang lahat ng iyon. Kinailangan kong talikdan ang sarili ko at isagawa ang mga salita ng Diyos, at makipagtulungan sa kanya. Kaya taimtim kong ibinahagi sa kanya ang lahat ng alam ko tungkol sa trabaho ko, at nang matapos ako, ibinahagi ni Lillian ang kanyang sariling mga kaisipan. May natutuhan akong ilang bagay mula sa kanyang pagbabahagi at nadama ko na napakagandang paraan iyon sa paggawa ng tungkulin.
Pagkatapos niyon, kapag may nakaharap akong mga problema sa aking tungkulin, hinahanap ko siya para talakayin ang mga iyon, at magkasama naming hinahanap ang katotohanan at pinagbabahaginan ang mga isyung ito. Pagkaraan ng ilang panahon nito, bumuti ang aking kalagayan at bumuti ang pagganap ko sa aking tungkulin. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos. At nakita ko na matatanggap ko lamang ang patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa sarili ko sa aking tungkulin, pakikipagtulungan nang maayos sa iba at pagpuno sa mga kakulangan ng isa’t isa.