23. Kung Paano Ko Natutunan na Magpatotoo sa Diyos
Noong Hunyo ng nakaraang taon, napili ako na maging diyakono ng pagdidilig, at pinamahala sa pagdidilig sa mga katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos ng mga huling araw. Naisip ko sa sarili ko, “Kailangan kong gawin nang mabuti ang tungkulin ko at suklian ang pagmamahal ng Diyos.” Noong una, marami akong naging paghihirap sa gawain: Abala sa mga trabaho ang ilan sa kapatid at hindi regular na dumadalo sa mga pagpupulong; ang ilan ay nalinlang ng paninira ng CCP at ng mga grupong pangrelihiyon, at nag-atubiling dumalo sa mga pagpupulong; ang ilan ay negatibo at mahina dahil sa paghadlang ng kanilang mga pamilya at hindi maisagawa ang kanilang mga tungkulin. Na-pressure ako nang husto nang maisip ko ang tungkol sa mga bagay na ito. Para madiligan nang mabuti ang mga kapatid na ito, para maunawaan nila ang katotohanan at maging matatag sa tunay na daan, marami ang kailangang gawin! Noong panahong iyon, nagdasal ako sa Diyos, umasa sa Diyos, at hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema at paghihirap nila. Matapos ang ilang panahon, regular nang dumalo sa mga pagpupulong ang karamihan sa kanila, at natutunan ng ilan sa kanila ang kahulugan ng pagtupad sa kanilang mga tungkulin, kaya ginawa nila ang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. Nang makita ko ang mga resultang ito, natuwa ako, hindi ko mapigilan na malugod sa aking sarili, naiisip na, “Mukhang mahusay ako sa gawaing ito. Magkakamit ba ako ng ganito kagagandang resulta kung hindi?” Pagkatapos noon, nang marinig kong pinag-uusapan ng mga kapatid ang tungkol sa mga problema at paghihirap nila sa kanilang mga tungkulin, nagsimula akong magpasikat nang hindi sinasadya na mas mahusay at mas may karanasan ako kaysa sa kanila.
Minsan, sa isang pagtitipon kasama ang ilang sister na kasisimula pa lang sa pagdidilig ng mga baguhan, nabanggit nila na ilang baguhan ang nakakita sa hibang na pagsugpo at mga pang-aaresto ng CCP, at naging negatibo, mahina, kimi, at takot. Hindi alam ng mga sister na ito kung paano magbahagi upang malutas ito. Naisip ko, dahil nalutas ko kamakailan ang mga problemang ito at nagkamit ng ilang resulta, isa itong magandang pagkakataon para sabihin sa kanila kung paano ako nagbahagi ng katotohanan para malutas ang mga bagay na ito, at ipakita sa kanila na ako ang nakaunawa ng katotohanan at ang may kakayahang manggagawa. Kaya, may kumpiyansa kong sinabi, “Kamakailan, nagdilig ako ng ilang kapatid na nasa parehong kalagayan. Balisang-balisa ako noong panahong iyon, kaya para madiligan sila nang mabuti, nagsagawa ako ng maraming pulong na kasama nila, at nagbasa ng salita ng Diyos at nakipagbahaginan ng katotohanan na nakatuon sa kanilang kalagayan. Kinailangan kong magbisikleta nang mahigit limampung kilometro papunta roon at pabalik. Matapos silang diligan nang ilang panahon, nagtamo sila ng kaunting kaalaman sa gawain, walang hanggang kapangyarihan, at karunungan ng Diyos, naunawaan nila ang kahalagahan ng paggamit ng Diyos sa malaking pulang dragon bilang isang hambingan sa gawain Niya, at nagkaroon sila ng kumpiyansa sa Diyos. Hindi na sila napipigilan ng pang-uusig ng CCP, at gusto pa nilang ipalaganap ang ebanghelyo para magpatotoo sa gawain ng Diyos….” Habang nagbabahagi ako, pinanood ako ng mga sister na para bang nabighani sila. Nakaramdam ako ng kasiyahan, at lalo akong sumigla habang nagsasalita. Nang matapos ang pagbabahagi ko, sabik na sinabi ng isang sister, “Dahil sa lahat ng karanasan mo, malinaw mong nakikita ang mga problema. Lubos akong malilito kung ako iyon.” Naiinggit naman na sinabi ng isang sister, “Napakadali para sa iyo na lutasin ang mga problemang ito. Kung mayroon ka pang magagandang karanasan, pakibahagi mo naman sa amin, para matuto kami mula sa iyo.” Natuwa ako nang marinig ko ang mga papuri nila. Bagaman sinabi kong ang mga resulta ng gawain ko ay dahil lamang sa patnubay ng Diyos, at hindi sa sarili kong pagsisikap, sa puso ko, pakiramdam ko’y ako ang naghirap at nagbayad ng halaga para sa mga resultang ito. Sa isang pagtitipon, nakaramdam ng pagiging negatibo ang isang sister dahil hindi siya nagkaroon ng magagandang resulta sa pagdidilig ng mga baguhan, at nagsalita siya tungkol sa maraming paghihirap. Naisip ko, “Kung magsasalita ako tungkol sa pagkakaroon ng parehong mga paghihirap at kakulangan, hindi ba’t bababa ang tingin ng iba sa akin? Responsable ako sa gawain niya, kaya sasabihin ko sa kanya ang tungkol sa mga matagumpay kong karanasan, at ipapakita sa kanya kung paano ako nagbahagi ng katotohanan para lutasin ang mga problema nang maharap ako sa iba’t ibang paghihirap na ito. Sa ganoong paraan, malulutas ko ang mga problema nila at mapapataas ang tingin nila sa akin.” Pagkaisip ko nito, iniwasan kong magsalita tungkol sa mga kahinaan at kakulangan ko at sa halip ay nagyabang sa kanila kung gaano ako kaepektibo sa aking mga tungkulin. Sabi ko, “Sa panahong ito, diniligan at sinuportahan ko ang limang kapatid. Hindi sila regular na dumadalo sa mga pagtitipon—dahil ang ilan ay may mga kuru-kurong pangrelihiyon, ang ilan naman ay nagnasa sa pera, at ang ilan ay mahina at negatibo dahil sa mga problema sa tahanan. Isa-isa ko silang pinuntahan, napagtagumpayan ang ilang paghihirap, naghanap ng maraming salita ng Diyos, at nagbahaginan sa bawat isa sa kanila para lutasin ang mga problemang ito, hanggang sa naunawaan nila ang katotohanan, napakawalan ang kanilang mga kuru-kuro, palagi na silang dumalo sa mga pulong, at kusang loob na tumanggap ng mga tungkulin. May isang brother, isang may talentong propesyonal, na bihira lang pumunta sa mga pulong dahil naghahangad siya ng makamundong katayuan at kasikatan. Nagkaroon ako ng maraming paghihirap sa proseso ng pagsuporta sa kanya, pero umasa ako sa Diyos, binasahan ko siya ng salita ng Diyos, at nagbahagi tungkol sa kalooban ng Diyos. Matapos makinig sa akin, naunawaan ng kapatid na ito ang halaga ng paghahanap ng katotohanan para sa mga nananalig sa Diyos, nakita niyang ang paghahangad ng reputasyon at katayuan ay walang halaga, at handa siyang hanapin ang katotohanan at tuparin ang kanyang mga tungkulin.” Pagkatapos ng aking pagbabahagi, nakita ko ang humahanga at sumasambang mga tingin sa mukha ng aking mga kapatid, at nagmadali silang isinulat ang mga sipi ng salita ng Diyos sa aking pagbabahagi. Madamdaming sinabi ng isang sister, “Ginamit mo ang katotohanan para lutasin ang mga problema nila, para maunawaan nila ang kalooban ng Diyos, at maging handang sundin ang Diyos at tuparin ang kanilang mga tungkulin. Hindi mo iyon magagawa kung hindi mo tinataglay ang mga katotohanang realidad.” Humahanga namang sinabi ng isa pang sister, “Kung naharap ako sa mga problemang ito, hindi ko malulutas ang mga iyon. Mas marami kang karanasan, kaya mas magaling ka sa paglutas ng mga problemang ito kaysa sa amin.” Noon ko naramdaman na may mali sa nangyayari. Hindi ba’t sinasamba nila ako? Matapos ang pagbabahagi ko, naging medyo negatibo ang isa sa mga sister, dahil pakiramdam niya’y wala siyang gaanong kakayahan, at hindi niya kayang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ng mga baguhan. Naisip ko, “Masyado na ba akong nagsasalita tungkol sa matagumpay kong karanasan? Napapaisip ko ba sa kanila na ang mga problemang nakakaharap ko ay simple para sa akin at para sa akin ay madaling lutasin, at napapataas ko tuloy ang tingin nila sa akin? Ang mga humahanga at ang mga hinahangaan ay tatanggap ng kasawiang-palad—angkop ba ang ganitong uri ng pagbabahagi?” Pero naisip ko, “Sinasabi ko sa kanila ang tungkol sa sarili kong praktikal na karanasan, kaya ayos lang iyon.” Sa puntong iyon, hindi ko ipinagpatuloy ang pagninilay ko sa sarili ko, at lumipas ang bagay na ito. Kalaunan, nakipagkita ako sa dalawang sister sa pagdidilig para tanungin sila tungkol sa gawain nila. Pagdating na pagdating ko, tuwang-tuwang sinabi ng isa, “Salamat naman at nandito ka na. Mayroon kaming ilang kapatid dito na may mga problema na hindi namin alam kung paano lutasin. Pakiusap, magsalita ka sa amin tungkol sa mga ito.” Nasabik at nag-alala ako sa umaasang tingin ng kanyang mga mata. Nasabik dahil tiningala niya ako, pero nag-alala dahil naisip ko kung ang palagi bang pagsasalita tungkol sa kung paano ako nagkamit ng mga resulta sa aking gawain ay naging dahilan para sambahin niya ako. Ang sumunod kong naisip ay, “Palagi akong nagsasalita tungkol sa mga tagumpay ko para mabigyan sila ng isang landas ng pagsasagawa sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, na pagbabahagi tungkol sa katotohanan upang malutas ang mga problema. At saka, nagsasalita lang ako tungkol sa mga tunay kong karanasan, hindi ako nagdadagdag.” Kaya, nagpatuloy ako gaya ng dati, nagbabahagi tungkol sa aking matagumpay na karanasan. Tumugon sila nang may paghanga at pagkainggit, at natuwa ako.
Pagkatapos niyon, sa bawat pulong, nagsalita ako tungkol sa kung paano ako nagdusa at nagbayad ng halaga sa aking mga tungkulin, paano ako nagbahagi ng katotohanan para lutasin ang mga problema, at bawat isa ng aking mga matagumpay na halimbawa. Unti-unti, nagsimula ang lahat ng kapatid ko na sambahin ako, hinintay nila akong lutasin ang lahat ng problema nila, at labis kong tinamasa ang pakiramdam ng tinitingala at sinasamba. Sa daan pabalik mula sa mga pulong, inalala ko ang mga ekspresyon ng paghanga at pagpapahalaga ng mga kapatid ko, at hindi ko mapigilan na makaramdam ng tuwa. Ang paghanga at pagtingala sa akin ng napakarami ay nagbigay sa akin ng motibasyon sa aking mga tungkulin. Pero habang wiling-wili ako sa galak ng pagiging sinasamba, humarap ako sa hindi inaasahang pagtatabas at pagwawasto.
Isang araw, pinuntahan ako ng lider ng iglesia na nagsabi, “Hiniling ko sa mga kapatid na suriin ka sa eleksyon ng iglesiang ito, at sinasabi ng lahat na mahilig kang magpasikat.” Nang marinig ko ito, biglang namula sa kahihiyan ang mukha ko. Naisip ko, “Paano nila nasabing lahat na mahilig akong magpasikat? Ano ba ang iniisip ng lider tungkol sa akin? Paano ko haharapin ulit ang sinuman?” Nataranta akong ipaliwanag ang sarili ko, “Inaamin ko na mayabang talaga ako at minsa’y nagpapasikat ako nang hindi sinasadya, pero hindi ko sinasadyang magpasikat. Nagsasalita lang ako tungkol sa sarili kong karanasan sa mga pagtitipon.” Nakita ng lider na hindi ko kilala ang sarili ko, at sabi niya, “Nagsasalita ka tungkol sa sarili mong karanasan, pero bakit tinitingala ka ng mga kapatid at bakit sila umaasa sa iyo sa halip na umasa sa Diyos at hanapin ang katotohanan? Sinasabi mong hindi mo sinasadyang magpasikat, pero bakit hindi ka nagsasalita tungkol sa sarili mong katiwalian, mga kakulangan, pagkanegatibo, kahinaan, o sa iyong aktwal na saloobin? Nagsasalita ka lang tungkol sa mabuti, hindi sa sarili mong katiwalian o kahinaan. Nagbibigay iyon ng impresyon na hinahanap mo ang katotohanan at alam mo kung paano dumanas. Hindi ba iyon pagtataas lang sa sarili mo at pagpapasikat?” Wala akong sagot sa kung anong inilantad ng lider. Nagsalita lang ako tungkol sa matagumpay kong karanasan sa mga pagtitipon, pero hindi ako kailanman nagtapat tungkol sa mga paglihis at kabiguan ko sa aking mga tungkulin. Talagang nagpasikat nga ako. Habang iniisip kung paano ako nagpasikat sa harap ng maraming kapatid, at kung paanong may pagkakilala na sila sa akin ngayon, hiyang-hiya ako na parang gusto kong matunaw sa lupa. Habang lalo akong nag-iisip, mas lalo akong nagiging miserable, at hindi ko mapigilang umiyak. Lumuhod ako sa harap ng Diyos at nagdasal, “Diyos ko, ayoko nang magpasikat. Patnubayan Mo po ako, para makapagnilay ako at makilala ang sarili ko.”
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dinadakila at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksiyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang dumadakila at nagpapatotoo ang mga tao sa mga sarili nila? Paano nila natatamo ang ganitong layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan dinadakila nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming mga tao ang papahalagahan, hahangaan, gagalangin, at maging ipipitagan, idadambana, at susundan sila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran. Walang kahihiyan ang mga taong ito: Walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, mga matatalas na kapamaraanan sa pag-asal, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila ay upang ipagmarangya ang mga sarili nila at maliitin ang iba. Nagkukunwari rin sila at nagbabalatkayo, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba ito isang paraan ng pagdadakila at pagpapatotoo sa mga sarili nila? Ang pagdadakila at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsiyensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Ganap na walang kapintasan ang mga kuwento nila; malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at mga pakana ang mga salita nila, nagpapakitang-gilas sila, gayunpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili). Tumagos sa puso ko ang inihayag ng salita ng Diyos. Hindi ba’t ang asal ko’y ang mismong pagpapasikat na ito? Sa mga pagtitipon, nagsalita lang ako tungkol sa sarili kong pagdurusa at matatagumpay na resulta sa mga tungkulin ko. Nang maharap ang mga kapatid ko sa mga problemang hindi nila alam kung paano lutasin, hindi ako nagbahagi ng katotohanan, hindi ko sila tinulungang unawain ang kalooban ng Diyos, at malaman kung paano umasa sa Diyos sa kanilang mga tungkulin. Sa halip, nagpatotoo ako tungkol sa sarili kong pagdurusa at kakayahan sa paglutas ng mga problema. Palagi akong nagsasalita tungkol sa kung gaano kalayo ang nilakbay ko at ang halagang binayaran ko para magdilig ng mga tao. Hindi ako nagsalita kailanman tungkol sa mga kahinaan o kakulangang inilantad ko nang magkaroon ako ng mga paghihirap. Palagi akong nagsasalita kung paano ako nagtiis ng mga pasanin at nagsaalang-alang ng kalooban ng Diyos, kung paano ko hinanap ang katotohanan para lutasin ang mga bagay nang may mga problema ang aking mga kapatid, o kung gaano karami ang dumalo sa mga pulong at tumupad sa kanilang mga tungkulin dahil sa aking pagdidilig at suporta, para isipin ng iba na naunawaan ko ang katotohanan at magaling akong lumutas ng mga problema. Malinaw na salita ng Diyos ang nagpahintulot sa mga kapatid na iyon na maunawaan ang katotohanan, magkaroon ng pananampalataya, at naisin na tuparin ang kanilang mga tungkulin. Ito ay mga resultang nakakamit ng salita ng Diyos. Pero hindi ako nagbigay-papuri sa Diyos o nagpatotoo sa salita at gawain ng Diyos. Ipinaisip ko sa iba na ako ang lumutas ng mga problema ng mga kapatid ko. Ang pagkarinig sa karanasan ko ay hindi nagbigay sa sinuman ng kaalaman sa Diyos; sa halip ay sinamba nila ako. Hindi sila umasa sa Diyos o naghanap ng katotohanan kapag mayroon silang mga problema. Sa halip, hinanap nila ang pagbabahagi ko para lutasin ang mga bagay-bagay. Itinuring nila ako bilang isang taong kayang magligtas sa mga buhay nila. Kung magpapatuloy ang mga bagay na ito, hindi ba’t dinadala ko sila sa harap ko? Kahit na ganoon, hindi ko naramdaman na itinataas ko ang sarili ko o nagpapasikat ako. Inakala ko pa rin na tinatalakay ko lang ang sarili kong tunay na karanasan. Nakita ko na nagkaroon ako ng mga kasuklam-suklam na mga layunin nang tinalakay ko ang mga karanasan ko. Sinubukan kong magkaroon ng isang mataas na posisyon sa puso ng mga tao. Habang lalo akong nag-iisip, lalo kong naramdaman na kasuklam-suklam ako at walang kahihiyan. Biyaya ng Diyos kaya napangasiwaan ko ang gawain ng pagdidilig, at ang kalooban Niya ay ang magbahagi ako tungkol sa Kanyang salita upang malutas ang mga problema, akayin ang mga tao sa harap ng Diyos, at tulungan silang maunawaan ang katotohanan at makilala ang Diyos. Pero sa mga tungkulin ko, palagi akong nagpasikat para sambahin ako ng mga tao. Nakita ko ang mga epekto ng gawain ng Banal na Espiritu bilang mga epekto ng sarili kong pagsisikap at ginamit iyon bilang kapital para ipagyabang ang sarili ko. Ninakaw ko ang kaluwalhatian ng Diyos at tinamasa ang paghanga at pagsamba ng aking mga kapatid, at hindi man lang ako nakaramdam ng hiya. Wala ako ni katiting na konsiyensya at katwiran! Tinabasan at iwinasto ako ng lider ko upang makapagnilay ako tungkol sa maling landas na tinahak ko at baguhin ang aking direksyon sa oras, na pagmamahal ng Diyos at kaligtasan para sa akin! Alam kong hindi na ako puwedeng lumaban at tumutol sa Diyos. Kailangan kong magsisi kaagad. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang ibig sabihin ng pagbabahagi at pagpaparating ng iyong mga karanasan ay pakikipagbahaginan ng iyong karanasan at kaalaman sa mga salita ng Diyos. Ito ay tungkol sa pagpapahayag sa bawat kaisipang nasa iyong puso, sa iyong kalagayan, at sa tiwaling disposisyong nahahayag sa iyo. Tungkol ito sa pagpapahintulot sa ibang makilatis ang mga bagay na ito, at pagkatapos ay lutasin ang problema sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan. Kapag ang mga karanasan ay ipinagbahaginan sa ganitong paraan, saka lamang makikinabang ang lahat at maaani ang mga gantimpala. Ito lamang ang tunay na buhay-iglesia” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Nang pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan kong ang pagbabahagi sa karanasan ay hindi dapat naglalaman ng mga personal na layunin, ambisyon, at hangarin. Dapat kong buksan ang puso ko at sabihin sa mga kapatid ko kung ano ang nilalaman nito. Positibo man o negatibo, dapat kong ipagtapat palagi sa aking mga kapatid ang tungkol sa totoo kong kalagayan, para magawa nilang tanggapin ang positibo at matutunang kilalanin ang negatibo mula sa aking karanasan, makikita nilang suwail din ako at tiwali, at maaaring maging negatibo at mahina, at hindi nila ako titingalain o hahangaan. Sa ganoong paraan, matuturuan sila ng karanasan ko ng mga aral at matutulungan sila na umiwas sa mga maling landas. Kinabukasan sa pagtitipon, nagkaroon ako ng lakas ng loob na talakayin ang kalagayan ko. Sinuri at inilabas ko kung paano ako nagpapasikat para tingalain ng iba noong panahong iyon, at kung paano ako nagnilay at nakilala ang sarili ko. Nakaramdam ako ng matinding seguridad at galak pagkatapos ng pagtitipon na iyon.
Kalaunan, narinig kong isang sister ang napakalungkot. Nang mag-usap kami, sabi niya, “Sa mga pulong lagi kong naririnig ang mga karanasan mo at kung paano mo epektibong natutulungan ang iba, pero wala akong mga katotohanang realidad, at mababa talaga ang kakayahan ko. Kapag dumarating ang mga problema, hindi ko malutas ang mga ito. Masyado iyong nakaliligalig. Hindi ko kayang gawin ang tungkuling ito.” Pagkarinig sa sinabi niya, hiyang-hiya ako. Naisip ko, “Ako talaga ang dapat sisihin dahil sa pagiging negatibo niya. Hindi ko pinuri ang Diyos sa mga tungkulin ko, hindi ko nilutas ang mga praktikal na paghihirap ng aking mga kapatid sa kanilang pagpasok sa buhay, at palagi akong nagyayabang at nagpapasikat, dahilan para maging mali ang isipin niya na naunawaan ko ang katotohanan at may tayog ako. Hindi ko na puwedeng ulitin ang pagkakamali ko. Kailangan kong magtapat at ihayag ang sarili ko sa kanya.” Kaya, sinabi ko sa kanya ang kalagayan ko, at paano ako nagpasikat noong panahong iyon. Ipinaalam ko sa kanya na may mga pagkukulang din ako, na mahina ako kapag nahaharap ako sa mga paghihirap, at ang totoo’y hindi talaga ako nagtataglay ng mga katotohanang realidad, na ang mga resulta ng tungkulin ko ay nanggaling sa gawain at patnubay ng Banal na Espiritu, at hindi ko magagawa ang anuman nang ako lang. Naantig ang sister ko at sabi niya, “Ipinaunawa sa akin ng pagbabahagi mo na hindi ko hinahanap ang katotohanan, na wala akong lugar para sa Diyos sa puso ko, at tinitingala ko ang mga panlabas na kaloob, sinasamba ko ang iba, at hindi ko naunawaan na ang lahat ng tagumpay ay mula sa gawain at patnubay ng Banal na Espiritu. Ayoko nang maging negatibo at mahina sa gitna ng mga problema. Gusto kong umasa sa Diyos at tuparin ang mga tungkulin ko.” Natuwa talaga ako nang marinig ko ang kapatid ko na magsalita nang ganito.
Matapos iyon, nagsimula akong magnilay sa sarili ko. Bakit natahak ko pa rin ang landas na ito nang hindi sinasadya kahit na alam kong paglaban sa Diyos ang pagpapasikat? Ano ba ang nangyayari rito? Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Suriin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Mula sa inihayag ng salita ng Diyos, naunawaan kong gusto kong magpasikat sa aking mga kapatid at tingalain nila ako at hangaan dahil kontrolado ako ng likas kong kayabangan. Dahil likas na napakayabang ko, kapag nagbunga ng kaunting resulta ang mga tungkulin ko, nagsisimula akong humanga sa sarili ko. Para maipakita na namumukod-tangi ako at nakahihigit sa iba, nagyayabang ako sa mga pagtitipon at ipinagmamalaki ang mga tagumpay ko sa gawain ko. Tungkol sa mga paghihirap ko, mga kahinaan, ang pagiging suwail ko at tiwali, wala akong sinabing anuman. Nang purihin ako ng mga kapatid, wala akong nadamang takot. Sa halip, naging napakasaya ko, at walang kahihiyan kong tinamasa ang paghanga at pagsamba nila. Labis na nasiyahan si Pablo sa mga pagtitipon at pangangaral, inangkin niya ang mga epekto ng gawain ng Banal na Espiritu bilang sarili niyang kapital, nagpasikat at pinuri niya ang sarili niya kahit saan para manlinlang ng mga tao. Dinala niya sa sarili niya ang lahat ng mananampalataya, kaya kahit ngayon, makalipas ang dalawang libong taon, sinasamba at pinupuri siya ng buong mundo ng relihiyon, tinatrato ang mga salita niya bilang salita ng Diyos, at wala ni katiting na kaalaman tungkol sa Panginoong Jesus. Si Pablo ay may kalikasang mapagmataas at mapagmagaling, at walang paggalang sa Diyos; tinahak niya ang landas ng isang anticristo na lumalaban sa Diyos. Sinakop niya ang posisyon ng Diyos sa puso ng mga tao, lubhang nilabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at pinarusahan at isinumpa ng Diyos. Hindi ba’t katulad ng kay Pablo ang disposisyon ko? Mapagmataas din ako, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, gustong purihin ang sarili ko at magpasikat, at paligiran ang sarili ko ng mga tao. Bunga nito, matapos ang mga buwan ng aking “pagganap,” tiningala at sinamba ako ng lahat, at wala nang lugar para sa Diyos sa kanilang mga puso. Nang nagkaroon ng mga problema, sa halip na Diyos, ako ang hinanap nila. Hindi ba’t lumalaban ako sa Diyos at pinipinsala ang mga kapatid? Hindi ba’t tinatahak ko ang landas ng isang anticristo? Noon ko lang nakita na nasa panganib ako, at na kontrolado ako ng mapagmataas kong kalikasan. Paulit-ulit, walang kahihiyan akong nagpasikat at nagyabang tungkol sa sarili ko, nilinlang ko ang mga kapatid para sambahin ako, at kung minsan, mayroon pa akong mga kasuklam-suklam na layunin o gumamit ako ng mga panlilinlang para makapagpasikat. Napakakasuklam-suklam ko! Napuno ako ng pagkasuklam at pagkamuhi sa sarili ko nang maisip ko ito, at isinumpa ko sa sarili ko na hindi na ulit ako magpapasikat kailanman.
Pagkatapos noon, napanood ko ang isang video ng pagbabasa ng salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang Diyos ang Lumikha, at ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ang pinakamataas. Ang Diyos ay nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at kapangyarihan, at mayroon Siyang sariling disposisyon at mga pag-aari at pag-iral. May sinuman bang nakakaalam kung ilang taon nang gumagawa ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan at lahat ng nilikha? Ang partikular na bilang ng mga taon na gumagawa at namamahala ang Diyos sa lahat ng sangkatauhan ay hindi alam; walang makapagbibigay ng tiyak na bilang, at hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito sa sangkatauhan. Gayunpaman, kung gagawa si Satanas ng ganitong bagay, iuulat ba nito ito? Tiyak na gagawin nito iyon. Gusto nitong ipangalandakan ang sarili para linlangin ang mas maraming tao at ipaalam sa mas maraming tao ang mga kontribusyon nito. Bakit hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito? May mapagkumbaba at nakatagong aspeto sa diwa ng Diyos. Ano ang kabaligtaran ng pagiging mapagpakumbaba at tago? Ito ay ang pagiging mayabang at pagpapakitang-gilas. … Hinihingi ng Diyos na magpatotoo sa Kanya ang mga tao, ngunit nagpatotoo na ba Siya sa Kanyang sarili? (Hindi.) Sa kabilang banda, natatatakot si Satanas na hindi malalaman ng mga tao ang kahit pinakamaliliit na bagay na ginagawa nito. Hindi naiiba ang mga anticristo: Ipinagmamalaki nila ang bawat maliit na bagay na ginagawa nila sa harap ng lahat. Sa pakikinig sa kanila, para bang nagpapatotoo sila sa Diyos—ngunit kung pakikinggan mo sila nang mabuti, matutuklasan mong hindi sila nagpapatotoo sa Diyos, kundi nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanilang sarili. Ang nag-uudyok at diwa sa likod ng sinasabi nila ay ang makipagtunggali sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang, at para sa katayuan. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang masamang kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na ‘mapagpakumbaba’ si Satanas? Ang ‘kababaang-loob’ ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, ‘Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.’ Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tumalikod sa mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspeto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Nahiya ako nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang Lumikha. Mayroon Siyang awtoridad at kapangyarihan. Nasa Kanya ang pinakadakilang pagkakakilanlan at pinakamataas na katayuan. Pero personal na pumarito sa katawang tao ang Diyos para iligtas ang tiwaling sangkatauhan, at tahimik Niyang ipinapahayag ang katotohanan para tustusan at iligtas ang mga tao. Hindi Niya kailanman ginamit ang katayuan ng pagiging Diyos para magpasikat, ni hindi Siya nagsasalita kung gaano karaming gawain ang nagawa Niya para iligtas ang sangkatauhan o kung gaano karaming kahihiyan at sakit ang tinitiis Niya. Sa halip, nananatili Siyang mapagkumbaba at natatago sa gitna ng mga tao, ginagawa ang Kanyang gawain ng pagdidilig at pagliligtas ng sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay napakabanal, napakabait at napakabuti! Isa akong taong lubos na marumi na labis na ginawang tiwali ni Satanas, wala akong halaga sa mga mata ng Diyos, pero walang kahihiyan kong itinaas ang sarili ko, nagpasikat ako, at idinulot sa iba na tingalain at sambahin ako. Napakamapagmataas ko talaga na nawala ako sa katwiran, at naging hindi ako karapat-dapat na mabuhay sa harap ng Diyos! Sa sandaling iyon, lalo akong nakadama ng kahihiyahan sa kayabangan ko, sa pagpapasikat ko, at pagpapakitang-gilas. Napaluhod ako sa harapan ng Diyos at nanalangin, “Diyos ko, sa pamamagitan po ng Iyong paghatol at paghahayag, nakita ko pong nabubuhay ako na walang wangis ng tao, at ayoko na pong mamuhay nang ganito. Diyos ko, gabayan Mo po ako, turuan Mo po akong isagawa ang katotohanan, at magpatotoo sa Iyo.”
Nakita ko ang salita ng Diyos: “Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon). Nakakita ako ng mga landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Ang tunay na pagbabahagi ay hindi pagsasalita ng tungkol sa mga matagumpay na karanasan para makapagyabang. Pagpapatotoo ito kung paano humahatol, naglilinis, at nagliligtas ang Diyos sa atin. Kailangang maibunyag ang pagiging suwail ng isang tao, ang katiwalian niya, at ang kanyang kasuklam-suklam na mga layunin at ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos, at magsalita kung paano nila makikilala ang kanilang sarili kalaunan sa pamamagitan ng pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paraang ito ay magtatamo ang iba ng pagkakilala sa tunay na mukha ng kanilang sariling katiwalian at magkakaroon ng kaalaman sa gawain ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Ito ang paraan para makita nila ang pagliligtas ng Diyos sa mga tao, at ang Kanyang pag-ibig para sa mga tao. Sa pagbabahagi lamang sa ganitong paraan makapagpapatotoo ang isang tao sa Diyos. Nang maunawaan ko ang mga landas na ito ng pagsasagawa, nagsimula akong sadyang isagawa ang mga iyon. Sa isang pagtitipon, nagsalita ang isang brother tungkol sa paghahangad ng reputasyon at katayuan sa mga tungkulin niya. Ikinumpara niya ang sarili niya sa lahat, naging miserable siya dahil doon, at hindi alam kung paano iyon lulutasin. Habang naririnig ko siyang inilalarawan ang kalagayan niya, naisip ko, “Kung malulutas ko ang problema niya, kapag nagsalita siya tungkol sa karanasan niya sa hinaharap, sasabihin niyang ang pagbabahagi ko ang dahilan kaya nabago niya ang kanyang kalagayan. Titingalain ako ng mga kapatid at sasabihing nauunawaan ko ang katotohanan at mayroon akong tayog. Kailangan kong buuhin ang mga salita at ideya sa aking pagbabahagi at sabihin sa kanya ang lahat ng tungkol sa karanasan ko.” Noong sandaling iyon, nakaramdam ako ng pagsisisi sa sarili nang bigla kong napagtantong muntik na naman akong magpakita ng isang satanikong pagsasagawa. Nasuklam ako sa ideyang binuo ko sa isip ko, na para bang nakalunok ako ng isang patay na langaw. Kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos para humingi ng lakas na talikuran ang sarili ko at purihin at patotohanan ang Diyos sa pagkakataong ito. Kalaunan, sinabi ko sa brother ang tungkol sa kabiguan ko nang mapalitan ako dahil sa paghahangad at paglaban para sa reputasyon at katayuan. Sinabi ko rin kung paanong, sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, nagawa kong magnilay, makilala ang sarili ko, at magkamit ng kaunting pagbabago. Matapos ang aking pagbabahagi, kinilala ng brother na masyado siyang likas na mapagmataas, at na ang paghahanap ng reputasyon at katayuan ang landas ng anticristo, at gusto niyang magsisi. Habang naririnig ko ang pagbabahagi ng aking brother, nagpasalamat ako sa Diyos sa puso ko. Ito ay patnubay at gawain ng Diyos.
Pagkatapos noon, sa pagbabahagi ko sa mga kapatid sa mga pagtitipon, bagaman nagpapasikat pa rin ako minsan, hindi na ito kasing halata o kasing lala gaya noon. Minsa’y naisip kong magpasikat, pero nang maramdaman ko iyon, nagdasal ako sa Diyos at natalikdan ang sarili ko. Unti-unti, pabawas nang pabawas ang pagpapasikat ko, at medyo naging makatwiran sa aking mga salita at kilos. Labis akong nagpapasalamat sa pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos!