Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon

Ang malaman ang gawain ng Diyos sa mga panahong ito, halos karaniwan, ay ang malaman kung ano ang pangunahing ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, at kung ano ang gagawin Niya sa lupa. Nabanggit Ko na dati sa Aking mga salita na naparito ang Diyos sa lupa (sa mga huling araw) para magtakda ng isang halimbawa bago lumisan. Paano itinatakda ng Diyos ang halimbawang ito? Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita, at sa paggawa at pagsasalita sa buong lupain. Ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw; nagsasalita lamang Siya, para gawing isang mundo ng mga salita ang lupa, upang bawat tao ay matustusan at maliwanagan ng Kanyang mga salita, at upang ang espiritu ng tao ay mapukaw at magkamit ng kalinawan tungkol sa mga pangitain. Sa mga huling araw, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao sa lupa una sa lahat upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Dumating Siya una sa lahat para ipahayag ang Kanyang mga salita, gumamit Siya ng mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at liwanagan ang tao, at alisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Hindi ito ang yugto ng gawaing ginawa ni Jesus nang Siya ay pumarito. Nang pumarito si Jesus, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos na magpapako sa krus. Bunga nito, sa mga haka-haka ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinalaganap Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalisan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga haka-haka ng tao, kaya wala na ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang aktwal na mga salita at aktwal na gawain, ang Kanyang paggalaw sa lahat ng lupain, at ang natatanging tunay at normal na gawaing ginagawa Niya sa tao, ipinapaalam Niya sa tao ang realidad ng Diyos, at inaalisan ng puwang ang malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.

Ang kailangan ninyong malaman:

1. Ang gawain ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan, at hindi ka dapat magkaroon ng mga haka-haka tungkol doon.

2. Kailangan ninyong maunawaan ang pangunahing gawaing gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao kaya Siya naparito.

Hindi Siya naparito para pagalingin ang mga maysakit, o palayasin ang mga demonyo, o magsagawa ng mga himala, at hindi Siya naparito para ipalaganap ang ebanghelyo ng pagsisisi, o tubusin aang tao. Iyon ay dahil nagawa na ni Jesus ang gawaing ito, at hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Ngayon, naparito ang Diyos para wakasan ang Kapanahunan ng Biyaya at itapon ang lahat ng pagsasagawa ng Kapanahunan ng Biyaya. Naparito ang praktikal na Diyos una sa lahat para ipakita na Siya ay tunay. Nang pumarito si Jesus, nagpahayag Siya ng ilang salita; nagpakita Siya una sa lahat ng himala, nagsagawa ng mga tanda at kababalaghan, at nagpagaling ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, o kung hindi man ay nagpahayag Siya ng mga propesiya upang makumbinsi ang mga tao at ipakita sa kanila na totoong Siya ang Diyos, at na isa Siyang Diyos na walang kinikilingan. Sa huli, tinapos Niya ang gawaing magpapako sa krus. Ang Diyos ng ngayon ay hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, ni hindi Siya nagpapagaling ng mga maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo. Nang pumarito si Jesus, ang gawaing Kanyang ginawa ay kumatawan talaga sa isang bahagi ng Diyos, ngunit sa pagkakataong ito ay naparito ang Diyos para gawin ang yugto ng gawaing kinakailangan, sapagkat hindi inuulit ng Diyos ang iisang gawain; Siya ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman naluluma, kaya naman lahat ng nakikita mo ngayon ay ang mga salita at gawain ng praktikal na Diyos.

Ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay naparito una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita, ipaliwanag ang lahat ng kinakailangan sa buhay ng tao, ituro ang dapat pasukin ng tao, ipakita sa tao ang mga gawa ng Diyos, at ipakita sa tao ang karunungan, walang-hanggang kapangyarihan, at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Sa pamamagitan ng maraming paraan ng pagsasalita ng Diyos, namamasdan ng tao ang pangingibabaw ng Diyos, ang kalakhan ng Diyos, at, bukod dito, ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Nakikita ng tao na ang Diyos ay kataas-taasan, ngunit na Siya ay mapagpakumbaba at tago, at maaaring maging pinakaaba sa lahat. Ang ilan sa Kanyang mga salita ay ipinapahayag mula sa pananaw mismo ng Espiritu, ang ilan ay mula sa pananaw mismo ng tao, at ang ilan ay mula sa pananaw ng pangatlong tao. Dito, makikita na ang paraan ng gawain ng Diyos ay malaki ang pagkakaiba, at sa pamamagitan ng mga salita ay tinutulutan Niyang makita ito ng tao. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay kapwa normal at tunay, at dahil dito ay isinasailalim ang grupo ng mga tao sa mga huling araw sa pinakamatindi sa lahat ng pagsubok. Dahil sa normalidad at realidad ng Diyos, lahat ng tao ay nakapasok sa gitna ng gayong mga pagsubok; nasadlak ang tao sa mga pagsubok ng Diyos dahil sa normalidad at realidad ng Diyos. Noong kapanahunan ni Jesus, walang mga haka-haka o pagsubok. Dahil karamihan sa gawaing ginawa ni Jesus ay umayon sa mga haka-haka ng tao, sinundan Siya ng mga tao, at wala silang mga haka-haka tungkol sa Kanya. Ang mga pagsubok sa ngayon ang pinakamatinding nakaharap ng tao, at kapag sinabi na ang mga taong ito ay nakalabas mula sa malaking kapighatian, ito ang kapighatiang tinutukoy. Ngayon, nagsasalita ang Diyos para matutong manampalataya, magmahal, tumanggap ng pagdurusa, at sumunod ang mga taong ito. Ang mga salitang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay ipinahayag alinsunod sa kalikasang diwa ng tao, ugali ng tao, at dapat pasukin ng tao ngayon. Ang Kanyang mga salita ay kapwa tunay at normal: Hindi Siya nagsasalita tungkol sa kinabukasan, ni hindi Siya lumilingon sa kahapon; nagsasalita lamang Siya tungkol sa dapat pasukin, isagawa, at unawain ngayon. Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng mga maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, isang huwad ito na gawa ng masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakumpleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga haka-haka ng tao; halimbawa, ipinropesiya sa Lumang Tipan ang pagparito ng isang Mesiyas, at ang resulta ng propesiyang ito ay ang pagparito ni Jesus. Dahil nangyari na ito, magiging mali na muling may pumaritong isa pang Mesiyas. Pumarito nang minsan si Jesus, at magiging mali kung paparitong muli si Jesus sa pagkakataong ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at bawat pangalan ay may paglalarawan ng kapanahunang ito. Sa mga haka-haka ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtaboy pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng mga maysakit—kung gagawin Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong ginagaya ng masasamang espiritu, at matapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, ginagaya ito ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa iyo ang tungkol dito. Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi nagpapalayas ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga maysakit ang Diyos ngayon? Kung pareho ang gawain ni Jesus sa gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang kinatawan na Niya ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari kayang natapos Niya ang gawaing magpapako sa krus? Kung si Jesus, tulad noong Kapanahunan ng Kautusan, ay pumasok sa templo at sinunod ang Sabbath, wala sanang nang-usig sa Kanya at tinanggap sana Siya ng lahat. Kung nagkagayon, maaari kayang naipako Siya sa krus? Natapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging kabuluhan kung nagpakita ng mga tanda at kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Kung ginagawa ng Diyos ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa mga huling araw, isang kumakatawan sa bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala, saka lamang magkakaroon ang tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, at saka lamang matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos.

Sa mga huling araw, naparito ang Diyos una sa lahat upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa pananaw ng Espiritu, mula sa pananaw ng tao, at mula sa pananaw ng pangatlong tao; nagpapahayag Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang pamamaraan ng pagpapahayag para baguhin ang mga haka-haka ng tao at tanggalin ang larawan ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na naparito ang Diyos para magpagaling ng mga may sakit, magtaboy ng mga demonyo, magsagawa ng mga himala, at magkaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay mula sa mga haka-haka ng tao, upang malaman ng tao ang realidad at normalidad ng Diyos, at upang maalis sa puso niya ang larawan ni Jesus at mapalitan ng panibagong larawan ng Diyos. Sa sandaling tumanda ang larawan ng Diyos sa kalooban ng tao, nagiging isang diyus-diyusan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito una sa lahat ay ang paglalaan ng mga salita para sa buhay ng tao; ang paglalantad ng kalikasang diwa ng tao at ang kanyang tiwaling disposisyon, at ang pag-aalis ng mga haka-hakang pangrelihiyon, piyudal na pag-iisip, at lipas na pag-iisip, at ang kaalaman at kultura ng tao ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ilantad ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makikita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at mauunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mapagmamasdan ng tao ang mga gawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, inakay ni Jehova si Moises palabas ng Ehipto gamit ang Kanyang mga salita, at nagpahayag ng ilang salita sa mga Israelita; noon, bahagi ng mga gawa ng Diyos ang ginawang payak, ngunit dahil limitado ang kakayahan ng tao at walang maaaring kumumpleto sa Kanyang kaalaman, patuloy na nagpahayag at gumawa ang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nakitang muli ng tao ang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Nagawang magpakita ni Jesus ng mga tanda at kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at magpapako sa krus, at pagkaraan ng tatlong araw ay nabuhay Siyang mag-uli at nagpakita sa katawang-tao sa harap ng tao. Tungkol sa Diyos, wala nang ibang alam ang tao na higit pa rito. Ang nalalaman ng tao ay kasindami lamang ng ipinakikita ng Diyos sa kanya, at kung wala nang ibang ipapakita ang Diyos sa tao, iyon ang magiging lawak ng limitasyon ng tao sa Diyos. Sa gayon, patuloy na gumagawa ang Diyos, upang mas lumalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya, at upang unti-unting malaman ng tao ang diwa ng Diyos. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang gawing perpekto ang tao. Ang iyong tiwaling disposisyon ay ibinubunyag ng mga salita ng Diyos, at ang iyong mga haka-hakang pangrelihiyon ay pinapalitan ng realidad ng Diyos. Ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay naparito una sa lahat para tuparin ang mga salitang, “ang Salita ay nagkatawang-tao, ang Salita ay dumating sa loob ng katawang-tao, at ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at kung wala kang masusing kaalaman tungkol dito, hindi ka magiging matatag. Sa mga huling araw, layon ng Diyos una sa lahat na magsakatuparan ng isang yugto ng gawain kung saan nagpapakita ang Salita sa katawang-tao, at ito ay isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa gayon, kailangang maging malinaw ang inyong kaalaman; paano man gumagawa ang Diyos, hindi pinahihintulutan ng Diyos na limitahan Siya ng tao. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawaing ito sa mga huling araw, hindi na lalago pa ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Malalaman mo lamang na ang Diyos ay maaaring ipako sa krus at maaaring wasakin ang Sodoma, at na si Jesus ay maaaring buhaying muli mula sa mga patay at magpakita kay Pedro…. Ngunit hindi mo sasabihin kailanman na ang mga salita ng Diyos ay maaaring isakatuparan ang lahat, at maaaring lupigin ang tao. Maaari mo lamang ipahayag ang gayong kaalaman sa pamamagitan ng pagdanas ng mga salita ng Diyos, at habang mas maraming gawain ng Diyos ang nararanasan mo, mas masusi ang magiging kaalaman mo sa Kanya. Saka ka lamang titigil sa paglimita sa Diyos ayon sa sarili mong mga haka-haka. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang gawain; wala nang ibang tamang paraan para makilala ang Diyos. Ngayon, maraming taong walang ginagawa kundi maghintay na makita ang mga tanda at kababalaghan at ang panahon ng matitinding kalamidad. Naniniwala ka ba sa Diyos, o naniniwala ka sa matitinding kalamidad? Kapag dumating ang matitinding kalamidad magiging huli na ang lahat, at kung hindi magbubuhos ang Diyos ng matitinding kalamidad, hindi ba Siya Diyos? Naniniwala ka ba sa mga tanda at kababalaghan, o naniniwala ka ba sa Diyos Mismo? Hindi nagpakita si Jesus ng mga tanda at kababalaghan nang kutyain Siya ng iba, ngunit hindi ba Siya Diyos? Naniniwala ka ba sa mga tanda at kababalaghan, o naniniwala ka ba sa diwa ng Diyos? Mali ang mga pananaw ng tao tungkol sa paniniwala sa Diyos! Nagpahayag si Jehova ng maraming salita sa Kapanahunan ng Kautusan, ngunit kahit ngayo’y hindi pa natutupad ang ilan sa mga iyon. Masasabi mo ba na hindi Diyos si Jehova?

Ngayon, dapat ay malinawan ninyong lahat na, sa mga huling araw, ang katotohanan una sa lahat na “ang Salita ay nagkatawang-tao” ang isinasakatuparan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang aktwal na gawain sa lupa, ginagawa Niyang makilala Siya ng tao at makipag-ugnayan sa Kanya, at makita ang Kanyang aktwal na mga gawa. Ginagawa Niya na malinaw na makita ng tao na kaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at na mayroon ding mga pagkakataon na hindi Niya nagagawa iyon; nakadepende ito sa kapanahunan. Mula rito, makikita mo na may kakayahan ang Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit sa halip ay binabago Niya ang Kanyang paraan ng paggawa ayon sa gawaing gagawin at ayon sa kapanahunan. Sa kasalukuyang yugto ng gawain, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; nagpakita Siya ng ilang tanda at kababalaghan sa kapanahunan ni Jesus dahil iba ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon. Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing iyon ngayon, at naniniwala ang ilang tao na hindi Niya kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, o kaya ay iniisip nila na kung hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi Siya Diyos. Hindi ba isang kamalian iyan? Kaya ng Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit gumagawa Siya sa ibang kapanahunan, kaya nga hindi Siya gumagawa ng gayong gawain. Dahil ito ay ibang kapanahunan, at dahil ito ay ibang yugto ng gawain ng Diyos, ang mga gawang ginawang payak ng Diyos ay iba rin. Ang paniniwala ng tao sa Diyos ay hindi paniniwala sa mga tanda at kababalaghan, ni hindi paniniwala sa mga himala, kundi paniniwala sa Kanyang tunay na gawain sa bagong kapanahunan. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at ang kaalamang ito ay nagbubunga sa tao ng paniniwala sa Diyos, na ibig sabihin, paniniwala sa gawain at mga gawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, nagsasalita lamang ang Diyos. Huwag hintaying makakita ng mga tanda at kababalaghan; wala kang makikitang anuman! Ito ay dahil hindi ka isinilang sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinilang ka noon, maaaring nakakita ka ng mga tanda at kababalaghan, ngunit isinilang ka sa mga huling araw, kaya nga ang nakikita mo lamang ay ang realidad at normalidad ng Diyos. Huwag mong asahang makita ang kahima-himalang Jesus sa mga huling araw. Nagagawa mo lamang makita ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao, na hindi naiiba sa sinumang normal na tao. Sa bawat kapanahunan, ginagawang payak ng Diyos ang iba’t ibang mga gawa. Sa bawat kapanahunan, ginagawa Niyang payak ang bahagi ng mga gawa ng Diyos, at ang gawain ng bawat kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Ang mga gawang ginagawa Niyang payak ay iba-iba ayon sa kapanahunan kung saan Siya gumagawa, ngunit lahat ay nagbibigay sa tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, isang paniniwala sa Diyos na mas totoo at praktikal. Naniniwala ang tao sa Diyos dahil sa lahat ng gawa ng Diyos, dahil ang Diyos ay lubhang kamangha-mangha, napakadakila, dahil Siya ay makapangyarihan at hindi maarok. Kung naniniwala ka sa Diyos dahil kaya Niyang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan at magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, mali ang pananaw mo, at sasabihin sa iyo ng ilang tao, “Hindi ba nagagawa rin ng masasamang espiritu ang gayong mga bagay?” Hindi ba ito nililito ang larawan ng Diyos sa larawan ni Satanas? Ngayon, ang paniniwala ng tao sa Diyos ay dahil sa Kanyang maraming gawa at sa napakaraming gawaing Kanyang ginagawa at sa maraming paraan ng Kanyang pagpapahayag. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga pahayag para lupigin ang tao at gawin siyang perpekto. Naniniwala ang tao sa Diyos dahil sa Kanyang maraming gawa, hindi dahil sa nakakaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan; nakikilala lamang ng mga tao ang Diyos sa pagsaksi sa Kanyang mga gawa. Sa pag-alam lamang sa aktwal na mga gawa ng Diyos, kung paano Siya gumagawa, anong matatalinong pamamaraan ang ginagamit Niya, paano Siya magsalita, at paano Niya ginagawang perpekto ang tao—sa pag-alam lamang sa mga aspetong ito—maaari mong maintihan ang realidad ng Diyos at maunawaan ang Kanyang disposisyon, na nababatid kung ano ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, at paano Siya gumagawa sa tao. Sa pag-unawa sa mga gusto at ayaw ng Diyos, maaari mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo, at sa pamamagitan ng iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay may pag-unlad sa buhay mo. Sa madaling salita, kailangang magtamo ka ng isang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, at kailangang ituwid mo ang iyong mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos.

Sinundan: Dapat Mong Malaman na ang Praktikal na Diyos ay ang Diyos Mismo

Sumunod: Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito