Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?
Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat pasalamatan ng bawat isa sa inyo kung paano ninyo tunay na natamo ang sukdulang pagdadakila at pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa gawain ng Kanyang plano na ginagawa Niya sa iyo ngayon. Ginawa ng Diyos na nag-iisang tuon ng Kanyang gawain ang grupong ito ng mga tao sa buong sansinukob. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo sa Kanyang puso para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa buong sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang mga taong Kanyang hinirang, sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatuwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga tagapagmana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng panlulupig sa pamamagitan ng mga kumokontra sa Kanya, at sa gayon lamang maipamamalas ang malaking kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang magpapabukod-tangi sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan doon, nakakamit ang kaluwalhatian ng Diyos. Ganyan ang kalooban ng Diyos. Ang yugto ng gawain ni Jesus ay kapareho nito: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Pariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Pariseo at sa pagkakanulo ni Judas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at sa gayon ay hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamtan. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.
Sa plano ng Diyos ng ilang libong taon, dalawang bahagi ng gawain ang ginagawa sa katawang-tao: Ang una ay ang gawaing maipako sa krus, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian; ang isa pa ay ang gawain ng panlulupig at pagpeperpekto sa mga huling araw, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Ito ang pamamahala ng Diyos. Kaya huwag ninyong ituring na simpleng bagay ang gawain ng Diyos, o ang tagubilin ng Diyos sa inyo. Lahat kayo ay mga tagapagmana sa sobra-sobra at walang-hanggang bigat ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito ay espesyal na itinalaga ng Diyos. Sa dalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang isa ay nakikita sa inyo; ang kabuuan ng isang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos ay ipinagkaloob na sa inyo, upang siyang maging inyong pamana. Ito ang pagdadakila sa inyo ng Diyos, at ito rin ang plano na matagal na Niyang paunang natukoy. Dahil sa kadakilaan ng gawaing nagawa ng Diyos sa lupain kung saan nananahan ang malaking pulang dragon, kung nalipat ang gawaing ito sa ibang lugar, matagal na sana itong nagkaroon ng maraming bunga at madaling natanggap ng tao. Bukod pa rito, naging napakadali sanang tanggapin ang gawaing ito para sa mga pastor ng Kanluran na naniniwala sa Diyos, sapagkat ang yugto ng gawain ni Jesus ay nagsisilbing isang huwaran. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagagawang makamit ng Diyos ang yugtong ito ng gawain ng pagkakamit ng luwalhati sa ibang lugar; kapag sinusuportahan ng mga tao at kinikilala ng mga bansa ang gawain, hindi magiging matatag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ito mismo ang pambihirang kabuluhang taglay ng yugtong ito ng gawain sa lupaing ito. Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaghihigpitan ng batas. Ang mas malaking problema pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay pinabayaan ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa lupa, ngunit magkagayon man, hindi kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos, na siyang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos. Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng panahon at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatanggap sa loob ng isa o dalawang araw; ang mga iyon ay kailangang makamtan sa pamamagitan ng malaking sakripisyo. Ibig sabihin, kailangan niyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananampalataya, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang bumaling kayo sa katarungan, nang hindi tinatakot o umiiwas, at kailangang magkaroon kayo ng pusong mapagmahal sa Diyos na tuluy-tuloy hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng pagpapasya, kailangang magkaroon ng mga pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang maging masunurin kayo maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao. Dahil nagbibigay Siya sa inyo, gayundin naman tiyak na may hihingin Siya bilang kapalit, at tiyak na hihingi Siya ng akmang mga kahilingan sa inyo. Samakatuwid, may dahilan ang lahat ng gawain ng Diyos, na nagpapakita kung bakit, paulit-ulit, gumagawa ang Diyos ng gawaing nagtatakda ng matataas na pamantayan at mahihigpit na kinakailangan. Ito ang dahilan kaya dapat kayong mapuspos ng pananampalataya sa Diyos. Sa madaling salita, lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong tumanggap ng Kanyang pamana. Hindi ito gaanong para sa kapakanan ng sariling kaluwalhatian ng Diyos kundi para sa kapakanan ng inyong kaligtasan at para sa pagpeperpekto sa grupong ito ng mga tao na lubhang napahirapan sa maruming lupain. Dapat ninyong unawain ang kalooban ng Diyos. Kaya nga, pinapayuhan Ko ang maraming taong mangmang na walang anumang kabatiran o katinuan: Huwag ninyong subukin ang Diyos, at huwag na kayong lumaban. Nagtiis na ang Diyos ng pagdurusang hindi kailanman tiniis ng tao, at matagal nang nagtiis maging ng mas matinding kahihiyan alang-alang sa tao. Ano pa ang hindi ninyo kayang bitawan? Ano pa ang mas mahalaga kaysa sa kalooban ng Diyos? Ano pa ang mas hihigit kaysa sa pagmamahal ng Diyos? Sapat nang nahirapan ang Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa maruming lupaing ito; kung, bukod pa rito, sadya at kusang sumusuway ang tao, kailangang tagalan pa ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ito para sa pinakamabuting kapakanan ng isang tao, walang pakinabang ito kaninuman. Walang sinusunod na panahon ang Diyos; ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ang nauuna. Samakatuwid, isasakripisyo Niya ang lahat para sa Kanyang gawain, gaano man ito katagal. Ito ang disposisyon ng Diyos: Hindi Siya magpapahinga hangga’t hindi natatapos ang Kanyang gawain. Magwawakas lamang ang Kanyang gawain kapag natatamo na Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Kung sa buong sansinukob ay hindi matatapos ng Diyos ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain ng pagtatamo ng kaluwalhatian, hindi darating kailanman ang Kanyang araw, hindi lilisanin ng Kanyang kamay ang mga taong Kanyang hinirang, hindi sasapit ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel kailanman, at hindi matatapos ang Kanyang plano kailanman. Dapat ninyong makita ang kalooban ng Diyos, at dapat ninyong makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasing-simple ng paglikha sa mga kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay. Iyan ay dahil ang gawain sa ngayon ay ang pagbabago ng mga yaong nagawang tiwali, na naging labis na manhid, iyon ay para dalisayin yaong mga nilikha ngunit inimpluwensyahan ni Satanas. Hindi iyon ang paglikha kay Adan o kay Eba, lalong hindi iyon ang paglikha ng liwanag, o ang paglikha ng lahat ng halaman at hayop. Ginagawang dalisay ng Diyos ang lahat ng bagay na nagawang tiwali ni Satanas at pagkatapos ay muli silang inaangkin; nagiging mga bagay sila na pag-aari Niya, at nagiging Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito katulad ng inaakala ng tao, hindi ito kasing-simple ng paglikha ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay na naroon, o ang gawaing sumpain si Satanas sa walang-hanggang kalaliman; sa halip, ito ang gawaing baguhin ang tao—ang mga bagay na negatibo at hindi sa Kanya ay ginagawang mga bagay na positibo at Kanya nga. Ito ang katotohanan sa likod ng yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong maunawaan, at iwasan ang sobrang pagpapasimple ng mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang pagiging kamangha-mangha at karunungan nito ay hindi kayang isipin ng tao. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa yugtong ito ng gawain, ngunit hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dinadalisay ang lahat ng bagay na narungisan ni Satanas. Kaya nga sinisimulan ng Diyos ang isang napakalaking gawain, na siyang buong kabuluhan ng gawain ng Diyos. Nakikita mo ba sa mga salitang ito na talagang napakasimple ng gawain ng Diyos?