29. Ang Paghatol at Pagkastigo ay Pagmamahal ng Diyos

Ni Rebecca, USA

Sabi ng mga salita ng Diyos: “Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ang Diyos na matuwid, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang-hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananampalataya ng tao; hindi Niya pinatay ang tao, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay yaong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi natatapos ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang maunawaan mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang lubos na kawalang-halaga ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na nililinaw Niya sa inyong kalooban—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Kapag binabanggit ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos, naiisip ko noon ang Kanyang awa at habag, ang Kanyang biyaya at mga pagpapala. Hindi ko talaga naunawaan ang pagmamahal Niya sa paghatol at pagkastigo. Pero matapos ang praktikal na karanasan dito, nagkaroon ako ng kaunting personal na pagkaunawa at nakita kong ang mga salita ng Diyos ay katotohanan, at napakapraktikal lahat, at ang paghatol at pagkastigo ay pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa sangkatauhan.

Ako dati ang responsable sa gawain ng pagdidilig, tapos noong Setyembre ng nakaraang taon tinanggal ako dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain. Isinaayos ng lider ng iglesia na si Sister Joyce ang pumalit sa gawain ko. Nagdulot iyon sa akin ng pakiramdam na hindi ko mailarawan. Napangasiwaan ko na noon ang gawain ni Joyce, at ngayon siya na ang mangangasiwa sa akin. Hindi ba pinagmukha ako noong walang kakayahan? Nagmula ako sa pagiging isang taong namamahala papunta sa isang karaniwang miyembro ng grupo ng pagdidilig. Hindi ba nakakahiya kapag nalaman iyon ng mga kapatid na nakakakilala sa akin? Talagang pinagsisihan ko ang hindi paggawa nang mabuti sa tungkulin ko dahil sa isiping ito. Kalaunan sa isang talakayan ng grupo tungkol sa gawain namin, sandaling natahimik ang lahat. Naisip ko na kahit hindi na ako ang namamahala, nagkaroon naman ako ng kaunting karanasan sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya, kaya dapat umako ako ng pasanin at ipahayag ang mga ideya ko. Sa ganoong paraan makikita ng lahat na gumaganap pa rin ako ng isang mahalagang papel, at baka tingalain ako ng lahat. Kaya nagsimula ako na aktibong mag-ambag ng aking mga iniisip at ideya, at matapos ang ilang talakayan, sumang-ayon sa opinyon ko ang karamihan sa mga tao. Sa halos bawat talakayan, sinunod namin ang aking mga ideya, kaya pakiramdam ko talagang nangibabaw sa grupo ang mga kakayahan ko. Wala sa akin ang papel ng pagiging tagapamahala, pero kaya ko pa ring pangasiwaan ang ganoong uri ng gawain. Naisip kong titingalain ako ng iba, at baka maitaas uli ang ranggo ko balang araw. Nagsimula akong mas aktibong mag-ambag pagkatapos no’n, at bago ang bawat pagtitipon, sinusubukan kong maunawaan ang lagay ng mga baguhan at naghahanap ng nauugnay na mga salita ng Diyos. Nangailangan ito ng maraming oras at lakas, pero naisip ko na ang maayos na paggawa ang magpapatunay sa kakayahan ko, kaya sulit lang ang pagbabayad ng halaga. Maagap ako sa aking tungkulin, nagawang matuklasan ang ilang problema sa gawain namin, at sumang-ayon ang iba sa mga solusyon at mungkahing naisip ko. Pakiramdam ko nakikita ng lahat kung gaano katindi ang pagsisikap ko, kaya baka itaas ang ranggo ko kapag sinuri ng lider ang gawain namin at makita kung paano ako gumawa. Pero lumipas ang ilang panahon, at tila walang anumang intensyon ang lider na itaas ang ranggo ko. Napansin ko na parami nang parami ang mga bagong mananampalataya na sumasapi sa iglesia, kaya mas maraming tao ang kailangan para tumanggap ng mga posisyon, pero tila walang anumang ideya na itaas ang ranggo ko. Nang makita ko ito’y medyo nalungkot ako. Pakiramdam ko’y nakagawa ako ng ilang pagbabago at maayos kong nakakagawa ng aking tungkulin. Dahil kulang na kulang ang iglesia sa mga tutulong, bakit hindi ako nakakakuha ng isa pang pagkakataon? Matapos matanggal nang isang beses, hindi na ba ako magkakaroon kailanman ng isa pang pagkakataon para mamahala? Hindi ko iyon maunawaan. Hindi ko alam kung bakit hindi nagbubunga ang lahat ng pagsisikap ko. Ano ba ang kulang sa akin? Kalaunan, naisip kong hindi siguro sapat o kulang pa ang ginagawa kong pagsisikap, o hindi pa sapat ang nakakamit ko. Naisip kong kailangan kong patuloy na magsikap, at huwag lang magtuon sa mga tagumpay sa aking tungkulin, kundi pati sa pagpasok sa buhay at paghahanap ng katotohanan, para makita ng iba ang personal kong pag-unlad. Tapos kaaawaan ako ng Diyos at bibigyan ako ng pagkakataon. Naisip ko na sa “tamang” pagsusumikap, magkakaroon ng pagbabago isang araw, at kahit hindi itaas ang ranggo ko, makakapangibabaw ako sa grupo namin at makakamit ang paghanga ng ibang mga kapatid. Kaya masigasig akong gumawa ng gawaing pagdidilig ng grupo namin, at tuwing nagkakaproblema ang mga baguhan, maingat kong pag-iisipan ang mga iyon, naghahanap ng mga salita ng Diyos na maibabahagi. Kapag mayroon akong bagay na hindi maunawaan, maalab akong nananalangin at naghahanap. Pagkaraan ng ilang panahon, mas naging matagumpay ako sa pagdidilig sa mga baguhan. Kalaunan sa isang pagtitipon, binanggit ng lider ng grupo na mabigat ang pinasan ko sa aking tungkulin, at mahusay ako sa paglutas ng mga problema ng mga bagong mananampalataya. Tuwang-tuwa ako sa sarili ko. Naisip kong magsisimula nang makita ng lahat kung gaano ako kahusay, at kung mas mapapabuti ko pa ang paggawa, maaari kong makuha ang paghanga ng lahat. Tapos magkakaroon ako ng pag-asa na mataasan ng ranggo. Talagang naging masigasig ako sa tungkulin ko pagkatapos no’n. Bukod sa sarili kong mga responsibilidad, tumanggap din ako ng ibang gawain ng grupo namin na makakaya ko, at nagbigay ng puna at tulong sa tagapamahala kapag nakatuklas ako ng mga problema. Hindi rin ako nagpabaya sa paghahanap ko ng katotohanan, kundi nagbasa ako ng mga salita ng Diyos sa bawat libre kong oras. Lumapit ako sa Diyos para manalangin at maghanap sa tuwing hindi maganda ang pakiramdam ko at aktibong sumali sa pagbabahagi sa mga pagtitipon. Pero labis akong nadismaya nang hindi pa rin itinaas ang ranggo ko matapos ang matagal na pagsisikap. Pakiramdam ko’y kahit anumang pagsisikap ang gawin ko o gaano man ako kahusay, kahit kailan ay hindi itataas ng lider ang ranggo ko. Kaya ano ang saysay ng lahat ng ito? Pagkatapos no’n, itinigil ko na ang labis na pagsisikap, at kapag nakikita kong nabibigo ang mga baguhan na palaging magtipon, kaswal lang akong nagtatanong tungkol doon nang walang anumang detalyadong pagtatanong o tulong. Minsan, nang nagpahanap sa akin si Joyce ng mga salita ng Diyos para sa mga partikular na isyu o pagkukulang ng mga kapatid bago ang mga pagtitipon, pakiramdam ko’y hindi ko gawain iyon, at walang makakapansin kahit gaano man ako kahusay, kaya nagdahilan ako para matanggihan ito. Nagsimulang sumama ang sarili kong kalagayan at hindi ko alam ang sasabihin sa panalangin. Pakiramdam ko’y hindi nakakapagbigay-liwanag ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at kung minsa’y inaantok ako. Nakaramdam ako ng tunay na kadiliman sa aking espiritu at hindi ko maramdaman ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi nagtagal, nakita kong itinataas ang ranggo ng ibang mga kapatid, habang isa pa rin akong mababang miyembro ng grupo ng pagdidilig. Mas lalo akong pinanghinaan ng loob. Napakatagal ko nang nagsusumikap nang husto, pero wala man lang naaabot. Tila wala na yata akong pag-asang ma-promote. Ang mga mananampalataya na gaya ko ay nagawang maging mga superbisor at mga lider ng grupo, at may paghanga ng iba, pero hindi ako kailanman tinaasan ng ranggo. Ibig bang sabihin noon ay bigo ako bilang isang mananampalataya? Naging napakanegatibo ko na hindi ako makapangalap ng motibasyon para sa anuman.

Kalaunan, inisip ko kung bakit ako labis na nalulungkot. Bakit nabuhay lang ako para sa katayuan? Katayuan lang ba ang habol ko sa lahat ng taon ko sa pananampalataya? Paanong naging labis akong kalunos-lunos? Bakit ako masyadong nahumaling sa katayuan? Talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Lumuhod ako sa harap ng Diyos sa pananalangin at nagsabing, “Diyos ko, gusto kong hanapin ang katotohanan sa aking pananampalataya, suklian ang Iyong pagmamahal, at gawin ang tungkulin ng isang nilalang. Ngunit sa ngayon ay pinahihirapan ako ng pagnanasa ko para sa katayuan, na iniiwan akong malungkot at nalulumbay. Ayokong mabuhay nang ganito, pero hindi ko mapigil ang sarili ko. Diyos ko, bigyan Mo po ako ng kaliwanagan at iligtas ako, para maunawaan ko ang problema ko at malutas ito.” Matapos manalangin, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “May anticristong disposisyon at diwa ang isang anticristo, at ito ang ipinagkaiba niya sa isang normal na tao. Bagama’t sa panlabas ay wala siyang sinasabi matapos siyang palitan, sa puso niya ay patuloy siyang lumalaban. Hindi niya inaamin ang kanyang mga pagkakamali, at kahit kailan ay wala siyang kakayahang tunay na kilalanin ang kanyang sarili. Matagal na itong napatunayan. Mayroon ding isa pang bagay tungkol sa isang anticristo na hindi nagbabago kailanman: Saanman sila gumagawa ng mga bagay-bagay, gusto niyang mamukod tangi mula sa karamihan, idolohin at hangaan ng iba; kahit na wala siyang lehitimong posisyon at titulo bilang lider ng iglesia o lider ng grupo, gusto pa rin niyang makipagkumpitensya sa iba para sa posisyon at katayuan. Kahit pa nga kaya niyang gawin ang gawain, kahit ano pang pagkatao o karanasan sa buhay ang mayroon siya, mag-iisip siya ng iba’t ibang kaparaanan at gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang makahanap ng pagkakataon na magpakitang-gilas, makuha ang loob ng mga tao, mahikayat ang iba, maakit at malinlang sila, upang makuha ang kanilang paghanga. Ano ba ang dapat hangaan sa isang anticristo? Kahit na natanggal na siya, ‘ang isang payat na kamelyo ay mas malaki pa rin kaysa sa isang kabayo,’ at nananatili siyang isang agila na lumilipad sa ibabaw ng mga manok. Hindi ba ito ang pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa iba ng anticristo, at ang kanyang namumukod-tanging katangian? Hindi niya makakayang tanggapin sa kanyang sarili na wala siyang katayuan, na maging pangkaraniwang mananampalataya, at maging isang ordinaryong tao lamang. Hindi niya kayang gawin lamang ang kanyang tungkulin sa praktikal na paraan at manatili sa kanyang puwesto, na gawin nang maayos ang sarili niyang tungkulin, ilaan ang kanyang sarili para rito at gawin ang lahat ng makakaya niya. Hindi siya nasisiyahan sa mga bagay na ito. Ayaw niyang maging ganoong uri ng tao o gawin ang ganoong mga bagay. Ano ang kanyang malaking ambisyon? Ang siya ay hangaan at tingalain, at humawak ng kapangyarihan. Kaya, kahit wala siyang partikular na titulo na nakakapit sa kanyang pangalan, magsusumikap ang isang anticristo para sa kanyang sarili, magsasalita at mangangatwiran para sa kanyang sarili, gagawin ang lahat ng kanyang makakaya upang makapagpakitang-gilas, natatakot na walang makakapansin sa kanya o magbibigay ng atensyon sa kanya. Susunggaban niya ang bawat oportunidad upang lalong makilala, lalong sumikat, makita ng mas maraming tao ang kanyang mga kaloob at kalakasan, at makita na nakakaangat siya kaysa sa iba. Sa paggawa ng mga bagay na ito, handa ang isang anticristo na magsakripisyo nang husto upang magpapansin at parangalan ang kanyang sarili, upang isipin ng lahat na, kahit na hindi na siya lider, at wala nang katayuan, mas nakakaangat pa rin siya sa mga ordinaryong tao. Sa ganitong paraan, nakamit ng isang anticristo ang kanyang pinapakay. Hindi maluwag sa kalooban niyang maging pangkaraniwang tao, o ordinaryong tao; gusto niya ng kapangyarihan at katanyagan, at maging mataas ang tingin sa kanya(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay nandoon mismo ang Diyos at inilalantad ako. Sabi ng Diyos, ang mga taong gaya ng mga anticristo ay gusto ng pangalan at katayuan, ang magkaroon ng kapangyarihan at paghanga ng iba anuman ang mangyari. Para matupad ang hindi mapigil na ambisyong iyon, gagawin ng mga anticristo ang lahat para mapansin, magmataas, at maakit ang mga tao. Nakita ko na ang pinagsisikapan ko’y katulad na katulad ng sa isang antiristo. Sa pananampalataya ko, gusto kong magkaroon ng katayuan, maging isang lider o tagapamahala. Gusto kong mangibabaw sa grupo ko, at hangaan at suportahan ng iba. Matapos akong matanggal, hindi ko inayos ang pagnanais kong maging isang tagapamahala. Aktibo akong lumahok sa mga talakayan sa gawain at nag-alok ng mga mungkahi, at nagbigay ako ng puna sa tagapangasiwa pagkatuklas na pagkatuklas ko sa mga problema, para malaman niya na hindi lang ako nakakakita ng mga problema, kundi nakakapagbigay rin ng mga solusyon, na matalino ako. Kung gayon, maipipila ako para sa pagtaas ng ranggo. Nagsikap ako sa tungkulin ko, para makita ng ibang kapatid na kaya kong gumawa ng praktikal na gawain, pagkatapos magkakaroon na ako ng pag-asang maitaas ang ranggo. Maagap ako sa gawain kahit hindi iyon ang pangunahin kong responsibilidad, handang gumugol ng maraming oras at enerhiya, nais na makita ng lahat na bumalikat ako ng pasanin para sa tungkulin ko at kaya kong umako nang husto. Hindi rin ako nagpabaya sa aking paghahanap sa katotohanan, para sang-ayunan nila ako. Naghanap ako ng bawat pagkakataon para patunayan ang sarili ko at magpakitang-gilas. Hindi ba iyon ang uri ng asal ng anticristo na inilalantad ng Diyos?

May nabasa akong ilan sa mga salita ng Diyos na talagang masusing naglalarawan sa tiwaling diwa ng mga anticristo. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Para sa isang anticristo, kung ang reputasyon o katayuan niya ay inaatake o inaalis, mas seryosong bagay pa ito kaysa sa pagtatangkang kitilin ang kanyang buhay. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan niya o kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang basahin niya, hindi siya makakaramdam ng kalungkutan o pagsisisi na hindi niya naisagawa kailanman ang katotohanan at kanyang tinahak ang landas ng isang anticristo, o dahil sa nagtataglay siya ng kalikasang diwa ng isang anticristo. Sa halip, lagi siyang nag-iisip ng paraan upang magtamo ng katayuan at pataasin ang kanyang reputasyon. Masasabi na ang lahat ng ginagawa ng isang anticristo ay ginagawa upang magpakitang-gilas sa harap ng iba, at hindi ginagawa sa harap ng Diyos. Bakit Ko nasasabi ito? Ito ay dahil labis na nahuhumaling ang gayong mga tao sa katayuan na itinuturing nila ito bilang pinakabuhay na nila, bilang panghabambuhay nilang mithiin. Higit pa rito, dahil mahal na mahal nila ang katayuan, hindi sila kailanman naniniwala sa pag-iral ng katotohanan, at masasabi pa ngang hinding-hindi sila naniniwala na mayroong Diyos. Kaya, gaano man sila magkalkula upang magkamit ng reputasyon at katayuan, at gaano man nila subukang magpanggap upang lokohin ang mga tao at ang Diyos, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, wala silang kamalayan o pagkakonsiyensiya, lalo na ng anumang pagkabalisa. Sa kanilang patuloy na paghahangad sa reputasyon at katayuan, walang-pakundangan din nilang itinatanggi ang nagawa ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? Sa kaibuturan ng puso ng isang anticristo, naniniwala siya, ‘Lahat ng reputasyon at katayuan ay nakakamtan ng mga tao mismo. Sa pagtatamo lamang ng matibay na posisyon sa mga tao at pagtatamo ng reputasyon at katayuan niya matatamasa ang mga pagpapala ng Diyos. May halaga lamang ang buhay kapag ang mga tao ay nagtatamo ng ganap na kapangyarihan at katayuan. Ito lamang ang pamumuhay na parang isang tao. Sa kabaligtaran, walang silbi ang mamuhay sa paraang nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay, ang bukal sa loob na lumugar sa posisyon ng isang nilikha, at mamuhay gaya ng isang normal na tao na tulad sa sinabi sa salita ng Diyos—walang titingala sa gayong tao. Dapat pagsumikapan ng isang tao ang kanyang katayuan, reputasyon, at kaligayahan; dapat ipaglaban ang mga ito at sunggaban nang may positibo at maagap na saloobin. Walang ibang magbibigay ng mga ito sa iyo—ang pasibong paghihintay ay hahantong lang sa kabiguan.’ … Matatag na naniniwala ang mga anticristo sa kanilang mga puso na kapag may reputasyon at katayuan, saka lamang sila magkakaroon ng dignidad at magiging tunay na nilikha, at na kapag may katayuan, saka lamang sila magagantimpalaan at makokoronahan, magiging marapat na sang-ayunan ng Diyos, magkakamit ng lahat ng bagay, at magiging isang totoong tao. Ano ang tingin ng mga anticristo sa katayuan? Tinitingnan nila ito bilang katotohanan; itinuturing nila ito bilang pinakamataas na mithiing dapat hangarin ng mga tao. Hindi ba’t problema iyon? Ang mga taong maaaring mahumaling sa katayuan sa ganitong paraan ay tunay na mga anticristo. Kauri sila ng mga taong katulad ni Pablo. Naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad na maging masunurin sa Diyos, at ang paghahangad ng katapatan ay pawang mga proseso na umaakay sa isang tao sa pinakamataas na posibleng katayuan; mga proseso lamang ito, hindi ang mithiin at pamantayan ng pagiging isang tao, at na ginagawa lamang ang mga ito para makita ng Diyos. Ang pagkaunawang ito ay isang kalokohan at katawa-tawa! Ang mga kakatwang tao lamang na namumuhi sa katotohanan ang makakaisip ng gayong katawa-tawang ideya(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Talagang matindi para sa akin ang pagbabasa sa siping ito ng mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko’y inihayag ng Diyos kung ano ang itinatago ko sa puso ko. Pakiramdam ko’y wala akong mapagtataguan. Nagsimula akong magnilay-nilay sa sarili ko, at habang lalo kong ginagawa iyon, lalo kong nararamdaman na ang pag-iisip ko ay gaya rin lang ng sa isang anticristo. Nakasentro sa katayuan ang lahat ng mga salita at kilos ko, at lahat ng gawin ko ay para magkamit ng paghanga. Mas mahalaga sa akin ang katayuan higit pa sa anuman. Bago magkaroon ng pananampalataya, palagi kong gustong mamukod-tangi sa mga tao at gustung-gusto kong masuportahan at sang-ayunan ng iba. Pagkatapos magkaroon ng pananampalataya, patuloy kong hinangad ang mga posisyon sa pamumuno para tingalain ako at magkaroon ng isang mahalagang papel sa iglesia. Matapos akong matanggal, hindi ako nagkaroon ng anumang pagsisisi sa aking mga dating paglabag at hindi iniisip kung paano talagang magsisi at gawin nang maayos ang tungkulin ko upang mabayaran ang aking pagkakautang sa Diyos. Sa halip, ginamit ko ang oportunidad na iyon na makagawa ng tungkulin bilang pagkakataong makapagpasikat. Naging masigasig ako sa aking tungkulin at nagsikap para muling makakuha ng isang mahalagang papel. Nang hindi ko makuha iyon matapos ang ilang pagsisikap, pinanghinaan ako ng loob. Pakiramdam ko’y walang sinumang nakakapansin, kahit gaano pang pagsisikap ang ibuhos ko sa aking tungkulin, kahit gaano ko pa iyon paghusayan. Naisip kong walang saysay ang mga pagsisikap ko. Nawalan ako ng gana na maging mahusay sa tungkulin ko nang hindi ako nagkamit ng anumang katayuan. Mali pa ang pagkaunawa ko sa Diyos at sinisi ko Siya, nangatwiran ako sa Kanya at nilabanan Siya. Nadala ako ng pag-iisip sa pangalan at katayuan. Nawala sa akin ang konsiyensya at katwirang dapat mayroon ang isang nilalang. Buong-puso kong hinangad ang katayuan at hindi ako kuntentong maging isang karaniwang miyembro ng grupo. Masama ako at walang kahihiyan gaya ng isang anticristo, lubos na hindi makatwiran. Talagang nakatulong sa akin ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan, ang paghahangad na maging masunurin sa Diyos, at ang paghahangad ng katapatan ay pawang mga proseso na umaakay sa isang tao sa pinakamataas na posibleng katayuan; mga proseso lamang ito, hindi ang mithiin at pamantayan ng pagiging isang tao, at na ginagawa lamang ang mga ito para makita ng Diyos.” Para talaga itong isang sampal para sa akin. Isang positibong bagay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan, at tungkulin natin iyon bilang mga tao. Kailangan nating hanapin ang katotohanan sa mga buhay natin, at mabuhay sa mga salita ng Diyos. Gayon pa man, ginamit ko ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa pakikipagtawaran para sa personal na katayuan. Ang pagkakaroon ng ganoong karima-rimarim na motibo sa aking tungkulin ay hindi kailanman magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos kung gaano kamali ang pananaw ko sa mga bagay-bagay. Akala ko’y tanging sa pamamagitan lang ng pagkakaroon ng katayuan at kapangyarihan, pagiging tinitingala, kilalang-kilala, at hinahangaan magkakaroon ng halaga sa buhay ko. Ang kawalan ng katayuan bilang isang mananampalataya, ang pagiging isang karaniwang tagasunod ay isang kaawa-awang paraan para mabuhay, at isa iyong kabiguan. Napakabaliw na pananaw! Hinihingi ng Diyos na maging karapat-dapat tayong mga nilalang, na manatili sa sarili nating lugar, na masunuring magpasakop sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos, na isagawa ang mga responsibilidad ng isang nilalang. Pero ayokong manatili sa lugar ko, kundi maging isang dakilang taong gumagawa ng mahalagang gawain, na magkaroon ng isang mataas na posisyon at makakuha ng mas maraming paghanga sa ganoong paraan. Isa iyong satanikong disposisyon. Sa katunayan, sa gawain ng pagdidilig, gaano man kalaki ang halagang binayaran ko o kung anumang mahalagang tungkulin ang ginampanan ko, tungkulin lang iyon na dapat kong gawin. Responsibilidad ko iyon, pero ginusto kong magpakitang-gilas upang magkamit ng isang partikular na katayuan. Nang hindi natupad ang hibang kong mga ambisyon, nawalan ako ng interes sa tungkulin ko. Napagkamalan kong debosyon sa Diyos ang ambisyon ko. Ang tinatawag na debosyong iyon ay hindi matapat at transaksyunal. Paano iyon naging pagsasagawa ng katotohanan at paggawa ng isang tungkulin? Sinusubukan kong gamitin at dayain ang Diyos, at direkta akong nasa landas ng isang anticristo. Ang Diyos ay matuwid at banal at nakikita Niya ang mga puso at isip natin. Bumubulusok ako pababa sa maling landas. Paano ako magkakamit ng gawain ng Banal na Espiritu? Sumasama ang kalagayan ko at nasa kadiliman ako. Ito ay pagsasantabi at pagtutuwid sa akin ng Diyos. Doon ko nakita kung gaano talaga nakakatakot ang paghahangad ng pangalan at katayuan. Hindi ko kilala ang sarili ko, o alam kung makakagawa ba ako ng praktikal na gawain. Patuloy lang akong naghangad ng katayuan, umaasang ma-promote. Nawalan ako ng tamang pagkatao at katuwiran at walang kamalayan sa sarili. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Balang araw ay mapapansin ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay malalaking kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Pagdating ng oras na nais mong iwaksi ang lahat ng bagay na naikintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Napakatotoo ng mga salita ng Diyos. Walang tigil kong hinangad ang katayuan, pinaglaruan at pinahirapan ako ni Satanas. Nawala sa akin ang patnubay ng Banal na Espiritu at nabuhay ako sa kadiliman. Talagang winawasak ako ng pagnanasa kong iyon. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko at kinamuhian ko kung gaano ako kasutil, kung gaano ako nagmatigas. Sa buong panahong iyon, naghahangad ako ng reputasyon at katayuan, nasa landas ng isang anticristo. Ngunit ginamit pa rin ng Diyos ang Kanyang mga salita para balaan at ilantad ako para makita ko ang problema sa aking mga pinagsusumikapan at talikuran ang mga ito. Pero hindi ko iyon naintindihan. Hindi ko naunawaan at sinisi ang Diyos, naging negatibo at lumaban sa Diyos. Wala talaga ako sa katuwiran. Labis akong nakonsiyensya nang mapagtanto ko iyon, at nanalangin ako nang ganito, “Diyos ko, ayoko nang hangarin ang reputasyon at katayuan, kundi hanapin ang katotohanan para malutas ang aking katiwalian, at tunay na magsisi. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, ipakita Mo sa akin ang daan.”

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos no’n: “Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at katayuan; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at lalayo Siya sa iyo. Habang lalo kang naghahangad ng mga bagay gaya ng kadakilaan, karangalan, at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Kung hindi mo pagninilayan ang iyong sarili at magsisisi, kamumuhian ka ng Diyos at tatalikdan ka Niya. Iwasan mong maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos; maging isang taong minamahal ng Diyos. Kaya, paano makakamit ng isang tao ang pagmamahal ng Diyos? Sa pamamagitan ng masunuring pagtanggap sa katotohanan, pagtayo sa posisyon ng isang nilalang, pagkilos ayon sa mga salita ng Diyos nang nakatapak ang mga paa sa lupa, pagganap sa mga tungkulin nang maayos, pagiging isang matapat na tao, at pagsasabuhay ng isang wangis ng tao. Sapat na ito, masisiyahan na ang Diyos. Dapat siguruhin ng mga tao na huwag mag-ambisyon o mag-isip ng mga walang-saysay na pangarap, huwag maghangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan o mamukod-tangi sa karamihan. Bukod pa roon, hindi nila dapat subukang maging isang dakilang tao o superman, na nakalalamang sa mga tao at nagpapasamba sa mga tao. Iyan ang hangarin ng tiwaling sangkatauhan, at ito ang landas ni Satanas; hindi nililigtas ng Diyos ang ganoong mga tao. Kung ang mga tao ay patuloy na naghahangad ng katanyagan, mga pakinabang, at katayuan nang hindi nagsisisi, wala nang lunas para sa kanila, at iisa lang ang kalalabasan nila: ang itiwalag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ayaw Niya tayong maging sikat, dakila, o matayog. Umaasa Siyang tayo’y maging matino at gawin ang ating tungkulin, at magpasakop lang sa Kanyang mga pagsasaayos. Pero hindi ko matapat na ginawa ang tungkulin ko. Hindi ako kuntento na maging isang karaniwang tao. Gusto ko lang ng mas mataas na posisyon at maging mas magaling sa iba. Napakamapagmataas ko. Ang Diyos ang Lumikha, at Siya’y napakadakila at marangal. Personal Siyang naging tao, pumarito sa lupa para ipahayag ang katotohanan, pero hindi Siya kailanman nagpapasikat. Sa halip, napakatahimik Niyang isinasagawa ang Kanyang gawain para iligtas ang sangkatauhan. Napakamapagpakumbaba at tago ng Diyos, at labis na kaibig-ibig. Hiyang-hiya ako nang maisip ko iyon sa ganoong paraan, at nagpasya akong talagang kailangan kong talikuran ang aking laman at isagawa ang katotohanan.

Pagkatapos no’n, buong-puso kong inilaan ang sarili ko sa aking tungkulin at talagang inisip kung paano didiligan ang mga bagong mananampalataya. Nakalimutan ko ang tungkol sa katayuan ko, pero naging masaya na maging isang karaniwang tao at gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Talagang naging panatag ako nang isagawa ko ito. Nang gawin ko iyon nang buong-puso, binigyang-kaliwanagan ako ng Diyos, at binigyan ako ng paraan sa gawain ko ng pagdidilig. Hindi ko napansin na mas bumubuti na ako sa tungkulin ko. Naalala ko noong minsang nagkaroon kami ng isang pagtitipon para sa mga bagong mananampalataya, ang sister na bago sa grupo ng pagdidilig ay hindi pamilyar sa mga bagong mananampalataya at hindi niya alam kung paano sila lalapitan. Alam kong dapat akong tumulong, pero naisip ko na ang paggawa ng paghahandang gawain ng pakikipag-ugnayan sa mga tao ay talagang mababang uri ng gawain. Hindi ba ako bababa nang kaunti kung mag-aalok ako na gawin iyon? Sa puntong iyon nakita ko na mali ako, na hindi magkakaiba ang kahalagahan ng mga tungkulin, at isa ring tungkulin ang pakikipag-ugnayan. Kaya bakit hindi ko magagawa iyon? Tapos nag-alok ako ng tulong sa pakikipag-ugnayan sa mga kapatid. Nang gawin ko iyon, napagtanto ko na anuman ang tungkulin, basta’t kaya mong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, mayroon kang tamang intensyon, at ginagawa mo iyon nang may puso, gagaan ang pakiramdam mo, at papayapa ka. Minsan, kapag nagtatanong ang mga kapatid tungkol sa mga detalye ng gawain ng pagdidilig, at masyadong abala ang tagapangasiwa para sagutin ang mga tanong nila, ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko upang magbahagi sa kanila at lutasin ang mga bagay-bagay. Hindi ko iniisip kung titingalain ba nila ako o kung mapapabuti nito ang katayuan ko, kundi gusto ko lang makagawa nang maayos kasama ang iba at gawin nang mabuti ang tungkulin ko. Matapos kong isantabi ang aking matitinding ambisyon at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, nagbago ang lahat sa tungkulin ko. Mas nakaramdam ako ng responsibilidad at nakakita ng mas maraming problema, at unti-unting bumuti ang kalagayan ko. Mas maliwanag at mas maalwan din ang pakiramdam ko, at na ang pag-asal nang ganito ay talagang mabuti. Naunawaan ko na ang mga salita ng Diyos ay talagang ang katotohanan at na kaya nitong baguhin at dalisayin ang mga tao. Sa pag-asal lamang nang ganito at paggawa ng mga bagay alinsunod sa salita ng Diyos at sa katotohanan at pagsunod sa mga pagsasaayos ng Lumikha ang humuhubog sa aking pundasyon sa buhay bilang isang nilikha. Mula ngayon, may katayuan man ako o wala, at saanman ako ilagay ng Diyos, handa akong ilagay ang sarili sa pagsasaayos ng Diyos at matapat na gampanan ang aking tungkulin bilang isang nilikha.

Noon, walang humpay akong nagsumikap para sa pangalan at katayuan, na naging dahilan para magdusa ako at mapagod. Kung wala ang paghatol at mga paghahayag ng mga salita ng Diyos, hindi ko makikita kung gaano kalalim ako ginawang tiwali ni Satanas o kung gaano ko pinahalagahan ang katayuan. Magpapatuloy lang akong lumaban para sa mga bagay na iyon, pinaglalaruan ni Satanas, nang walang anumang wangis ng tao. Sa pamamagitan nito, tunay kong naramdaman na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay Kanyang pinakamagandang proteksyon at pagliligtas, at ito ay Kanyang pagmamahal. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol).

Sinundan: 28. Ang Aking Kwento ng Pakikipagtulungan

Sumunod: 30. Sa Pagbitiw sa Katayuan, Ako ay Napalaya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito