97. Itinuwid Ko ang Aking mga Maling Pananaw sa Pananampalataya sa Diyos
Noong disisais anyos ako, na-diagnose ako na may thrombocytopenic purpura, at nang sumunod na taon, na-diagnose na may systemic lupus erythematosus. Walang lunas ang ganitong uri ng sakit at makokontrol lang sa pamamagitan ng gamot. Mula noon, parang may dilim na bumalot sa buhay ko. Halos taon-taon akong kailangang maospital. Kalaunan, nagsimulang mamaga at sumakit ang mga kasukasuan sa mga braso’t binti ko, at kung minsan, sa tindi ng sakit ay halos hindi ako makalakad, at hindi ko man lang matalian ang sarili kong buhok. Nang makita ko ang sarili ko sa gayong kalagayan sa napakabatang edad, nakaramdam ako ng pasakit at kawalang-magawa, iniisip kung bakit ba ako nagkaroon ng ganitong klaseng sakit. Kung minsan, napakatindi ng sakit na gusto ko nang mamatay, pero hindi ko kayang gawin iyon kapag nakikita ko ang pamilya ko na nagpapakapagod at nagkukumahog para sa akin. Iniraraos ko lang ang bawat araw.
Noong Setyembre 2012, may nangaral sa akin tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nang marinig kong ang pananampalataya sa Diyos ay maaaring magdulot ng Kanyang pangangalaga at proteksyon, nagbigay ito sa akin ng maliit na pag-asa sa gitna ng kawalan ng pag-asa, kaya masaya ko itong tinanggap. Makalipas ang isang taon, lubhang bumuti na ang kalusugan ko. Lubos akong nagpasalamat sa Diyos sa puso ko, at umasa akong isang araw ay tuluyan nang gagaling ang sakit ko para makapamuhay na ako na parang isang normal na tao. Pero isang araw noong Abril 2014, bigla na lang nagsimulang dumugo nang hindi mapigilan ang ilong ko. Walang tigil sa pag-agos ang dugo, at walang makapagpatigil dito. Panay ang punas ko rito ng tisyu, at hindi nagtagal, napuno ang sahig ng mga tisyung basang-basa sa dugo. Nag-iisa lang ako sa bahay noon. Bigla akong nanlamig sa takot, at napaiyak ako, takot at hindi malaman kung ano ang gagawin. Noong sandaling iyon, naisip ko ang Diyos at tumawag ako sa Kanya, “Makapangyarihang Diyos, pakiusap, iligtas Mo ako….” Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, pero hindi tumigil ang pagdurugo ng ilong ko. Tumingin ako sa kisame sa kawalan ng pag-asa, naramdaman ko sa unang pagkakataon na napakalapit na ng kamatayan. Naisip-isip ko, “Kung mamamatay na ako, sige lang. Hindi ko naman ito matatakasan, at magiging kalayaan pa ang kamatayan….” Maya-maya, humangos pauwi ang mga magulang ko at isinugod ako sa ospital. Habang nasa ospital, naisip-isip ko, “Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay para mapanatiling ligtas? Nananampalataya na ako sa Diyos ngayon, kaya paanong nangyayari pa rin sa akin ang ganito? Kung talagang may Diyos, dapat sana ay gumawa Siya ng himala at pinatigil ang pagdurugo ng ilong ko noong tumawag ako sa Kanya. Pero bakit hindi ako pinagaling ng Diyos? Bakit Niya hinayaang bumalik ang sakit ko? Kaya ano pa ang silbi ng pananampalataya ko sa Diyos? Mas mabuti pang hindi na lang ako manampalataya.” Pagkalabas ko sa ospital at pagkauwi, isinauli ko sa lider ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at nagpasya akong tumigil na sa pananampalataya.
Kalaunan, nang malaman ng mga kapatid mula sa iglesia ang tungkol sa kalagayan ko, pumunta sila para tulungan at suportahan ako, at binasahan nila ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nang sumailalim si Job sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas, at pinayagan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job. Kahit na ito ay pagsubok ng Diyos kay Job, si Satanas talaga ang lumukob sa kanya. Para kay Satanas, panunukso iyon kay Job, ngunit nasa panig ng Diyos si Job. Kung hindi nagkagayon, natukso na sana si Job. Sa sandaling matukso ang mga tao, nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, ngunit kung hindi mabuti ang kalagayan mo, masasabing panunukso ito mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka ni Satanas at ikukubli ka sa aspekto ng pangitain. Bago mo pa malaman, matutukso ka na” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Nakipagbahaginan ang isa sa mga sister, “Ngayon, naparito ang Diyos para gawin ang gawain ng pagliligtas sa atin, pero palagi tayong ginugulo ni Satanas, na nagiging sanhi para mangyari sa atin ang masasamang bagay. Ang layunin nito ay para magreklamo tayo tungkol sa Diyos, o tanggihan at talikuran pa nga Siya, para sa huli ay malamon tayo nito. Kailangan nating makilatis ang mga pakana ni Satanas. Katulad lang iyan noong hinarap ni Job ang kanyang mga pagsubok. Inakusahan ni Satanas si Job sa espirituwal na mundo, sinasabing may takot lang si Job sa Diyos dahil binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pagpapala, at na kung wawasakin ang lahat ng mayroon siya, tiyak na tatalikuran niya ang Diyos. Pagkatapos niyon, ginawa ni Satanas ang lahat para pinsalain si Job, kinuha ang kanyang mga anak at malaking kayamanan, at pinuno pa nga ng masasakit na pigsa ang katawan niya, lahat ay pagtatangkang patalikurin si Job sa Diyos. Pero pinanghawakan ni Job ang kanyang pananalig sa Diyos, hindi nagreklamo, at pinuri pa ang pangalan ng Diyos, naninindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos. Sa huli, umalis si Satanas sa kahihiyan. Ipinapakita nito na gustong-gusto ni Satanas na paglaruan at pinsalain ang mga tao, at ang pakay nito ay magawang palayuin ang mga tao sa Diyos at ipagkanulo nila Siya. Ngayon, tumigil ka na sa pananampalataya sa Diyos dahil lang bumalik na ang sakit mo. Hindi ba’t nahuhulog ka mismo sa bitag ni Satanas?” Pagkatapos marinig ang pakikipagbahaginan ng sister, bigla akong naliwanagan. Napagtanto ko na ang sakit na ito ay isang pagsubok para sa akin, para makita kung papanig ba ako sa Diyos o kay Satanas. Kung talagang titigil ako sa pananampalataya, magtatagumpay ang pakana ni Satanas. Nang maisip ko ito, nagpasya akong magpatuloy sa pananampalataya sa Diyos. Kaya, humingi ako sa iglesia ng kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at sinimulan kong basahin nang taimtim sa bahay ang mga salita ng Diyos araw-araw. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang pinagmulan ng sakit at pasakit ng tao. Sa simula, nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at masaya silang namuhay sa Halamanan ng Eden. Pero dahil sa tukso ni Satanas, kinain nila ang bunga mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama. Mula noon, namuhay sila sa kasalanan, at ganoon nagsimula ang kapanganakan, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan. Habang lalong nagiging tiwali ang sangkatauhan dahil kay Satanas, lalong palayo nang palayo ang mga tao sa Diyos, mas lumala ang kanilang sakit at pasakit, at mas lalong naging miserable ang kanilang buhay. Sa pagkakataong ito, personal na nagkatawang-tao ang Diyos para gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ipinahahayag ang katotohanan upang linisin ang katiwalian ng tao, ganap na iligtas ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas, ibalik ang tao sa kanyang orihinal na wangis, at dalhin ang tao sa isang magandang hantungan. Sa hinaharap, wala nang pasakit at wala nang luha. Sa pagkaunawa sa lahat ng ito, labis akong naantig. Naramdaman ko na napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa tao, at nagpasya akong taimtim na hangarin ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa mga karumihan sa aking pananalig, partikular na ang intensyon kong maghangad ng mga pagpapala. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking kapangyarihan upang itaboy ang maruruming espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming nananampalataya sa Akin para maiwasan ang pagdurusa ng impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming nananampalataya sa Akin para lang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad magkamit ng anuman sa mundong darating. Kapag ibinuhos Ko ang Aking matinding galit sa mga tao at binabawi Ko ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati nilang taglay, napupuno sila ng pagdududa. Kapag ibinigay Ko sa mga tao ang pagdurusa ng impiyerno at binabawi Ko ang mga pagpapala ng langit, nagagalit sila nang husto. Kapag hinihiling sa Akin ng mga tao na pagalingin Ko sila, at hindi Ko sila pinapakinggan at nakadarama ako ng pagkapoot sa kanila; nililisan nila Ako upang sa halip ay hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Kapag inaalis Ko ang lahat ng hiningi ng mga tao sa Akin, naglalaho silang lahat nang walang bakas. Samakatwid, sinasabi Ko na ang mga tao ay may pananalig sa Akin sapagkat masyadong masagana ang biyaya Ko, at dahil masyadong maraming pakinabang na makakamit” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman ko na tunay na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng ating mga puso. Lubos Niyang inilantad ang intensyon ko na maghangad ng mga pagpapala sa aking pananalig. Ang pananampalataya ko sa Diyos ay para lamang makatanggap ng biyaya mula sa Kanya at para pagalingin Niya ang aking sakit. Noong una, masaya kong tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw para lang gumaling. Nang ipagkaloob ng Diyos sa akin ang kapayapaan at mga pagpapala at bumuti ang aking kalusugan, napuno ako ng pasasalamat at papuri para sa Kanya. Pero nang bumalik ang sakit ko at hindi tumigil ang pagdurugo ng ilong ko kahit na pagkatapos kong tumawag sa Kanya, nagreklamo ako na hindi ako pinoprotektahan ng Diyos, at nagsimula akong magduda sa Kanya, hanggang sa puntong gusto ko nang tumigil sa pananampalataya. Nakita ko na hindi pala talaga ako tunay na nananampalataya sa Diyos kahit kaunti; ang pananalig ko ay para lang sa pagkakamit ng mga pagpapala. Itinuring ko ang Diyos bilang isang doktor, at ang paggugol ko sa aking tungkulin ay naglalayon ding mapagaling ako ng Diyos. Ito ay purong pakikipagtawaran sa Diyos; panlilinlang ito sa Diyos! Nilikha ng Diyos ang mga tao at dapat silang manampalataya at sumamba sa Kanya nang walang anumang pakikipagtransaksyon o paghingi ng kapalit. Pero, naniwala ako na dahil nananampalataya ako sa Kanya, dapat akong pagalingin ng Diyos. Kaya sa sandaling bumalik ang sakit ko, nagreklamo ako tungkol sa Kanya at ipinagkanulo at tinalikuran ko pa Siya. Paanong naging ganito ako kawalang-konsensiya at kawalang-katwiran! Kung hindi ginamit ng Diyos ang mga kapatid para tulungan at suportahan ako, napinsala na sana ako at nalamon ni Satanas. Salamat sa Diyos sa pagliligtas sa akin! Nang mapagtanto ko ito, nagsisi ako sa Diyos at ipinagtapat ang aking mga kasalanan. Nagpasya akong hindi na mananampalataya sa Diyos nang may intensyon na magkamit ng mga pagpapala, at naging handa akong ilagay ang aking sakit sa mga kamay ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos.
Pagkalabas ko sa ospital, halos bumalik na sa normal ang bilang ng platelet ko, pero patuloy itong bumababa sa mga lingguhan kong check-up, at nagsimulang lumitaw ang maliliit na pasa sa katawan ko. Tinaasan ng doktor ang gamot ko sa pinakamataas na dosis, pero hindi pa rin bumuti ang kondisyon ko, kaya kinailangan kong maospital uli. Hinang-hina ako at alalang-alala, iniisip na, “Sinusubukan ko na ngayong manampalataya nang wasto sa Diyos, kaya bakit hindi Niya hinahayaang tumaas ang bilang ng platelet ko?” Napagtanto kong iginigiit kong humingi sa Diyos, kaya tahimik akong nanalangin, “O Diyos, alam kong hindi ako dapat gumiit na humingi sa Iyo, pero napakaliit ng tayog ko, at hindi ako kailanman lubos na nagpapasakop sa Iyo. O Diyos, dalangin ko na gabayan Mo ako at bigyan ng pananalig.” Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag mag-alala tungkol sa kung ano ang magiging bukas o kung paano ang magiging hinaharap. Mamuhay ka lang sa bawat araw nang umaasa sa Akin, at tiyak na ikaw ay Aking aakayin” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 28). “Ang pananalig ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit sa buhay at takot sa kamatayan ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang buhay nila ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang mga tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko sila ni Satanas; natatakot ito na tatawirin natin ang tulay ng pananalig upang makapasok sa Diyos. Sinusubukan ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para ipadala sa atin ang mga ideya nito. Dapat nating ipanalangin sa Diyos sa bawat sandali na tanglawan at bigyang-liwanag tayo, sumandig sa Diyos sa bawat sandali na linisin ang lason ni Satanas mula sa ating kalooban, magsanay na lumapit sa Diyos sa loob ng ating espiritu sa bawat sandali, at hayaang magkaroon ang Diyos ng kapamahalaan at manahan sa ating buong katauhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na ang mga pag-aalala at takot na iyon ay lahat galing kay Satanas, at sa pamamagitan lamang ng pagsandal sa Diyos sa lahat ng oras at pagkakaroon ng lakas ng loob na isugal ang aking buhay, maiwawaksi ko ang aking karuwagan at mapagtatagumpayan si Satanas. Binigyan ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat. Nasa Kanyang mga kamay ang sakit ko. Anuman ang mangyari, handa akong umasa sa Diyos para maranasan ito. Dahil kasama ko ang Diyos, wala akong dapat ikatakot. Para sa isang hamak na taong tulad ko, na puno ng sakit, ang makalapit sa harap ng Diyos ngayon at tamasahin ang Kanyang mga salita ay biyaya at pagtataas na Niya. Kahit na mamatay ako isang araw, hindi masasayang ang buhay ko. Nang mapagtanto ko ito, hindi na gaanong nag-alala o natakot ang puso ko. Naging handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nagpatuloy sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos gaya ng dati araw-araw. Pagkatapos, binawasan ng doktor ang gamot ko, at sa gulat ko, tumaas pa nga ang bilang ng platelet ko. Hindi nagtagal ay nakalabas ako ng ospital. Walang katapusan ang pasasalamat ko sa Diyos sa aking puso. Nakita ko na ang Diyos ang may huling kapasyahan sa lahat ng bagay, at lumago ang pananalig ko sa Kanya. Pagkatapos niyon, buwan-buwan nang tumataas ang bilang ng platelet ko, at makalipas ang ilang buwan, tuluyan na itong bumalik sa normal. Hindi ko mapigilang mamangha sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at lubos kong naunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Napuno ng walang hanggang pasasalamat ang puso ko para sa Kanya.
Kalaunan, nabasa ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng bagong pagkaunawa sa aking mga problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa mga kuru-kuro ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi talaga ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtaboy pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit—kung gagawin Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. … Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi nagpapalayas ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga maysakit ang Diyos ngayon? Kung pareho ang gawain ni Jesus sa gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang kinatawan na Niya ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari kayang natapos na Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus? Kung si Jesus, tulad noong Kapanahunan ng Kautusan, ay pumasok sa templo at sinunod ang Sabbath, wala sanang nang-usig sa Kanya at tinanggap sana Siya ng lahat. Kung nagkagayon, maaari kayang naipako Siya sa krus? Natapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging kabuluhan kung nagpakita ng mga tanda at kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Tanging kung ginagawa ng Diyos ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa mga huling araw, isang kumakatawan sa bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala, saka lamang magkakaroon ang tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, at saka lamang matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos). “Ngayon, dapat ay maging malinaw sa inyong lahat na, sa mga huling araw, pangunahing ang katunayan na ‘ang Salita ay nagkatawang-tao’ ang isinasakatuparan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang aktuwal na gawain sa lupa, ginagawa Niyang makilala Siya ng tao at makipag-ugnayan sa Kanya, at makita ang Kanyang praktikal na mga gawa. Ginagawa Niya na malinaw na makita ng tao na kaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at na mayroon ding mga pagkakataon na hindi Niya ginagawa iyon; nakadepende ito sa kapanahunan. Mula rito, makikita mo na may kakayahan ang Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit sa halip ay binabago Niya ang Kanyang paraan ng paggawa ayon sa gawaing gagawin at ayon sa kapanahunan. Sa kasalukuyang yugto ng gawain, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; nagpakita Siya ng ilang tanda at kababalaghan sa kapanahunan ni Jesus dahil iba ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon. Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing iyon ngayon, at naniniwala ang ilang tao na hindi Niya kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, o kaya ay iniisip nila na kung hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi Siya Diyos. Hindi ba’t maling kaisipan iyan? Kaya ng Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit gumagawa Siya sa ibang kapanahunan, kaya nga hindi Siya gumagawa ng gayong gawain. Dahil ito ay ibang kapanahunan, at dahil ito ay ibang yugto ng gawain ng Diyos, ang mga gawang ibinunyag ng Diyos ay iba rin. Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi paniniwala sa mga tanda at kababalaghan, ni hindi paniniwala sa mga himala, kundi paniniwala sa Kanyang praktikal na gawain sa bagong kapanahunan. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at ang kaalamang ito ay nagbubunga sa tao ng pananampalataya sa Diyos, na ibig sabihin, pananampalataya sa gawain at mga gawa ng Diyos. … Sa bawat kapanahunan, nagbubunyag ang Diyos ng iba’t ibang gawa. Sa bawat kapanahunan, nagbubunyag Siya ng parte ng Kanyang mga gawa, at ang gawain ng bawat kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Ang mga gawang ibinubunyag Niya ay nag-iiba ayon sa kapanahunan kung saan Siya gumagawa, ngunit lahat ay nagbibigay sa tao ng mas malalim na kaalaman tungkol sa Diyos, isang pananampalataya sa Diyos na mas totoo at matatag. Nananampalataya ang tao sa Diyos dahil sa lahat ng gawa ng Diyos, dahil ang Diyos ay lubhang kamangha-mangha, napakadakila, dahil Siya ay makapangyarihan at hindi maarok” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kuru-kurong ibinunyag ko noong may sakit ako ay ito mismo: ang paniniwala na kung Siya ang Diyos, dapat Siyang gumawa ng mga tanda at kababalaghan, magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kung hindi, hindi Siya ang Diyos. Labis na katawa-tawa at baligho ang pananaw ko! Kaya ring gayahin ni Satanas at ng masasamang espiritu ang Diyos sa paggawa ng ilang tanda at kababalaghan para magpagaling ng mga tao. Ibig bang sabihin niyon ay matatawag na silang Diyos? Hindi ba’t kalapastanganan iyon laban sa Diyos? Ang Diyos ang Lumikha, na namamahala at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at kayang gabayan at iligtas ang sangkatauhan. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos upang ipahayag ang katotohanan para lubusang iligtas ang sangkatauhan. Sa pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, maiwawaksi ng mga tao ang kanilang satanikong tiwaling disposisyon, matatamo ang kaligtasan at magagawang perpekto. Ang ganitong uri ng gawain at ang ganitong mga salita ay lubhang nakahihigit sa awtoridad at kapangyarihan ng paggawa ng Diyos ng mga tanda at kababalaghan upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Ito ay isang bagay na hindi kayang makamit ng sinumang nilikhang tao, ni Satanas o ng anumang masamang espiritu. Naisip ko kung gaano karaming tao ngayon ang tumutukoy kung ang isang tao ay Diyos batay sa kung kaya ba niyang magpagaling ng maysakit o gumawa ng mga himala. Kapag binigyan sila ni Satanas at ng masasamang espiritu ng ilang pakinabang o gumawa ng ilang himala, sinasamba nila ang mga ito, itinuturing si Satanas bilang ang tunay na Diyos, habang isinasara ang pinto sa tunay na Diyos na nagpapahayag ng katotohanan at kayang magligtas sa sangkatauhan. Dahil dito, nawawala ang kanilang pagkakataong maligtas. Ang gayong pananaw ay tunay na baligho at mapanira! Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na ang pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at paggawa ng mga tanda at kababalaghan ay ang gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung gagawin itong muli ng Diyos sa mga huling araw, magiging paulit-ulit na lang ito. Kung palaging nagpapagaling ng maysakit ang Diyos, nagpapalayas ng mga demonyo, at gumagawa ng mga himala, kung gayon, lahat ay maniniwala at susunod sa Diyos dahil lang sa gumaling ang kanilang mga sakit o dahil nakakita sila ng himala. Imposibleng maibunyag nito kung sino ang tunay na nananampalataya at kung sino ang may huwad na pananalig, at lalong hindi mabubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri. Sa pagkakataong ito, hindi gumagawa ang Diyos ng kahit isang tanda o kababalaghan sa Kanyang gawain, na mas makapagbubunyag sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at mas nakatutulong sa pagbabago at paglilinis sa kanila. Halimbawa, ako. Kung talagang ipinagkaloob ng Diyos ang bawat hiling ko at lubusang pinagaling ang aking sakit, hindi ko sana kailanman napagnilayan ang aking mga maling pananaw sa pananalig o ang aking kasuklam-suklam na intensyon na subukang makipagtawaran sa Diyos. Nagpatuloy sana ako sa paglilimita sa Diyos batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa paniniwala sa ganoong paraan, hindi ko kailanman makakamit ang katotohanan at buhay, hindi magbabago ang aking tiwaling disposisyon, at sa huli ay matitiwalag ako. Bagama’t nagtiis ako ng kaunting pisikal na pasakit sa sakit na ito, sa pamamagitan ng pagdarasal at pagsandal sa Diyos sa gitna ng aking pagdurusa, binigyang-liwanag at ginabayan ako ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, pinalaya ako mula sa mga limitasyon ng aking sakit at mula sa pamumuhay sa pasakit at takot. Nagkamit din ako ng kaunting pananalig sa Diyos. Ito ay mga pakinabang na hindi ko sana kailanman makukuha sa isang komportableng kapaligiran. Tunay kong naramdaman na ang gawain ng Diyos sa paggamit ng Kanyang mga salita upang iligtas ang sangkatauhan ay napakapraktikal at napakatalino! Sa pagkaunawa nito, tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, anuman ang mangyari sa aking sakit sa hinaharap, handa akong ipagkatiwala ang lahat sa Iyo, taimtim na hangarin ang katotohanan, at tuparin nang maayos ang aking tungkulin.”
Pagkatapos ay nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nalaman ko kung ano ang tunay na pananalig sa Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang ‘pananampalataya sa Diyos’ ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto ng pananampalataya sa Diyos. Higit pa rito, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na pananampalataya sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, at sa gayon ay iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay ang maaaring tawaging ‘pananampalataya sa Diyos’” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). “Maaari mong isipin na ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol lang sa pagdurusa, o paggawa ng maraming bagay para sa Kanya, o pagiging mapayapa ng iyong laman, o ang pagiging maayos ng takbo ng lahat ng bagay para sa iyo, at pagiging komportable at maalwan mo sa lahat ng bagay. Wala sa mga ito ang mga pakay na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung nananampalataya ka dahil sa mga pakay na ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagkaunawang ito, dapat magawa mong alisin sa puso mo ang personal mong mga hinihingi, inaasam, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kondisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang perspektiba para sa pananampalataya sa Diyos, at ito rin ang layong dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at sa partikular, kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang maiwaksi nila ang kanilang tiwaling satanikong disposisyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Ngayon nauunawaan ba ninyo kung ano ang paniniwala sa Diyos? Nangangahulugan ba ang paniniwala sa Diyos ng pagkakita ng mga tanda at mga kababalaghan? Nangangahulugan ba ito ng pag-akyat sa langit? Hindi madali kahit bahagya ang paniniwala sa Diyos. Dapat maalis ang gayong mga relihiyosong pagsasagawa ng paghahabol sa paglunas sa mga maysakit at pagpapatalsik sa mga demonyo, ang pagtutuon sa mga tanda at kababalaghan, pag-iimbot sa higit pang biyaya, kapayapaan at kagalakan ng Diyos, paghahangad sa kinabukasan at mga kaginhawahan ng laman—pawang relihiyosong gawi ang mga ito, at malabong uri ng paniniwala ang mga ganoong relihiyosong gawi. Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat isakatuparan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Naisasakatuparan ng Salita ng Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi dapat para sa kapayapaan ng katawan, ni hindi rin dapat para sa mga pagpapala. Sa halip, dapat itong maging tungkol sa pagkain at pag-inom ng mas maraming salita ng Diyos at pagdanas ng Kanyang gawain, upang maiwaksi ang satanikong tiwaling disposisyon ng isang tao at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos at magawang makakilala, magpasakop, at matakot sa Diyos; saka lamang maaaring maligtas ng Diyos ang isang tao sa huli. Ngunit mali ang aking perspektiba sa pananalig mula pa sa simula. Gusto kong pagalingin ako ng Diyos at bigyan ako ng pisikal na kapayapaan. Ang ganitong uri ng pananalig ay isang malabong paniniwalang panrelihiyon, at hindi ito kinikilala man lang ng Diyos. Naisip ko si Job. Hindi siya naghangad ng pisikal na kapayapaan sa kanyang pananalig. Sa halip, nagtuon siya sa pag-unawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at pag-alam sa Kanyang mga gawa sa kanyang pang-araw-araw na buhay, at hinangad niyang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Nang siya ay dumanas ng pisikal na karamdaman, hindi siya nagkasala sa kanyang mga labi. Mas pinili niyang magtiis ng matinding pasakit kaysa magreklamo o sisihin ang Diyos, at pinuri pa rin niya ang pangalan ng Diyos. Ang kanyang pananalig ay nakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Ngunit hindi ko hinangad ang katotohanan sa aking pananalig; hinangad ko lamang ang pisikal na kapayapaan. Nang bumalik ang sakit ko, napuno ng mga reklamo ang aking puso laban sa Diyos, at tinanggihan at ipinagkanulo ko pa Siya. Ni hindi man lang ako maihahambing kay Job. Ang buhay kong ito ay ibinigay ng Diyos. Ang katunayan na hindi nalagay sa panganib ang buhay ko noong walang-tigil sa pagdurugo ang ilong ko ay pangangalaga at proteksyon na ng Diyos. Gayumpaman, hindi ako nagpasalamat sa Diyos; sa halip, nagreklamo ako at ipinagkanulo Siya. Tunay na napakawalang-konsensiya at katwiran ko! Bukod dito, nagkaroon na ako ng sakit na ito bago pa man ako manampalataya sa Diyos. Kahit hindi ako nanampalataya, aatake pa rin ang sakit ko. Ang pagbalik ng sakit ko ay walang kinalaman sa kung nananampalataya ba ako sa Diyos o hindi. Hindi ako dapat nagreklamo tungkol sa Kanya. Pagkatapos ay naunawaan ko kung ano ang tunay na pananalig sa Diyos, at naging handa akong taimtim na hangarin ang katotohanan ayon sa Kanyang mga hinihingi at maranasan ang gawain ng Diyos.
Pagkatapos, sa tuwing nakararanas ako ng sakit, nagtutuon ako sa pagninilay sa tiwaling disposisyong ibinubunyag ko at paghahanap sa katotohanan para malutas ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, hindi na ako gaanong nalilimitahan ng aking sakit. Salamat sa Diyos sa paggamit ng sakit na ito para bigyan ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga maling pananaw sa pananalig at para tulungan akong mahanap ang tamang landas ng pananalig sa Diyos. Anuman ang mangyari sa aking katawan sa hinaharap o kung gagaling man ang sakit ko, susunod ako sa Diyos at lalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Salamat sa Diyos!