88. Naiwaksi Ko ang mga Gapos ng Kasikatan at Pakinabang
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil hindi alam ng mga tao ang mga pamamatnugot ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagsuway at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais iwaksi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mag-iba ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito, na nagaganap sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, ay nagdudulot ng kirot, at ang kirot na ito ay tumatagos sa kanyang buto, at kasabay nito ay idinudulot nito na maaksaya ang buhay niya. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi masuwerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Sa pangunahin, idinudulot ito ng mga landas na tinatahak ng mga tao, at ng mga paraan na pinipili nilang isabuhay ang kanilang buhay. Maaaring hindi pa naranasan ng ilang tao ang mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong kinikilala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at Kanyang isinasaayos para sa iyo ay malaking pakinabang at proteksiyon sa iyo, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong kirot, at ang buo mong pagkatao ay unti-unting mawawalan ng tensyon, magiging malaya, may kasarinlan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Sa tuwing nakikita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, naiisip ko ang dati kong karanasan sa pagpupunyagi. Dahil hindi ko naunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi kong gustong baguhin ang aking kapalaran sa pamamagitan ng sarili kong mga pagsisikap at mamuhay nang marangal at tanyag na parehong may kasikatan at pakinabang, at hinahangaan ng iba. Naniwala ako na kapag may kasikatan at pakinabang, magkakaroon ako ng masayang buhay. Matapos paulit-ulit na makaranas ng mga balakid at kabiguan, saka lang ako namulat nang halos mamatay na ako sa isang aksidente sa bus at napagtanto kung gaano kawalang-magawa at kawalang-halaga ang mga tao sa harap ng kamatayan, na hindi kayang bilhin ng anumang halaga ng pera ang buhay, na ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang ay nagdulot lang sa akin ng pasakit at kahungkagan, at na tanging sa pagpili na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at pagtupad sa tungkulin ko bilang isang nilikha na maipamumuhay ko ang pinakamakabuluhang buhay.
Ipinanganak ako sa kanayunan, at noong bata pa ako, nakita ko ang ate ko na nagtatrabaho sa laboratoryo ng isang planta na nagpoproseso ng mineral. Komportable at maginhawa ang kanyang kapaligiran sa trabaho, at nakakapaglakbay siya nang regular para sa trabaho. Sa tuwing umuuwi siya, sunod na sunod sa moda at napakaganda ng kanyang pananamit, at nag-uuwi siya ng ilang espesyal na produkto mula sa mga ibang rehiyon. Talagang hinahangaan siya ng lahat ng tao sa nayon, at nainggit ako sa kanya, iniisip na, “Napakaganda siguro kung makapamumuhay ako nang gayong kagalang-galang at tanyag na buhay sa hinaharap!” Pagkagraduate ko ng junior high school, nagkataon lang na naghahanap ng mga manggagawa ang planta sa pagpoproseso ng mineral na pinagtatrabahuhan ng ate ko, kaya nagtrabaho ako sa planta. Dahil mababa ang pinag-aralan ko at wala akong mga espesyal na kasanayan, sa pagawaan lang ako puwedeng magtrabaho. Nakabibingi ang ingay ng mga makina sa pagawaan at nagliliparan ang alikabok sa lahat ng dako. Araw-araw akong nagbubuhat ng ilang dosenang kilo ng reagents akyat-baba sa hagdanan para punuin ang mga reagents. Dahil allergic ako sa mga reagent, napuno ng mapulang pantal ang mga kamay at mukha ko. Kinailangan ko ring magtrabaho sa gabi, at pagkalipas ng ilang buwan, nanilaw at namutla ang mukha ko. Ang mabigat na pisikal na trabaho ay madalas magdulot sa akin ng lubos na pagkapagod. Nakita ko na ang mga kasamahan kong may mga teknikal na trabaho ay nagtatamasa ng pinakamagagandang benepisyo at pabahay, pati na rin ng mga sahod na ilang beses na mas mataas kaysa sa akin. Madalas din silang nakaupo sa opisina, relaks na nagbabasa ng mga diyaryo at umiinom ng tsaa, at malinis ang kanilang pananamit, na may pino at maginoong hitsura. Pagkatapos, nang tiningnan ko ang sarili ko, pakiramdam ko ay mas mababa ako sa kanila; pakiramdam ko talaga ay mababa ako. Naisip ko, “Wala akong pinag-aralan at wala akong mga kasanayan, kaya puro mabigat na trabaho lang ang kaya kong gawin. Nagsisisi talaga ako na hindi ako nag-aral nang mabuti noon. Kung nag-aral lang sana ako nang mabuti at nakakuha ng diploma, hindi ba’t makakaangat din ako sa iba at mamumuhay nang hinahangaan at kinaiinggitan tulad nila? Mga tao tayong lahat, kaya bakit ganito ako kabigo? Ayokong gugulin ang buong buhay ko sa pagpapakahirap sa pagawaan.” Kalaunan, narinig ko na may pagkakataong kumuha ng pagsusulit para sa vocational secondary school sa pamamagitan ng planta. Isinuko ko ang oras ko ng pahinga, gumigising nang maaga at natutulog nang gabi na para magsaulo ng mga libro at magsagot ng mga praktis na tanong. Pagkatapos ng dalawang taon ng pagsisikap, naging kwalipikado akong pumasok sa isang vocational school. Makalipas ang tatlong taon, nakuha ko ang diploma ko gaya ng ninais ko at naging isang bihasang propesyonal. Hinubad ko ang mamantika kong damit pantrabaho, at iniwan ko ang maalikabok na pagawaan para sa isang nakaiinggit na trabaho sa opisina. Habang tinitingnan ang mga kasamahan kong abala pa rin sa pagawaan, naisip ko na hindi nasayang ang mga pagsisikap ko sa nakalipas na ilang taon. Mas lalo akong naniwala sa ideya na “Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao,” at na hangga’t nagsisikap ako, makapamumuhay ako nang maginhawa, komportable, disente, at tanyag na buhay.
Pero pagdating ko sa opisina ng departamento, nalaman ko na ang mga kasamahan ko ay hindi lang may mga kwalipikasyong pang-akademiko, kundi may mga propesyonal na titulo rin. Kahit na pareho ang ginagawa naming trabaho, ang sahod ko ang pinakamababa sa lahat. Higit pa rito, kung walang propesyonal na titulo, hindi ako magiging kwalipikado para sa pabahay, opisyal na katayuan, o pag-angat, at maaari akong ilipat pabalik sa pagawaan anumang oras. Kung gusto ko nang pagtaas ng sahod at pag-angat, kailangan kong makakuha ng mataas na propesyonal na titulo. Pagkatapos niyon, bumili ako ng mga materyales para sa pagsusulit sa mga asignaturang tulad ng mga prinsipyo ng accounting, advanced English, mga prinsipyo ng statistics, at iba pa. Ito ay mga bagay na hindi ko pa kailanman naharap, at talagang nahirapan akong pag-aralan ang mga ito. Gayumpaman, para magkaroon ng matatag na posisyon sa opisina ng departamento, kailangan kong gawin ang lahat ng aking makakaya. Kalaunan, ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko sa labas ng trabaho sa pag-aaral. Para hindi maabala, ginawa ko pa nga ang mahirap na desisyon na ipaubaya sa mga magulang ko ang aking anak na isang taong gulang. Dahil sa matinding stress sa trabaho at sa mababa kong pinag-aralan, dalawang taon akong sunod-sunod na kumuha ng pagsusulit pero parehong beses akong bumagsak. Pinagtawanan ako ng mga kasamahan ko, at pinayuhan ako ng asawa ko na huwag nang kumuha ulit ng pagsusulit. Pero hindi ako sumuko, at madalas akong nagpupuyat para mag-aral. Sa simula pa lang, mayroon na akong thyroid dysfunction, at kailangan ko ng pangmatagalang gamutan. Dahil sa matagal na pagpupuyat, lalo pang humina ang aking immunity. Kada dalawang araw ay kailangan kong magpa-dextrose, at kapag sobrang sama ng pakiramdam ko, kailangan ko pang maghabol ng hininga kapag naglalakad. Gayumpaman, naisip ko pagkatapos ang tungkol sa kung paanong kung hindi ako magkakamit ng propesyonal na titulo, mawawalan ako ng anumang pagkakataon para makakuha ng pagtataas ng sahod at pag-aangat. Hindi ba’t masasayang lang ang lahat ng pagsisikap ko sa mga nakaraang taon? Paano ako magkakaroon ng pagkakataong umangat sa iba sa hinaharap? Kaya, pinagngalit ko na lang ang ngipin at nagtiyaga. Pagkatapos ng tatlong taon ng pagsisikap, nakamit ko na rin sa wakas ang isang intermediate professional qualification. Dahil sa “pass” na ito, hindi nagtagal ay naiangat ako bilang isang middle-level na kadre. Tumaas din ang sahod ko, dahil mula sa isang manggagawa ay naging isang kadre ako sa isang iglap. Pakiramdam ko ay bumuti ang halaga at katayuan ko; hindi ko masabi sa iyo kung gaano ako kapuno ng pagmamalaki.
Gayumpaman, hindi nagtagal ang magagandang panahong ito. Pagkalipas ng ilang taon, bumaba ang kita ng planta, at natanggal ako sa trabaho. Mula sa pagiging isang kadre ay bumagsak ako sa pagiging isang natanggal na manggagawa sa isang iglap. Pakiramdam ko ay naglaho ang ningning sa itaas ng aking ulo at ang aking magandang kinabukasan sa isang iglap, at pakiramdam ko ay litung-lito talaga ako. Ayaw kong hayaang maging ganito ang buhay ko. Noong panahong iyon, nabasa ko sa mga diyaryo na maraming tao ang nagsimula ng sarili nilang negosyo matapos matanggal sa trabaho at nauwi sa pagiging mga boss at negosyante, na namumuhay nang nakaiinggit na buhay. Naniwala ako na kaya kong gawin ang kaya nilang gawin. Kaya, sinimulan ko ang sarili kong paglalakbay sa pagnenegosyo, nagtayo ako ng pwesto, nagbenta ng mga meryenda, nag-alok ng insurance, at iba pa. Kahit na kumita ako ng pera, naaksidente ako sa sasakyan, at napinsala ang aking cervical spine. Hindi nagtagal, natanggal din sa trabaho ang asawa ko, nagkasakit at naospital ang mga magulang ko, at naubos ang kaunting perang mayroon ang aming pamilya. Sa harap ng mga kabiguang ito, ayaw kong tanggapin ang pagkatalo at patuloy pa rin akong naghanap ng mga pagkakataon. Noong 2004, napasok ko ang industriya ng direct sales. Narinig ko ang isang manager na nagbahagi ng kanyang karanasan sa pagnenegosyo, mula sa pagiging pangkaraniwan hanggang sa pagtatagumpay, at kung paanong ang kanyang sales team ay kumalat sa buong bansa, kung paano siya kumita ng daan-daang libong yuan bawat taon…. Nag-alab ang aking damdamin, at sumali ako sa pangkat nang walang pag-aalinlangan. Patuloy akong nag-aral kung paano magbenta ng mga produkto at magpalago ng aking pangkat, nangangarap na balang araw ay kikita ako ng malaking pera, mamumuhay nang mayaman at malaya, at magbabahagi sa iba ng sarili kong mga karanasan sa pagnenegosyo. Napakaluwalhati niyon!
Hindi nagtagal, isang kamag-anak ang nangaral sa akin ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng bagay, na ang hantungan sa hinaharap at kapalaran ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, at na ang mga tao ay magkakaroon lamang ng magandang kapalaran kung sasambahin nila ang Diyos. Samakatwid, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos at nagsimulang lumahok sa buhay iglesia. Gayumpaman, noong panahong iyon, lubos akong nakatuon sa pagpapalago ng aking sales team, at natatakot ako na ang pagdalo sa masyadong maraming pagtitipon ay makakaapekto sa aking mga benta. Kung mababa ang benta ko, mababa ang kita ko, at paano ko pa maiisip na mamuhay nang tanyag at marangal? Samakatwid, inilaan ko ang karamihan ng oras ko sa pagbebenta ng mga produkto at pagpapalawak ng aking customer base, madalas na hindi nakakadalo sa mga pagtitipon. Kahit kapag dumadalo ako sa mga pagtitipon, palagi akong inaantok, at wala talagang pumapasok sa isip ko. Noong una, nakaramdam ako ng bahagyang paninisi sa sarili, pero nang makita ko ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga tao sa aking pangkat sa ilalim ng aking masusing pamamahala, kung paanong pagganda nang pagganda ng aming mga benta, at kung paanong palapit ako nang paglapit sa pagiging isang mid-level na distributor, ang bahagyang paninisi sa sarili na nasa aking puso ay naglaho. Kalaunan, halos araw-araw akong bumibisita sa mga customer para magbenta ng mga produkto, at dinadala ko ang pangkat sa mga study trip bawat buwan, kaya huminto na ako sa pagdalo sa mga pagtitipon. Kapag pumupunta ang mga sister sa bahay ko para hanapin ako, nagtatago ako sa kanila, at inilaan ko ang aking buong katawan at puso sa aking karera. Para mas mapalago ang mga customer, natutunan ko ang iba’t ibang sales pitch. Hinikayat ko ang mga customer na bumili ng mga produktong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga panganib ng mga sakit, at pinuri ko ang mga customer para mabentahan sila ng mga kosmetiko. Tinalakay ko rin ang mga pagkakataon para sa direct sales at ang kaakit-akit na sistema ng bonus, at nag-ayos ako nang maganda, gamit ang imahe ng isang matagumpay na tao para akitin ang mga customer na sumali sa aking sales team. Pagkatapos, medyo hindi ako mapakali: Sa totoo lang, talagang hindi matatag ang kita ko, at hindi ganoon kadaling kumita sa direct sales. Hindi ba’t nagpipinta lang ako ng magandang larawan para lokohin ang mga tao? Pero naisip ko rin, “Sa industriya ng direct sales, lahat ay nagsasanay sa mga sales pitch. Paano ka makakapagbenta kung masyado kang matapat? Paano ka kikita ng mas malaking pera?” Kaya, nagpatuloy ako sa paggamit ng mga mapanlinlang na paraan para kumita ng pera. Madalas akong nagtatrabaho hanggang ala-una o alas-dos ng madaling araw para kumita nang mas malaking pera, kaya pagod na pagod ang sarili ko pag-uwi ko ng bahay. Wala nga akong oras para alagaan ang asawa ko nang maoperahan siya. Galit niyang sinabi na wala akong puso, at humingi pa nga ng diborsyo. Ang anak kong babae, na papasok na sa high school, ay naging adik sa mga online game at bumagsak ang kanyang mga grado, pero wala akong anumang oras para asikasuhin siya. Mahirap pamunuan ang pangkat, may problema sa aking kasal, at suwail ang anak ko. Ang lahat ng ito ay nagdulot sa akin ng pagkapagod at labis akong nabigatan. Madalas kong isipin: “Ito ba talaga ang buhay na gusto ko?” Gayumpaman, nagsisimula nang umunlad ang pangkat at parang abot-kamay ko na ang magandang buhay na gusto ko, kaya nagpatuloy ako na magtiyaga. Nagsikap ako nang husto sa loob ng dalawang taon gaya nito. Lumaki ang pangkat ko sa halos isang daang tao, at patuloy na tumataas ang aming mga benta. Naging isang mid-level na distributor ako, na may buwanang kita na 6,000 hanggang 7,000 yuan. Nakatanggap ako ng papuri mula sa aking mga lider at paghanga mula sa mga nakapaligid sa akin, at nakaramdam ako ng malaking tagumpay. Bagama’t may hindi maipaliwanag na kahungkagan sa puso ko pagkatapos, nang maisip ko na kung magiging high-level na distributor ako, kikita ako ng daan-daang libong yuan bawat taon, at hahangaan ng lahat, nakahanap ako ng panibagong motibasyon, at naghandang magsumikap para sa layong maging isang high-level na distributor. Hindi ko inaasahan, noong dinadala ko ang pangkat sa isang study trip, ang sinasakyan naming bus ay bumangga sa isang trak, at nawalan ako ng malay. Nang magising ako, nakita kong nakataob sa lupa ang sinasakyan naming bus, at nakarinig ako ng mga sigawan sa buong paligid. May mga taong duguan ang buong mukha, at may mga dumadaing sa sakit. Gusto kong tumayo, pero sobrang sakit ng balakang ko kaya hindi ako makabangon. Kinailangan ko na lang maghintay na buhatin kami ng mga tagasagip palabas ng bus. Nang makita ko ang kalunos-lunos na eksenang ito, natakot ako, “Mapaparalisa kaya ako dahil sa sobrang sakit ng balakang ko? Napakaraming tao sa pangkat ko ang nasugatan. Kung may mapahamak sa sinuman, paano ko ito ipapaliwanag sa kanilang pamilya?” Nakaramdam ako ng matinding kawalan ng magawa. Sa oras na ito, naisip ko ang Diyos at patuloy akong nanalangin sa aking puso, “Mahal na Diyos, iligtas Mo po kami …” Pagkatapos ng pagsusuri, natuklasan na mayroon akong compression fractures sa tatlong lumbar vertebrae. Inirekomenda ng doktor ang konserbatibong gamutan. Sa pagbabalik-tanaw, kahit na nakaupo ako sa harap ng bus, hindi ako malubhang nasugatan. Ito ang habag at proteksyon ng Diyos sa akin, at nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso. Nang makita ko ang matalik kong kaibigan sa silid ng ospital na comatose pa rin pagkatapos ng spinal fixation surgery, ang isa pang ate na kalalabas lang sa operasyon dahil sa naputol na litid sa binti niya, at isang babae na may dalawampung taong gulang na may pinsala sa balakang at na sinabi ng doktor na baka hindi na magkaanak, napagtanto ko kung gaano karupok ang buhay ng tao. Dalawang araw pa lang ang nakalipas, masaya pa kaming nagbabahaginan ng aming mga natutunan sa bus, pero ngayon, lahat kami ay nakahiga na sa mga kama sa ospital. Tapos tiningnan ko ang sarili ko, na may lumbar fracture. Sinabi ng doktor na hindi ko maaasikaso ang sarili ko sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. “Ano pa ang silbi ng pagkita ng mas maraming pera kung mawawalan naman ako ng buhay ngayon? Napakasuwerte ko na buhay pa ako!” naisip ko.
Makalipas ang dalawang buwan, pinalabas na ako sa ospital at umuwi para magpagaling. Isang sister ang dumalaw sa akin matapos malaman na naaksidente ako sa bus, at nakahanap siya ng isang sipi ng salita ng Diyos at binasa ito sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating na nagkukumahog at nagpapakaabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong sariling kinabukasan, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, matatawag ka pa rin bang isang nilikha? Sa madaling sabi, paano man gumagawa ang Diyos, ang lahat ng Kanyang gawain ay alang-alang sa tao. Katulad lang ito ng kung paanong ang mga langit at lupa at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos para magserbisyo sa tao: Nilikha ng Diyos ang buwan, ang araw, at ang mga bituin para sa tao, nilikha Niya ang mga hayop at mga halaman para sa tao, nilikha Niya ang tagsibol, tag-araw, taglagas at taglamig para sa tao, at iba pa—ang lahat ng ito ay ginawa alang-alang sa pag-iral ng tao. At kaya, paano man kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao, ang lahat ng ito ay alang-alang sa kaligtasan ng tao. Kahit na tinatanggal Niya sa tao ang makalamang mga inaasahan nito, ito ay alang-alang sa pagdadalisay sa tao, at ang pagdadalisay sa tao ay ginagawa alang-alang sa pag-iral ng tao. Ang hantungan ng tao ay nasa mga kamay ng Lumikha, kaya paano makokontrol ng tao ang kanyang sarili?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Sabi ng sister: “Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng tao, at walang sinuman ang makakakontrol sa sarili niyang kapalaran. Tingnan mo kung paano ka naging abala sa pagkayod para sa pera buong araw. Sa pagkakataong ito, ang Diyos ang nag-ingat sa iyo mula sa malubhang pinsala. Pero naisip mo na ba na kahit kumita ka ng pera, ano ang silbi ng perang iyon kung mawawala naman ang buhay mo? Mapalad tayong matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ngayon, pero hindi ka naman dumadalo nang maayos sa mga pagtitipon. Hindi ba’t isang pagtatangka ito na umiwas sa pagliligtas ng Diyos sa iyo?” Bagama’t tumagos sa puso ko ang mga salita ng sister, ang mga iyon din ang katunayan. Sa pagbabalik-tanaw, noong nakuha ko ang aking diploma at propesyonal na titulo sa pamamagitan ng self-study, inakala kong magiging madali na ang lahat pagkatapos niyon. Pero hindi ko inaasahan na matatanggal ako sa trabaho at mawawalan ng hanapbuhay. Hindi ako handang basta na lang tanggapin ang kabiguang ito. Nang makita kong maraming tao ang nagsimula ng sarili nilang negosyo at umangat sa karamihan, patuloy din akong nagsikap at sumubok na magsimula ng sarili kong negosyo. Gayumpaman, lahat iyon ay nauwi sa kabiguan. Sa panahong ito, naaksidente ako sa sasakyan at nagtamo ng pinsala sa cervical spine na halos ikaparalisa ko. Bago pa ako tuluyang gumaling, pumasok na naman ako sa direct sales. Gusto kong magkaroon ng magandang buhay sa pamamagitan ng direct sales, pero hindi ko inaasahan na dahil sa isang aksidente sa bus, ang lahat ng pinaghirapan ko sa loob ng maraming taon ay biglang maglalaho na parang bula. Napagtanto ko na hindi ko talaga kayang kontrolin ang sarili kong kapalaran, at na ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang aksidenteng ito ay maaaring tila isang masamang bagay, pero sa totoo lang ay isang mabuting bagay ito. Ito ang pagliligtas ng Diyos sa akin. Kung hindi, hindi sana ako tumigil sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang.
Kalaunan, marami pa akong nabasang mga salita ng Diyos: “Ang Makapangyarihan sa lahat ay may habag sa mga taong ito na nagdurusa nang labis; kasabay nito, nakakaramdam Siya ng pagkasuya sa mga taong ito na talagang walang anumang kamalayan, dahil kailangan Niyang maghintay nang napakatagal bago Siya makatanggap ng sagot mula sa mga tao. Gusto Niyang maghanap, hanapin ang iyong puso at ang iyong espiritu, at bigyan ka ng tubig at pagkain, upang magising ka at hindi ka na mauhaw o magutom. Kapag pagod ka na at nararamdaman mo ang kapanglawan ng mundong ito, huwag kang magulumihanan, huwag manangis. Yayakapin ng Makapangyarihang Diyos, ang Tagapagbantay, ang iyong pagdating anumang oras” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakaramdam ng init ang puso ko, at naramdaman ko ang pagmamahal at habag ng Diyos. Narinig ko ang tinig ng Diyos ngunit hindi ko mapaglabanan ang tukso ng pera, kasikatan, at pakinabang, at para kumita ng mas maraming pera at umangat sa iba, ayaw kong dumalo sa mga pagtitipon. Nagtago pa nga ako sa mga kapatid ko nang pumunta sila sa bahay para hanapin ako. Naging napakamanhid at napakamapaghimagsik ko, pero hindi ako inabandona ng Diyos. Nakaupo ako sa harap noong nangyari ang aksidente sa bus, at dumanas ng malakas na pagsalpok, pero hindi ako malubhang nasugatan. Hindi ba’t proteksyon ito ng Diyos? Nagsaayos din ang Diyos na may isang sister na pumunta sa akin para magbahagi tungkol sa katotohanan, para maunawaan ko ang layunin ng Diyos at manumbalik sa Diyos. Hindi ba’t lahat ng ito ay pagpapakita ng habag ng Diyos sa akin? Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos, pero nahumaling ako sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, nagtatago sa Diyos at lumalayo sa Kanya. Masyadong matigas ang puso ko, masyadong walang konsensiya at katwiran. Talagang hindi ako karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos!
Sa sandaling nakarekober na ako nang sapat na nakakalakad na akong muli, tinawagan ako ng lider ko at hiningi sa akin na bumalik ako para pamahalaan ang pangkat. Naisip ko, “Kung hindi ko pamamahalaan ang pangkat na pinaghirapan kong buuin, mabubuwag ito. Ngayon, bumababa ang mga benta bawat buwan, at bumababa rin ang kita ko. Kung magpapatuloy ito, hindi ba’t mauuwi lang sa wala ang lahat ng dati kong pagsisikap?” Nagsimulang mag-alinlangan ang puso ko. Sa oras na ito, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Dahil nananampalataya at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katugunan sa mga layunin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat kang magpasakop sa Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang likas na kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong nananampalataya sa Diyos, dapat kang maghangad ng pagpapabanal at pagbabago” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). “Mula sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mo nang gampanan ang iyong mga responsabilidad. Alang-alang sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang tao ay nilikha ng Diyos. Bilang isang nilikha, dapat akong magpasakop sa Diyos, palugurin ang Diyos, tuparin ang aking mga responsabilidad, at gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Naisip ko kung paano ko ginugol ang halos buong buhay ko sa paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan. Sa huli, hindi ko nakuha ang gusto ko pagkatapos ng lahat ng aking pagpupunyagi at pagdurusa, at halos mamatay ako. Na nakabalik na ako ngayon sa Diyos ay dahil sa habag at proteksyon ng Diyos, at dapat kong suklian ang pagmamahal ng Diyos. Marami pa ring taos-pusong mananampalataya na hindi pa nakalalapit sa harap ng Diyos, at dapat kong ipangaral ang ebanghelyo sa mga taong ito. Ito ang aking responsabilidad at aking tungkulin. Kaya, nagpasya akong huwag nang palaguin pa ang pangkat. Gusto kong magtipon nang maayos para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at ipangaral ang ebanghelyo para magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos niyon, tinanggihan ko ang hiling ng lider ko at pinili kong gawin ang aking tungkulin kasama ang aking mga kapatid, aktibong ipinangangaral ang ebanghelyo sa mga nakapaligid sa akin. Naging makabuluhan ang bawat araw.
Noong 2012, nakilala ko ang isang dating kasamahan. Nakita ko na isa na siyang high-level na distributor, at kumikita ng malaking pera. Nakabili pa nga siya ng malaking bahay. Sinabi niya, “Basta’t sumama ka sa akin na magtrabaho, tutulungan kitang maabot ang iyong target sa benta. Magkakaroon ka ng taunang sahod na 100,000 yuan, walang problema.” Nang makita kung paano siya kumikita ng malaking pera at mukhang napakabata at maganda, at kung paanong ang kanyang bagong bahay ay parang isang villa, hindi ko mapigilang mag-alinlangan, “Hindi ba’t ito mismo ang buhay na gusto ko? May karanasan ako at hindi naman ako mas bobo kaysa sa kanya, kaya hindi magiging mahirap para sa akin na makabangon muli. Hindi kakailanganin ng malaking pagsisikap para makamit ang taunang sahod na 100,000 yuan.” Dahil sa tukso ng pakinabang, hindi mapakali ang puso ko, at nanalangin ako sa Diyos, “Mahal na Diyos, alam kong hinihingi ng pananampalataya sa Iyo na dumalo ako sa mga pagtitipon at gawin nang maayos ang aking tungkulin, pero gusto ko pa ring hangarin ang kasikatan at pakinabang, at gulong-gulo ang puso ko. Mahal na Diyos, nawa ay protektahan at akayin Mo ako para hindi ako mahulog sa mga tukso ni Satanas.”
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na hinihimay ang iba’t ibang layon sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa mga ito ay hindi umaayon sa orihinal na layunin ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang gampanin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para hangarin lamang na magpasakop sa mga pamamatnugot at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumagawa ng indibidwal na pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). “Ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang upang kontrolin ang mga kaisipan ng mga tao, idinudulot sa mga tao na wala nang ibang isipin kundi ang dalawang bagay na ito. Nakikibaka sila para sa kasikatan at pakinabang, dumaranas ng mga paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, nagtitiis ng kahihiyan at nagbubuhat ng mabibigat na pasanin para sa kasikatan at pakinabang, nagsasakripisyo ng lahat ng mayroon sila para sa kasikatan at pakinabang, at gagawa sila ng kahit anong paghuhusga o pagpapasya alang-alang sa kasikatan at pakinabang. Sa ganitong paraan, naglalagay si Satanas ng mga di-nakikitang kadena sa mga tao, at, suot-suot ang mga kadenang ito, wala silang lakas ni tapang na makaalpas. Dala nila ang mga kadenang ito nang hindi nila nalalaman at patuloy silang naglalakad nang may matinding paghihirap. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito, lumilihis ang sangkatauhan mula sa Diyos at ipinagkakanulo Siya at lalo silang nagiging buktot. Sa ganitong paraan, sunud-sunod na nawawasak ang mga henerasyon sa gitna ng kasikatan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga kilos ni Satanas, hindi ba lubos na kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil ay hindi pa rin ninyo nakikilatis ngayon ang masasamang motibo ni Satanas dahil iniisip ninyo na mawawalan ng kabuluhan ang buhay kung walang kasikatan at pakinabang, at iniisip ninyo na kung tatalikuran ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa kanilang harapan, hindi na nila makikita ang kanilang mga layon, at magiging madilim, malabo at mapanglaw ang kanilang hinaharap. Ngunit, unti-unti, balang araw ay mauunawaan ninyong lahat na ang kasikatan at pakinabang ay malalaking kadenang inilalagay ni Satanas sa tao. Pagdating ng araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at ang mga kadenang dinadala sa iyo ni Satanas. Pagdating ng oras na nais mong palayain ang sarili mo mula sa lahat ng bagay na ito na ikinintal sa iyo ni Satanas, ganap kang hihiwalay kay Satanas at talagang kamumuhian mo ang lahat ng naidulot ni Satanas sa iyo. Saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pagmamahal at pananabik sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang kasikatan at pakinabang para gawing tiwali ang mga tao, at idulot sa atin na ituring ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang bilang isang positibong bagay, bilang isang panghabambuhay na layon na dapat pagsikapan, palaging sinusubukang takasan ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sa huli ay iniiwasan at ipinagkakanulo ang Diyos. Ang kasikatan at pakinabang ay mga bitag na inilatag ni Satanas para sa mga tao, at mga patibong na nag-aakay sa mga tao na mahulog sa kabuktutan. Ang dahilan kung bakit hindi ko mabitiwan ang kasikatan at pakinabang ay dahil itinuring kong mga positibong bagay ang mga satanikong tuntunin ng kaligtasan tulad ng “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” at “Mamukod-tangi sa lahat.” Naniwala ako na kapag nakuha ng mga tao ang kasikatan at pakinabang, saka lang sila makapamumuhay nang may dignidad at halaga. Nagbalik-tanaw ako noong kagagraduate ko lang. Para makapamuhay tulad ng ate ko, ibinuhos ko ang oras ko sa pag-aaral para makakuha ng mga diploma at propesyonal na titulo. Matapos matanggal sa trabaho, para magkaroon ng magandang buhay at makuha ang paghanga ng mga tao, dumalo ako ng pagsasanay sa direct selling at natutong magsinungaling at manloko para magkaroon ng magandang benta. Sinasabi ko kung ano ang gustong marinig ng mga tao, at nagpapanggap akong isang matagumpay na tao, nililinlang ang mga tao gamit ang mga huwad na pagpapakita. Kahit na narinig ko ang tinig ng Diyos na nagliligtas sa mga tao, at napagtanto na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan at makapag-aakay sa mga tao sa tamang landas, hindi ako dumadalo nang maayos sa mga pagtitipon dahil gusto kong palaguin ang aking pangkat at pataasin ang aking mga benta. Wala na nga akong oras para basahin ang mga salita ng Diyos, at ginugol ko ang lahat ng lakas ko sa paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang. Sa huli, halos ikamatay ko ang aksidente sa bus. Ngayon nakakadalo na ako sa wakas sa mga pagtitipon at regular na nagagawa ang aking tungkulin, pero nang marinig kong sinabi ng dati kong kasamahan na tutulungan niya akong magkaroon ng taunang sahod na 100,000 yuan, muling umusbong ang aking mga pagnanais, at sabik akong bumalik sa mundo at magsumikap sa aking karera. Napakahigpit ng pagkakagapos sa akin ng pera, kasikatan, at pakinabang! Sa totoo lang, kung iisipin ito, sa nakalipas na ilang taon, abala ako sa pagkayod para sa kasikatan at pakinabang. Kahit na kumita ako ng kaunting pera, at pinuri at hinangaan din ng iba, hindi naging mapayapa ang buhay pamilya ko, at madalas akong magalit at makipag-away sa asawa ko, at madalas akong makaramdam ng kahungkagan sa aking puso. Bukod pa rito, sa paghahangad ng kasikatan at pakinabang, nagsinungaling ako at niloko ko ang aking mga customer at nilabag ko ang pangunahing pamantayan ng konsensiya. Namuhay ako nang walang anumang integridad o dignidad. Isa pa, mayroon akong ilang karugtong na pisikal na epekto mula sa aksidente sa bus, at madalas akong makaranas ng pananakit ng likod. Marami akong ibinayad para sa kasikatan at pakinabang, pero ang nakuha ko bilang kapalit ay espirituwal na kahungkagan at pisikal na pasakit. Napagtanto ko na gaano man karami ang pera mo, hindi mo mabibili ang kapayapaan ng isip o ang malinis na konsensiya, at gaano man kataas ang iyong katayuan, hindi mo matatakasan ang kasawian. Hindi makapagdadala ng tunay na masayang buhay sa mga tao ang kasikatan at pakinabang. Maaakay lang ng mga ito ang mga tao sa kahungkagan at pasakit, at maidudulot na mawala sa kanila ang pagkakataong maligtas. Ngayon nakaahon na ako sa wakas mula sa kumunoy ng pera, kasikatan, at pakinabang, at ayaw ko nang hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan tulad nang dati, o ipamuhay ang buhay na iyon ng pagdurusa, pagkapagod, kahungkagan, at pagpapahirap. Kinailangan kong bitiwan ang aking mga ambisyon at pagnanais na hangarin ang kasikatan at pakinabang, hangarin ang pagpapasakop sa Diyos, at gawin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Ito lamang ang paraan para maging makabuluhan ang buhay. Napagtanto ko rin na bagama’t mukhang ang kasamahan ko ang sumusubok na hikayatin ako noong araw na iyon, sa likod nito ay ang pakana ni Satanas at ang pagsubok ng Diyos sa akin. Hindi na ako maaaring mahulog muli sa mga pakana ni Satanas at magpatuloy sa dati kong maling landas. Kaya, malinaw ko siyang tinanggihan.
Mula noon, sa tuwing may magrerekomenda sa akin ng paraan para kumita ng pera, hindi na nag-aalinlangan ang puso ko, at ang tanging nasa isip ko na lang ay ang ipangaral ang ebanghelyo at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Naisip ko ang himno ng mga salita ng Diyos, “Ang Pinakamakabuluhang Buhay”: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahangad sa tamang landas, yaong mga naghahanap ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na walang saysay ang paghahangad ng pera, kasikatan, pakinabang, dangal, o katanyagan. Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos, paghahangad sa katotohanan, pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon, at pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha na maipamumuhay mo ang pinakamakabuluhang buhay. Dati, hinangad ko ang pera, kasikatan, pakinabang, at materyal na kasiyahan, at namuhay para sa laman. Bagama’t mukha akong tanyag at kagalang-galang, hindi ako nakaramdam ng kapayapaan at kagalakan sa aking puso. Ngayon ginagawa ko ang aking tungkulin kasama ang aking mga kapatid, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at nagninilay at inuunawa ang aking sarili. Mas nabawasan na ang pagsisinungaling ko, at unti-unti na rin akong nagsisimulang mamuhay nang wangis ng tao. Nagpapasalamat ako sa pamumuno ng Makapangyarihang Diyos sa pagtulong sa akin na makatakas sa pasakit ng paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang, at sa pagtahak sa isang maliwanag na landas sa aking buhay!