2. Mga Aral na Natutunan Mula sa Isang Masakit na Kabiguan
Noong 2014, nagsimula akong gumawa ng tungkulin ng pag-arte sa iglesia. Bukod sa pag-arte at paghahasa ng mga kasanayan ko, hawak ko ang natitirang oras ko para isaayos kung paano ko gusto, kaya medyo malaya at komportable ang buhay ko. Dahil gusto ko ang pag-arte at handa akong magsikap sa mga pagganap ko, malaki ang inunlad ng mga kasanayan ko pagkatapos kong umarte sa dalawang pelikula, kaya hiniling ng lider na magsanay ako sa tungkulin ng pagdidirek. Medyo atubili ako noong panahong iyon, sa isip-isip ko, “Napakaraming responsabilidad ng isang direktor. Kailangan mong makilahok sa lahat ng ginagawa ng pangkat, at kailangan mo ring suriin ang footage pagkatapos ng shooting. Nakakapagod ito sa isip at katawan. Kung magpapakahirap ako nang ganito araw-araw, baka ganap akong mapagod nang husto at malosyang!” Pero nang maisip kong hindi aayon sa mga layunin ng Diyos ang pagtanggi sa isang tungkulin, tinanggap ko ito nang may pag-aatubili. Masaya ang lahat ng sister para sa akin nang malaman nilang inangat ako sa tungkulin ng pagdidirek, pero sa isip-isip ko, “Malinaw na nakakapagod na trabaho ito. Hindi ko hinahangad na umako ng malaking atas, dahil kapag mas mabigat ang pasanin, mas nakakapagod ito para sa laman. Gusto ko lang maging isang ordinaryong aktor. Basta’t hindi ako nakatengga, ayos na iyon.”
Nang ako na ang namamahala sa pagdidirek ng una kong pelikula, punong-puno ang iskedyul na isinaayos ng tagapag-ugnay araw-araw. Pagkatapos ng bawat shoot, kailangan pa naming pag-usapan ang pag-arte, mga shot, o mga isyu sa set para sa susunod na eksena. Habang nagshu-shoot, nakaupo ako sa harap ng monitor at hindi ako nangahas na mawala sa pokus kahit sa loob ng isang segundo. Kapag nawala ako sa pokus, hindi ko mahusgahan kung tumpak ang pagganap at kailangan ko pang panoorin ang playback o mag-reshoot. Minsan, pagkatapos ng shooting sa set at nakaalis na ang ibang miyembro ng crew, kailangan ko pang magpaiwan para asikasuhin ang ibang mga gampanin. Isa pa, maraming bida at kontrabida ang pelikulang ito, at kailangan kong gabayan ang mga aktor sa mga eksena nila, mag-rehearse kasama nila, at turuan sila, pinapangasiwaan ang lahat ng ito. Sa bawat eksena, kailangan kong pag-aralang mabuti ang mga karakter nang maaga at unawain sila nang lubos para mahusgahan kung tumpak sa karakter ang pagganap ng mga aktor. Totoo ito lalo na sa mga emosyonal na eksena: Kapag hindi madama ng aktor ang karakter, kailangan kong humanap ng mga paraan para mailagay siya sa tamang emosyonal na kalagayan. Pakiramdam ko ay nakakapagod talaga sa isipan ang pagiging isang direktor! Bilang isang aktor, ang kailangan ko lang gawin ay gampanan nang maayos ang sarili kong bahagi at iyon na iyon. Labis na mas magaan ang tungkuling iyon. Mula sa kaibuturan ng puso ko, kinamuhian ko ang tungkulin ng pagdidirek. Pagkatapos niyon, nagsimula akong maging pabasta-basta sa tungkulin ko. Habang nagshu-shoot, kapag nakikita kong nahihirapan ang mga aktor na makuha ang ninanais na epekto, sa halip na isipin kung paano sila tuturuan para mapabuti ang pagganap nila, agad-agad ko na lang na inaaprubahan ang kuha. Bilang resulta, nang suriin ng lider ang mga clip ng pelikula, nakita niyang hindi pasok sa pamantayan ang mga pagganap, at kinailangan naming mag-reshoot. Sa isa pang pagkakataon, hiniling sa akin ng sister na katuwang ko na magdagdag ng ilang pisikal na galaw sa pagganap ng mga aktor habang nagre-rehearsal. Naisip kong masyadong malaking abala iyon, kaya hindi ko ginawa. Bilang resulta, nagkulang ang pagganap, at bago mismo magsimula ang shooting, kinailangan niyang turuan ang mga aktor doon mismo para idagdag ang mga galaw, na nagpaantala sa shooting. Sa sandaling iyon, mabigat ang kalooban ko, dahil alam kong hindi ko natupad ang aking responsabilidad. Pero pagkatapos niyon, sa tuwing oras na para aktuwal na gawin ang trabaho, pakiramdam ko pa rin na ang paggawa ng tungkuling ito ay masyadong nakakapagod at nakakaabala. Mabilis na lumipas ang dalawang buwan, at patuloy na nagkakaproblema ang mga aktor sa kanilang mga pagganap. Ilang beses akong pinaalalahanan ng tagapag-ugnay na gabayan ang mga aktor sa kanilang mga eksena nang mas detalyado, pero hindi lang sa hindi ako nakinig, nakaramdam pa ako ng paglaban, sa isip-isip ko, “Ang pagiging mas detalyado ay sobrang laking abala! Gaano katagal aabutin ang mga rehearsal kung ganoon?” Sinubukan ko pa ngang mangatwiran, sinasabing, “Noong aktor pa ako, walang nagturo sa akin nang ganoon kadetalyado. Hindi ba’t ang pag-arte ay sariling responsabilidad ng aktor?” Kapag oras na para mag-rehearse, binibigyan ko lang ang mga aktor ng pangkalahatang balangkas nang walang mga detalye, na humantong sa madalas na pagre-reshoot at pagkaantala ng iskedyul ng produksyon.
Makalipas ang ilang panahon, itinalaga si Brother Elias na maging katuwang ko sa tungkulin ng pagdidirek. Sinabi sa akin ng tagapag-ugnay, “Mukhang nahihirapan kang gawin nang mag-isa ang tungkulin ng pagdidirek. Mula ngayon, ikaw na ang pangunahing responsable sa paggabay sa mga aktor sa mga eksena nila, at si Brother Elias ang titingin sa monitor para mangasiwa.” Sa totoo lang, natuwa akong marinig ito. Sa isip-isip ko, “Mabuti naman! Hindi ko na kailangang manood sa monitor at mangasiwa. Sa ganitong paraan, mas magiging pleksible ang oras ko, at hindi na ako masyadong mapapagod.” Pagkatapos niyon, sa sandaling matapos akong mag-rehearse kasama ang mga aktor, umaalis na ako para asikasuhin ang mga personal kong usapin. Wala akong pakialam kung paano sila gumanap, at bilang resulta, palaging nagkakaproblema sa pagganap ng mga aktor sa aktuwal na shooting. Sinabihan ako ng tagapag-ugnay na suriin ang saloobin ko sa aking tungkulin, pero sa isip-isip ko, “Ano ang susuriin ko kung hindi maayos ang pagganap ng mga aktor? Ako na ba ang sinisisi ngayon?” Habang mas iniisip ko ito, lalo kong nararamdaman na isang gampaning walang pasasalamat ang tungkuling ito. Noong mga araw na iyon, paulit-ulit na nagkakaisyu sa shooting ang ilang aktor na ginagabayan ko. Muli akong pinaalalahanan ng tagapag-ugnay na pagnilayan ang saloobin ko sa aking tungkulin, at noon lang ako nagsimulang magnilay. Sa pagbabalik-tanaw, kahit na naging komportable ang laman ko nitong nakaraang mga araw, nakaramdam ako ng kakaibang pagkabagabag sa puso ko, kaya nanalangin ako sa Diyos at nagnilay sa sarili ko, at naalala ko ang isang bahagi ng mga salita ng Diyos: “‘Gusto mo ang pagiging tuso at batugan, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at pagpapakasasa sa kaginhawahan, hindi ba? Kung gayon, magpakasasa ka sa kaginhawahan magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao.” Pagkatapos ay hinanap ko ang buong siping iyon para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung gagampanan mo ang iyong tungkulin nang pabasta-basta, at haharapin ito nang may saloobing walang galang, ano ang magiging resulta? Mabibigo kang gumawa nang mahusay maging sa isang tungkulin na kaya mong gampanan nang maayos—ang iyong paggampan ay hindi pasok sa pamantayan, at ang Diyos ay lubos na hindi masisiyahan sa saloobin mo sa iyong tungkulin. Kung nanalangin ka sa Diyos, hinanap ang katotohanan, at ibinibigay ang buong puso at isip para dito, kung nakipagtulungan ka sa ganitong paraan, naihanda sana nang maaga ng Diyos ang lahat ng bagay para sa iyo, nang sa gayon ay kapag nag-aasikaso ka ng mga bagay-bagay, ang lahat ay likas na magtatagumpay, at magbubunga ng magagandang resulta. Hindi mo kakailanganing gumugol ng napakaraming lakas; kapag ginagawa mo ang lahat ng makakaya mo upang makipagtulungan, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay tuso at tamad, kung hindi mo inaasikaso nang wasto ang iyong tungkulin, at palagi kang napupunta sa maling landas, hindi gagawa ang Diyos sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, ‘Wala kang silbi; hindi kita magagamit. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ang pagiging tuso at batugan, ano? Gusto mo ang pagiging tamad, at pagpapakasasa sa kaginhawahan, hindi ba? Kung gayon, magpakasasa ka sa kaginhawahan magpakailanman!’ Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao. Ano ang masasabi ninyo: Ito ba ay kawalan o pakinabang? (Isang kawalan.) Ito ay isang napakalaking kawalan!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos itong basahin, naunawaan ko na napakahalaga ng saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin. Kung kayang gawin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang buong puso at isipan, bibigyang-liwanag at gagabayan sila ng Diyos, at magkakamit sila ng magagandang resulta. Pero kung ang saloobin nila ay mapagwalang-bahala o pabasta-basta, ang tungkulin na magagawa sana nang maayos nang may kaunting pagsisikap ay magagawa nang hindi maayos. Malinaw kong nakita na hindi pasok sa pamantayan ang pagganap ng mga aktor, pero para hindi ako maabala, hindi ko sila matiyagang tinuruan at agad-agad ko na lang na inaprubahan ang mga kuha, na nagresulta sa pangangailangang mag-reshoot nang hindi pumasa ang mga pagganap. Binigyan ko lang ang mga aktor ng pangkalahatang balangkas nang walang mga detalye habang nagre-rehearsal, na humantong sa pagkakaroon ng problema ng ilan sa kanila sa kanilang mga pagganap sa set, na nagdulot ng palagiang pagre-retake at nagpaantala sa iskedyul. Ang lahat ng ito ay dulot ng pagiging pabaya at pabasta-basta ko sa aking tungkulin. Ilang beses na akong pinaalalahanan ng tagapag-ugnay na pagnilayan ang saloobin ko sa aking tungkulin, pero nangatwiran lang ako at gumawa ng mga dahilan. Palagi akong pabasta-basta sa aking tungkulin, na patuloy na nagdulot ng mga problema, kaya pinatigil ako ng tagapag-ugnay sa pagtingin sa monitor para mangasiwa. Pero hindi lang sa hindi ako nagnilay sa sarili ko, natuwa pa ako dahil mas magiging maginhawa ang laman ko. Naging manhid na talaga ako! Nilinang ako ng iglesia bilang isang aktor, binibigyan ako ng maraming pagkakataon para magsanay. Sa kaliwanagan at gabay ng Banal na Espiritu, nakaipon din ako ng kaunting karanasan sa pag-arte. Ngayon, habang nililinang ako ng iglesia na maging direktor at kailangan kong gamitin sa aking tungkulin ang mga natutunan ko, lumaban ako, nagreklamo, at naging pabasta-basta dahil lang kailangan kong maglaan ng oras at lakas at kailangang magdusa ang aking laman. Wala talaga akong pagkatao, talagang kasuklam-suklam sa Diyos! Lalo na pagkatapos basahin ang mga salitang ito ng Diyos, “Gusto mo ang pagiging tuso at batugan, ano?” “Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon na ito sa ibang tao.” Napagtanto ko na ang dahilan kung bakit hindi na ako pinagtingin sa monitor para mangasiwa ay dahil nagpapabasta-basta ako at iresponsable sa aking tungkulin. Hindi na ako mapagkakatiwalaan, kaya ibinigay sa iba ang pagkakataong gawin ang bahaging ito ng tungkulin. Nasa bingit na ako ng mapanganib na bangin; kung hindi ako magsisisi, baka mawala pati ang pagkakataon kong gabayan ang mga aktor sa mga eksena nila. Kaya pagkatapos niyon, sinimulan kong seryosohin ang mga rehearsal kasama ang mga aktor. Sa tuwing nakikita kong kulang ang pagganap ng isang aktor, agad ko itong tinutukoy at matiyaga silang tinuturuan. Naghahanap din ako ng ilang sangguniang video para pag-aralan kasama ang mga aktor. Sa huli, maayos na natapos ang shooting ng pelikulang iyon.
Akala ko ay nagbago na ako nang kaunti, pero hindi ko inaasahang babalik ako sa dati kong gawi habang kinukunan ang susunod na pelikula. Noong panahong iyon, ako pa rin ang responsable sa pagtuturo sa mga aktor. Ang pangunahing aktres sa pelikulang ito ay si Sister Isabel. Kakasimula pa lang niyang magsanay sa pag-arte at marami pang kakulangan sa pagganap niya, na nangangahulugang mas malaki kaysa dati ang lakas ng isip na kailangan kong ilaan at ang halagang kailangan kong bayaran. Nang magsimula kaming mag-shooting, nagagawa ko pang magtrabaho nang taimtim. Agad kong tinutukoy kung saan nagkukulang ang pagganap ng mga aktor at minsan ay ako mismo ang nagpapakita ng halimbawa para sa kanila. Pero sa paglipas ng panahon, nagsimulang maging nakakapagod sa isip ang pagtuturo sa mga aktor sa bawat eksena. Isa pa, ang brother na katuwang ko, si Brother Vincent, ay medyo aktibo sa tungkulin niya at napakamasigasig sa pagtuturo sa mga aktor, kaya unti-unting gumaan ang sarili kong pasanin. Huminto na rin ako sa pag-aalala sa ibang mga gampanin. Ilang beses kong napansin na hindi gaanong gamay ni Sister Isabel ang karakter niya. Noong una, binalak kong maghanap ng oras sa gabi para makausap siya, pero naisip ko kung gaano na ako kapagod pagkatapos ng mahabang araw ng pag-eensayo ng mga eksena. Kung tuturuan ko siya sa gabi, tiyak na wala na akong lakas para sa shooting kinabukasan. Kaya, naisip ko na lang, “Huwag na lang, hindi ko na lang siya tuturuan.” Bilang resulta, habang nagshu-shooting kinabukasan, nagkaproblema sa pagganap ni Sister Isabel, na nagpaantala sa pag-usad namin. Labis kong pinagsisihan ang hindi pagtupad sa aking responsabilidad, pero pagkatapos niyon, sa tuwing may halagang kailangang bayaran, isinasaalang-alang ko pa rin ang aking laman at hindi ko maisagawa ang katotohanan. Unti-unti, mas lalo akong nahirapang turuan ang mga aktor, hanggang sa punto na hindi ko na makita ang mga problema sa mga pagganap nila. Dahil sa mga isyu sa pagganap, madalas kaming mag-retake. Ito, kasama ng iba pang mga dahilan, ay naging sanhi para hindi matapos ang pelikula, at sa huli, nabuwag ang pangkat na gumagawa ng pelikula. Noong gabing nabuwag kami, pabaling-baling ako sa higaan, hindi makatulog. Sa pagbabalik-tanaw, mula nang hilingin sa aking gawin ang tungkulin ng pagdidirek, hindi ako kailanman tunay na nagpasakop. Palagi kong inaayawan ang tungkulin dahil masyado itong nakakapagod. Matapat kong tinanong ang sarili ko, “Maaari kayang nananampalataya ako sa Diyos para lang magpakasasa sa mga kaginhawahan ng laman? Hindi ba ito paghihimagsik laban sa Diyos?” Sa isang pagtitipon, pinungusan ako ng lider, sinasabing, “Nilinang ka ng sambahayan ng Diyos para maging direktor, pero hindi ko inakalang magiging ganito ka ka-iresponsable. Talagang hindi ka mapagkakatiwalaan!” Noong panahong iyon, palaging hungkag ang pakiramdam ng puso ko. Sa sandaling maisip ko na wala nang pagkakataong bumawi, kusa na lang dadaloy ang mga luha ng pasakit sa mukha ko. Madalas akong nahahapis dahil sa hindi pagtupad sa aking tungkulin at sa mga pagsalangsang na nagawa ko. Pakiramdam ko ay napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos na nahihiya pa nga akong manalangin sa Kanya, palaging nararamdaman na nasusuklam at namumuhi ang Diyos sa akin, na itinago Niya ang Kanyang mukha sa akin at hindi ako pinapansin. Para akong isinantabi ng Diyos, at nasa kadiliman at pasakit ang espiritu ko. Kalaunan, isinaayos na mangaral ako ng ebanghelyo. Kahit na gumagawa pa rin ako ng tungkulin, nanatiling tinik sa puso ko ang bagay na ito na hindi ko malutas. Maraming beses akong nanalangin at naghanap pagkatapos niyon, “Diyos ko, saan ba talaga ako nabigo? Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako na makilala ang sarili ko.”
Isang araw, nang mabasa ko ang mga salita ng Diyos na naglalantad at naglalarawan sa mga tamad na tao, naramdaman kong tinamaan talaga ang puso ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga taong tamad ay walang anumang nagagawa. Para ibuod ito sa dalawang salita, sila ay walang silbi; para silang may kapansanan. Gaano man kahusay ang kakayahan ng mga taong tamad, paimbabaw lamang iyon; kahit na may mahusay silang kakayahan, wala itong silbi. Masyado silang tamad—alam nila ang dapat nilang gawin, ngunit hindi nila ito ginagawa, at kahit alam nila na may problema, hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, at bagama’t alam nila kung anong mga paghihirap ang dapat nilang danasin para maging epektibo ang gawain, ayaw nilang tiisin ang mga makabuluhang paghihirap na ito—kaya, hindi sila makapagkamit ng anumang katotohanan, at hindi sila makagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila nais na magtiis ng mga paghihirap na dapat tiisin ng mga tao; ang alam lamang nila ay magpakasasa sa kaginhawahan, magtamasa ng mga panahon ng kagalakan at paglilibang, at magtamasa ng malaya at maluwag na buhay. Hindi ba’t wala silang silbi? Ang mga taong hindi kayang tiisin ang paghihirap ay hindi karapat-dapat na mabuhay. Iyong mga palaging nagnanais na mamuhay ng buhay ng isang parasito ay mga taong walang konsensiya o katwiran; sila ay mga halimaw, at ang gayong mga tao ay hindi angkop kahit na gumampan ng trabaho. Dahil hindi nila kayang tiisin ang paghihirap, kahit na kapag gumagampan nga sila ng trabaho, hindi nila ito magawa nang maayos, at kung nais nilang makamit ang katotohanan, mas lalong wala silang pag-asang makamit iyon. Ang isang taong hindi kayang magdusa at hindi nagmamahal sa katotohanan ay isang walang silbing tao; ni hindi siya kalipikadong gumampan ng trabaho. Isa siyang halimaw, na wala ni katiting na pagkatao. Dapat itiwalag ang gayong mga tao; ito lang ang naaayon sa mga layunin ng Diyos” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Habang pinagninilayan ang mga ito, isa-isang pumasok sa isip ko ang mga pangyayari noong ginagawa ko ang tungkulin ng pagdidirek. Isinaayos ng sambahayan ng Diyos na maging direktor ako para gabayan ang mga aktor sa pagganap nila. Malinaw kong nakita na may mga kakulangan sa pagganap ng pangunahing aktres pero para hindi ako masyadong mapagod, hindi ko siya tinuruan, nabibigong gampanan kahit ang pinakapangunahin kong responsabilidad. Nang makita kong napakaaktibo ni Brother Vincent, sinamantala ko ang sitwasyon at pinabayaan ko ang trabaho ko. Sa papel, isa rin akong direktor, pero sa realidad, si Brother Vincent lang ang nagdidirek. Nagdulot ito ng hindi maayos na paggawa sa maraming aspekto ng trabaho, at sa huli, hindi natapos ang pelikula at nabuwag ang buong pangkat. Nasayang lang ang halagang binayaran ng mga kapatid sa loob ng ilang buwan at ang lahat ng ginastos ng sambahayan ng Diyos. Hawak ko ang titulo ng pagiging direktor pero wala akong ginawang tunay na trabaho, at nabigo akong gampanan ang nararapat kong katungkulan. Hindi ba’t isa lang akong palamuti, na lubos na walang silbi? Tamad ako at walang pakialam, at palaging pabasta-basta sa tungkulin ko. Maraming beses nang nagpalitaw ang Diyos ng mga tao, pangyayari, at bagay para paalalahanan ako, pero hindi ako kailanman tunay na nagsisi. Sa huli, nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu; hindi ko matukoy ang mga problema sa tungkulin ko, at naramdaman ng espiritu ko ang matinding kadiliman at pasakit. Palagi akong namumuhay ayon sa mga satanikong ideya na gaya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” at “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya.” Naniwala ako na sa ilang dekada ng buhay ng isang tao, hindi niya dapat masyadong pagurin ang sarili niya; sapat nang mamuhay nang malaya at komportable araw-araw. Sa ilalim ng kontrol ng ganitong uri ng pag-iisip, naging tamad ako at huminto sa paghahangad ng pag-usad. Naalala ko noong nasa eskuwelahan pa ako, habang nag-aaral nang mabuti ang iba para manguna, naisip kong masyadong nakakapagod ang pag-aaral at maaga akong huminto. Pagkatapos magpakasal, hindi ako nainggit sa iba na bumili ng mga kotse at bahay dahil ayokong maging alipin ng mortgage o car loan at ilagay ang sarili ko sa ganoon katinding presyur. Pagkatapos manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, ayaw kong umako ng mahalagang gawain. Kontento na ako sa paggawa lang ng tungkulin, iniisip na sapat nang makaraos lang at makadiskarte ng kalalabasan na hindi mamatay kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Nilinang ako ng iglesia para maging direktor, umaasang magagamit ko ang mga kasanayan ko para tuparin ang aking tungkulin, pero naramdaman kong masyadong nakakapagod ang tungkulin at nilabanan ko ito mula sa kaibuturan ng puso ko. Kahit na tinanggap ko ito, palagi akong nagpapabasta-basta at pabaya. Naisip ko ang isang linya mula sa Bibliya: “Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin” (Mga Hebreo 10:26). Alam na alam ko na ang pagiging pabaya at pabasta-basta sa tungkulin ko ay hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, pero ginawa ko pa rin ito alang-alang sa kaginhawahan ng laman, na nagpaantala sa gawain sa pelikula. Hindi ba’t ito ay paglaban sa Diyos? Namumuhay ayon sa mga satanikong pananaw, nagpasasa ako sa kaginhawahan at naging iresponsable sa tungkulin ko, nag-iiwan ng sunod-sunod na pagsalangsang. Sabi ng Diyos: “Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong lason, tinatahak ko ang landas ng perdisyon at pagkawasak. Bilang direktor, dapat sana ay nagiging halimbawa ako para sa pangkat, pero hindi ako lumakad sa tamang landas. Ang inisip ko lang ay ang sarili kong kaginhawahan ng laman at pag-iwas sa mahirap na trabaho, at naging pabaya at pabasta-basta sa tungkulin ko. Bilang resulta, nasayang ang ilang buwang ginugol ng mga kapatid nang walang napapala, at umabot ang buong pangkat sa punto ng pagkabuwag. Hindi ko nagawang pasanin ang responsabilidad na dapat tuparin ng isang tao. Isa lang akong walang kuwenta, at nararapat na itiwalag! Napagtanto ko rin na ang pagsasantabi sa akin ng Diyos ay ang Kanyang tahimik na paghatol sa akin. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos na dumating sa akin, at ito ay pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa akin. Kung hindi, hindi ko sana pinagnilayan ang mga maling perspektiba sa likod ng paghahangad ko. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat parte ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay….” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Habang maingat kong pinagninilayan ang pangungusap na ito, “Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali,” kapwa naantig at napuno ng paninisi sa sarili ang puso ko. Upang iligtas ang sangkatauhan, dalawang beses na pumarito sa lupa sa katawang-tao ang Diyos mula sa langit, nagtiis ng matinding kahihiyan. Sa unang pagkakataon, ipinako Siya sa krus at ibinigay ang Kanyang buhay upang tubusin ang sangkatauhan. Sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao ang Diyos, nagpapahayag ng napakaraming katotohanan upang diligan at tustusan tayo. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng pagliligtas sa mga tao at lahat ay pagmamahal para sa kanila. Pero ano ang isinukli ko sa Diyos? Wala kundi paghihimagsik at paglaban. Binibigyan pa rin ako ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong gumawa ng tungkulin. Awa ito ng Diyos at isang pagkakataon para magsisi ako. Kung hindi magbabago ang dati kong disposisyon, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, tiyak na ako ay magiging puntirya ng pagkawasak.
Noong panahong iyon, paulit-ulit kong kinanta ang “Ang Pagpapasakop ni Noe sa Diyos ay Nagkamit ng Pagsang-ayon ng Diyos”:
1 Sa lahat ng tao, si Noe ang taong may takot sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at kinumpleto ang atas ng Diyos na karapat-dapat siyang tularan; sinang-ayunan siya ng Diyos, at dapat siyang maging isang huwaran para sa mga sumusunod sa Diyos ngayon. At ano ang pinakamahalaga tungkol sa kanya? Iisa lamang ang saloobin niya sa mga salita ng Diyos: ang makinig at tumanggap, tumanggap at magpasakop, at magpasakop hanggang kamatayan. Ang saloobing ito, na pinakamahalaga sa lahat, ang siyang dahilan kaya nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Pagdating sa mga salita ng Diyos, hindi siya pabasta-basta, hindi siya pabaya, at hindi niya siniyasat, inanalisa, nilabanan, o tinanggihan ang mga ito sa kanyang isipan at pagkatapos ay isinantabi na lamang; sa halip, nakinig siya nang taimtim, tinanggap ang mga ito, nang paunti-unti sa kanyang puso, at pagkatapos ay pinagnilayan kung paano isasagawa ang mga ito, paano ipatupad ang mga ito, paano isagawa ang mga ito ayon sa orihinal na layon, nang walang anumang paglihis.
2 At habang pinagninilayan niya ang mga salita ng Diyos, lihim niyang sinabi sa kanyang sarili, “Ito ang mga salita ng Diyos, ito ay mga tagubilin ng Diyos, atas ng Diyos, may tungkulin ako, kailangan kong magpasakop, hindi ko maaaring laktawan ang anumang mga detalye, hindi ako maaaring sumalungat sa alinman sa mga ninanais ng Diyos, hindi ko rin maaaring balewalain ang alinman sa mga detalye ng sinabi Niya, o kung hindi ay hindi ako angkop na tawaging tao, hindi ako magiging karapat-dapat sa atas ng Diyos, at hindi magiging karapat-dapat sa Kanyang pagtataas. Sa buhay na ito, kung mabibigo akong kumpletuhin ang lahat ng sinabi at ipinagkatiwala sa akin ng Diyos, kung gayon ay magkakaroon ako ng mga pagsisisi. Higit pa riyan, magiging hindi ako karapat-dapat sa atas ng Diyos at sa Kanyang pagtataas sa akin, at mawawalan ako ng mukha para bumalik sa harapan ng Lumikha.”
3 Lahat ng naisip at napagbulayan ni Noe sa kanyang puso, bawat perspektiba, at bawat saloobin niya, ang bawat isa ang nagtakda na nagawa niyang isagawa ang mga salita ng Diyos sa huli, gawing realidad ang mga salita ng Diyos, isakatuparan ang mga salita ng Diyos, at upang matupad at maisakatuparan ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsisikap niya at maging isang realidad sa pamamagitan niya, at upang hindi mauwi sa wala ang atas ng Diyos. Si Noe ay karapat-dapat sa atas ng Diyos, siya ay isang taong pinagkatiwalaan ng Diyos, at isang taong tiningnan ng Diyos nang may pabor. Minamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa ng mga tao, pinagmamasdan Niya ang kanilang mga iniisip at ideya. Sa paningin ng Diyos, dahil sa ganitong pag-iisip ni Noe, napatunayang hindi nagkamali ang Diyos sa pagpili sa kanya; kinayang pasanin ni Noe ang atas ng Diyos at ang tiwala ng Diyos, at nagawa niyang kumpletuhin ang atas ng Diyos: Siya lamang ang pinili sa buong sangkatauhan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Ekskorsus
Si Noe ay isang taong may konsensiya at pagkatao. Hinarap niya ang atas ng Diyos nang buong puso at isipan, inaako ang paggawa ng arka bilang kanyang responsabilidad at misyon sa buhay. Noong ginagawa ni Noe ang arka, walang sinumang nangasiwa o nagtulak sa kanya, at nakaharap siya ng maraming paghihirap. Pero sa tuwing naiisip niya na ito ay atas at pagtataas ng Diyos, nagkakaroon siya ng motibasyon. Tinrato ni Noe ang Diyos bilang ang Lumikha; nagpasakop siya sa Diyos at nagkaroon ng sinserong puso para sa Diyos. Pagkatapos ay pinagnilayan ko, Sabi ng Diyos: “… Isakatuparan ang mga salita ng Diyos, at upang matupad at maisakatuparan ang mga iyon sa pamamagitan ng pagsisikap niya at maging isang realidad sa pamamagitan niya, at upang hindi mauwi sa wala ang atas ng Diyos.” Ang tinutukoy ng Diyos ay ang aktuwal na pagsasabuhay ni Noe. Hindi alam ni Noe ang mga teknik sa paggawa ng arka, at ang teknolohiya noon ay hindi kasing-unlad ng teknolohiya ngayon. Bukod pa rito, kinailangan niyang siya mismo ang maghanap ng lahat ng materyales, binubuo ang arka nang paunti-unti gamit ang sarili niyang lakas-paggawa. Kinailangan ding tipunin ni Noe ang lahat ng uri ng nilikhang may buhay, maghanda ng sari-saring pagkain para sa iba’t ibang hayop, at maingat na alagaan at palakihin ang mga ito. Hindi ito madaling gampanin. Kung naramdaman ni Noe na masyado itong nakakapagod at mahirap at naging pabasta-basta siya, hindi sana kailanman naipatayo ang arka, at ang lahat ng nilikhang may buhay ay naharap sana sa pagkalipol. Pero sa harap ng napakaraming paghihirap, hindi umatras si Noe kahit kaunti. Sa halip, mahigpit niyang sinunod ang mga hinihingi ng Diyos nang walang anumang kompromiso, at nagtiyaga sa loob ng 120 taon upang tapusin ang atas ng Diyos. Nakita ko na sinsero ang puso ni Noe; naging mapagsaalang-alang siya sa mga layunin ng Diyos at nagpakita ng katapatan at pagpapasakop sa Diyos. Sa pag-iisip nito, lubos akong naantig, at talagang hinangaan ko si Noe. Sa pagtingin sa aking sarili bilang paghahambing, kahit na nakarinig na ako ng napakaraming salita ng Diyos, wala akong ipinakitang kahit katiting na pagpapasakop o katapatan sa Kanya. Ang tungkuling ginampanan ko ay higit na mas simple kaysa sa paggawa ni Noe ng arka, pero ayaw kong maglaan ng kaunting dagdag na pag-iisip at naging pabasta-basta rin ako. Nakita ko na talagang wala akong pagkatao, hindi karapat-dapat na tawaging tao. Nasabik si Noe na isakatuparan kung ano ang apurahan para sa Diyos at isinaalang-alang kung ano ang isinasaalang-alang ng Diyos, tinitiyak na ang mga layunin ng Diyos ay hindi mawawalan ng saysay sa kanya. Gaano man kapagod o nanghihina ang kanyang laman, ang saloobin niya sa atas ng Diyos ay makinig, tumanggap, at magpasakop. Hangga’t nabubuhay siya, patuloy niyang ginawa ang arka, nanatiling mapagpasakop hanggang kamatayan. Ang mahalagang saloobing ito ni Noe ay naghatid ng kaaliwan sa puso ng Diyos. Ang mga tao lang na tulad ni Noe ang tunay na nagtataglay ng pagkatao. Naisip ko kung paanong ipinagagawa sa atin ng sambahayan ng Diyos ang pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mga pelikula. Bagama’t iba ang anyo sa paggawa ng arka, pareho lang ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ang isang pelikula na mahusay ang pagkakagawa ay hindi lang nakalulutas sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi gumagabay rin sa mga nananabik sa pagbabalik ng Panginoon na hanapin at siyasatin ang tunay na daan. Napakahalaga ng paggawa ng magagandang pelikula, dahil nauugnay ito sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao. Hindi na ako puwedeng maging tamad at ituring na masyadong malaking abala ang pag-iisip para dito. Kailangan kong tularan si Noe, matutong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at tuparin ang aking tungkulin.
Noong Mayo 2024, isinaayos ng iglesia na gumawa ako ng part-time na tungkulin sa pagsusuri ng mga video ng patotoong batay sa karanasan. Napagtanto kong ito ay pagbibigay sa akin ng Diyos ng pagkakataong magsisi, at pinahalagahan ko ito nang lubos, maingat na sinusuri ang bawat video. Kapag nasasabay ang tungkulin ko sa pang-araw-araw na iskedyul ko, naghihimagsik ako laban sa aking laman at inuuna ang aking tungkulin. Sa pagsasagawa nang ganito, hindi na ako nakaramdam ng pagod. Noong Oktubre, isinaayos ng lider na pumunta ulit ako sa pangkat ng mga gumagawa ng pelikula para turuan ang mga aktor. Nang marinig ko ang balitang ito, masayang-masaya ako. Para hindi maantala ang mga rehearsal, gumigising ako nang maaga at nagpupuyat sa gabi, o ginagamit ko ang oras ng tanghalian para suriin ang mga video. Kapag nagre-rehearsal kasama ang mga aktor, ginagawa ko ang lahat para turuan sila at madalas akong makipag-ensayo sa kanila. Sa paggawa nito, naging tunay na payapa at panatag ang puso ko.
Minsan, kinakausap ko ang isang sister tungkol sa dati kong karanasan ng kabiguan, at ginabayan niya akong pagnilayan at unawain ang perspektiba sa likod ng aking paghahangad. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat hangarin ng lahat ng tao na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi dapat masiyahan sa kanilang kasalukuyang mga kalagayan. Dapat nilang maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat nilang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat nilang hangarin ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat nilang hangarin ang isang mas malalim, mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kahulugan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang sila magiging katulad kay Pedro. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging pasibo at hayaan ang iyong sarili na umurong dahil kontento ka sa pansamantalang ginhawa, habang kasabay nito ay binabalewala ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at walang-pakialam na pamumuhay na walang pinagkaiba sa paraan ng pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan at halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o ituring ang iyong buhay na parang isang laruan na dapat paglaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi maaabot at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging mahina na walang gulugod. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro; dapat kang mamuhay ng makabuluhang buhay, at hindi mo dapat pinaglalaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong isaalang-alang at harapin ang buhay mo nang maingat—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka magkakaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil sa iniibig mo ang Diyos, paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nabasa ko na ang siping ito noon, pero hindi ko kailanman isinaalang-alang kung tama ba ang pananaw ko sa buhay at ang mga pinahahalagahan ko. Pagkatapos itong basahin, naunawaan ko na dapat hangarin ng isang tao na mamuhay ng buhay na may halaga at kabuluhan. Pagkatapos magsimulang sumunod ni Pedro sa Panginoong Jesus, naglakbay siya kung saan-saan para ipangaral ang daan ng Panginoon. Hindi siya naghangad ng komportableng buhay, kundi hinangad lang na mahalin at bigyang-kasiyahan ang Diyos at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Sa huli, ipinako siya sa krus nang pabaligtad para sa Diyos, natatamo ang sukdulang pagmamahal sa Diyos at pagpapasakop hanggang kamatayan. Nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos, at naging may halaga at makabuluhan ang buhay niya. Pero ang hinangad ko ay isang buhay ng kaginhawahan, na laging gustong mabawasan ang alalahanin. Ang pamumuhay nang ganoon ay walang kabuluhan; pagsasayang lang ito ng panahon. Naisip ko kung paanong ang paggawa ng tungkulin ng pagdidirek ay nangangahulugan ng kaunting bawas sa pahinga at paglalaan ng kaunti pang pag-iisip kaysa sa iba, at medyo mas nakakapagod para sa aking laman. Gayumpaman, nangangahulugan ito na magagawa ko ang bahagi ko sa gawain ng ebanghelyo—napakahalagang bagay niyon! Kung nagawa ko lang sana ito nang maayos, magiging payapa at panatag ang puso ko sa tuwing naiisip ko ito. Pero ngayon, sa tuwing naaalala ko ang karanasang iyon ng kabiguan, napupuno ng pagsisisi at pasakit ang puso ko. Sana kaya kong ibalik ang panahon para mabayaran ko ang pagkakautang ko! Naging malaking pagsalangsang at panghihinayang ang pangyayaring iyon sa buhay ko. Kinailangan kong hangarin ang pagwawaksi sa aking tiwaling disposisyon at ang pagtupad nang maayos sa aking tungkulin. Ito ang tamang layon na dapat hangarin. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naipagkaloob Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Kung nabubuhay lang ang isang tao para magpasasa sa kaginhawahan ng laman at walang layong hinahangad, kung gayon ay wala siyang pinagkaiba sa isang hayop. Hindi puwedeng patuloy akong malugmok sa pagkabulok nang ganito. Kinailangan kong ituon ang isip at lakas ko sa paghahangad sa katotohanan at pagtupad nang maayos sa tungkulin ko. Iyon lang ang paraan para mamuhay bilang isang tunay na tao!
Pagkatapos niyon, nanalangin ako sa Diyos na ituwid at disiplinahin Niya nawa ako kung magiging pabasta-basta ulit ako sa tungkulin ko. Madalas ko ring sinusuri ang saloobin ko sa aking tungkulin. Sa tuwing natutukso akong maging pabasta-basta, mabilis akong nagdarasal at naghihimagsik laban sa aking laman. Isang hapon, nag-eensayo ako ng mga linya kasama ang isang aktres. Pagkatapos ko siyang itama nang ilang beses, hindi pa rin siya bumubuti. Nagsimula akong makaramdam na masyado itong malaking abala at ayaw ko na siyang turuan. Tamang-tama, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko dalawang araw na ang nakararaan: “Nang gusto mong maging pabasta-basta kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Sinusubukan mong magpakatamad, at sinusubukang iwasan ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, magmadali kang lumapit sa Diyos para manalangin, at pagnilay-nilayan mo kung tama bang kumilos nang ganito. Tapos, pag-isipan mo ito: ‘Bakit ba ako nananampalataya sa Diyos? Maaaring makalusot sa mga tao ang gayong pagpapabasta-basta, pero makakalusot ba ito sa Diyos? Dagdag pa rito, nananampalataya ako sa Diyos hindi para magpakatamad—ito ay para maligtas. Ang pagkilos ko nang ganito ay hindi pagpapahayag ng normal na pagkatao, ni hindi ito minamahal ng Diyos. Hindi, maaaring magpakatamad ako at gawin ang gustuhin ko sa mundo sa labas, pero nasa sambahayan ng Diyos na ako ngayon, nasa ilalim na ako ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at nasa ilalim ng masusing pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Isa akong tao, dapat akong kumilos ayon sa aking konsensiya, hindi ko maaaring gawin kung ano lang ang maibigan ko. Dapat akong kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, hindi ako dapat maging pabasta-basta, hindi ako maaaring magpakatamad. Kaya paano dapat ako kumilos para hindi maging tamad, para hindi maging pabasta-basta? Dapat magsikap ako. Ngayon-ngayon lang, pakiramdam ko ay napakamatrabaho nitong gawin nang ganito, gusto ko sanang umiwas sa paghihirap, pero ngayon nauunawaan ko na: Maaaring matrabaho itong gawin nang ganoon, pero epektibo ito, kaya naman ganoon ito dapat gawin.’ Kapag gumagawa ka at natatakot ka pa ring mahirapan, sa mga pagkakataong iyon, dapat manalangin ka sa Diyos: ‘O Diyos! Tamad at tuso akong tao, nagsusumamo ako sa Iyo na disiplinahin ako, na pagalitan ako, upang may maramdaman ang konsensiya ko, at makaramdam ako ng kahihiyan. Ayaw kong maging pabasta-basta. Nagsusumamo ako sa Iyo na gabayan Mo ako at bigyan ako ng kaliwanagan, na ipakita sa akin ang aking paghihimagsik at kapangitan.’ Kapag nananalangin ka nang gayon, nagninilay-nilay at sinusubukang kilalanin ang iyong sarili, dahil dito ay uusbong ang pakiramdam ng pagsisisi, at magagawa mong kapootan ang iyong kapangitan, at ang maling kalagayan ay magsisimulang magbago….” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Nanalangin ako para maghimagsik laban sa mga mali kong kaisipan at ideya. Pagkatapos ay sinuri ko ang bawat linya kasama ang aktres at inalam kung saan ang mga problema niya. Pagkatapos niyon, mas maayos na niyang nabigkas ang mga linya niya, at naging napakaayos ng shooting kinabukasan. Sa pagsasagawa nang ganito, naging napakapayapa at napakapanatag ng puso ko. Pagkatapos, hiniling sa akin ng direktor na samahan ang aktres para irekord ang pagsasalaysay. Sineryoso ko rin ito. Hindi ako nakaramdam ng pagod kahit na nagrekord kami hanggang madaling araw. Kinalaunan, nang matapos ang pelikula at nakita ko ang na-edit na video, lubos akong naantig. Bagama’t maliit na bahagi lang ang ginampanan ko sa pelikulang ito, pakiramdam ko ay may halaga at makabuluhan ang paggawa ng tungkuling ito! Salamat sa Diyos!