93. Isang Walang Katulad na Karanasan noong Pandemya

Ni Mingxin, Tsina

Noong unang bahagi ng Nobyembre 2022, ang sitwasyong pandemya kung saan ginagawa ko ang aking mga tungkulin ay palala nang palala, at sa loob ng ilang araw, naging mas peligroso ang ilang nakapalibot na lugar. Pagkatapos na pagkatapos niyon, isinara ang buong bansa at pinagkuwarantena ang lahat sa kani-kanilang bahay. Hindi nagtagal, lumaganap ang pandemya sa komunidad kung nasaan ako, at mahigit isandaang tao ang sunod-sunod na inalis upang ibukod, habang may mga tao pa ring patuloy na inihihiwalay. Hindi ako makapaniwala kung gaano kabilis kumalat ang sakit, na napakaraming tao ang nahawa sa loob lamang ng ilang maiikling araw. Hindi ko maiwasang mangamba, “Mahahawa rin ba kami ng mga sister na katuwang ko?” Pero pagkatapos ay naisip ko, “Naiiba kami sa mga walang pananampalataya. Kaming mga mananampalataya ay pinoprotektahan ng Diyos. Maliban dito, responsable kami para sa gawaing video, na medyo mahalaga. Nakakakuha rin ng magagandang resulta ang aming gawain. Kung nagkakaroon ng mga problema ang aming mga kapatid sa ibang lugar, susulat sila sa amin upang hingiin ang aming tulong. Kung mahawa kami at hindi magawa ang aming mga tungkulin, hindi ba’t maaantala ang gawain? Sabi sa Biblia: ‘Isang libo ay mabubuwal sa iyong siping, at sangpung libo sa iyong kanan; nguni’t hindi lalapit sa iyo(Awit 91:7). Kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos, kahit mahawa ang buong komunidad, mananatili kaming walang sakit.” Binigyan ako ng mga kaisipang ito ng kalmadong pakiramdam at hindi maipaliwanag na pakiramdam ng kahigitan. Minsan ay nakakikita ako ng mga nagpapatuloy na sister na takot mahawa, at nararamdaman ko na para bang kulang ang kanilang pananalig. Maiisip ko, “Pinatutuloy mo kami, poprotektahan ka rin ng Panginoon.”

Sa huli, ang pandemya ay wala sa kontrol na kumalat sa aming komunidad. Bawat araw, nakakikita ako ng mga manggagawang nagdidisimpekta sa malalaking espasyo sa labas at madalas na pinag-uusapan ng mga nagpapatuloy na sister kung paanong ang mga walang pananampalataya ay patuloy na inaalis upang ibukod. Galak na galak akong maging isang mananampalataya, at para akong isang sanggol sa mga kamay ng Diyos. Sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, walang paraan na maabot kami ng pandemya. Pero hindi nagtagal, may nangyaring hindi inaasahan. Noong Nobyembre 18, isang sister na katuwang ko ang biglang nagsimulang lagnatin at ubuhin matapos na maglinis ng kanyang katawan. Pagkatapos, ang mga nagpapatuloy na sister ay nagsimulang magkalagnat at makaranas ng pananakit ng ulo, at hindi ko maiwasang magtaka, “Nahawaan kaya sila?” Ngunit mabilis kong inalis ang mga kaisipang ito, naniniwalang hindi totoo ang mga ito. Ngunit nang sumunod na araw, ang buo kong katawan ay biglang nanakit at nanghina, at isa pang sister ang nilagnat na rin. Nagsuri kami, at nagpositibo kami at ang mga sister na nagpapatuloy sa amin. Noong una, hindi ako makapaniwalang totoo ito at hindi ko alam kung paano ako nahawa. Paulit-ulit kong iniisip ang mga naging pag-uugali ko kamakailan sa aking mga tungkulin, sinasabi sa aking sarili, “Wala akong ginawang anumang bagay na malinaw na paglaban sa Diyos, at medyo mabuti rin naman ang nangyayari sa aming gawain. Hindi ako dapat maparusahan, kaya paano akong nahawa sa sakit? Maaari kayang nakita ng Diyos na tumaas ang aking tayog, at ginagamit Niya ang sakit na ito upang subukin ako nang sa gayon ay makapagpatotoo ako sa Kanya? Kung gayon, basta’t hindi ako magrereklamo at patuloy na gagampanan ang aking tungkulin, hindi papayagan ng Diyos na may anumang mangyari sa akin.” Pagkatapos, lagi kong pinaaalalahanan ang aking sarili na ipagpatuloy ang tungkulin ko tulad ng dati at na sa proteksyon ng Diyos, bubuti ang aking kondisyon. Pero hindi nangyari ang mga bagay tulad ng aking inasahan, at ang aking kondisyon ay hindi lamang hindi bumuti, kundi sa halip ay patuloy pang lumala nang lumala. Paulit-ulit na bumabalik ang aking lagnat at sobrang sakit ng buong katawan ko, partikular sa aking lalamunan na nananakit at namamaga. Sa tuwing sinusubukan kong kumain o uminom, parang lumulunok ako ng bubog, at kapag sinusubukan kong matulog sa gabi, nagbabara ang aking ilong at nakakahinga lamang ako sa aking bibig, kaya mas sumasakit at natutuyo ang aking lalamunan. Nagsimula akong magreklamo sa aking puso, “Bakit hindi gumagaling ang sakit na ito?” At mayroong dalawang gabing partikular akong tinamaan ng paninikip sa dibdib at hirap sa paghinga. Naisip ko ang itsura ng mga namatay dahil sa hirap sa paghinga dulot ng sakit at mas natakot ako. “Paanong mas lumalala nang lumalala ang aking kondisyon? Mamamatay ba ako? Sinusubok ba ako ng Diyos o pinarurusahan ako sa sakit na ito?” Ang mga kaisipang ito ay nagpabigat talaga sa aking puso. Sa kakaunting araw na iyon ng karamdaman, lalo na kapag umuulan at malamig sa bahay, para bang may nakaambang kamatayan sa akin, at may nadama akong hindi matukoy na kapaitan sa akin, na para bang inabandona ako ng Diyos. Sa puntong ito, nawala na ang dati kong pakiramdam na nakahihigit ako kaysa sa iba. Naisip ko kung paano ako pinagpala at biniyayaan dati, at kung paano ako tiningala at kinainggitan ng iba, ngunit ngayon, pakiramdam ko ay wala akong halaga, na parang isang araw ay tahimik na lang akong maglalaho…. Habang mas naiisip ko ito, mas nagiging miserable ang pakiramdam ko, tila dumilim na ang daan sa aking harapan, at wala akong lakas na gawin ang kahit na ano. Kasama ng hindi magagandang reaksyon na mayroon ako dahil sa sakit, gusto ko na lamang humiga at magpahinga. Kahit alam kong kailangang tuparin ang aking tungkulin, latang-lata ang buo kong katawan, at naisip ko, “Hindi lang sa hindi ako gumagaling, talagang palala pa ako nang palala. Hindi ko matupad ang tungkulin ko at wala akong maipahayag na anumang patotoo. Ito na ba ang aking katapusan?” Sa aking nararamdamang sakit, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Hinang-hina ako ngayon at hindi ko maunawaan ang Iyong layunin. Hindi ko alam kung paano ito malalampasan, pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan mo ako!”

Matapos ito, binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi upang mapahalagahan mo ang mga detalye ng pagkakaroon ng sakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga problema at suliraning idinudulot ng sakit sa iyo, at ang maraming damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na mapahalagahan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto ka kung paano maarok ang mga layunin ng Diyos, malaman mo ang mga tiwaling disposisyon na iyong inihahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matuto ka kung paano magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagpapasakop sa Diyos at mapanindigan mo ang iyong patotoo—ito ay napakahalagang bagay. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga ninanasa at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang pagkakalkula, panghuhusga, at plano na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). “Bagama’t napagdaanan ninyo ang lahat ng uri ng pagdurusa at naranasan ang lahat ng klase ng paghihirap, ang pagdurusang iyon ay hindi katulad paanuman ng mga pagsubok kay Job; sa halip, ito ang paghatol at pagkastigong tinanggap ng mga tao dahil sa kanilang pagkasuwail, dahil sa kanilang paglaban, at dahil sa Aking matuwid na disposisyon; ito ay matuwid na paghatol, pagkastigo, at sumpa. Si Job, sa kabilang dako, ay isang matuwid na Israelita na tumanggap ng dakilang pagmamahal at kabaitan ni Jehova. Wala siyang nagawang masama, at hindi siya lumaban kay Jehova; sa halip, tapat siyang nagmahal kay Jehova. Dahil sa kanyang katuwiran, sumailalim siya sa mga pagsubok, at dumaan sa nagniningas na mga pagsubok dahil siya ay isang matapat na lingkod ni Jehova. Ang mga tao ngayon ay sumasailalim sa Aking paghatol at sumpa dahil sa kanilang karumihan at kasamaan. Bagama’t ang kanilang pagdurusa ay hindi katulad ng pinagdaanan ni Job nang mawala ang kanyang mga alagang hayop, kanyang ari-arian, kanyang mga alipin, kanyang mga anak, at lahat ng mahal sa kanya, ang kanilang pinagdurusahan ay ang naglalagablab na pagpipino at pagsunog. At kaya mas seryoso iyon kaysa sa dinanas ni Job ay dahil ang mga pagsubok na iyon ay hindi nababawasan o naaalis dahil ang mga tao ay mahina; sa halip, pangmatagalan ang mga iyon, at nagpapatuloy hanggang sa huling araw ng buhay ng mga tao. Ito ay parusa, paghatol, at sumpa; ito ay walang-awang pagsunog, at higit pa riyan, ito ang tamang ‘pamana’ sa sangkatauhan. Ito ang nararapat sa mga tao, at dito ipinapahayag ang Aking matuwid na disposisyon. Alam ng lahat ang katunayang ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Inyong Pagkaunawa sa mga Pagpapala?). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagpapahintulot ng Diyos na mahawaan ako ay hindi para mamuhay ako sa sakit o isaalang-alang ang aking laman, ni hindi ito upang ibunyag ako o itiwalag ako, lalo nang hindi ito dahil sa inakala kong mayroon akong tayog, karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos tulad ni Job, kundi ito’y dahil mayroon akong tiwaling disposisyon. Ginamit ng Diyos ang sakit na ito upang ibunyag ang aking katiwalian, linisin ako, at baguhin ako. Kung makapagninilay-nilay ako sa aking sarili at hahanapin ang katotohanan, ito ay magiging magandang pagkakataon upang makamit ang katotohanan, ngunit palagi akong namumuhay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at pinaniniwalaan na hindi ako hahayaang magkasakit ng Diyos. Gusto ko lang mabuhay sa yakap ng Diyos tulad ng isang sanggol at hindi maranasan ang mga unos ng buhay. Pagkatapos kong magkasakit, hindi ako tumuon sa pagninilay sa aking sarili at pagkatuto ng aral, kundi sa halip, nagkaroon ako ng balighong kaisipan na ako’y may tayog, at na ginagamit ng Diyos ang sitwasyong ito upang ako’y makapagpatotoo para sa Kanya. Pinigilan kong magreklamo at patuloy kong ginampanan ang aking tungkulin, iniisip na sa pamamagitan ng paggawa nito, makapaninindigan ako sa aking patotoo at mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at pagkatapos ay aalisin ng Diyos ang sakit na ito. Bilang resulta, nang patuloy na lumala ang aking kondisyon sa halip na bumuti, nagreklamo ako at umasa na aalisin ng Diyos ang sakit na ito, hanggang dumating sa puntong nakabantay na ako sa mangyayari, mali ang pagkakaunawa, at iniisip na gusto akong ibunyag at itiwalag ng Diyos. Sa anong paraan ko nararanasan ang gawain ng Diyos? Naisip ko ang mga tao ng Ninive. Ang kanilang katiwalian, kasamaan, at masasamang gawa ay natamo ang galit ng Diyos, kaya ipinadala ng Diyos si Jonas upang ipahayag sa kanila na mayroon silang 40 araw upang magsisi. Naniniwala sa Diyos ang lahat ng tao sa Ninive, at ang hari, maging ang karaniwang tao ay tunay na nagsisi sa Diyos sa damit-sako at mga abo, at sa huli ay nakuha nila ang awa at kapatawaran ng Diyos. Ang pagkakahawa ko ng sakit ay kinapalolooban ng intensyon ng Diyos, at tulad ng mga taga-Ninive, kailangan kong magsisi sa Diyos.

Sa mga oras na iyon, nagnilay ako sa mga kalagayang naipakita ko habang hinaharap ang sakit na ito. Naalala ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Sa pamilya ng Diyos, sa mga kapatid, gaano man kataas ang iyong katayuan o posisyon, o gaano man kahalaga ang iyong tungkulin, at gaano man kagaling ang iyong talento at mga kontribusyon, o gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, sa mga mata ng Diyos, isa kang nilikha, isang ordinaryong nilikha, at ang mararangal na ranggo at mga titulo na ibinigay mo sa iyong sarili ay hindi umiiral. Kung palagi mong itinuturing ang mga ito bilang mga korona, o bilang kapital na nagbibigay-daan sa iyo na mapabilang sa isang espesyal na grupo o maging isang espesyal na tao, kung gayon, sa paggawa nito, lumalaban at sumasalungat ka sa mga pananaw ng Diyos, at hindi ka katugma ng Diyos. Ano ang magiging mga kahihinatnan nito? Magdudulot ba ito na tutulan mo ang mga tungkuling dapat gampanan ng isang nilikha? Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay isang nilikha lamang, pero hindi mo itinuturing ang sarili mo bilang isang nilikha. Talaga bang makapagpapasakop ka sa Diyos sa gayong pag-iisip? Lagi mong gustong isipin na, ‘Hindi ako dapat tratuhin ng Diyos nang ganito, hinding-hindi Niya ako pwedeng tratuhin nang ganito.’ Hindi ba’t lumilikha ito ng paglaban sa Diyos? Kapag kumikilos ang Diyos nang salungat sa iyong mga kuru-kuro, sa iyong mentalidad, at sa iyong mga pangangailangan, ano ang iisipin mo sa puso mo? Paano mo haharapin ang mga kapaligiran na isinaayos ng Diyos para sa iyo? Magpapasakop ka ba? (Hindi.) Hindi ka magpapasakop, at tiyak na ikaw ay lalaban, sasalungat, magmamaktol, at magrereklamo, paulit-ulit na maguguluhan dito sa puso mo, iisipin na ‘Pero noon ay pinoprotektahan ako ng Diyos at tinatrato Niya ako nang may kagandahang-loob. Bakit nagbago na Siya ngayon? Hindi na ako maaaring mabuhay pa!’ Kaya’t nagsisimula kang magmaktol at magpasaway. Kung umaasta ka nang ganito sa iyong mga magulang sa bahay ninyo, maaaring mapatawad ito at wala silang gagawin sa iyo. Ngunit hindi ito katanggap-tanggap sa sambahayan ng Diyos. Dahil nasa hustong gulang ka na at isa kang mananampalataya, maging ang ibang tao ay hindi kukunsintihin ang iyong kalokohan—sa tingin mo ba ay pahihintulutan ng Diyos ang gayong pag-uugali? Kukunsintihin ba Niya ang ginagawa mo sa Kanya? Hindi. Bakit hindi? Ang Diyos ay hindi ang magulang mo, Siya ang Diyos, Siya ang Lumikha, at ang Lumikha ay hinding-hindi papayag na ang isang nilikha ay magmamaktol at hindi magiging makatwiran o mag-aalboroto sa harap Niya. Kapag kinakastigo at hinahatulan ka ng Diyos, sinusubok ka, o may inaalis Siya sa iyo, kapag inilalagay ka Niya sa paghihirap, nais Niyang makita ang saloobin ng isang nilikha sa kung paano nito tatratuhin ang Lumikha, nais Niyang makita kung anong uri ng landas ang pipiliin ng isang nilikha, at hinding-hindi ka Niya pahihintulutan na magmaktol at maging hindi makatwiran, o magbigkas ng mga kakatwang pangangatwiran. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, hindi ba dapat isipin ng mga tao kung paano nila dapat harapin ang lahat ng ginagawa ng Lumikha? Una sa lahat, dapat gampanan ng mga tao ang kanilang wastong posisyon bilang nilikha at kilalanin ang kanilang identidad bilang nilikha. Magagawa mo bang kilalanin na isa kang nilikha? Kung magagawa mo ito, dapat mong gampanan ang iyong wastong posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Lumikha, at kahit na magdusa ka nang kaunti, dapat mong gawin ito nang walang reklamo. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong nasa katwiran. Kung sa palagay mo ay hindi ka isang nilikha, bagkus ay ipinagpapalagay mong mayroon kang mga titulo at isa kang importanteng tao, at na isa kang taong may katayuan, isang mahusay na lider, patnugot, editor, o direktor sa pamilya ng Diyos, at na isa kang taong nakagawa na ng mahahalagang kontribusyon sa gawain ng pamilya ng Diyos—kung iyan ang iniisip mo, isa kang lubhang hindi makatwiran at walang kahihiyan na tao na walang pakundangan. Kayo ba ay mga taong may katayuan, posisyon, at halaga? (Hindi kami ganoon.) Kung gayon, ano ka? (Isa akong nilikha.) Tama, isa ka lang ordinaryong nilikha. Sa mga tao, maaaring ipagmalaki mo ang iyong mga kwalipikasyon, umasta kang nakatataas, ipagmayabang mo ang iyong mga kontribusyon, o magsalita ka tungkol sa iyong magigiting na kabayanihan. Ngunit sa harap ng Diyos, hindi umiiral ang mga bagay na ito, at hinding-hindi ka dapat magsalita o magmayabang tungkol sa mga ito, o magpanggap na mahusay ka. Magiging magulo ang mga bagay-bagay kung ibibida mo ang iyong mga kwalipikasyon. Ituturing ka ng Diyos na lubhang hindi makatwiran at sukdulan sa kayabangan. Masusuklam at mamumuhi Siya sa iyo, at isasantabi ka Niya, at magkakaproblema ka kung gayon(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11). Ginising ako ng mga salita ng Diyos sa malalim na pagkakatulog! Tinitingnan ko ang aking mahalagang tungkulin, ang mga resulta ng aking gawain, at ang pagsang-ayon ng mga lider, manggagawa, at mga kapatid bilang kapital, at nagsimula akong ipagmalaki ang aking mga kuwalipikasyon at itampok ang aking mga tagumpay, iniisip na naiiba ako sa mga walang pananampalataya at na tiyak na poprotektahan ako ng Diyos mula sa pandemya, at na kahit na magkasakit nga ako, ito ay dahil mayroon akong tayog at sinusubok ako ng Diyos upang magpatotoo sa Kanya, na para bang hiwalay ako mula sa tiwaling sangkatauhan. Nakita ko kung gaano na ako naging mapagmataas. Sa pagbabasa ng mga salitang ito ng Diyos sa partikular: “Magiging magulo ang mga bagay-bagay kung ibibida mo ang iyong mga kwalipikasyon. Ituturing ka ng Diyos na lubhang hindi makatwiran at sukdulan sa kayabangan. Masusuklam at mamumuhi Siya sa iyo, at isasantabi ka Niya, at magkakaproblema ka kung gayon,” natanto ko ang labis na pagkapoot ng Diyos sa mga ganitong tao. Kung babalikan ko ang aking pagkakasakit, hindi lamang ako hindi nagpasakop, kundi ipinagmalaki ko pa ang aking mga kuwalipikasyon sa harap ng Diyos at gumawa ng mga hindi makatwirang kahilingan, tunay na nakasusuklam at nakayayamot sa Diyos. Kung hindi ako nagsisi, ako’y itinakwil at itiniwalag ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, mabilis akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos! Kung hindi dahil sa sakit na ito, hindi sana ako nakapagnilay sa aking sarili at hindi ko pa sana napagtanto na lumalaban ako sa Iyo. O Diyos, pakiusap, maawa Ka sa akin, at hayaan akong magpasakop at matuto ng aral.”

Kalaunan, tinanong ko ang aking sarili, “Akala ko dati ay nakakakuha ako ng mga resulta sa aking gawain at nakakamit ang pagsang-ayon ng mga kapatid, at na ang Diyos ay dapat na sumang-ayon sa akin at protektahan ako mula sa pandemya, pero ganito ba talaga ang nakikita ng Diyos?” Isang araw, nakatagpo ako ng kasagutan sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maaaring isipin ninyo, bilang isang tagasunod sa maraming taon, na masipag na kayong gumawa anuman ang mangyari, at na anuman ang kaso ay puwede kayong maging trabahador at mapakain sa sambahayan ng Diyos. Sasabihin Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil lagi na lamang ninyong sinusunod ang prinsipyo ng kung paano sasamantalahin ang mga bagay at hindi mapagsasamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may lubos na pagkaseryoso: Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong pagsisikap, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kwalipikasyon, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong pag-uugali; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking papuri. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong kaisipan at mga pagtataya at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay mawakasan na ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay ipawalang-saysay ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko madadala ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at mayroon pa rin ng dating wangis ni Satanas sa Aking kaharian o dalhin sila sa susunod na kapanahunan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Paglabag ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno). “Sa huli, kung magtatamo man ng kaligtasan ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung anong tungkulin ang ginagawa nila, kundi kung kaya ba nilang maunawaan at makamit ang katotohanan, at kung, sa huli, ay kaya ba nilang lubos na magpasakop sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang pamamatnugot, hindi isaalang-alang ang kanilang hinaharap at tadhana, at maging isang karapat-dapat na nilikha. Matuwid at banal ang Diyos, at ang mga ito ang pamantayan na ginagamit Niya upang sukatin ang buong sangkatauhan. Hindi nababago ang mga pamantayang ito, at dapat mo itong tandaan. Ikintal mo ang mga pamantayan na ito sa iyong isipan, at kahit anong oras, huwag mong isipin na maghanap ng iba pang landas sa paghahangad ng ilang bagay na hindi totoo. Ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa lahat ng nais na matamo ang kaligtasan ay hindi nagbabago magpakailanman. Nananatiling pareho ang mga iyon maging sino ka man(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Hindi sinusuri ng Diyos ang mga tao ayon sa mga tungkuling kanilang ginagawa o kung gaano karami ang kapital na mayroon sila, kundi sa kung ang isang tao ay naghahangad ba ng katotohanan, at kayang magpasakop sa Kanya at hayaan Siyang mamatnugot ayon sa Kanyang kagustuhan. Ito ang pinakaimportante. Kapag hindi hinahangad ang katotohanan, gaano man kahalaga ang aking tungkulin, gaano man kalaki ang aking iniambag, o gaano man karami ang mga taong humahanga sa akin, hindi ko matatamo ang pagsang-ayon o pagliligtas ng Diyos. Ganap na inihayag ng sakit na ito kung ano ako. Dahil kulang ako sa katotohanan at baluktot ang aking mga pananaw, wala akong pananalig sa Diyos o pagnanais na magdusa, at lalo nang walang anumang pag-ibig sa Diyos. Nang sinubok ako, hindi ko pinagnilayan ang aking sarili o hinanap ang katotohanan, at nagkaroon lamang ako ng kakatwang ideya na sinusubok ako dahil mayroon akong tayog. Nang maharap sa matinding sakit, nagreklamo ako at nais kong alisin ng Diyos ang aking sakit, hanggang sa puntong ayaw ko nang gampanan ang aking tungkulin. Sa paanong paraan ako nagkaroon man lang ng anumang tayog? Wala akong kahit anong pananalig o pagpapasakop. Bilang isang tao na nagrerebelde at lumalaban sa Diyos, nais ko pa ring makatanggap ng Kanyang proteksyon at mga pagpapala, at makaligtas at makapasok sa kaharian ng langit. Napakawalang kahihiyan ko talaga! Sa maraming taon ay ginampanan ko ang aking mga tungkulin at nagkamit ng ilang resulta ang aking gawain, at nakuha ko ang paghanga ng iba, at itinuring kong kapital ang mga ito. Naging mayabang at palalo ako, walang naging puwang sa aking puso para sa Diyos, ipinagyabang ang aking mga kuwalipikasyon, ipinagpilitan ko kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng Diyos, at pakiramdam ko ay kalipikado akong magpatotoo sa Diyos. Nilalabanan ko ang Diyos nang hindi ko man lang namamalayan. Bumigat ang aking puso nang mapagtanto ko ito. Tinanong ko ang aking sarili kung ano ba talaga ang hinahangad ko sa buong panahong ito, kung pagkatapos ng lahat ng taon ng pananalig ay hindi ko nakamtan ang katotohanan. Sa aking paghahanap, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Mula simula hanggang katapusan, ano ang saloobin ng mga anticristo sa kanilang tungkulin? Naniniwala sila na isang transaksiyon ang paggawa ng tungkulin, na kung sino man ang may pinakamaraming iginugugol sa kanilang tungkulin, may pinakamalaking ambag sa sambahayan ng Diyos, at nagtitiis ng pinakamaraming taon sa sambahayan ng Diyos ay magkakaroon ng mas malaking tsansa na mapagpala at makakuha ng korona sa huli. Ito ang lohika ng mga anticristo. Tama ba ang lohikang ito? (Hindi.) Madali bang baligtarin ang ganitong perspektiba? Hindi ito madaling baligtarin. Ito ay napagpasyahan ng kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa kanilang puso, tutol ang mga anticristo sa katotohanan, hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit kaunti, at tinatahak nila ang maling landas, kaya, mahirap baligtarin ang kanilang perspektiba ng pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Sa huli, hindi naniniwala ang mga anticristo na ang Diyos ang katotohanan; sila ay mga hindi mananampalataya, narito sila para tumaya at magkamit ng mga pagpapala. Para manampalataya sa Diyos ang mga hindi mananampalataya, ito mismo ay hindi mapapanindigan, isa itong kalokohan, at nais nilang makipagtransaksiyon sa Diyos at magtamo ng mga pagpapala sa pamamagitan ng pagtitiis ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para sa Diyos, mas malaking kalokohan pa ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Sa pagbubulay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang hindi ko pagkakamit ng katotohanan matapos ang lahat ng mga taon na ito ay hindi dahil sa pinapaboran ng katotohanan ang ibang tao, kundi dahil kailanman ay hindi ko pinagsikapan ang katotohanan at dahil naghangad lamang ako ng mga pagpapala at gantimpala. Sa lahat ng mga taon na ito, hindi ko kailanman hinanap o pinag-isipang mabuti kung ano ang dapat kong hangarin sa aking pananalig, kung anong landas ang dapat kong tahakin, at kung anong klaseng tao ang nakalulugod sa Diyos, at bihira kong suriin ang aking mga layunin at pananaw sa pagtupad ng aking tungkulin o sa landas na aking tinahak. Noon pa man ay kontento na akong tumuon sa gawain, iniisip na kung mas marami akong gagawin at mas marami akong matatamong resulta, siguradong pagpapalain at kalulugdan ako ng Diyos, at na kahit na dumating pa ang mga sakuna, poprotektahan ako ng Diyos at hindi Niya hahayaang mapinsala ako. Sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko sa wakas na ang mga ideya ko ay naaayon sa lohika ng isang anticristo, mga transaksyonal na pananaw ng isang hindi mananampalataya, at na sinusubukan kong linlangin ang Diyos at gamitin Siya upang makamit ko ang mga sarili kong layon. Paglaban ito sa Diyos! Naisip ko si Pablo noong Kapanahunan ng Biyaya. Ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa maraming tao, halos sa buong Europa pa, at inakay niya ang maraming tao na manalig. Pero ang lahat ng ginawa ni Pablo ay hindi para magpatotoo sa Panginoong Jesus, o gawin ang mga tungkulin ng isang nilikha, kundi upang gamitin ang kanyang pagpapalaganap ng ebanghelyo para makipagtawaran sa Diyos kapalit ang isang korona ng katuwiran. Sa panahon ng kanyang gawain, palaging itinataas ni Pablo ang kanyang sarili at nagpapakitang-gilas siya, at mas naging mapagmataas ang kanyang disposisyon. Ipinagyabang niya sa Diyos ang kanyang mga kuwalipikasyon at mapangahas siyang humingi sa Diyos, sinabi na, “Nakipagbaka na ako ng mabuting pakikibaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Ipinagmalaki pa nga niya na namuhay siya bilang si Cristo. Sa huli, dahil nilabanan niya ang Diyos at sinalungat niya ang disposisyon ng Diyos, naparusahan si Pablo. Hindi ba’t tulad ng kay Pablo ang mga pananaw ko sa paghahangad at ang landas na aking tinatahak? Ang nais ko lamang ay maghangad ng mga pagpapala at gamitin ang paggawa ko ng aking tungkulin upang makamit ang aking mga layon. Naging labis na makasarili at kasuklam-suklam ako! Kung wala ang pagbubunyag na ito, hindi ko pa rin mapagtatanto kung gaano kalala ang tiwali kong disposisyon, at kung magpapatuloy ako, itataboy at ititiwalag ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito ay labis akong nakonsensiya at lumuhod ako para manalangin, “O Diyos! ang aking karamdaman ay dahil sa Iyong katuwiran at para sa layuning iligtas ako. Isa lang akong hamak na nilikha. Itinaas at biniyayaan Mo ako at binigyan Mo ako ng pagkakataong gawin ang isang tungkulin, pero naging labis na mapagmataas ako at walang katwiran. Lumalaban at nakikipagtawaran ako sa Iyo, pero hindi ko ito namamalayan. O Diyos, ayaw kong magrebelde o lumaban sa Iyo, gusto kong magsisi.”

Kalaunan, napaisip ako, “May isa pang dahilan kung bakit ako nagreklamo at hindi makapagpasakop noong magkasakit ako. Ito ay dahil takot ako sa kamatayan. Paano ko malulutas ang problemang ito?” Nagdasal at naghanap ako, at sa mga salita ng Diyos ay aking nabasa: “Ang usapin ng kamatayan ay may kalikasang katulad ng sa iba pang mga bagay. Hindi ang mga tao ang magdedesisyon para sa sarili nila, at lalong hindi ito mababago ng kalooban ng tao. Ang kamatayan ay katulad ng anumang mahalagang pangyayari sa buhay: Ito ay lubos na nasa ilalim ng paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kung may magmamakaawa na siya ay mamatay na, maaaring hindi siya mamatay; kung magmamakaawa siyang mabuhay pa, maaaring hindi siya mabuhay. Lahat ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at ito ay binabago at pinagpapasyahan ng awtoridad ng Diyos, ng matuwid na disposisyon ng Diyos, at ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Kaya nga, kung sakaling ikaw ay magkasakit nang malubha, ng nakamamatay na sakit, hindi tiyak na ikaw ay mamamatay—sino ang nagdedesisyon kung mamamatay ka ba o hindi? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang nagdedesisyon. At dahil ang Diyos ang nagdedesisyon at hindi kayang pagdesisyonan ng tao ang gayong bagay, ano ang ikinababalisa at ikinababagabag ng mga tao? Parang kung sino lang ang mga magulang mo, at kung kailan at saan ka ipinanganak—hindi mo rin mapipili ang mga bagay na ito. Ang pinakamatalinong gawin sa mga bagay na ito ay ang hayaan itong tumakbo nang natural, ang magpasakop, at huwag pumili, huwag gumugol ng anumang kaisipan o lakas sa bagay na ito, at huwag mabagabag, mabalisa, o mag-alala tungkol dito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na kung mabubuhay man ako o mamamatay dahil sa karamdamang ito, nasa mga kamay ito ng Diyos at hindi sa sinumang tao. Ito ay tulad lang din ng kung kailan ako ipinanganak, kung saang pamilya ako ipinanganak, at kung ano ang aking itsura ay mga bagay na hindi ko mapipili. Gayundin, kung kailan at kung saan ako mamamatay ay wala sa aking mga kamay. Ang lahat ay nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan at predestinasyon ng Diyos. Kung itinadhana ng Diyos na mamatay ako sa karamdamang ito, wala na akong magagawa tungkol doon, at kung hindi ko pa oras na mamatay, gaano man kaseryoso ang aking sakit, hindi ako mamamatay. Walang saysay ang aking mga pagkabahala at pag-aalala, at hindi ko mababago ang kahit ano, ang mga ito ay hindi kinakailangan at karagdagang sakit at mga pasanin lamang. Dapat kong ibigay ang aking sarili sa Diyos, magpasailalim sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at gawin nang maayos ang aking tungkulin. Sabi ng Diyos: “Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay maganda ang asal mo sa pagganap mo ng iyong tungkulin at praktikal kang mag-isip. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilalang o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tapusin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Mula sa mga salita ng Diyos ay naunawaan kong likas at may katwiran para sa isang nilikha na gumanap ng isang tungkulin, gaya ng tama para sa mga bata na rumespeto ang anak sa kanyang mga magulang. Ang pagkakaroon ng pagkakataong gawin ang isang tungkulin sa iglesia ay biyaya ng Diyos, at mabuhay man ako o mamatay, at gaano man kasakit ang aking paghirapan, dapat akong magpasakop sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at gampanan ang aking mga responsabilidad at tungkulin. Ito lamang ang paraan para mamuhay ng isang buhay na may halaga at kahulugan. Naisip ko rin si Noe. Matapos niyang tanggapin ang atas ng Diyos, ang alalahanin ng Diyos ay naging kanyang alalahanin, at ang mga iniisip ng Diyos ay naging kanyang mga pag-iisip. Hindi siya umatras sa anumang sakit o kahirapan na kanyang hinarap, at matapos ang 120 taon, nabuo niya ang arko at natupad ang atas ng Diyos. Ang katapatan at pagpapasakop ni Noe ay umaliw sa Diyos, at ito ang halimbawa na dapat kong sundin. Napuno ako ng lakas nang malaman ito at gumawa ako ng isang resolusyon: Hangga’t mayroong hininga sa aking baga, hindi ko aabandonahin ang aking tungkulin o isasantabi ang aking mga responsabilidad.

Matapos nito, inilagay ko ang aking puso sa aking tungkulin, hindi na nag-aalala kung lumala ba ang kalagayan ko o kung mamamatay ako. Naisip ko na hangga’t ako’y nabubuhay pa nang isa pang araw, dapat kong gawin nang maayos ang aking tungkulin, kaya kung isang araw ay mamatay man ako, hindi ako nabuhay ng walang kabuluhan. Minsan ay abalang-abala ako sa aking mga tungkulin na nakalilimutan kong ako ay may sakit. Tunay na nakamit ko ang ilang pagpapahalaga sa mga salitang: “Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Hindi nagtagal, humupa ang mga sintomas ko at nagnegatibo ang mga resulta ng pagsusuri. Alam kong ang lahat ng ito ay dahil sa awa ng Diyos. Naramdaman ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa pandemyang ito at nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!

Sinundan: 91. Hangarin ang Katotohanan Anuman ang Edad

Sumunod: 95. Ang mga Kahihinatnan ng Hindi Pagdududa Kailanman sa mga Kinakasangkapan Mo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa mga Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito