9. Hindi Na Ako Makakaramdam Ng Pagkabalisa At Pag-aalala Tungkol Sa Pagtanda
Pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, isinasagawa ko na ang tungkulin ko sa iglesia. Noong nasa mga edad limampu ako, sinimulan kong gawin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto, at natuklasan ko na ang aking bilis ng reaksyon at memorya ay hindi naman nalalayo sa mga nakababatang kapatid, at na ang kahusayan ko at pagiging epektibo ko sa aking tungkulin ay halos katulad din ng sa kanila. Labis akong natuwa, at lubos na naganyak sa tungkulin ko. Ngunit habang tumatanda ako, nagsisimulang humina ang katawan ko, at nagkaroon din ako ng altapresyon. Unti-unti ring humina ang pisikal na lakas at enerhiya ko, at mas bumagal din ang pag-iisip ko. Minsan kapag medyo mabilis kong kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos, hindi nakakasabay ang isip ko, at minsan nakakalimutan ko agad ang binasa ko at kailangan kong balikan at basahin itong muli. Lalong lumala ang memorya ko, at naging napakamalilimutin ko. Kadalasan, nasa dulo na ng dila ko ang mga salita, ngunit hindi ko maalala kung ano ang nais kong sabihin. Pagkatapos, tinitingnan ko ang aking katuwang, isang sister na nasa mga edad tatlumpu, punung-puno ng enerhiya at matalas ang pag-iisip. Matalas ang mga mata niya at mabilis at mahusay siyang magtrabaho, at ang natatapos niya sa loob ng kalahating oras ay inaabot sa akin ng isa at kalahating oras. Madalas kong kinaiinggitan ang kabataan at enerhiya niya, at kasabay nito, nag-aalala ako para sa aking sarili, iniisip na, “Paano kaya, kung sa loob ng ilang taon, ay lalo pang bumagal ang isip ko? Natatakot ako na sa panahong iyon, hindi ko na magagawa ang anumang tungkulin at tuluyan na akong magiging walang silbi. Paano ko pa makakamtan ang kaligtasan kung ganoon?” Minsan nagrereklamo pa nga ako sa puso ko, “Bakit ko ba tinanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw kung kailan matanda na ako? Kung naging mas bata sana ako nang dalawampung taon, kayganda sana noon! Ngayon matanda na ako, at ganap nang walang silbi.” Ang totoo, nais kong gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya, subalit animnapung taong gulang na ako. Hindi na katulad ng dati ang isipan at paningin ko, at mayroon na akong altapresyon. Kapag nagtatrabaho ako nang medyo matagal sa gabi, agad akong nakakaramdam ng matinding pagod at kinakailangan kong magpahinga nang maaga. Nang makita ko ang malaking agwat sa kahusayan sa mga tungkulin sa pagitan ko at ng mga nakababata, nakaramdam ako ng panlulumo at kawalan ng tiwala sa sarili, at namuhay ako sa negatibong kalagayan. Ayaw ko nang magbayad ng halaga para sa aking tungkulin o magtuon sa pagpapabuti ng aking mga kasanayan. Ayaw ko pa ngang pagnilayan ang mga paglihis ko upang mapabuti ang mga resulta ng gawain ko Naisip ko, “Matanda na ako at wala nang silbi. Kahit anong pilit ko, hindi ko na magagampanan nang maayos ang tungkulin ko. Baka balang araw, maging pabigat na lang ako at tuluyang itiwalag.”
Sa aking pagkabalisa at pag-aalala, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Mayroon ding matatandang kapatid na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, ‘Hindi na masyadong malakas ang katawan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi maayos ang pagsasalita ko, at wala akong karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at kulang na ako sa enerhiya, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Maliban sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at mahangad ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?’ Kapag iniisip nila ang mga ito, nagsisimula silang mabahala, iniisip na, ‘Bakit ba kung kailan matanda na ako ay saka lang ako sumampalataya sa Diyos? Bakit ba hindi ako katulad niyong mga nasa edad 20 at 30, o maging niyong mga nasa edad 40 at 50? Bakit ba natagpuan ko lang ang gawain ng Diyos kung kailan napakatanda ko na? Hindi naman sa masama ang aking kapalaran; kahit papaano ngayon ay natagpuan ko na ang gawain ng Diyos. Maganda ang kapalaran ko, at naging mabuti ang Diyos sa akin! May isang bagay lang na hindi ako nasisiyahan, at iyon ay ang masyado na akong matanda. Hindi na matalas ang aking memorya, at hindi na rin malakas ang kalusugan ko, ngunit matatag ang kalooban ko. Kaya lang ay hindi na ako sinusunod ng katawan ko, at inaantok ako pagkatapos kong makinig nang matagal-tagal sa mga pagtitipon. Minsan ay pumipikit ako upang magdasal at nakakatulog ako, at lumilipad ang isip ko kapag nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos. Matapos magbasa nang kaunti, inaantok ako at nakakatulog, at hindi ko nauunawaan ang mga salita. Ano ang magagawa ko? Nang may ganitong mga praktikal na suliranin, mahahangad at mauunawaan ko pa ba ang katotohanan? Kung hindi, at kung hindi ako makapagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t mawawalan ng saysay ang lahat ng aking pananampalataya? Hindi ba’t mabibigo akong makamtan ang kaligtasan? Ano ang puwede kong gawin? Nag-aalala ako nang husto! …’ … Nahuhulog sa malalim na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang matatandang ito dahil sa kanilang edad. Sa tuwing nahaharap sila sa ilang pagsubok, kabiguan, paghihirap, o hadlang, sinisisi nila ang kanilang edad, at napopoot pa nga sila sa kanilang sarili at hindi nila gusto ang kanilang sarili. Pero anu’t anuman, wala itong saysay, walang solusyon, at wala silang daan pasulong. Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring magampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Katanggap-tanggap naman na gampanan ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan, at maging ang mga kabataan ay hindi rin naman maunawaan ang lahat ng ito. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Tama ba sila? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, may karamdaman, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. … hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang pwedeng gawin. Ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga kamangmangan at katigasan ng ulo, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na baluktot na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang alisin, suriin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang mabagabag, mabalisa, at mag-alala kapag wala kang ginagawa—hindi ito ang iyong gawain o responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagamat tumatanda ka na at medyo tumatanda na rin ang iyong katawan, dapat ay parang sa kabataan pa rin ang iyong pag-iisip. Bagamat tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Nakita ko na ang kapatid na katuwang ko ay bata pa at mahusay sa paggawa ng kanyang tungkulin, samantalang mas matanda ako, may altapresyon ako, mas mabagal ang isip ko, at ang kahusayan ko sa aking tungkulin ay lubos na mas mababa kaysa sa kanya. Naisip ko na dahil matanda na ako at wala nang silbi, tiyak na itataboy ako ng Diyos at hindi na ililigtas. Namumuhay ako sa kalagayan ng maling pagkaunawa sa Diyos. Nag-alala ako na mas lalong hihina ang katawan ko sa loob ng ilang taon, at sa panahong iyon, maaaring hindi ko na magawa ang anumang tungkulin at tuluyang matiwalag na ako. Nalungkot ako nang maisip ko ito. Ngunit pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pantay ang pagtrato ng Diyos sa mga bata at matatanda. Kapag nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos, hindi ito para sa kabataan lamang at hindi rin ito para sa matatanda lamang. Hindi kailanman hinati ng Diyos ang Kanyang mga hinirang sa magkakaibang antas base sa edad, ni sinabi niya kailanman na dapat alisin sa iglesia ang matatanda. Hindi nagpapakita ng pagkiling ang Diyos, at anuman ang edad ng isang tao, maaari siyang diligan at palaguin ng mga salita ng Diyos. Binibigyan ng Diyos ang lahat ng pantay na pagkakataon upang maligtas. Kung hindi naghahangad ng katotohanan ang isang tao at tumututol siya rito, hindi siya maliligtas, anuman ang kanyang edad. Itinatakda ng Diyos ang kalalabasan at destinasyon ng isang tao hindi batay sa edad, kundi higit sa lahat sa kung nakamit ba ng taong iyon ang katotohanan. Anuman ang edad ng isang tao, basta nauunawaan niya ang mga salita ng Diyos at isinasagawa niya ang katotohanan, maaari siyang magkaroon ng pagbabago ng disposisyon at makatanggap ng kaligtasan mula sa Diyos. Bagaman animnapung taong gulang na ako at mabagal nang matuto ng mga bagong kasanayan, malinaw pa rin ang aking isipan at nauunawaan ko pa rin ang mga salita ng Diyos kapag kinakain at iniinom ko ang mga ito. Nauunawaan ko rin ang aking mga pagkukulang at tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Hindi tumigil ang Diyos sa pagbibigay-liwanag at paggabay sa akin dahil lamang sa matanda na ako, at umaasa ang Diyos na mas maglalaan pa ako ng oras sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Nais ng Diyos na magkaroon ako ng pagkilala sa mga lason ni Satanas at sa mga batas nito sa pananatiling buhay, at sa tradisyonal na kultura. Nais Niya na itakwil ko ang mga negatibong bagay na ito at na umasal at kumilos ako batay sa katotohanan. Ito ang nais makita ng Diyos. Malinaw at makatwiran pa rin ang isipan ko sa ngayon, at kaya ko pa ring gampanan ang mga tungkulin ko, kaya dapat kong pahalagahan ang oras na mayroon ako ngayon, gawin ang lahat ng makakaya ko sa aking mga tungkulin, at hangarin ang pagbabago ng disposisyon. Hindi ko puwedeng gamitin ang edad ko bilang dahilan upang hindi hangarin ang katotohanan. Kung mamumuhay ako sa pag-aalala at pagkabalisa, nang hindi nakararamdam ng pasanin para sa tungkulin ko at hindi naghahangad ng pagbabago ng disposisyon, talagang mawawalan ako ng silbi at sa huli ay ititiwalag ng Diyos.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Naniniwala sa Diyos ang mga anticristo para lamang sa layon na makapagtamo ng pakinabang at mga pagpapala. Kahit na magtiis sila ng kaunting pagdurusa o magbayad ng kaunting halaga, ito ay pawang para makipagtawaran sa Diyos. Napakalaki ng kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at mahigpit nila itong pinanghahawakan. Wala silang tinatanggap na kahit ano sa maraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, sa puso nila ay palagi nilang iniisip na ang pananampalataya sa Diyos ay pawang tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala at pagtitiyak ng isang magandang hantungan, na ito ang pinakamataas na prinsipyo, at na walang makakalampas dito. Iniisip nila na hindi dapat manampalataya ang mga tao sa Diyos maliban na lang para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, at na kung hindi dahil sa mga pagpapala, ang pananampalataya sa Diyos ay magiging walang kahulugan o halaga, na mawawalan ito ng kahulugan at halaga. Ikinintal ba ng ibang tao ang mga ideyang ito sa mga anticristo? Nagmumula ba ang mga ito sa edukasyon o impluwensiya ng iba? Hindi, itinatakda ang mga ito ng likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, na isang bagay na walang sinuman ang makakabago. Sa kabila ng pagsasalita ngayon ng napakaraming salita ng Diyos na nagkatawang-tao, walang tinatanggap na kahit na ano sa mga ito ang mga anticristo, sa halip ay nilalabanan at kinokondena nila ang mga ito. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nila na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kung hindi sila makakapagbago, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na buktot ang kanilang kalikasan. Hindi ito isyu ng paghahangad o hindi paghahangad sa katotohanan; isa itong buktot na disposisyon, walang pakundangan itong pagtutol sa Diyos at paglaban sa Diyos. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo; ito ang totoong mukha nila” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga anticristo, gaano man karaming pagdurusa ang kanilang tiisin o gaano man kalaki ang ibayad nilang halaga sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ay palaging sumusubok na makipagtawaran sa Diyos para sa mga pagpapala. Mas pinapahalagahan nila ang mga pagpapala kaysa sa paghahangad sa katotohanan para maligtas. Kapag hindi sila makakakuha ng mga pagpapala, ayaw nilang gampanan ang anumang tungkulin o bayaran ang anumang halaga. Nilalabanan pa nga nila ang Diyos at inirereklamo na hindi matuwid ang Diyos. Ito ang buktot na disposisyon ng isang anticristo. Nang magnilay ako sa aking sarili pagkatapos kong tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, nakita ko na nagdadala ng mga pagpapala at ng pagkakataong maligtas at makapasok sa kaharian ng langit ang pananampalataya sa Diyos, at ikinatuwa ko ito, kaya anuman ang mangyari ay ginampanan ko ang mga tungkulin ko. Nang makita ko na nagbunga ng magagandang resulta ang gawain ko, pakiramdam ko ay tumutulong ako sa iglesia, kaya naisip kong tiyak na bibigyan ako ng Diyos ng magandang destinasyon. Ngunit ngayon na matanda na ako at may mga problema sa kalusugan, hindi na nakakasabay sa mga nakababata ang kahusayan at mga resulta ng mga tungkulin ko, kaya nag-alala ako na habang tumatanda ako, baka hindi ko na magampanan ang anumang tungkulin, at baka tuluyan na akong itiwalag ng Diyos. Sa pagkawala ng pag-asang makatanggap ng mga pagpapala, nahulog ako sa mga negatibong emosyon, namuhay ako sa sakit, pag-aalala, at negatibong paglaban. Ipinahayag ko na para sa mga tungkulin ko ang aking mga pagsusumikap at paggugol, ngunit sa kaibuturan, palagi akong nagkakalkula para sa kalalabasan at destinasyon ko. Ginagamit ko ang mga tungkulin ko upang makipagtawaran sa Diyos. Sa diwa, sinusubukan kong manipulahin at linlangin ang Diyos. Nakita ko kung gaano ako naging makasarili at kasuklam-suklam! Naisip ko kung paanong nagpahayag ang Diyos ng milyon-milyong salita upang iligtas ang sangkatauhan, at kung gaano ako kaswerte na makaharap sa presensya ng Diyos, at magtamasa ng matinding pagpapalusog mula sa mga salita ng Diyos at magkaroon ng pagkilatis sa mga negatibong bagay. Naunawaan ko ang halaga at kabuluhan ng buhay bilang isang nilikha at nakamtan ko ang pagkakataong maligtas. Hindi na ako namumuhay sa kahungkagan ng pagsisikap para sa mga pakinabang at pagpapakasasa sa kasiyahan na tulad ng mga walang pananampalataya. Dahil sa tungkulin ko, nakakapamuhay ako sa harap ng Diyos, at ito ang nakapagpaiwas sa akin sa labis na pinsala ni Satanas. Ngayon, kahit matanda na ako at may altapresyon, wala akong anumang malalang sintomas, at hangga’t sumusunod ako sa isang regular na rutina, hindi ko kailangan ng gamot upang magampanan ko nang normal ang mga tungkulin ko. Hindi ba’t biyaya ito ng Diyos sa akin? Gayunpaman, kahit na natamasa ko ang pagmamahal ng Diyos, hindi ko ito sinuklian at sa halip, ginamit ko ang aking mga tungkulin upang makipagtawaran sa Diyos. Talagang wala akong konsensiya at katwiran! Humarap ako sa Diyos at nagsisi, “O Diyos, palagi kong sinusubukang makipagtawaran sa Iyo sa mga tungkulin ko, naghahangad ako ng mga pagpapala, at nagsasanhi ako na masuklam at mamuhi Ka sa akin. Handa akong tunay na magsisi sa Iyo.”
Kalaunan, nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at natagpuan ko ang isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Bukod sa kakayahan nilang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, marami pang bagay ang maaaring gawin ng matatandang tao. Maliban na lamang kung ikaw ay hangal, may problema sa isip, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, at maliban na lamang kung hindi mo na kayang alagaan ang iyong sarili, marami kang dapat gawin. Katulad ng mga kabataan, maaari mong hangarin ang katotohanan, maaari mong hanapin ang katotohanan, at maaari kang madalas na lumapit sa Diyos upang manalangin, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, sikaping tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang landas na dapat mong tahakin, at hindi ka dapat mabagabag, mabalisa, at mag-alala dahil matanda ka na, dahil marami kang sakit, o dahil tumatanda na ang iyong katawan. Ang pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ay hindi ang tamang gawin—ito ay mga hindi makatwiran na pagpapamalas” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na bukod sa tamang pagharap sa mga likas na batas ng pagtanda, karamdaman, at kamatayan na itinatag ng Diyos, ang mga matatanda ay dapat na madalas humarap sa Diyos upang magdasal at maghanap sa Kanya, at tratuhin ang mga tao, pangyayari, at bagay na dumarating nang batay sa mga katotohanang prinsipyo, at magtuon ng pansin sa pagsasagawa ng katotohanan upang matugunan ang Diyos. Hindi nila dapat maramdaman na mababa sila dahil lamang mas matanda sila at kulang sa kakayahan kumpara sa mga nakababata, at hindi rin nila dapat maramdaman na nalilimitahan sila ng kanilang edad. Dapat nilang gampanan ang mga tungkulin nila sa abot ng kanilang makakaya, nang may pagsasaalang-alang sa kanilang enerhiya at pisikal na kondisyon. Ito ang mentalidad na dapat taglayin ng matatanda. Nang mapagtanto ko ito, nagawa ko ring harapin nang maayos ang aking edad at mga kakulangan. Dahil isinasaalang-alang kong matanda na ako at may ugaling makalimot ng mga bagay-bagay, maaga pa ay gumagawa na ako ng mga tala tungkol sa gawaing kailangan kong gawin upang hindi maantala ang aking gawain. Pagdating naman sa mga espesyal na kasanayan, naaalala ng mga mas bata ang mga bagay pagkatapos nila itong matutunan nang isang beses, samantalang ako ay may mahinang memorya at mas mabagal na makaunawa ng mga bagay. Dahil dito, mas nagsikap ako, at kapag hindi ko natutunan ang mga ito sa unang pagkakataon, inuulit ko itong pag-aralan nang tatlong beses pa. Hindi ko dapat patuloy na ikumpara ang sarili ko sa mga mas bata sa akin, sa halip, dapat kong hangarin ang katotohanan at sikaping gampanan ang mga tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Pagkatapos, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na itinatakda ng Diyos ang kalalabasan at destinasyon ng isang tao hindi batay sa edad nito, at hindi rin batay sa kung gaano karaming pagdurusa na ang tiniis nito, sa halip, ito ay nakasalalay sa kung nakamit ba nito ang katotohanan at kung nagbago ba ang disposisyon nito. Kung hindi ko hahangarin ang katotohanan at hindi ko tatalikuran ang pagnanais ko para sa mga pagpapala, at hindi magbabago ang tiwaling disposisyon ko, kahit na mas bata pa ako nang dalawampung taon, matitiwalig pa rin ako. Ayaw ko nang panghawakan ang nakalilinlang kong mga pananaw, ang nais ko lamang ay magsikap na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, magampanan nang maayos ang mga tungkulin ko habang nabubuhay ako, maghangad ng pagbabago sa disposisyon ko, at sa huli, dapat ko pa ring tuparin ang mga tungkulin ko kahit pa hindi ako magkaroon ng magandang kalalabasan. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang tao at ang direksyon na dapat kong hangarin.
Naalala ko noong isang beses, nagtipon kami upang mag-aral ng mga kasanayang may kaugnayan sa gawain tungkol sa mga kasalukuyang problema, ngunit may ilang isyu na hindi ko pa lubos na nauunawaan. Nang magsimulang magbahagi ang katuwang ko ng kanyang mga kabatiran, at maganda ang kanyang pagbabahagi, umusbong muli ang mga negatibong emosyon ko, at naisip ko, “Matanda na ako ngayon at matagal bago ko maunawaan ang mga bagay-bagay. Kung lalo pang hihina ang isipan ko sa loob ng dalawang taon, hindi ko na talaga magagampanan ang anumang tungkulin.” Nagdulot sa akin ng pagkaligalig ang mga kaisipang ito. Ngunit sa sandaling iyon, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ikaw man ay may pisikal na kakayahang gawin ang iyong tungkulin o wala, kung kaya mo mang gampanan ang anumang gawain o hindi, kung pinahihintulutan ka man ng iyong kalusugan na gampanan ang iyong tungkulin o hindi, ang iyong puso ay hindi dapat lumayo sa Diyos, at hindi mo dapat talikuran ang iyong tungkulin sa puso mo. Sa ganitong paraan, matutupad mo ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin—ito ang katapatan na dapat mong panghawakan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Agad na pinawi ng mga salita ng Diyos ang mga alalahanin ko. Sa hinaharap, kung sa pagtanda ko ay hindi ko na kayang makaarok nang mabilis at hindi ko na magampanan ang mga tungkulin kong nakabatay sa teksto, maaari ko pa ring gampanan ang iba pang mga tungkulin na naaayon sa kakayahan ko. Kahit pa isang araw ay maging hadlang ang pisikal na kondisyon ko sa pagtupad ng mga tungkulin ko, hangga’t hindi lumalayo sa Diyos ang puso ko, at kaya kong tumawag sa Kanya, kumain at uminom ng mga salita Niya at magnilay sa aking sarili, hindi ako itataboy ng Diyos. Ang kawalan ko ng tunay na pananalig sa Kanya ang kinasusuklaman ng Diyos, dahil palagi akong naghahangad ng mga pagpapala. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng kalayaan sa puso ko at hindi na ako nakaramdam ng pagiging pasibo o pagkanegatibo. Sa halip, nagsimula akong mag-isip nang malalim at mag-aral, at nagkaroon ako ng kaunting pag-unlad sa pagkatuto ng mga kasalukuyang kasanayan. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso para sa Kanyang patnubay. Anuman ang pisikal na kondisyon ko, o anumang kalalabasan o destinasyon ang harapin ko, handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at magampanang mabuti ang mga tungkulin ko.