68. Paano Dapat Tratuhin ang Kabutihan ng Magulang

Ni Jian Xi, Tsina

Noong bata pa ako, mahina ang aking pangangatawan at madalas akong magkasakit. Isinusugod ako ng aking mga magulang minsan sa clinic sa kalagitnaan ng gabi. Kumakatok sila sa pintuan ng bahay ng doktor sa dis-oras ng gabi, at kahit gaano pa kasama ang tono o ugali ng doktor, palaging handa ang aking mga magulang na tiisin ito. Ang lahat ng ito ay para agaran akong magamot. Natatakot sila na lalo pang lumala ang kondisyon ko, kaya’t magdamag nila akong binabantayan. Nang maglaon, nang medyo mas lumaki na ako, at nakita kong pagod na pagod ang mga magulang ko araw-araw pagkatapos ng trabaho, naawa ako sa kanila. Pero palagi nilang sinasabi sa akin: “Kailangan naming kumita ng mas maraming pera para mabigyan ka ng mas magandang buhay, at upang mabili namin ang gusto mo.” Inisip ko na masyado nang marami ang nagawa ng mga magulang ko para sa akin, at nagpasya ako na maging isang mabuting anak sa kanila at huwag silang hayaang mapagod nang husto. Kapag pumapasok ang mga magulang ko sa trabaho, nililinis ko ang bahay, at natuto akong maglaba at magluto. Sa tuwing umuuwi ang aking mga magulang at nakikitang maayos ang lahat, napakasaya nilang sinasabi: “Hindi naging walang saysay ang pagpapalaki namin sa batang ito!” Kapag naririnig ko ang mga salitang ito, masayang-masaya ako. Inisip ko na talagang sulit na gawin kong medyo mas madali ang mga bagay-bagay para sa aking mga magulang at bigyan ko sila ng mas maraming oras na makapagpahinga.

Nang maglaon, nagsimula kaming tatlo na manampalataya sa Diyos, at pumunta ako sa ibang lugar para gampanan ang aking tungkulin. Suportadong-suportado ng aking ina ang paggampan ko sa aking tungkulin, at bagamat hindi ganoon kasaya ang aking ama tungkol dito, nirespeto rin niya ang aking desisyon. Kalaunan, naging mas mahirap ang mga sitwasyon, at maraming kapatid ang inaresto habang gumagampan sa kanilang mga tungkulin. Isang beses, umuwi ako, at nababalisang sinabi sa akin ng aking ama: “Pinalaki ka namin sa loob ng napakaraming taon, at hindi namin kailanman hiniling na magkaroon ka ng napakagandang kinabukasan; nais lang namin na manatili ka sa aming tabi. Subalit umalis ka ng bahay para gampanan ang iyong tungkulin, at karaniwan ka naming hindi nakikita kapag gusto namin. Medyo mahirap na ang mga sitwasyon ngayon; kung sakaling maaresto ka sa daan, ano ang magagawa ko? Ano ang mangyayari sa kinabukasan mo?” Laking gulat ko sa sinabi ng aking ama. Bakit niya nasabi iyon? Kung susuko ako sa paggampan ng aking mga tungkulin dahil takot akong maaresto, hindi ba’t ipinagkakanulo ko ang Diyos at magiging isa akong taong tumatakas? Seryoso kong sinabi sa aking ama: “Papa, hindi mo ako dapat pigilan sa paggampan ng aking tungkulin. Malaki na ako ngayon, ang pag-alis sa bahay para gampanan ang aking tungkulin ay isang pasya na pinag-isipan kong mabuti. Dapat mo akong suportahan!” Galit na galit siya, at sinabing: “Pinalaki kita sa loob ng maraming taon, at basta-basta ka lang aalis. Malinaw ko na yatang nakikita ngayon. Nagpalaki ako ng isang walang utang na loob!” Nang marinig ko ang mga salitang ito, masyado akong nabagabag, at hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Naaalala ko noong nagkasakit ako noong bata pa ako, at kung paanong tinabihan ako ng aking ama sa magdamag nang hindi ipinipikit ang kanyang mga mata, para lang maalagaan niya ako, at kung paanong nagtrabaho nang husto ang aking mga magulang para kumita ng pera at mabigyan ako ng magandang buhay. Pero ngayon, bukod sa hindi ako naging mabuting anak sa kanila, hindi ko man lang sila masamahan. Hindi ko man lang nagampanan ang aking obligasyon bilang kanilang anak. Habang tinitingnan ko ang aking galit na ama habang siya ay papaalis, nakonsensiya ako; nais kong makasama ang aking mga magulang at maglaan ng mas maraming oras sa kanila. Pero sa oras na ito, naisip ko ang Diyos. Noong hindi pa ako nanampalataya sa Diyos, madalas na hungkag ang pakiramdam ko, at hindi ko alam kung bakit ako narito sa mundong ito. Pagkatapos manampalataya sa Diyos, sa pamamagitan ng pagbabasa ng Kanyang mga salita, natutunan ko na ang Diyos ang lumikha sa mga tao, at ang Diyos ang nagbigay sa akin ng hiningang ito. Mayroon akong sariling misyon sa mundong ito. Noon ko lamang natuklasan ang halaga ng aking pag-iral, at hindi na hungkag ang pakiramdam ko at hindi na ako naliligaw. Sa pagtamasa sa napakadakilang pagmamahal ng Diyos, hindi ko kayang mawalan ng konsensiya at hindi ko kayang talikuran ang aking tungkulin. Sa puntong iyon, nagkaroon ako ng lakas na maghimagsik sa aking laman, at lumabas ako para patuloy na gampanan ang aking tungkulin.

Noong 2019, minsan akong naaresto habang ginagampanan ang aking tungkulin. Sa panahon ng interogasyon, dinala ng mga pulis ang tito ko sa detention center, at sinabi na siya ang aking tunay na ama. Pinakiusapan nila akong ipaliwanag agad ang sitwasyon ng iglesia para makauwi na ako at makasama kong muli ang aking mga tunay na magulang. Wala akong sinabing anuman. Sa huli, gumastos ang aking tito para mapalaya ako mula sa kustodiya. Naghinala ang mga pulis na sumusunod ako sa aking mga magulang sa pananampalataya sa Diyos, at hindi nila ako pinayagang umuwi o makipag-ugnayan sa aking mga magulang. Hinayaan lang nilang ihatid ako ng tito ko sa ibang lugar. Dahil sa pagpiyansa sa akin ng aking tito, halos araw-araw siyang tinatawagan ng mga pulis para takutin. Pinaniwalaan ng tito ko ang mga tsismis na narinig niya mula sa Partido Komunista, at sinubukan niya akong pigilan sa pananampalataya sa Diyos. Sabi niya: “Malaki ka na, dapat alam mo na ang tamang gawin. Hindi na namin kaya ng mama mo, pati ng mga magulang na umampon sa iyo, ang mapahirapan nang ganito. Dahil nananampalataya ka sa Diyos, araw-araw na tumatawag ang mga pulis para guluhin kami. Masyado na akong matanda. Noong pinagsabihan ako ng pulis, kahiya-hiya man ay ipinagtanggol pa rin kita sa kanila. Alam mo ba kung gaano ito kahirap para sa akin?” Nang makitang nadadamay na sa mga problema ko ang aking tunay na ama at ang mga magulang kong umampon sa akin, labis akong nasaktan. Madalas na sabihin ng mga tao sa sinaunang panahon na: “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat.” Ang pagiging mabuting anak sa mga magulang at hindi magdulot ng alalahanin sa kanila ay isang bagay na dapat gawin ng lahat ng anak. Pinalaki ako ng mga umampon sa akin sa loob ng maraming taon, at ginipit ang mga tunay kong magulang sa pagbabayad ng 140,000 yuan sa mga pulis para piyansahan ako. Labis akong nakonsensiya. Dati, ginagampanan ko ang aking mga tungkulin at hindi ko sila masamahan para bantayan sila, at ngayon ay naaresto ako dahil sa pananampalataya sa Diyos, idinadawit sila sa aking paghihirap. Hindi ko nagawa ang alinman sa mga bagay na dapat gawin ng mga anak; binigyan ko lang sila ng mga pasanin. Habang mas iniisip ko ito, mas lumalala ang nararamdaman ko, at naisip ko pa nga na: “Totoo ba na huhupa lang ang mga problema ng pamilya ko kung isusuko ko ang pananampalataya sa Diyos? Totoo ba na kung mamatay ako, saka lang hihinto ang mga pulis sa pagbabantay sa aking pamilya, at hindi na guguluhin at hahamakin ang mga magulang ko?” Noong panahong iyon, labis akong nasisiil. Alam kong naisip ko nang ipagkanulo ang Diyos, at naisip ko na may utang ako sa Kanya, ngunit sa sandaling naisip ko kung paano nadawit sa aking problema ang mga umampon sa akin at ang mga tunay kong magulang, labis akong nakonsensiya. Pakiramdam ko hinihila ako ng magkabilang panig, at hindi ko talaga magawang huminahon.

Noong panahong iyon, pinilit ako ng aking tito at tita na magtrabaho para mapigilan akong manampalataya sa Diyos. Pinasubaybayan din nila ako sa mga katrabaho ko, at kung masyado nang gabi akong nakakauwi, iniinteroga nila ako: “Saan ka galing? Sino ang kasama mo?” Lumuhod pa nga ang tita ko at nakiusap, at hindi rin siya kumakain para gipitin akong talikuran ang pananampalataya sa Diyos. Nang maharap sa mga gayong sitwasyon, hirap na hirap ang isipan ko. Pakiramdam ko ay wala akong kalayaan at lalong walang mga personal na karapatan sa bahay na ito. Pakiramdam ko ay sinasakal ako at habol ko ang aking hininga. Gusto kong tumutol, at makipagtalo sa kanila: “Bakit ninyo ako tinatrato nang ganito dahil lang sa nananampalataya ako sa Diyos?” Pero sa sandaling naisip ko kung paanong nadawit sila sa problemang ito dahil sa akin, at kung paanong pinagmulta sila ng napakaraming pera, naglaho ang pagtutol sa puso ko. Sa halip, naisip ko na ako ang hindi naging mabuting anak sa kanila, na wala silang ibang magagawa kundi tratuhin ako nang ganito, at na ang magulang ay palaging tama. Lalo na nang maisip ko kung paanong wala ako sa tabi ng aking mga magulang para samahan sila at maging mabuting anak sa kanila nitong mga nakaraang taon, mas lalo kong naramdaman na binigo ko sila. Noong panahong iyon, ginawa ko ang lahat ng paraan para mabayaran ang utang ko sa aking mga magulang. Binilhan ko sila ng mga produktong pangkalusugan, inako ko ang lahat ng gawaing bahay, at ginawa ang lahat ng makakaya ko para makapagtrabaho at kumita ng pera. Malugod kong tinitiis ang hirap ng pagtatrabaho nang overtime hanggang dis-oras ng gabi kada araw. Gusto ko lamang kumita ng mas maraming pera at bigyan sila ng higit pang kasiyahan. Bago ko pa namalayan, lalo kaming nagkakalayong Diyos.

Pagkaraan ng ilang panahon, tumawag ang pulis at sinabing kukunin nila ako, at gusto raw nilang marinig sa akin ang tungkol sa sitwasyon ng iglesia. Alam ko na kung patuloy akong mananatili sa bahay, maaari akong maaresto, pero naisip ko rin na kung aalis ako, hindi ko alam kung kailan ako makakabalik. Isa pa, kung hindi ako matatagpuan ng mga pulis, ang mga magulang at ang tito at tita ko ba ang kukunin nila? Kung ito nga ang mangyayari, magiging napakasama kong anak. Ang naiisip ko lang ay ang mga salita ng aking mga magulang: Gusto ng tita ko na manatili ako sa tabi niya at gusto niyang magkaroon ng magandang pamilya. Sinabi ng tito ko na malaki na ako at matino, at na kailangan ko silang isaalang-alang. Sinabi naman ng ama ko na gusto niyang maging mabuting anak ako sa kanya at na ayaw niyang magpalaki ng isang anak na walang utang na loob. Noong sandaling iyon, pakiramdam ko ay gumuguho na ang lahat. Nanalangin ako sa Diyos sa mga oras na iyon: “Diyos ko, dahil huhulihin na ako ng mga pulis, hindi na ako pwedeng manatili sa bahay. Pero sa tingin ko, kung aalis ako, hindi ako magiging isang mabuting anak at wala akong konsensiya. Labis akong nasasaktan. Diyos ko, paano ako dapat magpasya? Pakiusap, gabayan Mo ako!” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kung hindi dahil sa pagtatadhana ng Lumikha at sa Kanyang paggabay, hindi malalaman ng isang buhay na bagong silang sa mundong ito kung saan pupunta, o kung saan siya maninirahan, hindi siya magkakaroon ng mga ugnayan, hindi mapapabilang saanman, at walang magiging tunay na tahanan. Subalit dahil sa maingat na pagsasaayos ng Lumikha, ang bagong buhay na ito ay may lugar na matitirhan, mga magulang, isang lugar na kabibilangan, at mga kamag-anak, kaya ang buhay na iyon ay nagsisimula sa kanyang paglalakbay. Sa buong prosesong ito, natukoy na sa mga plano ng Lumikha ang pagdating ng bagong buhay na ito, at lahat ng aariin nito ay ibibigay sa kanya ng Lumikha. Mula sa isang lumulutang na katawan na walang anumang pag-aari, unti-unti itong nagiging laman at dugo, nakikita at nahahawakang nilalang na tao, isa sa mga nilikha ng Diyos, na nag-iisip, humihinga, at nakadarama ng init at lamig; na maaaring makibahagi sa lahat ng karaniwang gawain ng isang nilikha sa materyal na mundo; at daraan sa lahat ng bagay na dapat maranasan sa buhay ng isang nilikhang tao. Ang nauna nang pagtatakda ng Lumikha sa kapanganakan ng isang tao ay nangangahulugan na Kanyang igagawad sa taong iyon ang lahat ng bagay na kinakailangan para patuloy na mabuhay; at gayundin, ang pagkakapanganak sa isang tao ay nangangahulugan na matatanggap niya mula sa Lumikha ang lahat ng bagay na kailangan para patuloy na mabuhay, at mula sa puntong iyon ay mabubuhay siya sa ibang kaanyuan, na ibinigay ng Lumikha at mapapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ako ay nag-iisa lang, isang malayang nilalang. Ang Diyos ang nagsaayos ng isang pamilya at mga magulang para sa akin; ang Diyos ang namumuno rito. Pero ang pagkasilang ko sa mundong ito ay hindi lamang para magtamasa ng pagmamahal sa pamilya at magpakita ng pagiging mabuting anak sa aking mga magulang, kundi, higit pa, ay para akuin ko ang responsabilidad at misyon na inaasahan sa mga nilikha. Ngayon, iniisip ko na talikuran ang sarili kong tungkulin para mapalugod ang aking mga magulang. Hindi ito ang nais na makita ng Diyos. Tinustusan ako ng Diyos ng lahat; hindi ko pwedeng isuko ang aking tungkulin at ipagkanulo Siya. Pagkatapos niyon, umalis ako ng bahay para gampanan ang tungkulin ko.

Hindi nagtagal, nalaman ko na dahil hindi ako mahuli ng pulis, kinuha na lang nila ang tito ko. Ipinaalam nila na pakakawalan lang nila ang tito ko kapag bumalik ako. Sa sandaling iyon, medyo nanlumo ako, at naisip ko na may utang ako sa tito ko. Ginusto ko talagang bumalik at palitan siya sa kustodiya. Wala ako sa mood na gampanan ang aking tungkulin, at ang naiisip ko lang ay ang mga tinig at mukha ng mga kapamilya ko. Inisip ko na ako ang dahilan ng lahat ng kanilang kasawian, lalo na nang maisip ko kung paanong naaresto ang tito ko; hindi ko alam kung paano siya tatratuhin ng mga pulis. Bubugbugin ba nila siya? Habang mas nag-iisip ako, mas lalo akong nasasaktan, at nanalangin ako sa Diyos sa puso ko: “Diyos ko, nahaharap ako ngayon sa mga ganitong uri ng sitwasyon, at hindi ko alam kung paano danasin ang mga ito. Nasasaktan ang puso ko, at wala akong ganang gampanan ang aking tungkulin. Ayaw kong mabuhay sa ganitong kalagayan. Diyos ko, ano po ang dapat kong gawin? Nakikiusap po ako na gabayan Mo ako, na mabago ko ang kalagayang ito.” Pagkatapos manalangin, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Tinatalikuran ng ilang tao ang kanilang mga pamilya dahil sumasampalataya sila sa Diyos at gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Nagiging tanyag sila dahil dito at madalas na hinahalughog ng pamahalaan ang mga bahay nila, nililigalig ang kanilang mga magulang, at pinagbabantaan pa nga ang mga ito upang isuko sila. Pinag-uusapan sila ng lahat ng kapitbahay nila, sinasabing, ‘Walang konsensiya ang taong ito. Wala siyang pakialam sa kanyang matatandang magulang. Bukod sa hindi siya mabuting anak sa kanyang mga magulang, nagdudulot pa siya ng napakaraming problema sa mga mga ito. Isa siyang hindi mabuting anak!’ Naaayon ba sa katotohanan ang alinman sa mga salitang ito? (Hindi.) Ngunit hindi ba’t itinuturing na tama ang mga salitang ito sa mga mata ng mga hindi mananampalataya? Sa mga hindi mananampalataya, iniisip nilang ito ang pinakalehitimo at pinakamakatwirang paraan ng pagtingin dito, at na naaayon ito sa etika ng tao, at alinsunod sa mga pamantayan ng pag-asal ng tao. Gaano man karaming paksa ang kalakip ng mga pamantayang ito, katulad ng kung paano magpakita ng pagkamabuting anak sa mga magulang, kung paano sila aalagaan sa kanilang pagtanda at isasaayos ang kanilang mga libing, o kung gaano kalaki ang isusukli sa kanila, at naaayon man ang mga pamantayang ito sa katotohanan o hindi, sa mga mata ng mga hindi mananampalataya, mga positibong bagay ang mga ito, positibong enerhiya ang mga ito, tama ang mga ito, at itinuturing ang mga ito na hindi mapipintasan sa lahat ng grupo ng mga tao. Sa mga hindi mananampalataya, ang mga ito ang mga pamantayang dapat ipamuhay ng mga tao, at kailangan mong gawin ang mga bagay na ito upang maging isang sapat na mabuting tao sa kanilang mga puso. Bago mo sampalatayanan ang Diyos at maunawaan ang katotohanan, hindi ba’t matibay mo ring pinaniwalaan na ang gayong asal ay pagiging isang mabuting tao? (Oo.) Dagdag pa, ginamit mo rin ang mga bagay na ito upang suriin at pigilan ang sarili mo, at hiningi mo sa sarili mong maging ganitong uri ng tao. Kung ninais mong maging isang mabuting tao, tiyak na isinama mo ang mga bagay na ito sa mga pamantayan mo ng pag-asal: kung paano maging mabuting anak sa iyong mga magulang, kung paano mabawasan ang pag-aalala nila, kung paano sila bibigyan ng karangalan at papuri, at kung paano bibigyan ng kaluwalhatian ang iyong mga ninuno. Ang mga ito ang mga pamantayan ng pag-asal sa iyong puso at ang direksyon ng iyong pag-asal. Gayunpaman, pagkatapos mong pakinggan ang mga salita ng Diyos at ang Kanyang mga sermon, nagsimulang magbago ang iyong pananaw, at naunawaan mong kailangang mong talikdan ang lahat ng bagay upang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at na hinihingi ng Diyos sa mga taong umasal sa ganitong paraan. Bago ka nakatiyak na ang pagganap sa iyong tungkulin bilang isang nilikha ang katotohanan, inakala mong dapat kang maging mabuting anak sa iyong mga magulang, ngunit pakiramdam mo rin ay dapat mong gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at nagtalo ang kalooban mo. Sa pamamagitan ng patuloy na pagdidilig at pagpapastol ng mga salita ng Diyos, unti-unti mong naunawaan ang katotohanan, at saka mo napagtantong ang pagganap sa iyong tungkulin bilang isang nililkha ay ganap na likas at may katwiran. Magpahanggang sa araw na ito, nagawa nang tanggapin ng maraming tao ang katotohanan at lubos na talikuran ang mga pamantayan ng pag-asal mula sa mga tradisyonal na kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Kapag lubos mo nang nabitiwan ang mga bagay na ito, hindi ka na mapipigilan ng mga salita ng panghuhusga at pagkokondena mula sa mga hindi mananampalataya kapag sinusunod mo ang Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, at madali mong maiwawaksi ang mga iyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Realidad ng Katotohanan?). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Kadalasan, hinuhusgahan ko ang tama at mali ayon sa pamantayan ng konsensiya, pero hindi ito naaayon sa katotohanan. Ang buhay ko ay nagmumula sa Diyos; ang Diyos ang nagdala ng aking kaluluwa sa mundong ito at nagsaayos ng isang pamilya at mga magulang para sa akin, ang pumili sa akin para tumanggap sa Kanyang pagliligtas sa mga huling araw, at ang siyang nagbigay sa akin ng pagkakataon na gampanan ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang pagmamahal at biyaya ng Diyos. Pero dahil inaresto ng mga pulis ang tito ko, inakala ko na ang paghihirap na ito ay idinulot sa aking pamilya dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, at ginusto kong talikuran ang aking tungkulin at ipagkanulo ang Diyos. Napakahangal ko! Hanggang sa araw na ito, ang lahat ng pinagdaanan ng aking pamilya ay dulot ng demonyo, ang Partidong Komunista. Kinalaban nila ang Diyos at inusig ang mga Kristiyano, nanggulo sa aking pamilya at inaresto ang tito ko, at ginawa nila iyon upang walang araw na matatahimik ang mga magulang ko. Ang Partido Komunista ang tunay na salarin! Pero hindi ko kinamuhian ang Partido Komunista, at inakala kong ang pananampalataya ko sa Diyos ang nagdulot ng problema sa aking pamilya. Talagang hindi ko matukoy ang tama sa mali. Ngayon, nauunawaan ko na ganap na likas at may katwiran na sundin ko ang Diyos at gampanan ang aking tungkulin. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga tao! Naalala ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung gaano man ang dapat ipagdusa ng isang indibidwal at kung gaano man kalayo ang dapat niyang lakarin sa kanyang landas ay itinakda ng Diyos, at walang sinuman ang tunay na makatutulong sa kaninuman(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 6). Nananampalataya man sa Diyos ang isang tao o hindi, ang buhay ng bawat tao ay nasa mga kamay ng Diyos at kontrolado at pinamumunuan ng Diyos. Pauna nang itinakda ng Diyos kung gaano magdurusa ang bawat tao, at hindi na natin ito mababago. Ang mga magulang ko at ang mga umampon sa akin ay nasa mga kamay rin ng Diyos; dapat ko silang ipagkatiwala sa Diyos. At pagkatapos, tahimik akong nanalangin sa Diyos, handang ipagkatiwala ang lahat sa Diyos at magpasakop sa Kanyang pagsasaayos. Pagkatapos niyon, ibinuhos ko ang aking lakas sa paggampan ng aking tungkulin.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na higit na nagpaunawa sa akin sa sarili kong kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan nilang igalang ang kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang magulang ay isang walang-galang na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang tungkuling igalang ang magulang kaysa anupaman. Kung hindi ko ito tutuparin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong walang-galang na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsiyensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng paggalang sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinamumuhian ng Diyos, at dapat din natin silang kamuhian. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. Kung hindi naniniwala sa Diyos ang iyong mga magulang, kung alam na alam nila na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, at na maaari itong humantong sa kaligtasan, subalit ayaw pa rin nila itong tanggapin, walang duda na sila ay mga taong nayayamot at namumuhi sa katotohanan, at na sila ang mga taong lumalaban at namumuhi sa Diyos—at natural lang na kinamumuhian at kinasusuklaman sila ng Diyos. Magagawa mo bang kamuhian ang gayong mga magulang? Nilalabanan at nilalapastanganan nila ang Diyos—kung magkagayon ay tiyak na mga demonyo at Satanas sila. Magagawa mo ba silang kasuklaman at sumpain? Mga totoong katanungan ang lahat ng ito. Kung hinahadlangan ka ng iyong mga magulang na manalig sa Diyos, paano mo sila dapat tratuhin? Gaya ng hinihingi ng Diyos, dapat mong mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sino ang Aking ina? At sino-sino ang Aking mga kapatid?’ ‘Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit, ay siyang Aking kapatid na lalaki at Aking kapatid na babae, at ina.’ Umiiral na ang mga salitang ito noon pang Kapanahunan ng Biyaya, at lalo pang mas malinaw ang mga salita ng Diyos ngayon: ‘Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos.’ Diretsahan ang mga salitang ito, ngunit madalas na hindi naaarok ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga ito. Kung itinatatwa at sinasalungat ng isang tao ang Diyos, na siya ay isinusumpa ng Diyos, ngunit siya ay magulang o kamag-anak mo, at sa tingin mo ay hindi masamang tao, at maayos ang pagtrato niya sa iyo, baka hindi mo magawang kamuhian ang taong iyon, at baka manatili siyang malapit mong kaugnayan, hindi nagbabago ang relasyon ninyo. Ikababahala mo na marinig na kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi mo magagawang pumanig sa Diyos at malupit na tanggihan ang taong iyon. Lagi kang gapos ng emosyon, at hindi mo ganap na mapakawalan ang mga ito. Ano ang dahilan nito? Nangyayari ito dahil masyadong matindi ang iyong emosyon, at hinahadlangan ka ng mga itong maisagawa ang katotohanan. Mabait sa iyo ang taong iyon, kaya hindi mo maatim na kamuhian siya. Makakaya mo lang siyang kamuhian kung sinaktan ka nga niya. Ang pagkamuhing iyon ba ay aayon sa mga katotohanang prinsipyo? Gayundin, ginagapos ka ng tradisyunal na mga haka-haka, na iniisip na isa siyang magulang o kamag-anak, kaya kung kamumuhian mo siya, kasusuklaman ka ng lipunan at lalaitin ng publiko, kokondenahing walang paggalang, walang konsiyensiya, at ni hindi nga tao. Iniisip mo na magdurusa ka ng pagkondena at kaparusahan ng langit. Kahit gusto mong kamuhian siya, hindi iyon kakayanin ng konsiyensiya mo. Bakit gumagana nang ganito ang konsiyensiya mo? Ito ay dahil isang paraan ng pag-iisip ang naitanim na sa kalooban mo buhat nang ikaw ay bata pa, sa pamamagitan ng pamana ng iyong pamilya, ang turong ibinigay sa iyo ng mga magulang mo, at ang indoktrinasyon ng tradisyonal na kultura. Ang paraang ito ng pag-iisip ay nakaugat nang napakalalim sa puso mo, at dahil dito ay nagkakaroon ka ng maling paniniwala na ang paggalang sa magulang ay ganap na likas at may katwiran, at na ang anumang minana mo mula sa mga ninuno mo ay palaging mabuti. Una mo itong natutunan at nananatili pa rin itong nangingibabaw, na lumilikha ng isang malaking sagabal at kaguluhan sa iyong pananampalataya at pagtanggap sa katotohanan, na iniiwan kang walang kakayahan na isagawa ang mga salita ng Diyos, at mahalin ang minamahal ng Diyos at kapootan ang kinapopootan ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ginagamit ni Satanas ang lahat ng uri ng paraan para gawing tiwali ang mga tao. Halimbawa, ang gabay ng ating mga magulang, ang turo ng ating mga paaralan, at ang mga opinyon ng mga tao sa ating paligid ay nagpapaniwala sa atin na dahil pinalaki tayo ng ating mga magulang, dapat nating suklian ang kanilang kabutihan, at na ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pagkatao at konsensiya. Kung hindi, wala tayong konsensiya, hindi tayo mabuting anak, at itataboy tayo ng iba. Mula sa murang edad, ikinintal na sa akin ang mga ideya at pananaw na ito, gaya ng “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Ang magulang ay palaging tama,” “Ang pagpapakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ay ganap na likas at may katwiran.” Dahil nasa loob ko ang mga tradisyonal na ideya at pananaw na ito, nang umalis ako ng bahay para gampanan ang aking tungkulin at hindi ko maalagaan ang aking mga magulang, sinisi ko ang sarili ko at nakonsensiya ako. Wala akong ganang gampanan ang aking tungkulin, at nagsisi ako na umalis ako para gawin ito. Nang makita kong gumastos ng 140,000 yuan ang tito ko para mailabas ako, at nang malaman kong nanggulo sa kanya ang mga pulis at inaresto siya, inisip ko na nadawit ang pamilya ko sa problemang ito dahil nanampalataya ako sa Diyos, at ginusto kong sumuko sa paggampan ng aking tungkulin at ipagkanulo ang Diyos, ginusto ko pa ngang kitilin ang sarili kong buhay. Kinontrol ng tito at tita ko ang aking kalayaan at sinubaybayan ang aking kinaroroonan para pigilan akong manampalataya sa Diyos. Lumuhod pa nga ang tita ko at tumigil sa pagkain para lang pilitin akong isuko ang aking pananampalataya sa Diyos. Labis akong nasasaktan at pakiramdam ko ay masyado akong nasisiil. Pero hindi ako naglakas-loob at hindi naging handang tumutol sa kanila. Naniwala ako na “Ang magulang ay palaging tama” at na bilang kanilang anak, ang hayaan silang magdusa sa mga paghihirap, hanggang sa puntong napaluhod na ang tita ko at nagmakaawa sa akin, ay nangangahulugan na hindi ako isang mabuting anak. Kahit na, sa panahong iyon, alam ko na ang pagsunod sa kanila at hindi paggampan sa aking tungkulin ay katumbas ng pagkakanulo sa Diyos, at na mawawala ang aking pagkakataon na makamit ang katotohanan, wala akong lakas na tumutol sa kanila. Bagamat hindi ko kailanman sinabi na hihinto na ako sa pananampalataya sa Diyos, ang iba’t iba kong pag-uugali sa halos buong taon na ito ay nagpapakita na sumusunod ako kay Satanas at sa tradisyonal na pag-iisip. Ang tanging naiwan ay mga paglabag at mantsa, paulit-ulit kong ipinagkakanulo ang Diyos. Ngayon, malinaw kong nakikita na bagamat isang positibong bagay ang maging isang mabuting anak sa mga magulang, hindi ito ang katotohanan, dahil ang gayong pananaw ay magsasanhing mawalan ako ng mga prinsipyo, at hindi rin magawang tukuyin ang mabuti sa masama o ang tama sa mali. Sinubukan akong pigilan ng aking tito at tita na manampalataya sa Diyos, palihim akong ikinukulong, at nagsasabi ng mga kalapastanganan tungkol sa Kanya. Sinabi pa nga nila na hangga’t nabubuhay sila, at maliban sa kung mamatay sila, hindi nila ako pahihintulutang manampalataya sa Diyos, na kung papanatilihin ko ang Diyos, mawawalan ako ng pamilya, at kung papanatilihin ko ang pamilya ko, mawawalan ako ng Diyos. Ang kanilang diwa ay salungat sa katotohanan at sa Diyos. Isa pa, palagi akong pinipigilan ng aking ama na umampon sa akin, ginagampanan niya ang negatibong papel ng pagiging utusan ni Satanas. Dapat sana ay nakilatis ko sila, minamahal ang mahal ng Diyos at kinapopootan ang kinapopootan Niya. Ngunit naniwala ako na “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” at ang gayong tradisyonal na pag-iisip ay nagtutulak sa akin na maghimagsik laban sa Diyos. Muntik ko nang talikuran ang paggampan ng aking tungkulin at ipagkanulo Siya. Nauunawaan ko na ngayon na ang mga ideya at pananaw na ikinintal ni Satanas sa mga tao ay lahat may kasamang mga tusong pakana. Nililinlang at pinipinsala ng mga ito ang mga tao.

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang maayos kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas, ngunit saan man naroroon ang mga ito, nabubuhay ang mga ito, tama ba? Nasaan man ang mga ito, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang buhay na tao, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan itong mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilikha. Ngunit bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat kang lumaki at umiral sa kapaligirang iyon. Sa mas malaking antas, ang pamumuhay mo sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; sa mas maliit na antas, ito ay dahil sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang, tama? Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatuwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. Para sa anumang buhay na nilalang, ang pagbubuntis at pag-aalaga sa mga supling, pag-aanak, at pagpapalaki sa susunod na henerasyon ay isang uri ng responsabilidad. Halimbawa, ang mga ibon, baka, tupa, at maging ang mga tigre ay kailangang mag-alaga sa kanilang mga supling pagkatapos nilang manganak. Walang buhay na nilalang na hindi nagpapalaki ng kanilang mga supling. Posibleng mayroong ilang eksepsiyon, ngunit hindi ganoon karami. Ito ay isang likas na penomena sa pag-iral ng mga buhay na nilalang, ito ay isang likas na gawi ng mga buhay na nilalang, at hindi ito maiuugnay sa kabutihan. Sumusunod lamang sila sa batas na itinakda ng Lumikha para sa mga hayop at sangkatauhan. Samakatuwid, ang pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang ay hindi isang kabutihan. Batay rito, masasabi na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa iyo. Gaano man kalaki ang pagsisikap at perang ginugugol nila sa iyo, hindi nila dapat hilingin sa iyo na suklian sila, dahil ito ang kanilang responsabilidad bilang mga magulang. Dahil ito ay isang responsabilidad at isang obligasyon, dapat na libre ito, at hindi sila dapat humingi ng kabayaran. Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Mula sa Kanyang mga salita, naunawaan ko na ang pagsisilang, pagpapalaki, at maingat na pag-aalaga ng mga magulang sa kanilang mga anak, ay hindi kabutihan, kundi responsabilidad at obligasyon nila bilang mga magulang. Gaya ng sinabi ng Diyos na kung ililipat ng isang tao ang mga bulaklak at damo mula sa labas papasok sa kanyang tahanan, kung gayon, ang taong iyon ay may responsabilidad na alagaan, diligan, at lagyan ng abono ang mga ito; responsabilidad niya ito. Isa pang halimbawa ay ang mga pusa, aso, at iba pang hayop na nagsisilang at nag-aalaga ng kanilang mga anak, na likas na sa kanila. Ganito rin ang mga magulang na tao sa kanilang mga anak. Kapag ang isang anak ay wala pa sa hustong gulang, ang pagpapalaki at pag-aalaga sa kanya ay responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng lahat ng magulang, at isa rin itong likas na gawi na ibinigay ng Diyos sa mga tao. Ang mga anak ay walang utang sa kanilang mga magulang dahil lang dito. Palagi kong pinaniniwalaan na isang kabutihan na dapat suklian ang maingat na pag-aalaga ng mga magulang na umampon sa akin, at na dapat kong suklian ang aking tito at tita sa pagsisilang sa akin. Ngayon, nauunawaan ko na binigay sa akin ng Diyos ang hiningang ito, at hindi ng mga magulang ko. Kung hindi ako binigyan ng Diyos ng hiningang ito, kahit isinilang ako ng mga magulang ko, baka naging isa lang akong patay na sanggol. Pinalaki at inalagaan ako ng mga magulang ko, binibigyan ako ng magandang kapaligiran sa paglaki. Ito ang dapat nilang gawin bilang mga magulang, at ito ang paunang itinakda at isinaayos ng Diyos. Bukod dito, habang ako ay lumalaki, ang Diyos ang tunay na nag-aalaga sa akin at nagpoprotekta sa akin. Gaya noong isang beses pagkatapos ng eskuwela, napakabilis ng pagpapatakbo ko sa aking e-bike at hindi ako makahinto, at napasiksik ako sa pagitan ng malalaking bato at ng isang malaking truck. Noong oras na iyon, napakabilis ng takbo ng truck, at napilitan din akong patuloy na iabante ang pagpapatakbo sa aking e-bike. Sa buong oras na iyon, naipit ang paa ko sa pagitan ng truck at ng e-bike, walang tigil na kumukuskos sa mga ito. Nang lumawak na ang kalsada, huminto sa wakas ang aking e-bike. Talagang nakakanerbiyos. Noong oras na iyon, maraming tao ang pinagpawisan ang kamay at inakalang tiyak na lubha akong masusugatan. Inakala ko rin na tiyak na hindi na ako makakalakad gamit ang paang naipit. Natigilan ako nang makitang wala ni isang sugat sa katawan ko. Talagang naranasan ko mismo kung paanong palaging tahimik akong inaalagaan at pinoprotektahan ng Diyos. At saka, nang magbayad ang tito at tita ko ng 140,000 yuan sa mga pulis para mapalaya ako, inakala ko na ito na ang pinakadakilang kabutihan na matatanggap ko, at na dapat ko silang suklian. Ngayon, nauunawaan ko na bagamat mukhang ang tito at tita ko ang nagbayad ng perang ito, sa likod nito, ang Diyos ang namuno at nagsaayos dito. Noong panahong iyon, napakadaling kumita ng pera ang tito at tita ko, sa sobrang dali ay kahit sila mismo ay nagulat. Sa totoo lang, ngayong pinag-iisipan ko ito, kung hindi sila pinagpala ng Diyos na kitain ang lahat ng perang iyon, kung gayon, saan manggagaling ang pera para palayain ako? Naalala ko na sinabi ng Diyos: “Kung mayroong sinuman na tutulong sa atin, dapat natin itong tanggapin mula sa Diyos—sa partikular, ang ating mga magulang, na nagsilang at nagpalaki sa atin; ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Ang Diyos ang naghahari sa lahat; ang tao ay isa lamang kasangkapan para sa paglilingkod(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Sa panlabas, ang mga magulang ko ang nagpalaki sa akin, at ang tito at tita ko ang nagbayad para mapalaya ako. Ngunit mula sa perspektiba ng katotohanan, ang lahat ng ito ay pinamumunuan at isinaayos ng Diyos. Wala akong utang sa kanila. Hindi ko kailangang gamitin ang buhay ko para bayaran ang utang na ito kapalit ng aking kaligtasan. Pwede akong magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila, pero hanggang sa abot lang ng aking makakaya. Sa mga angkop na sitwasyon at kondisyon, pwede ko silang samahan at pakitaan ng pagiging mabuting anak. Pero kung hindi angkop ang mga kondisyon, hindi ko kailangang sisihin ang sarili ko. Kailangan ko lang gampanan nang maayos ang aking mga tungkulin. Kung isusuko ko ang Diyos at ang katotohanan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa mga magulang ko, kung gayon, kahit pa tawagin ako ng mga tao na isang mabuting anak, ipinagkanulo ko naman ang Lumikha, na isang malaking paghihimagsik at kawalan ng pagkatao! Sa katunayan, ang tanging pinagkakautangan ko ay hindi ang mga magulang ko, kundi ang Diyos. Ang pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ang nagbigay-daan sa akin na makarating hanggang sa araw na ito; Siya ang dapat kong pasalamatan nang lubos! Kaya, nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, ang dinaranas ng mga magulang ko at kung paano sila tinatrato ng mga pulis ay nasa mga kamay Mo na ngayon. Hindi ko kayang baguhin ang kahit ano, at handa akong ipagkatiwala ang mga ito sa Iyo. Nais ko lamang na magampanan nang mapayapa ang aking tungkulin bilang isang nilikha at danasin nang maayos ang Iyong gawain.”

Mula noon, medyo mas gumaan na ang pakiramdam ko kaugnay sa mga sitwasyong kinahaharap ng aking pamilya, at sinimulan kong pagnilayan kung paano gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Hindi nagtagal, naka-ugnayan ko ang aking ina. Sumulat siya sa akin ng isang liham na nagbabahagi ng kanyang karanasan. Sinabi niya na tumibay ang kanyang determinasyon na hangarin ang katotohanan dahil sa pagdanas ng mga gayong sitwasyon, at sinabi niya sa akin na huwag akong mag-alala tungkol sa kung ano ang nangyari sa bahay at na tumuon ako sa paghahangad sa katotohanan at pagtupad ng aking tungkulin. Sinabi niya rin na nakita ng mga pulis na hindi pa rin ako umuuwi, at na walang silbi ang pag-detain sa tito ko, kaya pinakawalan na nila siya. Nang sandaling iyon, naging sobrang emosyonal ako. Malinaw kong nagpagtanto na nakapaloob sa mga sitwasyong nararanasan ko hanggang ngayon ang kalooban ng Diyos, at na layon ng mga ito na baguhin ang aking pananaw sa mga bagay-bagay at linisin ang mga karumihan sa loob ko. Ito ang pag-ako ng Diyos ng responsabilidad sa buhay ko!

Sinundan: 59. Lumalago sa Gitna ng Isang Bagyo

Sumunod: 70. Paano Ko Isinantabi ang Naramdaman Kong Poot

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito