91. Hindi Ko Na Ipapaubaya sa Iba ang Gawain

Ni Li Fei, Italya

Nung Hunyo ng 2021, pinangasiwaan ko ang paggawa ng video sa aking iglesia. Dahil sa pagdami ng trabaho, pinasubaybayan sa akin ang isa pang grupo. Naisip ko, “Abala na ako sa trabahong pinangangasiwaan ko ngayon. Kung kailangan kong mamahala ng mas marami pang trabaho, hindi ba’t magiging mas abala ako at mas mapapagod?” Ngunit alam kong pamilyar sa gawain ang mga kapatid sa grupong ito. Lahat sila’y magagaling dito, at lahat ay epektibo sa kanilang mga tungkulin. Hindi ko naman kakailanganing masyadong mag-alala o gumugol ng napakaraming oras at pagsisikap sa pagsubaybay sa gawain, kaya pumayag ako. Nung una, tinatanong ko paminsan-minsan ang tungkol sa kalagayan ng gawain sa grupo, kung normal ba ang pag-usad at kung meron bang nahihirapan sa kanilang mga tungkulin. Kahit na alam kong dapat kong tingnan ang mga detalye, naisip ko na meron din akong iba pang gawain na dapat kumustahin, at parang masyado nang matrabaho ang unawain ang mga detalye ng bawat grupo. Normal na umuusad ang gawain sa grupo, kaya hindi ko na kailangang gumugol ng napakaraming oras para unawain ang mga bagay-bagay. Nandoon din ang lider ng grupo, at ang mga kapatid ay maaasahan at ginagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Walang anumang malalaking problema sa nakalipas na ilang taon, kaya ‘di ko kailangang mag-alala. Ayos lang kung ‘di ako gaanong magsubaybay. At kaya, halos hindi ko tinatanong ang tungkol sa gawain ng grupong ito.

Isang araw, makalipas ang mahigit dalawang buwan, binigyan ako ng isang brother ng feedback, sinasabing may mga problema sa dalawang video na ginawa ng grupong ito kamakailan, at kung hindi ito natuklasan ng ibang mga sister sa tamang oras, maaantala nito ang gawain. Hindi ko talaga ito pinaniwalaan nung una, pero kalaunan, pinadalhan ako ng brother ko ng mga screenshot ng mga problema sa video, at talagang mga problema ito ng grupo. May malulubhang problema ang mga kapatid sa grupo sa kanilang mga tungkulin. Bakit hindi ko alam? Ilang buwan na ako sa trabahong ito, pero hindi ko man lang siniyasat kung kumusta ito. Hinayaan ko lang itong magpatuloy. Lubos akong walang kaalam-alam kung paano ginagampanan ng mga miyembro ng grupo ang kanilang mga tungkulin. Natanto ko na ang mga problemang ito’y dulot ng kawalan ko ng praktikal na gawain. Pagkatapos kong siyasatin ito, natuklasan ko na dahil walang nangangasiwa sa gawain sa grupong ito nung panahong ‘yon, ginagampanan nila ang kanilang tungkulin batay sa kanilang karanasan, walang nagdadala ng pasanin, at kung minsan, kapag masyadong marami ang trabaho, nagsisimula silang iraos na lang ang gawain. Bagamat may dalawang taong nagtutulungan para suriin ang mga video, wala sa loob silang gumagawa, kaya hindi nila matuklasan ang mga problema. Nahaharap sa lahat ng ito, labis akong nabalisa. Hindi mahirap tuklasin ang mga isyung ito, at kung nasubaybayan ko nang tama ang gawain ng grupong ito, malalaman ko sana ang mga ‘to. Napakairesponsable ko! Paulit-ulit akong nagnilay sa sarili ko, nagtatanong sa sarili ko kung bakit, sa nakalipas na tatlong buwan, binalewala ko ang gawain nila.

Kalaunan, nabasa ko sa salita ng Diyos, “Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman inaalam sa sarili nila o sinusubaybayan ang estado ng gawain ng mga superbisor ng grupo. Ni hindi nila inaalam sa kanilang sarili, sinusubaybayan, o tinatangkang maunawaan ang lagay ng pagpasok sa buhay ng mga superbisor at mga taong responsable sa mahahalagang gampanin sa isang grupo, o ang saloobin ng mga ito sa gawain, tungkulin, at pananampalataya ng mga ito, sa katotohanan, at sa Diyos. Ang mga huwad na lider ay hindi kusang inaalam ang mga pagbabago o pag-usad ng mga miyembrong ito ng iglesia, o ang iba’t ibang isyung maaaring lumitaw sa takbo ng kanilang gawain. Wala silang alam lalo na pagdating sa epekto ng mga pagkakamali at paglihis na nagawa ng mga miyembrong ito sa iba’t ibang aspeto ng proyekto sa gawain ng iglesia at sa mga taong hinirang ng Diyos. Walang alam ang mga huwad na lider tungkol sa kung nalutas na ba ang mga pagkakamali at paglihis na ito. Kung hindi nila nauunawaan ang mga detalye ng mga sitwasyong ito, masyado silang magiging pasibo kapag lumilitaw ang mga problema. Hindi talaga pinapansin ng mga huwad na lider ang mga detalyeng ito. Ipinalalagay nila na tapos na ang kanilang gampanin matapos nilang isaayos ang mga superbisor ng grupo at ipasa ang lahat ng gawain. Naniniwala sila na pagkatapos nito, tapos na ang trabaho nila, at anumang sumunod na mga problema ay walang kinalaman sa kanila. Dahil ang mga huwad na lider ay hindi pinangangasiwaan, ginagabayan, at sinusubaybayan ang mga superbisor ng bawat grupo, dahil hindi nila tinutupad ang kanilang mga responsabilidad sa mga aspetong ito, nasisira ang gawain. Ito ang ibig sabihin ng pagpapabaya bilang isang lider o manggagawa. Tinitingnan ng Diyos ang kaloob-looban ng tao; walang ganitong kakayahan ang mga tao, kaya kapag gumagawa sila, kailangan nilang maging mas masipag at maasikaso, at dapat pumunta nang madalas sa kung saan isinasakatuparan ang gawain upang siyasatin ang mga bagay-bagay, mangasiwa, at magbigay ng gabay. Sa gayon lamang sila makakasiguro na normal na umuusad ang gawain ng iglesia. Malinaw na iresponsable ang mga huwad na lider sa kanilang gawain, at nagsisimula ang pagiging iresponsable na ito kapag nagsasaayos sila ng gawain. Hindi sila kailanman nangangasiwa, sumusubaybay, at nag-aalok ng patnubay. Dahil dito, nananatili sa kanilang mga tungkulin ang ilang superbisor kahit na talagang hindi nila kinakaya ang trabaho at hindi nagagawang lutasin ang iba’t ibang problema na lumilitaw. Sa huli, palaging naaantala ang mga proyekto, nananatiling hindi nalulutas ang lahat ng uri ng problema, at nasisira ang gawain. Ito ang resulta ng kabiguan ng mga huwad na lider na maunawaan, mapangasiwaan, at masubaybayan ang mga superbisor. Lubos itong sanhi ng kapabayaan sa tungkulin ng mga huwad na lider(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Sa salita ng Diyos, nakita kong ang mga huwad na lider ay nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin at hindi gumagawa ng praktikal na gawain dahil sa tingin nila, bawat grupo ay may superbisor, kaya pwede nilang ipaubaya sa iba ang gawain, na nagreresulta sa paglitaw ng mga problema sa gawain ng iglesia. Sa panlabas, hindi halatang gumagawa ng masama ang mga huwad na lider, pero dahil iresponsable sila sa gawain ng iglesia, lubha silang nakakaapekto sa pag-usad at pagiging epektibo ng iba’t ibang uri ng gawain, na hindi direktang nakakagambala sa gawain ng iglesia. Hinihingi ng Diyos sa mga lider at manggagawa na magsubaybay at mangasiwa sa gawain nang nasa oras para matiyak ang regular at maayos na pag-usad ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Ito ang responsibilidad at tungkulin ng mga lider at manggagawa. Pero simula no’ng inako ko ang gawain ng grupong ito, naisip ko, dahil nandun ang lider ng grupo, normal ang pag-usad ng lahat, kaya likas kong ipinaubaya sa iba ang gawain, hindi kailanman sinuri o kinumusta ang kanilang gawain, hindi siniyasat ang mga detalye ng mga kamalian sa mga proseso ng gawain, at hindi napansin nang naging pabaya sila at iniraos lang ang kanilang mga tungkulin. Sa buong panahong iyon, batay sa sarili kong mga kuru-kuro at pag-iisip, naniwala ako na ginawa nila ang kanilang mga tungkulin nang praktikal at seryoso, at na mapagkakatiwalaan sila. Kaya, pakiramdam ko’y hindi ko na kailangang mangasiwa at sumubaybay sa kanilang gawain. Dahil dito, nagkakaroon ng pinsala at pagkagambala sa tungkulin ko. Sa pamamagitan ng salita ng Diyos, nakita kong naging pabaya ako sa tungkulin ko, at isa nga akong huwad na lider. Bagamat hindi ko sinadyang gumawa ng masama, dahil hindi ako gumawa ng praktikal na gawain, ang mga paglihis at problemang maaari sanang natuklasan ay hindi kailanman nalutas, at ngayon, lumitaw ang mga problema sa paggawa ng video, na direktang nauugnay sa pagraraos at pagiging iresponsable ko sa aking tungkulin. Bagamat natuklasan ng iba ang mga problema nang nasa oras para maiwasan ang mas malubhang pinsala at kahihinatnan, naging matrabaho pa rin ang pagtatama ng mga problemang ito para maiayos ang gawain. Nakita kong iniraos ko lang ang gawain at naghangad ng kagaanan. Nakatipid ako ng maraming oras at lakas sa hindi pangangasiwa at pagsubaybay sa gawain, pero direkta nitong naantala ang pag-usad ng gawain ng iglesia, at nasayang ang oras ng mga kapatid ko sa pag-aayos nito. Gumagawa ako ng masama, at ginagambala at ginugulo ko rin ang gawain ng iglesia! Nang mapagtanto ko ito, sobra akong natakot, at hindi ko mapigilang magnilay sa sarili ko. Bakit ko nagawang ipaubaya sa iba ang gawain nang napakatagal nang hindi ko namamalayan?

Kalaunan, sa pagbabasa ng salita ng Diyos, nadagdagan ang kaalaman ko kung bakit hindi ako gumawa ng praktikal na gawain. “Hindi susuriin ng mga huwad na lider ang mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o nagpapabaya sa kanilang mga responsibilidad. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at magiging maayos na ang lahat; pagkatapos niyon, bahala na ang superbisor sa lahat ng usapin sa gawain, at ang kailangan lang nilang gawin ay magdaos ng pagtitipon nang madalas, hindi nila kailangang bantayan ang gawain o kumustahin iyon, maaari silang hindi makialam. … Ang mga huwad na lider ay walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, at hindi rin nila seryosong hinaharap ang gawain ng mga lider ng grupo at ng mga superbisor. Ang pananaw nila sa mga tao ay batay lamang sa sarili nilang mga impresyon at imahinasyon. Kapag nakita nilang naging mahusay ang isang tao sa loob ng maikling panahon, naniniwala sila na ang taong ito ay magiging mahusay magpakailanman, na hindi ito magbabago; hindi sila naniniwala sa sinumang nagsasabi na may problema sa taong ito, hindi nila pinapansin kapag may nagsasabi ng isang bagay tungkol sa taong iyon. Sa tingin mo ba ay hangal ang mga huwad na lider? Sila ay mga hangal at mahihina ang isip. Bakit sila mga hangal? Basta-basta na lang sila kung magtiwala sa mga tao, naniniwala na dahil nang piliin nila ang taong ito, sumumpa, at nangako ang taong ito, at nanalangin nang tumutulo ang mga luha sa kanyang mukha, kaya nangangahulugan iyon na maaasahan siya, at hindi kailanman magkakaroon ng anumang isyu sa kanya sa hinaharap. Walang pagkaunawa ang mga huwad na lider sa kalikasan ng mga tao; mangmang sila sa tunay na sitwasyon ng tiwaling sangkatauhan. Sinasabi nila, ‘Paanong magagawa ng isang tao na magbago sa sandaling mapili siya bilang tagapangasiwa? Paanong magagawa ng isang taong mukhang napakaseryoso at maaasahan na pabayaan ang kanyang tungkulin? Hindi niya ito magagawa, hindi ba? Puno siya ng integridad.’ Dahil may gayong mga imahinasyon ang mga huwad na lider, at masyadong nagtitiwala sa kanilang sariling pakiramdam, sa huli ay nawawalan tuloy sila ng kakayahang lutasin sa oras ang maraming problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, at napipigilan silang mapalitan at mailipat kaagad ang sangkot na tagapangasiwa. Totoo silang mga huwad na lider. At ano nga ba ang isyu rito? May anumang kinalaman ba sa pagiging pabaya at pabasta-basta ang diskarte ng mga huwad na lider sa kanilang gawain? Sa isang banda, nakikita nila ang malaking pulang dragon na marahas na isinasagawa ang mga pang-aaresto, kaya para mapanatiling ligtas ang kanilang sarili, basta-basta silang pumipili ng isang tao para mangasiwa, sa paniniwalang malulutas nito ang problema, at na hindi na nila kailangan pang pag-ukulan ito ng atensiyon. Ano ang iniisip nila sa kanilang mga puso? ‘Napakadelikado ng kapaligirang ito, dapat muna akong magtago pansamantala.’ Kasakiman ito para sa pisikal na kaginhawahan, hindi ba? May malaki ring kamalian ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano inihahayag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit kailangan nilang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Sa halip na husgahan ang mga tao ayon sa kaanyuan, palaging inoobserbahan ng Diyos ang kanilang mga puso—kaya bakit kailangan ng mga huwad na lider na maging napakakaswal kapag hinuhusgahan nila ang iba at pinagkakatiwalaan sila? Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga huwad na lider, hindi ba? Iniisip nila na, ‘Hindi ako nagkamali sa pagpili sa taong ito. Wala naman sigurong magiging problema; tiyak na hindi siya isang taong manloloko, na gustong magpakasaya at ayaw magtrabaho nang mabuti. Lubhang maaasahan at mapagkakatiwalaan siya. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Natatanging kasanayan mo ba ito? Maaaring makasama mo ang taong ito nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasan at diwa? Kung hindi siya inilantad ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasan at diwang mayroon siya. At gaano pa kaya katotoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-basta ka nagtitiwala sa kanya batay sa isang panandaliang impresyon o positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at naglalakas-loob na ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa ganoong mga tao. Sa bagay na ito, hindi ka ba nagiging bulag na bulag? Hindi ka ba nagiging padalos-dalos? At kapag ganito sila magtrabaho, hindi ba nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Ibinunyag ng salita ng Diyos na ang mga huwad na lider ay tamad, walang alam, at hangal. Hindi nila tinitingnan ang mga tao at mga bagay batay sa salita ng Diyos, kundi batay sa kanilang mga kuru-kuro at ideya, pero pakiramdam nila’y nakikita nila nang malinaw ang mga tao at mga bagay. Kaya nilang basta-bastang magtiwala kahit kanino at ganap na ipaubaya sa mga ito ang gawain, habang hindi nila ito tinututukan at sakim nilang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Sa pamamagitan ng mga paghahayag ng salita ng Diyos, sa wakas ay nakita kong ako ang tamad at hangal na huwad na lider na inilalarawan ng Diyos. Dahil sa kalikasan kong maging tamad, palaging pakiramdam ko’y ako ang responsable para sa napakaraming trabaho, at masyadong nakakapagod na magsubaybay sa gawain ng bawat grupo, kaya sinubaybayan ko ang gawain ng isang grupo habang ipinagkakatiwala sa lider ng grupo ang isa pa, at inisip na kung normal ang pag-usad ng gawain, hindi ko na kailangan pang gumugol ng oras sa pagsubaybay. Nakita kong tinipid ko ang bawat lakas ko hangga’t maaari sa aking tungkulin. Hawak ko ang ranggong superbisor habang ipinapaubaya sa iba ang gawain. Naging iresponsable talaga ako! Labis din ang pagtingin ko sa sarili. Batay sa sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, akala ko lahat ng nasa grupo ay ginagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kaya hindi ko kailangang mag-alala, at na magpapatuloy ito kahit na hindi ako magsubaybay sa kanilang gawain. Kaya hindi ako nagtanong o nagsubaybay sa kanilang gawain sa loob ng ilang buwan, na nagsanhing lumitaw ang mga problema sa gawain. Hindi ko naunawaan ang katotohanan o malinaw na nakita ang mga bagay-bagay, pero nagtiwala talaga ako sa sarili ko, iniisip na hindi magkakamali ang mga pinagkakatiwalaan ko. Masyado akong mayabang at hangal. Nagsisi ako nang maisip ito. Napagtanto ko na ang pagtrato sa mga tao at tungkulin ko ayon sa mga salita ng Diyos ay napakaimportante. Sinimulan kong hanapin ang mga nauugnay na bahagi ng salita ng Diyos para makahanap ng paraan para magawa ang tungkulin ko.

Hindi nagtagal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang estado ng pagsulong ng gawain, hindi nila kayang matukoy kaagad—lalo nang hindi nila kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, na madalas humahantong sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, walang ginagawa, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng lider ang kanyang mga responsabilidad—kung pinamahalaan niya ang gawain, isinulong ito, pinagmadali ang mga tao, at nakahanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang proyekto, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maintindihan ang totoong sitwasyon ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na maunawaan at maintindihan ng mga lider kung paano sumusulong ang gawain, sapagkat ang pagsulong ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamtan. Kung ang isang lider ay wala man lang pagkaunawa sa kung paano sumusulong ang gawain, at hindi ito sinusubaybayan o pinangangasiwaan, karamihan sa mga taong gumaganap ng tungkulin ay magkakaroon ng negatibo at pasibong saloobin. Lubos silang magwawalang-bahala, magiging pabaya at pabasta-basta at mawawalan ng nadaramang pasanin, at sa gayon ay tiyak na babagal ang pagsulong ng gawain. Kung walang sinumang nagdadala ng pasanin, na marunong magtrabaho, na magbibigay ng patnubay at pangangasiwa—at magdidisiplina at magwawasto sa mga tao—natural na bababa nang husto ang kahusayan at pagiging epektibo ng gawain. Kung ni hindi ito makita nang malinaw ng mga lider at manggagawa, hangal sila at bulag. Kaya nga, napakahalaga na ang mga lider at manggagawa ay maagap na siyasatin, subaybayan, at gawing pamilyar ang kanilang sarili sa pagsulong ng gawain. Ang mga tao ay tamad, kaya kung walang mga lider at manggagawa na gagabay, hihimok, at susubaybay sa kanila, kung walang sinuman ang may napapanahong pagkaunawa sa pagsulong ng gawain, malamang na sila ay magpabaya, maging tamad, maging pabasta-basta. Kung may ganito silang saloobin sa kanilang gawain, lubhang maaapektuhan ang pagsulong at pagiging epektibo ng gawain. Dahil sa mga sitwasyong ito, ang mga kuwalipikadong lider at manggagawa ay dapat maagap sa pagsubaybay sa bawat proyekto ng gawain at manatiling may alam tungkol sa sitwasyon hinggil sa mga kawani at sa gawain. Hindi sila dapat tumulad sa mga huwad na lider(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Itinuro ng salita ng Diyos ang isang landas ng pagsasagawa para maging karapat-dapat sa ating tungkulin. Bilang isang lider o superbisor, kailangan nating magdala ng pasanin sa ating tungkulin, hindi maghanap ng ginhawa ng laman, tanggapin ang responsibilidad sa ating gawain, at kumustahin, siyasatin, subaybayan, at suriin ang mga bagay nang nasa oras. Para sa mga kasali sa gawain, kailangan nating masubaybayan ang mga kalagayan nila at mga detalye ng kanilang mga tungkulin para matuklasan ang mga problema sa oras at maitama ang mga paglihis. Dahil hindi pa naperpekto ang mga tao, lahat sila ay may mga tiwaling disposisyon, kaya kapag maganda ang kalagayan nila, nagagawa nila ang kanilang mga tungkulin nang maayos, responsable, at epektibo, pero hindi ito nangangahulugan na ganap silang maaasahan. Kapag hindi normal ang kanilang mga kalagayan o namumuhay sila ayon sa mga tiwaling disposisyon, hindi nila sinasadyang iniraraos na lang ang gawain at gumagawa ng mga bagay na nakagugulo sa gawain ng iglesia. Kaya, habang ginagampanan ng mga tao ang mga tungkulin nila, kailangang suriin at subaybayan ng mga lider, manggagawa, at superbisor ang gawain, at kapag nakakita sila ng mga problema, kailangan nilang ayusin ang mga ito sa oras. Responsibilidad nila ito. Nang maunawaan ko na ang mga hinihinging ito, nagsimula akong magsubaybay at magsiyasat sa gawain ng grupong ito. Regular akong pumupunta sa mga pulong nila para ayusin ang mga paglihis nila, at kapag nakakakita ako ng mga problema, sinasabi ko ito sa lider ng grupo nang nasa oras. Kalaunan, magkasama rin naming tinalakay ang plano ng gawain at pag-usad ng grupo, at natapos ang gawain sa pinlanong panahon. Binawasan namin ang mga tauhan ayon sa dami ng trabaho para maitalaga ang iba sa mga tungkulin kung saan sila higit na kailangan. Pagkatapos magsagawa nang ganito, mas gumaan ang pakiramdam ko. Kasabay nito, mas masigasig kong sinubaybayan ang gawain na saklaw ng responsibilidad ko kaysa dati. Ngayon, inakala ko na isinasagawa ko ang katotohanan, at na nagtamo na ako ng kaunting pagbabago, pero nang may lumitaw na bagong sitwasyon, naibunyag akong muli.

Hindi nagtagal, dumami ang trabaho ko, at kinailangan kong gumugol ng maraming oras para matapos ang isang gampanin sa tungkulin ko. Akala ko’y detalyado ko nang nasubaybayan ang gawain ng bawat grupo noon, at matatag na ang mga bagay-bagay ngayon. Mangangailangan ng maraming oras at pagsisikap para patuloy na magtanong tungkol sa mga detalye ng bawat grupo, at dahil dito ay magiging sobrang masikip ang iskedyul ko at malalagay ako sa sobrang kagipitan. Napaisip ako kung pwede kong italaga ang ilan sa mga gawain sa alinmang grupo para hindi na ako masyadong mag-alala. Naisip ko ang isang grupo kung saan ang parehong lider ng grupo ay maagap sa kanilang mga tungkulin at kayang magsakripisyo. Kung ililipat ko sa kanila ang gawain ng grupo, at hihilingin sa kanila na detalyadong magsubaybay, kailangan ko na lang bantayan ang direksyon ng mga bagay-bagay at regular na dumalo sa mga pulong tungkol sa gawain. Wala naman dapat masyadong problema kung hahayaan kong sila na ang bahala sa iba. At gano’n-gano’n lang, muling lumitaw ang dati kong problema. Isinubsob ko ang sarili ko sa bago kong gawain at halos hindi nagtanong tungkol sa mga detalye ng gawain ng grupong iyon. Pakiramdam ko’y kayang pangasiwaan ng mga lider ng grupo ang mga bagay-bagay, at na kung may problema, pwede akong maghintay na sabihin nila sa’kin. Isang araw, tinukoy ng isa sa mga lider ng grupo na hindi ko nasubaybayan nang maayos ang mga bagay-bagay o detalyadong natanong ang tungkol sa kanilang gawain. Ang ilan sa grupo ay nagpapaliban at nagpapakatamad, pero hindi ko ito sinubaybayan at nilutas, at naaapektuhan nito ang pag-usad ng gawain. Nang marinig ko ito, tumutol ako. Naisip ko, “Hindi ba ninyo kayang dalawang lider ng grupo na pangasiwaan ito? May iba pa akong ginagawa ngayon. Kung napakametikuloso ko at maglalaan ako ng maraming oras sa bawat gawain, makakatapos ba ako? Hindi ba’t sobra ang hinihingi niyo sa’kin?” Pero medyo ‘di ako mapalagay sa mga argumento ko. Pagkatapos ay nagbalik-tanaw ako, at natanto kong bihira akong sumubaybay sa mga detalye ng gawain nila. Ang kalagayan ng mga kapatid, kung maprinsipyo ba sila sa kanilang tungkulin, at ang kalidad ng kanilang trabaho ay lahat mga bagay na hindi ko nauunawaan. Sa puntong ito, nagsimula akong mag-isip, dati, lumabag ako sa tungkulin ko sa pamamagitan ng pagpapaubaya ng gawain sa iba, kaya bakit ginagawa ko na naman ‘to?

Kalaunan, nabasa ko ito sa salita ng Diyos. “Maraming tao sa Aking likuran ang nagnanasa sa mga pakinabang ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, umaaktong panginoon sa iba mula sa mga posisyon ng awtoridad. Palaging sinasabi ng mga taong ito na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may mga tamang intensyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; ngunit kung ang iyong mga intensyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagsusuri ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang minamaniobra at nililinlang ang kanilang mga kapatid, at sila’y doble-kara, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gawain? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). “Kalimutan mo kung gaano kalaki ang talento mo, kung gaano kahusay ang kakayahan mo, o kung gaano kataas ang pinag-aralan mo; ang mahalaga ay kung gumagawa ka ba ng tunay na gawain o hindi, at kung ginagampanan mo ang mga responsibilidad ng isang lider. Sa iyong panahon bilang lider, nakibahagi ka ba sa bawat partikular na bahagi ng gawain na saklaw ng iyong responsibilidad, ilang problema na lumitaw habang nasa trabaho ang mabisa mong nalutas, ilang tao ang nakaunawa sa mga prinsipyo ng katotohanan dahil sa iyong paggawa, iyong pamumuno, iyong pamamatnubay, gaano karami sa gawain ng iglesia ang umusad at sumulong? Ang mga ito ang mahalaga. Kalimutan mo kung ilang mantra ang kaya mong ulitin, ilang mga salita at doktrina ang napaghusayan mo, kalimutan mo kung ilang oras ang ginugugol mo sa mabibigat na gawain araw-araw, kung gaano ka kapagod, at kalimutan mo kung gaano karaming oras ang ginugol mo sa daan, kung ilang iglesia na ang nabisita mo, kung ilang pakikipagsapalaran ang sinuong mo, gaano ka nagdusa—kalimutan mo ang lahat ng ito. Tingnan mo lamang kung gaano kaepektibo ang gawaing saklaw ng iyong mga responsibilidad, kung nagkaroon ba ito ng anumang mga resulta, ilan sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos at mga target na dapat mong makamit ang nakamtan mo, ilan sa mga iyon ang nagkaroon ng bunga, gaano kahusay mo napagbunga ang mga iyon, gaano kahusay mo nasubaybayan ang mga iyon, ilang isyung may kaugnayan sa mga problema ng pagkaligta, paglihis, o paglabag sa prinsipyo na lumitaw sa gawain ang iyong nilutas, itinuwid, niremedyuhan, at ilang problemang may kaugnayan sa HR, admin, o iba’t ibang gawaing pang-espesyalista ang tumulong kang lutasin, at kung nilutas mo ba ang mga iyon ayon sa prinsipyo at mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at iba pa—lahat ng ito ay mga pamantayang gagamitin para suriin kung tinutupad ba ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsibilidad(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na pagdating sa mga naghahangad ng mga pakinabang ng katayuan, na tuso at nanlilinlang, at nagsasaalang-alang ng sarili nilang mga interes ng laman, lubos na napopoot at nasusuklam ang Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi magampanan ang anumang positibong papel sa kanilang tungkulin, ni hindi nila kaagad matuklasan at maitama ang mga paglihis sa kanilang mga tungkulin, at maaari pa silang magdulot ng pinsala sa kanilang mga tungkulin dahil sa kanilang pagkairesponsable at makagambala at makagulo sa gawain ng iglesia. Ang gayong mga tao ay lubos na walang sinseridad sa kanilang mga tungkulin at hindi karapat-dapat sa atas ng Diyos. Kung hindi sila magsisisi, sa huli ay kamumuhian at palalayasin sila ng Diyos. Ang pamantayan ng Diyos para sa pagsusuri ng mga lider at manggagawa ay hindi kung gaano karami ang kanilang tinatahak na landas o kung gaano karaming trabaho ang ginagawa nila, ito ay kung gumagawa ba sila ng praktikal na gawain o mga totoong resulta sa kanilang tungkulin. Napahiya ako sa inihayag ng salita ng Diyos. Isinaayos ng iglesia na pangasiwaan ko ang mahalagang trabaho na paggawa ng mga video, hiniling sa akin na magdala ng higit na pasanin, at pinromote at sinanay ako, pero wala akong pagkatao, at ayoko talagang magdusa sa tungkulin ko. Nang medyo dumami ang trabaho, ang naisip ko lang ay kung paano bawasan ang paghihirap at pag-aalala ko, at natakot akong mapapagod ako sa karagdagang alalahanin. Nang tukuyin ng mga kapatid ko na wala akong ginawang praktikal na gawain sa tungkulin ko, naghanap ako ng lahat ng uri ng palusot para mapangatwiranan ang sarili ko. Katulad ako ng inilalarawan ng Diyos, “Sa sambahayan ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila.” Bilang superbisor, dapat ay kinumusta at sinubaybayan ko ang lahat ng gawaing hawak ko nang nasa oras at nilutas kaagad ang mga paglihis at kamalian nang matuklasan ko ang mga ito para matiyak ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Tungkulin ko ito. Pero katulad ako ng isang tusong soro. Mapanlinlang, tuso, at iresponsable ako sa tungkulin ko, nanungkulan ako sa posisyon ng superbisor nang hindi talaga ginagawa ang trabaho, at hindi ko sinubaybayan ang mga detalye ng gawain. Dahil dito, hindi ko nahanap o nalutas sa oras ang mga problema ng grupo, at may nasayang na oras sa gawain, na nakaapekto sa normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Hindi ko talaga ginagampanan ang tungkulin ko. Malinaw na walang silbi akong nanungkulan sa posisyon ko. Tahasan kong nilinlang ang lahat at hindi gumawa ng praktikal na gawain. Masyado akong hindi mapagkakatiwalaan! Nagsaayos ang iglesia ng gawain para sa’kin, at hiniling sa akin na umako ng responsibilidad, pero ipinaubaya ko sa iba ang gawain. Hindi talaga ako karapat-dapat sa ganoon kahalagang tungkulin. Kung palagi kong tatratuhin ang tungkulin ko nang may gano’ng iresponsableng saloobin, at hindi pa rin gagawa ng praktikal na gawain, sa huli, kamumuhian at palalayasin lang ako ng Diyos! Medyo natakot ako nang maisip ‘to, kaya nagdasal ako sa Diyos para hilingin sa Kanya na gabayan ako sa pagbabago ng aking maling kalagayan, at sabihing nais kong maging metikuloso sa gawain at tuparin ang mga responsibilidad ko.

Kalaunan, nakahanap ako ng mga landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. “Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay kusang-loob na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, nang hindi kinakalkula ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan. Kahit isa ka pang taong naghahangad ng katotohanan, dapat lagi kang umasa sa iyong konsiyensya at katwiran at talagang magsikap nang mabuti kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng talagang magsikap? Kung nasisiyahan ka na sa kaunting pagsisikap, at pagdanas ng kaunting hirap ng katawan, ngunit hindi mo talaga sineseryoso ang iyong tungkulin o hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan, ito ay wala nang iba kundi pagiging walang ingat at walang interes—hindi ito tunay na pagsisikap. Ang susi sa pagsisikap ay ibuhos ang puso mo roon, matakot sa Diyos sa puso mo, isaisip ang kalooban ng Diyos, matakot na suwayin ang Diyos at masaktan ang Diyos, at dumanas ng anumang paghihirap para magampanan ang iyong tungkulin nang maayos at mapalugod ang Diyos: Kung may puso kang nagmamahal sa Diyos sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Kung walang takot sa Diyos sa puso mo, hindi ka magkakaroon ng pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka magkakaroon ng interes doon, at hindi mo maiiwasang maging walang ingat at walang gana, at iraraos mo lang ang gawain, nang hindi lumilikha ng anumang tunay na epekto—na hindi pagganap ng isang tungkulin. Kung tunay kang may nadaramang pasanin, at pakiramdam mo ay personal na responsibilidad mo ang pagganap sa iyong tungkulin, at na kung hindi, hindi ka nararapat na mabuhay, at isa kang hayop, na magiging marapat ka lamang na matawag na isang tao kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at kaya mong harapin ang sarili mong konsiyensya—kung mayroon kang nadaramang ganitong pasanin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin—magagawa mo ang lahat nang maingat, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at sa gayon ay magagawa mong gawin ang tungkulin mo nang maayos at mapalugod ang Diyos. Kung karapat-dapat ka sa misyong ipinagkaloob sa iyo ng Diyos, at sa lahat ng isinakripisyo ng Diyos para sa iyo at sa Kanyang mga inaasahan mula sa iyo, ito ay tunay na pagsusumikap(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensya at Katwiran). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, sobra akong napahiya. Maraming taon na akong nananalig sa Diyos, at nakabasa na ako ng napakaraming salita ng Diyos, pero inakala ko na ang paggawa ng kaunti pang trabaho ay nangangahulugang mas higit na pagsisikap ng laman at pag-aalala, kaya sa tingin ko’y nakakaabala ito at nakakapagod, at ipinaubaya ko sa iba ang gawain. Nakita ko kung gaano kamakasarili at katamad ang kalikasan ko, na wala akong sinseridad sa Diyos, at hindi ako nagdala ng tunay na pasanin sa tungkulin ko. Bilang superbisor, hindi ko ginawa ang trabaho na dapat gawin ng isang superbisor. Naging pabaya ako sa tungkulin ko. Kahit ang isang aso ng pamilya ay kayang bantayan ang bahay at maging tapat sa may-ari nito. Isa akong nilikha, pero hindi ko tinupad ang tungkulin ng isang nilikha. Paano ako naging karapat-dapat na tawaging tao? Maraming kapatid sa iglesia na responsable sa mas marami pang gawain kaysa sa’kin, na taos-pusong ginagawa ang kanilang mga tungkulin, kayang magdusa at magsakripisyo, at gumugugol ng mas maraming oras sa kanilang mga tungkulin, lahat nang hindi nalulugmok sa pagkahapo. Bagkus, habang mas isinasaalang-alang nila ang kalooban ng Diyos, mas pinagpapala sila ng Diyos, at mas lumalago sila sa buhay. Sa pagbabalik-tanaw, makatwiran ang dami ng trabaho ko, hindi napakabigat, at hangga’t tinatalikdan ko ang laman, nagdurusa, at nagsasakripisyo, ganap na posibleng magsubaybay sa mga detalye ng gawain ng bawat grupo. Pagkatapos nun, inayos kong muli ang iskedyul ko sa trabaho, sinubaybayan ang lahat ng bagay na saklaw ng responsibilidad ko ayon sa bagong iskedyul, at walang naantala sa tungkulin ko.

Isang araw, nagbabasa ako ng mga mensahe ng grupo, at nakakita ako ng ilang paglihis sa gawain ng isang grupo. Agad kong sinuri ang problema, tinalakay ito sa lider ng grupo, at naghanap ng solusyon. Sa panahong ‘yon, talagang nagulat ako. Ang paggawa ng praktikal na gawain ay hindi nangangahulugang paggugol ng buong araw sa pagbabantay ng mga tao sa grupo. Isa itong bagay na magagawa mo sa pagsisipag lang nang mas kaunti pa. Noon, halos hindi ko binabasa ang mga mensaheng ito ng grupo. Nakalatag doon ang mga problema, pero hindi ko kailanman napansin. Nang magsikap ako nang kaunti pa, nakahanap ako ng mga problema at paglihis at nalutas ang mga ito sa oras para maiwasang mapinsala nito ang gawain. Pagkatapos nun, nakipag-usap ako sa bawat miyembro ng grupo para malaman ang tungkol sa gawain nila, at nakatuklas ako ng mas marami pang paglihis sa ganitong paraan. Ibinahagi namin ng lider ng grupo ang mga prinsipyo sa kanila, mabilis na nalutas ang mga paglihis, at tumaas ang pagiging epektibo ng gawain. Bagamat medyo mas abala ako nung mga araw na ‘yon, pagkatapos magsagawa nang ganito, napakagaan at payapa ng pakiramdam ko.

Lalo akong nagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang patnubay. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, nagkamit ako ng kaunting kamalayan sa aking makasarili at tamad na kalikasan. Nakita ko rin na ang pagiging iresponsable at ang paghahangad ng ginhawa ay nakakaantala ng gawain, at kung malubha, magagambala at magugulo nito ang gawain ng iglesia. Bilang superbisor, hindi na pwedeng ipaubaya ko sa iba ang gawain. Kailangan kong madalas na mangasiwa at magsubaybay sa gawain, at tumukoy at lumutas ng mga problema. Sa ganitong paraan lang ng paggawa ng tungkulin ko matatamo ang magagandang resulta at mapapalugod ang kalooban ng Diyos.

Sinundan: 90. Muling Pagharap sa Karamdaman

Sumunod: 92. Ano ang Resulta ng Pagprotekta sa Huwad na Lider

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito