66. Hindi na Ako Mapanghamak sa Aking Katuwang

Ni Qi Hang, Timog Korea

Namamahala ako ng mga libro at gamit ng iglesia. Karaniwan kong tinitingnan kung ang iba’t ibang gamit ay naiayos at nailigpit kung nakaayos nang masinop ang mga ito, at kung malinaw ang mga rekord ng pumapasok at lumalabas. Natatakot akong magugulo ang mga bagay-bagay kapag nagpabaya ako. Si Brother Cameron, na aking katrabaho, ay may pagkapabaya at hindi nakatuon sa kalinisan. Minsan, ibinabagsak lang niya ang mga bagay o kaya’y ipinagpapatong-patong, kaya lagi akong nag-aalala sa kanya at lagi kong binabantayan ang kanyang trabaho. Sa tuwing nakikita kong nakakawaglit ng mga bagay si Cameron o nakikita kong malabo ang mga rekord ng pumapasok at lumalabas na mga gamit, labis akong nababalisa hanggang sa mawala ang pasensya ko at hindi na ako nakikipagbahaginan para tulungan siya. Sa umpisa, isinasaalang-alang ko ang nararamdaman ng aking kapatid at nagiging maingat ako sa aking tono at pananalita, ngunit habang tumatagal, wala na akong pakialam tungkol sa mga bagay na iyon, at sa bawat pagkakataon, sinasabi ko sa kanya na mali ito o iyon. Minsan nagalit ako at pinagalitan ko siya, sabi ko, “Bakit inilalagay mo na naman ang mga bagay sa maling lugar? Inilalagay mo ang isa dito at ang isa doon. Hindi mo ba pwedeng ibalik ang mga bagay kung saan mo nakita ang mga ito? Saglit lang naman ang kailangan para maglinis pagkatapos ng ginagawa mo, pero hindi mo mapigilang hindi mag-iwan ng mga bagay na hindi pa tapos, at kahit kailan ay hindi mo nililinis ang mga ito pagkatapos…” Lumala nang lumala ang pakikitungo ko kay Cameron. Minsan, gumagamit ako ng pautos na tono para sabihan siyang maglinis ng kalat.

Naaalala ko isang beses, noong tinitingnan ko ang mga rekord ng mga pumapasok at lumalabas, natuklasan kong itinama niya ang ilan sa mga iyon nang sobrang gulo na hindi na mabasa ang mga iyon. Agad na uminit ang ulo ko at naisip kong, “Ni hindi ko mahulaan kung ano’ng isinulat niya rito!” Dumiretso ako kay Cameron. Tulad ng isang guro na pinagagalitan ang estudyante, ipinakita ko sa kanya ang mga rekord at tinanong kung ano ang bawat isa. Sabi ko, “Alam mo ba kung ano ang gusto kong gawin ngayon? Gusto kong dalhin ang mga rekord na ito sa lider, para malaman niya kung paano mo ginagawa ang tungkulin mo, at kung gaano ka kapabaya!” Mababakas ang pagkakonsensya sa mukha ni Cameron, at sinabi niyang magbibigay-pansin na siya sa hinaharap. Sinabi niyang aksidente ang pagkakataong iyon. Habang gumagawa siya ng rekord, may tumawag sa kanya para asikasuhin ang isang agarang bagay, kaya nakalimutan niya ang tungkol dito. Pero hindi ko siya hinayaang magpaliwanag. Pagalit kong sinabing, “Kapag may nangyari na namang kagaya nito, ididiretso ko ang record sheet sa lider at ipapaubaya ko ito sa kanya!” Hindi nagtagal, nakita kong may malabong dumi na naman ang isa sa mga record sheet ni Cameron. Sa pagkakataong ito, lalo akong nagalit. Pinuntahan ko si Cameron para tanungin siya, “Sinabi ko na sa iyo, kapag nagkakamali ka, isulat mo ulit sa ibang lugar, huwag mo lang patungan ito. Tingnan mo ang pagtatama mo. Sino ang nakakaalam ng isinulat mo? Kung hindi ko ito makita nang malinaw, kailangan kitang puntahan at tanungin ka. Sa tingin mo ba hindi ito nakakainis? Kahit sa tingin mo ay hindi, sa akin, oo!” Nang makita niya na galit na naman ako, kinuha niya ang record sheet at sinabing, “Kung gayon ay itatama ko ulit ito.” Pagalit akong sumigaw, “Wag ka nang mag-abala! Hindi na niyan maaayos ito!” Umalis ako pagkatapos kong sabihin iyon, iniwang nakaupo ang aking kapatid nang mag-isa, hawak ang record sheet nang naguguluhan. Sa puntong iyon, napagtanto kong medyo sumobra ako. Pero hindi ko ito masyadong pinag-isipan, at lumipas ang usapin. Matapos ang ilang araw, nagalit ulit ako kay Cameron dahil sa isang maliit na bagay. Nagalit din siya sa akin, at nagtalo kami. Natuklasan ng lider na hindi kami makapagtrabaho nang maayos nang magkasama, kaya nagbahagi siya sa akin at binasahan niya ako ng sipi ng salita ng Diyos: “Anumang tungkulin ang ginagampanan ng isang anticristo, kanino man siya nakikipagtulungan, laging may mga di-pagkakasundo at alitan. Gusto niya palaging pangaralan ang iba at sundin nila siya. Kanino puwedeng makipagtulungan ang gayong tao? Hindi kaninuman—masyadong tiwali ang kanyang disposisyon. Hindi lang niya hindi kayang makipagtulungan kaninuman, lagi pa siyang nangangaral sa iba mula sa mas mataas na posisyon at nalilimitahan niya sila, lagi niyang gustong manduhan ang mga tao at pilitin silang sumunod. Hindi lamang ito isang problema sa disposisyon—may isang bagay ring maling-mali sa kanyang pagkatao, at iyon ay na wala siyang kons ensya o katwiran. … Para normal na mag-ugnayan ang mga tao, kailangang matupad ang isang kondisyon: Kailangan man lang ay mayroon silang konsensya at katwiran, pasensya at pagpaparaya, bago nila magawang makipagtulungan. Para magawang makipagtulungan sa pagsasagawa ng tungkulin, kinakailangan ay nagkakaisa ang isipan ng mga tao, at nagagawa nilang mabalanse ang sarili nilang mga kahinaan gamit ang mga kalakasan ng iba, at na mapagpasensya sila at mapagparaya, na may panimulang pamatayan ng pagkilos. Sa ganitong paraan lamang sila magkakasundo nang maayos. Bagama’t maaaring magkaroon ng mga di-pagkakasundo at alitan paminsan-minsan, makapagpapatuloy silang magtulungan; kahit papaano man lang ay walang mangyayaring labanan. Lahat ng walang pagkatao ay masasama. Ang mga tao lamang na may normal na pagkatao ang nakikipagtulungan nang madali sa iba, at mapagparaya at mapagpasensya sa iba; sila lamang ang makikinig sa mga opinyon ng ibang mga tao, at magpapakumbaba habang ginagawang makipagtalakayan sa iba. Sila rin ay may mga tiwaling disposisyon at palagiang nagnanais na sundin sila ng iba. Sila rin ay may gayong layunin—ngunit dahil mayroon silang konsensya at katwiran, at kaya nilang hanapin ang katotohanan, at kilalanin ang kanilang sarili, at dahil nadarama nila na hindi magiging angkop ang gayong pag-uugali, at taos-puso silang nagsisisi, at kaya nilang magpigil, kung kaya’t nagagawa nilang makipagtulungan sa iba. Pagbuhos lamang ito ng tiwaling disposisyon. Hindi sila masasamang tao, at wala rin silang diwa ng isang anticristo. Nagagawa nilang makipagtulungan sa iba. Kung sila ay masasamang tao o mga anticristo, wala silang magiging paraan para makipagtulungan sa iba. Ganito ang nangyayari sa lahat ng masamang tao at anticristo na pinaaalis sa sambahayan ng Diyos. Hindi nila kayang makipagtulungan nang maayos kaninuman, kaya inilalantad at pinalalayas sila(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Pagkatapos mabasa ang salita ng Diyos, pinaalalahanan ako ng lider, “Para makasundo ang mga tao, kailangan natin silang irespeto man lang. Kung sisigawan mo si Cameron nang ganito at pagagalitan siya palagi, wala ka kahit ang pinakabatayang respeto. Hindi ba masyado kang mapagmataas? Minamaliit mo ang lahat ng ginagawa niya, para kang lawin kung bantayan mo siya buong araw, at hindi mo pinalalagpas ang mga problema. Wasto ba ito? Abala si Cameron sa gawain at mahina ang kanyang memorya. Hindi maiiwasan ang ilang problema. Hindi ba dapat tratuhin mo siya nang tama at mas tulungan pa siya? Bukod doon, tuluy-tuloy siyang humuhusay. Pero paano ka naman? Mayroon kang problema sa iyong disposisyon at pagkatao. Isang tiwaling disposisyon ang palagiang pagsigaw sa mga tao. Hindi ba’t nakatingin ka lamang sa puwing na nasa mata ng iyong kapatid ngunit bulag sa trosong nasa iyong sariling mata?”

Pagkatapos, binasahan ako ng lider ng isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Ano ang masasabi ninyo, mahirap bang makipagtulungan sa ibang tao? Ang totoo ay hindi naman. Masasabi pa nga ninyo na madali iyon. Ngunit bakit pakiramdam pa rin ng mga tao ay mahirap ito? Dahil mayroon silang mga tiwaling disposisyon. Para sa mga nagtataglay ng pagkatao, konsensya, at katinuan, ang pakikipagtulungan sa iba ay medyo madali, at malamang na maramdaman nila na ito ay isang bagay na nakakagalak. Dahil hindi madali para sa kahit sino na magawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, anuman ang larangan na kanilang kinasasangkutan, o anuman ang kanilang ginagawa, laging mabuti na may isang taong naroon upang tukuyin ang mga bagay-bagay at mag-alok ng tulong—mas madali ito kaysa gawin ito nang mag-isa. Gayundin, may mga limitasyon kung ano ang kaya ng kakayahan ng mga tao o kung ano ang kaya nilang maranasan mismo. Walang sinuman ang kayang maging dalubhasa sa lahat ng bagay, imposible para sa isang tao na malaman ang lahat, matutunan ang lahat, magawa ang lahat—imposible iyon, at ang lahat ay dapat taglayin ang gayong pagkaunawa. Kung kaya, anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, dapat ay palaging may mga taong tutulong sa iyo, upang bigyan ka ng mga paalala, payo, at tulungan ka sa mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, magagawa mo ang mga bagay nang mas tama, mas magiging mahirap gumawa ng mga pagkakamali, at mas malamang na hindi ka maliligaw—na para sa mabuti lahat(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagbahagi pa ang lider, at tinanong ako sa wakas, “Kung ikaw lang ang mamamahala ng mga bagay, magagawa mo ba ito nang hindi nagkakamali?” Sa kahihiyan, sinabi kong, “Hindi.” Sinabi ng lider, “Tama iyan. Walang sinuman ang nakakaalam ng lahat, at kailangan ng lahat ng katuwang para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung hindi mo kayang makipagtulungan nang maayos, paano mo magagampanan nang mabuti ang tungkulin mo? Kailangan mong pag-isipan ito at pagnilayan ang sarili mong mga problema.”

Pagbalik ko, nalungkot ako nang husto. Paanong hindi ko batid na nagkaroon ako ng ganito kalaking problema? Lagi kong iniisip noon na mabuti ang aking pagkatao at kaya kong makasundo ang aking mga kapatid, pero mula nang makipagtulungan ako kay Cameron sa aking tungkulin, lagi na akong mapagmagaling, iniisip na tama ang mga ideya at kilos ko. Ipinilit ko sa kanya ang aking nais at ipinagawa ko sa kanya ang aking gusto. Hindi ko siya tinulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng katotohanan, bagkus ay nagalit ako, inakusahan siya, at sinaway siya. Wala akong pagkatao at katwiran. Pakiramdam ko lagi, mas magaling ako sa aking kapatid, kaya mababa ang tingin ko sa kanya. Hindi siya kaaya-aya sa paningin ko, kaya hindi ko maharap nang tama ang kanyang mga kalakasan at kahinaan. Nagmayabang ako sa bawat pagkakataon at minaliit ko siya. Sa simula, magkasama kami ni Cameron na responsable sa pamamahala sa mga gamit ng iglesia, pero wala akong tinalakay na anuman sa kanya. Lagi akong nakasentro sa sarili, at nasa akin ang huling pagpapasya, at nagbigay ako ng mga utos kay Cameron. Madalas ko siyang pinagagalitan na parang bata, sinusubukang turuan siya ng mga leksyon. Masyadong mapagmataas ang disposisyon ko, at kinamuhian ito ng Diyos!

Alam kong mapagmataas ako at laging pinipilit ang ibang makinig sa akin, pero hindi ko alam kung paano lulutasin ang problemang ito. Nagdasal ako sa Diyos at naghanap ako ng nauugnay na mga bahagi ng salita ng Diyos. Isang araw, sa salita ng Diyos, nabasa kong, “Ang mga anticristo ay palaging may ambisyon at hangaring kontrolin at lupigin ang iba. Sa kanilang mga pakikitungo sa mga tao, lagi nilang ninanais na malaman kung ano ang tingin ng iba sa kanila, at kung may katayuan ba sila sa puso ng mga tao at kung sila ba ay hinahangaan at sinasamba ng mga ito. Ang isang anticristo ay masaya lalo na kapag may nakakaharap siyang mga sipsip, mga taong nambobola at naglalangis sa kanya; sinisimulan niyang pangaralan ang taong iyon mula sa mas mataas na posisyon at kinakausap ito nang walang katuturan, nagkikintal ng mga tuntunin, pamamaraan, doktrina, at mga haka-haka sa taong iyon para tanggapin nito iyon bilang katotohanan. Pupurihin pa nga niya ito sa pagsasabing, ‘Kung matatanggap mo ang mga bagay na ito, magiging isa kang taong nagmamahal at nagsisikap na matamo ang katotohanan.’ Iisipin ng mga taong hindi nakakakilala na may katwiran ang sinasabi ng anticristo, bagama’t malabo ang tingin nila rito, at hindi nila alam kung naaayon ba iyon sa katotohanan. Madarama lamang nila na hindi mali ang sinasabi ng anticristo at hindi masasabing labag sa katotohanan. At sa ganitong paraan, nagpapasakop sila sa anticristo. Kung matutukoy nga ng isang tao ang anticristo at mailalantad ito, magagalit ito. Ang anticristo ay walang habas na magpaparatang, magkokondena, at magbabanta sa taong iyon, at magpapakita ng lakas niya. Ang mga taong walang pagkakilala ay ganap na mapapasuko at magpapatirapa sa paghanga; sasambahin nila ang anticristo at aasa rito, at matatakot pa. Ang mga taong ito ay madarama na inaalipin sila, na para bang kung wala ang pamumuno ng anticristo, kung wala ang anticristo para magwasto at magpungos sa kanila, matatangay ang kanilang puso, na parang aayawan sila ng Diyos kung mawawala sa kanila ang mga bagay na ito. At hindi nila madarama na ligtas sila. Kapag nangyari ito, matututo ang mga tao na tingnan muna ang mga ekspresyon ng mukha ng anticristo bago sila kumilos, dahil sa takot na baka galit ito. Nais nilang lahat na gawin ang makasisiya rito; desidido silang lahat na sumunod sa anticristo. Sa lahat ng gawaing ginagawa niya, ang isang anticristo ay bumibigkas ng mga salita ng mga doktrina. Magaling siya sa pagtuturo sa mga tao na sumunod sa mga tuntunin, ngunit hindi niya sinasabi sa kanila kailanman kung anong mga prinsipyo ng katotohanan ang dapat nilang sundin, o kung bakit nila dapat gawin ang isang bagay, o kung ano ang kalooban ng Diyos, o kung paano isinasaayos ng sambahayan ng Diyos ang gawain nito; hindi niya sinasabi kailanman kung ano ang gawaing pinakakailangang-kailangan at mahalaga, o kung ano ang pangunahing gawain na dapat gawin nang maayos. Walang anumang sinasabi ang isang anticristo tungkol sa kritikal na mga bagay na ito. Sa paggawa at pagsasaayos ng gawain, hindi siya nagbabahagi kailanman tungkol sa katotohanan, dahil hindi niya nauunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan. Kaya, ang tanging magagawa niya ay pagbilinan ang mga tao na sumunod sa partikular na mga tuntunin at doktrina—at kung sakaling lumabag ang isang tao sa kanyang mga sinasabi at tuntunin, sisisihin at pagagalitan niya ito. Ang isang anticristo ay kadalasang dala ang bandila ng sambahayan ng Diyos habang ginagawa niya ang kanyang gawain, nangangaral sa iba mula sa mas mataas na posisyon. May ilan pa nga na lubhang napupuspos ng kanyang mga pangaral kaya pakiramdam nila ay dinadaya nila ang Diyos kapag hindi nila ginawa ang inuutos ng anticristo. Ang ganitong uri ng tao ay kontrolado na ng anticristo. Anong uri ng pag-uugali ito sa parte ng isang anticristo? Pang-aalipin ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Inilarawan ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Sa pakikipagtrabaho kay Cameron, natuklasan kong magaan siyang kasama. Kapag may nangyayaring mali sa trabaho, tinatanggap niya ito kapag pinupuna ko siya at hindi niya ito sinusubukang pabulaanan. Inisip kong malamya siya at madaling pasunurin, kaya naging dominante ako sa kanya, at laging nasa akin ang huling pagpapasya sa lahat. Sa maraming pagkakataon, kapag nakikipagtalakayan ako sa kanya, iniraraos ko lang iyon. Sa huli, ako ang nagdedesisyon sa kung ano ang gagawin. At saka, may mga pag-iingat akong nabuo sa pamamahala sa mga bagay na mistulang walang problema at nakakatulong sa pamamahala ng mga bagay, ngunit hindi ko nabuo ang mga pag-iingat na ito batay sa nauugnay na mga prinsipyo. Nilikha ko ang mga ito upang tugunan ang mga problema ni Cameron. Masasabi mong pinasadya ang mga ito para sa kanya. Sa tuwing nabibigo siyang gawin ang mga pag-iingat na ito, nagkakaroon ako ng dahilan upang akusahan siya at sawayin siya, at wala siyang paraan para tumutol. Tulad na lamang noong nakaraan, noong hindi niya nagawa ang record sheet ayon sa bilin ko, walang pag-aatubili ko siyang pinagalitan at pinuwersa ko siyang gawin ang gusto ko. Naalala ko ang sinabi niya noong araw na iyon, “Kapag nakikita kong nagliligpit ka, sinusubukan kong magtago. Natatakot akong pupunahin mo akong muli kung hindi ko ‘yon magagawa nang tama.” Naging miserable ako dahil sa isiping iyon. Ang satanikong disposisyong ipinakita ko ay nagpatamlay sa puso ng aking kapatid at nakapigil sa kanya. Tulad na lamang ng inihayag ng salita ng Diyos, “Kung sakaling lumabag ang isang tao sa kanyang mga sinasabi at tuntunin, sisisihin at pagagalitan niya ito. Ang isang anticristo ay kadalasang dala ang bandila ng sambahayan ng Diyos habang ginagawa niya ang kanyang gawain, nangangaral sa iba mula sa mas mataas na posisyon. May ilan pa nga na lubhang napupuspos ng kanyang mga pangaral kaya pakiramdam nila ay dinadaya nila ang Diyos kapag hindi nila ginawa ang inuutos ng anticristo. Ang ganitong uri ng tao ay kontrolado na ng anticristo.” Sa wakas ay napagtanto kong seryoso ang aking problema. Simula nang makatuwang ko si Cameron, nabunyag na ang aking anticristong disposisyon. Wala akong katayuan sa kasalukuyan, pero kung mayroon akong katayuan, magiging mas madaling pumigil at kumontrol ng mga tao. Sa puntong iyon, hindi ba ako magiging isang anticristo? Kadalasan ay hindi ko pinagtutuunan ang paghahanap ng katotohanan o pagninilay sa aking sarili. Madalas akong nagpapakita ng tiwaling disposisyon nang hindi ko namamalayan. Labis ang pagiging manhid ko.

Naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Kung miyembro ka ng sambahayan ng Diyos, pero lagi kang padalos-dalos sa iyong mga kilos, laging inilalantad kung ano ang likas sa iyo, at laging ipinapakita ang tiwali mong disposisyon, ginagawa ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao at nang may tiwali, satanikong disposisyon, ang kahihinatnan sa huli ay ang paggawa mo ng masama at paglaban mo sa Diyos—at kung patuloy kang hindi magsisisi at hindi mo matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kakailanganin kang ilantad at palayasin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan). Naalala ko kung paano ko tinrato si Cameron. Para makapaglabas ng kawalang-kasiyahan at para sa panandaliang kaligayahan, lubos kong binalewala ang damdamin ng aking kapatid. Nang ako ay nagalit dahil sa hindi mabasang record sheet, pinangaralan ko si Cameron na parang batang nagkamali. Umupo lamang siya roon nang hindi umiimik, at nang inamin niyang siya’y nagkamali, malamig ko iyong hindi tinanggap. Nakapako ang imaheng iyon sa aking isip, imposibleng makalimutan. Nang mapag-isipan ko ito, hindi ko maipahayag ang pagkakonsensya at sakit sa aking puso. Tinanong ko ang aking sarili, “Paano mo nagawang tratuhin nang ganito ang iyong kapatid? Kahit kailan ay hindi ka nagbahagi o tumulong sa kanya, kaya ano ang karapatan mong pagalitan siya? Paano ka nagkaroon ng lakas ng loob na tawagin siyang kapatid?” Iniwan akong walang imik ng bawat tanong na ‘yon. Dati, iniisip ko lagi na si Cameron ang dapat sisihin, na siya ang may maraming pagkakamali at nagdudulot sa akin ng maraming problema. Ngayon ko napagtantong ako talaga ang may problema. Ako ang hindi nagbago, at ako ang masyadong mapagmataas at hindi makatao. Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos at sinabi kong gusto kong magsisi.

Hinanap ko kung paano itrato ang mga kapatid alinsunod sa mga prinsipyo. Sa salita ng Diyos, nabasa ko, “May mga prinsipyo dapat kung paano makikisalamuha ang mga kapatid. Huwag laging magtuon sa pagkakamali ng iba, kundi magnilay sa inyong sarili nang madalas, pagkatapos ay maging maagap sa pag-amin sa kapwa kung ano ang nagawa ninyo na nagsanhi sa pagkagambala o kapinsalaan sa kanila, at matuto kayong buksan ang inyong sarili at magbahagi. Itutulot nitong magkaroon ng pagkakaunawaan ang isa’t isa. Dagdag pa rito, kahit ano pa ang sumapit sa kanila, dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos. Kung nagagawa nilang maunawaan ang mga prinsipyo ng katotohanan at makahanap ng landas sa pagsasagawa, magkakaisa sila sa puso at isip, at magiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, at hindi sila magiging kasingwalang-habag, kasinglamig, at kasinglupit ng mga hindi mananampalataya, kaya naman matatanggal ang kanilang mentalidad ng pagdududa at kawalang-tiwala sa isa’t isa. Lalong magiging malapit ang loob ng mga kapatid sa isa’t isa; magagawa nilang suportahan ang isa’t isa, at mahalin ang isa’t isa; magkakaroon ng mabuting hangarin sa kanilang mga puso, at magkakaroon sila ng kakayahang maging mapagparaya at mahabagin sa isat isa, at susuportahan at tutulungan nila ang isa’t isa, sa halip na ibinubukod ang isa’t isa, naiinggit sa isa’t isa, sinusukat ang kanilang sarili sa iba, at palihim na nakikipagkumpitensya at nagiging mapanlaban sa isa’t isa. Paano magagampanang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin kung para silang mga hindi mananampalataya? Hindi lamang nito maaapektuhan ang pagpasok nila sa buhay, makakapinsala at makakaapekto din ito sa iba. … Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, napakahirap para sa kanila na maging payapa sa harapan ng Diyos, at napakahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay nang ayon sa mga salita ng Diyos. Para makapamuhay sa harapan ng Diyos, dapat muna ninyong matutuhan kung paano pagnilay-nilayan at kilalanin ang inyong sarili, at tunay na manalangin sa Diyos, at pagkatapos ay dapat ninyong matutuhan kung paano makisama sa mga kapatid. Dapat maging mapagparaya kayo sa isa’t isa, maging mapagbigay sa isa’t isa, magawang makita kung ano ang katangi-tangi sa isa’t isa, kung ano ang mga kalakasan ng iba—at dapat matutuhan ninyong tanggapin ang mga opinyon ng iba at ang mga bagay na tama. Huwag ninyong bigyang-layaw ang inyong sarili, huwag kayong magkaroon ng matatayog na hangarin at isiping lagi na mas mahusay kayo kaysa sa ibang mga tao, at pagkatapos ay isipin na bigating tao kayo, pinupuwersa ang ibang tao na gawin kung ano ang sinasabi ninyo, na sundin kayo, na tingalain kayo, at dakilain kayo—napakasama nito. … Kaya paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao? Hindi mahalaga sa Diyos kung ano ang hitsura ng mga tao, kung sila ba ay matangkad o maliit. Sa halip, tinitingnan Niya kung busilak ba ang kanilang puso, kung mahal ba nila ang katotohanan, kung mіnamahal ba nila at sinusunod ang Diyos. Ito ang pinagbabatayan ng Diyos ng Kanyang pakikitungo sa mga tao. Kung magagawa rin ito ng mga tao, magagawa nilang pakitunguhan ang iba nang patas, at sa gayon ay aayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan. Una sa lahat, dapat maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos. Kapag alam natin kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao, tayo rin ay magkakaroon ng prinsipyo at landas sa kung paano pakikitunguhan ang mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpasok sa Realidad ng Katotohanan). Tama. Kapag nakikipag-ugnayan tayo sa isa’t isa sa ating mga tungkulin, dapat man lang ay isabuhay natin ang normal na pagkatao, suportahan at tulungan ang bawat isa, maging mapagparaya at matiyaga, alagaan ang isa’t isa, magbahaginan ng katotohanan kapag ang mga tao ay lumalabag sa mga prinsipyo, at sa malalalang kaso, maaari natin silang ilantad, tabasan, at iwasto. Ito lamang ang paraan para gawin ang mga bagay nang naaayon sa mga prinsipyo. Ang mga kapatid ay nanggaling sa iba’t ibang lugar, at iba-iba ang kalagayan ng pamumuhay, karanasan, edad, at kakayahan ng lahat. Anuman ang kanilang mga kapintasan o mga kakulangan, dapat natin silang ituring nang tama, huwag kailanman humingi nang labis mula sa kanila, maging maunawain at mapagparaya sa kanila. Si Cameron ay magaling sa maintenance, at kadalasan ay abala. Dagdag pa, hindi siya magaling sa pamamahala ng mga rekord ng pumapasok at lumalabas na mga gamit. Dapat sana’y mas inako ko pa ang responsibilidad at mas naging maunawain ako, hindi ko dapat ipinilit na gawin niya ang mga bagay ayon sa aking pamamaraan. Lubos itong walang pagkatao. Mahusay ang aking kapatid sa maintenance, matapat sa kanyang pagkukumpuni, at hindi takot na mahirapan sa kanyang tungkulin. Sa aspetong ito, lubos siyang nakahihigit kaysa sa akin. Pero hindi ko tiningnan ang mga kalakasan ng aking kapatid. Pinagtuunan ko ang kanyang mga kakulangan, inakusahan siya, at pinagalitan siya. Masyado akong naging mapagmataas at hangal.

Kalaunan, sinadya kong baguhin ang aking kalagayan at nagsagawa ayon sa mga prinsipyo. Nang may mangyari ulit, mas kalmado na ako, at mas maunawain na rin ako kay Cameron. Isang beses, lumabas ako para asikasuhin ang isang gawain, at naiwan si Cameron para mag-isang mamahala sa mga bagay-bagay. Paglipas ng ilang sandali, tinawagan ko si Cameron para kumustahin ang pamamahala niya. Mahinahon at maingat niyang sinabi, “Ano sa tingin mo? Mismong sa paraang naiisip mo kung paano.” Nang marinig ko ito, lubha akong nalungkot. Bakit nasabi ng aking kapatid ang gayong bagay? Hindi ba dahil ito sa naging pagtrato ko sa kanya noon na dumaloy mula sa aking tiwaling disposisyon, at laging ipinaramdam sa kanyang wala siyang halaga’t hindi nakakagawa ng anumang mabuti? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nasasaktan, pero pinalakas nito ang aking determinasyon para isagawa ang katotohanan at baguhin ang aking sarili. Pinalubag ko ang loob ni Cameron, sa pagsasabing, “Tingnan mo lang ang paligid kung ano ang wala sa lugar at maglaan ng oras na magligpit. Malimit kang abala sa ibang mga bagay, kaya hindi maiiwasan ang kaunting kalat. Kung wala ka talagang oras para magligpit, pwede natin iyang pagtulungan pagbalik ko.” Pagkatapos ng tawag, naisip kong hindi kakayanin ni Cameron nang mag-isa, kaya nakiusap ako sa isang sister para tulungan siya. Noong nangyari ang tulad nito dati, lagi ko siyang pinagagalitan at sinasaway sa kanyang mga kamalian. Ngayon, kapag nangyayari ang ganito, nagagawa ko nang magbahagi at tumulong sa kanya, na nagpaparamdam sa akin ng kapayapaan at kaginhawahan. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos. Ngayon, mayroon na akong kaunting pag-unawa sa mapagmataas kong disposisyon, at medyo kaya ko nang pigilan ang aking sarili. Resulta ang lahat ng ito ng pagbabasa ko ng salita ng Diyos. Kahit na maliit na pagbabago ito, at hindi katumbas ng batayang pagbabago sa aking tiwaling disposisyon, masaya ako, dahil sa tingin ko ay magandang simula ito. Naniniwala akong kung lagi akong magsasagawa at papasok ayon sa mga salita ng Diyos, maiwawaksi ko ang aking tiwaling disposisyon. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Sinundan: 64. Pagkamulat ng Isang Huwad na Lider

Sumunod: 68. Ang Sakit na Dala ng Reputasyon at Katayuan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito