4. Huwag Pagdudahan Iyong Mga Ginagamit Mo: Tama Ba Ito?

Ni Lin Ping, Tsina

Noong Hulyo 2020, nahalal ako bilang lider, at pinamahalaan ko ang gawain ng ilang iglesia. Kahahalal lamang kay Sister Liu Jing bilang lider sa isa sa mga iglesiang iyon. Nakatrabaho ko na siya dati, at medyo kilala ko siya. Siya ay may hustong pag-iisip, matatag, tumitingin sa mga bagay-bagay mula sa lahat ng anggulo at nagdadala ng pasanin sa kanyang tungkulin. Lagi niya akong tinutulungan gamit ang pagbabahagi ng mga salita ng Diyos kapag nagkakaroon ako ng mga problema o paghihirap. Pakiramdam ko’y maaasahan naman siya, kaya hindi ko na masyado kailangang alalahanin ang kanyang iglesia at maibibigay ko ang higit na lakas ko sa iba pang iglesia. Kaya, pagkatapos pagbilinan si Liu Jing kung paano aasikasuhin ang iba’t ibang proyekto, hindi ko na masyadong inalala ang gawain niya. Sa panahong ito, nakita kong may landas siya sa gawain niya at nakakukuha ng mga resulta sa bawat proyekto niya, at lalo pang napalagay ang isipan ko dahil dito. Naisip ko na kahit na hindi ko sinusuri ang mga bagay-bagay, mabilis niyang malulutas ang anumang paghihirap o problemang kahaharapin niya. Kaya sa loob ng sunud-sunod na tatlong buwan, hindi ko sinuri o detalyadong kinumusta ang gawaing pinamamahalaan niya, at inirekomenda pa nga siya bilang kandidato para sa mas mataas na posisyon ng pamumuno.

Tapos noong Disyembre, nakatanggap ako ng liham mula sa lider ko na nagsasabing nasuri ng ilang kapatid na hindi gumagawa ng praktikal na gawain si Liu Jing. Sinabihan niya ako na kumustahin at siyasatin ang gawain nito, at sinabi na, sa ngayon, hindi ito angkop na kandidato para sa pamumuno. Nabigla talaga ako nang makita ito: “Hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain? Paano nangyari ito? Kung ganito ang sitwasyon, paano nagkakaroon ng mga resulta ang iglesia niya sa gawain nito nitong nakaraang ilang buwan? Katatapos pa lang magsanay bilang lider ng kapareha niyang si Sister Wu Xinming, kaya hindi pa ito lubos na pamilyar sa gawain. Hindi ba’t ibig sabihin niyon ay si Liu Jing ang umaako sa lahat ng gawain para sa iglesiang iyon? Pinagbabatayan lang ba ng lider ang sinasabi sa mga pagsusuring iyon nang hindi talaga nauunawaan ang sitwasyon? Nakatrabaho ko na si Liu Jing noon at mayroon akong mabuting pagkakilala sa kanya. Kamakailan, nagkaroon ng ilang pag-aresto roon. Malamang na hinaharap niya ang resulta niyon, at wala nang oras para sa iba pang bagay. Kahit na tila nga hindi siya gumagawa ng tunay na gawain, katanggap-tanggap naman iyon. Hindi ako pwedeng magkamali tungkol sa kanya.” Tiningnan ko ang mga pagsusuri mula sa mga kapatid at natuklasan kong isinulat nila ang mga paraang hindi nakagawa si Liu Jing ng mga praktikal na gawain sa tungkulin niya noon. Napaisip ako, “Ano ba ang problema nila? Pinanghahawakan lang nila ang mga dating paglabag ni Liu Jing sa halip na tingnan kung nagbago na ba siya. Maayos ang takbo ng mga proyekto niya nitong nakaraang ilang buwan. Nakagagawa siya ng praktikal na gawain.” Ipinaliwanag ko ang sitwasyon sa lider at iminungkahi na tulutan si Liu Jing na tumakbo sa halalan.

Pagkalipas ng ilang araw, nang makitang hindi ko sineseryoso ang bagay na iyon at pinangangatwiranan pa rin si Liu Jing, pinaalalahanan ako ng lider, “Kailangan nating tingan ang mga bagay-bagay alinsunod sa salita ng Diyos. Ang lahat ng tao ay may tiwaling disposisyon; hangga’t hindi pa sila nagkakamit ng katotohanan at nagagawang perpekto, walang sinuman ang maaasahan—lahat tayo ay pwedeng gumawa ng mga bagay-bagay sa sarili nating paraan, at batay sa ating tiwaling disposisyon. Kung walang pangangasiwa, makagagawa ang kahit na sino ng mga bagay na lumalaban sa Diyos at nakapipinsala sa gawain ng iglesia. Pagdating sa gawain ng iglesia, hindi tayo pwedeng magkaroon ng lubos na tiwala sa kahit sinong tao. Kailangan natin ng aktwal na pagkakamali at pangangasiwa upang matuklasan at malutas ang mga problema sa oras. Ito ay pag-ako ng responsibilidad para sa gawain ng iglesia.” Sinabi ko na gagawin ko ito, pero iniisip ko, “Ang pangangasiwa ay makatuwiran, pero hindi ako dapat maging mapaghinala sa lahat ng bagay. Hindi ba’t ang lahat ay nagnanais na hangarin ang katotohanan at gawin nang maayos ang isang tungkulin? Ang sambahayan ng Diyos ay hindi katulad ng panlabas na mundo. Dapat ay pagkatiwalaan ng mga kapatid ang isa’t isa, hindi bantayan nang mabuti ang isa’t isa. Sinabi ko na sa iyo na may konteksto sa hindi paggawa ni Liu Jing ng ilan sa gawain niya, pero hindi ka naniniwala roon. Sisiyasatin ko ang mga bagay-bagay para ipakita sa iyo na hindi siya ganoong klase ng tao.” Kaya, siniyasat ko ang gawain ni Liu Jing. Hindi nagtagal ay natuklasan ko na inako ng dati niyang kapareha na si Xinming ang karamihan ng kanilang gawain. Simula nang mailipat ito kamakailan, nagsimula nang bumagsak ang mga proyekto nila. Isa pa, sinabihan ko si Liu Jing na tanggalin ang isang hindi angkop na lider ng grupo na nagngangalang Chen, at hindi pa rin ito nagagawa. Hindi rin niya magawang makipagtrabaho nang maayos sa diyakono ng pagdidilig at hindi nakasasabay sa gawain ng pagdidilig ng mga baguhan. Nang makita ko kung ano ang nagawa ni Liu Jing sa gawain ng iglesia, medyo nakonsensya ako. Pinaalalahanan ako ng lider na kumustahin at pangasiwaan ang kanyang gawain, pero hindi ko ginawa iyon dahil masyadong malaki ang tiwala ko sa kanya. Naisip ko na yamang nasa pwesto na siya, dapat siyang mabigyan ng karapatan na magtrabaho nang malaya. Kailanman ay hindi ko inakala na magkakaganito ito. Nagbalik-tanaw ako sa mga pakikipag-ugnayan namin noon—mukhang hindi siya ang klase ng tao na puro salita lang, pero hindi gumagawa ng tunay na gawain. May mga kakaibang pangyayari ba na umaantala sa kanya? Habang pinag-iisipan ko ito, sinabi ni Liu Jing, “Ang ilan sa ating mga kapatid ay inaresto kamakailan. Naging mahirap ang pagharap sa mga resulta niyon at wala pa akong oras para sa lahat.” Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ko ito. Kagaya nga ng sinabi ko—hindi si Liu Jing ang klase ng tao na hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Malaking oras at lakas niya ang kinain ng pamamahala sa lahat ng gawaing iyon pagkatapos ng pang-aaresto. Hindi nagawa nang mabuti ang ilang gawain, pero may mga dahilan iyon. Walang sinuman ang perperktong nakagagawa ng tungkulin. Kaya, nagbahagi ako sa kanya tungkol sa mga panganib at kahihinatnan ng hindi paggawa ng praktikal na gawain, at sinabihan siyang tanggalin agad-agad si Chen. Sumang-ayon siya rito. Ngunit lumipas na ang ilang panahon, at nabalitaan kong hindi pa rin natatanggal si Chen. Mabilis akong pumunta para alamin ang kalagayan ng tungkulin ni Liu Jing. Sinabi sa akin ng kapareha niya, “Sa tuwing inaatasan mo kami ng gawain, lubos iyong sinasang-ayunan ni Liu Jing, pero hindi ko siya nakikitang ipinatutupad ang alinman sa mga ito. Katatanggap ko lang sa posisyon ng pamumuno, kaya hindi ako pamilyar sa mga detalye ng gawain, at hindi niya ako tinulungan. Kapag nahaharap sa mga problema o paghihirap, kailangan kong mangapa sa pamamagitan ng pagsandig sa Diyos.” Natigilan ako sa narinig ko sa sister. Paano nangyaring hindi nakagawa ng anumang tunay na gawain si Liu Jing? Hindi naman siya naging ganoon dati. Nakipagtipon ako sa kanya sa panahong ito—bakit hindi ko napansin ang mga problema sa kanya? Masyadong malaki ang tiwala ko sa kanya, at hindi ko pinangangasiwaan o sinisiyasat ang gawain niya. Nangangahulugan ito na isang hindi angkop na lider ng grupo ang nanatili sa pwesto nang napakatagal, at walang nangangasiwa sa pagdidilig ng mga baguhan. Naantala nito ang gawain ng iglesia at ang pagpasok sa buhay ng iba. Nakagawa ako ng masama.

Nang makita ko si Liu Jing pagkatapos niyon, sinabi niyang iwinasto siya ng ilang kapatid sa nakaraang dalawang araw dahil hindi siya nakagawa ng praktikal na gawain. Talagang nagsisisi siya. Umiiyak siya, sinasabing naging iresponsable siya at iniraraos lang ang kanyang gawain, at na wala siyang pagkatao. Naisip kong napagtanto na niya kung gaano kalubha ang mga problema niya, at siguradong magbabago na siya pagkatapos niyon. Bibigyan ko siya ng isa pang pagkakataon para magsisi, hindi muna siya tanggalin, at bibigyan siya ng higit pang suporta mula ngayon. Kaya ipinaalam ko ang kanyang mga problema at sinabihan siyang itama agad-agad ang kanyang mga pagkakamali, at tanggalin ang lider ng grupo na iyon. Puro siya mga pangako, ngunit kahit pa tinanggal niya nga si Chen kalaunan, sa pangkalahatan ay hindi pa rin nagbunga ng mga resulta ang gawain. Kalaunan, binanggit sa akin ng iba na may natuklasan silang ilang malubhang problema kay Liu Jing. Matapos maaresto ang ilang kapatid, hindi niya kaagad pinrotektahan ang ari-arian ng iglesia, at hindi maagap na nakipagtulungan sa mga proyekto, na nangangahulugang walang anumang natapos. Ang pinakanakaiinis ay hindi niya agad iwinasto ang masasamang tao na nakagagambala sa iglesia, bagkus ay naging abala sa kanyang mga personal na gawain, inilalagay sa kaguluhan ang gawain ng iglesia. Nakita kong hindi gumagawa ng anumang praktikal na gawain si Liu Jing at hindi talaga tunay na nagsisisi. Lubos akong nakonsensya. Kailanman ay hindi ko inakalang magkakaganoon ang mga bagay-bagay. Naging bahagi ako ng kanyang kasamaan at nakagawa ng mga paglabag sa harap ng Diyos. Napoot din ako sa sarili ko dahil masyado akong nagtitiwala, at dahil hindi ko kinumusta nang mas maaga ang gawain niya. Labis iyong nakapinsala sa gawain ng iglesia. Pinuntahan ko kaagad si Liu Jing para kausapin at inilantad ko ang bawat isa sa mga pag-uugali niya, at tinanggal ko siya sa huli.

Pagkatapos ay pinagalitan ako ng lider, “Bakit ba masyado kang nagtiwala sa kanya? Ipinagkatiwala mo sa kanya ang ganoon kahalagang gawain nang hindi ito pangangasiwaan o sinisiyasat. Paano mo nagawang maging masyadong maluwag?” Nagbasa rin siya ng ilang salita ng Diyos para sa akin. “Hindi susuriin ng mga huwad na lider ang mga superbisor na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain, o nagpapabaya sa kanilang mga responsibilidad. Iniisip nila na kailangan lang nilang pumili ng isang superbisor at magiging maayos na ang lahat; pagkatapos niyon, bahala na ang superbisor sa lahat ng usapin sa gawain, at ang kailangan lang nilang gawin ay magdaos ng pagtitipon nang madalas, hindi nila kailangang bantayan ang gawain o kumustahin iyon, maaari silang hindi makialam. Kung may nagpapaalam na may problema sa isang superbisor, sasabihin ng huwad na lider na, ‘Maliit na problema lang iyon, ayos lang. Kaya mo nang mag-isa iyan. Huwag mo na akong tanungin.’ Sasabihin ng taong nagpapaalam sa isyu na, ‘Tamad ang masibang superbisor na iyon. Wala siyang ginagawa kundi kumain at libangin ang sarili niya, at napakatamad niya. Ayaw niyang mahirapan kahit kaunti sa tungkulin niya, at lagi siyang naghahanap ng mga paraan para mandaya at magdahilan para makaiwas sa kanyang gawain at mga responsibilidad. Hindi siya karapat-dapat na maging superbisor.’ Sasagot ang huwad na lider ng, ‘Ayos lang siya noong piliin siyang maging superbisor. Hindi totoo ang sinasabi mo, o kahit pa, pansamantala lang ang ipinamamalas niya.’ Hindi sinusubukang tuklasin ng huwad na lider ang iba pa tungkol sa sitwasyon ng superbisor, pero hinuhusgahan at pinagpapasyahan ang usapin batay sa kanyang mga nakaraang impresyon sa taong iyon. Sino man ang nagpapaalam ng mga problema tungkol sa superbisor, hindi iyon pinapansin ng huwad na lider. … May malaki ring kamalian ang mga huwad na lider: Mabilis silang magtiwala sa mga tao batay sa sarili nilang mga imahinasyon. At bunga ito ng hindi pagkaunawa sa katotohanan, hindi ba? Paano inihahayag ng salita ng Diyos ang diwa ng tiwaling sangkatauhan? Bakit kailangan nilang magtiwala sa mga tao kung ang Diyos nga ay hindi? Sa halip na husgahan ang mga tao ayon sa kaanyuan, palaging inoobserbahan ng Diyos ang kanilang mga puso—kaya bakit kailangan ng mga huwad na lider na maging napakakaswal kapag hinuhusgahan nila ang iba at pinagkakatiwalaan sila? Masyadong may labis na pagtingin sa sarili ang mga huwad na lider, hindi ba? Iniisip nila na, ‘Hindi ako nagkamali sa pagpili sa taong ito. Wala naman sigurong magiging problema; tiyak na hindi siya isang taong manloloko, na gustong magpakasaya at ayaw magtrabaho nang mabuti. Lubhang maaasahan at mapagkakatiwalaan siya. Hindi siya magbabago; kung magbago man siya, mangangahulugan iyon na nagkamali ako tungkol sa kanya, hindi ba?’ Anong uri ng lohika ito? Isa ka bang eksperto? May paningin ka bang gaya ng x-ray? Natatanging kasanayan mo ba ito? Maaaring makasama mo ang taong ito nang isa o dalawang taon, subalit magagawa mo kayang makita kung ano talaga siya nang walang angkop na kapaligiran para lubos na mailantad ang kanyang kalikasan at diwa? Kung hindi siya inilantad ng Diyos, maaaring kasa-kasama mo siya sa loob ng tatlo, o kahit limang taon pa nga, at mahihirapan ka pa ring makita kung ano talaga ang uri ng kalikasan at diwang mayroon siya. At gaano pa kaya katotoo iyon kapag madalang mo siyang makita, kapag madalang mo siyang makasama? Basta-basta ka nagtitiwala sa kanya batay sa isang panandaliang impresyon o positibong pagtatasa ng ibang tao sa kanya, at naglalakas-loob na ipagkatiwala ang gawain ng iglesia sa ganoong mga tao. Sa bagay na ito, hindi ka ba nagiging bulag na bulag? Hindi ka ba nagiging padalos-dalos? At kapag ganito sila magtrabaho, hindi ba nagiging lubhang iresponsable ang mga huwad na lider?(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Pagkabasa sa mga salita ng Diyos, sinabi ng lider, “Kahit kailan ay hindi natin tunay na makikita ang diwa ng isang tao, kaya kailangan nating suriin at kumustahin nang regular ang gawain niya. Pagkatapos ay makikita natin ang mga kamalian at problema sa gawain niya at mababago at malulutas ang mga bagay-bagay sa oras. Mapababagsak na ni Liu Jing ang gawain ng iglesia pagkaraan lamang ng ilang buwan. Ito ang mga kahihinatnan ng pagkakaroon mo ng labis na pagtingin sa sarili, ng pagkakaroon ng labis na tiwala sa kanya at hindi pangungumusta o pagsusuri sa kanyang gawain. Paggawa iyon ng masama!” Dahil sa mga paghahayag ng mga salita ng Diyos at sa pagbabahagi ng lider, nakaramdam ako ng takot pagkatapos niyon, at nabalisa at nakonsensya ako. Napoot ako sa sarili ko dahil sa hindi pagtingin sa mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos, bagkus ay pikit-matang nagtiwala sa isang tao, na nakapinsala sa gawain ng iglesia. Sa pagbabalik-tanaw kung paano ko hinarap ang mga problema ni Liu Jing, hindi sa hindi ko nakita ang mga iyon, kundi sa tuwing nakikita ko ang mga iyon, kumakapit ako sa sarili kong paniniwala. Nagbatay ako sa dati kong karanasan sa kanya para pikit-matang tukuyin na isa siyang responsableng tao na may pasanin sa kanyang tungkulin na nararapat pagkatiwalaan. Sa wakas ay ipinakita sa akin kapwa ng pagsisiwalat ng mga katunayan at ng paglalantad ng mga salita ng Diyos na ang panandaliang pagkilos nang maayos at paggawa ng tunay na gawain ay hindi nangangahulugang laging magiging ganoon ang isang tao. Wala pang sinuman sa atin ang nagkakamit ng katotohanan, hindi pa nagbabago ang mga disposisyon natin sa buhay, kontrolado tayo ng ating tiwaling kalikasan, maaari pa rin nating iraos lang ang gawain at linlangin ang Diyos, at kung minsan ay gagawin lang natin ang gusto natin, kaya hindi tayo karapat-dapat pagkatiwalaan. Hindi mo talaga mauunawaan ang isang tao nang walang mahabang panahon ng pakikipag-ugnayan at obserbasyon, at, kahit na ganoon, maaaring hindi mo pa rin siya lubos na kilala. Kailangan mong malaman ang katotohanan para makita ang diwa ng isang tao. Nakatrabaho ko lang si Liu Jing sa maikling panahon, pero inakala kong kilalang-kilala ko na siya at hindi na ako magkakamali sa paghusga sa kanya. Masyado ko siyang pinagkatiwalaan, hindi ko kinumusta o sinuri ang gawain niya. Paulit-ulit na akong pinaalalahanan ng lider, pero pikit-mata ko pa ring pinagkatiwalaan ang sarili kong opinyon—napakamapagmataas ko at labis ang tingin ko sa sarili, at talagang hindi ko pinanagutan ang gawain. Nagsisi ako nang mapagtanto ko ito, at ayaw ko nang manatiling ganoon.

Kalaunan, pinagnilayan ko ang aking sarili—bakit ba masyado kong pinagkatiwalaan si Liu Jing nang hindi kinukumusta ang gawain niya? Ano ang ugat nito? Isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ligtas na sabihin na halos lahat ng tao ay itinuturing ang kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’ bilang katotohanan, at nalilinlang at nakatali sila rito. Naguguluhan at naiimpluwensyahan sila nito kapag pumipili o naghihirang sila ng mga tao, at hinahayaan pa nila itong diktahan ang kanilang mga kilos. Dahil dito, maraming lider at manggagawa ang palaging nahihirapan at nag-aalala tuwing sinusuri nila ang gawain ng iglesia at itinataas nila ng ranggo at hinihirang ang mga tao. Sa huli, ang tanging magagawa nila ay aliwin ang sarili nila sa mga salitang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.’ Tuwing nagsisiyasat sila o nagtatanung-tanong tungkol sa gawain, iniisip nila na, ‘“Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Dapat akong magtiwala sa aking mga kapatid, tutal naman, nakamasid ang Banal na Espiritu sa mga tao, kaya hindi ako dapat magduda at sumubaybay palagi sa iba.’ Naimpluwensyahan na sila ng kasabihang ito, hindi ba? Ano ang mga resultang dulot ng impluwensya ng kasabihang ito? Una sa lahat, ang katapatan mo ay hindi sa salita ng Diyos, hindi sa atas ng Diyos sa iyo, at hindi sa Diyos, ito ay isang satanikong pilosopiya sa pamumuhay at isang satanikong pag-iisip. Naniniwala ka sa Diyos samantalang lantaran mong pinagtataksilan ang Diyos at ang salita ng Diyos. Mabigat na problema ito, hindi ba? Pangalawa, hindi lang ito kabiguang sundin ang salita ng Diyos at gawin ang iyong mga tungkulin, ito ay ayon sa mga pakana at pilosopiya sa pamumuhay ni Satanas na para bang ang mga ito ang katotohanan, at pagsunod at pagsasagawa ng mga iyon. Sinusunod mo si Satanas at namumuhay ka ayon sa isang satanikong pilosopiya, hindi ba? Ang paggawa nito ay nangangahulugan na hindi ka isang taong sumusunod sa Diyos, lalo nang hindi ka isang taong sumusunod sa mga salita ng Diyos. Salbahe ka. Ang pagsasantabi ng mga salita ng Diyos, at sa halip ay sinusunod ang isang satanikong kasabihan at isinasagawa ito bilang katotohanan, ay pagtataksil sa katotohanan at sa Diyos! Nagtatrabaho ka sa sambahayan ng Diyos, pero kumikilos ka ayon sa satanikong pag-iisip at pilosopiya sa pamumuhay, anong klaseng tao ka? Ito ay isang taong sumusuway sa Diyos at isang taong labis na hinihiya ang Diyos. Ano ang diwa ng kilos na ito? Hayagang pagkondena sa Diyos at hayagang pagtanggi sa katotohanan. Hindi ba’t iyan ang diwa nito? Dagdag pa sa hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos, hinahayaan mong lumaganap sa iglesia ang mga kamalian ni Satanas at ang mga satanikong pilosopiya sa pamumuhay. Sa paggawa nito, nagiging kasabwat ka ni Satanas at tinutulungan mong kumilos si Satanas sa iglesia. Malubha ang diwa ng problemang ito, hindi ba?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Namumuhay ako ayon sa satanikong pilosopiya na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo,” iniisip na yamang pakiramdam ko’y ayos naman ang isang tao, at nasa pwesto pa rin siya, kailangan kong magtiwala sa kanya. Kaya naman napakalaki ng tiwala ko kay Liu Jing at hindi ko kinumusta o inunawa ang gawain niya. Kahit nang nalantad ang mga problema niya at pinaalalahanan ako ng lider na suriin ang kanyang gawain, hindi ko pa rin ito inintindi. Inisip kong ang pangungumusta at pangangasiwa sa gawain niya ay nangangahulugan ng kawalan ng tiwala, at kahit na nalaman kong hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain, nang marinig ko siyang umiiyak, nagkukwento tungkol sa kanyang mga tunay na paghihirap at nagpapahayag ng pagsisisi, nagpasya akong paniwalaan siya sa halip na tanggalin siya, pinahintulutan siyang pinsalain ang gawain ng iglesia at labis na pinsalain ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid. Bilang isang lider, hindi lamang ako nabigong protektahan ang gawain ng iglesia, kundi umakto ako bilang pananggalang para sa isang huwad na lider. Naging isa akong sagabal, isang balakid sa landas, para sa gawain ng iglesia. Ito ang mga kinahinatnan ng pagtrato ko sa mga tao batay sa satanikong kabulaanan na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo.” Kinikilatis ito ngayon batay sa mga salita ng Diyos, nakita ko kung gaano talaga kakakatwa ang perspektibong ito. Lubos itong salungat sa mga salita ng Diyos at sa hinihingi Niya. Ang hinihingi ng Diyos na pangasiwaan at kumustahin ng mga lider ang gawain ay batay sa diwa ng tiwaling sangkatauhan. Dahil ang tao ay may tiwaling disposisyon, bago natin makamit ang katotohanan o mabago ang ating mga disposisyon sa buhay, hindi tayo maaasahan at hindi mapagkakatiwalaan. Maging ang mga taong may mabuting pagkatao ay maaaring gawin ang gusto nila at gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, dahil hindi nila alam ang katotohanan, hindi sila maprinsipyo sa kanilang mga kilos, at may mga tiwaling disposisyon. Hindi iyon maitatanggi ninuman. Hinihingi ng Diyos na pangasiwaan ng mga lider at manggagawa ang gawain dahil nauunawaan ng Diyos ang diwa ng mga tao. Ang pangangasiwa at pagsusuri sa gawain ay nakatutulong sa mga tungkulin natin, at kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Pero itinutulak tayo ng satanikong ideya na, “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho,” na pikit-matang magtiwala sa iba, sa pag-iisip na ang pagpapasa ng gawain ay nangangahulugang pwede na nating hayaan ang taong iyon na gawin ang anumang gusto niya, at na ang pagsusuri at pangangasiwa sa gawain niya ay nagpapakita ng kawalan ng tiwala. Kung panghahawakan natin ang pananaw na ito habang ginagawa ang ating tungkulin, at hindi natin kukumustahin ang gawain sa oras, makaaantala at makapipinsala lang ito sa gawain ng iglesia. Ang paggawa sa isang tungkulin pero hindi pagtingin sa mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos, hindi pagsasagawa sa hinihingi Niya, at sa halip ay paniniwala at pagtataguyod sa mga satanikong pilosopiya at pagsunod sa mga maling paniniwala ni Satanas na para bang ang mga iyon ang katotohanan, ay pagtatatwa sa katotohanan at pagtataksil sa Diyos. Pagtayo ito bilang kasabwat ni Satanas at paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Lalo akong natatakot habang iniisip ito. Nakita kong wala akong mga prinsipyo sa tungkulin ko, at na hindi ako nagbabatay sa mga salita o hinihingi ng Diyos. Hindi sinasadyang nakagagawa ako ng masama. Ang mga kahihinatnan ng hindi paggawa sa tungkulin ko batay sa mga prinsipyo ng katotohanan ay talagang nakatatakot!

Isang araw, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Naniniwala ka ba na tama ang kasabihang ‘Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho, at huwag kunin sa trabaho ang mga taong pinagdududahan mo’? Totoo ba ang kasabihang ito? Bakit gagamitin ng isang tao ang kasabihang ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pagtupad sa kanyang tungkulin? Ano ang problema rito? Malinaw na mga salita ito ng mga hindi nananalig, mga salitang nagmumula kay Satanas—kaya bakit nila itinuturing na katotohanan ang mga iyon? Bakit hindi nila masabi kung tama o mali ang mga iyon? Malinaw na mga salita ito ng tao, mga salita ng tiwaling sangkatauhan, talagang hindi katotohanan ang mga ito, lubos na salungat ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at hindi dapat magsilbing pamantayan sa mga kilos, ugali, at pagsamba sa Diyos ng mga tao. Kaya paano nararapat unawain ang kasabihang ito? Kung talagang kaya mong magpakita ng pagkakaiba, anong klaseng pamantayan ang dapat mong gamitin sa halip na ito para magsilbing prinsipyo mo sa pagsasagawa? Ang nararapat na pamantayan ay ‘isagawa ang iyong tungkulin nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong isipan mo.’ Ang paggawa ng mga bagay-bagay nang buong puso mo, at buong kaluluwa mo, at buong isipan mo ay nangangahulugan na anuman ang isipin ng iba, ito ay responsibilidad mo, tungkulin mo, kaya dapat mong tuparin ang iyong responsibilidad, isagawa ang iyong tungkulin, kumilos ayon sa prinsipyo, gawin ang mga bagay-bagay kung paano nararapat gawin ang mga iyon, itanong kung ano ang kailangang itanong, pungusan at iwasto ang mga nangangailangan nito, at tanggalin ang mga hindi karapat-dapat. Hindi ba’t ito ang prinsipyo?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Ekskorsus). “Kahit ano pang mahalagang gawain ang ginagawa ng isang lider o manggagawa, at kahit ano pa ang kalikasan ng gawaing ito, ang numero uno niyang prayoridad ay alamin kung ano na ang nangyayari sa gawain. Dapat naroroon mismo siya upang mag-asikaso ng mga bagay-bagay at magtanong, upang siya mismo ang makakuha ng impormasyon. Hindi siya dapat umasa lang sa mga naririnig niya, o makinig lang sa mga ulat ng ibang tao; sa halip, dapat maobserbahan mismo ng kanyang mga mata kung ano ang lagay ng mga kawani, kung umuunlad ba ang gawain, at malaman kung anong mga problema ang mayroon, kung may anumang aspeto ba ng gawain ang hindi ayon sa mga hinihingi ng Itaas, kung may nilabag bang mga prinsipyo ang mga gampaning pang-espesyalista, kung mayroon bang anumang kaguluhan o pagkagambala, kung kulang ba ang mga kailangang kagamitan, o mga materyales sa pagtuturo para sa isang partikular na gampanin—dapat alam niya ang lahat ng ito. Kahit gaano pa karaming ulat ang pakinggan niya, o kahit gaano pa ang malaman niya mula sa mga naririnig niya, pinakamainam pa ring bumisita nang personal kaysa sa mga ito. Mas tumpak at maaasahan kapag nakikita mismo ng sarili niyang mga mata ang mga bagay-bagay; sa sandaling maunawaan na niya ang sitwasyon, magkakaroon siya ng malinaw na ideya sa kung ano ang nangyayari. Ang lalong mahalaga pa ay isang malinaw at tumpak na pagkaunawa sa kung sino ang may mabuting kakayahan at karapat-dapat na linangin, napakahalaga nito para magawa ng mga lider at manggagawa nang maayos ang kanilang gawain. Ang mga lider at manggagawa ay dapat may landas sa kung paano lilinang at magsasanay ng mga taong may mabuting kakayahan, dapat may mahusay silang pagkaintindi at mahusay na pagkaunawa sa iba’t ibang uri ng problema at paghihirap na nagaganap sa panahon ng gawain, at alam kung paano lutasin ang mga paghihirap na ito, at dapat may sarili rin silang mga ideya at mungkahi kung paano mapauunlad ang gawain, o ang mga pagkakataon nito sa hinaharap. Kung malinaw silang nakapagsasalita tungkol sa gayong mga bagay nang walang kahirap-hirap, nang walang anumang pagdududa o agam-agam, kung magkagayon ay lalong magiging madaling isagawa ang gawaing ito. At sa paggawa nito, magagampanan ng isang lider ang kanyang mga responsibilidad, hindi ba? Dapat isaalang-alang ng mga lider at manggagawa ang lahat ng ito, dapat nilang pakatandaan ang mga ito, at dapat palagi nilang iniisip ang mga bagay na ito. Kapag may nasasagupa silang mga paghihirap, dapat bumalik sila upang makipagbahaginan at talakayin ang mga bagay na ito sa lahat, at hanapin ang katotohanan upang maremedyuhan ang isyu. Kung nakabatay sa realidad ang kanilang gawain, walang anumang paghihirap ang hindi makakayang lutasin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa). Ibinigay sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa para sa paggawa ng praktikal na gawain. Kailangan nating tuparin ang mga responsibilidad natin nang buong puso, buong isip natin. Kahit sino pa ito, kilala man nila ito o hindi, ang isang lider na may tunay na pasanin at tunay na pagpapahalaga sa responsibilidad ay palaging kukumustahin at aalamin ang pag-usad ng gawain, at lulutasin ang mga problema sa oras na matuklasan ang mga ito. Kung ang isang tao ay hindi angkop, ililipat niya ito agad-agad. Nakikipagtulungan siya sa lahat para malutas ang anumang paghihirap o problemang kinahaharap, at sama-samang hinahanap ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Tinitiyak nito na mayroong maayos at wastong pag-usad ang mga proyekto ng iglesia. Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, nalaman ko kung bakit pinanghawakan ko pa rin ang satanikong kabulaanan na, “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho,” kahit na alam kong kailangan kong maging responsable sa tungkulin ko. Iyon ay dahil pinanghahawakan ko ang isang kakatwang ideya, iniisip na ang pagbabantay sa gawain ng isang tao ay kawalan ng tiwala, na nahihigpitan sila rito at pinagkakaitan sila ng kalayaan, gaya ng pagiging isang tagapangasiwa sa panlabas na mundo. Ngayon ay nakita ko nang kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos na pangasiwaan at ipatupad ng mga lider at manggagawa ang gawain, hindi ito pagpipigil sa sinuman o hindi pagtitiwala sa kanila. Bagkus ay ginagawa ito upang mahanap ang mga problema at mabilis na maayos ang mga ito. Ito ay para tulungan ang mga kapatid na magawa nang mabuti ang kanilang tungkulin at protektahan ang mga interes ng iglesia. Ilan sa mga gawain ng isang lider ay mangasiwa at mangumusta sa gawain, para maunawaan at maintindihan ang pamamaraan ng bawat tao sa gawain, mahanap ang mga paglihis at problema, at mabilis na maituwid at malutas ang mga ito. Nababawasan nito ang mga kalugihang dala ng mga pagkakamaling mula sa pagiging iresponsable sa mga tungkulin ng mga tao. Iyon ang pag-ako ng responsibilidad para sa pagpasok sa buhay ng mga kapatid, at para sa gawain ng iglesia.

Pagkatapos niyon, detalyado kong siniyasat ang gawain ng bawat lider ng iglesia, at kahit pa pamilyar sila sa akin, masigasig kong siniyasat ang pag-usad ng mga proyektong pinamamahalaan nila. Sa pamamagitan ng aktwal na pagsusuring iyon, nakita ko ang isang lider na nagngangalang Xia na hindi gumagawa ng praktikal na gawain o lumulutas ng mga tunay na problema. Mayroon din siyang mapaminsalang pagkatao, nang-aatake at nambubukod ng iba; ito ay mga gawa ng isang napakasamang kalikasan, at agad-agad namin siyang tinanggal. Kalaunan ay nalaman namin ang tungkol sa marami pang ibang masamang bagay na nagawa niya sa pamamagitan ng mga ulat ng mga kapatid, at ayaw pa rin niyang magsisi pagkatapos ng maraming pagbabahagi na naglalantad sa kanya. Sa huli ay natukoy namin na isa siyang anticristo at itiniwalag siya sa iglesia. Nang makita ko ang mga resultang ito, nagbalik-tanaw ako nang may takot. Kung hindi ko napagdaanan ang lahat ng iyon tungkol kay Liu Jing, na nagpabago sa mali kong ideya na “Huwag pagdudahan ang mga taong kinukuha mo sa trabaho,” hindi ko sana maiisipang pangasiwaan o siyasatin ang gawain ni Xia. Patuloy pang mapipinsala ng anticristong iyon ang mga kapatid sa iglesia. Magiging kahindik-hindik ang mga kahihinatnan niyon. Ipinakita sa akin ng pagsasagawa dito ang kahalagahan ng pangangasiwa at pagsusuri sa gawain. Sa wakas ay nadama ko ang kapanatagan ng isip na mula sa paggawa ng praktikal na gawain.

Ipinakita sa akin ng karanasang ito na ang paggawa sa isang tungkulin nang hindi tumitingin sa mga tao at bagay-bagay alinsunod sa mga salita ng Diyos o nagsasagawa ng katotohanan, at sa halip ay nagtataguyod ng satanikong lohika at mga ideya, ay paglaban sa Diyos at paggambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Kailangan nating sundin ang mga hinihingi ng Diyos tungkol sa pangungumusta at pangangasiwa sa gawain para magawa nang maayos ang isang tungkulin at maprotektahan ang gawain ng iglesia. Ang paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos ang nagpabago sa maling ideya ko. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 3. Pananatiling Tapat sa Aking Tungkulin Sa Gitna ng Paghihirap

Sumunod: 5. Ang Pagganap ng Tungkulin ay Imposible Kung Walang Pagkamatapat

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito