18. Paano Makalaya Mula sa Mababang Pagpapahalaga sa Sarili

Ni Mi Jing, Tsina

Noong bata pa ako, ayaw kong makipag-usap o bumati sa mga tao, kaya madalas sabihin ng mga magulang, kapamilya, at kaibigan ko na, “May mali sa batang ito. Mahina siguro ang ulo niya.” Nagsasabi rin ang matatanda ng mga bagay gaya ng, “Tingnan mo kung gaano katalino at ka-nakakatuwa ang kapatid mo, pero ikaw, sobrang pulpol.” Unti-unti, nagsimula kong maramdaman na wala akong halaga, na ako ang pinakamababa sa lahat ng mababa. Hindi rin ako nangahas magsalita ng kahit ano sa paaralan, kasi natatakot akong pagtawanan ng iba ang pagsasabi ko ng mga estupidong bagay. Sobrang naiinggit ako sa mga taong magagaling magsalita at matatalino, at inakala ko na gusto ng lahat ang mga taong gaya nila.

Noong maging mananampalataya ako, sa simula ay kabadung-kabado akong magbahagi tungkol sa salita ng Diyos sa mga pagtitipon, natatakot ako na hindi ako makakapagbahagi nang maayos at na pagtatawanan ako ng iba, kaya hindi ako masyadong nagsasalita sa mga pagtitipon. Madalas na pinapalakas ng iba ang loob ko para magbahagi pa ako, at kapag nagiging bukas sila at nagbabahagi sila ng kanilang karanasan at pagkaunawa, nakikita ko na walang tumatawa sa kanila. Binawasan nito ang pakiramdam na napipigilan ako, kaya nagsimula akong mas magsalita pa. Kinalaunan, nahalal ako bilang isang mangangaral na mangunguna sa ilang iglesia. Talagang sorpresa ito para sa akin. Para maging isang mangangaral ang isang taong gaya ko na hindi magaling magsalita, pakiramdam ko, ito ay biyaya ng Diyos. Kailangan kong gawin ang trabahong ito sa abot ng aking makakaya at tuparin ang layunin ng Diyos para sa akin. Isang beses, isinaayos ng isang lider na ako at ang dalawa pang mangangaral ay magtipon kasama niya. Nakita ko na ang ibang mangangaral ay labis na may kaliwanagan sa kanilang pagbabahagi ng salita ng Diyos at na nagsalita sila sa isang napakalohikal na paraan. Nainggit talaga ako sa kanila. At naisip ko, “Kumpara sa kanilang kakayahan at husay sa pagsasalita, walang-wala ako. Bakit ba sobrang pulpol ko? Ni hindi ko kayang magsalita nang maayos.” Medyo nanghina ang loob ko dahil sa mga kaisipang ito. Kahit na nagtamo ako ng kaunting kaliwanagan noong pinag-iisipan ko ang salita ng Diyos, nang maisip ko kung gaano kahirap para sa akin ang pag-oorganisa ng mga sasabihin ko, natakot akong mapagtawanan, kaya hindi na ako nangahas na magbahagi. Bukod pa roon, kinalaunan ay nagkaroon ako ng ilang problema sa gawain, kaya nauwi akong nabubuhay sa isang negatibong kalagayan, tinanggap nang hindi ako magaling at na hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin na ito. Wala ring nakukuhang magagandang resulta ang gawain. Pagkatapos ng ilang panahon, inilipat ako mula sa tungkulin na ito at ginawa akong tagapangasiwa ng isang iglesia lang.

Noong magsimula akong magtrabaho kasama ang dalawang kapatid mula sa iglesiang ito, hindi ko naramdaman na sobrang di-maganda ng pagganap ko. Napakaaktibo ko sa aking tungkulin at nararamdaman ko ang pagbibigay-liwanag at paggabay ng Banal na Espiritu. Hindi nagtagal, isang kapatid ang nagpasyang magbitiw dahil hindi siya makatapos ng anumang tunay na gawain at isa pang kapatid ang inilipat sa ibang tungkulin dahil kulang siya ng kakayahan. Pagkatapos nito, napili sina Brother Zhang Tong at Sister An Qing para maging mga kapareha ko. Nalaman ko na ang paraan ni Zhang Tong ng pagbabahagi tungkol sa kanyang karunungang batay sa karanasan ay napakapraktikal at napakalinaw, at na may mahusay siyang kakayahan. Nagawa rin ni An Qing na lumutas ng mga tunay na problema sa pamamagitan ng kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon. Habang tinitingnan ko ang kanilang mga kalakasan, nakaramdam ako ng malalim na imperiyoridad. Kalaunan, habang nagdidiskusyon tungkol sa gawain, napansin kong palagi akong masyadong maingat at nakikiayon na lang ako sa kung anumang sinabi nila. Minsan alam kong hindi akma ang kanilang mga pananaw, at gusto kong sabihin iyon, pero agad kong naiisip ang mababa kong kakayahan at ang kakulangan ko ng husay sa pagtingin sa mga bagay, kaya binabalewala ko na lang ang sarili kong opinyon. Gayundin, sa ilang pagkakataon, hindi nila sinang-ayunan ang mga pananaw ko, na nagpatibay sa pagkaramdam ko na kulang ako at naging dahilan para bawasan ko pa ang pagpapahayag ko ng aking sarili. Pasibo pa nga ako sa ilang pangunahing gampanin, kasi nag-aalala ako na maaantala ang gawain kung hindi maayos ang trabaho ko. Isang beses, iminungkahi ni Zhang Tong na ilagay si Sister Zhang Can sa pangangasiwa ng gawain ng pagdidilig. Kilalang-kilala ko si Zhang Can. Parati siyang pabaya at iresponsable sa kanyang tungkulin, at natanggal na siya dati dahil sa hindi niya paggawa ng tunay na gawain. Wala pa rin siyang kaalaman tungkol sa sarili niya at hindi siya nababagay na mangasiwa sa ganoon kaimportanteng trabaho. Sa mahinang tinig, ipinahayag ko ang aking mga pananaw. Nakipagkita si Zhang Tong kay Zhang Can matapos marinig ito. Pagkatapos, sinabi niya sa akin na sinuri na niya ang sitwasyon at nalaman niya na si Zhang Can ay mayroon na ngayong kaunting pagninilay sa sarili at pagkakilala sa sarili, at na kailangan naming tingnan ang potensyal ng mga tao, hindi lang ang nakaraan nila. Sinang-ayunan ni An Qing ang pananaw na ito ni Zhang Tong. Pakiramdam ko ay hindi pa matagal na lider si Zhang Tong, hindi pa niya naaarok ang ilang prinsipyo, at hindi niya masyadong kilala si Zhang Can. Hinuhusgahan niya si Zhang Can base sa isang pakikipagpulong lamang, at maaaring hindi tumpak ang kanyang paghusga. Gusto kong irekomenda na suriin niya kung paano ginagawa ni Zhang Can ang tungkulin niya o husgahan siyang muli pagkatapos makausap ni Zhang Tong ang ibang tao na nakakakilala nang husto kay Zhang Can. Pero naisip ko, “May mahusay na kakayahan si Zhang Tong at nagagawa niyang lumutas ng ilang problema. Siguro naman matutukoy ni Zhang Can ang mga problema niya pagkatapos makipagbahaginan kay Zhang Tong. Saka ibinigay na rin naman ni An Qing ang pagsang-ayon niya. Kulang ang kakayahan ko at hindi ko malinaw na nakikita ang mga bagay-bagay; pinakamainam na manahimik na lang ako.” Kaya, hindi na ako nagpumilit pa. Hindi naglaon, natanggal uli si Zhang Can dahil hindi siya gumawa ng tunay na gawain. Nang makita kong naantala at naapektuhan ang gawain ng pagdidilig, nalungkot ako talaga. Kung naging mas mapilit lang ako noong simula at nagbatay sa mga prinsipyo para magbahagi kay Zhang Tong, hindi sana kami nagkaroon ng ganitong klase ng problema. Bagaman nakonsensiya ako, hindi ako nagnilay sa problema ko. Noon lang may ilan pang bagay na nangyari, na sa wakas ay nagnilay ako sa sarili ko.

Sa isang pagtitipon, inirekomenda ni Zhang Tong si Brother Zheng Yi bilang lider ng grupo sa pagdidilig. Sa tingin ko, kahit masigasig si Zheng Yi, kasisimula pa lang niyang manalig at hindi pa malinaw sa kanya ang katotohanan ng mga pangitain. Pakiramdam ko, dapat linangin muna siya, dahil baka maging masyadong mabigat na responsabilidad ang agad na pagiging lider ng isang grupo. Kaya, inilahad ko ang aking mga pananaw sa bagay na ito, pero sa gulat ko, sinabi sa akin ni Zhang Tong, “Bakit ba ang hirap mong pasayahin at humahadlang ka? Hindi ba puwedeng makipagpulong muna tayo sa kanya at maimbestigahan siya?” Pagkarinig sa sinabi niya, napahiya ako at sobrang nalungkot. Naisip ko, “May mahusay na kakayahan si Zhang Tong at alam niya kung paano magtrabaho. Mahina ang kakayahan ko at hindi ko makilatis ang mga tao at bagay. Kung ipipilit ko ang opinyon ko at mahahadlangan nga talaga ang gawain, paano na? Pinakamainam na huminto na lang ako sa pagpupumilit.” Pagkatapos ng pagtitipon, inisip ko ang sinabi ni Zhang Tong at sobrang nalungkot ako. Pakiramdam ko ay hindi ako kuwalipikado para sa trabahong ito, kaya dapat siguro ay kilalanin ko ang aking mga limitasyon at magbitiw na ako agad. Matapos malaman ito, tinulungan ako ng lider batay sa kanyang karanasan. Sa pagbabahagi ng lider, nagsimula kong pagnilayan kung bakit palaging gusto kong magbitiw at kung bakit lagi akong nabubuhay sa ganoong kalagayan ng kawalang-loob. Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Lahat ng tao ay may ilang maling kalagayan sa loob nila, gaya ng pagiging negatibo, kahinaan, kawalan ng pag-asa, at karupukan; o mayroon silang masasamang intensyon; o palagi silang nababagabag ng kanilang pagpapahalaga sa sarili, mga makasariling pagnanais, at pansariling interes; o iniisip nila na may mahina silang kakayahan, at dumaranas sila ng ilang negatibong kalagayan. Magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu kung palagi kang namumuhay sa ganitong mga kalagayan. Kung mahirap para sa iyo na matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, magiging kaunti ang mga aktibong elemento sa loob mo, at lilitaw ang mga negatibong elemento at guguluhin ka. Palaging umaasa ang mga tao sa kanilang sariling kalooban para supilin ang mga negatibo at masamang kalagayang iyon, ngunit gaano man nila ito supilin, hindi nila ito maiwawaksi. Ang pangunahing dahilan nito ay dahil hindi lubusang matukoy ng mga tao ang mga negatibo at masamang bagay na ito; hindi nila makita nang malinaw ang diwa ng mga iyon. Kaya nagiging napakahirap para sa kanila na maghimagsik laban sa laman at kay Satanas. Dagdag pa roon, palaging naiipit ang mga tao sa mga negatibo, malungkot, at malubhang kalagayang ito, at hindi sila nananalangin o tumitingala sa Diyos, sa halip ay iniraraos lang nila ang mga ito. Bilang resulta, hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at dahil dito ay hindi nila nauunawaan ang katotohanan, wala silang landas sa lahat ng kanilang ginagawa, at hindi nila nakikita nang malinaw ang anumang bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Luminaw sa akin ang mga bagay-bagay dahil sa pagbabasa ng salita ng Diyos. Ang pangunahing dahilan kung bakit palagi akong nasa isang negatibo at mapanglaw na kalagayan ay dahil nagagapos ako ng mga bagay na gaya ng banidad at makasariling mga pagnanais. Madalas, kapag nagbabahaginan ng salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nakakapulot ako ng kaunting kaliwanagan, pero parati kong nararamdaman na hindi ako mahusay magsalita at magpahayag ng mga bagay-bagay. Sobrang nag-aalala ako na hindi ako makakapagbahagi nang maayos at bababa ang tingin ng iba sa akin, kaya hindi ako nagsasalita ng kahit ano, na dahilan kaya nawala ang aking kaliwanagan. Nang makita ko kung gaano kahusay ang kakayahan at kung gaano kagaling magsalita ang ibang mga mangangaral at kung gaano kapangit ang pagpapahayag ko ng sarili ko, inisip ko na sobrang hina ng kakayahan ko at nahiya ako. Pagkatapos, naging negatibo ako at walang sigla sa aking tungkulin, wala akong nakuhang anumang resulta, at sa huli ay inilipat ako. Ganito rin ngayon. Nakita ko na mahuhusay ang kakayahan ng mga kapareha ko at mas magagaling silang magbahagi kaysa sa akin. Sa mga pagdidiskusyon tungkol sa trabaho, takot na takot akong mapahiya o maliitin dahil sa hindi pagsasalita nang maayos, kaya hindi ko na lang sinasabi ang nasa isip ko. Minsan, kapag hindi tinatanggap ang mga tama kong ideya, hindi ako nangangahas na panindigan ang aking mga pananaw, at iniisip ko na lang na huwag mapahiya. Kontrolado ako ng mga negatibong emosyon na ito at gusto ko pa ngang umiwas sa aking tungkulin. Naglagay talaga ako ng sobra-sobrang importansya sa banidad at pagpapahalaga sa sarili! Kung magpapatuloy akong ganito, hindi ko kailanman makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu, at wala na akong magiging paraan para maunawaan o makamit ang katotohanan! Kaya nanalangin ako sa Diyos, hiniling ko sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan Niya ako upang makilala ko ang sarili ko at mapabuti ko ang aking kalagayan.

Kalaunan, binasa ko ang salita ng Diyos: “Kumpara sa mga normal na tao, mas matindi ang pagmamahal ng mga anticristo sa kanilang reputasyon at katayuan, at nasa loob ng kanilang disposisyon at diwa; hindi ito isang pansamantalang interes, o lumilipas na epekto ng kanilang paligid—ito ay isang bagay na nasa kanilang buhay, nasa kanilang mga buto, kaya ito ay kanilang diwa. Masasabing sa lahat ng ginagawa ng mga anticristo, ang una nilang isinasaalang-alang ay ang kanilang sariling reputasyon at katayuan, wala nang iba pa. Para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ang kanilang buhay, at ang kanilang panghabambuhay na mithiin. Sa lahat ng kanilang ginagawa, ang una nilang isinasaalang-alang ay: ‘Ano ang mangyayari sa aking katayuan? At sa aking reputasyon? Ang paggawa ba nito ay magbibigay sa akin ng magandang reputasyon? Itataas ba nito ang aking katayuan sa isipan ng mga tao?’ Iyon ang unang bagay na kanilang iniisip, na sapat na patunay na mayroon silang disposisyon at diwa ng mga anticristo; kung hindi, hindi nila isasaalang-alang ang mga problemang ito. Maaaring sabihin na para sa mga anticristo, ang reputasyon at katayuan ay hindi kung anong karagdagang hinihingi lamang, at hindi rin isang bagay na kayang-kaya nila kahit wala ang mga ito. Bahagi ang mga iyon ng kalikasan ng mga anticristo, iyon ay nasa kanilang mga buto, sa kanilang dugo, ang mga iyon ay likas sa kanila. Hindi masasabing ang mga anticristo ay walang pakialam kung sila ba ay nagtataglay ng reputasyon at katayuan; hindi ganito ang kanilang pag-uugali. Kung gayon, ano ang kanilang pag-uugali? Ang reputasyon at katayuan ay malapit na nauugnay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, sa kanilang pang-araw-araw na kalagayan, sa kung ano ang kanilang pinagsisikapan sa araw-araw(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, nakita ko na pinapahalagahan talaga ng mga anticristo ang kanilang reputasyon at katayuan. Ang dalawang bagay na ito ang nag-uudyok sa lahat ng kanilang ginagawa. Ito ay resulta ng kanilang anticristong diwa. Ito rin ay tumutugma sa kung paano ako kumikilos. Mula pagkabata, pakiramdam ko ay wala akong nagawang kahit anong mabuti. Pakiramdam ko ay napipigilan ako, at napakaingat ko sa lahat ng ginagawa ko. Ang pangunahing dahilan nito ay ayaw kong mapahiya at ayaw kong bumaba ang tingin ng iba sa akin. Bakit ba masyado kong pinahalagahan ang aking katayuan at dignidad? Ang pinakaugat na mga dahilan ay ang mga satanikong lason gaya ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” na naging dahilan kaya sobra kong pinahalagahan ang aking banidad. Gusto ko lang mag-iwan ng magandang impresyon sa iba, at naniwala ako na ito ang tanging paraan para magkaroon ng kabuluhan ang buhay. Kaya kahit nasaan man ako o sinuman ang kasama ko, kung may posibilidad na mapapahiya ako, pipiliin kong tumakas palayo, nang sa gayon ay mapoprotektahan ko ang aking dignidad at katayuan. Habang nagtatrabaho kasama si Zhang Tong, nakita ko na tinanggihan ang pananaw ko at pakiramdam ko ay napahiya ako. Nag-alala ako na kung mananatili ako bilang isang lider, mas mapapahiya pa ako, kaya gusto kong ilipat ako ng lider. Ang totoo, kung mas masusing titingnan, biyaya ng Diyos na ako ay maging isang lider. Dapat ay isinaalang-alang ko ang Kanyang layunin, nilutas ang mga tunay na problema ng iba, at pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Pero hindi ko inisip kung paano gagawin nang maayos ang tungkulin ko, kundi kung paano lang protektahan ang aking dignidad at katayuan. Nang mawala sa akin ang mga bagay na ito, naging negatibo ako at huminto sa pagsisikap. Wala talaga akong konsensiya o katwiran. Sa panlabas, hindi ako nakikipagpaligsahan para sa katayuan, ni nanggagambala ng gawain ng iglesia gaya ng isang anticristo, pero sa napakaimportanteng bagay gaya ng pagpili ng mga tao, hindi ako nangangahas na sumunod sa mga prinsipyo, at iniingatan ko ang aking dignidad at katayuan sa lahat ng pagkakataon. Ang ipinakita ko ay disposisyon ng isang anticristo. Napagtanto ko ang tindi ng aking problema, kaya nanalangin ako at nagsisi sa Diyos.

Pagkatapos nito, inilahad ko ang aking kalagayan sa isang sister at binigyan niya ako ng ilang salita ng Diyos para basahin ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Paano dapat sukatin ang kakayahan ng mga tao? Dapat itong sukatin batay sa antas ng pagkaarok nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang pinakawastong paraan ng paggawa nito. Ang ilang tao ay magaling magsalita, mabilis mag-isip, at bihasang-bihasa mangasiwa ng ibang tao—ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon, hindi nila kailanman nagagawang maintindihan ang kahit na ano, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, palagi silang bumibigkas ng mga salita at doktrina, ibinubunyag ang mga sarili nila bilang mga baguhan lamang, at ipinapadama sa iba na wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). “Masasabi ba ninyong may kakayahan si Pablo? Sa anong klase nabibilang ang kakayahan ni Pablo? (Ito ay napakabuti.) Nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon ngunit hindi pa rin kayo nakakaunawa. Maituturing bang napakabuti ng kakayahan ni Pablo? (Hindi, ito ay mahina.) Bakit mahina ang kakayahan ni Pablo? (Hindi niya kilala ang kanyang sarili at hindi niya nauunawaan ang mga salita ng Diyos.) Ito ay dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Narinig din niya ang mga sermon ng Panginoong Jesus, at sa panahong gumawa siya ay naroon din, siyempre, ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya paano nangyari na, nang matapos niya ang lahat ng gawaing iyan, naisulat ang lahat ng liham na iyon, at naglakbay sa lahat ng iglesiang iyon, wala pa rin siyang naunawaan sa katotohanan at walang ibang ipinangaral kundi doktrina? Anong uri ng kakayahan iyan? Isang mahinang kakayahan Bukod pa riyan, inusig ni Pablo ang Panginoong Jesus at inaresto ang Kanyang mga alagad, pagkatapos nito siya ay pinatamaan ng Panginoong Jesus ng isang dakilang liwanag mula sa langit. Paano hinarap at inunawa ni Pablo ang dakilang kaganapang ito na nangyari sa kanya? Ang paraan ng pagkaunawa niya ay naiiba kay Pedro. Inisip niya, ‘Sinaktan ako ng Panginoong Jesus, nagkasala ako, kaya dapat lalo pa akong magsikap para makabawi ako, at sa oras na mabalanse ng mga merito ko ang mga demerito ko, magagantimpalaan ako.’ Kilala ba niya ang sarili niya? Hindi. Hindi niya sinabi, ‘Sinalungat ko ang Panginoong Jesus dahil sa aking malisyosong kalikasan, ang aking kalikasan ng isang anticristo. Sinalungat ko ang Panginoong Jesus—walang mabuti sa akin!’ Taglay ba niya ang gayong kaalaman tungkol sa sarili niya? (Hindi.) … Wala siyang kahit katiting na pagsisisi, lalong wala siya ng kahit anumang kaalaman tungkol sa sarili niya. Wala siya ng kahit alin sa mga bagay na ito. Nagpapakita ito na mayroong problema sa kakayahan ni Pablo at na wala siya ng kakayahang maunawaan ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga). Pinahintulutan ng mga salita ng Diyos na maunawaan ko na hindi talaga naaayon sa katotohanan na sukatin ang kakayahan ng isang tao batay sa nakikitang kahusayan niya sa pagsasalita, mga kaloob, at katalinuhan. Gaya ni Pablo; marami siyang kaloob, mahusay magsalita, at ipinalaganap niya ang ebanghelyo sa halos buong Europa, pero hindi niya naintindihan ang katotohanan, at lalong hindi niya naunawaan ang kanyang sarili. Nakagawa siya ng napakalalaking kasamaan at hindi siya kailanman nagkaroon ng anumang tunay na pagkakilala sa sarili o pagsisisi. Sa halip, gusto niya lang na magantimpalaan at makapasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting gawa. Hindi naunawaan ni Pablo ang katotohanan at isa siyang taong may mahinang kakayahan. Inakala ko lagi noon na kung mahusay magsalita ang isang tao at matalino siya, ay mahusay ang kanyang kakayahan, kaya parati kong hinuhusgahan ang aking sarili batay sa pamantayan na ito. Kapag hindi ko naaabot ang pamantayang ito, iniisip ko na kulang ang aking kakayahan at na hindi ako maaaring maging isang lider. Pagkatapos, kapag nagkakaproblema ako, hindi ko hinahanap ang katotohanan para malutas ang mga ito kundi nagiging negatibo ako at nawawalan ng sigasig, at ang mga problemang malulutas ko sana ay nanatiling hindi nalulutas. Naging napakahangal ko sa hindi ko pag-unawa sa katotohanan. Kahit na hindi mahusay ang aking kakayahan, kaya kong unawain ang salita ng Diyos at minsan natutukoy ko ang tiwaling disposisyon na aking ipinapakita. Nagawa ko ring magbatay sa salita ng Diyos para lutasin ang mga paghihirap na dinaranas ng iba sa kanilang buhay pagpasok, kaya hindi naman sa hindi ko kayang gampanan ang aking tungkulin. Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, medyo nagbago ang aking saloobin at nagagawa ko na nang normal ang aking tungkulin.

Kinalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng salita ng Diyos na mahusay na naglalarawan sa aking kalagayan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May ilang tao na noong bata pa, ordinaryo ang kanilang hitsura, hindi mahusay magsalita, at hindi masyadong mabilis mag-isip, kaya hindi naging kanais-nais ang mga komento sa kanila ng ilang miyembro ng kanilang pamilya at ng ibang tao sa lipunan, sinasabi ng mga ito na: ‘Mahina ang utak ng batang ito, matagal makaintindi, at hindi maayos magsalita. Tingnan ninyo ang mga anak ng iba, sa husay nilang magsalita ay madali nilang nakukumbinsi ang mga tao. Samantalang ang batang ito ay nakasimangot lang buong araw. Hindi niya alam ang sasabihin kapag nakakasalamuha ng mga tao, hindi alam kung paano ipapaliwanag o pangangatwiran ang sarili niya kapag may nagawa siyang mali, at hindi natutuwa sa kanya ang mga tao. Mahina ang utak ng batang ito.’ Ganito ang sinasabi ng mga magulang, kamag-anak at kaibigan at ng mga guro niya. Ang ganitong kapaligiran ay nagdudulot ng partikular at hindi nakikitang panggigipit sa gayong mga indibidwal. Sa pagdanas sa ganitong mga kapaligiran, hindi namamalayang nagkakaroon siya ng partikular na uri ng mentalidad. Anong uri ng mentalidad? Iniisip niya na hindi kaaya-aya ang kanyang hitsura, hindi gaanong kanais-nais, at na kahit kailan ay hindi natutuwa ang mga tao na makita siya. Naniniwala siya na hindi siya mahusay sa pag-aaral, na mahina ang utak niya, at palagi siyang nahihiya na buksan ang kanyang bibig at magsalita sa harap ng ibang tao. Sa sobrang hiya niya ay hindi siya nakapagpapasalamat kapag may ibinibigay sa kanya ang mga tao, iniisip niya, ‘Bakit ba laging umuurong ang dila ko? Bakit ang galing magsalita ng ibang tao? Hangal lang talaga ako!’ … Pagkatapos lumaki sa gayong kapaligiran, unti-unting nangingibabaw ang mentalidad na ito ng pagiging mas mababa. Nagiging palagiang emosyon ito na gumugulo sa puso mo at pumupuno sa iyong isipan. Ikaw man ay malaki na, marami nang karanasan sa mundo, may asawa na at matatag na sa iyong propesyon, at anuman ang iyong katayuan sa lipunan, itong pakiramdam ng pagiging mas mababa na itinanim sa iyong kapaligiran habang lumalaki ka ay imposibleng maiwaksi. Kahit matapos mong manampalataya sa Diyos at sumapi sa iglesia, iniisip mo pa rin na pangkaraniwan ang hitsura mo, mahina ang intelektuwal mong kakayahan, hindi ka maayos magsalita, at walang kayang gawin. Iniisip mo, ‘Gagawin ko na lang kung ano ang kaya ko. Hindi ko kailangang mag-asam na maging lider, hindi ko kailangang maghangad ng malalalim na katotohanan, magiging kontento na lang ako sa pagiging ang taong pinaka-hindi mahalaga, at hahayaan ko ang iba na tratuhin ako sa anumang paraang naisin nila’(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). “Kapag malalim na nakatanim sa iyong puso ang mga damdamin ng pagiging mas mababa, bukod sa may matinding epekto ito sa iyo, pinangingibabawan din ng mga ito ang iyong mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at ang iyong asal at mga kilos. Kaya paano tinitingnan ng mga taong iyon na pinangingibabawan ng mga damdamin ng pagiging mas mababa ang mga tao at bagay-bagay? Itinuturing nila na mas mahusay ang ibang tao kaysa sa kanila, at iniisip din nilang mas mahusay sa kanila ang mga anticristo. Kahit na may masasamang disposisyon at masamang pagkatao ang mga anticristo, tinatrato pa rin nila ang mga ito bilang mga tao na dapat tularan at mga huwarang mapagkukuhanan ng aral. Sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, ‘Bagamat mayroon silang masamang disposisyon at pagkatao, matalino sila at mas mahusay sila sa gawain kaysa sa akin. Komportable nilang naipapakita ang kanilang mga kakayahan sa harap ng iba at nakapagsasalita sila sa harap ng napakaraming tao nang hindi namumula o kumakabog ang dibdib. Talagang malakas ang loob nila. Wala akong binatbat sa kanila. Hindi ako ganoon katapang.’ Ano ang nagdulot nito? Sa katunayan, dapat sabihin na ang isang dahilan ay na naapektuhan ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ang iyong paghusga sa mga diwa ng mga tao, pati na ang iyong perspektiba at pananaw pagdating sa pagturing sa ibang tao. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Ganoon nga.) Kaya paano nakakaapekto ang mga pakiramdam ng pagiging mas mababa sa kung paano ka umaasal? Sinasabi mo sa sarili mo: ‘Ipinanganak akong mangmang, nang walang mga kaloob o kalakasan, at mabagal akong matuto sa lahat ng bagay. Tingnan mo ang taong iyon: Bagamat minsan ay nagdudulot siya ng mga pagkagambala at kaguluhan, at kumikilos nang pabasta-basta at walang ingat, kahit papaano ay mayroon siyang mga kaloob at kalakasan. Saan ka man magpunta, siya ang uri ng tao na nais gamitin ng mga tao, at hindi ako ganoon.’ Sa tuwing may anumang nangyayari, ang una mong ginagawa ay hatulan ang iyong sarili at ilayo ang iyong sarili. Anuman ang isyu, umaatras ka at umiiwas na magkusa, at natatakot kang umako ng responsabilidad. Sinasabi mo sa iyong sarili, ‘Ipinanganak akong hangal. Saan man ako magpunta, walang natutuwa sa akin. Hindi ko pwedeng ilagay ang sarili ko sa alanganing sitwasyon, hindi ko dapat ipakitang-gilas ang aking mga mumunting abilidad. Kung irerekomenda ako ng isang tao, pinatutunayan niyon na maayos naman ako. Pero kung walang magrerekomenda sa akin, hindi tama na magkusa akong sabihing kaya kong akuin ang trabaho at gawin ito nang maayos. Kung wala akong kumpiyansa sa sarili ko tungkol dito, hindi ko pwedeng sabihin na may kumpiyansa ako—paano kung magkamali ako, ano na lang ang gagawin ko? Paano kung mapungusan ako? Talagang mapapahiya ako! Hindi ba’t nakakahiya iyon? Hindi ko maaaring hayaan na mangyari iyon sa akin.’ Tingnan mo—hindi ba’t nakaapekto ito sa iyong asal? Ang iyong saloobin at asal ay medyonaiimpluwensyahan at nakokontrol ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa. Maaaring sabihin na ito ang bunga ng iyong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Pagkabasa ng salita ng Diyos, naramdaman ko na nauunawaan talaga tayo ng Diyos. Ang ibinunyag Niya ay ang mismong paraan ko ng pag-iisip. Tila ba ang importansya na inilagay ko sa dignidad ay hindi ang tanging dahilan ng kawalan ko ng lakas ng loob; may isa pang dahilan ito. Dahil sa impluwensiya ng mga tao at mga bagay sa palibot ko, nagkaroon ako ng pagkaramdam ng imperiyoridad, nawalan ako ng kakayahang makita nang tama ang aking sarili, at pakiramdam ko palagi ay wala akong magandang nagawa, kaya naging sobrang ingat ko, nasupil ako at napigilan sa lahat ng bagay na ginawa ko. Naalala ko kung paanong ayaw kong magsalita noong bata pa ako, at kung paanong madalas akong hinahamak at tinatawag na mapurol o bobo ng matatanda. Pero ang totoo, mayroon akong mga sarili kong opinyon, kahit na hindi ko sinasabi ang mga iyon noong panahong iyon; hindi lang ako nagsasalita dahil takot akong mapahiya. Hindi ako nangahas na magsalita ng kahit ano sa mga klase, hindi dahil hindi ko nauunawaan, kundi dahil pakiramdam ko ay hindi ako mahusay magsalita, kaya sobra akong natakot magsalita. Kapag nagbabasa ng salita ng Diyos sa mga pagtitipon, nakakapulot ako ng kaunting kaliwanagan, pero kapag naiisip ko na kulang ako sa husay sa pagsasalita, hindi na ako nangangahas na magbahagi. Gayundin, nang makita kong hindi sumusunod si Zhang Tong sa mga prinsipyo kapag namimili ng mga tao, gusto ko siyang paalalahanan tungkol doon, pero nang maisip ko kung gaano kahusay ang kanyang kakayahan at kung paanong wala akong nagawang anumang mabuti, tinanggihan ko na lang ang aking mga ideya, nang hindi tinitingnan, tinatalakay o higit pang sinusuri ang mga bagay-bagay, at bilang resulta, nagkaroon ng maraming kawalan sa gawain. Nabuhay ako nang may inferiority complex at nagkaroon ako ng isang pasibo at negatibong saloobin sa lahat ng bagay. Hindi ko hinuhusgahan ang aking sarili o ang iba ayon sa salita ng Diyos, kundi ayon lamang sa aking sariling mga pananaw. Nangingibabaw ang pagkaramdam ko ng imperiyoridad sa paraan ko ng pagtingin sa mga bagay-bagay at sa mga tao, at naimpluwensiyahan nito ang aking panghusga at ang aking landas ng paghahangad. Ang pagkaramdam na ito ng imperiyoridad ay nakapinsala nang matindi sa akin. Agad-agad pagkatapos nito, nagbasa ako ng higit pang salita ng Diyos: “Itong emosyon mo na ito ay hindi lamang negatibo, upang maging mas tumpak, sa katunayan ay salungat ito sa Diyos at sa katotohanan. Maaaring isipin mo na isa itong emosyon sa loob ng normal na pagkatao, pero sa mga mata ng Diyos, hindi lang ito simpleng usapin ng emosyon, sa halip, isa itong pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos. Isa itong pamamaraan na may tanda ng mga negatibong emosyon na ginagamit ng mga tao para labanan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Matapos mabasa ang mga salita ng Diyos, nakita ko ang seryosong kalikasan ng pagkaramdam ng imperiyoridad at ang pinsalang idinudulot nito, at na pareho lang ang pinsalang naidudulot nito sa isang tao kumpara sa isang tiwaling disposisyon. Ang pamumuhay nang may ganitong uri ng inferiority complex ay isang direktang pagsalungat sa Diyos at sa katotohanan, at kung hindi ito malulutas, sisirain nito ang pagkakataon ng isang tao na maligtas. Nabitag ako ng pagkaramdam na ito ng imperiyoridad mula pa pagkabata, at parati kong nararamdaman na wala akong anumang nagawang mabuti. Kapag napapaligiran ako ng mga taong partikular na may mahuhusay na kakayahan, nakikita ko ang sarili ko na lalo pang kulang, pakiramdam ko ay nasusupil ako at nasasaktan, at sinisisi ko ang Diyos sa hindi Niya pagbibigay sa akin ng mahusay na kakayahan o katalinuhan. Hindi ako masaya sa mga pagsasaayos ng Diyos at tumanggi akong tanggapin ang mga iyon, na talagang pagsuway sa Diyos! Paanong hindi ako ititiwalag kung nagpatuloy ako na ganito? Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, noon ko lang naramdaman sa wakas na napakadelikadong mabuhay nang may inferiority complex, na hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganito, at na kailangan kong iwaksi ang ganitong damdamin.

Nang maglaon, nagbasa pa ako ng salita ng Diyos: “Kaya, paano mo tumpak na masusuri at makikilala ang iyong sarili, at paano ka makalalaya sa pakiramdam ng pagiging mas mababa? Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka. Halimbawa, ipagpalagay na dati kang mahilig at magaling kumanta, pero palagi kang pinupuna at minamaliit ng ilang tao, sinasabing hindi ka makasabay sa tugtog at na wala ka sa tono, kaya ngayon ay nadarama mo na hindi ka magaling kumanta at hindi ka na naglalakas-loob na gawin ito sa harap ng ibang tao. Dahil mali kang sinuri at hinusgahan ng mga taong iyon na makamundo, ng mga taong magulo ang isip at pangkaraniwan, nabawasan ang mga karapatan na nararapat sa iyong pagkatao, at napigilan ang iyong talento. Bilang resulta, ni hindi ka na naglalakas-loob kumanta ng isang awitin, at matapang ka lang na nakakakanta nang malaya at malakas kapag walang tao sa paligid at nag-iisa ka. Dahil karaniwan ay nararamdaman mo na masyado kang napipigilan, kapag hindi ka nag-iisa, hindi ka nangangahas na kumanta ng awitin; nangangahas ka lang na kumanta kapag mag-isa ka, tinatamasa ang oras na nagagawa mong kumanta nang malakas at malinaw, at sobrang kaaya-aya at malaya ang pakiramdam mo sa oras na iyon! Hindi ba’t totoo iyon? Dahil sa pinsalang nagawa sa iyo ng mga tao, hindi mo alam at hindi mo malinaw na nakikita kung ano ba talaga ang kaya mong gawin, kung saan ka magaling, at kung saan ka hindi magaling. Sa ganitong sitwasyon, kailangan mong gumawa ng tamang pagsusuri at sukatin nang tama ang iyong sarili batay sa mga salita ng Diyos. Dapat mong pagtibayin kung ano ang natutunan mo at kung saan nakasalalay ang mga kalakasan mo, at humayo ka at gawin mo ang anumang kaya mo; para naman sa mga bagay na hindi mo kayang gawin, ang iyong mga kakulangan at kapintasan, dapat mong pagnilayan at kilalanin ang mga ito, at dapat din na tumpak mong suriin at alamin kung ano ang kakayahan mo, at kung mahusay o mahina ba ito. Kung hindi mo maunawaan o malinaw na makilala ang sarili mong mga problema, kung gayon, hilingin mo sa mga tao sa paligid mo na may pagkaunawa na kilatasin ka. Tumpak man o hindi ang sasabihin nila, kahit papaano ay mabibigyan ka nito ng pagbabatayan at pag-iisipan at mabibigyan ka nito ng kakayahan na magkaroon ng batayang pagsusuri o paglalarawan sa iyong sarili. Pagkatapos, malulutas mo na ang seryosong problema ng mga negatibong emosyon gaya ng pagiging mas mababa, at unti-unti kang makakaahon mula sa mga ito. Ang gayong mga pakiramdam ng pagiging mas mababa ay madaling lutasin kung magagawa ng isang tao na kilalanin ito, mamulat tungkol dito, at hanapin ang katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Pagkabasa ko ng salita ng Diyos, nakahanap ako ng paraan para bitawan ang pagkaramdam na ito ng imperiyoridad. Kailangan kong gamitin ang salita ng Diyos para maunawaan at masukat ang sarili ko, at maaari ko ring hilingin sa mga taong nakakakilala nang husto sa akin na suriin nila ako. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos! Alam ko na ngayon kung gaano kadelikado ang pamumuhay nang may inferiority complex. Gusto kong iwaksi ang damdaming ito, kaya pakitulungan Mo ako.” Kinalaunan, hiniling ko sa aking mga kapareha na suriin nila ako. Sinabi nila, “Dahil kaya mo namang maunawaan nang dalisay ang salita ng Diyos, at kaya mong magbahagi ng salita ng Diyos na nauugnay sa iyong mga katiwalian at kalagayan, at natutulungan mo ang iba na malutas ang kanilang mga tunay na isyu, hindi kasingsama ng sinasabi mo ang mga bagay-bagay. Kahit na hindi mahusay ang kakayahan mo, basta’t ibinibigay mo ang kaya mo, makagagawa ka ng tunay na gawain.” Pagkarinig sa sinabing ito ng mga kapatid, medyo mas guminhawa ang pakiramdam ko, at naisip ko, “Kahit hindi ako kasinggaling ng ilan sa iba pagdating sa pagpapahayag ng sarili, nauunawaan ng lahat ang aking ibinabahagi. Hindi ako dapat makaramdam ng pagkapigil. Dapat magbahagi lang ako sa abot ng makakaya ko. Hindi ko dapat isipin lang kung paano ko pahahangain ang iba; kailangan kong magtuon sa kung paano magbahagi nang praktikal para malutas ang mga problema at makinabang ang mga kapatid. Gayundin, kahit kulang ang aking kakayahan, kung magsasanay pa ako, makakabawi ako sa aking mga pagkukulang at mapapabuti ko ang aking kakayahan. Hindi ko dapat ikumpara ang sarili ko sa iba o maging negatibo o maliitin ang aking sarili. Kailangan kong hangarin ang pagpasok nang may positibong saloobin.” Nang mapagtanto ko ang mga bagay na ito, nagawa kong tratuhin ang sarili ko nang tama at mas gumanda ang pananaw ko sa paggawa ng aking tungkulin.

Napili uli akong maging mangangaral nitong nakaraan. Hindi ko ito inaasahan, at nag-alala ako na baka hindi ko ito magawa. Pagkatapos, naalala ko ang sinabi ng salita ng Diyos: “Dapat mong gamitin ang mga salita ng Diyos bilang batayan sa pagkilala sa iyong sarili, pag-alam sa kung ano ang iyong pagkatao, kakayahan, at talento, at kung anong mga kalakasan ang mayroon ka(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 1). Kailangan kong sukatin ang mga bagay-bagay gamit ang salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ko nagampanan nang maayos ang tungkuling ito dati ay hindi dahil sa kakulangan ng kakayahan. Ang pangunahing rason nito ay dahil nabuhay ako nang may inferiority complex, hindi ko ginawa ang makakaya ko para makipagtulungan, at hindi ko nakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi ako puwedeng patuloy na mabuhay nang nakararamdam ng imperiyoridad, iniisip ang aking dignidad at kalagayan. Dahil pinili ako ng aking mga kapatid, dapat kong gawin ang makakaya ko para makipagtulungan, at kung may mga bagay na hindi ko nauunawaan, sasandig pa lalo ako sa Diyos at hihingi ng tulong mula sa iba. Sa ganitong takbo ng pag-iisip, naramdaman kong mas panatag ako at mas malaya. Hindi nagtagal, isang kapatid na nangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo ang dumating para suriin ang aming gawain. Nakita ko na napakagaling niya sa trabaho niya at sa pagbabahagi ng katotohanan, at pinuna niya ang maraming paglihis at pagkalingat sa aming gawain. Natakot ako na baka sabihin niyang hindi ako magaling, pero agad kong napagtanto na isinasaalang-alang ko na naman ang dignidad ko at katayuan, kaya nanalangin ako sa Diyos para maghimagsik laban sa aking sarili, at ginusto kong mas matuto pa mula sa kapatid na ito at makabawi sa aking mga pagkukulang. Pagkatapos nito, habang nagdidiskusyon tungkol sa gawain, hindi ako nagpigil sa pagpapahayag ng aking mga pananaw, at sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya, nagkaroon ako ng ilang landas ng pagsasagawa. Sa pamamagitan ng gabay ng salita ng Diyos, nakawala ako sa pagkakagapos ng aking inferiority complex.

Sinundan: 16. Hindi na Ako Naduduwag

Sumunod: 20. Narinig Ko ang Tinig ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito