98. Ang Pag-uusig na Aking Dinanas Dahil sa Pananampalataya
Lampas alas-8 nang isang gabi, noong Mayo 2003, at kauuwi ko pa lang mula sa aking tungkulin. Tatlong pulis ang sumambulat papasok, hinawakan ako sa magkabilang braso, at pinosasan ako. Kumabog ang puso ko sa takot. Kinapkapan ako ng isa sa kanila at kinumpiska ang pager ko. “Anong batas ang nilabag ko?” tanong ko. “Bakit ninyo ako hinuhuli?” May madilim na anyo sa kanyang mukha nang sinabi niyang, “Hindi pinapayagan ng estado ang iyong pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Labag ito sa polisiya ng Partido Komunista. Ibig sabihin, aarestuhin ka!” Wala nang iba pang paliwanag na ipinasok nila ako sa kanilang kotse. Nakasiksik sa likurang upuan, kabado at takot ako, walang ideya sa kalupitang naghihintay sa akin. Nag-aalala ako, na sa mababa kong tayog, hindi ko makakayanan ang pagpapahirap, at na magiging Hudas ako at ipagkakanulo ko ang mga kapatid. Tahimik akong nagdasal nang paulit-ulit sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ako at bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Pagkatapos, may naalala ako mula sa mga salita ng Diyos: “Alam mong ang lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan ito nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Pinalakas ng mga salita ng Diyos ang aking pananampalataya at katapangan. Ang pag-aresto sa akin ay nangyari nang may pahintulot ng Diyos at ang pulisya ay nasa mga kamay ng Diyos. Dahil nasa likod ko ang Diyos, wala akong dapat katakutan. Hindi na ako masyadong nakaramdam ng takot nang maisip ko iyon sa gayong paraan, at palihim kong pinagpasyahan na paano man ako pahirapan ng pulisya, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang aking mga kapatid o pagtataksilan ang Diyos.
Nang makarating kami sa istasyon ng pulisya, isang babaeng pulis ang hinubaran at ininspeksyon ako at pagkatapos ay dinala ako sa isa pang silid, ipinosas ako sa isang heating pipe na nasa likuran ko. Bandang 11 ng gabi, nakakita ang pulisya ng ilang aklat ng mga salita ng Diyos kasama ang ilang pager sa aking bahay. Tinanong ako ni Chief Li ng Criminal Police Brigade habang hawak ang mga pager, “Sino ang nagbigay sa iyo ng mga ito? Sino ang kinakausap mo?” Nang hindi ako sumagot, malupit niya akong sinampal nang dalawang beses. Nahilo ako at nag-init ang mukha ko sa sakit. Pagkatapos ay mariin niyang tinapakan ang mga hinlalaki ko sa paa na parang tinusok ng karayom ang sakit. Sa sobrang sakit ay nagpawis ang buong katawan ko. Nagalit ako at sinabi ko sa kanya, “Isa akong mananampalataya na nasa tamang landas sa buhay. Anong batas ang nilalabag niyon? Hindi ba’t pinapayagan ng batas sa Tsina ang kalayaan sa pananampalataya? Anong karapatan ninyong arestuhin at bugbugin ako?” Sinabi ng isa sa mga pulis, “Napakawalang-muwang mo! Ang kalayaan sa pananampalataya ay pagkukunwari lamang para mapanatag ang mga dayuhan. Ateista ang Partido Komunista, kaya gusto ng bansa na supilin at lipulin kayong mga mananampalataya! Kung hindi mo sasabihin sa amin ang nalalaman mo, malamig na bangkay ka na bukas. Maaaring nagpunta ka rito nang nakalalakad ka pa, pero aalis kang pantay ang mga paa!” Pagkatapos niyon, umalis na sila sa silid. Naisip ko na dahil napakaraming bagay ang nakuha nila sa bahay ko, imposibleng basta na lang nila akong pakakawalan. Wala akong ideya kung anong mga pagpapahirap ang ipapataw nila sa akin kung mananatili akong tahimik. Sinabi pa nga nilang magiging malamig na bangkay ako—papatayin nila ako. Talagang nabalisa ako dahil dito, kaya nanalangin ako, humihiling ng pananampalataya at lakas sa Diyos. Kinaumagahan, apat na pulis ang dumating na may dalang tiger chair. Sinabi ni Officer Li nang may mala-demonyong hitsura, “Ipapakita ko sa iyo kung anong mapapala mo sa hindi pagsasalita. Ngayong araw, matitikman mo ang tiger chair!” Pagkatapos ay itinulak nila ako paupo sa upuan at ipinosas ang mga kamay ko sa loob ng mga bilog na metal, habang nakabuka ang mga palad ko. Nakaupo ako sa upuan habang medyo nakapahiga, nakaunat at nahihila pababa ang mga paa ko, at ang posas ay masakit na bumabaon sa pupulsuhan ko. Hindi nagtagal ay namaga nang husto ang mga kamay ko. Nangasul ang mga ito at ganap na namanhid. Lumipas ang araw. Nanlamig ang katawan ko at namaga nang namaga ang aking mga kamay. Lalo akong nag-aalala at natatakot: Kung magpapatuloy ito, mapipilayan ba ang aking mga kamay? At kung magkagayon nga, paano ako makararaos pagkatapos nito? Habang lalo ko iyong iniisip ay lalo akong nababalisa. Wala akong ideya kung kailan matatapos ang paghihirap na ito. Nanalangin ako, “O Diyos, talagang nagdurusa ako. Pakiusap bigyan Mo ako ng lakas at gabay para manatiling matatag.” At pagkatapos, naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang layunin ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. … Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos—sa pasakit at pagdurusa na ito, kailangan kong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Pinahihirapan ako ng pulisya, sinusubukang samantalahin ang kahinaan ng sarili kong laman para pasukuin ako, para ipagkanulo ko ang Diyos. Ginagamit din ng Diyos ang sitwasyong ito para gawing perpekto ang aking pananampalataya at ang aking determinasyong tiisin ang pagdurusa. Ang lahat ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos at nasa ilalim ng Kanyang paghahari, kasama na kung ang aking mga kamay ay maiiwang pilay o hindi. Kailangan kong manampalataya sa Diyos, at sumandig sa Kanya upang manindigan sa aking patotoo para sa Kanya. Sa kaisipang ito ay mas lumakas ako, at bago ko pa namalayan, napawi na ang sakit sa aking mga kamay. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso!
Sinimulan uli akong kuwestiyunin ng pulisya sa umaga ng ikatlong araw. Itinuro ako ng isa sa kanila at sinabi, “Huwag mong isiping wala kaming alam. Mahigit dalawang buwan na naming binabantayan ang bahay mo. Marami-raming tao ang paroo’t parito sa inyo!” Pagkatapos ay isinalaysay niya kung ano ang suot ng mga taong pumunta sa aking bahay, kung gaano sila katangkad at anong uri ng bisikleta ang kanilang sinakyan. Natigilan ako. Matagal-tagal na nilang binabantayan ang aking bahay, at ang lahat ng taong inilarawan nila ay mga lider ng iglesia o diyakono. Hindi ko maaaring ipagkanulo ang sinuman sa aking mga kapatid, ngunit may nalalaman na ang pulisya sa sitwasyon, at siguradong hindi nila ako pakakawalan kung wala akong kahit anong sasabihin. Wala akong ideya kung anong mga pagpapahirap ang inihanda nila para sa akin. Dapat siguro may sabihin ako kahit kaunti? Tatlong araw na akong nasa kustodiya nila, kaya malamang na alam na ito ng aking mga kapatid at nakapagtago na sila. Naisip ko na hindi sila mahahanap ng pulisya, kaya sinabi ko, “Mga sister ko ang mga bisitang iyon.” Pagkatapos ay nagtanong ang pulis, “Mananampalataya ba sila?” Nang hindi masyadong pinag-iisipan, sinabi ko, “Hindi sila mga tunay na mananampalataya.” Pagkasabing-pagkasabi ko niyon, lumabas ang pulisya para hulihin ang aking mga sister. Labis akong nakonsensya. Paano ko nagawang aminin na mga mananampalataya sila? Hindi ba’t ang pagkakanulo ko sa aking sariling mga sister, para hindi ako masyadong magdusa, ay ginawa akong isang Hudas? Kung maaresto sila at pagkatapos ay madawit ang iba pang mga kapatid, hindi ba magdudulot iyon ng mas malaking pinsala sa gawain ng iglesia? At kahit na hindi sila maaresto sa pagkakataong ito, imposibleng pabayaan lang sila ng pulisya. Tiyak na mamumuhay sila na laging tumatakas. Habang mas naiisip ko ito, mas lalong sumasama ang pakiramdam ko, at pagkatapos ay naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Sumama ang pakiramdam ko sa mga salita ng paghatol ng Diyos. Hindi nalalabag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Itinataboy ng Diyos ang mga nagtataksil sa Kanya. Ipinagkanulo ko ang dalawang sister ko, kumilos ako na parang isang kahiya-hiyang Hudas at naiwala ang aking patotoo. Napoot ako sa aking sarili dahil sa pagiging lubos na makasarili at kasuklam-suklam, walang-walang pagkatao. Nanalangin ako at nagsisi sa Diyos sa aking puso, at nanumpa na hindi na ako magkakanulo pa ng mga kapatid, gaano man ako tanungin at pahirapan ng mga pulis. Nang gabing iyon, nagdala si Officer Li ng mahigit 13 larawan para kilalanin ko ang mga tao sa mga iyon. Sinabi kong wala akong nakikilala kahit isa sa mga ito. Pagkatapos ay naglabas siya ng larawan ng isa pang sister at sinabi, “Kilala mo siya, hindi ba? Ang sabi niya ay kilala ka niya.” Iniisip ko na kahit na sinabi niyang kilala niya ako, hindi ko maaaring sabihin na kilala ko siya. Sinabi ko na sa mga pulis ang tungkol sa dalawa kong sister, kaya hindi ko na maaaring ipagkanulo ang iba pa at mapahirapan sila tulad ko. Matigas kong sinabi, “Hindi ko siya kilala.” Sumigaw si Officer Li, “Kung hindi ka magsasalita, mahihirapan ka bukas!”
Sa hapon ng ikaapat na araw, pumasok ang isang pulis na may dalang apat na tabla, bawat isa ay mahigit isang pulgada ang kapal at isang talampakan ang haba, pagkatapos ay isinara ang mga rehas na bakal sa mga bintana upang wala akong makitang anuman sa silid. Nagkabikig sa lalamunan ko dahil sa takot, bumilis ang tibok ng pulso ko, at nanghina ang mga binti ko. Hindi ko alam kung anong paraan ang gagamitin nila para pahirapan ako o kung kakayanin ko ba itong tiisin. Paulit-ulit akong tumawag sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanyang protektahan ako para manatili akong matatag. Maya-maya, anim na pulis ang pumasok, pinakawalan ako mula sa tiger chair, at ipinosas ang mga kamay ko sa likuran ko. Dalawa sa kanila ang tumayo sa isang lamesa at iniangat ako gamit ang posas ko habang sumisigaw, “Magsalita ka! Sino ang lider mo?” Hindi nakalapat sa sahig ang mga paa ko at nakatungo ako sa ibaba; nakabitin sa ere ang katawan ko at pinagtatagis ko ang aking mga ngipin sa sakit. Nang makitang wala akong sinasabi, dalawa sa mga pulis ang nagsimulang ikaskas nang malakas ang mga baton sa mga gilid ng aking tadyang habang ang dalawa pa ay ginagamit ang mga baton para hampasin ako nang malakas sa mga braso at binti. Parang pinupuknat ang laman ko mula sa ribcage ko at parang tinatanggal ang mga binti ko. Pinagpapawisan ako sa sakit. Habang ginagawa nila ito ay sinabi nila, “Lalo ka naming bubugbugin kung hindi ka magsasalita!” Patuloy kong pinagtagis ang aking mga ngipin at hindi umimik. Dalawang pulis ang kumuha ng isang matigas na bagay at itinusok iyon sa aking mga kuko sa paa, na napakasakit. Kasabay nito ay tinutukan nila nang malakas na liwanag ang aking mga kamay na sa pakiramdam ay para itong nasa apoy, nasusunog sa sakit. Nang pakiramdam ko ay hindi na kaya ng katawan ko, paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas. Nang muli nila akong hilahin pataas gamit ang posas ko, nakarinig ako ng paglagutok mula sa aking mga braso at humiyaw ako sa sakit, at saka lang nila ako ibinaba. Pinanatili nila akong nakabitin nang mahigit isang oras. Matapos nila akong ibaba ay wala na akong pakiramdam sa aking mga binti. Imposible ang manatiling nakatayo. Ang mga braso at binti ko ay nagkapasa-pasa at nag-iinit sa sakit. Ang laman sa paligid ng aking mga tadyang ay parang nagliliyab din, at napakatindi ng sakit. Napasubsob ako sa sahig at hindi makagalaw, walang-wala akong lakas at parang tuluyan akong nadurog. Isa itong pagdurusa. Ang pag-iisip na hindi ko nalalaman kung paano pa ako lalong pahihirapan ng pulisya, o kung kakayanin ko ba ito, ay nagpamiserable at nagpahina sa akin. Gusto kong magpakamatay sa pamamagitan ng pagkagat sa dila ko nang sa gayon kahit paano ay hindi ko maipagkakanulo ang aking mga kapatid. Madiin akong kumagat, pero napakasakit na hindi ko kayang ituloy ito. Pagkatapos ay naisip ko, baka maaari kong hilahin ang uvula ko nang sa gayon ay imposible na akong makapagsalita. Sinabi ko sa kanila na kailangan kong pumunta sa banyo. Sa banyo, narinig ng pulis na nagbabantay sa akin ang pagdukot ko sa dila ko at pagduwal ko at sinabi, “Huwag kang gagawa ng anumang kahangalan,” pagkatapos ay ibinalik ako sa loob at ipinosas uli ako sa tiger chair. Noon ko lang napagtanto na muntik na akong makagawa ng isang bagay na talagang kahangalan, at may naisip akong sinabi ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na kapag nahaharap sa kalupitan ng mga demonyo, ang layunin ng Diyos ay ang gawing perpekto ang ating pananampalataya at debosyon, at ipakita sa atin nang malinaw kung paano gumagawa ang malaking pulang dragon laban sa Diyos at pinagmamalupitan ang mga tao, nang sa gayon ay kapootan at tanggihan natin ito mula sa kaibuturan ng ating mga puso at manindigan tayo sa ating patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Ngunit napakaliit ng pananampalataya ko sa Diyos, at pagkatapos kong magdusa ng kaunting paghihirap ay gusto ko na itong takasan sa pamamagitan ng kamatayan. Paano iyon naging kung anong uri ng patotoo? Nang maisip ito sa ganitong paraan, hindi na ako naging kasingmiserable ng dati, at mas nagkaroon ako ng pananampalataya. Gaano man nila ako pahirapan, kahit hanggang sa pinakahuli kong hininga, gusto kong sumandig sa Diyos, manindigan sa aking patotoo para sa Kanya, at ipahiya si Satanas. Hindi ko kailanman ipagkakanulo ang aking mga kapatid at pagtataksilan ang Diyos. Matapos kong mapagpasyahan iyon, hindi na ako muling kinuwestiyon ng pulisya. Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakita ko ang kataas-taasang kapangyarihan at pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at nakita ko na ang malaking pulang dragon ay isang tau-tauhan lamang sa Kanyang mga kamay. Isa itong kasangkapan na ginagamit ng Diyos para gawing perpekto ang Kanyang mga hinirang. Nakita ko rin na ang Diyos ay nasa tabi ko sa buong paghihirap na ito. Palagi ko Siyang kasama, ginagabayan at tinutulungan ako sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, binibigyan ako ng pananampalataya at lakas. Nararamdaman ko ang pagmamahal at proteksyon ng Diyos, at taos-puso akong nagpapasalamat sa Kanya.
Hinatulan ako ng Partido Komunista ng tatlong taon na muling pagkatuto sa pamamagitan ng pagtatrabaho dahil sa “paggambala sa kaayusang panlipunan.” Kailangan ko ng 12 hanggang 14 na oras ng matinding pagtatrabaho araw-araw sa labor camp, at kailangan kong magtrabaho nang mas matagal kung hindi ko matatapos ang aking mga gawain. Naatasan akong magtrabaho sa isang pabrika ng pesticide. Dahil hindi ko kaya ang amoy ng mga pesticide, sumasakit ang ulo ko at nasusuka ako araw-araw, at hindi makakain o makatulog nang maayos. Nag-apply ako na mailipat sa ibang pabrika, ngunit ayaw pumayag ng pulisya. Talagang miserable ako noon, at nang maisip kong magtatagal ako roon nang tatlong taon, nang mahigit isanlibong araw at gabi, hindi ko talaga alam kung paano ko ito malalampasan. Sa tuwing papunta ako sa trabaho at nakikita ko ang mga tao sa labas, malaya at maginhawa, habang ako ay parang isang ibon sa isang hawla, lalo akong nagiging miserable at gusto kong umiyak. Nakipagbahaginan sa akin ang isa pang sister na nagtatrabaho sa parehong pabrika, at tahimik kaming sabay na kumanta ng himno ng mga salita ng Diyos “Awit ng mga Mananagumpay” nang sama-sama: “Nakatanggap na ba kayo ng mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Naghanap na ba kayo ng mga pangakong ginawa para sa inyo? Siguradong kayo, sa ilalim ng patnubay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, siguradong hindi mawawala sa inyo ang paggabay ng Aking liwanag. Siguradong kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng nilikha. Siguradong kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Siguradong tatayo kayo, sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, sa gitna ng napakaraming tao, bilang patunay sa Aking tagumpay. Siguradong kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at siguradong magniningning sa inyo ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 19). Ang pagkanta ng himnong ito ay nakapagpapasigla para sa akin. Ang pag-uusig na ito ay nagbigay sa akin ng pagkakataong magpatotoo para sa Diyos—isa itong karangalan para sa akin. Nais ng Partido Komunista na sirain ang aking katawan at isipan, nang sa gayon ay ipagkanulo ko ang Diyos dahil hindi ko matiis ang pagdurusa. Hindi ako pwedeng mahulog sa panlalansi nito. Gaano man kamiserable o kahirap, kailangan kong sumandig sa Diyos, manindigan, at ipahiya si Satanas. Mula noon, tuwing gabi, ako at ang sister na iyon ay magkasamang palihim na humihimig ng mga himno ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan ng mga salita ng Diyos sa tuwing may pagkakataon kami. Unti-unti, hindi na ako gaanong miserable.
Kalaunan ay binisita ako ng aking asawa, at napagtanto kong mahina ang kanyang kalusugan nang makita kong hindi niya malayang maigalaw ang kanyang mga binti at paa. Matapos akong maaresto, nahirapan nang kumain at matulog ang aking asawa, natatakot na ako ay pahihirapan, at nauwi ito sa pagkakaroon niya ng cerebrovascular disease. Nang magpatingin siya sa doktor, sinabi ng mga ito na nagkaroon siya ng cerebellar atrophy, na iniwan siyang bahagyang paralisado. Nakadudurog ito ng puso para sa akin, at buong-puso kong kinasusuklaman ang Partido Komunista, ang grupong iyon ng mga demonyo. Kung hindi dahil sa pang-aaresto at pang-uusig nila sa mga mananampalataya, hindi sana ako naaresto at hindi sana nagkasakit ang aking asawa. Hindi nagtagal pagkatapos noon, dumalaw sa akin ang bayaw ko at sinabi sa akin na lumala ang kalagayan ng aking asawa, at hindi na niya makontrol ang pag-ihi at pagdumi niya. Lubha itong nakababalisa, at ang tanging naiisip ko ay kung kailan ako makalalabas sa bilangguan para makauwi ako at maalagaan siya. Pagkatapos, noong huling bahagi ng 2004, nakatanggap ako ng liham mula sa pamilya ko na nagsasabing lalo pang lumala ang aking asawa at siya ay pumanaw na. Nang marinig ko ito, pakiramdam ko ay pinagsakluban ako ng langit at lupa. Nagdalamhati ako. Wala na ang haligi ng pamilya namin. Ang aming anak ay nasa unibersidad pa, at hindi ko alam kung kumusta na siya. Dahil sa pag-uusig ng Partido Komunista, nasira ang aming masayang-masayang pamilya at namatay ang aking asawa. Nanghina talaga ako at bago ko pa namalayan, naramdaman ko ang pag-usbong ng mga hinaing sa loob ko. Bakit laging sumasapit ang sakuna sa akin? Bakit hindi ako pinoprotektahan ng Diyos? Sa aking pasakit, naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Kung magpapabuyo ka sa mga kahinaan ng laman at sasabihing sumusobra na ang Diyos, lagi kang makararamdam na nasasaktan ka, at palagi kang malulumbay, at magiging malabo sa iyo ang lahat ng gawain ng Diyos, at magmumukhang hindi man lang nakikiramay ang Diyos sa mga kahinaan ng tao at hindi batid ang mga paghihirap ng tao. At sa gayon, palagi kang makakaramdam ng kalungkutan at pag-iisa, na para bang nagdusa ka ng malaking kawalan ng katarungan, at sa oras na ito ay magsisimula kang magreklamo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Nang pumanaw ang aking asawa, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos, kundi pinalayaw ko ang aking laman. Pakiramdam ko, kung wala ang asawa ko, walang magbabantay sa aming anak at sinisi ko ang Diyos. Wala talaga akong konsensya! Malinaw na ang pag-uusig ng Partido Komunista ang nagpawatak-watak sa aking pamilya at dahilan kaya namatay ang aking asawa, ngunit isinisi ko ang lahat sa Diyos. Hindi ba’t binabaluktot ko ang mga katunayan at ako ay nagiging labis na walang katwiran. Sa puntong iyon ay nakita ko na talagang mababa ang tayog ko at na wala akong tunay na pananampalataya o tunay na pagpapasakop sa Diyos. Umusal ako ng isang panalangin sa aking puso, “Diyos ko, sa pagkakalantad sa akin sa ganitong paraan, nakikita ko kung gaano ako karebelde. Sariling laman ko lang ang iniisip ko, at hindi ko talaga nauunawaan ang Iyong puso. Diyos ko, patnubayan Mo po ako na magpasakop sa pamamagitan ng sitwasyong ito, at malaman ang Iyong layunin.” Pagkatapos ay naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka ayon sa iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. … Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang maaresto dahil sa aking pananampalataya at magdusa sa gayong paraan ay ang mausig alang-alang sa pagiging matuwid, at may kabuluhan ang pagdurusa na iyon. Sa paghihirap na ito, nakita ko ang sarili kong pagkasuwail at katiwalian, at ang tunay kong tayog. Nagkaroon ako ng pagkakilala sa mala-demonyong diwa ng malaking pulang dragon—kung paanong napopoot at lumalaban ito sa Diyos. Iyon ang pagmamahal ng Diyos sa akin. Naisip ko si Job na dumanas ng napakalalaking pagsubok—ninakaw ang kanyang mga hayop na nasa gilid ng burol at lahat ng ari-arian ng kanyang pamilya, namatay ang kanyang mga anak, at tumubo ang mga pigsa sa buong katawan niya. Gayunman ay hindi niya sinisi ang Diyos at wala siyang sinabing masama. Ang sinabi niya sa huli ay, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Nagbigay si Job ng matunog na patotoo para sa Diyos. Talagang naantig ako, at nagpasyang tularan ang halimbawa ni Job, na manindigan sa aking patotoo para sa Diyos gaano man ako magdusa. Sa pagkatantong ito, lumapit ako sa Diyos at nanalangin ng pagpapasakop, handang ipaubaya ang lahat tungkol sa aking pamilya sa Kanyang mga kamay at magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos.
Pinalaya ako noong huling bahagi ng Disyembre 2005. Nasa unibersidad pa ang anak ko at hirap na hirap kami, kaya naghanap ako ng trabaho. Pero makalipas ang mahigit isang buwan, sinabi sa akin ng amo ko, “Dumating ang mga pulis at kinausap ako at sinabing mananampalataya ka sa Diyos. Sinabi nila sa akin na kailangan kitang tanggalin.” Galit na galit ako nang marinig iyon. Pinalabas na ako sa bilangguan ngunit hindi pa rin ako tinitigilan ng Partido Komunista—inaalisan pa rin nila ako ng aking karapatang mabuhay. Tunay na masama at kasuklam-suklam sila! Dapat ay nakapagtapos na sa pag-aaral ang aking anak noong 2006, ngunit dahil nahatulan akong magtrabaho dahil sa aking pananampalataya, tumanggi ang paaralan na bigyan siya ng diploma, sa kadahilanang bumagsak siya sa isang klase, kahit pa ilang puntos lamang iyon. Kaya kinailangan niyang umulit nang isang taon sa pag-aaral. Ngunit sa sumunod na taon, muli silang tumanggi na magbigay sa kanya ng diploma, sa parehong dahilan. Nang makitang ang ibang mga kaklase niya na hindi nakapasa sa dalawa o tatlo sa kanilang mga klase ay nakapagtapos pa rin, tinanong niya ang kanyang guro tungkol dito, na nagsabing, “Hindi mo ba alam na ang iyong ina ay isang mananampalataya sa Diyos?” Noon lang namin napagtanto na ang paaralan ay naghahanap ng mga dahilan para hindi siya bigyan ng diploma dahil sa aking pananampalataya. Sa huli, binigyan na lang siya ng certificate of attendance. Dahil walang diploma ay mahirap para sa kanya na makahanap ng trabaho, at nakaramdam siya ng matinding depresyon. Gusto lang niyang manatili sa bahay sa lahat ng oras at ayaw man lang makipag-usap. Ang makita siyang napakamiserable ay talagang nakasasama ng loob para sa akin. Matapos ang lahat ng mga taon ng kanyang pag-aaral, nadamay siya dahil nakulong ako dati, at sa huli ay pinagkaitan ng kanyang diploma at nahihirapang maghanap ng trabaho. Nakaramdam ako ng panghihina sa loob ko. Ang aking anak ay isang mananampalataya rin, kaya’t magkasama kaming nanalangin at nagbasa ng mga salita ng Diyos, at nakita namin ito: “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita. Dapat makarating ang mga tao sa isang punto kung saan sila ay nakapagtiis na ng daan-daang pagpipino at nagtataglay ng pananampalatayang mas dakila kaysa sa pananampalataya ni Job. Dapat silang magtiis ng di-kapani-paniwalang pagdurusa at ng lahat ng uri ng pagpapahirap nang hindi humihiwalay sa Diyos magpakailanman. Kapag sila ay mapagpasakop hanggang sa kamatayan, at may dakilang pananampalataya sa Diyos, sa gayon ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay kumpleto na” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Dahil inaresto ako at inusig ng Partido Komunista, namatay ang asawa ko at hindi makahanap ng trabaho ang anak ko. Pinutol ng Partido ang aming pinagkakakitaan at gustong gamitin ang sitwasyong ito para mahikayat akong sisihin at pagtaksilan ang Diyos. Ngunit ginagamit ng Diyos ang sitwasyong ito para gawing perpekto ang aking pananampalataya. Kung magagawa ko pa ring sumunod at magpasakop sa Diyos sa panahon ng labis na pasakit, maipapakita nito na mayroon akong tunay na pananampalataya. Nais ng Partido Komunista na iwan kaming walang paraan para mabuhay, ngunit sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos sa buhay at pag-usad sa tulong ng Kanyang panustos at patnubay ay makararaos pa rin kami. Pagkatapos niyon, kami ng anak ko ay madalas na magkasamang nagbabasa at nagbabahaginan ng mga salita ng Diyos, at unti-unti siyang nakaahon mula sa kanyang balisang kalagayan. Sinabi niya na malinaw niyang nakita na ang lahat ng mga paghihirap na ito ay dulot ng Partido Komunista; na ang Partido ang sumisira sa mga buhay habang ang Diyos ay nagdadala ng awa at kaligtasan; at na ang Diyos lamang ang makapagbibigay ng liwanag sa atin, at ang pagsunod sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Sinabi niyang gusto niyang taimtim na manalig at sumunod sa Diyos. Pagkatapos niyon, pareho kaming nangalap ng mga ligaw na halamang-gamot at kabute na ibebenta sa palengke, para mas madali kaming makadalo sa mga pagtitipon at makagawa ng tungkulin. Sa gayong paraan, kahit walang labis na pagsisikap, maaari kaming magkaroon ng sapat na pera para makaraos.
Matapos maranasan ang pag-aresto at pag-usig ng Partido Komunista, lubos kong nakita ang mala-demonyong diwa nito—kung paanong napopoot at lumalaban ito sa Diyos. Inihahayag nitong ginagarantiyahan nito ang kalayaan sa relihiyon, ngunit palihim na nagsasagawa ng malawakang pag-aresto sa mga Kristiyano, pinahihirapan sila at hinahatulan sila sa bilangguan, habang inaapi at inuusig din ang mga miyembro ng kanilang pamilya, sinisira ang hindi mabilang na mga pamilyang Kristiyano. Natutunan kong kamuhian ito at maghimagsik laban dito mula sa aking puso—at alam kong lubos akong salungat dito. Personal ko ring naranasan ang pagmamahal ng Diyos at ang awtoridad ng Kanyang mga salita. Nang ako ay arestuhin at hatulang makulong, nang mamatay ang aking asawa, nang hindi makuha ng aking anak ang kanyang diploma sa unibersidad, at noong namumuhay ako sa hindi matakasang pagdurusa, ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, at inakay akong madaig ang kahinaan ng laman. Kung wala ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos, hindi ako aabot hanggang sa araw na ito. Tunay akong nagpapasalamat sa pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Anumang uri ng pang-aapi at paghihirap ang maranasan ko sa hinaharap, susundin ko ang Diyos hanggang sa pinakawakas.