76. Isang Gabi ng Malupit na Pagpapahirap
Isang araw noong Abril ng 2006, humayo ako para ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos sa isang grupo ng mga Kristiyano, pero hindi nila ito tinanggap. Pagkatapos niyon, bumalik ako para muling ipalaganap ang ebanghelyo sa kanila, pero pinahabol nila ako sa aso. Makalipas ang ilang araw, noong nasa trabaho ako, dalawang pulis na nakasibilyan ang dumating sa pinagtatrabahuhan ko at pinilit nila akong dalhin sila sa tinitirhan ko noon. Napagtanto ko na malamang na isinumbong ako ng mga Kristiyano. Nabalisa at natakot ako—alam ko na kung mahahanap ng mga pulis ang mga aklat ng mga salita ng Diyos na itinatago ko sa aking apartment, tiyak na huhulihin nila ako. Walang tigil akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos, kung talagang huhulihin nila ako ngayon, ito ay may pahintulot Mo. Handa akong ipagkatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay. Pakiusap, protektahan Mo po ako, bigyan Mo po ako ng lakas at pananalig at patnubayan Mo po ako para makapanindigan sa aking patotoo.” Pagkarating sa lugar ko, sinimulan nilang halughugin ang lahat ng aking personal na ari-arian nang hindi man lang nagpapakilala, sa huli ay nahanap nila ang isang kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, isang aklat ng ebanghelyo, at isang CD player. Pagkatapos ay dinala nila ako sa public security bureau ng probinsya.
Tinanong ako ng isang pulis: “Isa ka bang mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos? Gaano karaming tao ang napasampalataya mo? Sino ang lider ninyo?” Sumagot ako: “Oo, nananalig ako sa Makapangyarihang Diyos, pero nananampalataya kami at nagbabahagi ng ebanghelyo sa sarili naming kagustuhan. Wala kaming mga lider.” Sobra siyang nagalit sa sinabi ko kaya sinipa niya ako nang malakas sa tiyan, napaatras ako nang ilang hakbang. Alam ko na malamang hindi ko maiiwasan na mapahirapan at masaktan pagkatapos maaresto—palaging inaasahang darating ang ganitong araw para sa atin na nakatira sa Tsina bilang mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos. Kailangan kong umasa sa Diyos para malampasan ang pagsubok na ito—hindi ako pwedeng sumuko kay Satanas. Mabagsik akong pinagtatanong ng pulis, sinasabing: “Kailan ka sumapi sa iglesia? Sino ang nagbigay sa iyo ng mga librong iyon? Saan siya nakatira?” Nang hindi ako sumagot, hinila niya ang mga kamay ko sa likod ko at ipinosas ako sa isang bakal na upuan. Sa sandaling iyon, ang hepe ng Public Security Bureau, si Chief Wang, ay pumasok at sumigaw: “Ano ang ginagawa ninyo? Tanggalin niyo ang posas niya, ngayon na!” Pagkatapos, lumapit siya sa akin nang nakangiti, tinapik ako sa balikat at, nagkunwaring taos-pusong sinabing: “Kasama, gusto ko lang kung ano ang pinakamabuti para sa iyo. Alam kong hindi naging madali ang trabaho para sa iyo. Kung sasabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo tungkol sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, makakatanggap ka ng pabuya na ilang libong yuan.” Napagtanto ko na isa itong tusong pakana ni Satanas: Sinisikap akong akitin ng opisyal na magbigay ng impormasyon tungkol sa iglesia, ipagkanulo ang Diyos at pagtaksilan ang aking mga kapatid sa pamamagitan ng pagbibigay ng perang pabuya. Naisip ko: “Kahit na alukin mo ako ng gabundok na ginto, hindi pa rin ako bibigay. Hindi ko kailanman ipagkakanulo ang mga interes ng iglesia.” Nang makitang hindi ako kumbinsido, idinagdag niya: “Kung sasabihin mo lang sa akin ang nalalaman mo, maaari ka pang makakuha ng parte sa kikitain namin sa hinaharap.” Labis akong nasuklam sa kanya at binalewala ko na lang lahat ng sinabi niya. Nang mapagtanto niyang wala akong anumang sasabihin, agad siyang naging mapagbanta. Nakakunot ang noo at may mabagsik na tonong sinabi niya: “Hindi alam ng isang ito kung ano ang mabuti para sa kanya. Gawin niyo ang dapat niyong gawin sa kanya” at saka padabog na lumabas ng silid. Binantaan ako ng isa sa mga pulis, sinasabing: “Kung hindi mo ipagtatapat sa amin ang nalalaman mo, hindi magiging maganda ang kahihinatnan mo.” Pagkasabi niya nito, sinampal niya ako nang malakas sa mukha, sinipa ako sa sahig, pagkatapos ay ipinulupot ang mga braso ko sa likod ko at ipinosas ako sa bakal na upuan. Medyo natakot ako nang maisip ko kung anong pagpapahirap ang maaaring naghihintay para sa akin, kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos, nasa sa Iyo kung mamamatay ako sa kamay ng mga pulis ngayon. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas—tulungan Mo po akong mapigilan na pagtaksilan ang aking mga kapatid at ipagkanulo Ka.” Pagkatapos kong magdasal, bigla kong naalala ang kwento ni Daniel. Itinapon si Daniel sa yungib ng leon, pero siya ay may pananampalataya, at nanalangin at umasa sa Diyos, kaya’t isinara ng Diyos ang mga panga ng mga leon para pigilan ang mga ito na saktan siya. Alam kong dapat din akong manalig sa Diyos at manindigan sa aking patotoo sa Kanya gaano man ako pahirapan ng mga pulis.
Pagkatapos noon, ininteroga nila akong muli sa mga parehong katanungan, pero hindi pa rin ako sumasagot, kaya kinaladkad nila ako sa isang patyo, naglagay ng lima o anim na aklat ng mga salita ng Diyos sa harap ko, at nagsabit ng plakard sa aking leeg na nagsasabing “miyembro ng isang kulto.” Kinunan nila ako ng larawan bago kinuha ang mga fingerprint ko at dinala sa isang tagong silid ng pagpapahirap. Pagpasok ko pa lang sa silid, kinilabutan na ako—puno ang silid ng lahat ng iba’t ibang uri ng mga kagamitan sa pagpapahirap. May isang mataas na rack na gawa sa hininang na bakal, isang tiger chair at mga kadena sa paa, pati na rin ang mahigit sampung malalaki at maliliit na kahon na puno ng lahat ng uri ng iba pang kagamitan sa pagpapahirap. Nakasabit sa dingding ang mga latigo na yari sa balat, matitigas na pamalo, mga clamp at marami pang mas maliliit na kagamitan sa pagpapahirap na noon ko lang nakita. Siguro ay mayroong higit sa isang daang kagamitan sa pagpapahirap sa silid na iyon. Kaagad kong naramdaman ang pagtayo ng mga balahibo sa batok ko, at nanlambot ang mga binti ko. Naisip ko: “Hindi nila ako dadalhin dito kung hindi sila nagpaplanong pahirapan ako. Sinong nakakaalam kung makakalabas ako rito nang buhay. Siguro kung bibigyan ko na lang sila ng ilang impormasyon na hindi mahalaga, pakakawalan nila ako at hindi ko na kailangang magdusa sa lugar na ito. Kung wala akong sasabihin sa kanila, tiyak na isasailalim nila ako sa matinding pagpapahirap.” Sa sandaling iyon, bigla kong naalala ang kwento ng tatlong kaibigan ni Daniel—itinapon sila sa isang nagniningas na pugon dahil hindi sila yumuyukod sa isang gintong diyos-diyosan, sinasabing mas gugustuhin nilang mamatay kaysa ipagkanulo ang Diyos. Pinrotektahan silang lahat ng Diyos, walang nagdusa kahit katiting na paso. Ipinaalala nito sa akin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; nanumbalik muli ang pananalig ko sa Kanya. Alam ko na ang kapalaran ko, kung mabubuhay man ako o mamamatay, ay lahat nasa kamay ng Diyos. Gaano man nila ako pahirapan, kailangan kong umasa sa Diyos at manindigan sa aking patotoo para sa Kanya. Pagkatapos niyon, dalawang batang pulis ang pumasok at inayos ang bakal na rack ayon sa tangkad ko, ibinitin ang aking mga kamay mula sa bar na nakapahalang para halos dumikit lang sa lupa ang mga paa ko kapag nakatingkayad ako. Isang pulis ang marahas na umangil: “Nagsayang kami ng isang buong araw sa pagsisikap na pagsalitain ka, ngayon ay oras na para pahirapan ka!” Nakasalalay sa mga kamay at braso ko ang bigat ng buong katawan ko. Sobrang hindi komportable ang buong katawan ko. Maya-maya pa ay lalong sumakit ang mga kamay at braso ko na para bang dahan-dahan silang pinupunit. Sobrang sakit nito kaya’t napasigaw ako. Buong araw akong hindi nakakain at nahihilo ako at nasusuka. Talagang hindi ko na ito makakaya. Sa gitna ng aking pagdurusa, bigla kong naalala ang mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagkat ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ginagamit Niya ang malaking pulang dragon sa Kanyang serbisyo para gawing perpekto ang Kanyang mga taong hinirang. Pinapahirapan ako para gawing perpekto ang aking pananampalataya—may espesyal na kahulugan ang pagpapahirap na ito—kaya kailangan kong itigil ang pagiging negatibo at mahina. Nanalangin ako sa Diyos, sinasabing: “O Diyos! Gaano man nila ako pahirapan o gaano man ako magdusa, hinding-hindi ko pagtataksilan ang mga kapatid ko o ipagkakanulo Ka!” Pagkatapos niyon, iniwan akong nakabitin doon nang mga dalawang oras.
Mga pasado alas-otso ng gabi, apat na kabataang lalaki na nakasuot ng ski mask ang pumasok sa silid at ang isa sa kanila ay marahas na nagpatutsada: “Tingnan mo nga naman, kumusta tayo riyan? Komportable ka ba?” Habang sinasabi niya ito, kumuha siya ng isang balat na latigo sa dingding at sinimulan akong hagupitin sa mga braso gamit ito. Sa bawat hagupit, parang pilit na pinupunit ang laman mula sa mga buto ko—napakasakit nito. Nilatigo niya ako nang hindi bababa sa limampu o animnapung beses at kapag napapagod siya, ibang lalaki ang pumapalit. Noong oras na iyon, medyo nag-aalala ako na kung lalatiguhin nila ako nang husto na magiging baldado ang mga braso ko, hindi na ako makakapamuhay nang normal, kaya nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos, ipinagkakatiwala ko ang lahat sa Iyong mga kamay. Maging baldado man ako o hindi, magpapasakop ako sa Iyong mga pangangasiwa at pagsasaayos.” Nang mapagod sila sa kakahagupit, saka lang nila ako ibinaba mula sa rack. Wala nang lakas ang buong katawan ko at agad akong bumagsak sa sahig. Pero hindi pa sila tapos sa akin—pagkatapos niyon, iginapos nila ako sa tiger chair at ipinagpatuloy ang pag-iinteroga sa akin. Umangil ang isa sa mga pulis: “Huwag kang umasa na makakaalis ka rito nang buhay kung hindi mo sasabihin sa amin ang totoo! Bigyan mo lang kami ng matapat na salaysay tungkol sa nalalaman mo at pakakawalan ka namin. Napopoot sa inyo nang matindi ang CCP—kayong mga mananampalataya ay itinuturing nitong sinumpaang kaaway. Gusto nitong sirain at patayin kayong lahat. Ito ang patakaran ng CCP—maaari nilang kitilin ang buhay ninyong mga mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at hindi sila mapapanagot!” Matatag akong sumagot: “Wala akong alam. Wala akong masasabi sa iyo.” Nang makitang hindi pa rin ako nakikipagtulungan, kinalagan nila ako mula sa tiger chair at pinahiga ako sa sahig. Pagkatapos ay kumuha sila ng tig-iisang itim na pamalo, na may 30 pulgada ang haba at 3–4 pulgada ang lapad at puno ito ng mga bakal na bola, habang nakatayo sa magkabilang gilid ko ay malupit nilang pinaghahampas ang buong katawan ko gamit ang mga pamalong ito. Nanginginig ang katawan ko sa bawat hampas ng mga pamalo na iyon. Namimilipit ako sa sakit, napapasigaw sa sobrang paghihirap. Nahihirapan akong huminga; hindi mailarawan kung gaano katindi ang sakit na iyon. Sa puwitan nila ako pinalo nang husto—nagpatuloy ito nang nagpatuloy, at pakiramdam ko ay inuubos nila ang lahat ng lakas ko. Nagtitiis sa matinding sakit, galit akong humiyaw: “Papatayin niyo ako sa bugbog! Gusto niyo akong patayin! Bakit hindi kayo manghuli ng mga tunay na mamamatay-tao at arsonista? Anong mga batas ang nilabag ko para pagmalupitan ako nang ganito? Tao pa ba kayo?” Lalong nagalit ang isa sa mga pulis nang marinig ito at sinimulan akong bugbugin nang husto, kaya nahati sa dalawa ang pamalo niya, gumulong ang mga bakal na bola sa sahig. Humagalpak ng tawa ang lahat ng pulis. Pagkatapos, nagngangalit ang mga ngiping sinabi sa akin ng isang pulis: “Wala kang nilabag na batas? Hindi tinutulutan ng CCP ang pag-iral ng anumang relihiyosong paniniwala. Ang mga Chinese ay dapat lang maniwala sa Partido Komunista. Kayo ang mga kaaway ng CCP at wawasakin kayo nito, papatayin at lilipulin kayong lahat!” Habang sinasabi niya ito, kumuha sila ng dalawang mahahabang latigo sa isa sa mga kahon at sinabing: “Hindi mo pa rin ba sasabihin sa amin kung ano ang gusto naming marinig? Kung gayon, subukan natin ang iba pang paraan—tingnan mo kung paano mo magugustuhan ito!” Pagkatapos ay inutusan nila akong tumayo at dalawa sa kanila ang nagsimulang hagupitin ako nang malakas na may hindi maampat na kabangisan, na nagdulot ng hindi makayanang sakit. Nang mapagod sila sa paghagupit, dalawa pang pulis ang pumalit sa kanila at nagpatuloy sa paghampas, hindi bababa sa apat na beses silang nagpalitan, ang bawat paghampas ay tumatagal nang hindi bababa sa 30 minuto. Nang matapos ito, bumagsak na lang ako sa sahig at hindi makagalaw, pero hinila nila ako pabalik at ipinagpatuloy ang pag-iinteroga sa akin. Nang hindi ako umimik, nagpatuloy sila sa paglatigo sa akin at pagsipa sa mga paa ko. Pakiramdam ko ay nabali nila ang mga binti ko. Medyo nanghina ako at naisip ko: “Kung wala akong sasabihin sa kanila, patuloy nilang gagamitin ang lahat ng iba’t ibang uri ng pamamaraan ng pagpapahirap para papagdusahin ako. Baka pahirapan pa nila ako hanggang mamatay. Pero kung may sasabihin ako, magiging isang Hudas ako at magiging isang panlilinlang ang panatang ginawa ko sa harap ng Diyos. Sasaktan nito ang Diyos, at ang mas malala pa, magbubunsod ito ng Kanyang matinding poot.” Napapa-urong-sulong ako sa isip ko—may sasabihin ba ako o wala? Sa sandaling iyon, naalala ko ang pagkakapako sa krus ng Panginoong Jesus at naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Upang tubusin ang lahat ng sangkatauhan, handa ang Panginoong Jesus na maipako sa krus, mapahiya at mapahirapan, at ialay ang Kanyang sariling buhay. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Sa pag-iisip nito, labis na napatibay ang loob ko at tahimik akong nanumpa: “Hindi ako magiging isang Hudas at ipagkakanulo ang Diyos, kahit na nangangahulugan itong pahihirapan ako hanggang kamatayan!” Pagkatapos niyon, patuloy nila akong binantaan, sinasabing: “Kung hindi mo sasabihin sa amin ang gusto naming malaman, bubugbugin ka namin hanggang sa mamatay at ipapadala ka sa krematoryo, kung saan susunugin ka hanggang maging abo. Iyon o ipapadala namin ang katawan mo sa gawaan ng ladrilyo kung saan dudurugin ka nang husto at gagawing mga ladrilyo.” Noong oras na iyon, natatakot ako, pero alam ko na hindi sila ang may awtoridad na makakapagsabi kung makakaligtas man ako sa kanilang mga pambubugbog. Ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at handa akong magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos. Kapagkuwan, biglang sumagi sa isip ko na nasa akin pa rin ang mga aklat ng iglesia at wala sa mga kapatid ko ang nakakaalam na naaresto ako. Kung mapapasakamay ng mga pulis ang mga aklat na iyon, magiging malaking kawalan ito para sa iglesia. Nagsimula akong mataranta, kaya nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, hindi mahalaga ang sarili kong buhay, pero bilang tagapag-ingat ng mga aklat ng iglesia, dapat kong siguruhin na mananatiling ligtas ang mga aklat na iyon. Pero hindi ko alam kung makakaalis ba ako rito nang buhay. Inilalagay ko ang lahat ng alalahanin na ito sa Iyong mga kamay at hinihiling na magbukas Ka po ng landas para sa akin.” Pagkatapos kong magdasal, isang himala ang nangyari: Wala na akong nararamdamang sakit mula sa paghagupit. Alam kong tumutulong ang Diyos na maibsan ang pagdurusa ko at lubos akong nagpapasalamat sa Kanya. Nang makita nilang nakahiga na lang ako nang walang kibo at huminto na sa paghiyaw, dali-dali nilang itinigil ang kanilang paghampas. Ang isa sa kanila ay naglagay ng isang daliri sa ilalim ng aking ilong at pagkatapos ay kinakabahang sinabi: “Masama ang lagay niya. Alisin mo siya rito—talagang magkakaproblema tayo kapag namatay siya sa ating pangangalaga.” Alam ko na nagbukas ang Diyos ng isang daan para sa akin at binabantayan ako, kung hindi ay tiyak na namatay ako roon.
Pagkatapos, kinaladkad ako ng dalawang pulis palabas at inihagis ako sa isang parang, iniwan ako roon. Nakahiga ako sa lupa nang hindi gumagalaw. Marahil ay mga alas-dos na ng madaling araw. Noong oras na iyon, isa lang ang nasa isip ko: Kailangan kong ipaalam sa mga kapatid ko na kailangang ilipat ang mga aklat bago sumikat ang araw, para hindi ito mapasakamay ng mga pulis. Sinubukan kong bumangon, pero masyado akong bugbog-sarado. Ibinuhos ko ang huling katiting ng lakas ko, pero hindi talaga ako makatayo. Labis akong nag-alala at nataranta, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos, humihingi sa Kanya ng lakas. Pagkatapos kong magdasal, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig. Pagkatapos ng 30 pang minuto, sinubukan kong tumayong muli, at pagkatapos ng mga apat o limang beses na pagtatangka, sa wakas ay nakatayo ako. Hindi pa sumisikat ang araw at madilim pa rin sa mga kalsada. Kinaladkad ko ang sarili ko, tinitiis ang matinding sakit habang paika-ika akong humahakbang patungo sa bahay ni Brother Cheng Yi. Pagkarating doon, sinabi ko kaagad sa kanya ang nangyari at hiniling ko sa kanya na agad bilinan ang mga kapatid na ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos kong ipaalam sa kanya, paika-ika akong bumalik sa aking apartment. Mga alas-tres ng umaga iyon. Nang buksan ko ang ilaw, nakita kong napakagulo ng lugar. Anong nangyari sa bahay ko? Itinapon lahat sa sahig ang aking mga kubrekama, unan, kutson, at damit. Nahalughog ang buong apartment. Sa pagsusuri ng sarili kong mga sugat, nakita ko na lubha akong nabugbog: Dumikit sa loob ng aking pantalon ang laman ng aking mga binti, at lumuwa ang mga 4 na pulgada ng aking tumbong at tila nagka-necrosis. Nagdurusa ako ng matinding sakit, nahihirapan akong huminga, at pakiramdam ko ay talagang malapit na akong mamatay. Napakalubha ng mga pinsala ko—hindi ako makagalaw at hindi man lang ako makalunok ng tubig. Naisip ko: “Makakaligtas pa kaya ako sa lahat ng pinsalang ito? Kahit makaligtas ako, magiging baldado ba ako? Makakakilos kaya ako nang mag-isa sa hinaharap? Ang asawa at mga anak ko ay nalihis lahat ng kasinungalingan ng CCP at kontra sa pananampalataya ko. Kung magiging baldado ako, hindi nila ako aalagaan….” Habang mas naiisip ko ito, mas lumalala ang pakiramdam ko, kaya nagdasal ako sa Diyos. Habang nagdarasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Tunay na ang kapalaran ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang lahat ng ito ay nasa pagpapasya ng Diyos kung mabubuhay man ako o mamamatay at kung magiging baldado man ako o hindi. Alam kong dapat kong ibigay ang sarili ko sa Diyos at hayaan Siyang mamuno sa mga pagsasaayos. Kahit maging baldado man ako, magpapasakop ako. Kahit hindi ako aalagaan ng aking asawa at mga anak, alam kong kasama ko ang Diyos at aalagaan ako ng mga kapatid ko, kaya’t mabubuhay pa rin ako. Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako gaanong nahihirapan at nababalisa.
Dumating si Brother Yu Zhijian sa bahay ko 4 a.m. ng umagang iyon. Nang pumasok siya, nakitang nakahiga ako sa kama ko at hindi makagalaw, hinila niya ang kumot ko at nakitang duguan ang pantalon ko, may malalalim na sugat ang mga hita at binti ko at nakasiwang ang laman, at nakadikit sa pantalon ko ang aking tumbong at ilang piraso ng laman. Nang makita niya ito, humagulgol siya at dinalhan ako ng isang palanggana ng mainit na tubig, umiiyak habang papalapit. Matapos gupitin para mabuksan ang aking pantalon at lagyan ng hot compress, dahan-dahan niyang hiniwalay ang pantalon sa aking laman, nang pira-piraso. Ang balat sa ibaba ng aking tuhod ay puno ng mga nakabukas na sugat, na sa sobrang lalim, nalantad na ang buto. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin kaya na maalala ang pagsubok na iyon. Nagkaroon ako ng malulubhang pinsala, pero hindi ako naglakas-loob na pumunta sa ospital dahil sa pag-aalala na baka mahanap ako ng mga pulis at arestuhin ako kapag pumasok ako gamit ang aking ID. Malalagay ko rin sa panganib ang mga kapatid ko. Noong panahong iyon, hindi ko talaga maalagaan ang sarili ko, at pumupunta si Zhijian araw-araw para bantayan ako kahit na nanganganib na maaresto. Bago pa siya sa pananampalataya at nag-aalala ako na matatakot at manghihina siya pagkatapos makita kung gaano ako nabugbog. Sinabi ko sa kanya: “Magandang bagay para sa akin na dumaan sa pagsubok na ito—tinulutan ako nitong makita si Satanas sa kung ano talaga ito.” Sa gulat ko, sinabi ni Zhijian: “Huwag kang mag-alala sa akin. Nakita ko na ngayon sa sarili ko na ang CCP ay isang demonyong lumalaban sa Diyos at nagdudulot ng kalupitan sa sangkatauhan. Dapat tayong manindigan sa ating patotoo para sa Diyos.” Sa paglipas ng linggong iyon, nilinis ko ang nakausling bahagi ng aking tumbong araw-araw gamit ang tubig alat at gumamit rin ng katutubong lunas. Sa wakas, mga ikawalong araw pagkatapos maaresto, gumaling ang nakausling laman. Pagkaraan ng dalawang linggo, nakakalakad na akong muli.
Pagkatapos niyon, pumupunta ang pulis para interogahin at guluhin ako tuwing 15 araw. Sa bawat pagkakataon, pinagtatatanong nila ako tungkol sa iglesia at tinatanong ako kung nakikipag-ugnayan pa rin ba ako sa ibang miyembro. Pinagbantaan pa nga nila ako, sinasabing: “Kung hindi ka magtatapat, hinding-hindi namin bibitiwan ang kaso mo!” Naisip ko: “Nakita ko na kayong lahat sa kung ano talaga kayo. Kahit paano niyo ako pilitin o takutin, hinding-hindi ako bibigay sa inyo. Huwag na kayong magtangkang ipagpakanulo sa akin ang Diyos!” Sa maikling dalawang taon sa pagitan ng pag-aresto noong 2006 hanggang 2008, hindi bababa sa 25 beses na dumating ang pulis para interogahin ako. Dahil patuloy nila akong sinusubaybayan, hindi ako nangahas na makipagkita sa mga kapatid dahil sa takot na malagay sila sa gulo, kaya napilitan akong bumalik sa tahanan ng pamilya ko sa probinsya.
Kalaunan, ganap nang gumaling ang aking tumbong at likod, pero patuloy akong nakakaranas ng mga nalalabing epekto mula sa mga pinsalang natamo ng mga binti ko. Madalas pa ring sumasakit at nanghihina ang kanan kong binti at nagiging ika-ika ako kapag maulap o maulan ang panahon. Ang pinakamalubhang nalalabing epekto ay nasa balat ko. Natanggal ang mga langib sa lahat ng sugat at nalantad ang maiitim, nag-ibang-kulay na mga batik, at nababalutan ng mga pangit na pilat ang buong katawan ko, may makakapal na nagkukumpulan na mga bukol na may maliliit na puting pigsa na nakakabaliw sa kati. Kapag naliligo ako o naiinitan nang sobra, ang kating iyon mula sa mga pigsa ay mas malala pa kaysa sa isang bukas na sugat na nilagyan ng asin. Halos hindi ko na maatim ang sobrang pangangati nito—kung minsan ay kailangan kong kuskusin ang mga apektadong bahagi ng mga maliliit na bato mula sa tabing-ilog, o gumamit ng kutsilyo para patuluin ang nana bago ako makaramdam ng ginhawa. Naghihirap ako sa sakit na ito araw at gabi sa loob ng mahigit 15 taon. Sa panahong ito, nagpatingin ako sa ilang tradisyunal na doktor ng Chinese medicine sa mga pribadong klinika, gumagastos ng 10,500 yuan sa mga medikal na bayarin nang hindi man lang gumagaling. Sa pagtitiis ng matinding pisikal na pagdurusa at hindi makontak ang aking mga kapatid at mamuhay ng normal na buhay-iglesia, nakaranas ako ng labis-labis na paghihirap at madalas akong nananalangin sa Diyos nang may luha sa mga mata ko, hinihiling na manatili Siya sa aking tabi at bigyan ako ng pananalig at lakas. Kung wala akong proteksyon at patnubay ng Diyos sa mga madilim na araw na iyon, hinding-hindi ko ito malalampasan.
Labinlimang taon na ang nakalipas mula noong inaresto ako, at habang nagninilay ako, napagtanto ko na bagaman nagdusa ako nang husto, nakita ko rin ang malaking pulang dragon sa kung ano talaga ito at tunay na nakilala ang demonyong diwa nito. Babasahin ko ngayon ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang mamuno bilang isang diktador! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng diyablong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at maghimagsik laban sa masama at matandang diyablong ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, mas malinaw kong nakita kung gaano kalupit at kabangis ang CCP. Sinasabi nila na iginagalang nila ang kalayaan sa relihiyon, pero palihim nilang walang pakundangang inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano, naghahangad na tuluyang sugpuin ang gawain ng Diyos sa pagliligtas ng sangkatauhan at gawing isang ateistang bansa ang Tsina. Sila ay isang demonyong grupo na namumuhi sa katotohanan at lumalaban sa Diyos. Talagang nakita ko na ang pangit na mukha ng CCP at lubusan ko na silang kinamumuhian at pinaghihimagsikan. Sa pamamagitan ng karanasang ito, napansin ko rin kung paano ako palaging inaalagaan at pinoprotektahan ng Diyos. Sa tuwing nasasaktan ako o nanghihina, tinuturuan at ginagabayan ako ng mga salita ng Diyos at binibigyan ako ng lakas at pananalig. Naranasan ko ang tunay na pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan at ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan. Lubos nitong pinatibay ang pananampalataya ko sa Diyos. Gaano man kahirap ang magiging daan o gaano man magdusa ang katawan ko, susundin ko ang Diyos hanggang sa wakas!