59. Ang Kahalagahan ng Tamang Saloobin sa Iyong Tungkulin
Noong Oktubre ng 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Aktibo akong dumalo sa mga pagtitipon at nakipagbahaginan tungkol sa aking pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at makalipas ang dalawang buwan, naging lider ako ng isang grupo ng pagtitipon. Naalala ko na sa unang beses na nag-host ako ng isang pagtitipon, pareho akong nasabik at kinabahan. Sabik akong gawin ang tungkulin ko, pero kinabahan ako dahil natakot akong kapag hindi ako nakapag-host nang maayos, baka maliitin ako ng mga kapatid. Inisip kong napakaganda ng pagho-host ng lider ng iglesia namin sa mga pagtitipon, kaya kung gagawin ko ito sa paraan niya, sigurado akong makakapag-host ako nang maayos sa pagtitipon. Pagkatapos, pupurihin ako ng lider ng iglesia, at titingalain ako ng mga kapatid. Kaya, nag-host ako ng pagtitipon sa pamamagitan ng paggaya sa pamamaraan ng lider ng iglesia namin. Nang tanungin ko ang mga kapatid, nakipag-usap sila sa akin, at nang nagbahagi ako, sinabi nilang “Amen” bilang pagsang-ayon. Pagkatapos ng pagtitipon, sinabi ng lider ng iglesia namin na maayos akong nakapag-host. Nakaramdam ako ng sobrang saya at pagmamalaki nang marinig ko ang papuri ng lider. Hindi nagtagal, napili ako bilang diyakono ng pagdidilig. Sobra akong nasabik, at inisip kong tiyak na ito ay dahil may mahusay akong kakayahan kaya pinili ako para sa posisyon. Noong una, hindi ko alam kung paano isasagawa ang gawain, pero ayaw kong madismaya sa akin ang mga kapatid. Kaya, sa bawat pagtitipon, pinagtuunan ko ang paghahanap sa mahahalagang bahagi na tinalakay sa mga salita ng Diyos. Sa ganoong paraan, magiging malinaw ang pagbabahagi ko at matatalakay ang mga pangunahing punto, at iisipin ng mga kapatid na may mabuti akong pagkaunawa at hahangaan nila ako. Pero pagkatapos kong magbahagi, nang pinakinggan ko ang pagbabahaginan ng iba, napansin kong hindi gaanong naging malinaw ang aking mga sinabi. Labis akong nag-alala, at naisip na, “Walang sinuman ang mag-iisip na mahusay akong magbahagi, at ang atensyon ng lahat ay mapupunta sa mga taong mas magaling makipagbahaginan kaysa sa akin.” Natakot akong mamaliitin ako ng mga kapatid, kaya lagi kong sinusubukang makapagbahagi nang mas maayos. Pero hindi ko mapakalma ang sarili ko nang sapat para pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Habang mas lalo kong ginustong magbahagi nang maayos, mas pumangit ang pagbabahagi ko. Naisip ko, “Ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Madidismaya kaya sa akin ang lider ng iglesia? Bakit hindi kasinglinaw nang sa iba ang pagbabahagi ko? Bakit napakahusay nilang makipagbahaginan, pero hindi ako ganoon?” Handa na akong tanggapin ang pagkatalo at naisip kong mas magsikap para mahigitan ang iba.
Pagkaraan ng ilang buwan, dahil sa mga kinakailangan na gawain ng iglesia, ipinadala ako para ipangaral ang ebanghelyo. Nang makarating ako roon, tinanong ko kung sino ang mga lider ng grupo at sino ang lider ng iglesia. Naisip ko, hangga’t ginagawa ko ang aking makakaya, makukuha ko ang pagsang-ayon ng lider ng iglesia at posibleng gawing lider ng grupo. Sa ganoong paraan, titingalain ako ng mga kapatid. Kapag nagbabahagi ako ng ebanghelyo, madalas akong manalangin at umasa sa Diyos kapag may mga bagay akong hindi maunawaan o hindi magawa. Pagkaraan ng sandaling panahon, nakakuha ako ng ilang magagandang resulta sa pagganap ko ng aking tungkulin, at labis itong nagpasaya sa akin. Pero nakonsensya rin ako dahil alam kong mali ang paraan ng aking pag-iisip. Nagsisikap ako dahil lamang gusto kong tingalain ako ng iba, hindi dahil gusto kong gawin nang maayos ang aking tungkulin. Sinisiyasat ng Diyos ang isipan ko, at tiyak na kinasusuklaman Niya ang paghahangad ko. Lumapit ako sa Diyos at nanalangin; handa akong maghimagsik laban sa aking maling layunin. Pagkatapos kong magdasal, medyo gumaan ang pakiramdam ko. Gayunpaman, madalas ko pa ring hindi maiwasang subukang pahangain ang iba sa akin. Kapag nakikita kong nakakakuha ang iba ng magagandang resulta mula sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, gusto kong mahigitan sila. Alam kong mali ang mag-isip nang ganito, pero hindi ko makontrol ang aking sarili. Hindi ko mapakalma ang sarili ko nang sapat para gawin ang tungkulin ko. Lumala nang lumala ang kalagayan ko, at hindi ako naging epektibo sa paggawa ng aking tungkulin. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan at gabayan akong makilala ang aking sarili.
Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos sa isang video ng patotoong batay sa karanasan na nagbigay sa akin ng kaunting kaalaman sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mabigat sa kalooban na ginagawa ng mga anticristo ang kanilang tungkulin para makakuha ng mga pagpapala. Itinatanong din nila kung magagawa ba nilang magpakitang-gilas at kung titingalain ba sila kapag ginawa nila ang tungkuling ito, at kung malalaman ba ng Itaas o ng Diyos kung gagawin nila ang tungkuling ito. Ito ang lahat ng bagay na isinasaalang-alang nila kapag ginagawa nila ang isang tungkulin. Ang unang gusto nilang matiyak ay kung anong mga pakinabang ang maaari nilang makuha sa paggawa ng isang tungkulin at kung maaari ba silang pagpalain. Ito ang pinakamahalagang bagay sa kanila. Hindi nila kailanman iniisip kung paano isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos, kung paano ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos nang sa gayon makamit ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos at matamo ang kaligayahan, lalong hindi nila kailanman hinahangad na maunawaan ang katotohanan, o hinahanap kung paano lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon at isabuhay ang isang wangis ng tao. Hindi nila kailanman isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ang iniisip lang nila ay kung maaari ba silang pagpalain at magkamit ng mga pakinabang, kung paano magkaposisyon, kung paano magkaroon ng katayuan, kung paano nila makukuha ang pagrespeto ng mga tao, at kung paano mamukod-tangi at maging pinakamahusay sa iglesia at sa karamihan ng tao. Tiyak na ayaw nilang maging mga ordinaryong tagasunod. Gusto nilang laging maging una sa iglesia, ang may huling salita, maging mga lider, at mapakinggan sila ng lahat. Saka lamang sila makukuntento. Nakikita naman ninyo na ang puso ng mga anticristo ay nag-uumapaw sa mga bagay na ito. Tunay nga ba silang gumugugol para sa Diyos? Taos-puso ba nilang ginagawa ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha? (Hindi.) Kung gayon, ano ang gusto nilang gawin? (Ang humawak ng kapangyarihan.) Tama iyon. Sinasabi nila, ‘Para sa akin, gusto kong mahigitan ang lahat ng tao sa sekular na mundo. Kailangan na ako ang maging una sa anumang grupo. Ayaw kong pumangalawa lang, at hindi ako kailanman magiging isang sidekick. Gusto kong maging isang lider at ang may huling salita sa anumang grupo ng mga tao na kinabibilangan ko. Kung hindi ako ang may huling salita, susubukan ko ang lahat ng posibleng paraan para kumbinsihin kayong lahat, para respetuhin ninyo akong lahat, at para piliin ninyo ako bilang lider. Sa sandaling may katayuan na ako, ako na ang may huling salita, kailangan nang makinig sa akin ang lahat. Kailangan na ninyong gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto ko, at kailangang mapasailalim kayo sa kontrol ko.’ Anumang tungkulin ang ginagawa ng mga anticristo, sisikapin nilang ilagay ang sarili nila sa mataas na posisyon, sa isang nakalalamang na posisyon. Hindi sila kailanman makokontento sa kanilang posisyon bilang isang ordinaryong tagasunod. At ano ang pinakakinahuhumalingan nila? Iyon ay ang tumayo sa harap ng mga tao na inuutusan at pinagagalitan ang mga tao, ipinagagawa sa mga tao ang kanilang sinasabi. Hindi nila iniisip kailanman kung paano gawin nang maayos ang kanilang tungkulin—lalo nang hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo habang ginagawa ang kanilang tungkulin, upang isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Sa halip, nag-iisip sila nang husto ng mga paraan para mapatanyag ang sarili, para tumaas ang tingin sa kanila ng mga lider at itaas sila ng ranggo, upang sila mismo ay maging lider o manggagawa, at mamuno sa ibang mga tao. Ito ang pinag-iisipan at inaasam nila buong araw. Hindi pumapayag ang mga anticristo na pamunuan ng iba, ni hindi sila pumapayag na maging ordinaryong tagasunod, lalo nang manahimik na lamang habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang nakukuhang atensyon. Anuman ang kanilang tungkulin, kung hindi sila maaaring maging bida, kung hindi sila maaaring maging mataas sa iba at maging lider ng ibang tao, nagiging nakababagot para sa kanila ang paggawa ng kanilang tungkulin, at nagiging negatibo sila at nagsisimulang tamarin. Kung walang papuri o pagsamba ng iba, lalong hindi ito interesante sa kanila, at lalong wala silang pagnanais na gawin ang kanilang tungkulin. Ngunit kung maaari silang maging bida habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin at sila ang may huling salita, lumalakas sila, at handang danasin ang anumang paghihirap. Palagi silang may personal na mga layunin sa pagganap sa kanilang tungkulin, at gusto nila na palagi mamukod-tangi bilang isang pamamaraan para matugunan ang kanilang pangangailangan na talunin ang iba, at matugunan ang kanilang mga pagnanais at ambisyon” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naisip ko agad ang lahat ng nagawa ko. Pakiramdam ko, lahat ng saloobin at kilos ko ay nalantad sa liwanag. Inilantad ng mga salita ng Diyos na hindi kailanman iniisip ng mga anticristo kung paano hangarin ang katotohanan para gawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Sa halip, hinahangad nila ang mataas na katayuan at gustong pamunuan ang iba. Hindi nila hinahayaan ang iba na mahigitan sila, at tinatahak nila ang landas ng paglaban sa Diyos. Ginunita ko kung paanong ang lahat ng iba’t iba kong pag-uugali ay kapareho nang sa mga anticristo: Sa sandaling sinimulan kong gawin ang aking tungkulin, ninais kong tingalain ako ng lahat. Ginagaya ko ang lider ng iglesia kapag nagho-host ako ng mga pagtitipon. Nagsikap ako nang husto sa pagninilay sa mga salita ng Diyos tuwing may mga pagtitipon, umaasang makapagbabahagi nang malinaw at sa organisadong paraan. Ang layunin ko ay hindi upang makamit ang magagandang resulta mula sa mga pagtitipon, kundi upang ipakita sa lahat na nagbahagi ako sa isang maayos at malinaw na paraan. Iyon ay para matanggap ko ang papuri ng aking mga kapatid. Matapos ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ko inisip kung paano tutuparin ang tungkulin ko na mapalugod ang Diyos. Sa halip, tinanong ko muna kung sino ang mga lider ng grupo at lider ng iglesia, umaasang mapipili ako bilang lider ng grupo sa pamamagitan ng aking mga pagsisikap. Ginawa ko ang lahat para magpasikat sa harap ng mga kapatid, at inihambing ko ang sarili ko sa kanila. Nang nakita kong nagkakamit ang iba ng magagandang resulta mula sa paggawa ng kanilang tungkulin, nainggit ako, at ninais ko silang laging mahigitan at maging pinakamahusay. Lahat ng ginawa ko ay para sa reputasyon at katayuan ko, at lahat ng ito ay pagsisikap na matugunan ang pagnanais ko na makipagkumpitensya. Paanong hindi kasusuklaman ng Diyos ang aking paghahangad? Ang tungkulin ay isang atas mula sa Diyos, at ito ay isang obligasyon at responsibilidad na dapat nating tuparin, pero itinuring ko ito na parang sarili kong karera. Ginamit ko ang tungkulin ko para maghangad ng katayuan at makuha ang layon kong mapatingala sa akin ang mga tao. Paano aayon sa layunin ng Diyos ang pagkikimkim ko ng di-wastong layunin sa paggampan ko ng aking tungkulin? Kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging napakatiwali. Ayaw ko nang mamuhay nang ganito. Ninais kong magbago sa lalong madaling panahon.
Makalipas ang ilang araw, inilipat ako sa ibang grupo para magpalaganap ng ebanghelyo. Noong una akong magsimula, gusto ko lang tumuon sa gawain ng ebanghelyo at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Napansin ko na ginagampanan nang maayos ng mga kapatid doon ang kanilang mga tungkulin. Kapag ipinapangaral ang ebanghelyo, napakalinaw silang nakikipagbahaginan sa katotohanan ng gawain ng Diyos, at marami sa mga nakarinig ng ebanghelyo ay handang hanapin at siyasatin ito. Nang naisip ko ang tungkol sa kung paanong ang sarili kong pangangaral ay hindi epektibo at ang pagbabahagi ko tungkol sa katotohanan ay malabo, nadama kong sobra akong nakakadismaya. Sa sandaling iyon, unti-unting naglaho ang aking kayabangan. Hindi na ako nangahas na isiping mataas ang aking sarili, at hindi ko na ninais na patingalain ang iba sa akin. Noong una, akala ko nagbago na ako nang kaunti, pero nang makita ko ang mga kapatid na pinupuri sa maayos na pagganap ng kanilang mga tungkulin, ayaw kong mapag-iwanan. Kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, nagkukumahog akong mag-anyaya sa mga tao na makinig sa mga sermon, pero hindi ko sinusubukang alamin kung totoong naniniwala sila sa Diyos o kung natutugunan nila ang mga hinihingi sa pag-eebanghelyo. Dahil dito, naanyayahan ko ang ilang hindi mananampalataya sa mga sermon, at hindi nagtagal, umalis sila sa grupo ng pagtitipon. Labis akong nalungkot, at naisip ko, “Bakit ganito? Hindi epektibo ang paggawa ko sa tungkulin ko. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Iisipin ba nilang mas mababa ako sa kanila?” Sa mga araw na iyon, labis akong negatibo, at gusto kong umiyak sa mga pagtitipon, pero lagi kong naaalala ang isang sipi sa mga salita ng Diyos: “Ginagawa mo ba ang mga mithiin at layunin mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga iniisip at palagay. Hindi ka ba nakokonsensya?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Pinaalalahanan ako ng mga salita ng Diyos na dapat kong higit pang pagnilayan at suriin kung nagkaroon ako ng maling layunin sa paggawa ng aking tungkulin. Sa pagninilay-nilay, napagtanto kong bumalik ang dati kong problema: Ninais kong makuha ang atensyon at mataas na pagtingin ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa nang maayos sa aking tungkulin. Nang matanto ko ito, lubha akong nabagabag. Bakit napakatindi ng pagnanais ko sa katayuan at napakalalim ng aking katiwalian? Ang mas malala pa, manhid ako rito. Hindi ko man lamang napagtanto ang aking di-wastong kalagayan.
Isang beses, nang tinatalakay ko ang aking kalagayan sa isang sister, pinadalhan niya ako ng sipi ng mga salita ng Diyos. Sa wakas ay nagkamit ako ng kaunting pagkakilala sa sarili ko pagkatapos kong basahin ito. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Himayin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagsimula akong magnilay sa aking sarili. Sinasabi ng Diyos na gusto ni Pablo na sinasamba siya ng mga tao at pumapaligid sa kanya, na gusto niyang magkaroon ng katayuan sa isipan ng iba, at na ikinalulugod niya kapag pinahahalagahan ng iba ang imaheng ipinapakita niya. Gusto ko ring tingalain ako ng mga kapatid. Sa mga pagtitipon, gusto kong mas mahusay na magbahagi kaysa sa iba. Sa paggawa sa aking tungkulin, kapag nakakikita ako ng iba na nagkakamit ng mas magagandang resulta mula sa kanilang gawain kaysa sa akin, lumilitaw ang likas kong pagiging mapagkumpitensiya. Ninais kong gumawa nang mas mahusay kaysa sa kanila at mahigitan sila. Lahat ng sinabi at ginawa ko ay puno ng ambisyon at pagnanais, at napakayabang ng disposisyon ko. Ang layunin at pag-uugali ko ay kapareho nang kay Pablo. Mapagmalaki at mayabang ang kalikasan ni Pablo. Hindi niya sinamba ang Diyos, nagpakitang-gilas siya at nagpatotoo hinggil sa kanyang sarili kahit saan, sinubukan niyang mapatingala at mapasamba sa kanya ang iba, at ginusto niyang magkaroon ng puwang sa mga isipan ng ibang tao. Ganoon din ako. Anuman ang tungkuling ginampanan ko, lahat ng ginawa ko ay para sa katanyagan at katayuan, hindi para tuparin ang tungkulin kong mapalugod ang Diyos. Sa aking paghahangad ay nilabanan ko ang Diyos at makokondena Niya. Ito ay dahil sa ang paghahangad ng katayuan ay hindi lamang para sadyang makakuha ng katayuan o titulo; ito ay para magtamo ng puwang sa isipan ng mga tao, at pasambahin ang iba sa iyo. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Ito ang klasikong larawan ni Satanas.” Talagang sobrang nakakatakot ito! Para makuha ang paghanga ng iba, naghangad ako ng madaliang tagumpay sa paggawa ng aking tungkulin, at ipinangaral ang ebanghelyo nang walang prinsipyo, na nagdala sa ilang hindi mananampalataya sa grupo ng pagtitipon at inaksaya ang oras at lakas ng mga nag-eebanghelyo. Kung nakapasok ang mga taong ito sa iglesia, magiging mas malala sana ang sitwasyon at magagambala nila ang gawain ng iglesia. Napakaseryoso ng kalikasan ng problemang ito! Kung hindi ako magsisisi at magbabago, tiyak na kapopootan ako ng Diyos, kaya ayaw ko nang hangarin pa ang katayuan at ang paghanga ng iba.
Sa sumunod na mga pagtitipon, nakinig akong mabuti sa pagbabahaginan ng mga kapatid at nakitang masigasig na ginagawa ng lahat ang kanilang tungkulin. May isang sister na ang karanasan ay talagang nakaaantig para sa akin. Ibinahagi niya kung paano siya umasa sa Diyos para mapagtagumpayan ang mga paghihirap sa pagganap sa kanyang mga tungkulin at kung paano niya ipinalaganap ang ebanghelyo. Pagkatapos kong marinig ito, tinanong ko ang sarili ko, “Sineseryoso ko ba ang tungkulin ko? Nagsasagawa ba ako ayon sa mga salita ng Diyos? Lahat ng iba ay may totoong karanasan at patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan sa iba’t ibang kapaligiran. Bakit hindi ko ginagawa? Bakit hindi ko layunin ang gampanan nang maayos ang aking tungkulin?” Sobrang nakonsensya ako. Hindi ko ginampanan nang matapat ang tungkulin ko. Sa halip na magtrabaho nang maayos, buong-puso kong hinangad ang paghanga ng mga tao. Hindi talaga ako karapat-dapat na mabigyan ng anumang mga tungkulin. Noong panahong iyon, seryoso kong pinagnilayan ang sarili ko, at naalala ko ang karanasan ni Pedro. Hindi kailanman nagpasikat si Pedro o hinangad ang paghanga ng iba. Tumuon siya sa paghahanap ng katotohanan sa lahat ng bagay, sa pagninilay-nilay at pag-unawa sa kanyang sariling katiwalian, at sa pagsubok na baguhin ang kanyang disposisyon sa buhay. Tinahak niya ang isang matagumpay na landas ng pananalig sa Diyos. Gusto ko ring maghangad ng pagbabago ng disposisyon, kaya madalas akong manalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagkilala sa aking sarili. Sa tuwing hinahangad ko ang paghanga ng mga tao kapag ginagawa ko ang aking tungkulin, sadya akong maghihimagsik laban sa aking maling layunin. Ninais kong takasan ang aking tiwaling disposisyon sa lalong madaling panahon at gampanan nang maayos ang aking tungkulin.
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kung ginawa kang hangal ng Diyos, kung gayon ay may katuturan sa iyong kahangalan; kung ginawa ka Niyang matalino, kung gayon ay may katuturan sa iyong katalinuhan. Anumang talento ang ibinibigay ng Diyos sa iyo, anuman ang iyong mga kalakasan, gaano man kataas ang iyong IQ, lahat ng ito ay may layon para sa Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Ang papel na ginagampanan mo sa iyong buhay at ang tungkuling ginagawa mo ay matagal na panahon nang paunang itinalaga ng Diyos. Nakikita ng ilang tao na ang iba ay nagtataglay ng mga kalakasan na wala sa kanila at hindi sila nasisiyahan. Gusto nilang baguhin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral, ibayong pagtuklas, at pagiging mas masikap. Ngunit may limitasyon ang maaaring matamo ng kanilang sigasig, at hindi nila mahihigitan ang mga may kaloob at kadalubhasaan. Gaano ka man lumaban, wala itong saysay. Inorden ng Diyos kung magiging ano ka, at walang magagawa ang sinuman para baguhin ito. Saan ka man magaling, doon ka dapat magsumikap. Anuman ang tungkuling nababagay sa iyo ay ang tungkulin na dapat mong gampanan. Huwag mong subukang ipilit ang iyong sarili sa mga larangang hindi saklaw ng iyong mga kasanayan at huwag mainggit sa iba. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat tao. Huwag mong isiping magagawa mo ang lahat nang mabuti, o na mas perpekto ka o mas mahusay kaysa sa iba, na palaging gustong palitan ang iba at ibida ang sarili. Isa itong tiwaling disposisyon. May mga nag-iisip na hindi sila mahusay sa anumang bagay, at na wala talaga silang mga kasanayan. Kung ganoon ang kaso, kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at nagpapasakop sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong naantig. Naintindihan ko na pagod na pagod ako at dumaan sa labis na paghihirap lahat dahil sa hindi ko ibinuhos ang lakas ko sa paggawa ng aking tungkulin. Sa halip, ginamit ko ang aking lakas para maghangad ng reputasyon at katayuan. Pauna nang itinalaga ng Diyos kung mataas o mababa ba ang kakayahan ng isang tao, kung anong uri ng mga talento at mga kaloob ang mayroon siya, at kung anong tungkulin ang kaya niyang tuparin. Gusto ng Diyos na gawin natin ang lahat ng ating makakaya sa loob ng limitasyon ng sarili nating abilidad. Hindi Niya hinihingi sa atin na subukang mamukod-tangi mula sa karamihan at maging mas mataas sa iba. Bago pa man ako isilang, isinaayos na ng Diyos ang lahat para sa akin. Pauna nang itinalaga ng Diyos kung anong kakayahan, mga talento, mga kaloob ang aking tataglayin; kung anong mga tungkulin ang nababagay kong gampanan; at lahat ng iba pa. Dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, manatili sa aking kinalalagyan, ibuhos ang aking mga abilidad sa praktikal na paraan, at gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Pagkatapos ng masusing pag-iisip, napagtanto kong wala akong anumang espesyal na kasanayan, kaya kailangan ko lamang makinig sa mga salita ng Diyos: “Kailangan mo lamang maging isang taong nakikinig at nagpapasakop sa isang praktikal na paraan. Gawin mo ang makakaya mo at gawin ito nang maayos, nang buong lakas mo. Sapat na iyon. Malulugod na ang Diyos.” Handa akong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at taos-pusong gampanan ang aking tungkulin.
Nakita ko ang isang sister na napaka-epektibong ginawa ang kanyang tungkulin. Talagang nainggit ako at medyo nagselos. Naisip ko, “Paano niya ginagawa ito?” Naramdaman ko muli ang simbuyong mahigitan siya, pero napagtanto kong inilalantad ko ang aking katiwalian, kaya nanalangin ako sa Diyos para maghimagsik laban sa aking sarili. Pagkatapos kong magdasal, naisip ko, “Lahat tayo ay may iba’t ibang mga tungkulin, tulad ng isang makina na may iba’t ibang bahagi at ang bawat bahagi ay may iba’t ibang silbi. Nagtataglay ang sister ko ng sarili niyang mga kalakasan at nagkakamit ng magagandang resulta sa paggawa ng kanyang tungkulin. Isa itong magandang bagay. Hindi ko dapat ikumpara ang sarili ko sa kanya; dapat matuto ako sa kanya.” Pagkatapos niyon, sa tuwing ibinabahagi ng sister ang kanyang landas at mga nakakamit sa paggampan ng kanyang tungkulin, nakikinig akong mabuti at nagsusulat ng note. Bumabaling din ako sa ibang mga kapatid para sa kanilang karanasan sa gawaing pang-ebanghelyo. Sa mga pagtitipon, kinakalma ko ang sarili ko at pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, nagbabahagi sa kung ano ang nauunawaan ko sa Kanyang mga salita, at hindi na hinahangad ang paghanga ng iba. Nang magsagawa ako nang ganito, unti-unting nabawasan ang pagnanais ko sa katayuan at reputasyon. Hindi na ako naiinggit gaya ng dati, at mas mahinahon at malaya na ang pakiramdam ko.