5. Ang Pagbabahaginan ay Dapat Bukas sa Puso

Ni Julia, Poland

Sa simula ng 2021, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Aktibo akong dumadalo sa mga pulong at nagbabasa ng salita ng Diyos, at pagkaraan ng mahigit dalawang buwan, nahalal ako bilang diyakono ng pagdidilig. Mayroon kaming pulong ng mga diyakono tuwing Sabado’t Linggo para talakayin ang mga problema at suliranin na nararanasan namin sa aming mga tungkulin at magbahaginan sa aming nakamit, kung anong katiwalian ang inilantad namin, at kung paano namin ito pinagnilayan at naunawaan sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Bago ang bawat pulong, labis akong kinakabahan at nag-iisip nang matagal, dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa mga lider ng iglesia at iba pang mga diyakono. Nag-aalala ako tungkol sa paglalahad ng aking katiwalian at mga pagkukulang, dahil natatakot akong sumama ang tingin nila sa akin. Halimbawa: Kasisimula ko lang magdilig ng mga baguhan. Wala akong maraming alam, at wala akong karanasan. Nag-aalala ako na hindi ako magugustuhan ng mga baguhan at iisipin nilang hindi ko sila madidiligan nang maayos, kaya ayaw ko na sa tungkuling ito. Pero ayaw kong magtapat tungkol sa kalagayan ko sa pulong ng mga diyakono, dahil nag-aalala ako na kung magtatapat ako, iisipin ng mga kapatid na kulang ako sa abilidad na makipagbahaginan sa mga bagong mananampalataya. Saka, wala rin akong pasensya sa ilang baguhan, at ayaw kong sabihin ito, dahil nag-aalala ako na kung babanggitin ko ito sa pagpupulong, iisipin nilang masama ang pagkatao ko. Pero kung wala akong sasabihin, baka isipin nilang mas mahina ang kakayahan ko kaysa sa iba. Ayokong ipahiya ang sarili ko o hamakin nila ako. Matapos pag-isipan ito, sa huli ay nakapagpasya akong magsabi na lang sa kanila ng isang hindi mahalaga at hindi gaanong kahiya-hiyang bagay, gaya ng tamad ako, na problema ng karamihan sa mga tao. Sa ganoong paraan, hindi ako magmumukhang mas mababa sa iba.

At kaya, sa pulong, tinanong ako ng isang lider ng iglesia tungkol sa mga karanasan ko noong panahong ito, at kung anong kaalaman ang natamo ko tungkol sa aking mga tiwaling disposisyon, at nakipagbahaginan ako ayon sa pinlano ko. Nang matapos ako, nakahinga ako nang maluwag, pero hindi ako napalagay sa kaalamang hindi ko sinabi ang totoo, at na labag sa mga layunin ng Diyos ang ginawa ko. Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama(Mateo 5:37). “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’(Mateo 18:3). Nang maisip ang sinasabi ng Diyos, labis akong nakonsensiya. Ang mga kasinungalingan ay nagmumula kay Satanas, at ito ay masasama. Mahal ng Diyos ang matatapat, at ang matatapat na tao lang ang makapapasok sa kaharian ng langit. Ang mga sinungaling at mapagpaimbabaw ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga ganoong tao ay kinasusuklaman ng Diyos, at tiyak na ititiwalag sila ng Diyos sa bandang huli. Labis akong nabalisa, at natakot akong itaboy ako ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos at hiniling na gabayan Niya ako sa pagiging isang matapat na tao. Napagpasyahan kong sabihin ang totoo sa susunod na pagpupulong at magtapat tungkol sa aking katiwalian. Pero nang dumating ang oras, wala pa rin akong lakas ng loob na sabihin iyon. Nag-alala ako na kung magsalita ako tungkol sa aking katiwalian at mga pagkukulang, iisipin ng mga kapatid ko na mas tiwali ako sa kanila. Parang napakahirap sa akin na sabihin ang totoo at ginusto ko pang huminto sa pagdalo sa mga pulong ng diyakono sa kadahilanang iyon. Pero nag-alala ako na tatanungin ako ng mga kapatid kung bakit hindi ako pumunta, at tapos hindi ko alam kung anong sasabihin. Habang mas iniisip ito, mas lalong nagtalo ang kalooban ko at lalo akong naging miserable. Hindi ko alam ang gagawin. Sa isang pulong, nagbabahaginan ang mga kapatid tungkol sa mga kaalamang batay sa karanasan nila gaya ng dati, at hindi ko talaga alam kung anong sasabihin, kaya tahimik na lang akong nakinig. Dismayado ako sa sarili ko, palagi akong nagkukunwari at nabibigong isagawa ang katotohanan nang paulit-ulit. Ni hindi ako makapagsalita ng isang matapat na salita. Naging miserable ako, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na akayin ako palabas ng kalagayang ito.

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga kamalian, iyong mga kakulangan, iyong mga kasalanan, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na hinding-hindi natin dapat pagtakpan ang sarili nating mga tiwaling kalagayan. Dapat nating dalhin ito sa harap ng Diyos at manalangin, magnilay, subukang unawain ang sarili natin, at buksan ang ating puso para ilantad ang ating katiwalian sa mga kapatid para hanapin ang katotohanan. Makatutulong ito sa atin na mas maunawaan ang sarili natin at malutas ang ating mga tiwaling disposisyon. Pero para mapanatili ang aking reputasyon, ayaw kong magtapat tungkol sa katiwalian at mga suliranin ko, ni hindi ko ginustong hanapin ang katotohanan kasama ang mga kapatid. Palagi kong isinasara ang puso ko para walang makahalata sa akin, pero wala akong nahanap na kaginhawahan sa pamumuhay sa dilim. Natanto kong hindi na ako puwedeng magpatuloy nang ganito, at na dapat kong isagawa ang salita ng Diyos, magtapat tungkol sa aking kalagayan sa mga kapatid, at humingi ng kanilang tulong. Pagkatapos lang ng pulong, isang kapatid ang lumapit sa akin para ikuwento ang kanyang karanasan kamakailan. Naisip kong maganda itong pagkakataon para magtapat at hanapin ang katotohanan, pero medyo nahihiya pa rin ako, dahil hindi ko alam kung ano ang iisipin niya sa akin. Nag-alala akong baka sabihin niya na isa akong hindi matapat na tao. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ayoko nang ikubli ang sarili ko. Ayoko nang itago ang totoo kong iniisip. Pagod na pagod na ako. O Diyos, gusto kong maging matapat na tao, kaya pakiusap gabayan Mo ako.” Pagkatapos kong magdasal, sinabi ko sa kapatid ang lahat ng bagay na hindi ako naglakas-loob na ipagtapat sa pulong. Pagkatapos kong magsalita, labis akong naginhawahan. Ibinahagi ng kapatid sa akin ang kanyang pagkaunawa, at pinadalhan ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pangunahing katangian ng isang taong mapanlinlang ay na hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso para magbahagi kaninuman, at hindi siya nagtatapat kahit sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Lubha siyang imposibleng maintindihan. Sa katunayan, maaaring hindi naman matanda ang gayong tao, o maaaring wala pa siyang masyadong kaalaman sa mundo, at maaaring wala siyang gaanong karanasan, pero imposible siyang maintindihan. Napakatuso niya sa kabila ng kanyang edad. Hindi ba likas na mapanlinlang ang taong ito? Itinatago niya nang husto ang kanyang tunay na pagkatao na walang sinuman ang nakakahalata rito. Ilang salita man ang kanyang sabihin, mahirap matukoy kung alin ang totoo at alin ang hindi, at walang nakakaalam kung kailan siya nagsasabi ng totoo o kailan siya nagsisinungaling. Dagdag pa riyan, sanay na sanay siya sa pagpapanggap at paggamit ng maling argumento. Madalas ay itinatago niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impresyon sa mga tao, kaya ang nakikita lang ng mga tao ay ang huwad niyang ipinapakita. Nagpapanggap siya bilang isang taong matayog, mabuti, matuwid, at taos-puso, bilang isang taong gusto at sinasang-ayunan ng iba, at sa huli, sinasamba at tinitingala siya ng lahat. Gaano katagal mo man nakakasama ang gayong tao, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanyang iniisip. Ang kanyang mga pananaw at saloobin sa lahat ng klase ng tao, pangyayari, at bagay ay nakatago sa kanyang puso. Hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito kaninuman kahit kailan. Hindi siya nagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito kahit sa kanyang pinakamalapit na katapatang-loob. Kahit kapag nagdarasal siya sa Diyos, maaaring hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso o ang katotohanan tungkol sa mga ito. Hindi lang iyan, sinisikap niyang magpanggap bilang isang taong may mabuting pagkatao, na napaka-espirituwal at dedikado sa paghahanap sa katotohanan. Walang sinumang nakakakita kung anong klaseng disposisyon ang taglay niya at kung anong klase siyang tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi)). Mula sa salita ng Diyos, napagtanto kong ang mga taong mapanlinlang ay hindi nakikipag-usap sa iba nang mula sa puso, ni hindi sila nagtatapat tungkol sa tunay nilang kalagayan sa iba. Sa halip, madalas silang nagtatago at nagkukunwari. Nakita kong tulad ako mismo ng ibinubunyag ng Diyos. Mula nang maging diyakono ng pagdidilig, nakita kong marami akong pagkukulang, at marami rin akong inilalantad na tiwaling disposisyon, at wala akong pagmamahal at pasensya para sa mga baguhan. Kailangan kong buksan ang puso ko at humanap ng mga solusyon sa mga problemang ito kasama ang mga kapatid. Pero nag-alala ako na kung sasabihin ko ang totoo, hahamakin nila ako at makikita nilang mas mababa ako, kaya ayaw kong sabihin sa kanila ang totoo kong kalagayan. Iniwasan ko ang mahahalagang bagay at sinabi sa kanila ang mga bagay na walang katuturan, o mga problemang sa tingin ko ay mayroon ang maraming tao. Ginawa ko ito para itago ang madilim kong pagkatao at ang aking kaloob-loobang iniisip. Para magkaroon ng magandang opinyon ang iba sa akin, nagpanggap ako at nagbigay ng maling impresyon. Nililinlang ko ang mga kapatid. Napakamapanlinlang at mapagpaimbabaw ko!

Kalaunan, pinadalhan ako ng kapatid ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa katotohanan, alam ng mga tao kung bakit sila nagsisinungaling. Dahil sa pansariling pakinabang at pride, o para sa banidad at katayuan, sinusubukan nilang makipagkumpetensya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira ang dignidad at karakter nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyado nang dumami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at hindi sinsero, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o tapat. Kahit na hindi mo nararamdamang napahiya ka kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at mababa ang pagtingin mo sa sarili mo, iniisip na, ‘Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?’ Hindi mo kailangang mamuhay nang nakakapagod. Kung makakapagsagawa ka bilang isang tapat na tao, magagawa mong mamuhay nang maluwag, malaya, at libre. Gayunman, pinili mong itaguyod ang pride at banidad mo sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, nakakapagod at miserable ang pag-iral mo, na ikaw mismo ang may gawa. Maaaring magkaroon ng pakiramdam ng pagmamalaki ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ba ang pakiramdam ng pagmamalaki? Ito ay isang bagay na walang kabuluhan at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugan ng pagkakanulo ng iyong karakter at dignidad. Tinatanggalan nito ng dignidad at karakter ang isang tao; hindi ito nakalulugod sa Diyos, at kinasusuklaman Niya ito. Ito ba ay kapaki-pakinabang? Hindi. … Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, titiisin mo ang iba’t ibang paghihirap upang maisagawa ang katotohanan. Kahit pa ang ibig sabihin nito ay pagsasakripisyo ng iyong reputasyon, katayuan, at pagtitiis ng pangungutya at pamamahiya ng iba, hindi mo ito iindahin—basta’t nagagawa mong isagawa ang katotohanan at palugurin ang Diyos, sapat na ito. Pinipili ng mga nagmamahal sa katotohanan na isagawa ang katotohanan at maging tapat. Ito ang tamang landas at ito ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, ano ang pinipili niya? Pinipili niyang gumamit ng mga kasinungalingan upang panindigan ang kanyang reputasyon, katayuan, dignidad, at karakter. Mas pipiliin niyang maging mapanlinlang, at kasuklaman at itakwil ng Diyos. Itinatakwil ng gayong tao ang katotohanan at ang Diyos. Pinipili niya ang sarili niyang reputasyon at katayuan; nais niyang maging mapanlinlang. Wala siyang pakialam kung nalulugod ang Diyos o hindi o kung ililigtas siya ng Diyos. Maliligtas pa rin ba ng Diyos ang gayong tao? Tiyak na hindi, dahil pinili niya ang maling landas. Makapamumuhay lang siya sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya; makapamumuhay lamang siya ng buhay na puno ng pasakit dahil sa pagsisinungaling at pagtatakip sa mga ito at pagpipiga sa kanyang utak upang ipagtanggol ang sarili niya araw-araw. Kung iniisip mong maitataguyod ng kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na hinahangad mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at karakter mo, kundi mas matindi pa, napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Kahit na nagawa mong protektahan sa sandaling iyon ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride, isinakripisyo mo ang katotohanan at ipinagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at panghabang-buhay mong pagsisisihan. Hindi ito mauunawaan kailanman ng mga mapanlinlang(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Matapos basahin ang salita ng Diyos, pinagnilayan ko ang aking sarili. Para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan at maiwasang maliitin ng iba, bago ang bawat pagpupulong, labis-labis kong pinag-iisipan kung paano magbahagi sa pulong. Kung ipagtatapat ko ang tunay kong kalagayan, natatakot akong magkaroon ng masamang impresyon sa akin ang mga kapatid. Pero kung wala akong sasabihin, nag-aalala rin akong baka isipin ng mga kapatid ko na masama ako at hamakin ako. Sa desperasyon, ginusto kong takasan ang sitwasyong ito. Nakita ko na para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, labis-labis akong nag-iisip at piniling gawing miserable ang sarili ko kaysa magtapat, maging isang matapat na tao, at sabihin sa mga kapatid ang tunay kong kalagayan at mga suliranin. Sobrang mapanlinlang talaga ako! Napanatili ko man ang aking imahe sa isip ng mga tao sa maikling panahon, nawala naman ang dignidad ko, ang aking pagkakataong maging isang matapat na tao, at ang pagkakataon kong hanapin ang katotohanan. Pagod na pagod ako sa bawat pagpupulong, at wala akong maramdamang kaginhawahan. Ganap akong nakagapos sa aking tiwaling disposisyon. Ang mga kapatid ay dapat kumakain at umiinom ng salita ng Diyos sa mga pulong, at nagbabahaginan ng kanilang karanasan at kaalaman sa salita ng Diyos. Kung mayroon kaming mga problema o suliranin, maaari naming talakayin ang mga ito at lutasin nang sama-sama, at matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa. Sa ganitong paraan, madaling matamo ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang katotohanan. Pero sa mga pulong, palagi kong iniisip kung ano ang sasabihin para hindi ako hamakin, para magkaroon ng magandang opinyon ang mga tao sa akin. Lahat ng iniisip ko ay nakatuon dito. Napakahirap at nakapapagod na mamuhay sa ganitong paraan.

Kalaunan, nabasa ko ito sa salita ng Diyos: “Nagagawa mo bang magtapat at sabihin kung ano talaga ang nasa puso mo kapag nakikipagbahaginan ka sa iba? Kung laging sinasabi ng isang tao kung ano ang tunay na nilalaman ng puso niya, kung magsasalita siya nang tapat, kung magsasalita siya nang diretsahan, kung siya ay taos, at hindi talaga pabaya habang gumaganap sa kanyang tungkulin, at kung kaya niyang isagawa ang katotohanang nauunawaan niya, may pag-asa ang taong ito na matamo ang katotohanan. Kung laging pinagtatakpan ng isang tao ang kanyang sarili at itinatago ang nilalaman ng kanyang puso para hindi iyon makita nang malinaw ninuman, kung nagbibigay siya ng maling impresyon para linlangin ang iba, siya ay nasa matinding panganib, siya ay nasa malaking gulo, magiging napakahirap para sa kanya na makamit ang katotohanan. Makikita ninyo sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at sa kanyang mga salita at gawa kung ano ang kanyang mga inaasam. Kung ang taong ito ay laging nagkukunwari, laging mahangin, hindi siya isang taong tumatanggap ng katotohanan, at ibubunyag siya at ititiwalag sa malao’t madali. … Ang mga taong hindi nagtatapat ng laman ng kanilang puso kahit kailan, na laging sinusubukang magkubli at magtago ng mga bagay-bagay, na nagpapanggap na sila ay kagalang-galang, na gustong tingalain sila ng iba, na hindi tinutulutan ang iba na lubos silang masukat, na nagnanais na hangaan sila ng iba—hindi ba’t hangal ang mga taong ito? Pinakahangal ang mga taong ito! Iyon ay dahil sa malao’t madali ay malalantad ang totoo tungkol sa mga tao. Anong landas ang kanilang tinatahak sa ganitong klase ng pag-uugali? Ito ang landas ng mga Pariseo. Nanganganib ba ang mga mapagpaimbabaw o hindi? Ito ang mga taong pinakakinasusuklaman ng Diyos, kaya sa tingin mo ba ay nanganganib ang mga ito o hindi? Lahat ng Pariseong iyon ay tumatahak sa landas tungo sa kapahamakan!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na nais ng Diyos na tayo ay maging matatapat na tao, magsalita nang simple at diretso, hindi magsinungaling o manlinlang, at kapag nagbubunyag tayo ng katiwalian, dapat tayong magtapat at magsalita tungkol dito, para makita ng iba ang tunay nating iniisip. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay hindi nakapapagod, at mas madaling pumasok sa katotohanan at lumakad sa landas ng kaligtasan. Pero iyong mga palaging nagkukunwari, nagtatago, nagkukubli, at hindi ipinapakita sa iba ang kalagayan nila, ay lumalakad sa maling landas. Lalo lang silang nagiging mapagpaimbabaw, at kaya hindi kailanman magagawang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ito ang daan patungo sa kapahamakan. Naisip ko ang mga Pariseo dalawang libong taon na ang nakararaan. Sa panlabas, sila ay banal, at ginugol ang mga araw nila sa pagpapaliwanag ng kasulatan para sa iba sa mga sinagoga. Sinadya rin nilang tumayo sa mga sangang-daan at nanalangin para isipin ng mga tao na mahal nila ang Diyos. Pero wala silang takot sa Diyos, hindi nila dinakila ang Diyos, o sinunod ang mga utos ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, malinaw nilang alam na ang Kanyang mga salita ay may awtoridad at kapangyarihan, at nagmumula sa Diyos, pero para mapanatili ang kanilang katayuan at kinikita, galit na galit nilang nilabanan at kinondena ang Diyos at sa huli ay ipinako sa krus ang Panginoong Jesus. Nakita ko na ang mga Pariseo ay banal sa anyo, ngunit mapanlinlang at tuso sa diwa. Bihasa sila sa pagkukunwari at panlilinlang. Lahat ng ginawa nila ay para ilihis at kontrolin ang mga tao, at para dayain ang mga tao sa kanilang pagpapahalaga at pagsamba. Ang landas na kanilang tinahak ay ang paglaban sa Diyos. Sa huli, isinumpa at pinarusahan sila ng Diyos. Nagnilay ako sa sarili ko. Para magkaroon ng magandang imahe sa isip ng iba, itinago ko ang aking katiwalian at tinalakay lang ang pangkaraniwang katiwalian na aking inilantad. Hindi lang nito pinrotektahan ang aking reputasyon, kundi ipinakita nito sa iba na isa akong simple at tapat na tao. Hindi ba’t kasingmapanlinlang ako ng mga Pariseo? Natakot ako nito. Hindi ko na kaya ito. Kailangan kong maging matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos.

Pagkatapos niyon, pinadalhan ako ng kapatid ng isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Marami na ngayong tao na nakatutok sa paghahangad sa katotohanan at na nagagawang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanila. Kung gusto mong lutasin ang mga maling motibo at hindi normal na kalagayan sa loob mo, dapat mong hanapin ang katotohanan para magawa iyon. Bilang panimula, dapat mong matutunang maging bukas sa pagbabahaginan batay sa mga salita ng Diyos. Siyempre, dapat kang pumili ng tamang tatanggap ng bukas na pagbabahaginan—kahit papaano man lang, dapat kang pumili ng taong nagmamahal at tumatanggap sa katotohanan, isang taong mabuti ang pagkatao, na kahit papaano ay matapat at matuwid. Mas mabuti siyempre kung makapipili ka ng isang taong nakauunawa sa katotohanan, na matutulungan ka sa kanyang pagbabahagi. Maaaring maging epektibo ang paghahanap ng ganitong tao na mapagtatapatan mo at makakasama mo sa paglutas ng mga paghihirap mo. Kung pipili ka ng maling tao, ng isang taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kundi may kaloob o talento lamang, kukutyain at hahamakin ka niya, at lilibakin ka niya. Hindi ito para sa kapakinabangan mo. Sa isang banda, ang pagtatapat at paglalahad ng sarili ang dapat maging paraan ng isang tao sa pagharap sa Diyos at pagdarasal sa Kanya; ganito rin dapat makipagbahaginan sa iba ang isang tao tungkol sa katotohanan. Huwag mong kimkimin ang mga bagay-bagay, at isipin na, ‘Mayroon akong mga motibo at paghihirap. Hindi mabuti ang kalagayan ng kalooban ko—negatibo ito. Hindi ko sasabihin kahit kanino. Sasarilinin ko na lamang ito.’ Kung palagi mong sinasarili ang mga bagay nang hindi nilulutas ang mga ito, lalo ka lang magiging negatibo, at lalo lang malulugmok ang kalagayan mo. Hindi mo gugustuhing manalangin sa Diyos. Ito ay isang bagay na mahirap ayusin. Kaya’t kung anuman ang iyong kalagayan, negatibo ka man o naghihirap, anuman ang iyong personal na mga motibasyon o mga plano, anuman ang nabatid mo na o napagtanto sa pamamagitan ng pagsusuri, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan, at habang nakikipagbahaginan ka, gumagawa ang Banal na Espiritu. At paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Binibigyan ka Niya ng kaliwanagan at pagtanglaw at pinahihintulutan kang makita ang kalubhaan ng suliranin, ipinapaalam Niya sa iyo ang ugat at diwa ng suliranin, pagkatapos ay unti-unti Niyang ipinauunawa sa iyo ang katotohanan at ang Kanyang mga layunin, at hinahayaan ka Niyang makita ang landas ng pagsasagawa at makapasok sa katotohanang realidad. Kapag ang isang tao ay hayagang nakapagbabahaginan, nangangahulugan ito na mayroon siyang tapat na saloobin sa katotohanan. Ang katapatan ng tao ay nasusukat sa kanyang saloobin sa katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nagbahagi ang kapatid: “Para maging tapat na tao, kailangan muna nating matutunang buksan ang ating puso sa paghahanap at pagbabahaginan. Kung palagi nating itinatago at pinagtatakpan ang ating mga tiwaling kalagayan, at kung ayaw nating manalangin o magtapat sa pagbabahaginan sa iba, magiging mahirap lutasin ang ating mga problema. Halimbawa, kung ang isang tao ay may sakit, maghahanap siya ng doktor o magtatanong sa taong may karanasan. Sa ganoong paraan, mauunawaan niya ang kanyang kalagayan, makakukuha ng tamang gamot, at makokontrol ang sakit sa tamang oras. Pero ang ilang tao ay itinatago ang kanilang kalagayan, kaya dahil sa hindi nagagamot sa tamang oras, lumalala ang kondisyon, o nagiging banta pa sa kanilang buhay. Kung gusto nating lutasin ang ating mga kalagayan at suliranin, kailangan nating magbahagi nang hayagan at maging matapat na tao. Ito ang tamang paraan ng pagsasagawa.” Nakita ko na ang pagiging isang matapat na tao at ang paghahayag ng ating sarili ay napakahalaga. Maiksing panahon pa lang akong nananalig sa Diyos at hindi naunawaan ang katotohanan. Kahit na nalaman kong naglantad ako ng isang tiwaling disposisyon, hindi ko ito malutas. Dapat akong magsanay na maging isang matapat na tao, magtapat tungkol sa aking kalagayan, at hanapin ang katotohanan. Sa ganitong paraan ko lang makakamit ang patnubay ng Diyos, at makatutulong din ito sa paglutas ng aking tiwaling disposisyon. Kasisimula ko lang magdilig ng mga baguhan, kaya’t normal lang na hindi ko pa nauunawaan ang maraming bagay. Kapag hindi ako nakauunawa, dapat akong magtapat para maghanap kasama ang mga kapatid. Sa ganoong paraan, makakabisado ko ang mga prinsipyo ng aking tungkulin nang paunti-unti at magagampanan nang maayos ang aking tungkulin. Pagkatapos niyon, sinabi ko sa isa pang kapatid ang tungkol sa kalagayan ko sa panahong ito at ang mga suliranin sa tungkulin ko. Hindi niya ako minaliit, at pinadalhan niya ako ng salita ng Diyos at nagbahagi tungkol sa kanyang karanasan para tulungan ako. Nagbigay-daan ito sa akin para makamit ang kaunting kaalaman sa kalagayan ko at sa katiwaliang inilantad ko, at binigyan ako ng landas ng pagsasagawa. Nakaramdam ako ng labis na kaligayahan at kaginhawahan. Mula noon, sinasadya ko nang maging isang matapat na tao at magtapat tungkol sa kalagayan ko.

Isang gabi, nag-host ako ng pulong ng grupo. Isang lider ng iglesia ang nagsaayos na mag-host kasama ko ang isang lider ng grupo. Mas nauunawaan ng kapatid na ito ang katotohanan kaysa sa akin. Habang nagpupulong, nakipagbahaginan siya at napakabisang nilutas ang mga problema ng iba, at medyo nainggit ako. Nag-alala ako na baka isipin ng iba na mas mababa ako sa kanya. Pagkatapos ng pulong, tinanong ng lider ng iglesia kung mayroon ba akong saloobin na gustong ibahagi. Alam kong dapat akong maging matapat na tao, magtapat tungkol sa katiwalian ko, at maghanap ng solusyon. Kaya, sinabi ko sa kanya kung ano ang nabunyag ko sa aking puso pagkatapos ay pinadalhan niya ako ng salita ng Diyos at sinabi sa akin ang tungkol sa kanyang karanasan. Napagtanto kong naiinggit ako sa kapatid dahil pinahahalagahan ko ang katayuan, may mayabang na disposisyon, at gustong tingalain. Napagtanto ko rin na para mawala ang inggit ko, kailangan kong mas magdasal sa Diyos, tingnan ang kalikasan at kahihinatnan ng pagkainggit, isaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang aking tungkulin, at unahin ang mga interes ng iglesia. Ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kasabay nito, kailangan ko ring harapin nang maayos ang sarili kong mga pagkukulang at kakapusan at matuto pa sa kalakasan ng iba para mapunan ang mga pagkukulang ko. Sa ganoong paraan, mas mauunawaan ko ang katotohanan. Masayang-masaya ako nang mapagtanto ito. Naramdaman ko talaga na kapag nagtatapat ako sa mga kapatid, sa halip na hamakin nila ako, malaki ang naitutulong nila sa akin.

Matapos itong maranasan, naramdaman ko kung gaano kahalaga ang maging isang matapat na tao. Sa pagiging isang matapat na tao at pagbubukas ng ating sarili lang natin matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang katotohanan. Nakikita ko rin na ang pagiging matapat na tao ay makapagbibigay sa atin ng ginhawa at kalayaan, hinahayaan tayong mamuhay bilang mga tao. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 4. Ang mga Ibubunga ng Pagkabigong Gumawa ng Aktuwal na Gawain

Sumunod: 6. Ang Kahihinatnan ng Pag-iingat laban sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito