3. Ang Makita sa Wakas ang Aking Pagkamapanlinlang

Ni Marlene, Hong Kong

Responsable ako sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya sa iglesia. Noong nakaraan, may ilang baguhan na hindi ko matiyak kung angkop para sa paglilinang bilang mga lider ng pangkat. Ang inaalala ko ay ang pag-aaksaya ng oras at lakas kung lalabas na hindi pala sila naaangkop pagkatapos ko silang linangin. Gayunpaman, kung hindi ko sila lilinangin, maaaring sabihin ng aking superbisor na mabigat ang mga hinihingi ko sa kanila at hindi ko binibigyang ng sapat na pansin ang paglilinang sa kanila, o na kulang lamang talaga ako sa kakayahang linangin sila. Medyo mahirap ang kalagayan ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pakiramdam ko’y dapat kong tanungin ang superbisor ko tungkol dito at hayaan siyang magpasya. Sa gayon, hindi lang ako ang mananagot kung magkakaproblema, at hindi ako kakailanganing mapungusan kahit na hindi talaga angkop ang mga baguhan. Nang makipag-ugnayan ako sa superbisor ko, hindi ko direktang sinabi na hindi ako mahusay kumilatis ng mga tao at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Sa halip, kung ano-ano ang sinasabi ko tungkol sa iba’t ibang kalagayan at paghihirap ng mga baguhan: Mabagal ang koneksyon ng internet ni ganito at ganyan at mahirap kontakin, abala sa trabaho si ganito at ganyan, at hindi gaanong nagsasalita si ganito at ganyan sa mga pagtitipon…. Pagkatapos, sa takot na sabihin ng superbisor na inuuri ko ang mga tao, idinagdag ko, “Pero aktibo sila sa mga pagtitipon at masigasig sa kanilang paghahanap, kaya gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para linangin sila.” Noong una, akala ko’y sasabihin niya na hindi naaangkop sa paglilinang ang mga baguhang ito. Sa ganoong paraan ay magiging desisyon niya iyon. Hindi ako ang magiging responsable at hindi ko ipagbabakasakali ang pagbabayad ng halaga sa paglilinang sa kanila. Kaya nagulat ako nang hindi niya ako sinagot, at masungit lang na sinabing, “Ano ba ang gusto mong sabihin? Mahirap sundan ang paliguy-ligoy mong pagsasalita. Napansin ko na ito noon. Una ay sasabihin mo ang mga problema ng mga baguhan, pinalalabas na hindi sila karapat-dapat na linangin, pagkatapos, sasabihin mong gagawin mo ang lahat ng makakaya mo sa kanila, para maging imposibleng malaman kung ano talaga ang iniisip mo.” Sumama talaga ang loob ko nang marinig ko iyon: “Ibig sabihin ba niya ay paliku-liko ako, na parang ahas, sa halip na tuwirang pag-usapan ang isyu? Ganoon ba talaga ako kasama? O naglalabas lang siya ng saloobin dahil masama ang timpla niya?” Napagtanto ko na maling paraan ito ng pag-iisip dito; na hindi ito sasabihin ng sister nang walang anumang dahilan at malamang na sumasalamin ito sa totoong nararamdaman niya. Naghayag ako ng tiwaling disposisyon nang hindi ko namamalayan, at tinutulungan ako ng sister sa pamamagitan ng pagpapaalam nito. Kaya sinabi ko sa kanya, “Hindi ko lubos na nauunawaan ang mga isyung tinutukoy mo, pero handa akong tanggapin ito at lubusang pagnilayan ang aking sarili.”

Pagkatapos, patuloy kong pinag-isipan ang sinabi ng superbisor ko, at nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan akong makilala nang mas mabuti ang sarili ko. Naalala ko na masyadong baluktot ang mga salita ni Satanas, at walang katapatan. Tinanong ng Diyos na si Jehova si Satanas: “Saan ka nanggaling?” Tapos ay sinagot ni Satanas si Jehova, at sinabi, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7). Inilalantad at sinusuri ng Diyos ang paraan ng pagsasalita ni Satanas dito, sinasabing: “Kaya ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo si Satanas na sumasagot sa ganitong paraan? (Nararamdaman natin na si Satanas ay kakatwa ngunit mapanlinlang rin.) Masasabi ba ninyo kung ano ang nararamdaman Ko? Sa tuwing nakikita Ko ang mga salitang ito ni Satanas, naiinis Ako, sapagkat nagsasalita si Satanas ngunit walang anumang kabuluhan ang sinasabi nito. Sinagot ba ni Satanas ang tanong ng Diyos? Hindi, ang mga salitang sinabi ni Satanas ay hindi isang kasagutan at walang anumang kinahantungan ang mga ito. Ang mga iyon ay hindi kasagutan sa katanungan ng Diyos. ‘Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.’ Ano ang nauunawaan mo sa mga salitang ito? Saan ba talaga nanggaling si Satanas? Nakatanggap ka ba ng kasagutan sa tanong na ito? (Hindi.) Ganito ‘kadalubhasa’ sa pagkatuso si Satanas—hindi hinahayaan ang sinuman na matuklasan kung ano talaga ang sinasabi nito. Pagkadinig sa mga salitang ito hindi mo pa rin mababatid kung ano ang sinabi nito, kahit na tapos na itong sumagot. Gayunman naniniwala si Satanas na perpekto ang naging sagot nito. Ano kung gayon ang iyong nararamdaman? Naiinis ka ba? (Oo.) Nagsisimula ka ngayong makaramdam ng inis sa mga salitang ito. Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at nakapanlilihis. Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: ‘Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?’ Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: ‘Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!’ Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang ‘pagkadalubhasa’ sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layon, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Mula sa inihayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko na palaging nagkikimkim si Satanas ng mga lihim na motibo at tusong panlilinlang sa mga salita at gawa nito. Para maitago ang mga kahiya-hiyang layunin nito, paikot-ikot at malabo itong magsalita. Nakalilito ito sa mga tagapakinig, na hindi magawang unawain ang kahulugan nito. Pinagnilayan ko kung paanong madalas akong makipag-usap sa aking mga kapatid sa paraan ng pakikipag-usap ni Satanas, nililito sila sa aking paikot-ikot na pagsasalita. Nang tanungin nila ako kung gaano karaming baguhan ang maaaring linangin sa iglesia na pinangangasiwaan ko, at kung paano umuusad ang mga baguhan na iyon, ang kailangan ko lang sabihin ay ilang salita tungkol sa bilang ng mga baguhan at kung ano ang kanilang kalagayan, pero kahit kailan ay hindi ako nagbigay ng diretsong sagot. Pumipili ako ng mga halimbawa ng hindi magandang pagganap ng mga baguhan at nagsasabi ng iba’t ibang nauugnay na aspeto, para isipin ng mga kapatid na hindi angkop ang mga baguhan para sa paglilinang, sa halip na magkaroon ng problema dahil sa hindi ko paglilinang sa kanila. At pagkatapos ay binabago ko ang opinyon ko, sinasabing, “Pero dapat na linangin ang mga baguhan. Subukan muna natin, at tingnan.” Kasasabi ko lang na may problema sa kanila, pero ngayo’y sinasabi ko nang susubukan kong linangin sila. Hindi iyon isang diretsong sagot. Isa iyong paliguy-ligoy na tugon na walang nakaaalam kung ano ang ibig kong sabihin. Sinasabi ng Diyos na kaya gumagamit si Satanas ng paikot-ikot na pananalita, nagkikimkim ng mga lihim na motibo at mga tusong panlilinlang, ay upang protektahan ang sarili nitong mga interes. Pagkatapos ay tinanong ko ang sarili ko kung ano ang hangarin ko sa pakikipag-usap nang ganoon sa mga kapatid. Nang pag-isipan ko itong mabuti, nakita ko na lagi akong nagsisimula sa pagsasabi ng mga problema, para malaman ng iba na hindi dahil sa hindi ko pagtuon sa paglilinang sa mga tao, kundi dahil sa iba’t ibang kadahilanan, ay hindi sila mahuhusay na kandidato. Tapos ay magtatapos ako sa pagsasabi na susubukan ko silang linangin at titingnan kung ano ang mangyayari, para ipakita sa mga kapatid na inaako ko ang nararapat na responsibilidad sa paglilinang sa mga baguhan at positibo ang saloobin ko. Sa ganitong paraan, hindi nila sasabihin na inuuri ko ang mga tao at ayaw kong ipagbakasakali ang pagbabayad ng halaga sa paglilinang sa kanila. Sa likod nitong paliguy-ligoy na paraan ng pagsasalita ay may mga kasuklam-suklam na motibo. Umiiwas ako sa mga isyu kapag kinakausap ko ang superbisor ko, gusto kong hulaan niya kung ano ang ibig kong sabihin nang hindi siya nakasisiguro, at sa huli ay siya ang pinagdedesisyon kung lilinangin ang mga baguhan na ito o hindi. Sa ganitong paraan ang kalalabasan ay papabor sa akin, anuman ang mangyari. Kung may mangungumusta kung bakit hindi ko sila nililinang, madali kong maipapasa ang sisi sa aking superbisor. At kung umusad nga ang mga baguhan, makikita ng lahat na kaya kong linangin ang ganoong mga tao, na magpapatunay na mayroon akong kakayahan sa gawain at magiging maganda ang imahe ko. Ang paraan ng pagsasalita ko ay ang eksaktong paraan ng pagsasalita ni Satanas, gaya ng inilantad ng Diyos—itinatago ang mga motibo ko at nagpapaligoy-ligoy, tulad ng isang ahas, upang makamit ko ang mga layon ko nang hindi nalalaman ng iba kung ano ang binabalak ko. Tuso at mapanlinlang ako, tulad lang ni Satanas. Kunwari ay nagsisiyasat ako kasama ng superbisor kung maaaring linangin ang mga baguhan, ngunit ang totoo ay sinisikap ko siyang impluwensyahan upang siya ang magpasya para sa akin, para mawala sa akin ang responsibilidad. Napakadaya ko! Ang isang normal na tao na nasa ganitong sitwasyon ay maghahanap ng mga nauugnay na prinsipyo, upang makakilos nang ayon sa prinsipyo at mas mahusay na malinang ang mga baguhan para sa ikabubuti ng gawain ng iglesia. Pero ang mithiin na nilalayon ko ay mawala sa akin ang responsibilidad, para maprotektahan ang mga interes, katayuan at reputasyon ko. Bakit ba napakatuso at napakadaya ko? Kaya pinungusan at inilantad ako ng superbisor ay dahil lagi akong nagsasalita at kumikilos batay sa aking mapanlinlang na disposisyon, hindi kailanman nagninilay sa sarili. Kasuklam-suklam ako sa Diyos at nakaririmarim sa iba. Nagdasal ako at sumumpa sa Diyos na mula sa sandaling iyon ay mas bibigyang-pansin ko ang mga motibo at layunin na nakatago sa mga sinasabi at ginagawa ko, at isasagawa ang pagiging matapat. Kalaunan, kapag tinatanong ako ng aking mga kapatid tungkol sa mga bagong mananampalataya, kung minsa’y gusto ko na namang magsimula sa mga problema nila, para hindi ako ang managot kung hindi sila puwedeng linangin. Kapag napagtatanto ko na nagiging mapanlinlang na naman ako at mali ang motibo, sadya akong nagdadasal, at naghihimagsik laban sa aking sarili, at nagsasalita tungkol sa mga baguhan nang patas at walang kinikilingan. Nang sadya kong isinasagawa ang pagiging matapat, natuklasan ko na maraming bagay kung saan maaari akong maging mapandaya at mapanlinlang, at na kung minsan ay malalim na nakatago at hindi nakikita ang mga motibo ko.

Isang araw, sinabi ng superbisor na ang isang bagong mananampalatayang diniligan ko ay dumadalo sa mga pagtitipong inorganisa ni Sister Alaina, at nagustuhan nito ang pagbabahagi niya. Naisip ko noon na sadyang mayabang ang baguhang ito, may iba’t ibang haka-haka, at mahilig sa mga sekular na estilo. Hindi siya regular na nakikilahok sa aking mga pagtitipon, at talagang nakapapagod siyang diligan, kaya naisip ko na mababawasan ang trabaho ko kung si Alaina na lang ang magdidilig sa kanya. Kung diretsahan kong babanggitin ang ideya ng paglilipat sa kanya kay Alaina, baka sabihin ng superbisor na nagpapakatuso ako at gusto kong ipasa ang mga bagong mananampalatayang mahirap diligan. Pero kung ang superbisor mismo ang magmumungkahi ng paglilipat sa kanya, natural na mawawala sa akin ang pasaning iyon. Kaya, nag-usisa ako nang may ipinahihiwatig: “Sinabi ba ng baguhan na mas gusto niya ang pagbabahagi ni Alaina?” Sabi ng superbisor, oo raw. Agad kong sinundan iyon ng, “Kung ganoon, dapat siguro nating sundin ang gusto niya? Tutal naman, hindi siya madalas na dumadalo sa mga pagtitipon ko. Ano sa palagay mo?” Hinihintay kong sabihin niya na dapat itong mailipat. Pero hindi siya nagpasya kaagad. Kalaunan, medyo nabalisa ako: Hindi ba’t nagsasalita na naman ako nang may mga lihim na motibo? Bakit ba palagi akong may ganitong mga kahiya-hiyang layunin? Bakit ba hindi na lang ako maging matapat at prangka tungkol sa iniisip ko?

Isang araw, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na makakain at maiinom na may kaugnayan sa kalagayan ko, at nabasa ko ang mga salita Niyang ito: “Palaging nagsasalita ang ilang tao sa paraang mahirap maintindihan ng mga tao. Kung minsan ay may simula pero walang katapusan ang kanilang mga pangungusap, kung minsan ay may katapusan pero walang simula. Hindi mo talaga masasabi kung ano ang ibig nilang sabihin, wala silang sinasabing may anumang katuturan sa iyo, at kung hihilingan mo silang magpaliwanag nang malinaw, hindi nila ginagawa iyon. Madalas silang gumagamit ng mga panghalip sa kanilang pananalita. Halimbawa, mayroon silang iniuulat na isang bagay, at sinasabing, ‘Ang lalaking iyon—um, iniisip niyang, tapos ang mga kapatid ay hindi gaanong …’ Maaari silang magpatuloy nang ilang oras nang hindi pa rin naipapahayag nang malinaw ang kanilang sarili, nang pautal-utal at patigil-tigil, nang hindi tinatapos ang mga pangungusap nila, nagsasabi lamang ng ilang pare-parehong salita na walang kaugnayan sa isa’t isa, na iniiwan kang walang natutuhan matapos marinig iyon—at balisa pa nga. Sa katunayan, nagsagawa na sila ng maraming pag-aaral at may magandang pinag-aralan—kaya bakit hindi nila kayang bumigkas ng isang kumpletong pangungusap? Ito ay isang problema sa disposisyon. Napakadaya nila kaya kailangan ng matinding pagsisikap para makapagsalita ng kahit kaunting katotohanan. Walang pinagtutuunan ang anumang sinasabi ng anticristo, laging may simula pero walang katapusan; binibigkas nila ang kalahating pangungusap pagkatapos ay nilululon ang natitira, at palagi nilang gustong malaman muna ang mangyayari, dahil ayaw nilang maunawaan mo ang ibig nilang sabihin, gusto nilang manghula ka. Kung sasabihin nila sa iyo nang deretsahan, matatanto mo kung ano ang sinasabi nila at mahahalata mo sila, hindi ba? Ayaw nila iyon. Ano ang gusto nila? Gusto nilang manghula ka sa sarili mo, at masaya silang paniwalain ka na ang hula mo ay totoo—kung ganoon nga, hindi sila ang nagsabi niyon, kaya wala silang anumang responsabilidad. Higit pa roon, ano ang napapala nila kapag sinasabi mo sa kanila ang hula mo sa ibig nilang sabihin? Ang hula mo ang mismong gusto nilang marinig, at sinasabi niyon sa kanila ang iyong mga ideya at pananaw tungkol sa usapin. Mula roon, mapili silang magsasalita, pinipili ang sasabihin at hindi sasabihin, at kung paano iyon sasabihin, at pagkatapos ay gagawa sila ng sunod na hakbang sa kanilang plano. Bawat pangungusap ay nagtatapos sa isang bitag, at habang nakikinig ka sa mga iyon, kung palagi mong tinatapos ang pangungusap nila, lubusan ka nang nahulog sa bitag. Hindi ba sila napapagod na magsalita palagi nang ganito? Ang disposisyon nila ay buktot—hindi sila napapagod. Lubos na natural iyon para sa kanila. Bakit gusto nilang lumikha ng mga bitag na ito para sa iyo? Dahil hindi nila makita nang malinaw ang iyong mga pananaw, at natatakot sila na mahahalata mo sila. Kasabay ng pagsubok nilang patigilin ka sa pag-unawa sa kanila, sinusubukan naman nilang unawain ka. Gusto nilang palabasin mula sa iyo ang mga pananaw, ideya, at pamamaraan mo. Kung magtagumpay sila, ibig sabihin gumana ang mga bitag nila. Nagpapatagal ang ilang tao sa pamamagitan ng madalas na pagsasabi ng ‘hmm’ at ‘ha’; hindi nila ipinapahayag ang isang partikular na pananaw. Nagpapatagal ang iba sa pamamagitan ng pagsasabi ng ‘gaya ng’ at ‘baka naman …,’ na pinagtatakpan ang talagang iniisip nila, ginagamit ito sa halip na ang talagang gusto nilang sabihin. Maraming walang-silbing pandiwa, pang-abay, at mga pandiwang pantulong sa bawat pangungusap nila. Kung itatala mo ang kanilang mga salita at isusulat ang mga ito, matutuklasan mo na wala sa mga iyon ang naghahayag ng kanilang mga pananaw o saloobin tungkol sa usapin. Lahat ng kanilang salita ay naglalaman ng nakatagong mga bitag, tukso, at pang-aakit. Ano ang disposisyong ito? (Buktot.) Napakabuktot! Mayroon bang sangkot na panlalansi? Ang mga bitag, tukso, at pang-aakit na ito na kanilang nililikha ay tinatawag na panlalansi. Ito ay isang karaniwang katangian ng mga taong may buktot na diwa ng mga anticristo. Paano naipapamalas ang karaniwang katangiang ito? Inuulat nila ang magandang balita pero hindi ang masama, nagsasalita lang sila sa nakalulugod na mga pagpapahayag, patigil-tigil silang magsalita, itinatago nila ang bahagi ng tunay na kahulugan ng kanilang sinasabi, nakakalito silang magsalita, malabo silang magsalita, at ang kanilang mga salita ay may kasamang mga tukso. Lahat ng bagay na ito ay mga bitag, at lahat ng ito ay mga paraan ng panlalansi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Sinasabi sa atin ng Diyos na ang mga anticristo ay laging paliguy-ligoy kapag nagsasalita. Malabo ang pananalita nila, iniiwanan ang mga tagapakinig na walang natututuhan. Palagi silang nagiging tukso at nang-aakit, sinusubukang akitin ang iba papunta sa isang patibong para matupad ang mga layunin nila at sa huli ay makaiwas sa responsibilidad. Katulad lang iyon ng pagsasabi ni Satanas kay Eba na hindi naman siya tiyak na mamamatay kung kakainin niya ang bunga. Ang mga salita ni Satanas ay puno ng tukso at pang-aakit, hindi diretsahang inihahayag ang mga layunin nito, bagkus ay tinutukso ang iba na magkasala nang hindi umaako ng responsibilidad. Tulad ng inihayag ng Diyos: “Sa loob ng bawat tao, may satanikong disposisyon; tinataglay ng bawat puso nila ang napakaraming lason na ginagamit ni Satanas para tuksuhin ang Diyos at akitin ang tao. Minsan, ang pagsasalita nila ay nahahaluan ng tinig at tono ni Satanas, at ng isang intensyon na manukso at mang-akit. Ang mga ideya at pag-iisip ng tao ay puno ng mga lason ni Satanas at naglalabas ang mga ito ng masamang amoy ni Satanas. Minsan, dala ng mga itsura o kilos ng mga tao ang parehong masamang amoy ng panunukso at pang-aakit(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos). Ganoon din ako, laging nagsasalita nang paliguy-ligoy sa mga kapatid, nagiging tukso at nang-aakit para sa sarili kong kasuklam-suklam na mga motibo. Ayaw kong igugol ang oras at lakas ko sa isang baguhan. Gusto kong gamitin ang pagkakataong ito para bitiwan siya. Pero ayaw kong malaman ng superbisor na inuri at tinanggihan ko ang isang baguhan. Para mapanatili ang reputasyon ko ng pagiging matuwid at mapagmahal sa mga baguhan, atubili kong iminungkahi sa kanya na dapat naming isaalang-alang ang damdamin ng baguhan at gawin ang gusto nito. Sinusubukan ko siyang impluwensyahan na imungkahing ilipat ito sa mga pagtitipon ni Alaina para matupad ko ang layunin ko. Ang paraan ng pagsasalita ko ay katulad na katulad ng inihayag ng Diyos: “Kung itatala mo ang kanilang mga salita at isusulat ang mga ito, matutuklasan mo na wala sa mga iyon ang naghahayag ng kanilang mga pananaw o saloobin tungkol sa usapin. Lahat ng kanilang salita ay naglalaman ng nakatagong mga bitag, tukso, at pang-aakit. Ano ang disposisyong ito? (Buktot.) Napakabuktot!(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Sa tuwing may nangyayari, ang lumalabas sa bibig ko ay pawang mga pagsubok at tukso, at wala ni isang matapat na salita. Hindi ba’t pag-iral iyon ng isang masamang disposisyon? Mas pinili kong magpaliguy-ligoy kaysa hayaang makita ng sinuman kung ano talaga ang nais kong iparating. Akala ko’y kahangalan na ilantad ang aking mga pagkukulang sa pamamagitan ng bastang pagsasabi ng gusto ko. Para iyon sa mga hangal! Akala ko ay pagiging wais ang mapanlinlang na paraan ko ng pagsasalita—na ako ay mahusay, matalino at mas bihasa mag-isip sa lahat—at na ito ang paraan upang maprotektahan ang aking mga interes. Namuhay ako sa prinsipyo ng pagiging madaya at mapanlinlang, at ipinagwalang-bahala ko ang sinasabi sa atin ng Diyos tungkol sa pagiging matapat at malinaw sa salita at gawa. Pakiramdam ko ay mabibigo ako kung mamumuhay ako nang ganoon. Matagal nang baluktot ang aking pananaw. Ginamit ko ang mga paraan ni Satanas bilang pamantayan ng pag-uugali, nagiging tuso at mapanlinlang sa bawat pagkakataon. Medyo nakatatakot na mapagnilayan ito at makita kung gaano ako kalupit at kasama. Nakita ko kung gaano ako kalalim na ginawang tiwali ni Satanas at na halos hindi na talaga ako tao. Sa pang-araw-araw kong buhay ay nagsasalita at kumikilos din ako nang ganito. Minsan, naalala ko na may nagustuhan talaga akong isang designer handbag na binili ng tiyahin ko. Hindi ko ito mahingi nang diretsahan pero ayaw kong gumastos ng limpak-limpak na pera para maibili ang sarili ko, kaya kunwari’y nag-aalala ako at nagsabing, “Hindi man lang ito magagamit—sayang naman! May bag ka na na ganoon ang tatak. Bakit mo pa ito binili?” Sa tingin ng tiyahin ko, parang maalalahanin ako at ayokong mag-aksaya siya ng pera sa mga bagay na hindi niya kailangan. Gayunpaman, ang ibig ko talagang sabihin ay sayang ang bag na nakatabi lang doon, kaya bakit hindi na lang ito ibigay sa akin? At gayon na nga, ibinigay niya sa akin yung bag. Sa ilang maiikling salita ay naimpluwensyahan ko siyang “ialok” sa akin ang bag. Palagi akong ganoon, hindi diretsahang sinasabi kung ano ang gusto ko pero hinihimok ang mga tao na ibigay iyon sa akin nang kusa. Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng iyon, inisip ko kung paano ako naging napakamapanlinlang. Sana ay maibalik ko ang oras at mabawi ang mga kasuklam-suklam na nasabi ko. Sa puntong iyon ay napagtanto ko na ang paraan ng pagsasalita at pagkilos ng mga anticristo, at ang kanilang masamang disposisyon, gaya ng inilantad ng Diyos, ay sagana sa akin. Ganoon na ako sa loob ng maraming taon, at ginagamit ko ang mapanlinlang na paraan na iyon ng pagsasalita nang hindi ko namamalayan. Ang tiwali kong disposisyon ay isang malaking problema. Magiging labis na mapanganib kung hindi ko ito haharapin at babaguhin.

Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos na gusto Niya ang matatapat na tao at nasusuklam Siya sa mga mapanlinlang na tao. Ang matatapat na tao lang ang magkakamit ng Kanyang pagliligtas, samantalang ang mga mapanlinlang ay ilalantad at ititiwalag. Sa mga taong nakita kong napaalis at natiwalag mula sa iglesia sa loob ng mga taon ng aking pananampalataya, may mga taong palaging pabasta-basta at nanlilinlang sa kanilang tungkulin, at mga tao na, alang-alang sa katanyagan at katayuan, ay nagpapanggap o nanlilihis pa nga ng mga tao gamit ang iba’t ibang panlilinlang at pakana. Ngunit nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay, at nagsasaayos Siya ng mga pangyayari upang ilantad at itiwalag ang bawat isa sa kanila. Ang mga mapanlinlang na tao ay tunay na walang lugar sa sambahayan ng Diyos. Sa pagbabalik-tanaw noong ako ay nagdidilig at naglilinang ng mga bagong mananampalataya, maraming mga paglihis at mga problema sa pag-uugali ko, pero hindi ako tumuon sa paghahanap ng katotohanan upang iwasto ang mga iyon. Palagi akong mapandaya at mapanlinlang, naghahanap ng mga dahilan at katwiran upang pagtakpan ang aking katiwalian at mga kakulangan, at bilang resulta, hindi nalilinang ang mga baguhan. Kung magpapatuloy nang ganoon ang mga bagay-bagay, ako rin ay itataboy at ititiwalag ng Diyos. Habang tinitingnan ang simple at matatapat na kapatid sa aking paligid, nakikita kong marami silang hindi nauunawaan sa kanilang mga tungkulin, at may mga pagkakamali at kapabayaan, pero hindi nila tinakasan ang kanilang mga responsibilidad. Para maunawaan ang katotohanan, maintindihan ang mga prinsipyo, at magampanan ang kanilang mga tungkulin sa ikalulugod ng Diyos, nagawa nilang isantabi ang personal nilang karangalan, maging simple at bukas, ipagtapat ang kanilang mga pagkukulang at kapintasan, at maghanap mula sa iba. Malinaw na makikita na binibigyang-liwanag at ginagabayan sila ng Diyos. Kahit na karaniwan ang kakayahan nila, o minsan ay medyo hangal pa nga, gagabayan pa rin sila ng Diyos, tutulungan silang unti-unting matutuhan ang mga prinsipyo ng katotohanan at humusay sa kanilang mga tungkulin. Mula rito’y natanto ko na pinagpapala ng Diyos ang mga simple at matapat. Ito ang pagiging matuwid Niya. Nang maunawaan ko ito, natanto ko na ang pagsasabi ng totoo at pagiging matapat ay maaaring mangahulugan na makikita ng mga tao kung sino talaga ako, pero hindi iyon isang masamang bagay. Maaaring medyo nakahihiya ito, sa panahong iyon, pero ang pag-asal nang ganito ay bukas at prangka, at nakalulugod ito sa Diyos. Isa pa, bagama’t maaaring mailantad ko ang sarili kong mga problema sa pamamagitan ng pagiging simple at bukas, kailanman ay hindi ako hahamakin ng aking mga kapatid dahil doon. Tutulungan nila akong gumawa ng mga pagtatama, at gagabayan ako kasama nila papasok sa mga prinsipyo. At ang gayong klase ng pagsasagawa ay hindi makapipinsala sa aking tungkulin. Ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos ay napakabilis na lumalawak ngayon, at kailangan nito ang tulong ng marami sa mga bagong mananampalataya. Pero halos wala akong nalinang na sinumang bagong mananampalataya. Hindi ba’t paghadlang at paggambala ito sa gawain ng iglesia? Nilalabanan ko ang Diyos! Sabi ng Diyos: “Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos.” Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Anumang landas ang pinipili ng isang tao at anumang uri ng tao ang hinahangad niyang maging ay may direktang kaugnayan sa kanyang kahihinatnan at kapalaran. Naisip ko kung paanong, sa maraming pagkakataon, basta lang akong nagkamali sa mga sitwasyon nang hindi hinahanap ang katotohanan o nagninilay para mas makilala ang aking sarili. Namumuhay ako ayon sa aking satanikong kalikasan. Ni hindi ako pumasok sa pinakasimpleng katotohanan ng pagiging matapat, o gumawa ng anumang pagbabago sa disposisyon ko sa buhay. Nanatili akong isang mapanlinlang na tao na kay Satanas. Paano ako makaaasang maliligtas? Mapupunta lang ako sa tamang landas sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao.

Kalaunan, patuloy akong naghanap, at sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, medyo naging mas malinaw ang aking landas ng pagiging matapat. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag nanlilinlang ang mga tao, sa anong mga layunin ito nag-uugat? Anong mithiin ang sinusubukan nilang makamit? Ang lahat ng ito ay para magkamit ng katanyagan, pakinabang at katayuan; sa madaling sabi, ito ay alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang pinakaugat ng paghahangad sa mga pansariling interes? Ito ay dahil nakikita ng mga tao ang mga pansarili nilang interes bilang mas mahalaga kaysa sa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mo munang tukuyin at alamin kung ano ba ang mga interes, kung ano ba mismo ang idinudulot ng mga ito sa mga tao, at kung ano ba ang mga kahihinatnan ng paghahangad sa mga ito. Kung hindi mo ito malaman, madaling sabihin na tatalikuran mo ang mga ito pero mahirap itong gawin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala nang iba pang mas mahirap talikuran para sa kanila kaysa sa sarili nilang mga interes. Iyon ay dahil ang mga pilosopiya nila sa buhay ay ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’ at ‘Ang tao ay namamatay para sa kayamanan, gaya ng mga ibon para sa pagkain.’ Malinaw na nabubuhay sila para sa sarili nilang mga interes. Iniisip ng mga tao na kung wala ang sarili nilang mga interes—na kung mawawala ang kanilang mga interes—hindi sila mabubuhay. Ito ay na para bang hindi maihihiwalay ang buhay nila sa sarili nilang mga interes, kaya nga karamihan sa mga tao ay bulag sa lahat maliban sa sarili nilang mga interes. Mas mataas ang tingin nila sa sarili nilang mga interes kaysa sa anumang ibang bagay, nabubuhay lang sila para sa sarili nilang mga interes, at kapag hinikayat mo silang isuko ang sarili nilang mga interes ay para mo na ring hiniling sa kanila na isuko nila ang buhay nila. Kaya, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat tanggapin ng mga tao ang katotohanan. Makikita lamang ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes kapag naunawaan nila ang katotohanan; saka lamang sila makapagsisimulang bitiwan at maghimagsik laban sa mga ito, at magawang tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo nang gawin ito at talikuran ang mga sarili mong interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa ang iyong puso, at kapag nagawa mo iyon ay nadaig mo na ang laman. Kung kumakapit ka sa iyong mga interes at tumatanggi kang isuko ang mga iyon, at kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, sa iyong puso ay maaari mong sabihin na, ‘Ano bang masama kung magsikap akong makinabang at umayaw akong mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ba ang magagawa ng mga tao sa akin?’ Walang sinumang makagagawa ng anumang bagay sa iyo, pero sa ganitong pananampalataya sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay. Magiging isang napakalaking kawalan ito para sa iyo—hindi ka makapagtatamo ng kaligtasan. May mas matindi pa bang panghihinayang? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katanyagan, pakinabang at katayuan lamang ang hahangarin ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang hahangarin nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan sa huli. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, hindi ka tunay na magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok. Ang pagtanggap sa katotohanan at pagkilala sa iyong sarili ang landas tungo sa pag-unlad sa buhay at pagtatamo ng kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at matanggap ang Kanyang masusing pagsisiyasat, paghatol, at pagkastigo, at matamo ang katotohanan at ang buhay. Kung susukuan mo ang paghahangad sa katotohanan alang-alang sa paghahangad ng katanyagan, pakinabang, at katayuan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at na matamo ang kaligtasan. Pinipili mo ang katanyagan, pakinabang, at katayuan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang nawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at isusuko mo ang katotohanan, hindi ba ito kahangalan? Sa payak na pananalita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, pakinabang, katayuan, pera, at mga interes ay pawang pansamantala lamang, panandalian ang lahat ng ito, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon na nagsasanhi na hangarin nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa mga tao ang mga katotohanang ito, o ng kahit sino pang iba. Tinatalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo, at nakakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit na nawala na ang kanilang mga interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung isusuko ng mga tao ang katotohanan alang-alang sa kanilang mga interes, mawawala sa kanila ang buhay at ang pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Kung ano ang pipiliin ng isang tao—ang kanyang mga interes o ang katotohanan—ay labis na nagbubunyag. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at na sumunod sa Kanya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes para mahangad ang katotohanan. Gaano man nila kailangang magdusa, determinado silang panindigan ang kanilang patotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito). “Kadalasan ay mayroong mga hangarin sa likod ng mga kasinungalingan ng mga tao, ngunit mayroong ilang kasinungalingang walang anumang nakatagong hangarin, hindi rin sadyang ipinlano ang mga iyon. Sa halip, likas lang na lumalabas ang mga iyon. Ang gayong mga kasinungalingan ay madaling lutasin; ang mga kasinungalingang may nakatagong hangarin ang mahirap lutasin. Ito ay dahil nagmumula ang mga hangaring ito sa kalikasan ng isang tao at kumakatawan ang mga ito sa pandaraya ni Satanas, at ang mga ito ay mga hangaring sadyang pinipili ng mga tao. Kung hindi minamahal ng isang tao ang katotohanan, hindi niya magagawang maghimagsik laban sa laman—kaya dapat siyang manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang isyu. Pero ang pagsisinungaling ay hindi ganap na nalulutas lahat nang agad-agad. Magkakaroon ng paminsan-minsang pagbalik sa dati, maging ng marami pa ngang pagbalik sa dati. Normal na sitwasyon ito, at basta’t nilulutas mo ang bawat kasinungalingang sinasabi mo, at ipinagpapatuloy ito, darating ang araw na malulutas mo ang lahat ng mga ito. Ang paglutas sa pagsisinungaling ay isang pangmatagalang labanan: Kapag lumabas ang isang kasinungalingan, pagnilayan mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay manalangin ka sa Diyos. Kapag may isa pang lumabas, pagnilayan mo ang iyong sarili at manalangin ka muli sa Diyos. Kapag mas nananalangin ka sa Diyos, mas lalo mong kapopootan ang iyong tiwaling disposisyon, at mas lalo kang mananabik na isagawa ang katotohanan at isabuhay ito. Sa gayon, magkakaroon ka ng lakas na talikuran ang mga kasinungalingan. Pagkatapos ng isang panahon ng gayong karanasan at pagsasagawa, makikita mo na nabawasan na ang mga kasinungalingan mo, na namumuhay ka na nang mas mapayapa, at na hindi mo na kailangang magsinungaling o pagtakpan pa ang iyong mga kasinungalingan. Bagamat maaaring hindi ka gaanong magsasalita araw-araw, ang bawat pangungusap ay magmumula sa puso at magiging taos, nang may napakakaunting kasinungalingan. Ano kaya ang pakiramdam ng mamuhay nang ganoon? Hindi ba’t magiging maluwag at magaan ito sa pakiramdam? Hindi ka pipigilan ng iyong tiwaling disposisyon at hindi ka matatali rito, at kahit papaano ay magsisimula ka nang makakita ng mga resulta ng pagiging isang matapat na tao. Siyempre, kapag nahaharap ka sa espesyal na mga pangyayari, maaaring sadya kang magsinungaling nang kaunti. Maaaring magkaroon ng mga pagkakataong mahaharap ka sa panganib o sa kung anong problema, o nanaisin mong mapanatili ang iyong kaligtasan, sa gayong mga pagkakataon ay hindi maiiwasan ang pagsisinungaling. Gayunman, kailangan mo itong pagnilayan, maunawaan at lutasin mo ang problema. Dapat kang manalangin sa Diyos at sabihin na: ‘Mayroon pa ring mga kasinungalingan at panlalansi sa aking kalooban. Nawa’y iligtas ako ng Diyos mula sa aking tiwaling disposisyon ngayon at magpakailanman.’ Kapag sadyang gumagamit ng karunungan ang isang tao, hindi ito maituturing na paghahayag ng katiwalian. Ito ang dapat maranasan para maging isang matapat na tao. Sa ganitong paraan, paunti-unti, mababawasan nang husto ang iyong mga kasinungalingan. Ngayon ay magsasabi ka ng sampung kasinungalingan, bukas ay maaari kang magsabi ng siyam, sa makalawa ay magsasabi ka ng walo. Kalaunan, magsasabi ka na lang ng dalawa o tatlo. Mas lalo kang magsasabi ng katotohanan, at ang pagssagawa mo ng pagiging matapat na tao ay higit na mapalalapit sa mga layunin ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga pamantayan—at napakaganda niyon! Para masanay sa pagiging matapat, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang pakay. Una, lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Kailangan mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Kailangan mo ring suriin kung ano ang mga hangarin at motibong nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, kung bakit taglay mo ang gayong mga hangarin, at kung ano ang diwa ng mga iyon. Kapag nalinaw mo na ang lahat ng isyung ito, lubusan mo nang maiintindihan ang problema sa pagsisinungaling, at kapag may nangyari sa iyo, magkakaroon ka ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung magpapatuloy ka nang may gayong pagsasagawa at karanasan, tiyak na makakikita ka ng mga resulta. Balang araw ay sasabihin mong: ‘Madaling maging matapat. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang na tao, na laging kailangang isipin kung ano ang mga kasinungalingang sasabihin at kung paano pagtatakpan ang aking mga kasinungalingan. Tulad ito ng pagiging isang taong may sakit sa pag-iisip, may mga kontradiksyon ang sinasabi—isang taong hindi karapat-dapat na tawaging “tao”! Nakapapagod ang ganoong uri ng buhay, at ayaw ko nang mabuhay nang ganoon!’ Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging tunay na matapat, at mapatutunayan nito na nagsimula ka nang umusad tungo sa pagiging matapat na tao. Pambihirang tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring may ilan sa inyo na, kapag nagsimula kayong magsagawa, ay mapapahiya pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at maglantad ng inyong sarili. Mamumula ang inyong mukha, mahihiya kayo, at matatakot kayong mapagtawanan ng iba. Ano ang dapat ninyong gawin, kung gayon? Kailangan pa rin ninyong manalangin sa Diyos at hilingin na bigyan Niya kayo ng lakas. Sabihin mo na: ‘O Diyos, gusto ko pong maging isang matapat na tao, ngunit natatakot po akong pagtawanan ako ng mga tao kapag sinabi ko ang totoo. Hinihiling ko po na iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon; hayaan Mo po akong mamuhay sa Iyong mga salita, at mapalaya.’ Kapag nagdasal ka nang ganito, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: ‘Mabuting isagawa ito. Ngayon, naisagawa ko na ang katotohanan. Sa wakas, naging isang matapat na tao rin ako.’ Habang nagdarasal ka nang ganito, bibigyang liwanag ka ng Diyos. Gagaawa ang Diyos sa puso mo, at aantigin ka Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang tunay na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, ngunit sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay makahahanap ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing talagang may pananampalataya sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon na sila ng landas ng pagsasagawa, nasisiyahan dito ang kanilang mga puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng kalayaan at pagpapalaya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Sa mga salita ng Diyos ay natagpuan ko ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pagharap sa mga kasinungalingan at panlilinlang. Una sa lahat, kailangan nating bitiwan ang mga personal na interes. Ang aspetong ito ng pagsasagawa ay labis na mahalaga. Ang layon ng pagsisinungaling ay protektahan ang mga interes mo at makamit mo ang iyong mga mithiin, at kapag ito ang layunin, gagamit ka ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Kaya, mahalagang bitiwan muna ang mga personal na interes. Nakatutulong ito sa pagharap sa problema ng panlilinlang sa puso. Mahalaga rin na madalas na magnilay-nilay sa sarili, na hayaan ang Diyos na siyasatin ang ating bawat salita at gawa. Kapag namamalayan natin na gusto nating magsalita o kumilos nang mapanlinlang, kailangan nating tingnan kung ano ang sinusubukan nating makamit. Kung magkakaroon tayo ng kamalayan sa pagkakaroon natin ng mga mapanlinlang na layunin o sa paglalantad ng isang masamang disposisyon, kailangan ay agad tayong lumapit sa Diyos upang manalangin, at baguhin ang ating sarili. Kailangan ay sadya nating isagawa ang pagiging matapat at matuto tayong magtapat sa ating mga kapatid, ilantad ang ating mga saloobin, pananaw, katiwalian at kapintasan, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito. Iyon lang ang paraan para unti-unting malinis ang isang mapanlinlang, masama, at satanikong disposisyon. Nang matanto ko ito, hinanap ko ang aking superbisor at ipinagtapat ang tungkol sa mga kasuklam-suklam kong motibo kapag kinakausap ko siya, at humingi ako ng tawad. Hindi lang niya ako hindi tinanggihan—nagtapat din siya at magkasama naming sinuri ang mga kakulangan sa aming mga tungkulin. Napalagay ako nang magsagawa ako nang ganito. Pakiramdam ko’y hindi na ako namumuhay sa dilim, at binigyan ako nito ng kapanatagan.

Hindi pa ako lubos na malaya sa aking mapanlinlang, masama, at tiwaling disposisyon, pero mayroon akong pananampalataya at kagustuhan na maging isang matapat na taong kalugod-lugod sa Diyos, at tumuon sa pagiging matapat at bukas sa pagsisiyasat ng Diyos sa bawat sinasabi at ginagawa ko sa buhay.

Sinundan: 2. Ang Landas Tungo sa Kaharian ng Diyos ay Hindi Palaging Madali

Sumunod: 4. Ang mga Ibubunga ng Pagkabigong Gumawa ng Aktuwal na Gawain

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Pag-uwi

Ni Muyi, South Korea “Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay malayang ipinagkaloob sa tao at bumabalot sa tao; ang tao ay inosente at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito