Kabanata 33
Sa katotohanan, batay sa ginawa ng Diyos sa mga tao, at ibinigay sa kanila, pati na rin sa pagmamay-ari ng mga tao, maaaring sabihin na hindi labis ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao, na hindi Siya humihingi ng sobra sa kanila. Kung gayon, paano nila hindi masusubukang bigyang-kasiyahan ang Diyos? Nagbibigay ang Diyos ng isandaang porsyento sa tao, ngunit isang maliit na bahagi lamang ang hinihingi Niya sa mga tao —paghingi ba ito nang sobra? Gumagawa ba ang Diyos ng gulo mula sa wala? Kadalasan, hindi kilala ng mga tao ang kanilang mga sarili, hindi nila sinusuri ang kanilang mga sarili sa harap ng Diyos, at kaya madalas ay may mga pagkakataon na nasisilo sila—paano kaya ito maituturing na pakikipagtulungan sa Diyos? Kung mayroon mang panahon na hindi nagpataw ang Diyos ng mabigat na pasanin sa mga tao, guguho sila na parang putik, at hindi magkukusang maghanap ng mga magagawa. Ganyan ang mga tao—alinman sa pasibo o negatibo, kailanma’y walang kakayahan na aktibong makipagtulungan sa Diyos, palaging naghahanap ng negatibong dahilan upang magpatalo sa kanilang mga sarili. Tunay ka bang isang tao na gumagawa ng lahat hindi para sa iyong sarili, kundi upang bigyang-kasiyahan ang Diyos? Tunay ka bang isang tao na hindi umaasa sa mga emosyon, na walang sariling personal na kagustuhan at tumutupad sa mga pangangailangan ng gawain ng Diyos? “Bakit palaging sinusubukang makipagtawaran sa Akin ng mga tao? Punong tagapamahala ba Ako ng isang sentro ng kalakalan? Bakit Ko kaya isinasakatuparan nang buong puso ang hinihingi ng mga tao sa Akin, habang nauuwi lang sa wala ang hinihingi Ko mula sa tao?” Bakit hinihingi ng Diyos ang mga bagay na iyon nang ilang beses nang sunud-sunod? Bakit ganoon Siya dumadaing sa sama ng loob? Walang napala ang Diyos sa mga tao; ang lahat lamang ng nakikita Niya ay ang gawa na kanilang kinukuha at pinipili. Bakit sinasabi ng Diyos, “habang nauuwi lang sa wala ang hinihingi Ko mula sa tao”? Tanungin ang inyong mga sarili: Mula simula hanggang huli, sino ang makagagawa ng gawain na kanilang tungkuling isakatuparan, gumawa ng isang bagay na lubos na walang ibang pagpipilian? Sino ang hindi kumikilos nang ayon sa mga damdamin sa kanilang mga puso? Pinalalaya ng mga tao ang kanilang mga personalidad, hindi nagsisikap sa kanilang ginagawa, na parang nangingisda sa loob ng tatlong araw at pagkatapos ay iniiwan ang kanilang mga lambat, at ginugugol ang susunod na dalawang araw nang walang ginagawa. Umiinit at lumalamig ang mga ito nang salitan: Kapag mainit ang mga ito, kaya ng mga ito na sunugin ang lahat ng bagay sa mundo, at kapag malamig ang mga ito, kaya ng mga ito na pagyeluhin ang lahat ng tubig sa daigdig. Hindi ito ang tungkulin ng tao, ngunit ito ang pinakaangkop na pagkakatulad sa kalagayan ng tao. Hindi ba ito totoo? Marahil mayroon Akong “mga kuru-kuro” tungkol sa mga tao, marahil ay pinagmumukha Ko silang masama—ngunit gayunman, “kasama ang katotohanan ay lalakarin mo ang buong mundo; nang walang katotohanan, wala kang mararating.” Kahit na isa itong talinghaga ng tao, sa tingin Ko ay nararapat itong gamitin dito. Hindi Ko sinasadyang pahinain ang loob ng mga tao at hindi bigyan ng halaga ang kanilang mga ginagawa. Hayaan ninyong konsultahin Ko kayo ukol sa ilang tanong: Sino ang nakakikita sa gawain ng Diyos bilang isang gawain na kanilang sariling tungkulin? Sino ang makapagsasabi, “Hangga’t kaya kong bigyang-kasiyahan ang Diyos, ibibigay ko ang aking lahat”? Sino ang makapagsasabi, “Hindi alintana ang iba, gagawin ko ang lahat ng kinakailangan ng Diyos, at kahit pa gaano kahaba o kaikli ang gawain ng Diyos, tutuparin ko ang aking tungkulin; trabaho ng Diyos na tapusin ang Kanyang gawain, at hindi ito isang bagay na iniisip ko”? Sino ang may kakayahan sa ganoong kaalaman? Hindi mahalaga ang inyong palagay—marahil mayroon kang mas mataas na mga kabatiran, na Aking tinatanggap, inaamin Ko ang pagkatalo—ngunit dapat Kong sabihin sa inyo na ang nais ng Diyos ay isang tapat na puso na taos at marubdob, hindi ang puso ng isang lobo na walang utang na loob. Ano ang alam ninyo sa “pagtatawarang” ito? Mula simula hanggang huli, “nilalakbay na ninyo ang mundo.” Sa isang sandali kayo ay nasa lungsod ng “Kunming,” na may walang hanggang batis, at sa isang kisapmata ay nakarating kayo sa napakalamig at nababalot ng niyebeng “Polong Timog.” Sino ang hindi na kailanman nakabalik pa sa kanilang mga sarili? Isang espiritu na “Walang pahinga hanggang kamatayan” ang hinihingi ng Diyos; ang nais Niya ay ang espiritu ng mga tao na “hindi lilingon hanggang marating nila ang pader ng timog.” Natural na ang intensyon ng Diyos ay hindi para piliin ng mga tao ang maling daan, kundi ang taglayin ang ganoong espiritu. Kagaya ng sinasabi ng Diyos, “Kapag inihahambing Ko ang mga ‘regalo’ na ibinigay nila sa Aking mga bagay, agad na napapansin ng mga tao ang Aking kahalagahan, at saka lamang nila nakikita ang Aking pagiging di-masusukat.” Paano maipaliliwanag ang mga salitang ito? Marahil, binibigyan ka ng kaunting kaalaman ng pagbabasa ng mga unang nabanggit na salita, dahil tinatanggal ng Diyos ang buong puso ng tao para mahimay ito, at sa panahong iyon ay nalalaman ng mga tao ang mga salitang ito. Ngunit dahil sa malalim na napapaloob na kahulugan ng mga salita ng Diyos, nananatiling hindi nalilinawan ang mga tao tungkol sa lumang katawan, dahil hindi sila nag-aral sa isang medikal na unibersidad, at hindi rin sila mga arkeologo, at kaya nararamdaman nila na hindi kayang unawain ang bagong terminong ito—at doon lamang sila nagpapadaig nang bahagya. Dahil ang mga tao ay walang kapangyarihan sa harap ng lumang katawan; kahit na hindi ito tulad ng isang mabangis na halimaw, ni hindi nito kayang lipulin ang sangkatauhan gaya ng isang bombang atomiko, hindi nila alam kung ano ang gagawin dito, na para bang wala silang kapangyarihan. Ngunit para sa Akin, mayroong mga paraan ng pagharap sa lumang katawan. Ang hindi kailanman paggawa ng pagsisikap ng tao na mag-isip ng isang pangontra ay nagbigay-daan sa patuloy na pagpapakita sa Aking mga mata ng iba’t ibang uri ng kakaibang katangian ng tao; kagaya ng sinabi ng Diyos: “Kapag ipinapakita Ko sa kanila ang Aking kabuuan, tinitingnan nila Ako nang may nanlalaking mga mata, nakatayo sa harapan Ko nang hindi gumagalaw, kagaya ng isang haliging asin. At kapag pinagmamasdan Ko ang kanilang pagiging kakaiba, nahihirapan Akong pigilan ang Aking sarili sa pagtawa. Dahil nakikipag-ugnayan sila upang humingi ng mga bagay mula sa Akin, ibinibigay Ko sa kanila ang mga bagay na nasa Aking kamay, at hinahawakan nila ito sa kanilang dibdib, itinatangi ang mga ito kagaya ng isang bagong silang na sanggol, isang gawi na ginagawa lamang nila nang sandali.” Hindi ba ito mga gawain ng lumang katawan? Ngayong mayroon nang pagkaunawa ang mga tao, bakit hindi sila tumatalikod, at bagkus ay nagpapatuloy pa rin? Sa katunayan, ang isang bahagi ng mga hinihingi ng Diyos ay hindi imposibleng maabot ng tao, ngunit hindi ito sinusunod ng mga tao, dahil “hindi magaan ang pagkastigo Ko sa mga tao. Sa kadahilanang ito kaya palaging nabibigyan ang mga tao ng kalayaan na pamahalaan ang kanilang katawan. Hindi nila sinusunod ang Aking kalooban, kundi lagi Akong nililinlang sa harap ng Aking hukuman.” Hindi ba ito ang tayog ng tao? Hindi sa sinasadya ng Diyos na maghanap ng mali, ngunit isa itong realidad—dapat bang ipaliwanag ito ng Diyos? Kagaya ng sinasabi ng Diyos, “Ito ay dahil ang ‘pananampalataya’ ng mga tao ay labis na dakila kung kaya’t sila ay ‘kahanga-hanga.’” Sa kadahilanang ito, sinusunod Ko ang mga pagsasaayos ng Diyos, at kaya hindi Ako masyadong nagsasalita ng patungkol dito; dahil sa “pananampalataya” ng mga tao, sinusunggaban Ko ito, ginagamit ang kanilang pananampalataya upang tulutan sila na isagawa ang kanilang tungkulin nang hindi Ko na pinaaalalahanan. Mali bang gawin ito? Hindi ba ito mismo ang kailangan ng Diyos? Marahil, sa sandaling marinig ang ganoong mga salita, maaaring makaramdam ng pagkasuya ang ilang tao—kaya magsasalita Ako tungkol sa ibang bagay, upang pagbigyan sila nang kaunti. Kapag sumasailalim sa pagkastigo ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos sa buong sansinukob, at kapag naituwid ang kalagayan sa kaibuturan ng tao, palihim na magbubunyi ang mga tao sa kanilang mga puso, na para bang nakatakas sila sa malaking paghihirap. Sa sandaling ito, hindi na mamimili ang mga tao para sa kanilang mga sarili, dahil ito mismo ang epekto na natamo sa panahon ng huling gawain ng Diyos. Sa pagpapatuloy ng Kanyang mga hakbang hanggang sa ngayon, sumailalim lahat ang mga anak ng Diyos at ang mga tao sa pagkastigo, at hindi rin makaliligtas ang mga Israelita sa yugtong ito, dahil nabahiran ang kalooban ng mga tao ng karumihan, at kaya inaakay ng Diyos ang lahat ng tao na pumasok sa napakalaking tunawang hurno para madalisay, na kinakailangan na daanan. Sa sandaling matapos na ito, muling mabubuhay mula sa kamatayan ang mga tao, na siyang mismong naunang sinabi ng Diyos sa “mga pagbigkas ng pitong Espiritu.” Hindi na Ako magsasalita pa ng tungkol dito, upang hindi na galitin ang mga tao. Dahil ang gawain ng Diyos ay nakamamangha, dapat sa wakas ay matamo ang mga propesiya na winika ng bibig ng Diyos; kapag hinihiling ng Diyos na muling magsalita ang mga tao ukol sa kanilang mga kuru-kuro, labis silang namamangha, at kaya walang sinuman ang dapat na mag-alala o mabalisa. Kagaya ng sinabi Ko, “Sa lahat ng Aking gawain, kailanman ba’y mayroong isang hakbang na isinagawa ng mga kamay ng tao?” Nauunawaan mo ba ang diwa ng mga salitang ito?