Kabanata 35
Sa kasalukuyan, lahat ng tao, sa magkakaibang mga antas, ay nakastigo na. Gaya ng sinabi ng Diyos, “Sumusulong Ako kaagapay ng mga tao.” Ito ay ganap na totoo, ngunit hindi pa rin lubusang maunawaan ng mga tao ang puntong ito. Bunga nito, bahagi ng gawaing nagawa nila ay hindi kinakailangan. Sinabi ng Diyos, “sinusuportahan at tinutustusan Ko sila ayon sa kanilang tayog. Dahil ang mga tao ang pangunahing tauhan ng Aking buong plano ng pamamahala, iniuukol Ko ang higit na paggabay sa mga gumaganap ng papel na ‘tao’ upang magampanan nila ito nang buong-puso at sa pinakamahusay nilang kakayahan,” gayundin, “Gayunpaman, ayaw Kong pulaan ang kanilang mga konsensya nang tuwiran; sa halip, patuloy Ko silang ginagabayan nang matiyaga at sistematiko. Sa kabila ng lahat, ang mga tao ay mahina, at hindi kayang magsakatuparan ng anumang gawain.” Ito ang pag-iisip ng Diyos: Kung lilipulin man Niya ang lahat ng taong ito sa huli, ang Kanyang gawain sa lupa ay magpapatuloy pa rin ayon sa Kanyang orihinal na plano. Ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain; lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti. Gaya ng sinabi ni Pedro, “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao? Ano ang karapatan nila?” Sa kasalukuyan, hindi ba ito ang isinasakatuparan ng Diyos sa sangkatauhan? Talaga bang maaaring magkaroon ng ganitong pananaw ang mga tao? Bakit nasabi ang gayong bagay ni Pedro, na nabuhay dalawang libong taon na ang nakararaan, samantalang ang “mga Pedro” sa kasalukuyan, na nabubuhay sa makabagong kapanahunan na mayroong mataas na teknolohiya, ay hindi ito masabi? Hindi Ko kayang sabihin nang tiyak kung ang kasaysayan ay sumusulong o umuurong, at wala pang makakasagot sa tanong na pasulong ba o paurong ang siyensiya. Lahat ng ginawa ng Diyos sa sangkatauhan ay para gawin silang positibo at tulutan silang lumago sa buhay. Hindi ba ito kayang maunawaan ng mga tao? Lahat ng nagsasanhi sa iyo na maging negatibo ay isang kahinaan mo, isang mahalagang puntong madaling masugatan na sasalakayin ni Satanas. Malinaw mo ba itong nakikita? Bakit nagsasalita ang Diyos sa ganitong paraan? “Marubdob at taimtim Akong nagmamakaawa sa sangkatauhan. Tunay bang hindi nila kayang gawin ang Aking hinihingi?” Ano ang kahulugan ng mga salitang ito? Bakit ito itinanong ng Diyos? Ipinapakita nito na mayroong napakaraming negatibong aspeto ang sangkatauhan, at sapat na ang isang negatibong salik upang magsanhi sa mga tao na matisod. Makabubuting iyong tingnan at makita kung ano ang maidudulot ng patuloy na pagiging negatibo. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay ginagawa Niya para perpektuhin ang sangkatauhan. Kailangan pa ba ng mga salitang ito ng higit pang paliwanag? Hindi—sa nakikita Ko, hindi na kailangan! Maaaring sabihin na ang mga tao ay sinapian na ni Satanas, ngunit mas mabuting sabihin na ang mga tao ay sinapian ng pagkanegatibo. Ito ay isang pagpapamalas ng sangkatauhan, isang karagdagan sa katawan ng tao. Kaya nang hindi namamalayan ay nauuwi ang lahat ng tao sa pagiging negatibo, at pagkatapos ay sa pagkastigo. Ito ay isang bitag na inihanda ng Diyos para sa sangkatauhan, at sa panahong ito pinakanagdurusa ang mga tao. Dahil ang mga tao ay nananatiling negatibo, mahirap para sa kanila na takasan ang pagkastigo. Hindi ba ganito talaga ang mga bagay-bagay sa ngayon? Ngunit paano mababalewala ng mga tao ang mga salita ng Diyos: “Sa kasalukuyan, si Satanas ay sukdulan ang paglaganap. Bakit hindi Ko sinasamantala ang pagkakataong ito upang ipakita ang tuon ng Aking gawain at ibunyag ang Aking kapangyarihan?” Sa sandaling Ako ay magsalita upang paalalahanan sila, ang mga tao mula sa mga iglesia ay agad na kinakastigo. Ito ay dahil pagkatapos ng dalawang buwang gawain ng Diyos, ang kalooban ng mga tao ay kailangan pa ring magbago nang husto. Sinusuri lamang nila ang mga salita ng Diyos gamit ang kanilang mga isipan, gayunpaman, ang kanilang kalagayan ay hindi man lamang talaga nagbago. Nananatili pa rin silang negatibo. Dahil ganito ang sitwasyon, kapag binabanggit ng Diyos na malapit na ang panahon ng pagkastigo, ang mga tao ay agad na nababalisa, iniisip: “Hindi ko alam kung ako ay paunang itinalaga ng Diyos o hindi, ni hindi ko rin alam kung kaya kong maging matatag sa ilalim ng pagkastigong ito. Mas mahirap pa na malaman kung anu-ano ang mga pamamaraan na gagamitin ng Diyos upang kastiguhin ang mga tao.” Ang lahat ng mga tao ay natatakot sa pagkastigo, gayunman ay hindi nila kayang magbago. Sila ay nagdurusa lamang sa katahimikan, ngunit natatakot din na hindi nila makakayang maging matatag. Sa ganitong mga pagkakataon, kung walang pagkastigong nakaabang sa kanila at pagpapahirap ng mga salita, ang mga tao ay walang malay na nauuwi sa pagkastigo. Kaya silang lahat ay ninenerbiyos at hindi mapanatag. Ito ay tinatawag na “pag-ani ng kanilang itinanim,” dahil hindi man lamang nauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos. Sa totoo lang, ang Diyos ay walang pagnanais na magsayang ng anupamang dagdag na mga salita sa mga taong ito; tila ang Diyos ay gumamit ng ibang paraan ng pakikitungo sa kanila, isang paraan na hindi tunay na pagkastigo. Ito ay gaya ng kapag ang isang tao ay nakakahuli ng isang sisiw at dinadampot ito upang makita kung ito ay inahing manok o tandang; maaaring ito ay tila hindi isang malaking bagay, ngunit gayunpaman, ang maliit na sisiw ay masyadong matatakot kaya magpupumiglas ito upang makawala, na para bang takot na takot na kakatayin ito ng may-ari at kakainin ito. Ito ay dahil walang pagkakilala ang sisiw sa sarili nito. Bakit kakatayin at kakainin ng isang tao ang isang sisiw na tumitimbang lamang ng ilang onsa? Hindi ba magiging walang-kabuluhan iyan? Ito mismo ang sinabi ng Diyos: “Kung gayon, bakit patuloy Akong iniiwasan ng mga tao? Ito ba ay dahil sa ituturing Ko sila na gaya ng mga sisiw, na papatayin sa sandaling sila ay mahuli?” Samakatuwid, ang pagdurusa ng tao ay lubos na “hindi makasariling” debosyon, at maaaring tawaging isang walang silbing halaga para bayaran. Ito ay dahil hindi kilala ng mga tao ang kanilang mga sarili na nakadarama sila ng takot; bilang resulta, hindi nila mailagay sa panganib ang kanilang buhay. Ito ang kahinaan ng sangkatauhan. Ang mga salita bang sinabi ng Diyos, “Sa katapusan, hayaan ang mga tao na kilalanin ang kanilang mga sarili. Ito ang Aking huling layunin,” ay lipas na sa panahon? Sino ang talagang nakakakilala sa kanilang mga sarili? Kung hindi kilala ng tao ang kanyang sarili, kung gayon ano ang nagbibigay sa kanila ng karapatan upang makastigo? Tingnan ang mga cordero bilang halimbawa. Paano makakatay ang mga ito kung hindi pa lumalaki ang mga ito gaya ng isang tupa? Paano matatamasa ng mga tao ang isang puno na hindi pa namumunga? Bawat isa ay nagbibigay ng sobrang pagpapahalaga sa “pagbabakuna.” Kaya ang lahat ng mga tao ay ginagawa ang pag-aayuno, at sila ay nagugutom. Ito ay isang halimbawa ng pag-ani ng kung ano ang kanilang itinanim, ng paggawa ng kapinsalaan sa kanilang mga sarili, at hindi ito ang pagiging malupit o hindi makatao ng Diyos. Kung isang araw ay biglang makilala ng mga tao ang kanilang mga sarili at manginig sa takot sa harap ng Diyos, kung gayon ay sisimulan ng Diyos na kastiguhin sila. Sa ganitong paraan lamang magiging handa ang mga tao na yakapin ang paghihirap, masunurin sa puso at pananalita. Ngunit paano naman sa ngayon? Ang lahat ng tao ay kinakastigo nang laban sa kanilang kalooban, gaya ng mga bata na pinapagluto ng kakainin. Kung ganito ay paanong hindi sila makakaramdam ng pagkaasiwa? Bawat isa ay nag-iisip, “O siya! Hangga’t ako ay kinakastigo, mabuti pang yumuko ako at umamin! Ano ang magagawa ko? Kahit na ako ay umiiyak, kailangan ko pa ring bigyang-kasiyahan ang Diyos, kaya ano ang magagawa ko? Sa hirap o ginhawa, ito na ang landas na kinaroroonan ko. O siya! Ituturing ko na lamang ang aking sarili na malas!” Hindi ba’t ganito kung mag-isip ang mga tao?
Gaya ng sinabi ng Diyos, “Ang sangkatauhan ay mabuti ang asal; walang sinumang nangangahas na salungatin Ako. Ang lahat ay nasa ilalim ng Aking paggabay, isinasakatuparan ang ‘trabahong’ Aking iniatas.” Kitang-kita rito na wala ni isa mang tao ang tumatanggap ng pagkastigo nang maluwag sa loob, at higit pa rito, na nagmumula sa Diyos ang pagkastigong ito, dahil lahat ng mga tao ay nagnanais na mamuhay sa kaginhawahan sa halip na sa kaguluhan at kawalang-kaayusan. Sinabi ng Diyos, “Sino ang hindi takot sa kamatayan? Magagawa ba talaga ng mga tao na ilagay ang kanilang mga sariling buhay sa bingit ng kamatayan?” Ito ay lubos na tama; bawat isa ay takot na mamatay, maliban na lang, siyempre, kapag sila ay nilamon ng galit o kawalang-pag-asa. Ito ay ang diwa ng sangkatauhan, at napakahirap nitong lutasin. Sa kasalukuyan, ang Diyos ay naparito para lamang lutasin ang mabigat na suliraning ito. Ang lahat ng mga tao ay walang-kapangyarihan, kaya ang Diyos ay partikular na nagtayo para sa kanila ng isang ospital ng mga espesyalista upang mapagaling sila mula sa ganitong uri ng sakit. Hindi maiaalis ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa mga patibong ng karamdamang ito, na siyang dahilan kung bakit silang lahat ay balisang-balisa na namamaga ang kanilang mga bibig, at ang kanilang mga tiyan ay lumalaki. Sa pagdaan ng panahon, ang sukat ng hanging nasa tiyan nila ay lumalaki, na nagreresulta sa pagtaas ng presyon, at sa huli, sumasabog ang kanilang mga tiyan at namamatay silang lahat. Kaya nga nilunasan ng Diyos ang malalang karamdamang ito ng mga tao, dahil ang lahat ay maaaring mamatay rito. Hindi ba ito ang lunas sa kalagayan ng mga tao? Ang Diyos ay kusang dumating upang gawin ang gawaing ito. Dahil ang mga tao ay takot na takot sa kamatayan, Ang Diyos Mismo ay dumating upang isakatuparan ang gawaing ito kasama ng mga tao; dahil napakahina ng kanilang loob, ipinakita muna Niya ito para mapanood nila. Nagiging handa lamang sumunod ang tao matapos makita kung paano ito ginawa ng Diyos. Sa kadahilanang ito, sinabi ng Diyos, “Dahil walang sinumang makakapagsakatuparan ng Aking gawain, sumabak Ako sa labanan nang personal upang makibahagi sa isang pakikipagtunggali ng buhay at kamatayan laban kay Satanas.” Ito ay isang labanang magpapasya, kaya alinman sa mamatay ang isda o masira ang lambat. Ito ay tiyak. Dahil ang espiritu ay magtatagumpay sa katapusan, ang laman ay hindi maaaring hindi mamatay. Nauunawaan ba ninyo ang mga ibig sabihin nito? Gayunpaman, huwag maging masyadong maramdamin. Marahil ay simple ang pangungusap sa itaas, o marahil ito ay masalimuot. Kung anuman, hindi pa rin ito maarok ng mga tao—tiyak iyan. Maaaring matanggap ng mga tao ang pagpipino ng salita ng Diyos sa kanilang pagdurusa, na maaaring tawagin ng isang tao na mabuting kapalaran niya, o maaaring tawagin ng isa pa na kasawiang-palad niya. Gayunman, nais Ko pa ring ipaalala na ang layunin ng Diyos ay tama, pagkatapos ng lahat—hindi tulad ng mga layunin ng mga tao, na palaging tungkol sa mga pagpaplano at mga pagsasaayos para sa kanilang mga sariling kapakanan. Dapat na maging malinaw ito; huwag mahulog sa walang-katapusang pagbubulay. Hindi ba ito ang mismong kahinaan ng mga tao? Silang lahat ay tulad nito; sa halip na magkaroon ng malaking pagmamahal sa Diyos, mayroon silang malaking pagmamahal para sa kanilang mga sarili. Siya ay isang Diyos na naninibugho sa mga tao, kaya lagi Siyang may hinihingi sa kanila. Kapag mas minamahal ng mga tao ang kanilang mga sarili, mas hinihingi ng Diyos sa kanila na mahalin Siya, at nagiging mas mahigpit ang Kanyang mga hinihingi sa kanila. Para bang sadyang binibiro ng Diyos ang mga tao. Kung tunay Siyang minamahal ng mga tao, tila hindi Niya ito kinikilala. Dahil dito, ang mga tao ay nagkakamot ng kanilang mga ulo at napapaisip nang malalim. Ito ay isang salaysay tungkol sa disposisyon ng Diyos, isang maikling pagbanggit lamang ng isa o dalawang bagay. Ito ang kalooban ng Diyos. Ito ang hinihingi ng Diyos na malaman ng mga tao; ito ay kinakailangan. Ito ay isang bagong gawain, at kailangang gawin ito nang masigasig ng mga tao upang makapasok at magkaroon ng bagong pag-unlad. Nauunawaan mo ba ito? Kailangan mo bang magsalita pa Ako ng iba pa tungkol sa paksa?
Sa mga nagdaang kapanahunan, sinabi ng Diyos, “wala Akong hinirang ni isa mang tao; ang lahat ay tinanggihan ng Aking tahimik na liham. Ito ay dahil ang mga tao noon ay hindi eksklusibong naglingkod sa Akin, kaya bilang ganti ay hindi Ko rin sila minahal nang bukod-tangi. Kinuha nila ang mga ‘regalo’ ni Satanas at pagkatapos ay tumalikod at inialay ang mga iyon sa Akin. Hindi ba ito mapanirang-puri laban sa Akin?” Paano maipaliliwanag ang mga salitang ito? Gaya ito ng sinabi ng Diyos: “Lahat ng kaloob ay nagmula kay Satanas.” Ang mga nakaraang salinlahi ng mga apostoles at mga propeta ay lubos na nakaasa sa kanilang mga kaloob habang gumagawa ng kanilang gawain, at sa paglipas ng mga kapanahunan, ginamit ng Diyos ang kanilang mga kaloob upang isagawa ang Kanyang gawain. Ito ang dahilan kung bakit sinabi na ang paglilingkod ng lahat ng taong may mga kaloob ay nagmumula kay Satanas. Gayunpaman, dahil sa karunungan ng Diyos, “ginagamit Ko ang panlilinlang ni Satanas bilang Aking panghambing.” Kaya tinawag ng Diyos ang paglilingkod ng mga tao na may mga kaloob bilang “mga regalo mula kay Satanas,” at dahil ang mga iyon ay kay Satanas kaya tinatawag ng Diyos ang mga pagkilos na ito na “paninirang puri.” Hindi ito isang paratang laban sa mga tao na walang basehan; kasalungat nito, ito ay matibay at akmang pagpapaliwanag. Kaya, “hindi Ko ibinunyag ang Aking pagkasuklam; sa halip, sinubukan Kong gamitin ang kanilang pakana sa kanila sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga ‘regalo’ na ito sa mga materyales na ginagamit sa Aking pamamahala. Kalaunan, sa sandaling naproseso ang mga iyon ng makina, Aking susunugin ang lahat ng lalabas na basura.” Ito ang napakakahanga-hanga tungkol sa gawain ng Diyos. Ang puntong ito ang pinakahindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, dahil walang sinumang mag-iisip na ang mga namumuno bilang mga hari ay hindi mga taong may mga kaloob, o na sila ang mga taong walang-kaloob na minamahal ng Diyos. Gaya ng nakikita, ang mga ideya o mga inaasahan nina Witness Lee at Watchmen Nee ay naging abo lahat, at totoo rin ito sa may-kaloob na mga tao sa kasalukuyan. Ngayong sinimulan na ng Diyos ang gawaing ito, at unti-unti Niyang binabawi ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao na nagsisilbi bilang mapaghahambingan sa Kanyang gawain. Kapag ang gawain ng Diyos ay ganap nang natapos, ang lahat ng mga taong ito ay magbabalik sa kanilang orihinal na lugar. Gayunpaman, Aking inuudyukan ang mga tao na huwag kumilos nang walang-ingat dahil sa Aking mga salita. Dapat kayong sumunod sa natural na daloy ng mga bagay-bagay alinsunod sa mga hakbang ng gawain ng Diyos upang hindi ito magambala. Nauunawaan ba ninyo ang puntong ito? Dahil ito ang mga hakbang at paraan ng gawain ng Diyos. Kapag “pinoproseso” ng Diyos ang “mga regalo” na ito para maging “mga produktong natapos,” ang lahat ng Kanyang mga layunin ay makikita nang husto, at ang mga regalo na nagbigay-serbisyo sa Kanya ay aalising lahat; gayunpaman, ang Diyos ay magkakaroon ng mga produktong natapos upang tamasahin. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang nais ng Diyos ay mga produktong natapos, hindi ang napakaraming mga regalo na inihahandog ng mga tao sa Kanya. Tanging kapag ang bawat isa ay nakakuha ng angkop na lugar, ibig sabihin ay kapag ang Diyos ay nakabalik na sa Kanyang orihinal na posisyon at ang diyablo ay nakaupo na rin sa sariling upuan nito, gayundin ang mga anghel, walang hindi kasali—saka lamang makikita ang isang nasisiyahang ngiti sa mukha ng Diyos, sapagkat ang Kanyang mga layunin ay nabigyang-kasiyahan na, ang Kanyang mithiin ay nakamit na. Ang Diyos ay hindi na muling maghahangad ng “tulong” mula sa “diyablo,” dahil ang mga hangarin ng Diyos ay bukas nang maibubunyag sa mga tao, at hindi na kailanman ipagagawa sa mga tao na ipaalam ang mga iyon. Sa panahong ito, ang mga katawang laman ng mga tao ay magiging kaisa ng kanilang mga espiritu. Ito ang ibinubunyag ng Diyos sa mga tao; ito ang huling hantungan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Ito ang pagbubuod ng orihinal na kahulugan ng “sangkatauhan.” Hindi na ito kailangang saliksikin nang detalyado; sapat nang malaman ang isa o dalawang bagay tungkol dito. Nauunawaan ba ninyo?