Kabanata 36
Sinasabi na nagsimula na ngayong kastiguhin ng Diyos ang tao, ngunit walang sinumang makakapagsabi nang tiyak, walang sinumang makakapagbigay ng maliwanag na tugon kung ang orihinal na layunin ng pagkastigong ito ay sumapit na sa tao. Sinasabi ng Diyos, “Kailanman ay hindi nakatuklas ang tao ng anuman sa Aking pagkastigo, sapagkat wala siyang ginagawa kundi ang hawakan ang pamatok sa kanyang leeg gamit ang dalawang kamay, ang mga mata’y nakatitig sa Akin, na para bang nakabantay sa isang kaaway—at sa sandaling ito Ko lamang napansin kung gaano siya kapayat. Dahil dito kaya Aking sinasabi na walang sinuman ang matatag na nakatayo sa gitna ng mga pagsubok.” Sinasabi ng Diyos sa tao ang tungkol sa mga katunayan ng pagkastigo na hindi pa sumasapit sa kanya, at ginagawa ito ng Diyos nang napakadetalyado, nang walang anumang nakakaligtaan. Para bang nakapasok na ang mga tao sa pagkastigo at tunay na hindi makayang tumayo nang matatag. Nagbibigay ang Diyos ng isang malinaw at parang-buhay na paglalarawan ng pangit na mga katangian ng tao. Ito ang dahilan kung bakit nakakaramdam ang mga tao na napupuwersa sila: Yamang sinasabi ng Diyos na ang tao ay hindi kailanman nakatayo nang matatag sa gitna ng mga pagsubok, paanong Ako ang makakabasag sa pandaigdigang rekord, para matanggap sa kabila ng kalakaran? Sa sandaling ito, sila ay nagsisimulang magbulay. Sa realidad, gaya lamang ito ng sinasabi ng Diyos: “Nadala Ko ba sila sa dulo ng daan?” Tunay nga na dinala ng Diyos ang lahat ng tao sa dulo ng daan, kaya sa kanilang kamalayan, palaging naniniwala ang tao na malupit ang Diyos at di-makatao. Nabingwit ng Diyos ang lahat ng tao mula sa dagat ng makamundong pasakit, pagkatapos nito, “upang hadlangan ang anumang mga aksidente, pinatay Ko ang lahat ng ‘isda’ na nahuli, matapos nito ay naging masunurin ang mga isda, at hindi nagkaroon ng kahit katiting na pagdaing.” Hindi ba ito katunayan? Hinila ng Diyos ang lahat ng tao mula sa mapait na dagat ng kamatayan tungo sa isa pang kailaliman ng kamatayan, kinaladkad Niya silang lahat tungo sa “bitayan,” pinuwersa Niya sila tungo sa dulo ng daan—bakit hindi Niya ginagawa ito sa ibang mga anak at tao ng Diyos? Ano ang Kanyang layunin sa pagsasakatuparan ng ganoong gawain sa bansa ng malaking pulang dragon? Bakit masyadong “malisyoso” ang kamay ng Diyos? Hindi kataka-taka “kapag kailangan Ko ang tao, siya ay laging nakatago. Para bang hindi pa siya kailanman nakakita ng nakakamanghang mga tagpo, na para bang siya ay ipinanganak sa probinsiya at walang alam sa mga usapin sa lungsod.” Sa katunayan, sa loob nila mismo itinatanong ng mga tao: “Ano ang plano ng Diyos sa paggawa nito? Hindi ba Niya tayo inilalagay sa kamatayan? At ano ang punto? Bakit ang mga hakbang ng Kanyang gawain ay dumarating na mabigat at mabilis, at bakit hindi Siya maluwag nang kahit katiting sa atin?” Gayunman hindi nangangahas ang mga tao na sabihin ito, at dahil ang mga salita ng Diyos ay nagdudulot sa kanila na alisin ang ganoong mga iniisip, inaalisan sila ng pagkakataon na lalo pang mag-isip, wala silang pagpipilian kundi ang isantabi ang ano pa mang ganoong mga iniisip. Ibinubunyag lamang ng Diyos ang lahat ng kuru-kuro ng tao, kaya’t pilit na itinatago ng mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at hindi hinahayaan ang mga iyon na lumabas. Sinabi na noon na ang mga taong ito ang anak ng malaking pulang dragon. Sa katunayan, upang maging malinaw, sila ang pagsasakatawan ng malaking pulang dragon. Kapag pinupuwersa sila ng Diyos tungo sa dulo ng daan at kinakatay sila, kung gayon—nang walang alinlangan—ang espiritu ng malaking pulang dragon ay wala nang pagkakataong gumawa sa kanila. Sa paraang ito, kapag naglalakad ang mga tao patungo sa dulo ng daan ay kung kailan din nagwawakas ang malaking pulang dragon sa kamatayan. Maaaring masabi na gumagamit ito ng kamatayan upang suklian ang “dakilang kabaitan” ng Diyos—na siyang layon ng gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman sa pakahulugan ng “laman” ay sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi nahihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila—at sa sandaling ito, gagampanan ng laman ang isa pa nitong tungkulin, at magsisimulang opisyal na tanggapin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos. Ito ay isang kinakailangang proseso, dapat itong mangyari nang isa-isang hakbang; kung hindi, hindi magkakaroon ang Diyos ng paraan para makagawa sa sutil na laman. Ganoon ang karunungan ng Diyos. Sa paraang ito, lahat ng tao ay walang malay na nakapasok sa kasalukuyang mga kalagayan. At hindi ba’t ang Diyos ang nagdala sa tao sa “dulo ng daan”? Maaari kayang ito ay isang bagong daan na binuksan ng tao? Kung titingnan ang inyong mga karanasan, tila sa inyo, ang Diyos ay gumagamit ng mga pamamaraan na sukdulan ang kalupitan, kung saan ay makikita ang pagkamatuwid ng Diyos. Paano kayo hindi makapagbibigay ng papuri? Ang ginagawa ng Diyos sa inyo ay nagpapahintulot sa mga tao na mamasdan ang matuwid na disposisyon ng Diyos; hindi ba kayo marapat na humanga sa Diyos dahil dito? Sa kasalukuyan, sa sangandaan kung kailan ang lumang kapanahunan ay umiiral pa rin at ang bagong kapanahunan ay hindi pa dumarating, paano kayo nagpapatotoo sa Diyos? Ang ganoon ba kaseryosong usapin ay hindi karapat-dapat sa masusing pagsasaalang-alang? Pinag-iisipan pa rin ba ninyong mabuti ang ibang walang-kinalamang mga bagay-bagay? Bakit sinasabi ng Diyos, “Bagaman ang mga tao ay minsan nang sumigaw ng ‘Mabuhay ang pagkaunawa,’ walang sinuman ang gumugol ng maraming oras sa pagsusuri sa salitang ‘pagkaunawa,’ na nagpapakita na ang mga tao ay walang pagnanasang mahalin Ako”? Kung hindi sinabi ng Diyos ang ganoong mga bagay, hindi ba ninyo maaaring kusang subukan na unawain ang puso ng Diyos?
Kahit na kamakailan lamang ay may mga tao na maaaring nagkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa mga layon at punto ng pagkakatawang-tao ng Diyos, masasabi Ko nang tiyak na kung hindi nagsalita ang Diyos sa payak na paraan sa tao, walang sinuman ang makahuhula sa mga layon at punto ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ito ay tiyak. Hindi pa rin ba ito malinaw sa iyo? Lahat ng ginagawa ng Diyos sa mga tao ay bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala—gayunman ay hindi nila kayang unawain nang tumpak ang kalooban ng Diyos. Ito ang kakulangan ng tao, ngunit hindi hinihingi ng Diyos na makaya ng mga tao na gumawa ng anumang bagay, hinihingi lamang Niya na pakinggan nila ang “mga payo ng doktor.” Ito ang hinihingi ng Diyos. Hinihingi Niya sa lahat ng tao na alamin ang tunay na buhay ng tao, sapagkat “sa kanilang mga puso, ang mga salitang ‘buhay ng tao’ ay hindi umiiral, wala silang pagsasaalang-alang para sa mga iyon, at napapagod lamang sa Aking mga salita, na para bang Ako ay naging isang bungangerang matandang dalaga.” Sa paningin ng mga tao, ang mga salita ng Diyos ay gaya ng pang-araw-araw na kubyertos, hindi man lamang nila itinuturing ang mga iyon na mahalaga. Kaya, hindi maisagawa ng mga tao ang mga salita ng Diyos—sila ay naging mga kawawang hampaslupa na nakababatid tungkol sa katotohanan ngunit hindi ito isinasagawa. Sapat na ang pagkakamaling ito ng tao na magsanhi ng pagkamuhi sa Diyos sa isang panahon, at kaya maraming ulit Niyang sinasabi na hindi pinakikinggan ng mga tao ang Kanyang mga salita. Gayunman sa kanilang mga kuru-kuro, iniisip ng mga tao ang sumusunod: “Bawat araw, aming pinag-aaralan at sinusuri ang mga salita ng Diyos, kaya paanong masasabi na hindi namin pinakikinggan ang mga iyon? Hindi ba ito kawalang-katarungan sa amin?” Ngunit hayaan ninyong isa-isahin Ko ito nang kaunti para sa inyo—ang mga tao ay mamumula. Kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, sila ay tumatango, sila ay yumuyukod at kumakaskas, tulad ng isang tuta na nagpapaalipin sa mga salita ng amo nito. Kaya sa sandaling ito, nakakaramdam ang mga tao na hindi sila marapat, umaagos ang mga luha sa kanilang mga mukha, na para bang inaasam nilang magsisi at magsimulang muli—ngunit kapag lumipas na ang sandaling ito, ang kanilang pagiging mahiyain ay agad na nawawala, at napapalitan ng kabagsikan; isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos, at laging naniniwala na ang kanilang mga sariling kapakanan ay nangunguna, na ang mga bagay-bagay tungkol sa Diyos ay sa hulihan, at dahil sa mga pagkilos nilang ito, hindi nila kailanman naisasagawa ang mga salita ng Diyos. Kapag dumating na ang mga katunayan, iniuunat nila ang kanilang mga siko palabas[a]—ito ay panlilinlang sa kanilang sariling mga tao—hindi kataka-taka na sinasabi ng Diyos na sila ay “‘tumatakbo sa kabilang daan’ samantalang umaasa sa Akin para sa kanilang ikabubuhay.” Mula lamang dito makikita na wala kahit katiting na kasinungalingan sa mga salita ng Diyos, totoo ang lahat ng mga iyon, at wala ni kaunting labis na pahayag, gayunman ay tila kulang ang pagkakalarawan sa mga iyon, sapagkat ang tayog ng tao ay napakaliit, hindi niya kayang pasanin ang mga ito. Ang mga salita ng Diyos ay nakapagkaloob na ng sinlinaw-ng-kristal na paglalarawan ng mga bagay-bagay ng tao, kapwa ng panloob at panlabas; naiukit na nila ang mga iyon nang buong linaw, inilalarawan ang isang buhay na buhay na pagkakatulad na eksaktong ang orihinal na mukha ni Satanas. Kaya nga lamang sa kasalukuyang yugto, hindi pa nakikita ng mga tao ang lahat nang malinaw, at kaya sinasabi na hindi pa nila nakikilala ang kanilang mga sarili. Dahil dito kaya Aking sinasabi na ang araling ito ay dapat magpatuloy; hindi ito maaaring huminto. Kapag nakilala na ng mga tao ang kanilang sarili ay magtatamo ang Diyos ng kaluwalhatian. Ito ay madaling maunawaan—wala nang pangangailangan na idetalye Ko pa ito. Gayunman, mayroong isang bagay na ipaaalala Ko sa inyo, bagama’t kailangan munang mabasa ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa kasalukuyang mga panahon, hindi Ako kailanman pinahalagahan ng mga tao, wala Akong puwang sa kanilang mga puso. Maaari kaya silang magpakita ng tunay na pag-ibig sa Akin sa mga araw ng pagdurusang darating?” Ano ang kahulugan ng mga salitang ito? Sinasabi ng Diyos na ang pagkastigo ay hindi pa dumarating sa tao, na nagpapakitang mayroon pang nakapaloob na kahulugan sa mga salitang “pagkilala sa iyong sarili”—nakita mo ba ito? Kung hindi sasailalim sa paghihirap at pagpipino, paano makikilala ng mga tao ang kanilang mga sarili? Hindi ba salitang walang laman ang mga ito? Talaga bang nagtitiwala ka sa lahat ng sinasabi ng Diyos? Kaya mo bang kilalanin ang mga salita ng Diyos? Bakit paulit-ulit na sinasabi ng Diyos ang mga bagay na tulad ng “Pagkakita sa mga kilos ng tao, ang pagpipilian Ko lamang ay ang umalis,” at sinasabi rin, “Kapag ang mga bundok ay gumuho at bumuka sa ilalim ang lupa ay saka lamang iniisip ng mga tao ang Aking mga salita, saka lamang sila nagigising mula sa kanilang mga panaginip, ngunit ang oras ay dumating na, sila ay lumulubog sa malaking baha, ang kanilang mga bangkay ay lumulutang sa ibabaw ng tubig”? Bakit sinasabi ng Diyos na “iniisip ng mga tao” at hindi “sinusunod ng mga tao ang Aking mga salita”? Tunay ba na ang mga bundok ay gumuguho at ang lupa ay nabibiyak sa ilalim? Hindi pinakikinggan ng mga tao ang ganoong mga salita, pinalalampas nila ang mga iyon, kaya sila ay nagdurusa ng matinding “paghihirap” sa mga salita ng Diyos. Ito ay dahil masyado silang nagwawalang-bahala. Dahil sa pagkabigong ito ng tao, sinasabi ng Diyos, “Ako, itong ‘kakatwa’ na walang daluyan ng luha, ay umiyak ng maraming luha para sa tao. Gayunman, ang tao ay walang nalalaman tungkol dito.” Dahil hindi binibigyang-pansin ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ginagamit ng Diyos ang paraan na ito upang paalalahanan sila at kunin ang kanilang “tulong.”
Sa ngayon, hindi Ako magpopropesiya tungkol sa mga kaganapan sa mundo, ngunit magpopropesiya ng ilang bagay tungkol sa kapalaran ng tao. Hindi ba hiningi Kong kilalanin ng mga tao ang kanilang mga sarili? Paano ito maipapaliwanag? Paano dapat makilala ng mga tao ang kanilang mga sarili? Kapag “masyadong pinahihirapan” ng Diyos ang mga tao na sila ay nakabitin sa pagitan ng buhay at kamatayan, nagsisimula silang makaunawa nang kaunti tungkol sa kahulugan ng buhay ng tao, at pagod na sila sa buhay ng tao, naniniwalang ang buong buhay ng isang tao ay walang iba kundi isang panaginip. Naniniwala sila na ang buhay ng tao ay isang pagdurusa, na sila ay mamamatay nang hindi nagtatamo ng anuman, na ang kanilang buhay ay walang kabuluhan at walang halaga. Ang buhay ng tao ay isa lamang panaginip, isang panaginip kung saan ang dalamhati at kaligayahan ay dumarating at umaalis. Sa kasalukuyan, ang mga tao ay nabubuhay para sa Diyos, ngunit dahil sila ay namumuhay sa mundo ng tao, ang kanilang pang-araw-araw na buhay ay nananatiling walang laman at walang halaga, na nagdudulot sa lahat ng tao na malaman na ang kasiyahan ng Diyos ay isa lamang panandaliang kaginhawahan—ngunit kung namumuhay pa rin sila sa laman kahit na sila ay naniniwala sa Diyos, kapag hindi nila tinatamasa ang Diyos, ano ang kabuluhan nito? Sa laman, ang lahat ay hungkag para sa tao. Matapos maranasan ang mga nagbabagong kalagayan sa buhay ng tao, sa pagsapit ng katandaan, ang buhok ng tao ay namumuti, ang kanyang mukha ay puno ng mga kulubot, ang kanyang mga kamay ay puno ng mga kalyo. Bagaman nakapagbayad siya ng malaking halaga, wala siyang halos natamo. Kaya, mas lalawig pa ang Aking mga salita: Lahat ay hungkag para sa mga namumuhay sa laman. Ito ay walang pag-aalinlangan, at wala nang pangangailangan na suriin mo pa ito nang detalyado. Ito ang orihinal na mukha ng buhay ng tao na paulit-ulit na sinasabi ng Diyos. Hindi iniiwasan ng Diyos ang mga salitang ito bilang resulta ng kahinaan ng tao, kundi kumikilos lamang ayon sa Kanyang orihinal na plano. Marahil, ang ilang salita ay nagbibigay ng tulong at pagkaunawa sa mga tao, at marahil ang ilan ay gumagawa ng eksaktong kasalungat, sadyang nagsasanhi sa mga tao na mamuhay na nababalot ng pakiramdam ng kamatayan—at dahil dito mismo kaya sila ay nagdurusa. Kaya, marahil sinisimulan ng Diyos ang “estratehiya ng lungsod na walang laman”[b] upang sadyang lituhin ang mga tao, ngunit hindi man lamang nila ito nakikita at sila ay nananatili sa dilim. At gayunman, ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at kahit na alam ito ng mga tao, paano sila magbabantay laban dito? Kaya, walang sinuman ang nakatatakas mula sa banta ng pagkastigo—anong maaari nilang gawin? Maaari lamang silang magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos—at hindi ba iyan dahil nahila sila ng Diyos at ayaw silang bitawan? Sa ilalim lamang ng mga pagbabanta ng Diyos makasusunod ang lahat ng tao sa daloy ng kalikasan—hindi ba ito ang sitwasyon? Kung hindi sa mga pagsasaayos ng Diyos, paano matatanggap ng mga tao nang maluwag sa kalooban ang pagkatalo? Hindi ba iyan magiging isang biro? Bagama’t ang buhay ng tao ay hungkag, sino ang handa na tahimik na iwan ang mundo ng tao kapag ang kanilang mga buhay ay maginhawa, at subukang bigyang-kasiyahan ang Diyos? Ang mga tao ay namamatay sa gitna ng kawalang-kakayahan—sino na ang namatay sa gitna ng kasaganaan, kapag nasa kanila na ang lahat ng maaari nilang naisin? Tanging ang isang “bituin” lamang na bumaba mula sa langit ang eksepsyon dito. Kumpara sa buhay sa ikatlong langit na tinamasa nito, ang buhay sa lupa ay tulad ng pamumuhay sa Hades—tanging sa ilalim ng ganoong kalagayan ito maaaring maging handang mamatay. Gayunman sino sa kasalukuyan ang isang bituin sa langit? Ako rin ay “hindi malinaw” tungkol dito. Maghanap tayo sa paligid at tingnan kung makakakita tayo ng isa. Kung siya ay natagpuan, hinihingi Ko sa mga tao na tulungan Ako na magtanong kung siya ay handang kumilos ayon sa Aking mga salita sa itaas. Gayunman ay may babala Ako sa bawat isa sa inyo: Walang sinuman sa inyo ang dapat na umasta na isang “bayani” at magboluntaryo na mamatay, nauunawaan ba ninyo?
Mga Talababa:
a. Ang “iniuunat ang siko palabas” ay isang talinghagang Tsino, na nangangahulugang ang isang tao ay tumutulong sa iba sa kapinsalaan ng mga taong malapit sa taong iyon, halimbawa ay mga magulang, mga anak, mga kamag-anak o mga kapatid.
b. Ang “estratehiya ng lungsod na walang laman” ay ang ika-32 sa Tatlumpu’t Anim na Estratehiya ng lumang China. Ang estratehiyang ito ay kinabibilangan ng mapanlinlang na pagpapakita ng matapang na hitsura para itago ang kawalan ng kahandaan upang maloko ang kaaway.