Kabanata 38
Ayon sa likas na mga katangian ng sangkatauhan, ibig sabihin, ang tunay na mukha ng sangkatauhan, ang makayang makapagpatuloy hanggang sa ngayon ay tunay na hindi naging madali, at tanging sa pamamagitan nito kaya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos ay naging tunay na maliwanag. Ayon sa diwa ng laman, gayundin sa katunayan na, hanggang ngayon, ang tao ay nagawang tiwali ng malaking pulang dragon, paano niya makakayang patuloy na makatayo hanggang sa ngayon, kung hindi dahil sa paggabay ng Espiritu ng Diyos? Hindi karapat-dapat ang tao na lumapit sa harap ng Diyos, subalit alang-alang sa Kanyang pamamahala at upang di-magtagal ay matupad ang Kanyang dakilang gawain, kaya iniibig ng Diyos ang sangkatauhan. Sa totoo lang, ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay isang bagay na hindi kayang bayaran ng sinumang tao sa buong buhay niya. Marahil ay may ilang nagnanais na masuklian ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng kanilang mga buhay, ngunit sinasabi Ko sa iyo: Hindi karapat-dapat ang tao na mamatay sa harap ng Diyos, kaya’t ang kanyang kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan. Ito ay dahil, sa Diyos, ang kamatayan ng isang tao ay hindi man lang karapat-dapat na mabanggit, hindi man lang katumbas ng isang sentimo, tulad ng kamatayan ng isang langgam sa lupa. Pinapayuhan Ko ang sangkatauhan na huwag masyadong maging mataas ang tingin sa kanilang mga sarili, at huwag isipin na ang mamatay para sa Diyos ay napakabigat na bagay, na gaya ng bigat ng Bundok Tai. Sa katunayan, ang kamatayan ng isang tao ay kasinggaan ng isang balahibo, na hindi karapat-dapat na mabanggit. Subalit magkagayunman, ang laman ng tao ay likas na nakatakdang mamatay, kaya’t sa huli ang pisikal na katawan ay dapat na magwakas sa lupa. Ito ay isa talagang katotohanan, na hindi maitatanggi ninuman. Ito ay isang “batas ng kalikasan” na Aking hinahango mula sa kabuuan ng karanasan ng buhay ng tao, kaya’t tinukoy na ng Diyos ang kawakasan ng tao sa ganitong paraan, nang hindi ito namamalayan ng isang tao. Nauunawaan mo ba? Hindi nakapagtataka na sinasabi ng Diyos, “Kinamumuhian Ko ang pagsuway ng sangkatauhan. Hindi Ko alam kung bakit; tila ba kinamuhian Ko na ang tao sa simula pa lang, at gayunma’y labis Akong nakikiramay sa kanya. Kaya’t palaging dalawa ang saloobin sa Akin ng mga tao—sapagkat iniibig Ko ang tao, at kinamumuhian Ko rin siya.”
Sinong hindi pumupuri sa Diyos para sa Kanyang presensya o sa Kanyang pagpapakita? Sa panahong ito, para bang ganap Ko nang nakalimutan ang pagiging di-dalisay at pagiging di-matuwid sa loob ng tao. Kinukuha Ko ang pagmamagaling ng sangkatauhan, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagsuway, paglaban, at ang lahat ng kanilang paghihimagsik at winawaglit Kong lahat sa Aking isipan, at kinalilimutan ang tungkol dito. Ang Diyos ay hindi nakokontrol dahil sa ganitong mga pagkakataon ng kung ano ang sangkatauhan. Yamang Ako ay “dumaranas ng parehong pasakit” gaya ng sa Diyos, pinalalaya Ko rin ang Aking sarili mula sa kaguluhang ito, kung hindi ay lalo pa Akong pipigilan ng tao. Bakit pa mag-aabala sa lahat ng ito? Yamang ayaw ng tao na sumama sa sambahayan ng Diyos kasama Ko, paano Ko magagamit ang Aking kapangyarihan upang puwersahin sila? Hindi Ko ginagawa ang mga bagay-bagay na mapaniil sa tao, at hindi nakapagtataka, dahil Ako ay isinilang sa pamilya ng Diyos, kaya talagang ang tao at Ako ay laging magkaiba. Ito ay humantong sa kalagayan ng matinding pagkatalo na kanyang kinaroroonan ngayon. Ngunit patuloy Kong iniiwasan ang mga kahinaan ng tao; anong Aking pagpipilian? Hindi ba ito ay dahil wala Akong kapangyarihan? Hindi nakapagtataka na hinahangad ng Diyos na “magretiro” mula sa “yunit ng gawain” ng sangkatauhan, at bukod dito ay humihingi ng “pensiyon.” Kapag nagsasalita Ako mula sa pananaw ng isang tao, ang tao ay hindi nakikinig, ngunit tumitigil ba sa pagsuway ang tao kahit na nagsasalita Ako mula sa pananaw ng Diyos? Marahil ay darating ang araw na ang Diyos ay biglang “magretiro” mula sa “yunit ng gawain” ng sangkatauhan, at kapag dumating ang sandaling iyon, mas lalo pang magiging mabagsik ang salita ng Diyos. Sa kasalukuyan, maaaring dahil sa Akin kaya nagsasalita ang Diyos sa ganitong paraan, at kung darating ang araw na iyon, hindi magiging tulad Ko ang Diyos, marahan at matiyagang “nagsasalaysay ng mga kwento sa mga bata sa kindergarten.” Marahil ay hindi masyadong naaangkop ang Aking sinasabi, subalit ang Diyos ay handang luwagan nang kaunti ang Kanyang paghawak sa tao dahil lang sa Diyos na nagkatawang-tao; kung hindi, ang tanawin ay magiging masyadong kakila-kilabot na pagnilayan. Gaya ng sinabi ng Diyos, “Minsan Ko nang niluwagan ang Aking paghawak sa mga tao sa paanuman, tinutulutan sila na malayang magpasasa sa kanilang makalamang mga pagnanasa—at dahil dito ay nangahas silang kumilos nang walang pigil, nang walang anumang pagbabawal, kung saan makikita na hindi nila Ako tunay na iniibig, sapagkat namumuhay silang lahat sa laman.” Bakit sinasabi ng Diyos dito na “magpasasa sa kanilang mga pagnanasa,” at “namumuhay sa laman”? Sa totoo lang, likas na mauunawaan ng tao ang mga salitang gaya ng mga ito nang walang interpretasyon Ko. Marahil ay may ilan na magsasabing hindi nila nauunawaan, at sinasabi Ko na ito ay isang klase ng pagtatanong gayong nalalaman na ng isang tao ang kasagutan, ng pagkukunwari. Ilang salita ng pagpapaalaala: Bakit sinasabi ng Diyos, “Ang hinihingi Ko lang sa tao ay makipagtulungan siya sa Akin”? Bakit sinasabi rin ng Diyos na mahirap baguhin ang kalikasan ng tao? Bakit kinamumuhian ng Diyos ang kalikasan ng tao? At ano ba talaga ang mga bagay ng kalikasan ng tao? Ano ang mga bagay sa labas ng kalikasan ng tao? May nakapagnilay na ba sa mga katanungang ito? Marahil ito ay isang bagong paksa para sa tao, gayunman ay ipinamamanhik Ko pa rin sa tao na pag-ukulan ito ng wastong pagsasaalang-alang, kung hindi ay laging magkakasala ang tao sa Diyos dahil sa mga salitang gaya ng “mahirap baguhin ang kalikasan ng tao.” Anong kabutihan ang maidudulot ng paglaban sa Kanya sa ganoong paraan? Sa huli, hindi ba ito paghahanap lang ng gulo? Hindi ba ito magwawakas gaya ng paghahagis ng isang itlog sa isang bato?
Ang totoo, lahat ng pagsubok at mga tukso na dumarating sa tao ay mga aral na hinihingi ng Diyos na matutuhan ng tao. Ayon sa intensyon ng Diyos, makakamit ng tao ang mga bagay na ito, kahit na kailangan niyang isakripisyo kung ano ang iniibig niya, ngunit, dahil laging iniibig ng tao ang kanyang sarili, nabibigo siyang tunay na makipagtulungan sa Diyos. Hindi humihingi nang malaki ang Diyos sa tao. Ang lahat ng hinihingi Niya sa tao ay nilayong makamtan nang madali at masaya; kaya lang ang tao ay hindi handang magtiis ng mga paghihirap. Gaya ng, bilang isang anak, magagampanan niya ang kanyang tungkulin sa pamumuhay nang matipid at nag-iipon upang alagaan ang kanilang mga magulang. Gayunman ay natatakot sila na baka hindi sila makakain nang sapat, o na ang kanilang sariling pananamit ay magiging masyadong payak, kaya, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, ang pagkakautang nila sa kanilang mga magulang ay ganap na nakalilimutan, na parang ang gawain ng pag-aalaga sa kanila ay makapaghihintay hanggang sa yumaman ang anak. Nakikita Ko rito na ang mga tao ay walang pampamilyang pag-ibig para sa kanilang mga magulang—sila ay mga anak na walang pag-ibig sa magulang. Marahil ay masyadong matindi ang Aking pahayag, subalit hindi Ako makapagsasalita ng walang kabuluhan sa harap ng mga katunayan. Hindi Ko maaaring “tularan ang iba” sa paglaban sa Diyos para mabigyang-kasiyahan lang ang Aking sarili. Dahil talagang walang sinuman sa lupa ang may pampamilyang puso kaya sinabi ng Diyos: “Sa langit, si Satanas ang Aking kaaway; sa lupa, ang tao ang Aking kalaban. Dahil sa pagsasanib sa pagitan ng langit at lupa, hinahatulan Ko silang lahat na nagkasala, hanggang sa ikasiyam na salinlahi.” Si Satanas ay isang kaaway ng Diyos; kaya sinasabi ng Diyos iyon ay dahil hindi nito sinusuklian ang Diyos para sa Kanyang dakilang pabor at kabaitan, kundi ay “sumasagwang pasalungat sa alon,” at, sa ganoon, ay hindi nagagampanan ang tungkulin nitong magpakita ng katapatan sa Diyos bilang isang anak. Hindi ba’t ganito rin ang mga tao? Hindi sila nagpapakita ng paggalang ng isang anak sa kanilang “mga magulang” at hindi kailanman sinusuklian ang pagkakautang nila sa kanilang “mga magulang” para sa kanilang mapagmahal na kalinga. Sapat na ito upang ipakita na ang mga tao sa lupa ay ang mga kamag-anak ni Satanas sa langit. Ang tao at si Satanas ay may iisang puso at isipan sa pagsalungat sa Diyos, kaya’t hindi nakapagtataka na idadamay sila ng Diyos hanggang sa ikasiyam na salinlahi at walang patatawarin. Sa nakaraan, ipinamahala ng Diyos ang sangkatauhan sa Kanyang nagpatirapang lingkod sa langit, ngunit hindi ito sumunod, bagkus ay nagpapasasa sa sarili nitong galit at naghihimagsik. Hindi ba’t ang mapaghimagsik na mga tao ay humahakbang din pasulong tungo sa landas na ito? Kahit gaano man higpitan ng Diyos ang “mga renda,” ang mga tao ay hindi basta mayayanig at hindi makababalik mula sa kanilang daan. Sa Aking pananaw, kung ang sangkatauhan ay magpapatuloy sa ganitong paraan, idudulot nila ang sarili nilang pagkawasak. Marahil ngayon ay nauunawaan mo na ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito ng Diyos: “Hindi kaya ng mga taong putulin ang matagal na nilang mga ugnayan sa dati nilang kalikasan.” Pinaalalahanan ng Diyos ang tao sa maraming pagkakataon: “Dahil sa pagsuway ng tao, iniiwan Ko siya.” Bakit sinasabi ito ng Diyos nang paulit-ulit? Maaari bang ang Diyos ay tunay na maging masyadong walang-puso? Bakit sinasabi rin ng Diyos na “hindi Ako kabilang sa lahi ng tao”? Sa loob ng napakaraming araw na walang ginagawa, mayroon bang sinumang maingat na napag-isipan ang mga detalyadong usaping ito? Inuudyukan Ko ang sangkatauhan na magsumikap nang may higit pang lakas sa mga salita ng Diyos at huwag itong ituring nang basta-basta; ang paggawa noon ay walang maidudulot na pakinabang sa iyo, o sa iba. Pinakamainam na huwag sabihin yaong hindi kailangang sabihin, at huwag isipin yaong hindi kailangang pag-isipan. Hindi ba mas simple ito? Anong kamalian ang maaaring ibunga ng gayong pagsasagawa? Bago iproklama ng Diyos ang katapusan ng Kanyang gawain sa lupa, walang sinumang dapat huminto sa “paggalaw”; walang sinumang dapat tumalikod sa kanilang tungkulin. Hindi ito ang panahon; huwag ipagpalagay na kumilos bilang gabay para sa Diyos, o isang bantay sa unahan. Palagay Ko ay napakaaga pa para huminto ngayon at tumigil sa pagsulong—ano sa palagay mo?
Dinadala ng Diyos ang sangkatauhan sa kalagitnaan ng pagkastigo, at dinadala Niya ang mga ito tungo sa isang atmospera ng kamatayan, gayunman, sa kabaligtaran, anong ipagagawa ng Diyos sa tao sa lupa? Tiyak, ang layunin ng tao ay hindi upang magsilbing isang aparador sa sambahayan ng Diyos—isang bagay na hindi makakain o maisusuot, kundi mamamasdan lang. Kung ganoon, bakit gagamit ng napakaraming masalimuot na mga proseso upang lubos na pahirapan ang mga tao sa laman? Sinasabi ng Diyos, “Inihahatid Ko ang tao sa ‘dakong bitayan,’ dahil ang paglabag ng tao ay sapat na upang maging marapat sa Aking pagpaparusa.” Sa sandaling ito ba ay hinahayaan ng Diyos na lumakad ang mga tao tungo sa dakong bitayan nang sila lang? Bakit walang sinumang “nagsusumamo ng awa para sa kanila”? Kung gayon, paano dapat makipagtulungan ang tao? Talaga bang kaya ng tao na kumilos gaya ng Diyos kapag ginagawa Niya ang Kanyang mga paghatol, nang walang impluwensiya ng emosyon? Ang bisa ng mga salitang ito ay pangunahing nakasalalay kung paano kumilos ang tao. Kapag iniuwi ng isang ama ang perang kinita niya, kung hindi alam ng ina kung paano makikipagtulungan sa kanya o kung paano pamamahalaan ang sambahayan, ano ang magiging kalagayan ng tahanang iyon? Tingnan ang kalagayan ng iglesia ngayon: Ano, bilang mga lider, ang nararamdaman ninyo tungkol dito? Maaari kayong magdaos ng isang pagpupulong upang talakayin ang indibidwal na mga pagbubulay. Kung ang mga bagay sa tahanan ay nasira ng ina, ano kaya ang magiging hitsura ng mga anak sa gayong pamilya? Gaya ng mga ulila? O mga pulubi? Hindi kataka-takang sinabi ng Diyos: “Iniisip ng lahat ng tao na ang Akin ay isang pang-Diyos na kalikasan na kulang sa ‘kalidad ng katalinuhan,’ subalit sinong makaiintindi na kaya Kong maunawaan ang lahat sa Aking pagkatao?” Hinggil sa gayong malinaw na sitwasyon, hindi kinakailangan ng Diyos na magsalita mula sa Kanyang pagka-Diyos. Gaya ng sinabi na ng Diyos, “Hindi kailangang gumamit ng maso upang pukpukin ang isang pako.” Marahil, sa sandaling ito, ay may mga taong may ilang praktikal na karanasan sa kasabihan ng Diyos na “Sa kalipunan ng mga tao, wala ni isa mang umiibig sa Akin.” Sa puntong ito, ito ay gaya ng sinabi na ng Diyos: “Dahil lang sa narating na nila ang kasalukuyang kalagayan ng mga pangyayari kaya ang mga tao ay atubiling lahat na yumukod—subalit sa kanilang mga puso, nananatili silang hindi kumbinsido.” Tulad ng isang teleskopyo ang mga salitang ito. Sa malapit na hinaharap, ang tao ay lalakad sa ibang sitwasyon. Ito ay tinatawag na pagiging di-maitama. Nauunawaan ba? Iyon ang sagot sa dalawang katanungang ito ng Diyos: “Hindi ba umiiwas ang mga tao sa kasalanan dahil lang natatakot sila na aalis Ako? Hindi ba totoo na hindi sila dumaraing dahil lang sa natatakot sila sa pagpaparusa?” Sa katunayan, ang mga tao sa kasalukuyang yugto ay lahat bahagyang matamlay, na tila puspos ng kapaguran. Ganap na wala sila sa kondisyong bigyang-pansin ang gawain ng Diyos, bagkus ay nababahala lang sa mga pagsasaayos at mga pagtustos alang-alang sa kanilang sariling laman. Hindi ba ganoon?