Kabanata 31
Laganap ang disposisyon ng Diyos sa lahat ng pagbigkas ng Diyos, ngunit ibinubunyag ng pangunahing hibla ng Kanyang mga salita ang paghihimagsik ng buong sangkatauhan at inilalantad ang mga bagay tulad ng kanilang pagsuway, katigasan ng ulo, kawalan ng katarungan, kasamaan, at kawalan ng kakayahang tunay na mahalin ang Diyos, kaya nakarating ang mga salita ng Diyos sa punto na sinasabi Niya na bawat butas sa katawan ng mga tao ay may paglaban sa Diyos, kaya kahit ang kanilang maliliit na ugat ay may pagsuway sa Diyos. Kung hindi susubukan ng mga tao na suriin ang mga bagay na ito, palagi silang mawawalan ng kakayahang malaman ang mga iyon, at hindi nila kailanman magagawang isantabi ang mga ito. Ibig sabihin, kakalat sa kanila ang mikrobyo ng paglaban sa Diyos at sa huli, na para bang nilamon na ng mga puting selula ng kanilang dugo ang mga pulang selula ng kanilang dugo, na iniiwan ang kanilang buong katawan na wala nang mga pulang selula ng dugo; sa huli, mamamatay sila mula sa lukemya. Ito ang tunay na kalagayan ng tao, at walang sinumang magkapagkakaila nito. Naisilang sa lupain kung saan nakahimlay na nakapulupot ang malaking pulang dragon, may isang bagay man lamang sa kalooban ng bawat tao na naglalarawan at naghahalimbawa sa kamandag ng malaking pulang dragon. Sa gayon, sa yugtong ito ng gawain, ang pangunahing hibla sa buong salita ng Diyos ay ang pagkilala sa sarili, pagtanggi sa sarili, pagtalikod sa sarili, at pagpatay sa sarili. Masasabi na ito ang pangunahing gawain ng Diyos sa mga huling araw, at na ang saklaw na ito ng gawain ang pinaka-komprehensibo at masusi sa lahat—nagpapakita ito na nagpaplano ang Diyos na wakasan na ang kapanahunan. Hindi ito inaasahan ninuman, ngunit kasabay nito, isang bagay ito na inasahan nila sa kanilang pakiramdam. Bagama’t hindi tahasang sinabi ng Diyos, napakatalas ng pakiramdam ng mga tao—lagi nilang nadarama na maikli ang panahon. Masasabi Ko na habang mas nararamdaman ito ng isang tao, mas malinaw ang kanyang kaalaman tungkol sa kapanahunan. Hindi ito pagkakita na normal ang mundo at sa gayon ay pinabubulaanan ang mga salita ng Diyos; sa halip, ito ay pagkaalam sa nilalaman ng gawain ng Diyos sa pamamagitan ng kaparaanan ng paggawa ng Diyos. Tinutukoy ito sa pamamagitan ng tono ng mga salita ng Diyos. May lihim sa tono ng mga pagbigkas ng Diyos na hindi pa natuklasan ninuman, at ito rin mismo ang pinakamahirap pasukin ng mga tao. Ang pinakabuod na dahilan kaya hindi maunawaan ng mga tao ang mga salita ng Diyos ay na nananatili silang mangmang tungkol sa tonong ginagamit ng Diyos sa pagsasalita—kung maging dalubhasa sila sa lihim na ito, magkakaroon sila ng kaunting kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay palaging sumusunod sa isang prinsipyo: ang maipaalam sa mga tao na ang mga salita ng Diyos ang lahat-lahat, at nilulutas ang lahat ng paghihirap ng tao sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Mula sa pananaw ng Espiritu, pinalilinaw ng Diyos ang Kanyang mga gawa; mula sa pananaw ng tao, inilalantad Niya ang mga kuru-kuro ng mga tao; mula sa pananaw ng Espiritu, sinasabi Niya na hindi iniintindi ng tao ang Kanyang kalooban; at mula sa pananaw ng tao, sinasabi Niya na natikman na Niya ang matamis, maasim, mapait, at maanghang na mga lasa ng karanasan ng tao, at dumarating Siya sa hangin at sumasama sa ulan, na naranasan na Niya ang pag-uusig ng pamilya, at naranasan na Niya ang mga tagumpay at kabiguan ng buhay. Ito ang mga salitang sinambit mula sa iba’t ibang mga pananaw. Kapag nagsasalita Siya sa mga tao ng Diyos, para iyong isang kasambahay na pinagsasabihan ang mga alipin, o parang isang nakakatawang palabas; iniiwan ng Kanyang mga salita na namumula ang mukha ng mga tao, na walang mapagtaguan sa kanilang kahihiyan, na para bang naikulong sila ng mga pyudal na awtoridad ng isang nakalipas na rehimen upang mangumpisal sa ilalim ng matinding pagpapahirap. Kapag nangungusap Siya sa mga tao ng Diyos, walang pigil ang Diyos na katulad ng mga nagpoprotestang estudyante sa unibersidad na naglalantad ng mga iskandalo sa loob ng pamahalaang sentral. Kung nangungutya ang lahat ng salita ng Diyos, mas mahihirapan ang mga tao na tanggapin ang mga ito; sa gayon, prangkahan ang mga salitang sinasambit ng Diyos; hindi naglalaman ang mga ito ng mga kodigong lihim para sa tao, kundi tuwiran nitong itinuturo ang aktwal na kalagayan ng tao—nagpapakita ito na ang pagmamahal ng Diyos sa tao ay hindi lamang mga salita, kundi totoo. Bagama’t pinahahalagahan ng mga tao ang pagiging totoo, walang totoo tungkol sa pagmamahal nila sa Diyos. Ito ang kulang sa tao. Kung hindi totoo ang pagmamahal ng mga tao sa Diyos, magiging hungkag at hindi makatotohanan ang kabuuan ng lahat, na para bang maglalaho ang lahat dahil dito. Kung lumalampas sa mga sansinukob ang kanilang pagmamahal sa Diyos, magiging totoo rin ang kanilang katayuan at identidad, at hindi hungkag, at kahit ang mga salitang ito ay magiging totoo at hindi hungkag—nakikita mo ba ito? Nakikita mo ba ang mga kinakailangan ng Diyos para sa tao? Hindi lamang dapat tamasahin ng tao ang mga pakinabang ng katayuan, kundi isabuhay ang realidad ng katayuan. Ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ng Diyos at sa lahat ng tao, at hindi ito isang engrandeng hungkag na teorya.
Bakit sinasabi ng Diyos ang ganitong uri ng mga salita, “na para bang lahat ng Aking ginagawa ay isang pagtatangkang bigyan sila ng kasiyahan, na naging sanhi upang palagi silang mainis sa Aking mga gawa”? Nakapagsasalita ka ba tungkol sa totoong mga pagpapamalas ng pagkamuhi ng tao sa Diyos? Sa mga kuru-kuro ng mga tao, “marubdob ang pagmamahalan” ng tao at ng Diyos, at ngayon, nakarating na ang pananabik ng mga tao sa mga salita ng Diyos sa punto na sabik na sabik nilang hinahangad na lunukin ang Diyos sa isang lagok—subalit sinasabi ng Diyos ang sumusunod na uri ng mga salita: “Kinamumuhian Ako ng mga tao. Bakit nasuklian ng galit ng tao ang Aking pagmamahal?” Hindi ba ito isang naimbak na mineral sa kalooban ng mga tao? Hindi ba ito ang dapat hukayin? Ito ang depekto sa hangarin ng mga tao; isang malaking isyu ito na dapat lutasin, at ito ang leon na nakaharang sa daan ng kaalaman ng tao tungkol sa Diyos at na kailangang iwaksi para sa tao—hindi ba ito ang dapat gawin? Dahil, gaya ng baboy, walang alaala ang tao at laging nagnanasa ng mga kasiyahan, ibinibigay ng Diyos sa tao ang gamot para sa amnesya—mas nagsasalita Siya, mas maraming sinasabi, at sinusunggaban Niya ang mga tao sa kanilang mga tainga at pinapakinig silang mabuti, at pinapasakan Niya sila ng mga hearing aid. Para sa ilan sa Kanyang mga salita, hindi malulutas ang problema sa minsang pagsasalita lamang; kailangan masabi ang mga ito nang paulit-ulit, sapagkat “palaging malilimutin ang mga tao sa buhay nila, at magulo ang mga panahon ng buhay ng buong sangkatauhan.” Sa ganitong paraan, maaaring mailigtas ang mga tao mula sa kalagayan kung saan “nagbabasa sila kapag may oras sila, nakikinig kapag libre sila, at iniiwanan ang mga ito kapag wala silang oras; kung sinasambit ang mga salita ngayon, nakikinig sila, ngunit hindi nila inaalala ang mga ito, kung hindi sinasambit ang mga ito kinabukasan.” Pagdating sa likas na pagkatao ng mga tao, kung nagsalita ngayon ang Diyos tungkol sa kanilang tunay na kalagayan at nagkaroon sila ng lubos na kaalaman tungkol dito, mapupuno sila ng pagsisisi—ngunit pagkatapos, babalik sila sa dati nilang gawi, na itinatapon ang mga salita ng Diyos sa hangin at pinauulit-ulit ang tagpong nakalarawan sa itaas kapag napaalalahanan lamang. Sa gayon, kapag ikaw ay gumawa o nagsalita, huwag mong kalimutan ang diwang ito ng tao; isang pagkakamali ang isantabi ang diwang ito habang gumagawa. Sa paggawa ng lahat ng gawain, lalong mahalaga na lutasin ang mga kuru-kuro ng mga tao kapag ikaw ay nagsasalita. Dapat mong idagdag, lalo na, ang sarili mong mga kabatiran sa mga salita ng Diyos at ibahagi ang mga ito. Ito ang landas ng pagtustos sa mga tao at pagpapahintulot na makilala nila ang kanilang sarili. Sa pagtustos sa mga tao batay sa nilalaman ng mga salita ng Diyos, hindi-maiiwasang maging posible na maintindihan ang kanilang tunay na kalagayan. Sa mga salita ng Diyos, sapat nang maintindihan ang tunay na kalagayan ng tao at sa gayon ay matustusan sila—at dahil dito, wala na Akong sasabihin pa tungkol sa mga salita ng Diyos na nagtuturo na “tinanggap ng Diyos ang paanyayang umupo sa isang mesa ng piging sa lupa.”