Kabanata 3
Ngayon ay hindi na Kapanahunan ng Biyaya, ni kapanahunan ng awa, kundi Kapanahunan ng Kaharian kung saan ang mga tao ng Diyos ay inihahayag, ang kapanahunan kung saan tuwirang ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagka-Diyos. Sa gayon, sa kabanatang ito ng mga salita ng Diyos, inaakay ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa Kanyang mga salita tungo sa espirituwal na dako. Sa pambungad na talata, ginagawa Niya nang maaga ang mga paghahandang ito, at kung may kaalaman ang isang tao tungkol sa mga salita ng Diyos, susundan niya ang baging para makuha ang milon, at tuwirang maiintindihan kung ano ang nais makamtan ng Diyos sa Kanyang mga tao. Dati-rati, sinubok ang mga tao sa pamamagitan ng pag-aangkop ng titulong “mga tagasilbi,” at ngayon, matapos silang ipailalim sa pagsubok, ang kanilang pagsasanay ay pormal na nagsisimula. Dagdag pa rito, kailangan ay may mas malaking kaalaman ang mga tao tungkol sa gawain ng Diyos batay sa pundasyon ng mga salita ng nakaraan, at kailangang tumingin sa mga salita at sa persona, at sa Espiritu at sa persona, bilang isang buo na di-mapaghihiwalay—bilang isang bibig, isang puso, isang pagkilos, at isang pinagmumulan. Ang kinakailangang ito ang pinakamataas na kinakailangang nagawa ng Diyos sa tao simula sa paglikha. Mula rito makikita na nais ng Diyos na gugulin ang bahagi ng Kanyang mga pagsisikap sa Kanyang mga tao, na nais Niyang ipakita ang ilang tanda at himala sa kanila, at, ang mas mahalaga, na nais Niyang mapasunod ang lahat ng tao sa buong gawain at mga salita ng Diyos. Sa isang banda, pinaninindigan ng Diyos Mismo ang Kanyang patotoo, at sa kabilang banda, nakagawa Siya ng mga kinakailangan sa Kanyang mga tao, at tuwirang naglabas ng mga atas administratibo ng Diyos sa masa: Sa gayon, yamang kayo ay tinatawag na Aking mga tao, hindi na katulad ng dati ang mga bagay-bagay; dapat ninyong pakinggan at sundin ang mga pagbigkas ng Aking Espiritu, at matamang sundan ang Aking gawain; hindi ninyo maaaring paghiwalayin ang Aking Espiritu at Aking katawang-tao, sapagkat Kami ay likas na iisa, at likas na hindi magkabukod. Dito, upang hindi makaligtaan ng mga tao ang Diyos na nagkatawang-tao, minsan pang may pagbibigay-diin sa mga salitang “sapagkat Kami ay likas na iisa, at likas na hindi magkabukod”; dahil ang gayong pagkaligta ay kamalian ng tao, minsan pa itong inilista sa mga atas administratibo ng Diyos. Sumunod, ipinapaalam ng Diyos sa mga tao ang mga kahihinatnan ng pagsuway sa mga atas administratibo ng Diyos, nang walang itinatagong anuman, sa pagsasabing, “Sila ay daranas ng kawalan, at makakaya lamang uminom mula sa sarili nilang mapait na saro.” Dahil ang tao ay mahina, matapos marinig ang mga salitang ito hindi niya napigilang maging mas maingat sa Diyos sa kanyang puso, sapagkat ang “mapait na saro” ay sapat na upang magnilay-nilay sandali ang mga tao. Maraming interpretasyon ang mga tao rito sa “mapait na saro” na binabanggit ng Diyos: mahatulan ng mga salita o mapaalis mula sa kaharian, o mahiwalay sa loob ng ilang panahon, o magawang tiwali ni Satanas ang katawang-tao at masapian ng masasamang espiritu, o mapabayaan ng Espiritu ng Diyos, o mawakasan at maitapon sa Hades ang katawan ng isang tao. Ang mga interpretasyong ito ang maaaring makamtan ng pag-iisip ng mga tao, kaya nga sa kanilang imahinasyon, hindi kayang lampasan ng mga tao ang mga iyon. Ngunit ang mga iniisip ng Diyos ay hindi katulad ng mga iniisip ng tao; ibig sabihin, ang “mapait na saro” ay hindi tumutukoy sa alinman sa mga binanggit sa itaas, kundi sa lawak ng kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos matapos tanggapin ang pakikitungo ng Diyos. Para mas maliwanag, kapag sadyang pinaghiwalay ng isang tao ang Espiritu ng Diyos at Kanyang mga salita, o pinaghiwalay ang mga salita at ang persona, o ang Espiritu at ang katawang-taong Kanyang ibinihis sa Kanyang Sarili, hindi lamang walang kakayahan ang taong ito na makilala ang Diyos sa mga salita ng Diyos, kundi gayundin, kung medyo naghihinala sila sa Diyos, nabubulagan sila sa bawat pagkakataon. Hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao na tuwirang paghihiwalay sa kanila; sa halip, unti-unti silang bumabagsak sa pagkastigo ng Diyos—na ibig sabihin, nasasadlak sila sa matitinding kapahamakan, at walang sinumang magiging katugma nila, na para bang nasapian sila ng masasamang espiritu, at para silang langaw na walang ulo, na lumalaban sa mga bagay saan man sila pumunta. Sa kabila nito, hindi pa rin nila kayang umalis. Sa kanilang puso, mahirap ipaliwanag ang mga bagay-bagay, na parang may di-mailarawang pagdurusa sa kanilang puso—subalit hindi nila maibuka ang kanilang bibig, at ginugugol nila ang buong maghapon na nakatulala, at hindi madama ang Diyos. Sa ilalim ng sitwasyong ito nakabanta sa kanila ang mga atas administratibo ng Diyos, kaya hindi sila nangangahas na lisanin ang iglesia sa kabila ng kawalan ng kasiyahan—ito ang tinatawag na “panloob at panlabas na pag-atake,” na napakahirap tiisin ng mga tao. Ang nabanggit dito ay iba sa mga kuru-kuro ng mga tao—at iyan ay dahil, sa ilalim ng sitwasyong iyon, alam pa rin nilang hanapin ang Diyos, at nangyayari ito kapag tinatalikuran sila ng Diyos, at ang mas mahalaga ay na, gaya lamang ng isang walang pananampalataya, hindi talaga nila kayang madama ang Diyos. Hindi inililigtas nang tuwiran ng Diyos ang gayong mga tao; kapag naubos na ang laman ng kanilang mapait na saro, dumating na ang sandali ng kanilang huling araw. Ngunit sa sandaling ito, hinahangad pa rin nila ang kalooban ng Diyos, at inaasam na masiyahan pa nang kaunti—ngunit ang pagkakataong ito ay iba sa nakaraan, maliban kung may mga espesyal na sitwasyon.
Kasunod nito, ipinaliliwanag din ng Diyos ang mga positibong aspeto sa lahat, at sa gayon ay minsan pa silang nagtatamo ng buhay—sapagkat, sa mga panahong nagdaan, sinabi ng Diyos na ang mga tagasilbi ay walang buhay, ngunit ngayon ay biglang binabanggit ng Diyos ang “buhay sa loob.” Sa pagsasalita lamang tungkol sa buhay nalalaman ng mga tao na maaari pa ring magkaroon ng buhay ng Diyos sa loob nila. Sa ganitong paraan, nadaragdagan nang nadaragdagan ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at nagtatamo sila ng higit na kaalaman tungkol sa pagmamahal at awa ng Diyos. Sa gayon, matapos mamasdan ang mga salitang ito, lahat ng tao ay nagsisisi sa dati nilang mga pagkakamali, at lihim na nalalaglag ang kanilang mga luha ng pagtitika. Gayundin, karamihan ay tahimik na binubuo ang kanilang pasiya na kailangan nilang palugurin ang Diyos. Kung minsan, tumitimo ang mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, kaya nagiging mahirap para sa mga tao na tanggapin ang mga iyon, at mahirap para sa mga tao na mapayapa. Kung minsan, ang mga salita ng Diyos ay tapat at taimtim, at nagpapasigla sa puso ng mga tao, kaya nga nang mabasa ng mga tao ang mga iyon, parang muling nakita ng isang cordero ang ina nito pagkaraang mawala ito nang maraming taon. Napupuno ng mga luha ang kanilang mga mata, nadaraig sila ng damdamin, at sabik na sabik silang mayakap ng Diyos, humahagulgol, inilalabas ang di-maipaliwanag na sakit na nasa puso nila sa loob ng maraming taon, upang ipakita sa Diyos ang kanilang katapatan. Dahil sa ilang buwan ng pagsubok, medyo naging lubha silang sensitibo, na para bang katatapos lamang nilang atakihin ng nerbiyos, gaya ng isang lumpo na ilang taon nang nakaratay sa banig ng karamdaman. Para maging matibay ang kanilang paniniwala sa mga salita ng Diyos, binigyang-diin nang maraming beses ng Diyos ang sumusunod na mga salita: “Upang makapagpatuloy nang maayos at walang sagabal ang susunod na hakbang ng Aking gawain, gumagamit Ako ng pagpipino ng mga salita upang subukin ang lahat ng nasa Aking sambahayan.” Dito, sabi ng Diyos na “subukin ang lahat ng nasa Aking sambahayan”; sa masinsinang pagbasa, sinasabi nito sa atin na kapag kumikilos ang mga tao bilang mga tagasilbi, mga tao pa rin sila sa loob ng bahay ng Diyos. Bukod pa riyan, ang mga salitang ito ay nagbibigay-diin sa katapatan ng Diyos tungo sa titulong “mga tao ng Diyos,” na nagdadala ng kaunting ginhawa sa puso ng mga tao. Kaya nga bakit paulit-ulit na tinutukoy ng Diyos ang maraming pagpapakita sa mga tao nang mabasa na nila ang mga salita ng Diyos, o kung kailan ang titulong “mga tao ng Diyos” ay hindi pa nahahayag? Para ipakita lamang ba na ang Diyos ay ang Diyos na tumitingin sa kaibuturan ng puso ng tao? Bahagi lamang ito ng dahilan—at dito, hindi ito gaanong mahalaga. Ginagawa ito ng Diyos upang lubos na mapaniwala ang lahat ng tao, upang malaman ng bawat tao, mula sa mga salita ng Diyos, ang sarili nilang mga kakulangan at malaman ang sarili nilang dating mga pagkukulang patungkol sa buhay, at, ang mas mahalaga, upang ilatag ang pundasyon para sa susunod na hakbang ng gawain. Mapagsisikapan lamang ng mga tao na makilala ang Diyos at sikaping tularan ang Diyos batay sa pundasyon ng pagkilala sa kanilang sarili. Dahil sa mga salitang ito, nagbabago ang mga tao mula sa pagiging negatibo at walang-kibo at nagiging positibo at aktibo, at dahil dito ay nagkakaugat ang ikalawang bahagi ng gawain ng Diyos. Masasabi na, sa hakbang na ito ng gawain bilang pundasyon, ang ikalawang bahagi ng gawain ng Diyos ay nagiging simple, na nangangailangan ng kahit kaunting pagsisikap lamang. Sa gayon, kapag inaalis ng mga tao ang kalungkutan sa kanilang puso at naging positibo at aktibo, sinasamantala ng Diyos ang pagkakataong ito upang gumawa ng iba pang mga kinakailangan sa Kanyang mga tao: “Ang Aking mga salita ay inilalabas at ipinapahayag anumang oras o saanman, kaya nga, dapat din ninyong makilala ang inyong sarili sa Aking harapan sa lahat ng oras. Sapagkat ang ngayon naman ay hindi katulad noong nauna, at hindi mo na maisasakatuparan ang anumang nais mo. Sa halip, sa patnubay ng Aking mga salita, kailangan mong kayaning supilin ang iyong katawan; kailangan mong gamitin ang Aking mga salita bilang iyong tagapagtaguyod, at hindi ka maaaring kumilos nang padalus-dalos.” Dito, binibigyang-diin ng Diyos una sa lahat ang “Aking mga salita”; noong araw, tinukoy rin Niya ang “Aking mga salita” nang maraming beses, at sa gayon, hindi mapigilan ng bawat tao na pansinin ito nang kaunti. Sa gayon ay ipinahiwatig ang sentro ng susunod na hakbang ng gawain ng Diyos: Ibabaling ng lahat ng tao ang kanilang pansin sa mga salita ng Diyos, at hindi nila maaaring mahalin ang anupamang iba. Lahat ay kailangang pahalagahan ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos, at hindi nila maaaring balewalain ang mga iyon; sa gayon ay wawakasan ang naunang sitwasyon sa iglesia, kung kailan babasahin ng isang tao ang mga salita ng Diyos at marami ang magsasabi ng amen at magiging masunurin. Sa panahong iyon, hindi alam ng mga tao ang mga salita ng Diyos, ngunit ginamit ang mga iyon bilang isang sandata para ipagtanggol ang kanilang sarili. Para mabaligtad ito, gumagawa ang Diyos sa lupa ng bago at mas matataas na mga kahilingan sa tao. Para mapatigil ang mga tao sa pagiging negatibo at walang-kibo matapos makita ang matataas na mga pamantayan at mahihigpit na kinakailangan ng Diyos, hinihikayat ng Diyos ang mga tao nang maraming beses sa pagsasabing: “Dahil nakarating na ang mga bagay-bagay sa isang sitwasyong tulad ngayon, hindi ninyo kailangang masyadong malungkot at magsisi tungkol sa inyong nakaraang mga gawa at kilos. Ang Aking kadakilaan ay walang hangganan tulad ng mga dagat at himpapawid—paanong hindi magiging pamilyar sa Akin ang mga kakayahan at kaalaman ng tao sa Akin na tulad ng likod ng sarili Kong kamay?” Ang masigasig at taos-pusong mga salitang ito ay biglang binubuksan ang isipan ng mga tao, at agad nitong pinapalitan ang kanilang kawalang pag-asa ng pagmamahal sa Diyos, ng pagiging positibo at aktibo, sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan ng paghawak sa kahinaang nasa puso ng mga tao. Hindi namamalayan, palaging nahihiya ang mga tao sa harap ng Diyos dahil sa dati nilang mga kilos, at paulit-ulit silang nagpapahayag ng pagsisisi. Sa gayon, inihahayag ng Diyos ang mga salitang ito sa lalong natural at normal na paraan, kaya hindi nadarama ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ay matigas at walang-buhay, kundi kapwa mahigpit at malambot, at malinaw at parang buhay.
Mula sa paglikha hanggang ngayon, tahimik na naiplano ng Diyos ang lahat para sa tao mula sa espirituwal na mundo, at hindi inilarawan kailanman ang katotohanan ng espirituwal na mundo sa tao. Subalit, ngayon, biglang nagbigay ang Diyos ng isang buod ng labanang nagaganap doon, na likas na iniiwan ang mga tao na nagkakamot ng kanilang ulo, tumitindi ang kanilang pakiramdam na ang Diyos ay malalim at di-maarok, at mas pinahihirap pa para sa kanila na matagpuan ang pinagmumulan ng mga salita ng Diyos. Masasabi na ang katayuan ng labanan sa espirituwal na mundo ay naghahatid sa lahat ng tao tungo sa espiritu. Ito ang unang mahalagang bahagi ng gawain sa hinaharap, at siyang tanda na nagbibigay-kakayahan sa mga tao na makapasok sa espirituwal na dako. Mula rito, makikita na ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos higit sa lahat ay nakatutok sa espiritu, na ang pangunahing layunin ay bigyan ang lahat ng tao ng higit na kaalaman tungkol sa mahimalang mga gawa ng Espiritu ng Diyos sa loob ng katawang-tao, sa gayon ay binibigyan ang lahat ng matapat sa Diyos ng higit na kaalaman tungkol sa kahangalan at likas na katangian ni Satanas. Bagama’t hindi sila isinilang sa espirituwal na dako, pakiramdam nila ay parang namasdan na nila si Satanas, at kapag ganito ang pakiramdam nila, agad na binabago ng Diyos ang paraan ng Kanyang pagsasalita—at kapag natamo na ng mga tao ang paraang ito ng pag-iisip, itinatanong ng Diyos: “Bakit Ko kayo sinasanay nang may ganitong pagmamadali? Bakit Ko sinasabi sa inyo ang mga katunayan ng espirituwal na mundo? Bakit Ko kayo paulit-ulit na pinaaalalahanan at pinapayuhan?” At kung anu-ano pa—isang buong serye ng mga tanong na pumupukaw ng maraming tanong sa utak ng mga tao: Bakit ganito ang tono ng pagsasalita ng Diyos? Bakit Siya nagsasalita tungkol sa mga bagay ng espirituwal na mundo, at hindi tungkol sa Kanyang mga hinihiling sa mga tao sa panahon ng pagtatayo ng iglesia? Bakit hindi pinatatamaan ng Diyos ang mga kuru-kuro ng mga tao sa pamamagitan ng paghahayag ng mga hiwaga? Sa pagiging mas maalalahanin pa nang kaunti, nagtatamo ng kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa mga hakbang ng gawain ng Diyos, at sa gayon, kapag nakatagpo sila ng mga tukso sa hinaharap, nagkakaroon sila ng tunay na pagkamuhi kay Satanas. At kahit kapag nakatagpo sila ng mga pagsubok sa hinaharap, nagagawa pa rin nilang makilala ang Diyos at kamuhian si Satanas nang mas matindi, at sa gayon ay sumpain si Satanas.
Sa huli, ang kalooban ng Diyos ay inihahayag nang lubusan sa tao: “tinutulutan ang bawat isa sa Aking mga salita na mag-ugat, mamukadkad at mamunga sa iyong espiritu, at ang mas mahalaga, higit pang mamunga. Iyan ay dahil ang Aking hinihingi ay hindi matitingkad at mayayabong na bulaklak, kundi saganang bunga, bungang hindi nawawala ang pagkahinog.” Sa paulit-ulit na mga paghiling ng Diyos sa Kanyang mga tao, ito ang pinakamalawak sa lahat, ito ang sentro, at inilalahad sa isang deretsahang paraan. Nakalipat na Ako mula sa paggawa sa normal na pagkatao tungo sa paggawa sa lubos na pagka-Diyos; sa gayon, noong araw, sa Aking mga salitang malinaw na sinambit, hindi Ko kinailangang magdagdag ng anupamang ibang mga paliwanag, at naunawaan ng karamihan sa mga tao ang kahulugan ng Aking mga salita. Ang resulta, noon pa, ay na ang kinailangan lamang ay malaman ng mga tao ang Aking mga salita at makaya nilang magsalita tungkol sa realidad. Ang hakbang na ito, gayunman, ay ibang-iba. Ang Aking pagka-Diyos ay lubos nang pumalit, at hindi nag-iwan ng puwang para gumanap ng bahagi ang pagkatao. Sa gayon, kung nais maunawaan ng Aking mga tao ang tunay na kahulugan ng Aking mga salita, sukdulan ang paghihirap nila. Sa pamamagitan lamang ng Aking mga pagbigkas sila magtatamo ng kaliwanagan at pagpapalinaw, at kung hindi sa pamamagitan ng daang ito, anumang mga kaisipan ng pag-intindi sa layunin ng Aking mga salita ay walang-kabuluhan lamang na mga pangarap-nang-gising. Kapag may higit na kaalaman ang lahat ng tao tungkol sa Akin matapos tanggapin ang Aking mga pagbigkas, ito ang panahon kung kailan isasabuhay Ako ng Aking mga tao, ito ang panahon kung kailan tapos na ang Aking gawain sa katawang-tao, at ang panahon kung kailan ang Aking pagka-Diyos ay lubos na isinasabuhay sa katawang-tao. Sa sandaling ito, makikilala Ako ng lahat ng tao sa katawang-tao, at tunay na masasabi na ang Diyos ay nagpapakita sa katawang-tao, at ito ang magiging bunga. Dagdag na patunay ito na ang Diyos ay nagsawa na sa pagtatayo ng iglesia—ibig sabihin, “bagama’t ang mga bulaklak sa isang greenhouse ay di-mabilang na tulad ng mga bituin, at inaakit ang lahat ng taong humahanga, kapag nalanta na ang mga iyon, nasisira ang mga iyon tulad ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas, at walang sinumang nagpapakita ng anumang interes sa kanila.” Bagama’t personal ding gumawa ang Diyos sa panahon ng pagtatayo ng iglesia, dahil Siya ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma, wala Siyang pangungulila para sa mga bagay ng nakaraan. Para mapigilan ang mga tao sa paggunita sa nakaraan, ginamit Niya ang mga salitang “nasisira ang mga iyon tulad ng mapanlinlang na mga pakana ni Satanas,” na nagpapakita na hindi sumusunod ang Diyos sa doktrina. May ilang tao na maaaring magkamali ng pakahulugan sa kalooban ng Diyos, at magtatanong: Yamang ito ay gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, bakit Niya sinabi na “kapag nalanta na ang mga bulaklak, walang sinumang nagpapakita ng anumang interes sa kanila”? Ang mga salitang ito ay nagbibigay ng isang paghahayag sa tao. Ang pinakamahalaga ay tinutulutan ng mga ito ang lahat ng tao na magkaroon ng isang bago, at tamang, panimula; saka lamang nila mabibigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos. Sa huli, magagawa ng mga tao ng Diyos na purihin ang Diyos nang tunay, hindi sapilitan, at na nagmumula sa kanilang puso. Ito ang nasa puso ng 6,000-taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ibig sabihin, ito ang pagkabuo ng 6,000-taong planong ito ng pamamahala: ipabatid sa lahat ng tao ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos—praktikal na ipabatid sa kanila na ang Diyos ay naging tao, ibig sabihin, ang mga gawa ng Diyos sa katawang-tao—kaya nga ikinakaila nila ang malabong Diyos, at nakikilala ang Diyos ng ngayon at kahapon din, at, bukod pa riyan, ng kinabukasan, na tunay at aktwal na umiiral mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Saka lamang papasok ang Diyos sa kapahingahan!