Kabanata 4
Para mapatigil ang lahat ng tao sa paglingon at pagkatangay matapos magbago mula sa pagiging negatibo tungo sa pagiging positibo, sa huling kabanata ng pagbigkas ng Diyos, sa sandaling masabi ng Diyos ang Kanyang pinakamatataas na kinakailangan sa Kanyang mga tao—sa sandaling masabi ng Diyos sa mga tao ang Kanyang kalooban sa yugtong ito ng Kanyang plano ng pamamahala—binibigyan Niya sila ng pagkakataong pagnilayan ang Kanyang mga salita, upang tulungan silang magdesisyon na palugurin ang kalooban ng Diyos sa huli. Kapag positibo ang mga kundisyon ng mga tao, nagsisimula kaagad ang Diyos na tanungin sila tungkol sa kabilang panig ng isyu. Nagtatanong Siya ng sunud-sunod na mga tanong na mahirap maunawaan ng mga tao: “Nabahiran ba ng dumi ang inyong pagmamahal sa Akin? Dalisay ba at taos-puso ang inyong katapatan sa Akin? Totoo ba ang inyong kaalaman tungkol sa Akin? Gaano kalaki ang puwang Ko sa inyong puso?” At iba pa. Sa unang kalahati ng talatang ito, maliban sa dalawang pagsaway, lahat ng natitira ay binubuo ng mga katanungan. Ang isang partikular na tanong—“Tumagos ba sa puso ninyo ang Aking mga pagbigkas?”—ay akmang-akma. Talagang tumatagos ito sa pinakalihim na mga bagay sa kaibuturan ng puso ng mga tao, kaya hindi namamalayang itinatanong nila sa kanilang sarili: “Talaga bang tapat ang pagmamahal ko sa Diyos?” Sa kanilang puso, hindi namamalayang ginugunita ng mga tao ang kanilang nakaraang mga karanasan sa paglilingkod: Nilamon sila ng pagpapatawad sa kanilang sarili, pagmamagaling, pagpapahalaga sa sarili, kasiyahan sa sarili, pagiging kampante, at kahambugan. Para silang isang malaking isdang nahuli sa isang lambat—matapos mahulog sa lambat, hindi naging madali sa kanila na palayain ang kanilang sarili. Bukod pa riyan, kadalasan ay hindi sila mapigilan, madalas nilang linlangin ang normal na pagkatao ng Diyos, at inuna ang kanilang sarili sa lahat ng kanilang ginawa. Bago natawag na “mga tagapagsilbi,” para silang bagong-silang na tigre, puno ng lakas. Bagama’t medyo nakatuon ang kanilang pansin sa buhay, paminsan-minsan ay sumasabay lamang sila sa agos; gaya ng mga alipin, paimbabaw ang pakikitungo nila sa Diyos. Noong malantad sila bilang mga tagapagsilbi, negatibo sila, napag-iwanan, puno ng kalungkutan, nagreklamo sila tungkol sa Diyos, yuko ang ulo nila sa kapanglawan, at iba pa. Bawat hakbang ng sarili nilang kamangha-mangha at makabagbag-damdaming mga kuwento ay nananatili sa kanilang isipan. Nahihirapan pa silang matulog, at ginugugol nila ang maghapon sa pagkatuliro. Tila inalis na sila ng Diyos sa ikalawang pagkakataon, nahulog sa Hades, at wala nang kakayahang tumakas. Bagama’t walang ibang ginawa ang Diyos kundi magtanong ng ilang mahihirap na bagay sa unang talata, basahing mabuti, ipinapakita ng mga iyon na ang layunin ng Diyos ay higit pa sa basta itanong lamang ang mga bagay na ito para lamang makapagtanong; nasa loob ng mga iyon ang mas malalim na antas ng kahulugan, na kailangang ipaliwanag nang mas detalyado.
Bakit minsang sinabi ng Diyos na tutal naman, ang ngayon ay ngayon, at yamang nakalipas na ang kahapon, hindi na ito kailangang gunitain pa, subalit sa unang pangungusap dito, tinatanong Niya ang mga tao, at ipinagugunita sa kanila ang nakaraan? Isipin ninyo: Bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na huwag nang gunitain pa ang nakaraan, ngunit ipinagugunita rin sa kanila ang nakaraan? May mali kaya sa mga salita ng Diyos? Mali kaya ang pinagmulan ng mga salitang ito? Natural, hindi magtatanong ang mga hindi pumapansin sa mga salita ng Diyos nang gayon kalalim na mga tanong. Ngunit sa sandaling ito, hindi na kailangang banggitin ito. Una, hayaan ninyong ipaliwanag Ko ang unang tanong sa itaas—ang “bakit.” Siyempre pa, batid ng lahat na sinabi na ng Diyos na hindi Siya sumasambit ng hungkag na mga salita. Kung ang mga salita ay binibigkas mula sa bibig ng Diyos, may layon at kabuluhan ang mga iyon—binabanggit nito ang buod ng tanong. Ang pinakamalaking kabiguan ng mga tao ay ang kanilang kawalan ng kakayahang baguhin ang kanilang masasamang gawi at ang pagiging mailap ng dati nilang likas na pagkatao. Para tulutan ang lahat ng tao na makilala ang kanilang sarili nang mas lubusan at makatotohanan, inaakay muna sila ng Diyos sa pag-iisip sa nakaraan, nang sa gayon ay maaari nilang mapag-isipan nang mas malalim ang kanilang sarili, at sa gayon ay malaman nila na wala ni isa sa mga salita ng Diyos ang hungkag, at na lahat ng salita ng Diyos ay natutupad sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang antas. Noong araw, ang paraan ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao ay nagbigay sa kanila ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos at ginawang mas taos-puso ang kanilang katapatan sa Diyos. Ang salitang “Diyos” ay sumasakop sa 0.1 porsiyento lamang ng mga tao at ng kanilang puso. Ang magkamit ng ganito kalaki ay nagpapakita na nakapagsagawa na ang Diyos ng napakaraming pagliligtas. Makatwirang sabihin na ang pagsasakatuparan ng Diyos ng ganito kalaki sa grupong ito ng mga tao—isang grupong pinagsamantalahan ng malaking pulang dragon at inangkin ni Satanas—ay na hindi sila nangangahas na gawin kung ano lamang ang kanilang maibigan. Iyan ay dahil imposibleng masakop ng Diyos ang isandaang porsiyento ng puso ng mga nakubabawan na ni Satanas. Para maragdagan ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos sa susunod na hakbang, ikinukumpara ng Diyos ang kalagayan ng mga tagapagsilbi dati sa mga tao ng Diyos sa ngayon, sa gayon ay lumilikha ng malinaw na pagkakaiba na lalong nagpaparamdam ng pagkapahiya sa mga tao. Tulad ng sabi ng Diyos, “wala kayong mapagtataguan ng inyong kahihiyan.”
Kaya, bakit Ko sinabi na ang Diyos ay hindi lamang nagtatanong ng mga bagay-bagay para lamang itanong ang mga iyon? Ang pagbabasang mabuti mula simula hanggang wakas ay nagpapakita na, bagama’t hindi lubos na naipaliwanag ang mga bagay na itinanong ng Diyos, lahat ng iyon ay tumutukoy sa hangganan ng katapatan ng mga tao sa Diyos at sa kaalaman tungkol sa Diyos; tumutukoy ang mga iyon, sa madaling salita, sa tunay na mga kalagayan ng mga tao, na kaawa-awa, at mahirap para sa kanila na pag-usapan ang mga iyon. Mula rito ay makikita na ang tayog ng mga tao ay napakaliit, na ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ay napakababaw, at ang kanilang katapatan sa Kanya ay masyadong may bahid-dungis at marumi. Tulad ng sabi ng Diyos, halos lahat ng tao ay sinasamantala ang sitwasyon at naroon lamang para magparami sa bilang. Kapag sinasabi ng Diyos na, “Naniniwala ba talaga kayo na hindi kayo karapat-dapat na maging Aking mga tao?” ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito ay na sa lahat ng tao, walang akmang maging mga tao ng Diyos. Ngunit upang magkamit ng mas matinding epekto, ginagamit ng Diyos ang pamamaraan ng pagtatanong. Ang pamamaraang ito ay mas epektibo kaysa sa mga salita noong araw, na walang-habas na umatake, tumadtad, at pumatay sa mga tao, hanggang sa tumagos ang mga ito sa kanilang puso. Ipalagay nang may tuwirang sinabi ang Diyos na malabo at walang kabuluhan gaya ng “Hindi kayo matapat sa Akin, at may bahid-dungis ang inyong katapatan, wala Akong tiyak na puwang sa inyong puso…. Hindi Ako mag-iiwan ng lugar na mapagtataguan ninyo mula sa inyong sarili, sapagkat walang sinuman sa inyo ang sapat para maging Aking mga tao.” Maaaring paghambingin ninyo ang dalawa, at bagama’t pareho ang nilalaman ng mga ito, iba ang tono ng bawat isa. Mas epektibong gumamit ng mga tanong. Sa gayon, ginagamit ng matalinong Diyos ang unang tono, na nagpapakita ng pagkamalikhain sa Kanyang pagsasalita. Hindi ito kayang gawin ng tao, kaya nga hindi nakapagtatakang sinabi ng Diyos, “Ang mga tao ay mga kagamitan lamang na Aking ginagamit. Ang tanging pagkakaiba sa pagitan nila ay na ang ilan ay aba, at ang ilan ay natatangi.”
Habang patuloy na nagbabasa ang mga tao, marami at mabilis na dumarating ang mga salita ng Diyos, na halos wala silang pagkakataong makahinga, sapagkat hindi kinukunsinti ng Diyos ang tao. Kapag lubos na nagsisisi ang mga tao, minsan pa silang binabalaan ng Diyos: “Kung kayo ay ganap na walang kamalayan sa mga katanungan sa itaas, nagpapakita ito na sinasamantala mo ang sitwasyon, na nariyan ka lamang para magparami sa bilang, at sa panahong Aking paunang itinalaga, tiyak na palalayasin ka at itutulak sa walang hanggang hukay sa ikalawang pagkakataon. Ito ang Aking mga salita ng babala, at ang sinumang nagbabalewala sa mga ito ay tatamaan ng Aking paghatol, at, sa takdang panahon, ay daranas ng kalamidad.” Nang mabasa ang gayong mga salita, hindi mapigilan ng mga tao na isipin noong ihagis sila sa walang hanggang hukay: May banta ng matinding kapahamakan, na pinamahalaan ng mga atas administratibo ng Diyos, naghihintay sa kanila ang kanilang sariling katapusan, sa loob ng mahabang panahon ay nababalisa, nalulungkot, hindi mapakali, hindi mabanggit kaninuman ang kapanglawang nasa puso nila—kumpara dito, pakiramdam nila ay mas mabuti pang maalis ang kanilang laman…. Nang maisip na nila ito, hindi nila napigilang mabalisa. Iniisip ang lagay nila noong araw, ang lagay nila ngayon, at ang magiging lagay nila sa hinaharap, tumitindi ang kalungkutan sa kanilang puso, hindi nila namamalayan na nagsisimula silang manginig, at sa gayon ay lalo silang natatakot sa mga atas administratibo ng Diyos. Nang matanto nila na ang katagang “mga tao ng Diyos” ay maaari ding maging isang kaparaanan lang ng pagsasalita, ang tuwa sa kanilang puso ay agad na nauwi sa pagkabalisa. Ginagamit ng Diyos ang kanilang nakamamatay na kahinaan para hagupitin sila, at sa puntong ito, sinisimulan Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain, kaya palaging lumalakas ang loob ng mga tao, at tumitindi ang kanilang pakiramdam na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang Diyos ay hindi kayang abutin, na ang Diyos ay banal at dalisay, at na hindi sila karapat-dapat na maging mga tao ng Diyos. Dahil dito, dinodoble nila ang kanilang mga pagsisikap na paghusayin ang kanilang sarili, na hindi nangangahas na mapag-iwanan.
Sumunod, para turuan ng aral ang mga tao, at makilala nila ang kanilang sarili, matakot sila sa Diyos, at mangamba sa Diyos, sinisimulan ng Diyos ang Kanyang bagong plano: “Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, marami nang taong sumuway sa Aking mga salita at sa gayon ay inalis at pinalayas na mula sa daloy ng Aking pagbawi; sa huli, namamatay ang kanilang katawan at itinatapon ang kanilang espiritu sa Hades, at kahit ngayon ay isinasailalim pa rin sila sa mabigat na kaparusahan. Maraming tao na ang sumunod sa Aking mga salita, ngunit sumalungat na sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw … at ang ilan….” Ang mga ito ay tunay na mga halimbawa. Sa mga salitang ito, hindi lamang nagbibigay ang Diyos ng tunay na babala sa lahat ng tao ng Diyos upang ipaalam sa kanila ang mga gawa ng Diyos sa lahat ng kapanahunan, kundi nagbibigay rin ng pahapyaw na paglalarawan ng bahagi ng nangyayari sa espirituwal na mundo. Tinutulutan nito na malaman ng mga tao na walang buting idudulot ang pagsuway nila sa Diyos. Magiging walang-hanggang tatak sila ng kahihiyan, at magiging sagisag sila ni Satanas, at kamukha ni Satanas. Sa puso ng Diyos, ang aspetong ito ng kahulugan ay pumapangalawa lamang sa kahalagahan, sapagkat ang mga salitang ito ay nagpanginig na sa mga tao at iniwan silang hindi alam ang gagawin. Ang positibong panig nito ay na, habang nanginginig sa takot ang mga tao, nagkakaroon din sila ng ilang detalye ng espirituwal na mundo—ngunit kaunti lamang, kaya kailangan Kong magpaliwanag nang kaunti. Mula sa pasukan ng espirituwal na mundo ay makikita na mayroong lahat ng klase ng espiritu. Gayunman, ang ilan ay nasa Hades, ang ilan ay nasa impiyerno, ang ilan ay nasa lawa ng apoy, at ang ilan ay nasa walang hanggang hukay. Mayroon pa Akong idaragdag dito. Sa mababaw na pananalita, maaaring hatiin ang mga espiritung ito ayon sa lugar; gayunman, sa partikular na pananalita, ang ilan ay tuwirang pinakikitunguhan ng pagkastigo ng Diyos, at ang ilan ay nasa pagkaalipin kay Satanas, na kinakasangkapan ng Diyos. Mas partikular pa, nag-iiba ang pagkastigo sa kanila ayon sa tindi ng kanilang sitwasyon. Sa puntong ito, magpapaliwanag pa Ako nang kaunti. Yaong mga tuwirang kinakastigo ng kamay ng Diyos ay walang espiritu sa lupa, na ibig sabihin ay wala silang pagkakataong isilang na muli. Ang mga espiritu sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas—ang mga kaaway na binabanggit ng Diyos kapag sinasabi Niyang “naging Aking mga kaaway”—ay konektado sa mga makalupang usapin. Ang sari-saring masasamang espiritu sa lupa ay pawang mga kaaway ng Diyos, mga lingkod ni Satanas, at umiiral sila para magsilbi, para magsilbi upang maging mga hambingan sila para sa mga gawa ng Diyos. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Hindi lamang nabihag ni Satanas ang mga taong ito, kundi naging mga walang-hanggang makasalanan at naging Aking mga kaaway, at tuwiran nila Akong kinakalaban.” Sumunod, sinasabi ng Diyos sa mga tao kung anong klaseng katapusan ang mayroon para sa ganitong klase ng espiritu: “Sila ang mga pakay ng Aking paghatol sa kasukdulan ng Aking poot.” Nililinaw din ng Diyos ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan: “Ngayon ay bulag pa rin sila, nasa loob pa rin ng madidilim na piitan.”
Para ipakita sa mga tao ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos, gumagamit ang Diyos ng tunay na halimbawa bilang katibayan (ang sitwasyon ni Pablo na Kanyang binabanggit) kaya nag-iiwan ng mas malalim na impresyon ang Kanyang babala sa mga tao. Para pigilan ang mga tao na ituring na isang kuwento ang sinasabi tungkol kay Pablo, at hadlangan sila sa pag-iisip na mga manonood lamang sila—at, bukod pa riyan, para pigilan silang ipagyabang ang mga bagay na nangyari libu-libong taon na ang nakararaan na nalaman nila mula sa Diyos—hindi nakatutok ang pansin ng Diyos sa mga karanasan ni Pablo sa buong buhay nito. Sa halip, nakatuon ang Diyos sa mga kinahinatnan para kay Pablo at anong klase ang kanyang naging katapusan, ang dahilan kaya kinalaban ni Pablo ang Diyos, at kung paano nagwakas si Pablo sa paraang nangyari sa kanya. Nakatuon ang Diyos sa pagbibigay-diin kung paano Niya tinanggihan sa huli ang mga inaasam-asam ni Pablo, at tuwirang inilantad ang kalagayan ni Pablo sa espirituwal na dako: “Tuwirang kinastigo ng Diyos si Pablo.” Dahil manhid ang mga tao at walang kakayahang maintindihan ang anuman sa mga salita ng Diyos, nagdaragdag ng isang paliwanag ang Diyos (ang sumunod na bahagi ng pagbigkas), at nagsisimulang magsalita tungkol sa isyung nauugnay sa ibang aspeto: “Sinumang kumakalaban sa Akin (sa pagkalaban hindi lamang sa Aking sariling katawang-tao kundi ang mas mahalaga, sa Aking mga salita at Aking Espiritu—na ibig sabihin, sa Aking pagka-Diyos), ay tumatanggap ng Aking paghatol sa kanilang laman.” Sa mababaw na pananalita, bagama’t tila walang kaugnayan ang mga salitang ito sa mga nabanggit sa itaas at walang lumilitaw na anumang pagkakaugnay sa pagitan ng dalawa, huwag mataranta: May sariling mga layon ang Diyos; ang mga simpleng salitang “ang halimbawa sa itaas ay nagpapatunay na” ay likas na pinagsasama ang dalawang tila hindi magkaugnay na mga isyu—ito ang katalinuhan ng mga salita ng Diyos. Sa gayon, naliliwanagan ang mga tao sa pamamagitan ng salaysay tungkol kay Pablo, kaya nga, dahil sa koneksyon sa pagitan ng naunang teksto at ng sumunod na teskto, sa pamamagitan ng aral na naibigay ni Pablo, nagsisikap sila na lalo pang makilala ang Diyos, na siyang epekto mismong nais makamtan ng Diyos sa pagsambit sa mga salitang iyon. Sumunod, nagsasalita ang Diyos ng ilang salitang nagbibigay ng tulong at kaliwanagan para sa buhay pagpasok ng mga tao. Hindi Ko na kailangang banggitin ito; madarama mo na madaling maunawaan ang mga bagay na ito. Ang kailangan Kong ipaliwanag, gayunman, ay kapag sinasabi ng Diyos na, “Nang gumawa Ako sa normal na pagkatao, karamihan sa mga tao ay sinukat na ang kanilang sarili laban sa Aking poot at pagiging maharlika, at mayroon nang kaunting kaalaman tungkol sa Aking karunungan at disposisyon. Ngayon, tuwiran Akong nagsasalita at kumikilos sa pagka-Diyos, at mayroon pa ring ilang tao na makikita ang Aking poot at paghatol sa sarili nilang mga mata; bukod pa riyan, ang pangunahing gawain ng ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol ay ang tuwirang ipaalam sa lahat ng Aking tao ang Aking mga gawa sa katawang-tao, at tuwirang ipakita sa inyong lahat ang Aking disposisyon.” Tinatapos ng ilang salitang ito ang gawain ng Diyos sa normal na pagkatao at opisyal na sinisimulan ang ikalawang bahagi ng gawain ng Diyos sa panahon ng paghatol, na isinasagawa sa pagka-Diyos, at hinuhulaan ang katapusan ng isang grupo ng mga tao. Sa puntong ito, nararapat ipaliwanag na hindi sinabi ng Diyos sa mga tao na ito ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol nang sila ay maging mga tao ng Diyos. Sa halip, ipinaliliwanag lamang Niya na ito ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol matapos sabihin sa mga tao ang kalooban ng Diyos at ang mga layuning nais makamit ng Diyos sa panahong ito, at ang huling hakbang ng Diyos sa gawain sa lupa. Hindi na kailangang sabihin na mayroon ding karunungan ng Diyos dito. Kapag kababangon pa lamang ng mga tao mula sa kanilang pagkaratay sa karamdaman, ang tanging bagay na pinahahalagahan nila ay kung mamamatay ba sila o hindi, o kung maaari bang mawala sa kanilang katawan ang kanilang karamdaman o hindi. Hindi nila pinapansin kung tataba ba sila, o kung magbibihis sila ng tamang damit. Sa gayon, kapag lubusang naniniwala ang mga tao na isa sila sa mga tao ng Diyos, saka lamang sinasabi ng Diyos ang Kanyang mga kinakailangan, sa paisa-isang hakbang, at sinasabi sa mga tao kung anong panahon na ngayon. Iyan ay dahil may lakas lamang na tumutok ang mga tao sa mga hakbang ng pamamahala ng Diyos ilang araw matapos na sila ay gumaling, kaya nga ito ang pinakaakmang sandali para sabihin sa kanila. Matapos makaunawa ang mga tao, saka lamang sila nagsisimulang manuri: Yamang ito ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol, naging mas mahigpit ang mga kinakailangan ng Diyos, at naging isa na ako sa mga tao ng Diyos. Tamang manuri nang gayon, at ito ang paraan ng pagsuring kayang gawin ng tao; kaya ginagamit ng Diyos ang pamamaraang ito ng pagsasalita.
Kapag nakakaunawa na nang kaunti ang mga tao, minsan pang pumapasok ang Diyos sa espirituwal na dako upang magsalita, kaya nga minsan pa silang matatambangan. Sa magkakasunod na tanong na ito, lahat ay nagkakamot ng kanilang ulo, nalilito, hindi alam kung saan nakabatay ang kalooban ng Diyos, hindi alam kung alin sa mga katanungan ng Diyos ang sasagutin, at, bukod pa riyan, hindi alam kung anong wika ang gagamitin para sumagot sa mga katanungan ng Diyos. Nag-iisip ang tao kung tatawa ba o iiyak. Sa mga tao, tila ang mga salitang ito ay parang maaaring maglaman ng napakalalalim na hiwaga—ngunit kabaligtaran mismo ang totoo. Makabubuting magdagdag Ako ng kaunting paliwanag para sa iyo rito—pagpapahingahin nito ang utak mo, at madarama mo na ito ay isang simpleng bagay at hindi na kailangang pag-isipan ito. Sa katunayan, bagama’t maraming salita, naglalaman lamang ang mga iyon ng isang layunin ng Diyos: makamit ang katapatan ng mga tao sa pamamagitan ng mga katanungang ito. Ngunit hindi na kailangang sabihin pa ito nang tuwiran, kaya minsan pang gumagamit ang Diyos ng mga katanungan. Gayunman, ang tonong Kanyang ginagamit sa pagsasalita ay lalong banayad, hindi talaga katulad noong simula. Bagama’t tinatanong sila ng Diyos, ang klaseng ito ng pagkakaiba ay naghahatid ng kaunting ginhawa sa mga tao. Makabubuti pang basahin mo ang bawat tanong nang isa-isa; hindi ba madalas tukuyin ang mga bagay na ito noong araw? Sa ilang simpleng katanungang ito, sagana ang nilalaman. Ang ilan ay isang paglalarawan ng mentalidad ng mga tao: “Handa ba kayong tamasahin ang buhay sa lupa na katulad ng nasa langit?” Ang ilan ay “panunumpa ng mandirigma” ng mga tao na ginagawa nila sa harap ng Diyos: “Kaya ba talaga ninyong tulutan ang inyong sarili na patayin Ko, at akayin Ko, gaya ng isang tupa?” At ang ilan sa mga iyon ay ang mga kinakailangan ng Diyos sa tao: “Kung hindi Ako nagsalita nang tuwiran, tatalikuran mo kaya ang lahat ng bagay sa iyong paligid at tutulutan ang iyong sarili na gamitin Ko? Hindi ba ito ang realidad na Aking hinihingi? …” Kasama din sa mga iyon ang mga payo at pagpapanatag ng Diyos para sa tao: “Subalit hinihingi Ko na huwag na kayong mabigatan pa sa mga pagdududa, na maging aktibo kayo sa inyong pagpasok at intindihin ang pinakamalalalim na kalaliman ng Aking mga salita. Pipigilan kayo nito na magkamali sa pag-unawa sa Aking mga salita, at malabuan sa ibig Kong sabihin, at sa gayon ay lumabag sa Aking mga atas administratibo.” Sa huli, nagsasalita ang Diyos tungkol sa Kanyang mga inaasam para sa tao: “Sana ay naiintindihan ninyo ang Aking mga layunin para sa inyo sa Aking mga salita. Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong mga pag-asam, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasya sa Aking harapan na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng bagay.” Ang huling katanungan ay may malalim na kahulugan. Pinag-iisip nito ang tao, tumitimo ito sa puso ng mga tao at mahirap kalimutan, walang-tigil na umaalingawngaw, gaya ng isang kampanang malapit sa kanilang mga tainga …
Ang nasa itaas ay ilan sa mga salita ng paliwanag para magamit mo bilang sanggunian.